Malimit kitang mapanaginip, ni Robert Desnos

Salin ng “J’ai tant rêvé de toi,” ni Robert Desnos ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Malimit kitang mapanaginip

. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip kayâ higit ka sa pagiging tunay.
. . . . . . .May panahon pa bang matamo itong buháy na láwas at ilagda sa bibig nito ang pagsilang ng tinig na labis na matalik sa akin?
. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip kayâ ang mga bisig kong dáting kumukulong sa anino mo ay nakadait na lamang sa aking dibdib at maaaring hindi na muling madama ang hugis ng iyong katawan.
. . . . . . .At sa harap ng tunay na anyo na bumabagabag at bumibihag sa akin nang kung ilang araw at ilang taon, walang pasubaling ako rin ay magiging anino.
. . . . . . .Ay, anung pihit ng kalooban!
. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip kayâ nakatitiyak na wala na akong oras para gumising pa. Natutulog akong nakatayô, ang katawan ko’y lantad sa lahat ng itsura ng búhay at pag-ibig at ikaw, ang tanging mahalaga ngayon sa akin, mahihipò ko ang iyong noó at labì nang madali kaysa ibang labì at noó.
. . . . . . .Malimit kitang mapanaginip, at ako’y naglalakad, nagsasalita, natutulog nang madalas kasiping ang iyong multo kayâ marahil ang tanging makabubuti sa akin ay maging multo sa hanay ng iba pang multo at sandaang ulit ang dami ng anino sa iba pang anino na naglalakad at patuloy na maglalakad patawid sa kuwadrante ng iyong pag-iral.

Mga Kaluguran ng Pinto, ni Francis Ponge

Salin ng “Les Plaisirs de la porte,” ni Francis Ponge ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Kaluguran ng Pinto

 . . . . . .Hindi humihipo sa pinto ang mga hari.

 . . . . . .Ito ang tuwa na lingid sa kanila: ang pagtulak pabukás, sa marahas o marahang paraan, ng isa sa malalaking pamilyar na panel, at ang paghatak pabalik sa kinalalagyan nito—ang paghawak sa pinto na waring niyayakap.

 . . . . . ..  .  . Ang galak sa pagtangan sa porselanang pihitang nasa pusod ng isa sa matatangkad na harang sa silid; ang mabilis na pagdadaop, sa pasulong na galaw na sandaling pinigil, habang bukád na bukád ang paningin, at ang buong katawan ay umaangkop sa bagong pahingahan.

 . . . . . .Nananatili ito nang matagal-tagal sa mabait na kamay bago isakatuparan ang mapagpasiyang tulak at ipinid ang pinto kapag nasa loob na ang tao, ang kalagayang kasiya-siyang tinitiyak ng lagitik ng matibay ngunit madulas na kandado.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Lakad, ni Roberto T. Añonuevo

Lákad

Tula ni Roberto T. Añonuevo

Kapana-panabik ang paglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  . .kung hindi natin alam ang patutunguhan.
Hindi ba nakababató kung sakali’t nakahuhula tayo
sa resulta ng ating paghahanap?
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Parang nanood tayo nang paulit-ulit
sa pelikulang ibig nating iyakán o ibig nitong tayo’y pagtawanan.

Kaya sumáma ako sa iyo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .At waring ikaw ay nabaliw.

Hindi ka natatakot maligaw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .lalo’t nakasakay ka sa aking katawan.

Magsuot man ako ng maskara,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . nakikilala mo ako
sa salát. . . . . . . . . . . . . . .  at tunog . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at simoy.

Kaysarap maligaw, kung ikaw ang aking kapalaran.

Ikaw ang nagpaunawa sa akin
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng pakikipagsapalaran,
kahit nasa loob ng banyagang silid o napakalupit na bilibid.

Itatanggi mong isa kang makata,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ngunit hinahaplos mo ako sa hiwaga:
kung ako ang alak, tutunggain mo ako
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .nang maglaho ang aking pagkaalak
at maging ako ikaw. At malalasing ka,
at lilipad, hanggang malimot mo ang sarili at maging espiritung
nakalalasing,
 . . . . . . . . . . . . . . . . na gaya ko.

Para kang paslit na walang pakialam
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . marumihan man ang damit,
makita lang ang langit.

Napápatáwa ka na lámang, kapag sumadsad
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . ang ating barko sa kung saang baybay.

Bakit kokontrolin ang daigdig?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Para sabihing nasa ating palad ang tadhana?

Isang butil tayo sa walang katiyakang kalawakan,
wika ng iyong larawan, at maaaring lumalampas sa hanggahan
ng tama at mali,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . sa kulay at pananalig,
. . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa wika at saklaw.
O iyan ay guniguni lámang o kaya’y narinig o nabása
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .sa kung saang pantalan.

Sapagkat ako’y iyong iniibig
at iniibig ko’y ikaw—na totoong higit sa katwiran
kung bakit hangga ngayon
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ay kapiling ka
sa paglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . .na waring palaisipan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at nagkataong walang katapusan. . . .

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless.

Ang bawat entrada ng iyong katawan, ni Julián Malatesta

Salin ng “Cada entrada a tu cuerpo,” ni Julián Malatesta
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang bawat entrada sa iyong katawan

Ang bawat entrada sa iyong katawan
ay bagong paglalakbay sa kilalang teritoryo.

Sumasalubong sa akin ang tanawin ng sinaunang
kaugalian nang may maingat na seremonya.
Walang umaamin na bumabaha sa lansangan,
at sumabog ang lava sa piling ng mga amapola.

Wala ni babalâng senyales ng apoy . . .

Kailangan kong humangos tungo sa lagablab
at pabawahin ang apoy sa likod ng halimaw.

Biglang maririnig ang ritmikong hataw sa kasko’t
aalimbukay ang alikabok sa sibad ng mga kabayo.
Ang mga balát na kiniskis ng mga katutubo
ang pumukaw sa buong tribu.
Sakâ nagsipangaso kami nang nakahihingal.

Ngunit sa oras na magbalik kami, aking Mahal,
lalo kang nagiging malambing sa pagsisikap.
Sa mga kamay mo’t sa aking mga kamay,
marahan nating ipapasok ang hayop sa kulungan.

Make love, not war. No to illegal arrest. No to illegal detention.

“Natatanging Babae,” ni Maya Angelou

Salin ng “Phenomenal Woman,” ni Maya Angelou ng United States of America.
Salin eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Natatanging Babae

Nagtataká ang magagandang babae kung nahan ang aking lihim.
Hindi ako kyut o may katawang kasukat ng fashonistang modelo.
Ngunit kapag nagsimula akong magsalita sa kanila,
Akala nila’y nagsisinungaling lámang ako.
Sasabihin ko,
Naroon ang lihim sa abót ng aking mga kamay,
Sa lapad ng aking balakang,
Sa imbay ng aking hakbang,
Sa hubog ng aking labì.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Pumapasok ako sa silid
Nang panatag ayon sa ibig mo,
At sa isang lalaki,
Ang mga kasama niya’y tumitindig
O lumuluhod
At pinalilibutan nila ako,
Gaya ng pugad ng mga pukyot.
Sasabihin ko,
Naroon sa alab ng aking mga mata,
At sa kislap ng aking mga ngipin,
At sa kembot ng aking baywang,
At sa tuwa ng aking mga paa.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Humahangà ang mga lalaki
Kung ano ang nakikita nila sa akin.
Labis silang nagsisikap
Ngunit hindi nila mahipò
Ang hiwaga ng aking kalooban.
Kapag sinubok kong ipakita sa kanila,
Sasabihin nilang hindi pa rin nila makita.
Sasabihin ko,
Naroon sa arko ng aking likod,
Sa araw ng aking ngiti,
Sa taglay ng aking dibdib,
Sa yumi ng aking estilo.
Babae ako
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

Ngayon mo mauunawaan
Kung bakit hindi yumuyukod ang aking ulo.
Hindi ko kailangang sumigaw o magtatalón
O magsalita nang malakas.
Kapag nasilayan mo akong nagdaraan,
Dapat mong ipagmalaki iyon.
Sasabihin ko,
Naroon sa lagitik ng aking takong,
Sa kulot ng aking buhok,
Sa palad ng aking kamay,
Sa pangangailangan para sa aking kalinga.
Dahil ako’y babae
Natatangi.
Natatanging babae,
Iyan ako.

“Tagpô ng Págnanása,” ni James McAuley

Salin ng “Landscape of Lust,” ni James McAuley  ng Commonwealth of Australia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Tagpô ng Págnanása

May sariling bayan itong pagnanasa
Na hinihimlayan nitong magsing-irog
Ang lungtiang súsong-buról na úmásang
Mahipò ng bughaw at sukdulang ulop
At ang pinilipit na sangang katawan
Ay gaya ng ngiting lakas na tinaglay.

Naghunos halakhak ang tahás na gúlat
Sanhi’y alkimiya ng likás na batis,
Habang kumukulog sa gitna ng dagat;
Batotoy sa bato na kapit na kapit
Ang mga katawan nating magkasumping
Hindi nangangamba’t walang pinapansin.

Ang labis na lugod ay biglang lulusong,
Pagdaka’y aáhong kaylamyos ng ngitî
Upang muling hagkan ang labÌ at utóng.
Kay Vega’y sumimoy ang munting balanì
Dahil nakatabi ang bagting ni Lira
Saká inaawit ang bawal na kanta.

Sa silid ng nayon, na dukhâ ang anyo,
Itinirik wari ang bulawang tukod
Tulad ni Apollo sa tabi ng pintô
Tayo ang gagawa ng bahay at bakod
May kalyuhing palad na sanáy sa búhay
Bubungkalin natin ang pintíg ng lináng.

