Wika ng Kariktan, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Kariktán

Roberto T. Añonuevo

Tumatayô ang magandá sa karaníwan, at itó ang matátagpûan mo sa hátag ng mga kakáibá. Ang magandá ay mánggagáya, na hinúhuwád, halímbawà, ang húni ng sábukót sa angkíng melodíya, kákabitán ng palámutîng mga nóta, máglalarô sa pariralà, kóntrapúnto, at téma, maláy na maláy sa simetríya, ngúnit ang halígi ay karaníwan, túlad sa mga aralín ni Bach o ni Kasilag. Sapagkát batíd ang úbod ng itínakdâng normál, ang magandá kapág pumások sa pandiníg at pumitlág sa loób at ikínabít sa kung anóng pahiwátig o ugát, ay nagíging siyám na pusò ng harì, ang harìng iníwan ang kaniyáng kumíkináng na palásyo úpang tahakín ang dalawámpû’t ápat na báyan at harapín ang papáratíng na hukbó ng mga banyagang mándirigmâ. Maninímdim ang harì sa kaniyáng paglálakbáy, sakáy man ng benáwa o élepánte; maiísip ang lahát ng láyaw at líbog na tinálikdán maipágtanggól lámang ang lupàng sinilángan, ang ságradong pananálig, ang laksâ-laksâng mamámayán. Sa kaniyáng pángungúlilà sanhî ng malayòng paglálakbáy, ang harì’y susúlat ng mga áwit, halímbawà, kung paáno siyá natigátig at napáhangà sa liblíb na náyon na kung tawágin ay Súpladang Maramdámin. Ngúnit ililíhim niyá kung paáno siyá nagpáyong ng kalaság at dasál nang umulán ng kamandág mulâ sa mga sumpít at palasó, o nagtagò sa ilálim ng mésa sámantálang yumáyaníg ang lupà sa lagabóg ng mga katawáng bumuwál sa larángan, hábang ang kaniyáng matátapát, mabábangís na hukbó ng mandírigmâ ay sinásagupà ang himpílan ng mga gusgúsing kaáway. Lálaktawán niyá ang détalye hinggíl sa pagsúnog sa mga kamálig at kuból, o sa pagláson sa mga balón, o sa páglapastángan sa mga babáe. Nang magíng talaksán ang mga bangkáy at magíng alípin ang mga bíhag, magpúpulásan kung saán-saán ang mga sindák na kaáway, iíwan ang kaniláng mga sandáta at kagámitán, at ang harì ay púpuríhin ang tagumpáy ng kaniyáng mga hukbó na warìng pagbúbuhát ng saríling tróno. Magbábalík sa kaniyáng guníguní ang hárem sa pálasyo, at siyá’y gisíng na gisíng na tandáng pára sa bágong salpúkan. Ngúnit bágo pa man makáuwî, makatátanggáp siyá ng umuúsok na balità at igúgupò ng panlúlumò, maráhil dáhil sa inggít o paníbughô, kung bákit ang mga bíhag ay higít na napábantóg, at itínanghál pang bayáni doón sa kaniláng báyan. Tumátayô ang magandá sa karaníwan, at ang karaníwan, na hinúhuwád túlad nitó, ay may estétikang silbí sa ánggulo ng tatsulók na ídeolohíya-míto-kasaysáyan.

Alimbúkad: Epic unstoppable poetry beyond Filipinas. Photo by Gantas Vaiu010diulu0117nas on Pexels.com

Kuwento ng Puting Elepante, ni Roberto T. Añonuevo

Kuwento ng Puting Elepante

ni Roberto T. Añonuevo

Lublúban ng gadyâ ang áking galák,
sínlamíg ng liwaywáy sa Bundók Tumatángis.

Lalò akóng natútuwâ kung katabí ka,
ikáw na kapíling ko noón pa man sa Jáva.

Ngúnit nang yumáo ka at nagtúngo kung saán,
mga bakás ng paá sa tumigás na pútik

ang áking dalámhatì.

Kay dilím ng bundók sa gitnâ ng tag-aráw.
Mawawásak ko ang sampûng gúbat
makíta ka lámang.

Walâ akóng silbí pára sa bagínda,
káhit isáng handóg pa mulâ sa mahárlika.

At káhit siyá’y pípilìing pawalán akó
sa iláng, palayàin túlad ng alípin
bágo mabingí sa nakarírindí kong atúngal.

May isáng bagáning haharáp sa ákin,
mga matá niyá’y palasó, at pusò’y
pinandáy na kampílan—

sapagkát íbig niyáng magíng kabiyák
ang dalágang anák ng ráha,
at nang tumahán ang Bundók Tumatángis.

Ligáya ko ang sumápit sa píling mo.
Alimbúkad: Epic unreal poetry in search of humanity. Photo by Roger Brown on Pexels.com

Ang Kuwento sa Ibayo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kúwento sa Ibáyo

Roberto T. Añonuevo

Lumundág ang matsíng papasók sa mga matá ng paslít, at nanáhan sa útak na sariwà at muslák, at pagkáraán ay maliksíng lumípat úpang matúlog kung hindî man magpáhinóg sa sikmurà. Ang matsíng, gáya ng désklasípikádong dókuménto, ay magígisíng sa takdâng panahón úpang lumabás sa bibíg, at kung isasálin sa intérsemyótikong paraán ay maglálakád sa anyô ng isáng vlog, pupúkaw na agáhan bílang balità sa paléngke o telébisyón, at mulîng magbábalík sa gabí bílang lagnát magdamág hábang pápalapít nang pápalapít ang halálang pándaigdíg. Maáarìng ang matsíng ay máryonéta ng bentríloko, ngúnit hindî itó madalîng arukín. Ang matsíng ay tátanggíng umáming siyá’y matsíng. Alám niyá ang halagá ng gunitâ, ang gunitâ ng tadhanà, at káhit ang ídentidád, wikà ngâ, ay kay dalîng palitán kung may minánang kulimbát mulâ sa amá ng kasaysáyan. Ang matsíng ay higít sa pagkámatsíng. Titígan kung paáno itó máglambítin sa mga himaymáy úpang palámbutín ang pusò, magpalípat-lípat sa lápay, bató, at atáy na pawàng ipinúpuslít sa madilím na mérkado, at magpasábog ng akláha na mágpipínid sa pandiníg ng mga dumánas masikíl ang karápatáng umíral. Ang kaniyáng talíno’y kumákapál na balahíbo, at kung magwikà’y nabúburá sa talâsalitâan ang katagâng “túso.” Sa áparáto ng éstado, ang matsíng ay pósibleng magíng mapágkandíling anák ng isínumpâng díktador, at hihímok sa bágong álon ng mga lóyalísta, úpang ang díktador ay hindî na tawágin pang díktador bagkús últimong gahúm, nag-iíwan ng maalwáng pangakò ng bágong katipúnan pára sa bágong lipúnan, at úpang ang anák ay hindî na kutyâing púta, bagkús itúring na púto bumbóng na pamatáy-gútom sa píling ng umáasóng kapéng bárako. Mag-íngat sa matsíng. Báka ang binabása mo, gáya níto, ay isáng sálamángka, at magbúlid sa iyó sa ibáng pláneta.

