Mag-isa ang Gabi, tulad ng Pulubi, ni Georges Rodenbach

Salin ng “La Nuit est seule, comme un pauvre. . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mag-isa ang Gabi, tulad ng Pulubi

Mag-isa ang gabi, tulad ng pulubi.
Inihahain ng mga poste ng ilaw
Ang madidilaw na lagablab
Bilang abuloy.

Sintahimik ng saradong simbahan ang gabi.
Ang panlulumo ng mga poste ng ilaw
Ay naglalantad ng apoy na rosas,
Matitingkad na pumpon ng bulaklak,
Mga pumpon sa ilalim ng salamin,
ang sagradong relikyang pumupuno
sa Gabi nang may indulhensiyang plenarya.

Natitiis ng Gabi ang kirot!
Ang nagkokorong poste ng mga ilaw
Ay pinasisirit ang pula’t asupreng alab,
Gaya ng sinumpaang mga hulagway,
At mga Sagradong Puso,
Na pawang pinadurugo ng simoy sa pamamagitan
Ng malalamig na patalim.

Lalong nagngangalit ang Gabi!
Ang mga ilaw ng poste, na magkakahanay,
Ay inilaladlad ang mga bughaw na ningas,
Tulad ng mga kaluluwa, na humihinto para mamahinga,
Mga kaluluwa ng patay na araw, tinatahak ang mga daan,
Nangangarap ng pagbabalik sa kanilang saradong bahay,
Habang aali-aligid, nang malaon, sa bungad ng lungsod.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. No to foreign invasion of the Philippines! No to War!

Malayo sa Ating Loob, ni Vasko Popa

Salin ng “Daleko u nama,” ni Vasko Popa ng Serbia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Malayo sa Ating Loob

1
Iniangat natin ang mga kamay
Umakyat sa langit ang mga daan
Mga mata natin ay ibinaba
Bumagsak yaong bubungan sa lupa

Mula sa bawat dinadalang kirot
Na hindi kayang banggitin nang taos
Sumisibol yaong punong kastanyas
Na hiwagang lihim sa ating lahat

Mula sa bawat taglay na pag-asang
ikinalulugod ng bawat isa
May umaahon na isang bituing
Ang inog ay hindi ta mararating

Narinig mo ba ang balang lumipad
Na sa mga ulo natin wawarak
Narinig mo ba ang mga pumutok
Na nagbantay sa halik nating taos

2
Ang mga kalye ng mga sulyap mo
Ay walang wakas

Mga layang-layang ng mata mo
Ay hindi sa timog lumilipat

Mula sa mga álamo ng iyong suso
Ay walang dahong nalalaglag

Sa kalangitan ng mga salita mo
Ang araw ay palaging sumisikat

3
Ang ating araw ay mansanas
Na hinati sa dalawa

Tinitingnan kita
Ngunit hindi mo ako nakikita
Nasa pagitan ta ang bulag na araw

Nasa mga baitang
Ang mga punit nating yakap

Tumawag ka sa akin
Hindi kita naririnig
Nasa pagitan ta ang binging simoy

Sa mga bintana ng tindahan
Hinahanap ng labi ko
Ang iyong ngiti

Nasa sangandaan
Ang ating niyurakang halik

Ibinigay ko sa iyo ang kamay
Wala ka man lang nadama
Niyapos ka ng kahungkagan

Sa mga plasa
Ang luha mo’y hinahanap
Ang aking mga mata

Sa gabi ang patay kong araw
Ay tinitipan ang patay mong araw

Tanging sa pananaginip
Nakalalakad tayo sa iisang párang

4
Ito ang iyong labi
Na ibinabalik ko
Sa iyong leeg

Ito ang sinag ng buwan
Na ibinababa ko
Mula sa iyong mga balikat

Naiwala natin ang isa’t isa
Sa napakasukal na kahuyan
Ng ating pagtatagpo

Sa aking mga kamay
Lumulubog at lumiliwayway
Ang iyong lalagukan

Sa iyong lalamunan
Lumiliyab at nauupos
Ang masisiklabo kong tala

Natagpuan natin ang isa’t isa
Sa ginintuang bakood
Na napakalayo sa ating loob

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Milan Surbatovic. Unsplash.com.

