“Tula ng Kamatayan,” ni Jumah al Dossari

Salin ng tulang “Death Poem” ni Jumah al Dossari ng Bahrain.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tula ng Kamatayan

Kunin mo ang aking dugo.
Kunin mo ang aking mortaha
at ang mga labî ng aking katawan.
Retratohan ang bangkay ko sa libingan
nang nagdadalamhati.

Ipabatid sa mundo ang mga larawan,
sa mga hukom at sa mga tao na may konsiyensiya,
ipadala yaon sa mga may prinsipyo’t makatarungan.

At hayaan silang pasanin ang kasalanan sa harap
ng daigdig, dulot ng inosenteng kaluluwang ito.
Hayaan silang magdusa sa harap ng mga bata
at sa harap ng kasaysayan,
ukol sa nawasak at dalisay na kaluluwa,
ukol sa kaluluwang ito na nagdusa sa mga palad
ng “mga taliba ng kapayapaan.”

 

Pakinggan ang tulasa bersiyong Ingles sa https://www.uipress.uiowa.edu/sites/uipress/files/pfg-03-death-poem.mp3

Lamanlupa, ni Aloysius Bertrand

salin ng “Scarbo” ni Aloysius Bertrand ng France.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Lamanlupa

“Panginoon ko, sa oras ng aking kamatayan, ibigay sa akin ang mga dasal ng pari, ang linong sudaryo, ang ataul na pino, at maayos, tuyot na pook.”

Mga Ama Namin ng Heneral

“Mamatay ka mang pinatawad o isinumpa,” bulong ng Tiyanak sa tainga ko nang gabing iyon, “ang sudaryo mo’y magiging sápot, at ibibilot ko sa iyo ang gagamba!”

“Hayaan mo naman,” sabat ko, habang namumula ang mga mata sa kaiiyak, “na ang maging balabal ko’y nangangatal na dahong ang lundo’y iduduyan ng dayaray ng lawa.”

“Hindi!” singhal ng nang-uuyam na tiyanak, “magiging pakain ka sa uwang na gumagapang pagsapit ng takipsilim upang manghuli ng mga bangaw na binulag ng papalubog na araw!”

Napahagulgol ako’t lumuha nang labis, saka tumugon nang mapait: “Marahil ay higit na ibig mo ang tarantulang kasinghaba ng trompa ng elepante ang pangil na sasaid sa akin.”

“Palubagin mo ang iyong sarili,” singit niya, “dahil ang magiging kumot mo’y ang batikan at ginintuang balát ng ahas, na ibabálot ko sa iyo gaya sa ibang binurong bangkay.”

“At mula sa madilim na kripta ni San Benigno, ililibing ka namin nang patayo at nakasingit sa isang pader, upang marinig mo nang buong lugod ang iyakan ng mga munting bata sa Limbo.”

 

Mga Tala

[1] Tumutukoy ang San Benigno sa matandang monasteryo sa bayan ng Djon, Burgundy sa France.
[2] Ginamit sa salin ang panumbas na “lamanlupa” sa “Scarbo” na isang munting demonyo o kawaksi ni Satanas.

Simbahan at Mga Hulagway

Makapangyarihang íkon ang simbahan sa Filipinas, sapagkat ito ang tagpuan ng mga panalangin, pananampalataya, pagsisisi, at pasasalamat  mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Simbahan ang naghatid ng kaapihan sa kapuluan, ngunit simbahan din ang magsisilang ng luklukan ng pamahalaang nagsasarili at lumaya mula sa kaalipnan. Pinaghihilom ng simbahan ang kirot ng damdamin, at sa ilang pagkakataon, ay mahimalang gumagamot sa pisikal at sikolohikong sakit ng mga deboto. Ginawang imortal ng makatang Florentino T. Collantes ang “Lumang Simbahan,” at ang simbahang ito ay makapaglalapit sa langit at lupa, at ang pagmamahal ay hahamakin kahit ang libingan, matamo lamang ang itinitibok ng kalooban [Mga kuhang retrato ni Bobby Añonuevo © 2012].

Daan sa kalangitan.Simbahan ng Barasoain [Baraswain].Kampanaryo ng Barasoain.Hari ng mga Api.Pananampalataya sa kalayaan.Tanaw.Krus na daan.