Alimbúkad: Epic unreal poetry questioning reality. Photo by jorien Stel on Pexels.com

Engkuwentro sa Lumang Paaralan, ni Roberto T. Añonuevo

Éngkuwéntro sa Lumàng Páaralán

Roberto T. Añonuevo

Paáno mágrebisá ng panahón? Naísip din maráhil íyan ng mga alilà ng kasaysáyan—mag-íimbénto ng pabangó at katwíran pára sa pinág-aágawáng podér, magpápasúlak ng saráy-saráy na sabwátan, magpúpundár ng ibá-ibá ngúnit palakásang kapisánan, mag-íimbák ng mga bigás at armás upang agápan ang sakunâ o kamalásan. Kung manánatilìng tagasaló ay nakátakdâ kang magbiláng ng ataúl nang walâng kurót sa pusò, mamámanhíd ang págkatáo at tatalám ang panlása, magtitindíg ng négosyong katumbás ng dî-maliparáng uwák na sémentéryo, at sa wakás ay sumukò sa mga pangakò o pabatíd, gáya ng ang pandemyá’y hindî magíging Ikapûng Digmâang Pándaigdíg. Ang panahón, túlad ng iyóng músa, ay isáng éspasyo na mabibigô kang mapunûan, láging hungkág ngúnit gumágaláw, at párang isáng talâbabâ mulâ sa antígong téksto ng liblíb na páaralán:

Náglalágutúkan ang pangkát ng kakawáte,
nagsásagútan ng ánimo’y mga putók,
tinátangáy ng símoy ang mga butó—
nahuhúlog sa áking úlo ang taká-takaták.
Sa lílim ng mga dáhon, mapágkakámalán
ang anínong mulâ sa ilahás na gánid  
o búhat sa tipák ng gumúlong na bató.
Kay habà ng tag-aráw, bágay na bágay
sa kulumpón ng mga líla-putîng talúlot,
nagháhandâ warì kung galisín ang bundók.
Pagdáka’y dumapò sa matíkas na sangá
ang húni ng mailáp na balíkasiyáw ,
paúlit-úlit biníbigkás ang iyóng pangálan.
Gumápang ang kilábot sa mga balahíbo,
at nawikà ko: Anák, haliká’t dumáko ríto.

Nagbabágo ang panahón, at binabágo ang panahón. Subúkin mong bagúhin ang tékstong itó, bílang éhersísyo, nang marámdamán kahit paáno, ang loób ng mga pinaláyas na táo.  

Mga Talâ

[1] Ginamit ang “gánid” bilang panumbas sa tinaguriang “witch dog” o asong-gubat na sinasabing katutubo sa Filipinas.

[2] Tumutukoy ang “balíkasiyáw” sa isang uri ibon na katutubo sa Filipinas, at may siyentipikong pangalang Dicrurus balicassius.

Alimbúkad: Epic rumbling poetry Filipinas facing the world. Photo by Mikael Blomkvist on Pexels.com

Isang Alamat na Tinangay sa Laot, ni Roberto T. Añonuevo

Isáng Alamát na Tinangáy sa Láot

Roberto T. Añonuevo

Sasápit ang panahóng iduduwál ng máalamát na kúra pároko sa iyó ang isáng kúwento ng dalawáng négosyánteng Inglés na napadpád sa Sinukùan. Sumagì umanó sa kaniláng pandiníg ang balí-balitàng mína, na patútunáyan ng mga nakásisílaw na patalím, galáng, híkaw, kuwintás, at singsíng na karaníwang suót ng mga naníniráhan doón, at nagmulâ raw sa bitúka ng kabundúkan. Sapagkát bihasâng mga négosyánte, ang dalawá’y nagsíkap na makapág-angkát ng mga áparáto na makapágbubunyág ng dulángan na may pangakò ng tumbága at buláwan. Sapagkát maútak, nahikáyat nilá ang mga résidénte roón na lumahók sa kaniláng mithî na ibínalátkayô sa misyón. Ang iláng táo’y nagíng kapatás at ang ibá pa’y nagíng mga kawaníng mínero. May katumbás na salapî ang báwat pagpapágal, itó ang sigáw ng mga négosyánte, na umakít sa tiwalà ng mga táo. Áraw-áraw, umatúngal ang mga mákina, at nagbugá ng úsok at humígop ng túbig sa mga bukál hábang walâng tarós ang pághuhukáy. Ngúnit hábang tumatagál, ang pangárap na luwalhatì ay náhalinhán ng pagkáiníp, lalò sa panahón ng tag-ulán, at isá-isáng tumiwalág ang mga kawaní na pinágbintangáng tumangáy ng mga píyesa at kagamitán, hanggáng tulúyang maglahô na párang tagabúlag ang mga mákina. Dinapùan ng sarì-sarìng sakít ang mga mínero, na nágpasiglá ng huntáhan sa báwat umpúkan, at sa lábis na pangambá ay tumanggí siláng magsíbalík sa minahan. Gumúgol ng tinatáyang 40 libong líbra ésterlína ang magkaibígang négosyánte pára sa próyekto, ngúnit ang isinuklî sa kanilá ng tadhanà ay nagwakás sa luhà. Hindî maglaláon at sasakáy silá ng bangkâ kung saán, gagáod nang gagáod sa pag-ásang maratíng ang kabilâ ng panganórin, samantálang kasímbigát ng bundók ang kaniláng nilóloób. Maririníg pagkaraán ang dalawáng putók ng baríl sa malayò, na tatáwag ng pansín sa mga kanáway, at ang mga lungayngáy na bangkáy na pawàng butás ang mga bungô ay idáragdág sa talâán ng isáng lumàng simbáhan, at isisísi sa mga tulisán, at isásalaysáy nang patulâ pagsápit sa báyan, kapág hinalúkay sa gunitâ ang marikít na Sinukùan, na magigíng alamát kung hindî man ságradong kumpisál ng mga lasénggong mágdaragát.

Alimbúkad: Epic raging poetry questioning history. Photo by Allen Daryl Castillo on Pexels.com

Alak, ni Roberto T. Añonuevo

Alak
 
Roberto T. Añonuevo
 
Malalanghap ang mansanas, peras, at ubas,
ang pambihirang sebada na magluluwal
ng malta,
ang salamangka ng tubig sa lihim na batis
mula sa islang malayo sa paningin—
gaya sa pawis ng mga obrero’t trobador.
 
Pinahinog sa bariles ng pinong robledo,
ito ngayon ang ipinasusubasta sa madla
para tikman ng mga pribilehiyado o lasenggo
at pag-imbutan sa negosyo at elegansiya.
 
Maisasalin sa baso ang komunidad
ngunit mabubura ang karukhaan,
at liligwak sa isip ang langit, ang koleksiyon
ng pulang alak na edad pitumpu’t apat.
 
Isang milyong dolyar marahil ang katumbas,
matanda pa sa akin ngunit buháy na buháy,
magpapasulak ng dugo,
magpapatigas ng uten,
magpapaputok ng bátok,
ngunit makapapasá sa dila ng mga konosedor.
 
Paano ito nakaligtas sa digma, salot, tagsalat?
 
