Aghamistika, bilang Ikadalawampu’t siyam na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Aghamístiká[1], bílang Ikádalawámpu’t siyám na Aralín 

Roberto T. Añonuevo

Ang lalaking naglalakad sa loob ng isip ang lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kuwarto ngunit ang lalaking ito ang lalaki ring nagsusulat ng batas at nagpapatupad ng batas sa malayong lupalop gayunman ay hindi uso sa kaniya ang huminto dahil hindi uso sa kaniya ang bantas o kudlit na paglabag sa gramatika ng awtoridad at palaugnayan ng sawimpalad na walang pakialam sa sugnay na katunog ng bugnay na ang mahalaga ay sumasayaw ang mga titik na umiimbento ng indayog gayong nagpapakana ng kubling pakahulugan o pahiwatig o sabihin nang ito ang totoo ang totoo na parang totoo na hindi totoo na realidad sa realidad at iperrealidad ng hilaga sa realidad ng timog na realidad ng kanlurang realidad ng silangang gumagawa ng pelikula na pelikulang walang istorya na isang kababalaghan ay ay ay patawarin ay patuwarin paano siya mauunawaan kung ang kasalukuyan niya ang nakaraan kung ang nakaraan niya ang hinaharap kung ang kasalukuyan ang hinaharap at nakalipas na magpapanukala ng karunungang artipisyal na lilikha sa iyo at maniniwala ka sa patuluyang wika na patuloy na pagsasalita na may papel man ay tumatangging pumapel o gumamit ng papel sapagkat ito ang pinakamadali sapagkat ito ang mabilis maunawaan na ang tanong ay ginagaya si Roque Ferriols na nagkakanulo kay Ferriols na nagkukunwang Ferriols subalit hindi masagot kung mahalaga ba ang maunawaan ay hindi mahalaga dahil totoong wala kang mambabasa walang babasa sa iyo kundi ang puso ang puso mo sa pinggan ang puso ng saging na kung minsan ay pusong mamon ang sustansiyang isusubo ngunguyain lulunukin walang pakialam sa paligid walang pakialam sa impiyerno o langit sapagkat muling nagbabalik ang naglalakad sa loob ng isip na lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kabaong baliw na baliw sa kapangahasan ito ang bago ito ang gago ito ang makabago ay ay ay wiwikain mo ikaw ang lalaking ito walang hanggan walang pakialam sapagkat ito ang kapangyarihan ang paggigiit na semyotika ng alanganin hungkag at sumasanto lamang sa kawalan kalawang kawala kawal kawa kawkaw ka nang kaka ng Wala Ala Lala la la aaa ikaw ba ito o ito ako ang itatanong mo para sa akin ngunit sadyang para sa iyo para sa iyo iyo iyo


[1] Ginamit dito ang salitang “aghamistika” (na mula sa tinipil na “aghám” at “místiká”) bílang panumbás sa isáng anyô ng íperrealidád.

Alimbúkad: Epic poetry insanity breaking the rules. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Pulo ng Sandali, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Sandalî