Isang Panahon sa Impiyerno, ni Arthur Rimbaud

salin ng “Une Saison en Enfer” ni Arthur Rimbaud mula sa Pranses.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

ISANG PANAHON SA IMPIYERNO

Kangina lamang, kung tama ang pagkakatanda ko, ang buhay ko’y mahabang pagsasaya na bukás  ang lahat ng puso at umaagos ang lahat ng alak.

Isang gabi, ikinandong ko ang Kagandahan.—At natuklasan ko siyang nakaiinis.—At dinahas ko siya.

Pinatatag ko ang sarili laban sa katarungan.

Tumakbo ako. O mga mangkukulam, O kalungkutan, O hinanakit, lahat ng aking yaman ay naisalin sa inyo!

Sinikap kong pawiin ang bawat bakás ng makataong pag-asa mula sa aking isip. Sinaklaw ko ang bawat kasiyahan gaya ng mabangis na hayop na sabik yaong saklutin.

Tinawag ko ang mga berdugo, upang habang naghihingalo, ay malasap ko ang dulong tatangnan ng kanilang mga riple. Tinawag ko ang mga salot upang supalpalin ako ng buhangin, ng dugo. Diyos ko ang kamalasan. Naglunoy ako sa putikan. Nagbilad ako sa simoy ng krimen. At pabirong nanlinlang ng kabaliwan.

At ang Tagsibol ay humalakhak nang nakasisindak na parang hangal.

Kamakailan, nang matanto kong nasa bingit ako ng pangwakas na palahaw, naisip kong hanapin muli ang susi sa sinaunang kasiyahang katatagpuan ng gana.

Susi ang kawanggawa.—At patunay ang inspirasyong ito na nangangarap lamang ako.

“Mananatili kang yena, at iba pa. . . ” singhal ng demonyo na pinutungan ako ng marikit na korona ng amapola. “Tamuhin ang kamatayan nang sukdulan ang gana, ang kasakiman, ang lahat ng kasalanang mortal!”

Ay! dinanas ko na ang lahat ng iyan:— Ngunit mahal na Satanas, nagsusumamo ako na pabawahin ang nanlilisik na paningin! At habang hinihintay ang pagsapit ng bagong munting dungông kilos, yamang hangad mo ang kawalan ng masinop na paglalarawan o ang gasgas na pagtuturo ng manunulat, hayaan mong punitin ko ang ilang nakahihindik na pahina mula sa aking kuwaderno ng kaluluwang isinumpa.

Grabado ni Gustave Dore para sa "Naglahong Paraiso" ni John Milton.

Grabado ni Gustave Dore para sa "Naglahong Paraiso" ni John Milton.

Talinghaga ng Kabutihan ni Oscar Wilde

Dalawang tulang tuluyan ni Oscar Wilde
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG GUMAGAWA NG MABUTI

Takipsilim na at nag-iisa Siya.

At natanaw Niya sa malayo ang mga pader ng pabilog na lungsod at dumako paparoon.

At nang Siya’y malapit na, narinig Niya sa loob ng lungsod ang indak ng mga paa ng tuwa, at ang halakhak ng bibig ng kasiyahan, at ang ingay ng maraming laúd. Kumatok Siya sa tarangkahan at tiwalang ang mga taliba ang nagbukas sa Kaniya.

At sinipat Niya ang bahay na yari sa marmol na may mga haliging parisukat sa harap. Ang mga haligi’y kinuwintasan ng mga bulaklak, at sa loob at labas ay may mga sedrong sulo. At pumasok Siya sa bahay.

At nang nilandas niya ang bulwagan ng kalsedonya at ang bulwagan ng haspe, at nakarating sa mahabang bulwagan ng pista, nakita Niyang nakahiga sa lilang kutson ang lalaking may korona ng mga pulang rosas at ang labi’y pinapula ng alak.

At nagtungo Siya sa likuran nito at tinapik ang balikat, saka winika sa lalaki, “Bakit ka namumuhay nang ganito?”

At lumingon ang kabataang lalaki at nakilala Siya, at sumagot, “Ketongin ako dati at pinagaling mo ako. Paano ba ako dapat mamuhay?”

At nilisan Niya ang bahay at muling naglagalag sa lansangan.