Sasagutin iyan ng espiritung maglalandas
sa lalamunan at maiiwan sa hininga,
palalawigin ng mga kuwento
at pakikipagsapalaran kahit kabulaanan,
ngunit kung ano man ang kasaysayan nito
ay hayaan para sa naghuhukay ng kalansay.
 
Nalilikha ang alak para malasing ang mga diyos
at sila’y minsan pang magbalik na mortal
o ito’y hakang marapat na ipawalang-saysay.
 
Kapag iniharap ang matandang wisking ito
sa aking lambanog na hinog na hinog,
ang suwabe ay sagradong niyugan at palaspas,
ang nunal na hindi mabura-bura ng mababangis
na bagyo, sakit, at pananakop
bagkus ay patuloy na bumabangon, tumatatag——
mula sa liblib na baybay o dalisdis ng bundok,
mula sa mga bisig na kumakarit ng mga bituin,
mula sa mga binting nanunulay sa alanganin,
mula sa mga himig na sumasayaw sa guniguni,
mula sa pag-asang subók sa iba’t ibang simoy.
 
Nakapapasò ang guhit at sumisipa
nang marahan,
ang lambanog na ito pagkalipas ng isang siglo
ay epiko ng komunidad na babalik-balikan ko.
Alimbúkad: Unspoken poetry imagination. Photo by Elina Sazonova on Pexels.com

Snorri Sturluson (1179-1241), ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Snorri Sturluson (1179-1241),” ni Jorge Luis Borges               
ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Snorri Sturluson (1179-1241)

Ikaw, na nagpamana ng mitolohiya
ng yelo at apoy sa gunita ng mag-anak,
na nagtala ng marahas na kadakilaan
ng palabán mong lahing Hermanika,
ay gitlang natuklasan isang gabi
ang mga espadang nagpanginig
sa di-masasandigan mong kalamnan.
Noong gabing iyon, walang kasunod
mong nabatid na isa kang duwag. . .
Sa karimlan ng Islandiya*, ang maalat
na simoy ay binulabog ang tumataog
na dagat. Napaliligiran ang bahay mo.
Tinungga mo hanggang katakatayak
ang di-malilimot na pagyurak sa dangal.
Bumagsak sa may lagnat mong ulo
at mukha ang espada, gaya ng malimit
maganap nang ilang ulit sa iyong aklat.

__________________
*Iceland

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Ricardo Cruz @ unsplash.com

Ulo ni Shakespeare, ni Stephen-Paul Martin

Salin ng kathang “Shakespeare’s Head,” ni Stephen-Paul Martin                ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulo ni Shakespeare

. . . . . . .Naipit siya sa maipapalagay na malawakang pagbabago, ang transpormasyong labis na malaganap na mahirap maunawaan. Nawika marahil niya na ang tunggalian ng tradisyon at inobasyon, ang prinsipyo ng panlipunang pagbabago, ay mangyayari lámang kapag namayani ang inobasyon. Gayunman, ang pangkulturang inobasyon ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng istorikong proseso, isang kilusan, na kapag nagsimulang maging maláy sa kabuuan nito, ay makiling na sasapawan ang mga presuposisyon na bumubuo rito, saka sisikaping saklawin ang lahat ng transpormasyong sosyokultural.

. . . . . . .Sa ganitong laro ng mga tensiyon nabubuo ng mga indibidwal ang mga identidad, na mailalarawan bilang mga relatibong awtonomong totalidad, ang mga sona ng organisasyong nahuhubog bilang padron ng mga tinig, na kilala ang ilan at ang ilan ay naghahayag mula sa pangkulturang matrix, ang kabuuang istorikong kilusan na binubuo nila at tinataglay. Batid niyang ang gayong mga pagtatatag ay nalalahukan ng pasakit, mga pansamantalang dislokasyong ginagawa ang kasalukuyan na waring retroaktibo. Ang mga salitang nabubuo upang gabayan ang kaniyang mga pagsagap ay maaaring munti lámang ang kinalaman sa kaniyang hinahanap, at baká naging bahagi ng nakalipas na hindi naman talaga naganap, isang nakaraan na naganap noon at waring nagbabalik sa kasalukuyan. Ang tinig na ibig pukawin ang kaniyang pansin ay tila mula kay Shakespeare. Ngunit ang totoo’y wala siyang pakialam, makirot ang ulo niya dahil sa lagnat, at sumalpok ang maragsang simoy ng Nobyembre sa kaniyang mga ngipin, sa kaniyang lalamunan, hiniklat ang kaniyang balbas, pinatindig ang kaniyang mga buhok bago binunot, binaklas ang kaniyang ilong, sinungalngal ang kaniyang mga ngipin paloob sa lalamunan, sakâ tinagpas ang kaniyang ulo, na tumalbog-talbog pababa sa kalye—hanggang huminto ito sa gilid ng istroler ng sanggol na malapit sa kabina ng telepono. Iniunat niya ang kaniyang mga kamay upang abutin ang kaniyang mukha, kinapâ ang espasyo na dáting kinalalagyan ng ulo, pasuray na naglakad pababa sa biyak at mabantot na bangketa, at natalisod sa may kanto nang sumulpot bigla sa kalye si Jill.

. . . . . . .Hindi malaman ni Jill kung ano ang kaniyang nakita—isang lalaking pugot ang ulo—ngunit nang matanaw niya ang duguang mukha sa istroler na gulilat wari at sabóg, alam niyang ang pagkawala ng ulo ay higit sa maipapahiwatig ng tayutay, at namuo sa kaniyang isip ang puwang imbes na diwain o malinaw na persepsiyon. Walang iniwang tatak ang duguang mukha, at naglakad siya sa lansangan nang di-nababagabag, pumasok sa kabina ng telepono, tinawagan ang kaniyang boss at nagbitiw sa trabaho, pagdaka’y nakaramdam ng ginhawa gaya ng bagong silang na sanggol, pumasok sa bar na malapit sa Pook Astor, at naghanap ng mga lalaking makakausap.

. . . . . . .Natalisod si Jack pagkaraan ng tatlumpu’t walong segundo, umupo sa bar at tumabi sa babae, saka sinimulang basahin ang Ang Salarin sa Loob Ko.

. . . . . . .Sabi ni Jill: Natapos ko nang basahin iyan noong isang linggo! Hindi ba maganda?

. . . . . . .Sabi ni Jack: Oo, maganda. At sinagot niya ang tatlong Dos Ekis para sa babae.

. . . . . . .Hindi naglaon at nagbalik sila sa silid ni Jack upang makilala ang isa’t isa sa kama, ngunit biglang namula si Jill, hinawakan ang kaniyang ulo, at nagunita ang mukha sa istroler.

. . . . . . .Diyos ko, aniya, hindi ka maniniwala sa nasaksihan ko noong hápon! Nakita ko ang lalaking pugot na naglalakad sa kalye, at nakita ko ang sa wari ko’y ulo niya na nasa istroler ng sanggol.

