Sampung Kaibig-ibig sa Pasig

Maituturing na isa sa matatandang pook ang Pasig, kung pagbabatayan ang mga arkeolohikong tuklas, at mayaman ang kasaysayan nito mulang pagsusulong ng kalakalan hanggang pagtataguyod ng kaalaman tungong pagkakamit ng kalayaan noong nakaraang himagsikan at aklasang bayan. Masigasig din dati ang mga lokal na historyador sa pagsasaliksik, gaya ni Dean Carlos Tech, at naitala kahit paano ang kasaysayan ng Pasig sa pananaw ng mga Pasigenyo. Kung ang mahabang kasaysayan ng Pasig ay babalikan lamang ng mga Pasigenyo, tiyak kong lalong mapapaibig sila sa pook na ito na nagbabago ng kulay at lalong sumisigla sa paglipas ng panahon.

Ipinagdiriwang ang ika-2 ng Hulyo bilang Araw ng Pasig, at nagkataong ito ang 436 anibersaryo ng nasabing lungsod. Lumaki ako sa Pasig, lumaboy-laboy sa mga kalye, eskinita, palengke, bukid, at ilog nito, at nasaksihan ko ang malaking pagbabago sa aming lugar sa paglipas ng panahon. Ano ba ang maipagmamalaki ng Pasig? Naglista ako ng ilang bagay, at siyang dapat ipagpasalamat ng sinumang mamamayang naninirahan sa Pasig.