Roberto T. Añonuevo

Nabúburá ang kalendáryo sa Pulô ng Sandalî, at díto ay máaarì kang magpátumpík-tumpík nang dî-alíntanà kung anó ang mágaganáp sa hináharáp. Hindî ka ríto máaarìng uyamíng huklúbang pawíkang lumalákad, o paratángan na patabâing pánda na lumapág sa buwán úpang doón mágparámi ng lahì. Walàng sasawáy sa iyó ríto, at itó ang kalákarán sa poók na itó. Maípagpápalíban mo ríto ang pághahanáp sa iyóng mahál, gáya ng nakáugalìan ng mga batâng kapág inutúsan ng kaniláng mga magúlang pára maghúgas ng mga báso at pinggán ay mabilís tutugón ng “Sandalî po!” na ang sandalî ay magíging isáng taón, ang isáng taón ay magíging ísang síglo, at ang ísang síglo ay magíging sampûng síglo na makapágsasálaysáy ng mga artéfakto ng kawalâng-pakíalám. Sapagkát hindî máhalagá ang panahón, ang sandalî ay kisápmatáng ipágpapálit sa páglalarô ng Dóta o pagtámbay sa Netflix o pakikípag-úsap nang mag-isá sa sélfon. Uminóm ka man maghápon ay maipágpapalíban ang pagpápahingá kapalít ng ónlayn sábong. Magtrabáho sa gobyérno’y maipágpapalíban ang serbísyo publíko, na pára bang pinunòng palagìng nágbibirô, hiníhigít ang pasénsiyá ng públikó, at nághihintáy ng kudéta mulâ sa sandátaháng ásong kumákahól. Sa Pulô ng Sandalî, ang lahát ay batà kung hindî man ísip-batà, na hindî tumátandâ, at kung nagkátaón mang may anyông tiguláng ay tumátandâ nang pauróng. Sapagkát walâng takdâ ang panahón, mágagawâ ninúman ang kaniyáng náis o láyaw at walâng makásisitá sa kaniyá. “Anák, bumilí ka múna ng pandesál.” “Sandalî po!” “Íha, magwalís ka namán sa sála.” “Sandalî po!” “Ího, maglutô ka na!” “Sandalî po!” Ngúnit daráting din ang dî-ináasáhang sandalî na ang buông henérasyón na lumakí sa sandalî ay mayáyamót sa saríli, sapagkát káhit ang pagkakásunód-sunód ng mga nakálakháng gawâin ay mababágo. Halímbawà, ang agáhan ay magigíng tanghalìan. Ang tanghalìan ay biglâang púlong, at ang hapúnan ay pagsakáy sa eropláno. Ang pag-aáral ay pagtátrabáho, ang pagtátrabáho ay págkukulóng sa kuwartó nang kung iláng linggó. Mawáwalán ng silbí ríto ang pagtatáya ng búhay pára sa minámahál, sapagkát maipágpapalíban ang panlilígaw at pagpapákasál; maipágpapalíban ang págbubuntís at págpupundár ng tahánan; maipágpapalíban ang págtitiiís o paghingî ng paúmanhín; maipágpapalíban ang pag-abót sa pangárap; maipágpapalíban ang pagharáp sa katótohánan at salamin; at higít sa lahát, maipágpapalíban káhit ang pagsasábi nang tapát. Maipágpapalíban din díto ang págmamahál sa báyan, at manákop man ang mga banyagà ay ipágdiríwang pa ng mga kabatàan na mahílig tumíktok at mágpatawá pára sumíkat at kumíta. Kayâ kapág dumakò ka sa Pulô ng Sandalî, posíbleng mahiráti ka na ríto hábambúhay. Malilímot mo ríto ang ngálan ng íyóng inaasám, malilímot mo ang iyóng saríli, malilímot mo káhit ang paglikhâ ng musíka sa loób ng ísip at guníguní. Sasápit ka sa estatíkong yugtô sapagkát iyán ang tadhanà sa Pulô ng Sandalî. Kung sakalì’t maligáw doón ang iyóng mahál, maáarìng ipágpalíban din niyá ang pakikípagtipán sa iyó, at hindî mo mapápansín na may ípot ka na palá sa úlo.

Alimbúkad: Poetry challenging time and timelessness. Photo by Jonathan Borba on Pexels.com

Magsinungaling ka, ni Ann Kithaka

Salin ng “Tell me a lie,” ni Ann Kithaka ng Kenya
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Magsinungaling ka
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na ang pagkapulá
 Ng labi kong naging kulay paminta
 Ay bunga ng labis na pagpapahid
 Ng nakalalapnos na kimika mula sa lipistik
 At hindi pangunang paglitaw
 Ng kinahihindikang AIDS vayrus.
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na ang pangangati
 Na patuloy na sumasakop sa aking balát
 Ay bunga ng isang alerdyi
 Na pinasulak ng sama-samang paglamon
 At hindi pagsisimula
 Ng kinahihindikang AIDS vayrus.
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na ang pamamawis sa gabi
 Na tumitigmak sa aking damit at binti
 At lumalagot sa pagtulog at pananaginip
 Ay senyales ng maagang menopos
 At hindi pamumukadkad
 Ng kinahihindikang AIDS vayrus.
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na kapag ako’y
 Nakaratay sa kama at mapanglaw,
 Itatatwa ko, habang nakatitig sa langit,
 Na hindi magiging bangungot sa akin
 Ang nakaraan at kasalukuyang pag-ibig,
 At mamadaliin ang pagod na kaluluwa
 Sa kisapmata at nakahihiyang wakas.
  