. . . . . . .Nayamot si Jack sa pagkabalam. Aniya: Paano mong nalaman na ang ulo ay mula sa nasabing katawan? Baká nagkataon lámang iyon! Bumangon siya sa kama at nagsindi ng tabako, nagbalik sa kaniyang desk at tumitig palabas ng bintana. Bakit ang bawat babaeng makilala niya ay mabibigat ang dinaramdam? Bakit malimit silang nakatuon sa pagdurusang pisikal? At bakit ang pangkulturang inobasyon ay naging isa pang kalakal? Bakit ang pakikibaka ng tao ay nakapailalim sa diskurso ng mga imahen, hanggang sa puntong ang pakikibaka mismo ay kailangang muling ipakahulugan, na higit ngayong nauunawaan sa politika ng persepsiyon, ang pakikibakang hindi dapat ganap na ipailalim sa laro ng mga kalakal?

. . . . . . .Nang umalis si Jill ay nagbalik si Jack sa bar at sinikap na magmukhang tae. Pambihira ang musika at nagsasayaw ang mga tao. Nasa sulok ang isang matangkad, matabang rubya na umiindak-indak hanggang malaglag ang ulo. Tumayo si Jack at nagsayaw at hindi nagtagal ay natagpuan ang sariling katabi ng babae.

. . . . . . .Nang huminto ang musika, sinabi ni Jack: Tipo mo ba si Jim Morrison? At tumugon ang babae: Oo, pero mas gusto ko si Van Morrison.

. . . . . . .Nabatid ni Jack na ang pangalan ng babae’y Maureen, at sinabi niyang kung magkakaanak siya’y pangangalanan ng Maureen, ang paborito niyang pangalan. Sinabi naman ng babaeng hindi niya kailanman nagustuhan ang kaniyang pangalan, at pinaplanong baguhin iyon, marahil tawagin ang kaniyang sarili na Marguerrite, o Mary Beth, o Melinda. Naisip ni Jack na maganda lahat ang pangalan, ngunit higit niyang naibigan ang Maureen. Sinabi ni Maureen na pagod na siyang makilala ang mga lalaking mabigat ang dinaramdam, mga lalaking malimit nagbabasá ng mga aklat na pantulong-sa-sarili at ukol sa terapya, mga lalaking hindi matanggap ang kanilang mga lalaking identidad. Itinanong ni Jack kung ano ang ibig sabihin ng “mga lalaking identidad.” Ipinaliwanag iyon sa kaniya ni Maureen, nagsaad ng mga metikulosong detalye, bukod sa malilinaw na halimbawa, at ipinaliwanag ang lahat ng kaniyang termino. Ngunit naisip ni Jack na ang lahat ng iyon ay kagaguhan. Aniya’y kailangan muna niyang magtungo sa kubetang panlalaki.

. . . . . . .Nang patungo na siya sa kubeta’y nasalubong niya ang kaniyang terapewta, si Bert, at ang kaniyang Boss, si Bart, na magkahawak kamay at nakatitig sa isa’t isa at humahalakhak. Hindi niya natunugang bakla ang isa, at kapuwa sila napahiya, bumulong-bulong ng mga walang saysay na palusot at lumabas pagkaraan, lumakad nang mabilis tungo sa kalye, at nadamang lulutang wari ang kanilang mga ulo hanggang kalawakan.

. . . . . . .Mapayat si Bart, ang poging lalaki mula sa Tulsa. Nagtungo siya sa New York noong 1969, sa hangaring makakuha ng doktorado sa sikolohiya mula sa Columbia, ngunit hindi naglaon ay napatalsik siya sa kurso sanhi ng malaganap na dislokasyon, na sa totoo’y hindi niya maitatwa o malinaw na mailarawan. Ang mga mosyon na ang mga pangmasang kalakal ay pinararami nang kung ilang ulit sa mga publikong espasyo ay lumampas na sa hanggahan ng pagkasagana nito, at yamang ang wakas ng di-mapipigil na reproduksiyon ay malabo pa, ang sitwasyon ay maipapalagay na isang uri ng pribasyon. Sa sandali ng ekonomikong labis-na-produksiyon, ang namuong resulta ng panlipunang kontrol ay nagiging matingkad, sinasaklaw ang pisikal na espasyo sa laro ng mga imahen, na ang interaksiyon nito ay lumilikha ng ilusyon ng isang kultura. Nahulog ang mga salita sa mga mata ni Bart at sumaboy sa tumapong serbesa sa sahig. Ngunit walang pakialam si Bert dahil si Bert ay mapayat, guwapong lalaki na mula rin sa Tulsa. Nagtungo siya sa New York noong 1972 upang maging mananayaw. Subalit mahigpit ang kompetisyon, kaya lumipat siya sa sikoterapya, ang hakbang na itinuturing niya ngayong malaking pagkakamali, dahil napuwersa siyang harapin ang lahat ng makikirot na bagay na hindi niya malutas, gaya ng katotohanang kinapopootan niya ang matatagumpay na tao, na wala siyang panahon para sa kaniyang mga pagkakamali, walang panahon para sa mga problema ng ibang tao, na hindi siya tinitigasan kapag pinahahalagahan niya ang mga tao na kinakatalik, na napupuyat siya sa gabi sa takot na makatanggap ng malalaswang tawag sa telepono, na ang mga ulap sa timog ay tiyak na pahiwatig ng kamatayan ng isang minamahal, na ang marurubdob na pakikipagtalo ay tila nakapagpapaliit sa mundo, na si Lot ay nakipagtalik sa kaniyang mga anak na babae makaraang masawi ang kaniyang kabiyak, na minsang tinangka ng kaniyang amang patayin ang lalaki na nag-aari ng baboy na ikatlo sa pinakamalalaki sa buong mundo, na ang kaniyang ulo’y gaya ng lobo na puputok sa isang pagdiriwang ng kaarawan.

. . . . . . .Romantiko ang buwan, nakaporma sa mga anino ng mga gusali, habang sina Bart at Bert ay naglakad nang magkahawak kamay sa Broadway tungo sa Kalye Canal. Ngunit nawasak ang tagpo sanhi ng tunog ng sigaw ng babaeng minumura ang kaniyang asawa mula sa ikaanim na palapag sa paupahang malapit sa Chinatown, at lalong naulol ang bana niya, at sumigaw nang may panlalait pababa sa hagdang patumbok sa kalye, binantaan na iitakin ang babae, at pinaratangang taksil ito at nilibak sa kung ano-anong bastos na pangalan, ngunit nagdilim ang paningin ng babae at inagaw ang itak at pinatumba ang lalaki sa isang kaliweteng bigwas, samantalang walang kamalay-malay na naging gastado ang buong kapitbahayan, na pinalitan ng sunod-sunod na imaheng umiiral sa itaas at lampas doon, at sa parehong panahon ay pinilit ang sarili sa kamalayan ng kultura, na inihahain na tila ba mababang uri ito ng nasasalat na anyo ng mga pangyayari sa espasyo, na biglang naging kapuwa kasalukuyan at absent, gaya ng aklat sa TV wrestling na pinagpupuyatan niyang matapos, na sinulat ng lalaking malinaw na sabik sa dominasyon, na ang bawat salita at parirala ay may masokistang implikasyon, o kahit paano’y gayon ang naiisip ng babae, ngunit alam niyang labis ang kaniyang pagpapalagay, at labis ang pagbasa sa aklat na hindi laan sa masinop na pagsusuri.