Katawan, Tandaan . . . , ni C.P. Cavafy

Tula sa wikang Griyego ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katawan, Tandaan . . .

Katawan, tandaan hindi lamang kung gaano ka minahal,
hindi lamang ang mga kama na iyong hinigaan,
bagkus maging ang mga pagnanasa
na kuminang nang lantay sa iyong paningin,
at nangatal sa tinig—at ang ilang pagkakataong
humadlang upang biguin ang gayong kaganapan.
Ngayong ang lahat ng ito ay pawang lumipas na,
waring ipinaubaya mo rin ang sarili
sa gayong mga pananasa—kung paanong kumislap yaon,
kung natatandaan mo, sa mga matang tumitig sa iyo,
at kumatal sa tinig, para sa iyo, tandaan mo, katawan!

Babaeng hubad, guhit ni Guy Rose, oleo, 71.12 x 38.1 cm. Dominyo ng publiko.

Babaeng hubad, guhit ni Guy Rose, oleo, 71.12 x 38.1 cm. Dominyo ng publiko.

Aralin sa Dyip

Sumibad ang dyip sa daan. Sumibad ang sarikulay na dyip na sakay ang sampung pasahero sa walang hanggahang daan. Ang daan ay kalyehon at haywey sa loob ng parisukat sa loob ng bilog, at ang bilog ay isang tuldok sa puso. Ang sampung pasahero ay sampung identidad na iisa ang katawan, ngunit kung ito ang itinitibok ng puso ay walang makaaalam. Iisang katawan at sandaang kalooban. Kung paano mo nauwaan ang mga pasahero ay pag-unawa sa dyip na umaandar o nakahinto.  Samantala’y parang bandila ang mga kulay, iba ang nakapahid sa balát at iba ang balát sa ilalim ng bálat. Itatanong mo kung dyip nga ba iyan o banderitas sa pista at halalan. Sumibad at huminto ang dyip. Naglaho ang mga kalye, at walang kanto ng kanan o kaliwa. Saan daan ka sumibad? Kung ako ang tsuper mo’y isasakay kita tungo sa kalawakan ng itim. Ngunit hindi ako tsuper, bagkus malaya mong isiping batas na itatakda ni Newton o Galileo.

[“Aralin sa Dyip,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo, 26 Nobyembre 2012]

Anne Hathaway

salin ng tula sa Ingles ni Carol Ann Duffy.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang kama na ibig natin ay umiikot na mundo
ng mga gubat, kastilyo, sulô, burol, dagat
na pagsisisiran ng mga perlas. Mga bulalakaw
ang salita ng aking irog pabulusok sa daigdig
gaya ng mga halik sa labing ito; banayad
na ritmo ang katawan ko sa katawan niya,
alingawngaw ngayon, saka asonansiya;
ang hipo niya’y pandiwang sumasayaw sa gitna
ng pangngalan. May mga gabing napanaginip
ko na sinulatan niya ako’t ang higaan ay pahina
sa ilalim ng kamay ng manunulat. Umiindak
ang romansa at drama sa haplos, samyo, lasa.
Sa ibang kama, na pinakamalambot, nakatulog
ang aming mga panauhin, na nagpapatalbog
ng kanilang prosa. Ang buháy, galák na mahal ko
ay hinawakan ko sa ulunang ataul ng aking biyuda
habang hinawakan naman ng irog ang palad ko
doon sa pangalawa sa pinakamalambot na kama.

Langit at Lihim ni Carlos Drummond de Andrade

salin ng dalawang tula ni Carlos Drummond de Andrade.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pighati sa Langit

May oras ng pighati sa langit.
Matinding oras na sakop ng duda ang mga kaluluwa.
Bakit ko nilikha ang mundo? naisip ng Diyos,
At ang mga sagot: Hindi ko alam.
Sumalungat sa kaniya ang mga anghel.
Nangalagas ang kanilang balahibo.

Lahat ng ipotesis: grasya, eternidad, pag-ibig
ay bumabagsak. Pawang balahibo lamang iyan.

Isa pang balahibo at mawawasak ang langit.
Napakatahimik, ni walang kaluskos na nagsasabi
ng sandali sa pagitan ng lahat at wala.
Ibig sabihin, ang kalungkutan ng Bathala.

Lihim

Mabibigo kang ihayag ang panulaan.
Manatiling walang tinag sa iyong sulok.
Huwag umibig.

Nauulinig ko na may barilan
Na abot ng ating mga katawan.
Himagsikan ba iyon o pagmamahal?
Huwag umimik.

Lahat ay posible, ako lamang ang imposible.
Umaapaw sa mga isda ang dagat
Na parang naglalakad lamang sa lansangan.
Huwag magwika.

Ipagpalagay na ang anghel ng lagablab
ay sumaklaw sa mukha ng daigdig
at ang mga isinakripisyong tao
ay humiling ng kapatawaran.
Huwag magmakaawa.

Lilith, pintura ni John Collier.

Lilith, pintura ni John Collier. Dominyo ng publiko.