 Oo, magsinungaling sa akin, at ihanda ako
 Para sa pagyao.  
Alimbúkad: Unrelenting poetry for humanity. Photo by cottonbro on Pexels.com

Totoo, ni Roberto T. Añonuevo

Totoo

Roberto T. Añonuevo

Nananatili itong malamig
at depende sa iyong ibig
ay magiging plastik o banig.
Itinutulak ng bibig
at dibdib mo ang kinakabig,
nakapapasò rin kapag ligalig
ka, at ang loob ay umaapaw
o nagsasayelong sanaw.
Hipuin ito at mapupukaw.
Himasin ito at matutunaw
na parang halimaw,
habang ang iyong tanaw
ay naglalaro
mulang lalim hanggang rabáw
nang lampas sa init ng araw.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo courtesy of Birmingham Museums Trust, titled, “Changing the Letter,” 1908, by Joseph Edward Southall. The subject is taken from the poem ‘The Man Born to be King’ from William Morris’s ‘The Earthly Paradise’. The sealed letter is addressed ‘To The Governor’

Mga Limon, ni Eugenio Montale

Salin ng “I limoni,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Limón

Makinig sa akin, ang mga makatang lawreado
ay nakikilandas lámang sa mga halamang
may natatanging ngalan: bo, lipúk, o diliwariw.
Ngunit ibig ko ang mga daan sa madadamong
patubig na ang mga bata’y
sinasalok ang ilang gutóm
na palós mula sa halos matuyot na sanaw:
Mga landas na lumalampas sa mga tarundón,
palusong sa mahahalas na tambô’t nagwawakas
sa mga taniman, sa mga punong limón.

Mabuti kung ang alingayngay ng mga ibon
ay maglaho, at lamunin ng bughaw:
Higit na maririnig ang mga bulungan
ng mayuyuming sangang nilalandi ng simoy,
at ang mga pagdama sa ganitong samyo
ay hindi maihihiwalay mula sa lupain
at magpapaulan ng tarantang tamis sa puso.
Dito, sanhi ng kung anong himala, ang digma
ng mga balisang libog ay hinihiling na ihinto;
Dito, tayong dukha’y nakasasagap ng yaman,
na katumbas ng halimuyak ng mga limón.

Alam mo, sa ganitong katahimikan na ang lahat
ng bagay ay nagpaparaya at tila halos talikdan
ang pangwakas nitong lihim,
minsan, nadarama nating malapit nang
matuklasan ang mali sa Kalikasan,
ang putól na daán ng mundo, ang marupok na kawil,
ang hiblang kakalasin ang buhól na maghahatid
sa pinakapuso ng katotohanan.
Sinusuyod ng paningin ang kaligiran nito,
ang isip ay nagtatanong nagtutuwid naghahati
sa pabango na ano’t napapawi
sa pinakamatamlay na yugto ng araw.
Sa ganitong mga katahimikan ay makikita mo
ang kung anong Dibinidad
sa bawat mabilis mawalang anino ng tao.

Ngunit sumasablay ang ilusyon, at ibinabalik tayo
ng panahon sa maiingay na lungsod
na ang bughaw ay masisilayang mga retaso
sa itaas at sa pagitan ng mga bubungan.
Pinapagod ng ulan ang lupain pagkaraan;
pinagugulapay ng nakaiinis na taglamig
ang mga bahay,
kumakaunti ang sinag—pumapait ang kaluluwa.
hanggang isang araw, sa nakaawang na pinto
ng hardin, doon sa piling ng mga punongkahoy,
gugulantang ang dilaw na mga anitong limón;
at ang nakapanginginig na lamig sa puso’y
biglang matutunaw, at sa kaloob-looban natin,
ang mga ginintuang sungay ng liwanag
ay bumibirit ng angking taglay na mga awit.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Lastag na Katotohanan, ni Paul Éluard

Salin ng “Nudite de la verité,” ni Paul Éluard (Eugene-Emile-Paul Grindel) ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Lastag na Katotohanan

Alam na alam ko iyon.