  1. Pook ng Peregrinasyon. Bahagi ng peregrinasyon ang Katedral ng La Inmaculada Concepcion sa Pasig, at dati itong nagtataglay ng bobeda at kisameng may pintura ng mga larawang hango sa bibliya at tradisyon ng mga Kristiyano. Ngunit isang araw, isang paring Filipinong bagong salta sa Pasig ang nayamot yata sa maituturing na sinaunang sining na mala-Michaelangelo, at pinakaskas ang naturang pintura at pinatungan ng Boysen Paint. Pinapinturahan din niya ang patsada ng simbahan. Nagprotesta ang mga Pasigenyo, ibinalik ang dating testura ng patsada sa tulong ng NCCA, ngunit hindi na naibalik ang mga guhit sa bobeda at kisame. Samantala, isa nang atraksiyon ang Santa Clara de Montefalco, na itinuturing ngayong pinakamataas na simbahan sa buong bansa, at hangga ngayon ay hindi pa tapos ang konstruksiyon sa laki ng gastos. Makikita rin sa Pasig ang iba pang sambahan at masjid mula sa iba’t ibang relihiyon, at may kaugnayan ito sa mahabang kasaysayan ng Pasig ukol sa paglaganap ng relihiyon. Nawala man ang beateryo ng mga madre, sumulpot naman ang makukulay na relihiyong nagpapaligsahan sa kadalubhasaan sa dibinong kaalaman.
  2. Sentro ng Edukasyon. Nasa bakuran ng Pasig ang Rizal High School na may pinakamalaking populasyon ng mga estudyante sa hay-iskul sa buong Filipinas. Maraming paaralan sa Pasig, lokal at internasyonal na sangay, pribado at publiko at kabilang dito ang Pamantasan ng Lungsod ng Pasig at Pasig Science High School, na pawang kumakalinga sa mga estudyanteng dukha ang pamilya. Nasa Pasig din ang Departamento ng Edukasyon, at dapat lamang na magbigay ito ng bukod-tanging pansin sa mga estudyante ng lungsod. Ang edukasyon sa Pasig ay dapat nakapokus na sa pangangailangan ng mga tao, at hindi sa hinihingi ng mga dayuhang korporasyon. Napapanahon na rin marahil ang pagtataguyod ng Bahay Saliksikan (Research Center) para sa pagpapaunlad ng iba’t ibang larang. Samantala, dapat ding banggitin ang Pasig City Library na itinanghal na pinakamahusay na publikong silid-aklatan sa Metro Manila. Kaugnay nito, nasa Pasig din ang Anvil Publishing Inc., na naglalathala ng mga aklat ng mga lokal na awtor, bukod pa sa imbakan ng aklat ng National Bookstore. Kung hindi pa ito sapat sa pagpapahalaga ng Pasig sa karunungan ay hindi ko na alam ang mangyayari.
  3. Sining at Aliwan. Binuksan kamakailan ang Tanghalang Pasigueño, na may mataas na kalidad ang disenyo at yari. Inaasahan lamang na hahatakin ng Pasig ang mga alagad ng sining, at doon pagtanghalin o kapanayamin, para makasalamuha ng mga Pasigenyo. Mulang Bahay Kuwago (Rain Forest Zoo) hanggang Ortigas Center, ang aliwang mapagpipilian ay maaaring pangkalikasan o pangkomersiyal. Noong maliit pa ako, ang paborito kong puntahan ay ang Plasa Bonifacio, na may bantayog ni Bonifacio na nakakabayo, at abot-tanaw ang fountain na ngayon ay kinatitirikan ng McDonald’s (na ang ilalim ay dating estero na diraanan ng mga bangka). Bahagi rin ng ikonograpiya ng Pasig ang Sine Victoria, Topstar, at Famas ngunit marahil ay malayo na iyon ngayon sa hinagap ng mga kabataan. Isa sa masasarap kainan noon ang dating restoran na ngayon ay kinatitirikan ng La Immaculada Concepcion School, at ang paboritong dayuhin ng mga tao, ang Dimas-alang Bakery.
  4. Pook residensiyal. Estratehiko ang pagkakalagay ng mga subdibisyon sa Pasig, at kung ito lamang ay maipagpapatuloy, ang mga baybay sa kahabaan ng Ilog Marikina, Ilog Pasig, at Manggahan Floodway ay maaaring mapaghunos na maririkit na bahayan o kaya’y komersiyal na lunan (na puwedeng tustusan ng pondo mula sa internasyonal na institusyong pananalapi). Ngunit ang problema ngayon ay ang dumaraming pook iskuwater. Ang mapagpipilian ng pamahalaang lokal ay maaaring paglilipat-bahay, pag-oorganisa ng mga maralitang tagalungsod, pagsasaayos ng sonang pabahay, paggamit ng mga tiwangwang na lupa sa loob ng lungsod, kumbersiyon ng mga dating nagsarang pabrika bilang pook ng paninirahan, pagpapatupad ng panlipunang pabahay para sa maralita, at masinop na pagpaplano ng bahayan sa lungsod. Dapat ipagbawal na rin sa Pasig ang pagtatayo ng mga tore ng telekomunikasyon, na ang mga gusaling residensiyal ay inuupahan ng mga korporasyon, gaya ng Sun Cellular, para pagtayuan ng relay station. Mapanganib ito, sa aking palagay, sa mga residente ng Pasig, at kung titipirin ng mga korporasyong pantelekomunikasyon ang pagtatayo ng sariling matatayog na tore ay walang karapatan ang mga ito na humimpil pa sa naturang lungsod.
