Matututuhan ng Magkasintahan, ni Cirilo F. Bautista

Salin ng “Lovers Learn,” ni Cirilo F. Bautista ng Filipinas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Matútutúhan ng Magkásintáhan

(para kay Arlene Babst)

Matútutúhan sa maláo’t madalî ng magkásintáhan
ang mapangánib na heograpíya ng pag-íbig
yámang ang síning ng págmamahál ay nakáraráos
úpang ipaliwánag ang intríga ng kirót ng loób,
ang tuwâng ni hindî kailanmán malilímot.
Mga karagatán, madidilím na bundók at halamanán,
mga ílog na hitík sa isdâ, mga ílog na walâng lamán
gáya ng pangárap—
pinupunô nitó ang mga puwáng sa mga mápa
ng mágsing-írog, naglalátag ng marikít na gayúma
at mabalásik na bítag.

Pinipigâ ng paglalakbáy ang pusò at kasarián
dáhil káyang sunúgin ng áraw ang mga damuhán,
at káyang lapátan ng mga kúlay ang kahuyán,
ngúnit ang túnay na pag-íbig ay naglalákbay at bulág
sa pahiwátig at pelígrong bumabaón sa ulirát,
nagpapatúloy itó at sumusúlong, hindî umíiyák
at nagpapatúloy, sumusúlong, lumalagô, tumatatág.

Advertisements

“Natatanging Babae,” ni Maya Angelou

Salin ng “Phenomenal Woman,” ni Maya Angelou ng United States of America.
Salin eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Natatanging Babae

Nagtataká ang magagandang babae kung nahan ang aking lihim.
Hindi ako kyut o may katawang kasukat ng fashonistang modelo.
Ngunit kapag nagsimula akong magsalita sa kanila,
Akala nila’y nagsisinungaling lámang ako.
Sasabihin ko,
Naroon ang lihim sa abót ng aking mga kamay,
Sa lapad ng aking balakang,
Sa imbay ng aking hakbang,
Sa hubog ng aking labì.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Pumapasok ako sa silid
Nang panatag ayon sa ibig mo,
At sa isang lalaki,
Ang mga kasama niya’y tumitindig
O lumuluhod
At pinalilibutan nila ako,
Gaya ng pugad ng mga pukyot.
Sasabihin ko,
Naroon sa alab ng aking mga mata,
At sa kislap ng aking mga ngipin,
At sa kembot ng aking baywang,
At sa tuwa ng aking mga paa.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Humahangà ang mga lalaki
Kung ano ang nakikita nila sa akin.
Labis silang nagsisikap
Ngunit hindi nila mahipò
Ang hiwaga ng aking kalooban.
Kapag sinubok kong ipakita sa kanila,
Sasabihin nilang hindi pa rin nila makita.
Sasabihin ko,
Naroon sa arko ng aking likod,
Sa araw ng aking ngiti,
Sa taglay ng aking dibdib,
Sa yumi ng aking estilo.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Ngayon mo mauunawaan
Kung bakit hindi yumuyukod ang aking ulo.
Hindi ko kailangang sumigaw o magtatalón
O magsalita nang malakas.
Kapag nasilayan mo akong nagdaraan,
Dapat mong ipagmalaki iyon.
Sasabihin ko,
Naroon sa lagitik ng aking takong,
Sa kulot ng aking buhok,
Sa palad ng aking kamay,
Sa pangangailangan para sa aking kalinga.
Dahil ako’y babae
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Fenix, ni Ijeoma Umebinyuo

Salin ng “Phoenix” ni Ijeoma Umebinyuo ng Nigeria.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Fenix

Ijeoma Umebinyuo

Isang araw,
Magsasawà ang iyong butó
Sa mga lalaking
Tumatangging sumamba sa Diyos na taglay mo.

At sa araw na iyon,
Hihiwain mo ang iyong kaluluwa
O kaya’y patatatagin ang diwa
Para iwan ang sinumang lalaki
Na tinanggihan kang tawaging
Banal.