Paghahanap sa Panulaan, ni Carlos Drummond de Andrade

Salin ng “Procura da poesia,” ni Carlos Drummond de Andrade                  ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paghahanap sa Panulaan

Huwag sumulat ng tula hinggil sa mga pangyayari.
Walang isinisilang o namamatay sa harap ng panulaan.
Sa tabi nito, ang búhay ay estatikong araw
na salát sa init o liwanag.
Hindi mahalaga ang pagkakaibigan, kaarawan, insidente.
Huwag sumulat ng tula na may katawan,
ang lawas na ekselente, kompleto, at komportable’y
sumasalungat sa pagbuhos na liriko.
Ang iyong ngitngit, ang iyong ngiwî ng kaluguran o kirot
sa dilim ay walang saysay.
Itago ang iyong mga sentimyento,
na pasikot-sikot at nagsasamantala ng kalabuan.
Anumang iniisip o nadarama mo ay hindi pa tula.

Huwag umawit ukol sa lungsod mo; hayaan itong mag-isa.
Ang awit ay hindi andar ng makina o ang lihim ng mga bahay.
Hindi ito musikang nagdaraan, o ingay ng dagat sa mga kalye
na umiiwas sa hanggahan ng bulâ.
Ang awit ay hindi kalikasan
o mga tao sa kapisanan.
Walang saysay sa tula ang ulan at gabi, ang pagod at pag-asa.
Ang panulaan (na mabibigong mahugot sa mga bagay)
ay lumalampas sa subheto at obheto.

Huwag maging dramatiko, huwag manambitan,
huwag magtanong, huwag maglustay ng oras sa pagsisinungaling.
Huwag mainis.
Ang yate mong garing, ang diyamante mong sapatos,
ang mga mazurka mo’t panlalait, ang mga kalansay ng pamilya
ay walang saysay lahat, at naglalaho sa kurbada ng panahon.

Huwag isalaysay
ang malungkot mo’t inilibing na panahon ng kabataan.
Huwag mangatal sa pagitan ng salamin
at naglalahong alaala.
Anumang kumupas ay hindi tula.
Anumang mabasag ay hindi kristal.

Pumasok sa kaharian ng mga salita na waring bingi ka.
Naroroon ang mga tula na ibig na maisulat.
Natutulog ang mga ito ngunit huwag masiraan ng loob,
sariwa at panatag ang mga rabaw nitong wala ni biyak.
Pipi at nag-iisa, hawig yaon sa estado ng diksiyonaryo.

Mamuhay sa piling ng mga tula bago sulatin iyon.
Kung malabo, magtiyaga. Kung nakasasakít, kumalma.
Maghintay hangga’t maging ganap ang bawat isa
at magwasak nang may kapangyarihan ng mga salita
at nang may kapangyarihan ng pananahimik.
Huwag pilitin ang mga tula na lumayo sa limbo.
Huwag pulutin ang mga tula mula sa sahig.
Huwag purihin ang mga tula. Tanggapin ang mga ito
gaya sa pangwakas at tiyak nitong anyong
siksik na siksik sa espasyo.

Lumapit at pagnilayan ang mga salita.
Sa bawat mukha
na may libong lihim na mukha ng iba pang mukha,
at ni walang pakialam anuman ang iyong maging tugon,
mahina man o malakas, ang bawat isa’y nagtatanong:
Dala mo ba ang susi?

Pansinin:
Nagkakanlong sa magdamag,
sa mga yungib ng melodiya at diwain, ang mga salita.
Mamasâ-masâ pa’t kagampan sa pagtulog, ito’y
umaagos sa masalimuot na ilog at nababago sa paghamak.

Hayaang Maganap, ni Faiz Ahmad Faiz

Salin ng tulang Urdu ni Faiz Ahmad Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,
batay sa bersiyong Ingles ni Sain Sucha

Hayaang Maganap

Kung ang habagat ngayong araw sa hardin ng gunita
ay ibig magkalát ng mga talulot, hayaang maganap.
Kung ibig ng kirot—na tulóg sa hukay ng nakalipas—
na muling pumutók at umantak, hayaang maganap.
Bagaman umaasta kang estranghera’y ano ngayon?
Halika’t maglaan ng oras, mag-usap nang magkaharap.

Kung palaring magtagpo muli tayo, pagkaraan nito’y
magiging marubdob ang pakiramdam ng pagkawala.
Ang palitan ng ilang salita sa pagitan nating dalawa
ay magpapalawig ng kalabuan ng di-mausal na salita.
Di huhugot ng anumang pangako ang sinuman sa atin,
ni tatalakayin ang gaya ng katapatan o pang-aapi.

Kung ang aking mga mata’y lapitan ka nang may luha,
upang hugasan ang naipong alikabok ng nakaraan,
maaari kang tumugon, o piliing ganap na manahimik.
At ang mga salitang nagtutulak na umiwas ng tingin
ay maaari mong tugunin, o kaya’y ibiging palampasin.

Mapuputing Bandera, ni Sung Sam-moon

Salin ng tula ni Sung Sam-moon ng Sinaunang Korea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mapuputing Bandera

Sung Sam-moon (Sirka 1420 A.D.)

Pumapagaspas ang mapuputi, mahahabang bandera
na hinihipan ng malamig na simoy.
Lumalagabog at umaalingawngaw ang mga tambol
upang pabilisin ang aking búhay tungo sa bibitayan.
Nangakapalibot sa aking kinatatayuan
ang mga mapang-inis na ngisi at mapanlibak na titig.
Sakâ sinipat ko nang tapat ang papalubog na araw.
Saan ako hihimlay kapag nagwakas ang lahat ng kirot?
Wala ni upahang bahay sa loob ng Dilawang Lilim—
at walang makapagsasabi kung saan ako hihimbing.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing.

Magsasalita ako hinggil sa pag-asa, ni César Vallejo

Magsasalita ako hinggil sa pag-asa

Salin ng “Voy a hablar de la esperanza,” ni César Vallejo
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

. . . . . . . . . .Hindi ako nagdurusa sa hapding ito bilang César Vallejo. Hindi ako nasasaktan bilang artista, bilang tao, o bilang karaniwang nilalang. Hindi ako nagdurusa sa kirot na ito bilang Katoliko o Muslim o ateista. Sadyang may hapdi sa akin ngayon. Kahit hindi ako si César Vallejo, pagdurusahan ko pa rin ito. Hindi man ako artista’y pagdurusuhan ko pa rin ito. Hindi man ako tao o nilalang ay pagdurusahan ko pa rin ito. Hindi man ako Katoliko o Muslim o ateista, pagdurusuhan ko pa rin ito. Nararanasan ko ngayon ang sakít mula sa kailaliman. Ngayon ay sadyang tumatagos sa akin ang hapdi.

. . . . . . . . . .Nasasaktan ako ngayon nang walang paliwanag. Napakalalim ng aking sakít, na wala itong sanhi o hindi nawawalan ng sanhi sa sandaling ito. Ano ang ugat nito? Nasaan ang bagay na napakahalaga, na maaaring magwakas ang sanhi nito? Ang sanhi nito ay wala; at walang makapipigil sa magiging sanhi nito. Dahil bakit lumitaw ang hapding ito, nang dahil sa sarili? Ang hapdi ko’y nagmumula sa habagat, o amihan, gaya ng mga bugok na itlog na iniluluwal sa simoy ng ilang kakatwang ibon. Kung patay ang aking mapapangasawa, ang hapdi ay katumbas niyon. Kung laslasin nila ang aking leeg, ang kirot ay pareho lámang. Kung ang búhay, samakatwid, ay naiiba, ang sakít ay sadyang magkapareho. Ngayon ay nagdurusa ako nang higit na mataas. Ngayon ay sadyang nadarama ko ang sakít.

. . . . . . . . . .Sinisipat ko ang hapdi ng nagugutom na tao, at nabatid ko na ang kaniyang gutom ay higit sa aking pagdurusa, na kung ako’y mag-aayuno hanggang mamatay, kahit paano’y may susupling na dahon ng damo mula sa aking libingan. Katulad din sa gaya ng mangingibig! Nakabubúhay ang kaniyang dugo, na taliwas sa aking walang ugat at walang silbi!

. . . . . . . . . .Naniniwala ako na magpahangga ngayon, ang lahat ng bagay sa uniberso ay hindi makaiiwas na maging mga magulang o anak. Ngunit masdan ang aking hapdi ngayon na hindi magulang o anak. Wala itong likod upang kumulimlim, o wala itong sapat na dibdib para lumiwayway, at kung ilalagak sa madilim na silid, hindi ito makapagbibigay ng liwanag, at kung ilalagay naman sa maliwanag na silid, ni hindi ito makapagbibigay ng anino. Ngayon ay nagdurusa ako anuman ang mangyari. Sadyang tagos ngayon sa aking loob ang sakít.

Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping.

“Nokturno,” ni Rubén Darío

Nokturno

salin ng “Nocturno” ni Rubén Darío.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ikaw na duminig sa tibok ng puso ng gabi
ikaw na sa gabi’y balisâ at dinig ang pintông
puminid, ang sigaw ng kotse doon sa malayò
ang tunog na munting umaalingawngaw sa tabi. . .

Sa bawat sandaling hiwaga ang maging tahimik,
at bawat dumating na tao’y nagmula sa selda
sa oras ng patay, sa oras ng higit na sará
ay mababása mo ang guhit ng buntis na pait!

At gaya ng hungkag na basong nilamnan ng kirot
ng mga gunita at sumpang sa puso’y kay málas
ang bigat ng budhi, na lasing sa mga bulaklak,
ang buong pighati ng puso na pistang malungkot.

Ang pasán ng maging mabigo sa dapat matamo
ang wasak na kuta ng hari na sana’y naangkin
ang diwang tumimo na hindi sumilang sa ningning
ang mithi ng aking pag-iral noon pa sa mundo!

Umahon ang lahat sa katahimikang kay lawak
na gabi’y nilukob ang bayang ilusyon sa tanaw
at ako’y bumalik na hiyaw sa dibdib ng bayang
tinuhog, niyugyog ang ubod ng pusong umiyak.

Pagkamulat, ni Alasdair Gray

Salin ng tulang “Awakening”  ni Alasdair Gray
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nagising akong katabi sa lastag na kama ang kirot,
napakalapit, ang kaniyang ulo, na biniyak sa mapusyaw
na bato, ay ang aking ulo, ang kaniyang utak
ay ang aking utak, at hindi ko maiwaglit sa isipan
ang gayong pagkakalapit. Labis siyang napakatalik
na kasama at waring madaramang pag-iisa.

Sinikap kong buksan ang pinto upang siya’y palayasin,
. . . . . . . . . . .  o suhulan upang umalis,
pero naku po, ngumingiti siya saanmang panig
ako tumingin, sa lahat ng bagay na aking gawin.
Nakita ko ang kaniyang anyo kung saan tayo nagtagpo.
Kumakain siya sa tamang oras, sumesenyas sa bawat
kalye, subalit hindi kayang makatiis
kahit sa isang pisil ng iyong kamay.

Magmadali’t bumalik ka sa akin. Magbabago ako
nang wala ka. Lumalamig ang aking isip at kumikinang
gaya ng buwan. Naiipon ang mga susi, barya, at resibo
sa aking mga bulsa. Lumalaki akong kalmado at brutal
sa serbesa at makakapal na karne.

Ang Babae sa mga sa mga Alon, ni Gustave Courbet, 1868.

Ang Babae sa mga Alon, ni Gustave Courbet, 1868. Dominyo ng publiko.