. . . . . . .Gayunman, hindi lubos maisip ng babae na ang lahat ng bagay ay dapat matalas na sinusuri, na maraming walang saysay na nagaganap sa mundo ang sa unang malas ay hindi nakapipinsala, ngunit pagkaraan ay nagiging nakamamatay, na dapat suriin nang maigi, tingnan kung para saan talaga iyon at hindi dahil sa kung ano ang ipinagmamagara nito, ngunit pagkaraan, winika niya sa sarili, na malimit siyang seryoso nang labis, na nagpapahiwatig na marahil, ang kaniyang sariling mga kontradiksiyon ay mumunting pagninilay sa mga pakikibaka ng mga makapangyarihang konglomerado, na ang mga minapakturang tunggalian ay sadyang mga estratehiya ng pagkontrol sa pananalapi, isang paraan ng pagpapalihis ng pansin tungo sa mga madulaing representasyon, palayo sa mga kaguluhan at guho na bumilanggo sa kaniya, at biglang pinagsisihan niya kung bakit iniwan ang kaniyang bana na lugmok sa kalye. Sinabi niyang hindi kasalanan iyon ng kaniyang bana. Pagkaraan, sinabi niya sa kaniyang sarili na kasalanan nga ng lalaki. Muli niyang ibinulong iyon sa sarili. Paulit-ulit. Nagsimula siyang paniwalaan yaon. Walang karapatan ang kaniyang bana na tawagin siyang puta, kahit gayon ang ibig niyang sabihin, kahit bulaklak ng dila lámang iyon, dahil ang totoo’y samot ang kapangyarihan ng mga tayutay, na naging sanhi ng mga digmaan at pambihirang imbensiyon, na sa yugtong iyon ng kagila-gilalas na pagtatanghal, labindalawang bloke ang layo sa pusod ng lungsod patugpa sa Kalye Walker, Unang Yugto ng Hamlet, ang yugtong pinagsasabihan ni Polonius ang kaniyang anak na pigilin ang dila na isakataga ang lamán ng diwa, at si Bill ay inaantok sa unang hanay ng upuan, na mukhang gago dahil dinapuan ng matinding sipon at lagnat. Kailangan niyang kumapit nang mahigpit sa kinauupuan upang maiwasang umubo nang masasál, at pumigil iyon sa kaniya na ganap na maarok ang dula, na naging sanhi para lalo siyang magmukhang gago. Gayunman, ang pangunahing dahilan kung bakit siya lumabas ay hindi dahil gusto niya si Shakespeare, bagkus dahil kailangan niyang basahin ang Hamlet para sa English 101 sa NYU, at yámang hindi niya masakyan ang wika ni Shakespeare, naisip niyang makabubuti kung panonoorin niya ang pagtatanghal ng dula. Walang sinuman sa kaniyang klase ang káyang pagtiyagaang basahin si Shakespeare. Lahat sila’y dama na ang wika ay masalimuot at labis na sinauna. Subalit may nakatakda silang pagsusulit—at kailangan nilang maintindihan ang Hamlet. May naisip na plano si Bill. Lahat sila’y maglalakad sa Kalye Walker nang tangan ang mga VCR at notbuk. At ngayon, doon siya sinipon. Sinikap niya ngunit wala siyang maunawaan, at humapay siyang hilong-hilo sa kinauupuan, nadamang ang kaniyang lagnat ay tumataas, natutunaw sa espektakulo ng mga mapandahas, huwad-na-aliwan, kinalakal na representasyon ng mga tao na inupahan bilang mga pangkulturang ikon, balighong gantimpagal, pekeng kaluguran, na pawang nakapailalim lahat sa pangmalawakan at nakasasagad na kisapmatang kuwantipikasyon. Malabo niyang nasagap na ang ibang manonood ay isinantabi iyon at itinuring na walang saysay, na ang panahon ay naging kalakal, mala-siklikong padron na ginagaya ang mismong pagbabago na pinipigil nito, na lumalaganap dahil sa lumalalang kahirapan na sinisikap nitong ikubli, ang kahirapang nililikha nito at pinalalaganap. Tradisyon at inobasyon ang muling ipinakakahulugan bilang mga simulasyon, kategoriya na waring tumutukoy sa istorikong proseso, nililikha sa pamamagitan ng teknolohikong puwersa na kahit ang malakas ay hindi makaliligtas, ginagawa ang hinaharap na magmukhang isang tao na nagbitiw sa kaniyang trabaho nang wala man lang babala. Nakaramdam siya ng malakas na bugso ng simoy sa kaniyang katawan, at natunugang baká lumakas pa ang hangin at umangat at hiklatin ang kaniyang ulo.

Ngunit ang gayong pagpapalagay ay tila paglikha ng hangin na katumbas ng bulaklak ng dila, na sa katotohanan ay naroon iyon at bumubuga mula sa iba’t ibang panig, hinahatak pabalik ang kaniyang balbas, sinusungalngal ang kaniyang mga ngipin paloob sa lalamunan, pinipigtas ang kaniyang ulo, at hinihipan palayo ang ilong tungo sa kalye. Naupo siya roon na waring gulilat at batong-bato, gaya ng lumamig na pagkain sa piging doon sa kasalan, o kaya’y sanggol na iniwan sa labas ng bahay at nakasakay sa istroler at kumakagat ang lamig ng Nobyembre, pinanonood ang mundo na umandar nang hindi nauunawaan.

Ang Aklat at ang Panahon

Ang Aklat at ang Panahon

Roberto T. Añonuevo

Mga minamahal kong administrador, guro, alumni, at estudyante ng EARIST, magandang umaga sa inyong lahat.

Nagulat ako sa inyong imbitasyon sa akin, at sa pamamagitan ng Facebook ay nakuha ninyo akong mapadalo sa inyong pagtitipon. Ang totoo’y marami akong tinanggihang pagtitipon na gaya nito, at masuwerte kayo sapagkat dito ko pinuputol ang aking pananahimik. Tinanong ko si Bb. Baby Lyn Conti kung ano ang tema, at mabilis naman niyang tinugon na “Aklat ng Karanasan, Sandata sa Kinabukasan.”

Bago ako dumako sa inyong tema, hayaan ninyong sipiin ko ang salin ng tula mula sa Sanskrit ng dakilang makatang Magha ng India:

Pinakakain ba ng gramatika ang nagugutom?
Tinitighaw ba ng nektar ng tula ang nauuhaw?
Hindi makabubuhay ng pamilya ang pagsisid
sa mga lihim na karunungan ng mga aklat.
Magpakayaman ka’t ang sining ay iyong iwan.