At hindi naglaon ay nasilayan Niya ang mukha at damit na pawang pinintahan at ang mga paang may galang ng mga perlas. At sa likod ng babae’y dumating nang marahan, gaya ng mangangaso, ang binatang nakabalabal ng dalawang kulay. Kasingrikit ng mukha ng idolo ang mukha ng dilag, at ang mga mata ng kabataang lalaki’y kumikislap sa pagnanasa.

At mabilis Niyang sinundan at hinawakan ang kamay ng kabataang lalaki at nagwika, “Bakit mo tinititigan ang babaeng ito at sa gayong katusong paraan?”

At lumingon ang binata at nakilala Siya at nagsabing, “Ngunit dati akong bulag, at binigyan mo ako ng paningin. Ano pa ang dapat kong tingnan?”

At tumakbo Siya nang pasulong, at hinipo ang pinintahang kasuotan ng babae at winika sa kaniya, “Wala na bang ibang landas na malalakaran bukod sa landas ng kasalanan?”

At napalingon ang babae at nakilala Siya, at tumawa saka nagsabing, “Ngunit pinatawad mo ang aking mga kasalanan, at ang daan ay daan ng kaluguran.”

At lumabas Siya sa lungsod.

At nang makalabas siya palayo ng lungsod ay nakita Niya ang kabataang lalaking nakaupo sa gilid ng lansangan at humahagulgol.

At nilapitan Niya ang kabataan at hinaplos ang mahahabang buhok nito at nagwika, “Bakit ka umiiyak?”

At tumingala ang kabataang lalaki at nakilala Siya, at sumagot, “Ngunit namatay na ako noon, at ikaw ang bumuhay muli sa akin. Ano pa ang dapat kong gawin kundi humagulgol?”

ALAGAD NG SINING

Sumapit sa kaniyang kaluluwa isang gabi ang mithing lumikha ng hulagway ng ANG KALUGURANG NANANATILI NANG SANDALI. At ginalugad niya ang daigdig upang maghanap ng bronse. Dahil tanging sa bronse lamang siya nakapag-iisip.

Ngunit naglaho ang lahat ng bronse sa buong daigdig, at walang matagpuang bronse saanmang sulok, maliban sa imaheng bronse ng ANG DALAMHATING UMIIRAL MAGPAKAILANMAN.

Kinuha niya ang naturang hulagway, at sa kaniyang mga kamay ay hinubog, at inilagay sa libingan ng minahal niya sa tanang buhay. Sa libingan ng patay na bagay na kaniyang pinakamamahal, lumikha siya ng hulagway ayon sa kaniyang  guniguni, upang maging sagisag ng pag-ibig ng tao na hindi mamamatay, at maging sagisag ng dalamhati ng tao na mabubuhay magpakailanman. At sa buong daigdig ay wala nang iba pang bronse kundi ang bronse ng hulagway na ito.

At kinuha niya ang hulagway na kaniyang hinubog, at ipinatong sa malaking siga, at ipinaubaya sa lagablab ng apoy.

At mula sa imaheng bronse ng ANG DALAMHATING UMIIRAL MAGPAKAILANMAN ay nilikha niya ang hulagway ng ANG KALUGURANG NANANATILI NANG SANDALI.

Maria Magdalena. Pintura ni Francesco Hayez.

Maria Magdalena. Pintura ni Francesco Hayez. Dominyo ng publiko.

“Adan” ni Federico García Lorca

Halaw at salin ng tulang “Adam” ni Federico García Lorca mula sa Espanyol
Halaw at salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Adan

Tigmak sa dugo ng punongkahoy itong umaga
Na ang babaeng bagong panganak ay umuungol.
Ang tinig niya’y bubog sa sugat na umaantak,
At sa bintana’y anyo ng butong sala-salansan.

Sibat ng sinag ay nagtitindig at humahamig
Ng puting hangga nitong pabula na lumilimot
Sa nagtatagis na mga ugat na kumakampay
Tungo sa lilim ng dambuhalang punong mansanas.

Napapangarap ni Adan yaong sinat ng luad
Ng batang paslit na dumarating, patalon-talon
Sa kambal pitlag ng kanyang pisnging mamula-mula.

Ngunit ang Adan na sadyang itim ay nanaginip
Ng buwang patas na walang buto ang mga bato
Na magliliyab ang batang sinag nang walang humpay.

Federico García Lorca