  5. Bago at Lumang Palengke. Natatandaan ko nang maliit pa ako’y malimit akong isama ng aking lola sa palengke ng Pasig, pagkaraang dumalo ng misa  sa simbahan ng La Inmaculada Concepcion na ang mga pari’y pawang Belhiko. Umuupa pa siya noon ng kalesa sa dami ng pinamimili, at katabi ko ang kutsero na tagasitsit o tagapilantik ng kabayo. Sabado ang pinakamasiglang araw ng pamimili, at naging tradisyon na yata ito magpahangga ngayon. Dinarayo ngayon ng masisigasig na biyaherong nagmumula sa apat na panig ang Pasig, at kapuri-puri ang konstruksiyon ng bagong palengkeng umaangkop sa pangangailangan nila. Ang problema lamang noon ng palengke ay trapik, basura, baha, at ilang pasaway na tao na kung hindi gumagawa ng panaka-nakang krimen ay naglulustay ng oras sa kalye. Nang maging alkalde ang tukayo kong si Bobby Eusebio, isa-isang isinaayos ang problema. Bagaman sumikat ang Palatiw dahil sa shabu tiyangge, maliit na bahagi lamang ito kung ikokompara sa progreso ng lungsod. Kung patuloy na pauunlarin ang palengke ng Pasig, at isasaayos ang paligid na may mga bahayan, paradahan, at pulisya, hinuhululaan kong lalampasan ng Pasig ang nagawa ng Marikina, at lulumain kahit ang pinagtambal na Ayala at Divisoria.
  6. Manggahan Floodway. Sa mga naging proyekto ng Pasig, Manggahan Floodway ang pinasasalamatan ng maraming tao. Noong dekada sitenta, tuwing bumabagyo ay lumulubog ang Pasig, lalo yaong malapit sa baybayin ng Ugong, Rosario, Maybunga, Caniogan, Bambang, at iba pang lugar. Kapag bumaha noon, ang mga isda ay pumapasok sa loob ng bahay at napakakapal ng banlik na mula sa luad na ginagamit sa paggawa ng palayok at banga. Nang mabuksan ang floodway ay nailihis ang tubig sa Kapasigan tungo sa Taguig pa-Laguna de Bay. Maganda na sana ang kahabaan ng Manggahan Floodway, ngunit parang kabute ang paglitaw ng mga pook maralitang ilegal na nagtindig ng mga bahayan at impraestrukturang komersiyal. Nagkaroon dati ng paglilipat-tirahan sa ilang mga residente nito, ngunit parang bangungot na nagbalik ito ngayon dahil sa hirap ng buhay. Malaking hamon ito sa pamunuan ng Pasig.
  7. Pangalan ng mga Kalye at Barangay. Makasaysayan kahit ang mga pangalan ng kalye, purok, at barangay sa Pasig, at minsang isinatula na ito ni Lope K. Santos. Kung babalikan lamang ng mga kabataan ang ugat ng naturang pangalan, maiisip nila marahil na ang “pasig” ay may kaugnayan sa baybay ng ilog, at ang pook nito ay dating nakaayon sa kalakalan, transportasyon, agrikultura, paghahayupan, pamamalayok, at pangingisda. Ang problema lamang sa ilang konsehal ng Pasig ay binabago ang dating pangalan ng mga kalye, at isinusunod sa pangalan ng kung sinong politiko, ngunit hindi naman sinusunod ng mga tao. Ang dapat atupagin nila ay magpasa ng batas laban sa pagpaparada ng sasakyan sa ibabaw ng bangketa at sa walang taros na konstruksiyon ng mga gusaling lumalabag sa kodigong panggusali.
  8. Seguridad. Tahimik ang Pasig kung ihahambing sa iba pang lungsod at munipalidad ng Metro Manila. Wala lamang maiulat ang mga estasyon sa telebisyon, at ginagawang ehemplo ang Pasig sa gaya ng aksidente o banggaan ng mga sasakyan. Ang kinakailangan lamang ay paigtingin pa ang pagsugpo sa krimen, gaya ng pagpupuslit ng droga at panaka-nakang nakawan, na mahirap maiwasan habang lumalakas ang migrasyon at lumalaki ang populasyon ng lungsod. Sa aking pagkakaalam ay maagang naglaho ang huweteng sa Pasig.
  9. Mga Motel. Bilib ako sa mga motel ng Pasig, na malilinis, tahimik, ligtas, at nakalugar sa puwestong estratehiko para sa daluyan ng mga tao at sasakyan. Ang mga motel ngayon ay hindi na lamang para sa mga magkasintahan o magkalaguyo na lihim na nagtatagpo kung gabi, bagkus para sa buong pamilya o kaya’y motorista at biyaherong ibig maghanap ng mapagpapahingahan nang pansamantala. Organisado ang mga tagapangasiwa ng mga motel sa Pasig, at sa aking palagay ay mahirap itong mapantayan ng iba pang lungsod sa Metro Manila.
  10. Impraestruktura at Pagawaing Bayan. Magsimula nang mamuno si Bobby Eusebio ay mabilis ang pagtatayo ng mga impraestruktura at balak yata niyang higtan ang kaniyang mga magulang na naging alkalde rin ng Pasig. Ang pagkakaiba lang, higit na disiplinado at matalino ang mga proyekto ng batang Eusebio mulang pagpapahusay ng mga tulay at bangketa hanggang ospital at bulwagan ng lungsod. Nawa’y ipagpatuloy rin ni Bobby Eusebio ang konstruksiyon ng mga sementadong daanan sa gilid ng kahabaan ng Ilog Marikina at Ilog Pasig, upang magamit ang “pasig” sa sukdol nitong pakahulugan. Kailangang pag-isipan din ng Pasig ang mahusay na paggamit sa mga tiwangwang nitong lupa at abandonadong pabrika, na dapat ilagay sa kapaki-pakinabang na paraan at hindi lamang sa pagtataguyod ng mga mall at iba pang komersiyal na pamilihan.