Ang mapanudyong payo ni Magha sa sinumang ibig pumalaot sa panitikan at pagsusulat ay umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon. Bakit nga ba naman magpapakamatay sa sining, gayong hindi naman lahat ng tao ay binubuwenas na kumita mula sa gayong propesyon? Ang nasabing payo ay waring narinig ng CHED, at hindi ako nagtataka kung bakit nakapaling sa pagkita ng pera ang edukasyon kaysa pagpapalawig ng panitikan at wika. Ngunit ang nasabing tula ay balintunang paalala rin na ang sinumang seryoso sa pagsusulat, at ibig magtagumpay, ay hindi mahahadlangan kahit ng sanlibong halimaw, sapagkat ang sining ng pagsusulat ay higit sa maibibigay ng salapi o panandaliang kaluguran, at ito ay may kaugnayan sa ating kamalayan, guniguni, at gunita. Si Magha ang makatang sumulat ng inmortal na epikong Shishupala Vadha, na hango ang banghay sa Mahabharata, at pambihira ang laro ng mga salita.

Ang pagsusulat ng panitikan ay laan sa elitista, at kung naririto si Magha, bibiruin niya kayo na magtinda na lamang kayo sa Divisoria o magtrabaho sa Ayala. Hindi sapat ang mag-aral ng bokabularyo, gramatika, at retorika; o magsaulo ng mga detalyeng pangkasaysayan, bagkus kailangan ang pambihirang imahinasyon sa pagkatha at pagsusulat. Magagawa ito sa tumpak na pagsasanay, at pagbabasa ng iba’t ibang aklat.

Ang inyong tema ay may apat na salita na marapat titigan: aklat, karanasan, sandata, at kinabukasan. Nakasisindak sa unang malas ang ganitong tema, lalo kung ipagpapalagay na may kaugnayan sa panitikan ang aklat; na ang karanasan ay tumatawid mulang realidad tungong guniguni; na ang sandata ay nagbabadya ng pakikihamok kung hindi man pagtatanggol sa sarili; na ang kinabukasan ay maaaring ang kahahantungan ng awtor o mambabasa o aklat, na sa bandang huli ay kayo ang mamimili kung karapat-dapat sa basurahan o kaya’y aklatan ang lahat ng pagpapagal.

Maiisip na ang “aklat ng karanasan” ay isang direktoryo ng nakalipas na buhay, at kung sinuman ang nakagawa nito ay maipagmamalaking nakaraos sa mga sigwa ng buhay. Ngunit ang panitikan—gaya sa tula, katha, dula, at sanaysay—ay maipapalagay na kapuwa paningin at pananaw, at kung gayon ay nalalangkapan ng pagsisinungaling, na metapora sa kabaligtaran ng basta pangangopya sa realidad. Ang paningin ay kasangkapan upang unti-unting mabuksan ang pinto tungo sa pook na kagila-gilalas, kahindik-hindik, o karima-rimarim, bagaman ang paningin ay maaaring magkaroon ng limitadong saklaw, o sabihin nang pinsala, alinsunod sa maibubuga ng awtor at sanhi ng ideolohiyang kaniyang tinataglay. Samantala, ang pagtanaw ay hindi newtral na pagdulog; ito, gaya ng pagsilip sa teleskopyo, ay maláy na pagdulog, at sinasadya ng awtor upang ang kaniyang mga mambabasa ay maipaling sa mga pangyayaring minabuti niyang mapagnilayan.

Kung ang panitikan ay may sariling mata at lente na pawang nakalilikha ng mahika, alinsunod sa punto de bista ng awtor, ito rin ay maaaring magkaroon ng katumbas na mata at lente sa panig ng mga mambabasa, alinsunod sa abilidad at karanasan nila sa pagsagap at pagbabasa. Maraming pagkakataon na nagtutugma ang paningin at pagtanaw ng awtor sa paningin at pagtanaw ng mambabasa. Ngunit sa ilang pagkakataon, nakalilikha ng salamangka ang awtor at ang kaniyang mga mambabasa ay nagkakaroon ng sari-saring interpretasyon—na magbubunga para lumago ang mito ng awtor bilang manlilikha. Samantala, ang panitikan ay tututol na maikahon o maiseroks, at higit na pipiliing maging lihis, kakatwa, naiiba.

Napakahalagang pagtuonan ng awtor ang kaniyang ilalapat na paningin at pagtanaw sa kaniyang akda, sa pamamagitan ng kaniyang tauhan, na pagkaraan ay mahuhubog sa isang pook at panahon, at marahil ay magluluwal ng kakaibang pagsagap, na maghahatid sa pagpapasiya kung paano titimbangin ang iba’t ibang karanasan. Ang tula, halimbawa, ay karaniwang may isang persona, na malalapatan ng natatanging tinig at himig, at napapaloob sa isang lunan at panahon, ngunit ang personang ito ay hindi palagi ang maituturing na bida. Maaaring kinasangkapan lamang siya ng awtor upang ang daigdig ay matunghayan ng mga mambabasa.

Sa ibang pagkakataon, ang isang mahabang tula ay maaaring magkaroon ng dalawa o higit pang persona (na may pangunahin at mga sekundaryo), at natural, ang mga persona ay di-maiiwasang sipatin na may gradasyon, o kung hindi man, ay nagsusuhayan sa isa’t isa, upang mapalitaw ang karupukan at kalakasan ng bawat persona, at maitanghal ang komplementaryong ugnayan ng mga ito. Ganito ang taktikang ginawa ni Rio Alma sa kaniyang Huling Hudhud. Ang kakatwa, ang Hudhud ay walang katapusang salaysay, at marahil magwawakas lamang kung magugunaw ang isang komunidad na pinag-ugatan nito.

Ang pagsusuri sa sariling akda ay hindi magtatapos sa mga tauhan o banghay o lunan o gusot; karaniwan ang mga katangiang ito ay naglalaro sa kapangyarihan, at hindi ako nagtataka kung bakit ginamit ninyo ang salitang “sandata” sa inyong tema. Ang laro ng kapangyarihan ay hindi maikakahon sa banggaan ng mga uri o nasyon; bagkus maaaring maglagos ito kahit sa paraan ng pagtunghay sa kultura, sa pagbasa sa baluktot na kasaysayan, sa pagtitig sa mga kontradiksiyon sa identidad at kamalayan, sa pagdestrungka sa sentro na kung hindi kabulaanan ay sadyang parang sibuyas na walang lamán ngunit nag-iiwan ng anghit na hindi man makita ay nadarama.

Ang nakapagtataka’y habang humahaba ang tula o akda, lalong nawawalan ng lakas kung hindi man toleransiya ang mambabasa na tapusin ang pagbabasa, kahit sabihing primera klase ang isang akda. Ito ay kung wala siyang kasanayan, tatag, tiyaga, at panahon para magbasa nang matagal, at mag-isip nang malalim. Hindi kataka-taka na ang magagandang nobela o epiko’y higit na pipiliing maisalin sa teatro, pelikula, at komiks, at kung matapos mang basahin ang mga ito’y dahil sapilitang asignatura sa paaralan. Ang ganitong intersemiyotikong pagsasalin ay makapagpapabago sa nilalaman at anyo ng akda, at ang napangingibabaw ay ang paghahatid ng mensahe sa mga konsumidor, alinsunod sa skopos ng naturang pagsasalin.

