Wakas ng Tag-araw, ni Günter Eich

Salin ng “Ende eines Sommers,” ni Günter Eich ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wakas ng Tag-araw

Walang ibig mamuhay nang malayo sa lilim ng mga puno!

Mapalad na tayo, at naging mortal silang nilalang!

Pinipitas ang mga peras, tumitingkad ang sirwelas
Habang dumadagit ang oras sa ilalim ng tulay.
Ibinahagi ko ang panlulumo sa kawan ng ibong patimog.

Panatag nilang sinukat ang kanilang bahagi sa eternidad.
Ang kanilang ruta
Ay lumitaw bilang madilim na pagpipilit sa kayabungan.
Ang pumapagaspas na mga pakpak ay kumulay sa bunga.

Kailangan nating magtiyaga.
Mauunawaan balang araw ang sulat-sa-langit ng mga ibon.
Hindi mo ba nalalasahan ang tansong kusing sa ilalim ng dila?

Pasiyok, ni Oktay Rifat

Salin ng “Kaval,” ni Oktay Rifat ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Ruth Christie

Pasiyók

Ang araw na inihambing niya ang libingan sa kawan ng tupa
Ang araw na nabatid niyang “pagsapi sa kawan ang mamatay,”
Isinulat niya ito. Ngunit ang pangungusap na ito’y taliwas
Sa puntod, walang himig sa pasiyok ng pastol, wala ni pastol.
Nagmula kung saan ang himig-pasiyók, magaan at mapaglaro.
“Narito ang mga pastol,” wika nito, napukaw ang mga tupa,
Ngunit nang mayamot ang mga ito’y tumahimik ang pasiyók.
Mabuti nang ilibing ang lahat ng di-nasusulat na bagay
Sa isang taludtod: “Ang mamatay ay pagsapi sa kawan.”
Ngayon, muling tumugtog ang pasiyók, para sa kaniya lamang,
Subalit maaasahang biglang hihinto ito sa piniling sandali.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig