Mga Kaluguran ng Pinto, ni Francis Ponge

Salin ng “Les Plaisirs de la porte,” ni Francis Ponge ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Kaluguran ng Pinto

 . . . . . .Hindi humihipo sa pinto ang mga hari.

 . . . . . .Ito ang tuwa na lingid sa kanila: ang pagtulak pabukás, sa marahas o marahang paraan, ng isa sa malalaking pamilyar na panel, at ang paghatak pabalik sa kinalalagyan nito—ang paghawak sa pinto na waring niyayakap.

 . . . . . ..  .  . Ang galak sa pagtangan sa porselanang pihitang nasa pusod ng isa sa matatangkad na harang sa silid; ang mabilis na pagdadaop, sa pasulong na galaw na sandaling pinigil, habang bukád na bukád ang paningin, at ang buong katawan ay umaangkop sa bagong pahingahan.

 . . . . . .Nananatili ito nang matagal-tagal sa mabait na kamay bago isakatuparan ang mapagpasiyang tulak at ipinid ang pinto kapag nasa loob na ang tao, ang kalagayang kasiya-siyang tinitiyak ng lagitik ng matibay ngunit madulas na kandado.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Advertisements

“Ang Termino ni Nero,” ni C.P. Cavafy

Salin ng tulang “Η ΔΙΟΡΙΑ ΤΟΥ ΝΕΡΩΝΟΣ,” ni C.P. Cavafy (Konstantinos Petrou Kavafis).
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Termino ni Nero

Hindi nabahala si Nero nang marinig
Ang hula ng Orakulo ng Delfos.
‘Mag-ingat siya sa edad pitumpu’t tatlo.’
Mahaba pa ang kaniyang panahon
Para sa layaw at kasiyahang laan sa sarili.

Tatlumpung taon lámang siya. Higit
Iyon sa maibibigay ng diyos para tiyaking
Siya’y malayò sa mga panganib na darating.
Ngayon ay magbabalik siya sa Roma
Nang pagal nang bahagya, ngunit dahil
Sa paglulustay ng mga araw sa kaluguran—
Sa mga teatro, hardin, at himnasyo. . .
Sa mga gabi sa mga lungsod ng Achea. . .
Ang sensuwal na rurok ng lastag na lawas,
.  .  . . .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . . . . . . . . higit sa lahat. . .

Iyan ang nasasaisip ni Nero. At si Galba
Na nasa España ay ano’t palihim na nagtitipon
At nagsasanay ng kaniyang mga hukbo,
Ang matandang may edad tatlo at pitumpu.

Isang Panahon sa Impiyerno, ni Arthur Rimbaud

salin ng “Une Saison en Enfer” ni Arthur Rimbaud mula sa Pranses.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

ISANG PANAHON SA IMPIYERNO

Kangina lamang, kung tama ang pagkakatanda ko, ang buhay ko’y mahabang pagsasaya na bukás  ang lahat ng puso at umaagos ang lahat ng alak.

Isang gabi, ikinandong ko ang Kagandahan.—At natuklasan ko siyang nakaiinis.—At dinahas ko siya.

Pinatatag ko ang sarili laban sa katarungan.

Tumakbo ako. O mga mangkukulam, O kalungkutan, O hinanakit, lahat ng aking yaman ay naisalin sa inyo!

Sinikap kong pawiin ang bawat bakás ng makataong pag-asa mula sa aking isip. Sinaklaw ko ang bawat kasiyahan gaya ng mabangis na hayop na sabik yaong saklutin.

Tinawag ko ang mga berdugo, upang habang naghihingalo, ay malasap ko ang dulong tatangnan ng kanilang mga riple. Tinawag ko ang mga salot upang supalpalin ako ng buhangin, ng dugo. Diyos ko ang kamalasan. Naglunoy ako sa putikan. Nagbilad ako sa simoy ng krimen. At pabirong nanlinlang ng kabaliwan.

At ang Tagsibol ay humalakhak nang nakasisindak na parang hangal.

Kamakailan, nang matanto kong nasa bingit ako ng pangwakas na palahaw, naisip kong hanapin muli ang susi sa sinaunang kasiyahang katatagpuan ng gana.

Susi ang kawanggawa.—At patunay ang inspirasyong ito na nangangarap lamang ako.

“Mananatili kang yena, at iba pa. . . ” singhal ng demonyo na pinutungan ako ng marikit na korona ng amapola. “Tamuhin ang kamatayan nang sukdulan ang gana, ang kasakiman, ang lahat ng kasalanang mortal!”

Ay! dinanas ko na ang lahat ng iyan:— Ngunit mahal na Satanas, nagsusumamo ako na pabawahin ang nanlilisik na paningin! At habang hinihintay ang pagsapit ng bagong munting dungông kilos, yamang hangad mo ang kawalan ng masinop na paglalarawan o ang gasgas na pagtuturo ng manunulat, hayaan mong punitin ko ang ilang nakahihindik na pahina mula sa aking kuwaderno ng kaluluwang isinumpa.