Ngunit ang sining ay hindi simpleng paghahatid ng mensahe, gaya ng kahig-manok na sulat sa pader ng mga aktibista. Ang sining ay nakatuon sa panghihimasok sa pagsagap, bukod sa pagtatakda at paglampas, sa pamantayang naitakda sa isang panahon o kumbensiyon, at sa pagyanig sa ating guniguni para makaigpaw sa pagiging karaniwan. Ang graffiti ng mga aktibista, gaya ng matutunghayan sa Maynila, ay naging de-kahon sa paglipas ng panahon at nanatiling pambangketa lamang; at sa gayong pangyayari ay ni walang ambag para magtulak sa taumbayan na maghimagsik sa pamahalaan. Tandaan nating ang paghihimagsik ay hindi lamang silakbo ng damdamin, kundi nasa antas ng kritikal na pag-iisip at pag-agaw ng kapangyarihan. Ang kakatwa, ang mga aktibista pa ngayon ang binabanatan, sapagkat ang pagdungis nila sa pader na sinikap linisin at pagandahin ng pamahalaang lokal ay tinatanaw na kontra-rebolusyon— mula sa rebolusyong sinimulan ni Meyor Isko Moreno Domagoso laban sa pamamahalang marumi, masikip, magulo—at sa maikling salita’y walang direksiyon kaya walang maaasahang mabuting patutunguhan.

Isang rebolusyon ang ginawa ni Yorme, kung isasaalang-alang na halos kalahating siglong napabayaan ang Maynila, na ang naging persepsiyon ng mga tao ay kubeta kung hindi man imburnal ng Filipinas, at pugad ng mga pokpok, maton, adik, at lumpen, na kinakatawan ng ikonikong Asiong Salonga, at pinaghaharian ng mga malikhaing propitaryo at organisador mula sa mga sindikato, at naging gatasan ng mga politiko at kasapakat nila sa paglipas ng panahon. Ang taguring “Imperyalistang Maynila” ay isang kabulaanan, at totoo lamang noong panahon ng kolonisasyon at kung isasaalang-alang na ang Malacañang ay nasa Maynila; ngunit ang Maynila kahit noong panahon ng Batas Militar ay nagkukubli ng pagkaagnas sa kabila ng magagarang impraestruktura ng pamahalaan dulot ng migrasyon at paglaki ng populasyon. Ang pagpapalinis ng Maynila, gaya sa Liwasang Balagtas o Liwasang Bonifacio, ay pagkambiyo kung hindi man pagpihit sa paningin at pananaw tungo sa dakilang nakalipas; at ang pook ay muling hinahango ang lakas nito sa mahabang kasaysayan ng pagpupunyagi ng mga dakilang tao na nagsilbing inspirasyon ng mga mamamayan sa mahabang panahon.

Ang isang manunulat na hindi lumilingon sa kaniyang pinanggalingan ay hindi kailanman matutuklasan o maipagmamalaki ang henyo ng kaniyang wika at panitikan.

Kung ituturing na kayo ay mga anak ng Maynila, dahil nag-aral o lumaki kayo sa Maynila, ang paglingon sa nakaraan ay isang hakbang pasulong, sapagkat ang nakaraan ang magtutulak sa inyo na lumikha ng isang kathang-isip na Canal de la Reina, gaya sa nobela ni Liwayway A. Arceo, o kaya’y laberinto ng dilim sa realistang nobela ni Edgardo M. Reyes at isinapelikula ni Lino Brocka; ng buhay-Maynila, gaya sa mga tula ni Anastasio Salagubang na alyas ni Jose Corazon de Jesus at ni Kuntil Butil na alyas ni Florentino T. Collantes; ng isang Tundong katumbas ng langit ni Andres Cristobal Cruz; ng mga mapanudyong sarsuwela at dula ni Severino Reyes at ni Patricio Mariano; o kaya’y lumikha ng adaptasyon ng impiyerno ni Dante Alighieri na pumaloob sa Smokey Mountain, gaya sa mahabang tula ni Rio Alma (kahit sabihing anakroniko sa panahong ito ang nasabing tula sapagkat burado na ang dating imahen ng Smokey Mountain); at balikan ang pambihirang kultura at kasaysayan sa gaya ng mga sanaysay nina Teodoro A. Agoncillo, Nick Joaquin, F. Sionil Jose, Carmen Guerrero Nakpil, Ricky Lee, at sangkaterbang manunulat na kung hindi lamán ng Ermita at Escolta ay naroon sa ipodromo o kabaret ng Santa Ana. Maynila ang pugad noon ng mga dakilang manunulat na Tagalog bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na kabilang sa gaya ng organisasyong Aklatang Bayan.

Kung maibabalik ang ganitong tagpo sa ngayon, ang mga manunulat na Filipino ay makapag-aambag ng mga primera klaseng akda na maipagmamalaki hindi lamang sa Filipinas bagkus sa buong daigdig.

Manunulat ang nagtatakda ng testura ng wika mula sa kaniyang isinaharayang pook, panahon, at tauhan. At ang wikang ito ang magdaragdag ng mga konsepto at diskurso na marahil ay may kapasidad na lumampas, kung papalarin, sa hanggahan ng karagatan ng Filipinas. Isang dating konsehal ng Maynila at propesor sa mga unibersidad sa Maynila, ang dakilang Iñigo Ed. Regalado, ay nag-ambag sa pamamagitan ng pagbuo ng malawakang sarbey at kritika ng mga tula, at kuwentong nalathala bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kung hindi kay Regalado ay hindi mababatid ng henerasyong ito ang ginawa ng mga manunulat na Tagalog na paunlarin ang panitikang pasulat na pagkaraan ay magiging batayan sa pagsusuri sa pag-unlad ng Tagalog na siya namang magiging haligi para sa isang pambansang wika. Ang hámon sa atin ay ipagpatuloy ang nasimulang pagsisikap ng gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda na kung hindi ninyo alam, ay naging mga opisyal ng Surian ng Wikang Pambansa na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino.

Napapanahong himukin muli ang madla na magbasa. Hindi lamang mga estudyante at akademiko ang dapat nagbabasa. Ang pagbabasa ay dapat umabot hanggang pinakamababang saray ng lipunan, at maging kaugalian at paraan ng pamumuhay, sapagkat tanging edukasyon ang makapagpapabago sa ating sarili tungo sa maláy na antas. Sa maniwala kayo’t sa hindi, ang problema sa kritikal na pagbabasa ay hindi lamang matutunghayan sa mga maralitang pook o bilangguan o palengke, bagkus kahit sa loob ng mga kolehiyo at unibersidad, na napipilitang tumanggap ng mga estudyanteng ang antas ng kritikal na pagbabasa at pagsusulat ay waring nasa antas ng Grade 6. Kung ako si Yorme, maglalaan ako ng pondo para sa mga aklatan ng Maynila, at iaatas kong palawigin ang koleksiyon ng mga aklat na sinulat ng mga manunulat na taga-Maynila o ng sinumang tumalakay hinggil sa kalagayan ng Maynila. Iaatas ko rin sa mga kabataan na tangkilikin ang pagbabasa ng mga aklat, at kung may sapat na pondo ay tutumbasan ng pabuya ang sinumang makapagsusulat at makapagpapalathala ng mga de-kalidad na aklat na pampanitikan at iba pang larang.