Walang bagwis ang pagsuko,
ni taglay na pagmamahal,
wala itong mukha,
at hindi umiimik;
hindi ko ito sinasaling,
hindi ko ito tinitingnan,
hindi ko ito kinakausap,
ngunit buháy, gaya ng aking pag-ibig at pagsuko.

Pagsagap, ni Günter Eich

Salin ng “Einsicht,” ni Günter Eich ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagsagap

Alam ng lahat
na kathang-isip ang gaya ng Mexico.

Nang buksan ko ang alasena sa kusina,
natuklasan ko ang katotohanan
na pinalalabò
sa mga tatak ng mga de-lata.

Namamahinga ang mga butil ng bigas
makaraan ang mga siglo.
Sa labas
ang hangin ay patungo sa nais tahakin.

Kapag walang takot ang diwa, ni Rabindranath Tagore

Salin ng “Chitto Jetha Bhayshunyo,” ni Rabindranath Tagore ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag walang takot ang diwa

Kapag walang takot ang diwa at taas-noo ang paglalakad
Kapag malaya at ni walang sukal ang mga karunungan;
Kapag ang mundo’y hindi na muling magkakadurog-durog
Sa makikitid na panloob na moog na matatayog;
Kapag ang salita’y umaahon sa pusod ng katotohanan;
Kapag iniunat nang ganap ang matitiyagang kamay;
Kapag hindi naliligaw ang malinaw na batis ng bait
Sa madidilim na disyerto ng mga patay na kaugalian;
Kapag ang isipan ay kinakasangkapan nang pasulong
Tungo sa papalawak na pagninilay at pakikibaka,
Tungo sa kalangitan ng minimithi’t inaabangang kalayaan,
Ama ko, pukawin mong lubos ang aking lupang tinubuan.

Ang mga bayang hindi makatarungan, ni Axmed Aadan Afqalooc

Ang mga bayang hindi makatarungan

Salin ng tula ni Axmed Aadan Afqalooc ng Somalia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang mga bayang hindi makatarungan at laban sa katotohanan
ay ibubunyag ng ating Poon at aagawin ang kanilang kadakilaan.
Ang munting pasiya, na hindi naisip ninuman, ang ikagigiba nila.
Isang maliit na lamok ang sanhi ng pagkamatay ni Namaruude.
Hinukay ng mga daga ang Marraba, at gumuho ang pader sa tubig.
Nalipol ang mga tao ng Caad na itinuring na pambihirang paraiso.
Isang bagyo ang nagwasak sa mga lungsod na sakop ng mga Luude.
Sinumang mapagmataas ay mababatid na mali ang mga akala niya.

sky monument statue blue austria sculpture vienna out crying despair screenshot anger atmosphere of earth computer wallpaper

“Pagpapatunay,” ni Mary Ann Waters

Salin ng “Bearing Witness” ni Mary Ann Waters ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pagpapatunay

Hindi inaasahan ang pagkahenyo
Gaya ng pinilakang butones
Na nalaglag sa abrigo ni Mozart,

Tumalbog patawid ng entablado,
At kung saan nagwakas ang liwanag
Ay naupos sa aking mga palad,

Nahúli sa adelantadong palakpak.
Amadeus ang dula, at dito,
Pagdaka’y ang dulang panloob—

Ang marungis na mukha ng realidad
Na nakatitig sa mundo ng aktor,
Singhirap arukin gaya ng Diyos,

Gayong batid naming ang tinig ng Diyos
Ay musika, kung nagwika man siya.
Nakidalamhati kami kay Salieri

Sa kaniyang karimlan. Si Salieri,
Na umiiral sa bawat isa sa amin,
Ang aming desperadong simula.

Lumuwag marahil ang butones
Dahil marupok ang sinulid,
Iyon ang aming mahihinuha.

Kapritsosong kumilos si Mozart.
Ngunit alam ko kung anong galaw
Ang magtatakda ng pagkakaiba,

O kung anong liksi ang nararapat
Para masalo ang butones sa eyre
Na tila laro lamang itong pangyayari,

At ako, nasa orkesta, sa unang hanay,
Ako, na dahil nagkataong naroroon,
Ang kumakatha ng katotohanan.