May ilang problema pa rin ang Pasig, gaya ng paglutas sa sumisikip na trapiko, pagsinop sa mga kawani ng pamahalaang lokal, pagpapahinto ng paglaganap ng mga kolorum na traysikel na gumagawa ng ilegal na terminal, paglinang sa lokal na negosyo at industriya, at pagtaboy sa perhuwisyong Brigada Paniki tuwing gabi. Inilista ko ang mga ito bilang karaniwang mamamayan na walang koneksiyon sa sinumang politiko ng Pasig. Ipinagmamalaki ko ang Pasig, at marahil ay nagkataong nagkakatugma lamang ang habang-alon namin ng aking katukayo. Ngunit higit pa rito, ibig kong ipanukala ang muling pagkatha sa Pasig, ang masinop na paglingon sa nakaraan ngunit masiglang humaharap sa kasalukuyan at darating na panahon. Mahirap itong gawin, at maaaring simulan ito kahit sa pagsusulat ng blog na ito.

Pahabol: Nakikiramay ang Alimbukad sa lahat ng kaanak sa pagpanaw ng iginagalang na mang-aawit, host, at kolumnistang si Susan Fernandez kanginang madaling araw.  Si Sansu, ang magiliw naming tawag kay Susan, ay malaki ang naitulong sa UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) dahil malimit siyang magpaunlak umawit tuwing may kongreso at pagdiriwang ang mga manunulat. Wala ring patid ang pagsusulong niya ng interes ng kababaihan kahit sa munting pagsusulat ng pitak sa pahayagan. Hindi ka namin malilimutan, Sansu, at maraming salamat sa lahat.

Resureksiyon at Larawan ng Bayan, ayon kay Aurelio Tolentino

Binasa kong muli ang Kahapon, Ngayon, at Bukas (Larawan ng Bayan) na mahabang tulang pasalaysay ni Aurelio Tolentino noong nakaraang linggo. Nalathala ang munting aklat noong Setyembre 1913, at mula sa Limbagang Tolentino na may tanggapang nasa San Nicolas, Maynila.

Ang totoo’y nakasaad sa dahong pambungad na “novelang Tagalog” ang akda, ngunit nakasaad naman sa ilalim na “Tula ni Aurelio Tolentino.” Mahihinuha rito na wala pang malinaw na pagtatangi kung ano ang “nobela” at ang “tula” sa panitikang Tagalog, dahil ang mismong “nobela” o “maikling kuwento” ay maituturing na bagong uri ng panitikang nagsisimula pa lamang mamukadkad sa panig ng Tagalog noong bungad ng siglo 20.

May 84 pahina ang akda ni Tolentino, at malayo sa bersiyon ng dulang naging sanhi upang ibilanggo siya ng rehimeng Amerikanong takot sa paghihimagsik ng mga Filipino. Pito ang kabanata ng tula, at kabilang dito ang “Talimhagang Paalam,” “Ang Libingan ni Lakhang Bayan,” “Watawat ng Kalayaan,” “Ang Mag-inang Bihag,” “Pangakong Mahigpit,” “Maligayang Kababalaghan,” at “Natupad ang Tipan.” May pambungad namang “Patungkol” na alay ng awtor sa kaniyang “bayang pinakaiibig.”

Apat lamang ang pangunahing tauhan sa tula: una, si Raha Lakhang Bayan; ikalawa, si Samuel, ang banyagang kaibigang naging kaaway ni Lakhang Bayan; ikatlo, si Kalayaan, na esposa ni Lakhang Bayan; at si Mithi, na anak nina Lakhang Bayan at Kalayaan.

Payak lamang ang daloy ng kuwento. Bago pa man dumating ang mga banyagang mananakop ay pinaghaharian ang kapuluan ni Raha Lakhang Bayan. Ang nasabing raha ay inilarawang “matapang,” “matalino,” “bantog,” “mayaman,” “dakila,” at “tagalog na wagas.” Payapa niyang napamahalaan ang bayan, at naging katuwang sina Kalayaan at Mithi.

Samantala, ang kaniyang kaibigang si Samuel (na sagisag sa “Estados Unidos”) na mula pa sa ibayong dagat ay inilarawang “pantas at mayaman,” “lahing puti,” at napadako umano sa kapuluan upang tulungan si Raha Lakhang Bayan na patumbahin ang “kaaway na walang kasing-lupit” (na mahihiwatigang sumasagisag sa Espanya).

Matapos daluhan si Raha Lakhang Bayan ay lalabis ang pagnanasa ni Samuel na palawakin ang lupaing sakop o tirahan nito. Sasalakayin ni Samuel ang kuta ni Lakhang Bayan, at pataksil na papatayin ito bago itapon sa bangin. Susunugin ng hukbo ni Samuel ang saklaw ng Lakhang Bayan, at mapipilitang lumikas tungo sa gubat at parang ang mag-inang Kalayaan at Mithi. Ngunit hindi magtatagal ay mabibihag ni Samuel ang mag-ina. Bibihisan ng banyagang damit ang mag-ina, at pipilitin silang mamuhay gaya ng nakagisnan ni Samuel. Magpapasok din ng pagbabago si Samuel mulang impraestruktura hanggang edukasyon hanggang ekonomiya, ngunit ang lahat ng iyon ay mula pa rin sa yaman ng Lakhang Bayan at hindi mula sa bulsa ni Samuel. Magpapataw ng malaking buwis si Samuel sa kaniyang sakop, na lalong magpapahirap sa mga mamamayan.

Isang gabi, nanalangin si Samuel sa Maykapal kung tapos na ang kaniyang tungkulin para sa bayang sinasakop niya. Sinagot siya ng kalikasan, at makaraang kumulog at kumidlat, bumangon sa libingan si Raha Lakhang Bayan. Magkakabati ang dalawa, at ibibigay naman ni Samuel ang kalayaan sa bayan ng naturang raha.

Hitik sa alusyon ang naturang tula, ngunit kung may pagkakahawig man ang mga iyon sa kasaysayan ay lubhang napabawa na ng awtor. Ang mapagkandiling asimilasyon na isinulong ng Estados Unidos sa Filipinas ay halatang pinatatamaan sa tula, ngunit ang pagwawakas ng Amerikanisasyon matapos “igawad” ang kalayaan sa Filipinas ay hindi ganap na matutuldukan. Manapa’y lalong lalakas ang puwersa ng Estados Unidos sa Filipinas, mulang edukasyon hanggang sandatahang lakas, at mulang kultura hanggang negosyo at moda. Iigting din ang kutsabahan ng mga maykayang pamilya at ng rehimeng Amerikano, at ito ang lilitaw mulang agrikultura at industriya hanggang politika at kalakarang ipinakilala ng Amerika sa Filipinas.

Marahil may kaugnayan dito ang panggigipit ng estado sa gaya ni Tolentino na ipinakulong saka binugbog at pinahirapan ng mga Amerikano sa loob ng bilibid noong 1903. Pinaratangan si Tolentino na naghahasik ng sedisyon dahil sa pagtatanghal ng dulang Kahapon, Ngayon, at Bukas sa Teatro Libertad, Santa Cruz, Maynila. Itinampok sa dula ang pananakop ng mga banyaga sa Filipinas, at nagbabanta na armadong pag-aaklas ang taumbayan nang makamit ang kalayaan. Nakalaya lamang si Tolentino nang patawarin siya ni William Cameron Forbes matapos ang siyam na taon sa bilangguan.

