Karimlan sa dulong buwan ng taon, ni Ah Bahm

Salin ng “H’uayah Yaab T’kaal Kin Eek” ni Ah Bahm, batay sa bersiyon ni John Curl
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Karimlan sa dulong buwan ng taon

Ito ang mga araw ng pag-iyak,
ang mga araw ng kasamaan.
Lumaya ang demonyo,
nabuksan ang impiyerno,
walang natirang kabutihan
bagkus kasamaan,
dalamhati, gulo, at hiyawan.
Lumipas ang buong taon,
ang taon na ibinibilang dito.

Dumating ang buwan
na walang ngalan ang mga araw,
Ang makikirot na araw,
Ang mga halimaw araw,
Ang maiitim na araw.

Ang maririkit, sumisinag na mata
ni Hunabku para sa kaniyang
makalupang mga anak
ay hindi pa sumasapit,
dahil ang mga pagkakasala
ng lahat ng tao sa sangkalupaan
ay ganap na titimbangin:
Lalaki at babae, bata at matanda,
mayaman at mahirap, paham
at mangmang;
Punong Ulupong, komisyoner,
gobernador, kapitan, babaylan,
mga konsehal, alguwasil.
Lahat ng pagkakasala ng tao
ay titimbangin sa mga araw na ito;
dahil darating ang panahon
na ang ganitong mga araw
ay magtatakda ng wakas ng daigdig.

Sanhi ng mga pangyayaring ito,
huhusgahan ang mga kasalanan
ng tao sa daigdig.
Sa dambuhalang sisidlang kristal
na likha sa luad ng mga anay,
titipunin ni Hunabku
ang mga luha mula sa lumasap
ng mga kasamaan sa daigdig.
At kapag napuno na ang sisidlan,
magwawakas na ang lahat.

building chateau stone monument tower pyramid castle ancient landmark fortification ruin mayan archaeology temple mexico ruins civilization archeology mexican maya yucatan archaeological archaeological site historic site ancient history maya civilization

Sinaunang Kawikaan mula sa Laos

Kung paano dapat mamuhay

Mamuhay kapiling ang mga buwitre
At ikaw ay tiyak magiging buwitre;
Mamuhay kapiling yaong mga uwak
At ikaw, kapatid, ay magiging uwak.

Hango sa Guru Dictionary (2015), Mga Kawikaang Laotian. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

 

Mga buwitre.

Mga buwitre. Dominyo ng publiko.

Talinghaga ng Kabutihan ni Oscar Wilde

Dalawang tulang tuluyan ni Oscar Wilde
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG GUMAGAWA NG MABUTI

Takipsilim na at nag-iisa Siya.

At natanaw Niya sa malayo ang mga pader ng pabilog na lungsod at dumako paparoon.

At nang Siya’y malapit na, narinig Niya sa loob ng lungsod ang indak ng mga paa ng tuwa, at ang halakhak ng bibig ng kasiyahan, at ang ingay ng maraming laúd. Kumatok Siya sa tarangkahan at tiwalang ang mga taliba ang nagbukas sa Kaniya.

At sinipat Niya ang bahay na yari sa marmol na may mga haliging parisukat sa harap. Ang mga haligi’y kinuwintasan ng mga bulaklak, at sa loob at labas ay may mga sedrong sulo. At pumasok Siya sa bahay.

At nang nilandas niya ang bulwagan ng kalsedonya at ang bulwagan ng haspe, at nakarating sa mahabang bulwagan ng pista, nakita Niyang nakahiga sa lilang kutson ang lalaking may korona ng mga pulang rosas at ang labi’y pinapula ng alak.

At nagtungo Siya sa likuran nito at tinapik ang balikat, saka winika sa lalaki, “Bakit ka namumuhay nang ganito?”

At lumingon ang kabataang lalaki at nakilala Siya, at sumagot, “Ketongin ako dati at pinagaling mo ako. Paano ba ako dapat mamuhay?”

At nilisan Niya ang bahay at muling naglagalag sa lansangan.