Upang makahimok tayo ng maraming mambabasa, inaasahan naman sa atin ang paglikha ng matitinong aklat (at hindi basta masabing aklat), na hindi nakalaan para kumita at pagkakitahan lamang ng mga patakbuhing pabliser at akademikong palimbagan, bagkus sadyang nakatuon sa pagpapanibago ng kamalayan ng mga mambabasa. Ang ilalabas nating aklat ay dapat magkaroon ng mataas na pamantayan sa kasiningan at nilalaman, masinop sa wika at diskurso, at may pagpapahalaga, kahit paano sa saliksik, kasaysayan, at kultura. Kailangang marunong sumugal ang ating mga akda sa mga usaping tumutulay sa panganib at pangangahas. Ganito ang ginawa ni Jorge Luis Borges sa kaniyang mga prosa at tula, na pawang nagtataglay ng mga sariwang idea, sapagkat para kay Borges ay hindi sapat na maging intelektuwal na malalim ang erudisyon sa isang larang (na parang Artificial Intelligence), bagkus kinakailangan ang mga intelektuwal na magtaglay ng sariwang idea hinggil sa pagtanaw sa daigdig. Kung hindi’y nakatakda tayo na pumaloob sa mga guhong paikid, at matutuklasan natin ang sariling nabalahò sa sumpa ng pag-uulit at kamangmangan, at likha ng higit na nauna sa atin.

Makatutulong sa atin na bumuo ng mga grupong magsusulong ng mga palihan [workshop] sa pagsusulat. Mahigit tatlumpung taon na ang nakaraan, dumaan din ako sa mga palihan na dinaluhan ng mga bigating kritiko sa panitikan. Ang naging epekto nito sa akin ay lalo akong nauhaw sa karunungan, at natuklasan ko ang aking kahinaan at katangahan, na pagkaraan ay magtutulak sa akin upang higit na paghusayin ang sining sa pagtula, pagkatha, pagsasalin, panunuri, pagpapalathala, at iba pang gawain. Ang aming pag-aaral noon ay umaabot hanggang sa inuman sa IBP (Ihaw Balot Plaza) at iba pang birhaws sa Quezon City, kaya lahat kami’y nasaniban ng espiritu ng aming musa na binabantayan ni San Miguel. Sa maniwala kayo’t sa hindi, higit na marami akong natutuhan sa inuman kaysa loob ng paaralan, sapagkat tunay na panitikan at kasaysayang pampanitikan at teorya at kritikang pampanitikan ang aming pinag-uusapan at hindi pulos kalibugan o kabalbalan.

Marami ang umaangal na kesyo kulang na kulang ang mga aklat pampanitikang nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika na maaaring basahin ng ating mga estudyante. Gaano karami ba ang titulong nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika kada taon? Walang makukuhang malinaw na datos, sapagkat ang mga institusyong dapat nagsasaliksik nito, gaya ng National Book Development Board, ay bigong likumin ang impormasyon. Umaasa lamang tayo sa bilang ng mga titulong humingi ng ISBN at ISSN doon sa National Library, ngunit kung ilan ang nasa Ingles at ilan ang nasa Filipino at/o katutubong wika ay walang matutunghayan. Ang pagpaplano, kung gayon, kahit sa pagpapalathala ng mga aklat na nasusulat sa Filipino ay apektado, sapagkat waring pangangapa ito sa dilim.

Kung may nailathala man hinggil sa mga aklat pampanitikang nasusulat sa Filipino at/o katutubong wika ay nagkakasiya ang karamihan sa mga pabliser na maglimbag ng tigsasanlibong sipi bawat tituto. Ano ang mararating nito? Wala, kung isasaalang-alang na ang populasyon ng Filipinas ay lumampas na sa 100 milyong tao. Ang isang opsiyon ay gamitin ang elektronikong publikasyon at maglabas ng maraming ebook para madaling ma-download ng mga guro at estudyante, bagaman napakaliit ng bilang sa sarbey ng NBDB hinggil sa mga gumagamit ng ebook. Samantala, sa 200 sangay ng National Bookstore sa buong bansa, masuwerte nang magkaroon ng titulo ritong nasusulat sa Filipino, sapagkat ang promosyon ng mga aklat na ibinebenta rito ay pulos hango sa New Times Bestseller List, at sa ganitong pangyayari, ang pananaw at panlasa ng mga Filipino hinggil sa panitikan ay naididikta ng malalaking publikasyon mula sa New York. Ang Book Sale, na may 91 sangay sa buong kapuluan, ay pulos Ingles ang titulong ibinebenta at maituturing na ukay-ukay ng mga aklat na halos ibinabasura ng ibang bansa. At ang Pandayan Bookshop, na may 90 sangay, ang tanging nagbibigay-pag-asa sa mga lokal na awtor para maitanghal ang kani-kaniyang aklat at mabili.

Panahon na ngayon para ipaling ng EARIST ang seryosong tangkilik sa mga manunulat na naging bahagi nito. Kung nais nating makapagparami ng mga manunulat, kailangang magsimula ito sa EARIST na handang maglaan ng pondo, oras, tauhan, at pasilidad. Huwag kayong umasa sa mga manunulat na mula sa UP, AdMU, DLSU, at UST, sapagkat ang pagpapalago ng panitikang Filipino at wikang Filipino ay tungkulin ng bawat mamamayan, at hindi ng isang institusyon o organisasyon lámang. Ang pagpapalathala ng mga aklat (lalo na yaong nasusulat sa Filipino) ay dapat nasa target ng EARIST taon-taon, bukod sa pagbubukas ng pinto sa promosyon at distribusyon ng mga aklat tungo sa publiko. Ipupusta ko sa inyo na kung gagawin ito ng EARIST taon-taon, mapatataob nito—sa loob ng isa o dalawang dekada—ang ibang malalaking kolehiyo at unibersidad na walang tangkilik sa mga manunulat at sa publikasyon ng mga aklat pampanitikan, lalo yaong nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika. Simula rin ito para makilala ang EARIST bilang Sentro ng Kahusayan sa Filipino at Edukasyon.

Maniwala tayo sa kapangyarihan ng panulat kahit maraming pinapaslang na manunulat sa ating panahon, at gaya sa maparikalang tulang tuluyan ng bantog na manunulat na si Augusto Monterroso ay maging Zorro nawa tayo sa hinaharap—na marangal, matapat sa sining na pinagsisilbihan. xxx

(Binasa sa pagdiriwang ng EARIST na may temang “Aklat ng Karanasan, Sandata sa Kinabukasan,” na ginanap sa Manila Grand Opera Hotel noong 23 Nobyembre 2019.)

Taglay ng kaniyang mga mata, ni Adonis

Salin ng tula ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber) ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Taglay ng kaniyang mga mata

Taglay ng kaniyang mga mata
ang perlas; mula sa wakas ng mga araw
at mula sa mga simoy ay nakapag-iiwi
siya ng siklab; at mula sa kaniyang
kamay, mula sa kapuluan ng ulan,
lumilitaw ang bundok at lumilikha
ng madaling-araw.
Kilala ko siya. Taglay ng kaniyang paningin
ang hula ng mga dagat.
Tinawag niya akong kasaysayan at ako
ang tulang dumadalisay sa pook.
Kilala ko siya: Tinagurian niya akong bahâ.