Wika ng Sastre sa Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Sastré sa Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Kumikítid, sumisikíp ang kinalálagyán mo, at gáya ng bágong sóneto ay kailángan ang éspasyo. Ginawâng ínmortal ni José García Villa, ang éspasyong itó ang katáhimíkan, ang alamís na walâng pagkapánis, gayúnman ay nakápagwíwikà sa haráya ng mga salitâng kung warìin ay tagabúlag sa hanggáhan ng páhina at típograpíya, isáng anyô ng malíkmatá sa pánig ng mga tútang lóyalísta pára bihísan ang émperadór ng kung anóng papúri at pang-urì, ang díbinong oradór na biníyayàan ng awtokrátikong tínig na lumálampás sa uliníg ng panahón pára ikámulágat ng madlâ. Ang éspasyo, na magtátakdâ ng lunán at sérye ng mga pangyayári, ang sisidláng tumátanggí sa siksík, liglíg, umaápaw, at nayáyamót sa mapágmagarà, mapágmataás na walâng kapáris. Tinátahî warì ang talínghagà nitó sa pamámagítan ng sálamángka ng mga pékeng sastréng búmebérso mulâng ibáyo hanggáng kabilâng báryo, ngúnit marúnong magpamálas ng bigát o lálim na hindî agád maáarók, halímbawà, ang aliwálas—na kay gaán sa pakíramdám—kapág bukás ang mga bintanà o ulirát. Kailángan ba ng isáng sutíl na ánghelíto na humáhagikgík pára mabatíd ang lastág at kagilá-gilalás? Ang éspasyo ang luwág sa préhuwisyó ng pagkákahón at kumákalás sa alusyón ni Hans Christian Andersen, ang panándalîng hintô sa élegansíya ng rítmo at tumbalík tugmâan, maáarìng gumágaralgál o pupugák-pugák subálit walâng pagkápagál, kusàng nakikipágsapálarán nang tíla tiwalág-sa-saríli o tiwalág-sa-daigdíg, at lábis ang katapátan sa pagsísinúngalíng úpang mapigâ ang katótohánan, lumilíkom sa natítiráng pásensíya ng mga nahiráti sa rómantíkong kariktán, nang magíng ganáp ang kabáliwán ng buông káharìán. Ang éspasyo, tawágin mang éterno ang kahúngkagán, ang lálakbayín mo, itúring ka mang sirâúlo.

Alimbúkad: Epic poetry silence in search of a muse. Photo by Ngoc Vuong on Pexels.com