At hindi naglaon ay nasilayan Niya ang mukha at damit na pawang pinintahan at ang mga paang may galang ng mga perlas. At sa likod ng babae’y dumating nang marahan, gaya ng mangangaso, ang binatang nakabalabal ng dalawang kulay. Kasingrikit ng mukha ng idolo ang mukha ng dilag, at ang mga mata ng kabataang lalaki’y kumikislap sa pagnanasa.

At mabilis Niyang sinundan at hinawakan ang kamay ng kabataang lalaki at nagwika, “Bakit mo tinititigan ang babaeng ito at sa gayong katusong paraan?”

At lumingon ang binata at nakilala Siya at nagsabing, “Ngunit dati akong bulag, at binigyan mo ako ng paningin. Ano pa ang dapat kong tingnan?”

At tumakbo Siya nang pasulong, at hinipo ang pinintahang kasuotan ng babae at winika sa kaniya, “Wala na bang ibang landas na malalakaran bukod sa landas ng kasalanan?”

At napalingon ang babae at nakilala Siya, at tumawa saka nagsabing, “Ngunit pinatawad mo ang aking mga kasalanan, at ang daan ay daan ng kaluguran.”

At lumabas Siya sa lungsod.

At nang makalabas siya palayo ng lungsod ay nakita Niya ang kabataang lalaking nakaupo sa gilid ng lansangan at humahagulgol.

At nilapitan Niya ang kabataan at hinaplos ang mahahabang buhok nito at nagwika, “Bakit ka umiiyak?”

At tumingala ang kabataang lalaki at nakilala Siya, at sumagot, “Ngunit namatay na ako noon, at ikaw ang bumuhay muli sa akin. Ano pa ang dapat kong gawin kundi humagulgol?”

ALAGAD NG SINING

Sumapit sa kaniyang kaluluwa isang gabi ang mithing lumikha ng hulagway ng ANG KALUGURANG NANANATILI NANG SANDALI. At ginalugad niya ang daigdig upang maghanap ng bronse. Dahil tanging sa bronse lamang siya nakapag-iisip.

Ngunit naglaho ang lahat ng bronse sa buong daigdig, at walang matagpuang bronse saanmang sulok, maliban sa imaheng bronse ng ANG DALAMHATING UMIIRAL MAGPAKAILANMAN.

Kinuha niya ang naturang hulagway, at sa kaniyang mga kamay ay hinubog, at inilagay sa libingan ng minahal niya sa tanang buhay. Sa libingan ng patay na bagay na kaniyang pinakamamahal, lumikha siya ng hulagway ayon sa kaniyang  guniguni, upang maging sagisag ng pag-ibig ng tao na hindi mamamatay, at maging sagisag ng dalamhati ng tao na mabubuhay magpakailanman. At sa buong daigdig ay wala nang iba pang bronse kundi ang bronse ng hulagway na ito.

At kinuha niya ang hulagway na kaniyang hinubog, at ipinatong sa malaking siga, at ipinaubaya sa lagablab ng apoy.

At mula sa imaheng bronse ng ANG DALAMHATING UMIIRAL MAGPAKAILANMAN ay nilikha niya ang hulagway ng ANG KALUGURANG NANANATILI NANG SANDALI.

Maria Magdalena. Pintura ni Francesco Hayez.

Maria Magdalena. Pintura ni Francesco Hayez. Dominyo ng publiko.

Dila

DILA

Ituturing kang pitho na makasisilip sa pinto ng sasapit na kabutihan o kapahamakan sa buong daigdig. Lalabas ka sa iyong yungib para tikman ang simoy, at lasahan ang pagkain, patalim,  o lason sa atas ng kaluguran o kalooban. Magluluwal ka ng mga salita, mga salitang gagapang, lalangoy, lalakad, lilipad upang maghasik ng salot, digma, hirap, gutom nang maitampok ang nanlilimahid na pag-asa. Alam mo ang wika ng Maykapal at ang wika ng Ulupong. Batid mo rin ang wika ng kabiyak, at kung siya’y sisigaw, ihahaka mong isinisigaw niya ang iyong kariktan kung hindi man ang sinaunang kasinungalingan, habang nakakumot kayo ng makapal na ulop at nagtatalik sa kutson ng mga dahon.

Ahas, retrato mula sa pdphoto.org