Tandaan
Kung paanong pinainit ng ina mo ang kaniyang
Mga buto sa mga gabing malayo ang ama mo.

Kayâ,
Huwag umibig sa lalaking pinanatili kang
Kasiping ang unan sa napakaraming magdamag.

Lumayô
Sa mga lalaking binabalatan ang ibang babae,
at pinipilit kang isuot ang balát ng iba.

Tandaan kung paanong nakibaka ang ina mo
Para matagpuan ang balát niya sa talaksan.

Huwag
Kaskasin ang iyong mga salita para pabawahin
Ang kirot, o kuskusin ang sarili sa labis na hiya.

Huwag
Lunurin ang sarili sa lalaki.

Iiwan ka niyang sisinghap-singhap.

Puri, ni Ribka Sibhatu

Salin ng tulang tuluyang “Verginità” ni Ribka Sibhatu mula sa Eritrea.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Napakahalaga sa paningin ng magiging esposa ang kaniyang birhinidad. Sa aming tradisyon, kapag ang ikakasal na babae’y hindi na birhen, isang araw pagkalipas ng kaniyang kasal ay ibinabalik namin siya sa tahanan ng kaniyang magulang, habang nakasuot ng woncio, at nakasakay sa likod ng buriko. Itinuturing iyon na pagkayurak ng dangal ng buong pamilya. Noong panahon ng digma, tumatakas ang mga tao mulang kalungsuran tungong kanayunan. Kailangan mong magsakripisyo upang makaangkop, gaya ng pagpapasan ng dalawampung litro ng tubig, kahit na ang balón ay dalawampung kilometro ang layo ng pinag-iigiban. Noong 1981, naging bakwet ako sa Adi Hamuscté, may dalawampung kilometro ang layo mula sa Asmara. Dumating isang hápon ang makisig na kabataan at apat na matandang lalaki at nagtungo sa bahay na aking tinutuluyan, at ipinaliwanag na ang binatang ngayon ko lamang nakita ay nais akong pakasalan. Kamakalawa, ani binata, ay minalas siyang matuklasan na hindi na básal ang kaniyang esposa. Kung papayag ang aking ama, at tatanggihan ko ang kanilang panukala, itataya ko ang sarili na magpakasal, o kung hindi’y isusumpa ng aking ama. Ang sumpa ng magulang ang kinasisindakan ng sinumang anak. Biglang sumilang sa aking diwa ang ganito: ihayag na ako mismo’y nakaranas mayurakan ang puri! Hahayaan ko na kayong isaharaya ang reaksiyon ng aking ama, na sa paningin ng pamayanan, ay nadungisan ang dangal. Tumalikod at tahimik na lumakad palayo sa aming bahay ang binata upang ipagpatuloy ang paghahanap ng isang birhen.

Ang Hilig ng mga Lalaki

Salin ng tulang “What Men Want” ni Laura McCullough
Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG HILIG NG MGA LALAKI

Hindi naman ito misteryo. Tsupain lamang.
Kausapin ang sinumang lalaki na maluwag
magkukuwento sa iyo ng mga usapang barako,
at aamin siya. Kainin. Tsupain siya.
Makipaghuntahan sa aling pangkat ng babae
at kukumpirmahin nila ang katotohanan.
Pagkatapos sumang-ayon, magbibiro sila
hinggil sa pagkaubos ng dugo sa utak,
at aastang nakaamoy ng mga bayag na hindi
lamang angkin ng mga lalaki. Makipag-usap
sa mga lalaki nang mag-isa, o may kapares;
magiging tapat sila, at waring magugulat,
at pabulong na magwiwika para maglingid.