Pulo ng Kuyukot, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Kuyukót

Roberto T. Añonuevo

Napakáhabà’t napakádilím ang magdamág, na agád na titimò sa iyóng noó, pagsadsád na pagsadsád sa Pulô ng Kuyukót. Warìng inantók nang maága ang mga táo—na igínupò ng maghápong trabáho—at pagsápit ng tinatáyang alás-ótso ay isá-isáng pápatayín ang mga ílaw mulâ sa mga bahayán at mágwawakás sa pagpatáy sa ílaw mulâ sa báhay na bató. Maúulilà ang mga lansángan; mágbabantáy ang kuwágo sa tuktók ng kampanáryo hábang natutúlog ang mga pulís sa presínto; at ni walâng askál na máglalakás-loób na magpaláboy-láboy sa plása. Máglalakád ka nang máglalakád. Mapápansín mo ang lumálagánap na konsiyérto ng mga kuliglíg. Sasáliw ang kókak ng mga palakâng latìan na nágbubunyî sa ambón at hamóg, at sa sagútan ng sitsít ng mga bayákan ay máhuhúgot kung himbíng na ang mga táo. May iláng kabatàan ang líhim na mág-uumpúkan sa ísang liblíb na yungíb alinsúnod sa napágkasundùang págtatagpô, dalá-dalá ang kaní-kaniyáng gitára, pláwta, at tamból, mágsisigâ pára labánan ang lamíg, at sísilabán ang gabí sa kanílang rakrákan. Ang mga áwit nilá’y isusúka ng yúngib, at ang álon ng mga títik ay magpapámulágat sa mga ilahás na ibón na namumúgad sa batuhán kung hindî man nakásampáy sa mga sangá ng matátandâng punongkáhoy. May kung anóng kalúluwá ang mapupúkaw at gagápang mulâ sa bitúka ng karimlán, at isásakáy ng símoy. Áalulóng ang únang áso na makásaságap ng lamíg na magpapátinghás sa mga balahíbo, na magpapáalulóng sa iba pang áso na nakátunóg hanggáng ang íngay ay párang súnog na nagbábantâng tupúkin ang magkakálayông bahayán. Isá-isáng mágsisindí ng ílaw ang mga báhay, na sa malayò’y párang nagkíkislápang bituín. Ngúnit hindî máririníg ng mga itó ang áwit ng mga kabatàan na ngayón ay lasíng na lasíng sa kaniláng síning; ang náririníg ng mga itó’y alulóng ng mga áso at nangábulábog, nangáglilipárang panikì at panggabíng íbon. Mágbubukás ng bintanà ang isáng báhay, na isinísigáw ang ngalán ng nawáwalâng binatà. Mágbubukás ng pintô ang isá pang báhay, at kalapít nitóng kuból, na pawàng isinísigáw din ang ngálan ng mga nawawalâng binatà. Ngúnit walâng tutugón sa mga táwag. Magpápatúloy ang sesyón ng mga kabatàan sa loób ng yungíb, ibibírit ang kaniláng mga lunggatî’t poót na matagál nang sinikíl sa dibdíb, makíkiníg ang mga bató, at kapág hálos sumápit na sa hanggáhan ng nírvana ay biglâ siláng hihintô, sakâ makikíta nilá ang isáng babaéng umaáwit ng áwit na banyagà sa kaniláng pandiníg, ang áwit na maráhil ay ngayón lang sa kanilá nakáyaníg. Mápapatdâ silá sa músa o sa áwit, na kaniláng tatandâan, ngúnit alinmán ang pilîin nilá sa dalawá ay panagínip na pupúkaw sa kaniláng nakámihasnáng panánahímik at hindî na mulî silá mapápanátag lumípas man ang mga áraw sa Pulô ng Kuyukót. Magtanóng-tanóng ka sa mga kabatàan, at kung papalárin, mabábatíd mo kung bákit tíla silá nasirâan ng úlo mulâ nang makilála ang hinahánap mo.

Alimbúkad: Poetry rocking the world. Photo by Kindel Media on Pexels.com

Ang Banyaga, ni Roberto T. Añonuevo

 Ang Banyaga

 Roberto T. Añonuevo

 Sampung libong wika ang dumaan
 sa aking dila,
 bawat isa’y bantayog ng lupain
 o hukay na napakalalim.
 At nang minsang masalubong ko 
 ang pugad ng mga hantik
 ay kinagat ako ng mga lintik.
 Tumakbo ako, at bumanggâ 
 sa teritoryo ng mga putakti.
 Napamulagat ako.
 Ibig kong tumakas subalit binigo
 ng namimitig na binti.
 Wala akong nagawa 
 kundi pumikit at humalukipkip.
 At tinanggap ko nang maluwag 
 ang lastag na kamangmangan
 sa wika ng simoy at katahimikan,
 habang tumitikatik at nagpuputik
 ang daigdig. 
Alimbúkad: Poetry silence. Poetry excellence. Photo by Kirsten Bu00fchne on Pexels.com

Humahawig na Hugis, ni Stanley Burnshaw

Salin ng “The Echoing Shape,” ni Stanley Burnshaw ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Humahawig na Hugis
  
 Ano ang magagawa mo sa buong araw?
 Hanapin ang ulap sa araw——makinig
 Sa ilalim ng dagat sa himpapawid——sundan
 Ang dahon, ang damo. . .
  
                              At sa gabi?
  
 Sinisikap kong manaig sa karimlan.
 Walang anumang hubog sa labas ang nagsisimulang
 Kausapin ako: sinusunog ng liwanag nito
 Ang mga tainga ko: naaarok ko ang alon ng hatinggabi.
 Minamasdan ng pusa ko ang aking mga paa,
 Kapuwa kaming umaasa na mabatid ang naririnig
 Sa karimlan na gumugulong mula sa lawa,
 Na ang ibon ay umaawit para sa mga sanga nito.
 Paano kong malalaman kung bulag ang ibon?
 Wala na marahil ito sa pagsapit ng madaling-araw.
 At bagaman makalalapit ako, sa ibang katahimikan,
 Manonood ako palagi nang may paninging 
 Naibabalik ang anumang magpapaalab ng sinag
 Ang mga hawig na hugis ng bisig, binti, balikat——
 Ang mga aninong pugot ng lahat ng pangitaing inibig nila. 
Alimbúkad: Translating the world through poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com

Dalawang hiwaga, ni Maribel Mora Curriao

Salin ng “Paisaje” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawin

Tuwing gabi
ang parehong punò
ay naghihintay sa landas
ng parehong kawan ng mga pipit.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Patrick Hendry @ unsplash.com

Salin ng “Tuwin Malen,” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tuwin Malen*

Bumaba ako mula sa madaling-araw,
ako ang instinto at deliryo,
ang silakbo ng mga panaginip
na naglaho sa pagkabagay,
ang nahihimbing na katahimikan
sa dagat ng pagsisimula,
ang liwanag ng gabing
lumulunod sa iyong dugo.

Halika, tawirin
ang mga siglo ng liwanag,
ilapit sa akin ang tamis ng iyong dila,
ang mga talutot at apoy na sumisiklab,
ang mga mariposang tumatakas sa ulop
at alingawngaw,
ang karimlan ng kagubatang
naghihintay sa nagbubunyag na talà.

Lumapit
ngunit huwag maging lapastangan
umiwas kahit bumulong
mahihipo mo ang kailaliman sa loob ko,
at naroon sa pusod ang mga pangamba ko.
Bawat panganorin ay nagtataglay ng liwayway.
Bawat hiwaga ay mga ugat ng pinagmulan.

Ako ang hangin at bato
ang malamig, puting álong umaagnas sa katiyakan,
ang halimuyak ng pulut at mansanas,
ang namumukadkad at malusog na langit ng buwan
at ang kalat-kalat na mga bituin
sa lupain ng mga pangarap.

Halika, masdan ang karimlan
sa aking mga mata
at marahang lagukin
ang hiwaga sa aking buhok,
ang hubad na dunong ng aking labì,
titigan ang hubog ng aking katawan
ngunit huwag hawiin ang lambong
ng aking pag-iisa nang walang alaala.

________
*Ayon sa katutubong Mapuche ng Chile, ang Tuwin Malen ay maalamat na diwata na naninirahan sa mga lawa at nang-aakit sa mga lalaki na pagkaraan ay tatangayin nang bigla upang mamuhay sa nasasakupan nito.

Alimbúkad: Imagining poetry across borders. Photo by Roberto Nickson @ unsplash.com

Motif IV, ni Subagio Sastrowardoyo

Salin ng “Motif IV,” ni Subagio Sastrowardoyo ng Indonesia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Motif IV

Ibig kong bumili ng Walkman
o munting radyo na malakas
ang tunog. Kailanman naisin
ay madadala ko iyon saanman.
Kailangan ko ang ingay sa bawat
sandali, kumpas man ng musika
o satsat ng mga tao. Mabuting
magkaroon ng nakabubulahaw
na talumpati o rakrakang nakatutulig.
Nalalasing ako sa ingay.
Hayaang magwala ang daigdig
dahil takot ako sa katahimikan.
Natatakot ako sa tinig ng kalooban.
Tuhan, kailan ka ba papanaw?

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Mick Haupt @ unsplash.com

Poetika, ni Gunnar Ekelöf

Salin ng “Poetik,” ni Gunnar Ekelöf ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Poetika

Marapat kang makinig sa katahimikan
ang katahimikan sa likod ng mga pahayag,
ang mga alusyon ang katahimikan sa retorika
o sa tinaguriang pormal ang kaganapan
Ito ang paghahanap para sa kawalang-saysay
sa anong makabuluhan at ang kabaligtaran nito
At lahat ng sinisikap kong masining kathain
ay tumbalik ng anumang walang kasining-sining
at ang lawak ng pagkahitík ay hungkag
Nasa puwang na hiwatig ang aking mga isinulat

 

Gabi, ni Faiz Ahmad Faiz

Salin ng tula ni Faiz Ahmad Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Gabi

Tila templo ang bawat punongkahoy:
Abandonado, liblib na sinaunang templo,
Naghahanap ng katwiran para gumuho,
humapay ang edipisyo’t uga ang mga pinto.

Waring asetikong pari ang kalangitan:
Abuhin ang lawas, may pulang guhit sa noo,
Nakaupo nang yukod nang napakatagal.

Madarama ang mangkukulam kung saan:
Binarang niya ang kalangitan sa paligid,
At tinahi ang panahon sa kandungan ng gabi.

Ngayon, hindi na sasapit
ang takipsilim ni karimlan.
Hindi magwawakas ang gabi,
O sisilang ang madaling-araw.

Naghihintay ang langit na mabasag ang kulam:
Maputol ang tanikala ng katahimikan,
Lumaya sa wakas ang kandungan ng Panahon;
Na umalingawngaw ang pakakak,
Na kumalansing ang mga bitík,
Mapukaw ang diyosa mula sa pagkakahimbing,
Mapukaw ang dalaga at lambong ay hubarin.

Ang Tao na Nagsasalita sa Dilim, ni João Cabral de Melo Neto

Salin ng “Homem falando no escuro,” ni João Cabral de Melo Neto          ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Tao na Nagsasalita sa Dilim

Malalim at napakatahimik na pagninilay
ang nakapaloob sa gabing nasa piling;
sa loob ng gabi, sa loob ng pangarap na iisa ang espasyo at katahimikan.

Kislot ang pumukaw sa simula, na may pagaspas ng mga pakpak
na pawang bagwis ng kamatayan.
Tila ako nananaginip nang gising sa lahat ng sandali ng bawat araw.

Hindi ko alintanang sumulat ng taludtod ngunit sabay nating pinalalaya
ang mga sarili sa bawat tula.
Hindi magtatagal at hindi na sa atin ang isinulat, at wala nang matitira
sa iyo para sa naghihiyawang lungsod.

Tanging mga pangarap natin ang mahalaga ngayong gabi.
Kapuwa natin niyuyugyog ang katahimikan.
Sinasabing bahâ ang tanging kailangan, ngunit ni walang talàng lumitaw.

Ibig ko ang katahimikan, ni Pablo Neruda

Salin ng “Pido silencio” ni Pablo Neruda mulang Chile.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

Ibig ko ang katahimikan

Iwanan ako ngayon nang matiwasay,
at masasanay din sa aking pagkawala.

Ipipinid ko ang aking mga mata.

Ibig ko lamang ang limang bagay,
limang ugat na kinikilingan.

Isa ang walang hanggang pag-ibig.

Ikalawa ang masilayan ang taglagas.
Hindi ako makaiiral nang walang mga dahon
na lumilipad at bumubulusok sa lupa.

Ikatlo ang taimtim na taglamig,
ang itinangi kong ulan, ang haplos
ng apoy sa mabagsik na ginaw.

Ikaapat ang tag-araw,
na bilugan gaya ng makatas na milon.

At ikalima, ang mga mata mo.
Matilde, aking mahal,
mababalisa ako kapag wala ang paningin mo,
mapaparam ako kapag naglaho ang titig mo;
ipapaling ko ang tagsibol
upang ako’y sundan ng iyong mga mata.

Iyan, mga kaibigan, ang tanging nais ko.
Malapit sa wala at matalik sa lahat.

Makaaalis na kayo kung ibig ninyo.

Sukdulan akong namuhay, at balang araw
ay sapilitan ninyo akong lilimutin,
saka buburahin sa pisara:
Walang kapaguran ang aking puso.

Ngunit dahil mithi ko ang katahimikan,
huwag isiping mamamatay na ako.
Ang kabaligtaran ang totoo:
magaganap na ako’y mabubuhay.

Iiral ako’t ako’y patuloy na iiral.

Hindi ako magiging nasa loob ko,
na isang supling na nabigong sumibol
mula sa butil, at bumiyak ng luad
upang makatanaw ng liwanag,
ngunit ang Inang Bayan ay madilim,
at, sa loob ko, ako ang karimlan.
Ako ang batis na ang tubigan sa gabi’y
pinag-iiwanan ng mga bituin
at mag-isang dumadaloy sa mga bukirin.

Palaisipan ang mamuhay nang lubos
kaya nais ko pang lumawig ang buhay.

Hindi ko nadamang napakalinaw ng tinig,
at ni hindi nalunod sa labis-labis na halik.

Ngayon gaya noong dati ay napakaaga pa.
Kasaliw ng sinag ang lipad ng mga bubuyog.

Hayaan akong mag-isa sa ganitong araw.
Pahintulutan ako na muling isilang.