Napakapayak ang tumbasan ng mga sagisag sa tula ni Tolentino, at ang resureksiyon ni Raha Lakhang Bayan ay itinadhana ng Maykapal—imbes na mula sa lakas ng taumbayan—at nabahiran ng biblikong pahiwatig. Pambihira rin ang resureksiyon, dahil ihuhudyat iyon ng pagdating ng ibon at hayop na pawang ilahás, habang yumayanig ang lupa at animo’y sasabog ang bulkan. Kung bakit nagkaisa ang naturang mga ibon at hayop at salubungin ang resureksiyon ni Raha Lakhang Bayan ay dapat pag-aralan pang maigi. Kung ang nasabing tagpo ay alusyon sa panibagong himagsikan, nakahihindik ang tagpo dahil nagbabalikwas ang likas na kaligiran sa rehimen ni Samuel at si Samuel sampu ng kaniyang hukbo ay nanganganib na lurayin ng naturang mga ibon at hayop.

Sa kabila ng lahat, ang anumang kahinaan ng Kahapon, Ngayon, at Bukas ay wala sa nilalaman, bagkus sa mga salik na hindi naipaloob dito. Ang nasabing akda ay tila munting introduksiyon lamang sa “kasaysayan,” ngunit kaululan kung iisipin ang gayon dahil may sariling lunan ang nasabing tula na bukod sa kasaysayan. Dumudukal nang malalim ang tula sa tradisyon ng awit at korido, gayunman ay lumalampas pa rin doon dahil ang paksa ng tula ay malayo sa mga pakikipagsapalaran ng hari o prinsipe, bagkus ng isang bayang naghahanap ng kalayaan matapos sakupin ng dayo.

Ang unang kabanata ng tula, na pinamagatang “Talimhagang Paalam,” ang pinakamagandang seksiyon kompara sa iba. Pambihira ang palitan ng opinyon nina Raha Lakhang Bayan at Samuel, at sinematiko ang pagwawakas nang ihagis ni Samuel sa bangin si Raha Lakhang Bayan. Maalam din si Tolentino sa mga alusyong buhat kina Flavius Vegetius Renatus, Aristotle, Sun Tzu, Herbert Spencer, Sigmund Freud, Robert Burton, at iba pa na pawang isinalin niya sa bibig ni Samuel na kausap noon si Raha Lakhang Bayan. Halimbawa na rito ang sumusunod:

Ang ibig mamuhay sa katahimikan
ay dapat gumayak sa mga labanán,
ang nagkailangan ng saganang buhay
ay dapat humarap sa mga patayan.

Na tila hango sa winika ni Vegetius na “Qui desiderat pacem, praeparet bellum” (He who desires peace must prepare for war) o kaya’y ni Aristotle na “Nakikidigma tayo upang makapamuhay sa kapayapaan” (We make war that we may live in peace).

Taliwas naman iyon sa mga konsepto ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, at lilitaw sa mga terminong gaya ng “katwiran,” “bait,” “dangal,” at “pag-ibig” na pawang mamumutawi sa mga labi nina Raha Lakhang Bayan, Kalayaan, at Mithi. Ang maganda sa tula’y waring sinadyang gawing simple ang taludturan, gaya ng sa awit ni Francisco Balagtas, at iniayon sa madlang mambabasang naghahanap ng bagong panitikang makapagbubukas ng kani-kanilang isip.

Hindi pa tapos ang larawan ng bayang iginuhit ni Tolentino sa pamamagitan ng tula. Ang “Búkas” sa tula ni Tolentino ay patuloy na nagaganap ngayon, at ito ay hindi lamang sasaklaw sa kalayaan at kasarinlan, bagkus maging sa katarungan at kaunlaran. Kinakailangang suriin din muli ang “Kahapon” dahil masalimuot ang pag-aaral ng kasaysayang alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Marahil, nasa kamay na ng bagong henerasyon ng mga Filipino kung ano ang naaangkop na larawan ng bayan na kanilang iguguhit sa pag-iral sa kasalukuyan, alinsunod sa kanilang karanasan, at sa nabubuong agos ng kasaysayan. (Roberto T. Añonuevo)