Ang binatilyong isinusupot ang iyong pinamili,
ang matandang lalaking naghahatid ng pizzang
hindi mo na kayang iluto, ang kabataang kawal
na galing sa Iraq at kuyom ang kaniyang betlog,
ang anak na lalaki ng iyong kapitbahay
na sabik sumama hangga’t makakaya niya:
ngitian sila, anuman ang kanilang sabihin
hinggil sa mga anyo ng ngiti at panunupil.
Hipuin sila, at kung makalulusot ka,
halikan sila, halikan nang halikan silang lahat,
magpaalam, mangumusta, sa lahat ng publikong
pagtitipon na libre ang beso-beso, at bumulong
ng mga salitang hindi ginagamit na hudyat
sa kanilang mga kapisanan sa mga kahuyan.
Magsimula sa salitang misteryo. Huwag huminto.

"Pagpapalayas kina Eba at Adan sa Paraiso," ni Paul Gustave Doré

"Pagpapalayas kina Eba at Adan sa Paraiso," ni Paul Gustave Doré

The Joke

Isang uri ng sining ang pagpapatawa, at ang pagpapatawa ay maaaring isang anyo ng pang-uuyam, panlilibak, pagkutya, at pagtuligsa sa pinatutungkulan. Tumatalab ang pagpapatawa dahil maaaring ang mga ginagamit na salita, sagisag, kilos, at pagpapahiwatig ay batid ng kapuwa nagpapatawa at ng mga tao na nakikinig at nonoood o nagbabasa. Kinakasangkapan ng pagpapatawa ang taktika ng pagbanda, kung hihiramin ang termino sa bilyar, at humahamon sa guniguni at isip ng mga sumasagap nito. Ang ligoy ang nagpapagaan ng banat na taglay ng biro, na isinasakatawan ng kawikaang, “Hinampas ang kalabaw, sa kabayo ang latay.”

Isang mababaw na uri ng pagpapatawa ang karaniwang paggagad lamang sa isang bagay, at ito ang malimit mapanood sa telebisyon at kasangkapanin ni Michael V. at kapanalig. Halimbawa, ang anunsiyo ng isang produktong sabon ay binabago ang pangalan at pag-arte ng mga tauhan, na lalahukan ng mga salitaang bakla o kung anong kabalbalan. Sa ganitong paraan, tinatangka ng nagpapatawa na kilitiin ang manonood tungo sa isang bagay o kabatiran na alam na niya ngunit inuulit lamang na parang sirang plaka. Paraan ito ng pagpapamalay na de-kahon, habang nagkukubli ng promosyon ng produkto, at humahangga ang pahiwatig tungo sa kubeta.

May pagpapatawa na layong manlibak, mangutya, at manuligsa, at ang nagpapatawa ay lumulugar sa posisyong nasa mababa upang yanigin ang poder ng makapangyarihan. Maihahalimbawa rito ang mga patawa ni Pilandok hinggil sa datu, o ang iba pang kuwentong kutsero, na humahatak para gisingin ang mga mambabasa mula sa kapanatagan at tahimik na pagtanggap. Ngunit may mga patawa na nasa posisyong pumapabor sa nakatataas laban sa pinaghanguan ng patawa o biro upang gawing lehitimo ang ugnayan ng mga kapangyarihan. Sa ganitong laro ng kapangyarihan, ang mga pinatutungkulan ng biro ay mababang uri na maaaring sipatin nang mapanlahat at mapansaklaw, kahit na ang biro ay walang katotohanan alinsunod sa lohika. Isang halimbawa ang biro ni Alec Baldwin hinggil sa Filipina Mail Order Bride doon sa palabas ni David Letterman.

Tinitingki ni Baldwin ang isang katotohanan sa lipunang Filipino, at ito ay may kaugnayan sa mga Filipina na nakikipagsapalaran sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan upang pagkaraan ay maganap ang kasalan, o kung hindi man, ay relasyong seksuwal. Pinalilitaw ng gayong sistema ang Filipina bilang kasangkasapan at produkto na maaaring tumbasan ng salapi at gamitin ng kung sinong masalapi o makapangyarihan. Bagaman makatotohanan nang bahagya ang biro ni Baldwin, tumitindi iyon dahil sa relasyon ng mga kapangyarihan, at ang imahen ng Filipina ay inilalagay sa isang kahon na para bang ang lahat ng Filipina ay produkto na magagamit ng mga Amerikano, kumikilos na parang robotikong nilalang, at handang magpakantot anumang oras para pagparausan ng libog o sama ng loob.

Ang pananaw ni Baldwin ay hindi nalalayo sa iba pang nasyonalidad na inaakala na gayon kadaling makakuha ng asawang Filipina. Isang order lamang, at presto, maihahatid na sa iyong tahanan ang babae. Nagkakaroon ng lakas ng loob ang gaya ni Baldwin na magpatutsada sa mga Filipina dahil ang pagpapakilala at pagpapahalaga hinggil sa babae at sex ay hinihigit at ginagawang lehitimo ng makabagong midya, gaya ng internet, bukod sa mga pahayagan, magasin, aklat, at iba pang babasahin. Ang pananaw ay nagmumula sa mga dayuhan batay sa mga hinuha o maling akala, at pinalulusot ng ating pamahalaan at iba pang sangay ng lipunan, kaya nagmumukhang ordinaryo na lamang ang gayong pangyayari. Ang pag-uulit-ulit ng mga baluktot na kuwento at propaganda hinggil sa Filipina ay nagiging totoo o katanggap-tanggap habang tumatagal, sa bisa ng makapangyarihang meme.

Masakit man ang patutsada ay hindi lamang dapat mauwi sa mapanuligsang tugon at protesta ang lahat upang yanigin sina Baldwin at Letterman, sampu ng kanilang manonood. Kailangan nating tingnan bilang mga Filipino ang ating mga sarili, palawakin ang tanaw, magsumikap na lumikha araw-araw ng mga bagay na makapagpapabago ng larawan ng ating pagkamamamayan, pagkalahi, at pagkabansa. Nananatiling mababa ang pagtanaw sa mga Filipino dahil nananatiling nakapailalim ang iba pang maririkit at matatayog na katangian ng mga Filipino at iyon ang dapat matuklasan muli ng daigdig. Ang kinakailangan lamang ay ibunyag ang mga katangiang ito na bumubuo sa kolektibong pagtanaw ng kabayanihang mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan—na maaaring simulan nating mga Filipino sa samot-saring paraan o anggulo, gaya lamang ng pagsulat sa blog na ito.

Kasarian, Silakbo, at Kapangyarihan sa mga Kuwento ni Bienvenido A. Ramos

Hindi na mabubura sa mga pahina ng panitikang Filipino ang pangalang Bienvenido A. Ramos, at may kaugnayan ito sa kaniyang mga kuwentong pumapaksa sa kasarian, silakbo, at kapangyarihan na pawang nalathala sa Liwayway at iba pang magasing komersiyal.

Madidilim ang mga kuwento ni Ramos, ngunit ang gayong pangyayari’y nagkukubli lamang sa pagtatanggol ng puri, pagbawi ng dangal, at pagbangon mula sa pandurusta at kahirapan. Walang pangingimi ang mga kuwento sa paglalantad ng mga realistikong tagpo hinggil sa sex, na inuurirat ang gahasa, ang panggigipit na seksuwal, ang prostitusyon, ang walang direksiyong kalibugan, ang paggamit sa sex bilang instrumento ng kapangyarihan o pagbalikwas, o kaya’y ang pamumutol ng uten—sa punto de bista ng babae o lalaking tumitingin sa papel ng babae.

Halimbawa, sa kuwentong “Alipin,” ang parikala at siste ay maingat na ipapasok sa katauhan ng drayber na naibigan ng asawa ng politikong mahilig mambabae. Ang asawa ng politiko’y halos magsawa na sa paghabol sa kaniyang bana, at isang araw ay pagdidiskitahan ng babae ang drayber na nagkataong makisig, upang tighawin ang uhaw ng kalibugang taglay ng sinumang babaeng nasa rurok ng kasibulan. Magwawakas ang kuwento na parang nasa alapaap ang drayber, dahil hindi na siya itinuturing na karaniwang utusan na sinisigawan, bagkus tagapagbigay din ng aliw sa babaeng tigang na tigang sa kaniyang asawa. Ngunit higit sa lahat, hindi na alipin ang drayber bagkus isa nang panginoon, kahit sa larang ng sex.

Mahaba naman ang kuwentong “Ang Bulkan” na nalathala sa Sagisag noong 1980. Hinggil ito sa buhay at pakikipagsapalaran ni Tata Islaw, na isang magsasakang pinalayas sa kaniyang sinasakang lupain doon sa Bulakan, kinutyang duwag kung hindi man dungo ng kadugo, at lumipat sa bulubunduking Taal upang doon magsimula ng panibagong buhay sa piling ng itinanang babaeng ang dating ikinabubuhay ay pagbibili ng aliw. Darating ang sandali na puputok ang bulkan, at kasabay niyon ang pagkakatuklas ni Tata Islaw na siya’y kinakaliwa ng babae na naakit sa may-ari ng lupang sinasaka niya. Maghihiganti si Tata Islaw, papatayin ang magkalaguyo, ngunit sa wakas ay tatabunan din siya ng abo at kumukulong putik mula sa nagngangalit na bulkan. Ang parikala ng bulkan ay magsisimula sa pisikal na bulkan at magwawakas sa nagbubulkang kalooban ni Tata Islaw, ngunit taliwas sa inaasahan, walang pagliligtas ang matatagpuan sa pagsabog ng poot o bulkan. Lahat ay namamatay, at nababago ang heograpiya ng ugnayan ng mga uri sa lipunan.

Ang pagpapahalaga sa lupa ay mababanaagan din sa “Lupang Pinagbaunan ng Inunan,” na ang melodramatikong rendisyon ay pangtelenobela. Nagtungo sa Estados Unidos si Raul, upang makipagsapalaran at baguhin ang buhay, iiwan ang kaniyang kababatang si Minda, at magbabantulot na umuwi sa sinilangang bayan. (Aangat ang estado ng kaalaman ni Raul, at maiiwan si Minda na nabigong maipagpatuloy ang pag-aaral dahil sa kahirapan.) Ngunit susulatan siya ni Minda, at padadalhan ng isang kuyom na lupa, upang ipaalala sa kaniya ang pinag-ugatan at pagmamahal nang taos. Ang ganitong pormula ng kuwento ay gagayahin ng iba pang manunulat ng Liwayway, at siyang dapat nang iwasan ng makabagong henerasyon.

Isa sa mga konseptong matingkad sa mga kuwento ni Ramos ay ang pagpapahalaga sa “dangal.”  Ang “dangal” ay maaaring sipatin sa antas ng pagkatao ng paralitikong bana na ang asawa’y napilitang magputa, at siyang isinalaysay sa “Uwak at Bangkay.” Ang dangal ay maisasalin sa larawan ng mahirap na pamilyang nag-alaga ng nakakawalang Doberman ng mag-asawang walang anak, na mababasa sa “Kahit Isang Hayop.” Ang dangal ay maikakabit sa pagsisikap na makabawi ng laos na aktres na naging puta at ipinahiwatig na nahawa ng HIV dahil sa pakikipagtalik sa kung sino-sinong lalaking banyaga. Ang konsepto ng dangal ay maaaring pabaligho ang rendisyon, gaya sa kuwentong “Si Baribot” na hinggil sa pagbabagong buhay ni Nick na nilustay ang kabataan sa bisyo at babae, ngunit nabigong maituwid ang pagkakamali dahil huli na ang lahat. Hindi linear ang pagsipat ng awtor sa dangal, at ang idinudulot nito sa tao ay hindi laging positibo dahil nasusugatan, nahihirapan, at namamatay sa iba’t ibang anyo ang mga tauhan.