Grabado ni Gustave Dore para sa "Naglahong Paraiso" ni John Milton.

Grabado ni Gustave Dore para sa "Naglahong Paraiso" ni John Milton.

Sampánaw ng mga Pandama ni C.P. Cavafy

salin ng “Το Σύνταγμα της Hδονής” ni C.P. Cavafy, batay sa saling Ingles ni Manuel Savidis
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SAMPÁNAW NG MGA PANDAMA

Huwag magwika ng kasalanan, huwag magwika ng pananagutan. Kapag nagparada ang Sampánaw ng mga Pandama, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat; kapag nangatal at nayanig ang mga pandama, tanging hangal at balasubas na tao ang sisikaping lumayo, at hindi tatanggapin ang mabuting simulain, na nagmamartsa tungo sa pagsakop ng kaluguran at kalibugan.

Lahat ng batas ng moralidad—na mababaw inunawa at isinagawa—ay walang saysay at hindi magkakabisa kahit sandali, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag hayaan ang anumang malabong birtud na pigilin ka. Huwag maniwalang binibigkis ka ng anumang obligasyon. Tungkulin mo ang magparaya, ang palaging magparaya sa mga Pagnanasa, ang mga perpektong nilalang ng mga perpektong diyos. Tungkulin mong sumanib, gaya ng matapat na kawal, na taglay ang payak na puso, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag ibilanggo ang sarili sa tahanan, at iligaw ang sarili sa mga teorya ng katarungan, na may prehuwisyo ng pabuya at kimkim ng di-perpektong lipunan. Huwag sabihing, Katumbas iyan ng aking pagpapagal, at ganito ang dapat kong matamo. Katulad ng pamana ang buhay; at wala kang ginawa upang kamtin iyon nang may katumbas na bayad, kaya gayundin dapat ang Kalugurang Sensuwal. Huwag ipinid ang sarili sa tahanan; bagkus hayaang bukás ang mga bintana, bukás na bukás, upang marinig ang unang tunog ng paglalandas ng mga kawal, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay sumapit, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag magpalinlang sa mga lapastangan, na nagwiwikang mapanganib bukod sa mahirap ang serbisyo. Ang serbisyo ng kalugurang sensuwal ay palaging kasiya-siya. Papagurin ka nito, at papagurin nang may nakalalasing na kaluwalhatian. At pangwakas, kapag gumulapay ka sa lansangan, kainggit-inggit ang iyong mabuting kapalaran. Kapag dumaan sa kalye ang karo ng iyong bangkay, ang mga Anyo na humubog ng mga pagnanasa mo ay magpapaulan ng mga liryo at puting rosas sa rabaw ng iyong ataul; papasanin ka sa balikat ng mga kabataang bathala ng Olimpo, saka ililibing sa Himlayan ng Huwaran, na ang mga mawsoleo ng panulaan ay kumikislap sa sukdulang kaputian.

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin. Dominyo ng publiko, at hinango sa artsibo ng zorger.com

“Ang Baliw” ni Kahlil Gibran

salin ng “The Madman” ni Kahlil Gibran
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG BALIW

Nagtanong ka kung paano ako naging baliw. Ganito ang nangyari: Isang araw, bago pa isilang ang maraming diyos, nagising ako mula sa malalim na paghimbing at natuklasang ninakaw ang lahat ng maskara ko—ang pitong maskara na aking hinubog at isinuot sa pitong buhay. Nagtatakbo ako nang walang maskara sa masikip na lansangan at nagsisigaw, “Magnanakaw! Magnanakaw! Kasumpa-sumpang magnanakaw!

Pinagtawanan ako ng mga tao at ang iba’y nagtatakbong umuwi sa takot sa akin.

At nang marating ko ang palengke, isang kabataan ang nakatayo sa bubungan ang sumigaw: “Siya ang baliw!” Tiningala ko siya’t tinanaw; hinagkan ng sinag ng araw ang aking lastag na mukha sa unang pagkakataon. Sa unang pagkakataon ay nahagkan ng araw ang aking lastag na mukha at nagliyab sa pag-ibig ang aking kaluluwa para sa araw, at hindi ko na muling inasam ang aking mga maskara. Tila napalutang ako at napasigaw, “Purihin, purihin ang mga magnanakaw ng aking mga maskara!”

Kaya ako naging baliw.

Natagpuan ko ang kalayaan ng kalungkutan at ang kaligtasan mula sa pagkaunawa ng ibang tao, dahil ang sinumang nakauunawa sa atin ay inaalipin ang kung anong bagay na taglay ng ating kalooban.

Ngunit ayokong labis na ipagyabang ang angking kaligtasan. Kahit ang Magnanakaw sa bilangguan ay ligtas sa isa pang magnanakaw.

Mukha, ukit ni Raul Funilas