Pambihira naman ang parikala sa kuwentong “Kamandag na Pangungulila” ni Ramos, na ang bana’y nangungulila sa kaniyang misis na dating titser na nagtungo sa ibang bansa upang magtrabaho bilang katulong o sex worker. Ang lalaki’y lulustayin ang padalang salapi ng kaniyang misis sa malimit na pagdalaw sa birhaws, mapapabayaan ang pangangailangan ng mga anak, at parang isinadula muli ang kasabihang mula sa “Mula sa alabok tungo sa alabok” ngunit sa ibang anggulo. Ang perang kinikita ng Ledylin (asawa) sa ibang bansa ay mula sa prostitusyon ng sarili na nauwi sa paglulustay ng kaniyang asawa para sa isang puta. Ang ganitong uri ng kuwento’y lumilitis sa uri ng kapangyarihang namamayani sa lipunan, at ang sex ay maaaring tingnan hindi lamang bilang instrumento ng kalibugan bagkus bilang intrumento sa pagkamit ng moral at ekonomikong estado sa buhay.

Nangingibabaw din ang poot sa ilang kuwento ni Ramos, at ito ang higit na nagbibigay-kulay sa mga pangyayari. Halimbawa, sa kuwentong “Ang Pangalan sa Lapida,” matutuklasan ni Rey ang suklam sa kaniya ng kaniyang ama nang ipagpagawa nito siya ng lapida kahit buhay pa, dahil sa ginawa nitong katarantaduhan, gaya ng pagtutulak ng droga at paglustay ng buhay sa iba’t ibang bisyo at bilangguan. Ngunit ang poot ay kaugnay ng sukdulang pagmamahal ng ama sa anak, at ito ang matutuklasan ni Rey sa dulo ng kuwento. Samantala, ang kuwentong “Sirang Lantsa, Alak, at Manggang Hilaw” ay nagsasalaysay naman ng poot ni Emma kay Estong Balila na gumahasa sa kaniyang anak. Ipapaubaya ni Emma kay Estong ang sarili upang sa bandang huli’y putulin ang uten ni Estong bilang pagganti sa niyurakang dangal ng kaniyang anak.

Bukod sa poot ay itatampok din ang konsepto ng “Kung ano ang itinanim ay siya mong aanihin.” Mababanggit dito ang rekruter ng mga manggagawang Filipino na ipinadadala sa iba’t ibang bansa at nakadanas ng mga pasakit dahil sa panloloko ng ahensiya, na sa bandang huli’y ang anak mismo ng rekruter ang palihim na mag-aaplay sa ibang ahensiya upang doon makipagsapalaran sa ibang bansa. Ang ganitong sipat sa “karma,” kung “karma” ngang matatawag at siyang batay sa pananaw ng Filipino, ay ipamamalas din sa gaya ng kuwentong “Katarungan,” na ang kurakot na piskal na nagpalaya sa mga adik na anak ng mayaman at maykapangyarihan ay ginantihan ng tadhana at ang kaniyang mismong anak na babae ay gagahasain ng mga adik pagdating ng araw. Maiuugnay din ang nasabing kuwento sa isa pang akda, ang “Ganti” na hinggil sa buhay ng huwes na ginagamit ang posisyon upang makaisa sa babaeng ang asawa’y kinasuhan ng pagpatay. Ngunit gagantihan pagkaraan ang huwes, lilinlangin ng babae, at puputulan ng ari, hanggang masira ang pangalan at doon ubusin ang natitirang panahon sa ibang bansa.

May kutob akong ang mga kuwentong binanggit ko rito ang isasama ni Mang Ben sa kaniyang bagong koleksiyon, at ilalathala ng isang tanyag na publikasyon sa Lungsod Quezon. Maganap nawa ito, at nang muling mabasa ng madla ang silakbo ng sining ng Bienvenido A. Ramos, na isa sa mga bantayog ng panitikang popular sa Filipinas magpahangga ngayon.