Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

Kisáp

Roberto T. Añonuevo

Natulog ako para makapiling ka; ito ang pinakamabilis na paraan tungo sa iyong kinaroroonan. At nang mamulat pagkaraan ng limang dekada ay isa ka nang lungsod na palaisipan ang mga kalye at paradahan.

Hindi ko alam kung dapat ipagpasalamat ang gunita sapagkat nananatili ito sa buto, buhok, hininga. Tanging haraya—kung hindi man kamalayan—ang nalalabi upang magpatuloy.

Naglakad ako, naglakad nang naglakad, kung ito ang patunay ng pagiging tao.

Hanggang sa mapulot ko ang kusót na diyaryo na nakalatag sa bangketa, at nakasaad doon: Bumagsak ang diktador at may naghasik ng rido sa kaniyang mga inapo. Hindi ba siya ang malakas at ang bibig ay nagbubuga ng sindak?

Napailing ako; at tiningnan ang relo sa paskilan, ngunit tumangging maniwala. Naging íkon at bantayog ang pandemya na dati-rati’y agahan ng balita at tsismis; samantala, winakasan na ang panahon ng dam at embargo, o kung hindi’y magkakadigma. Naging karaniwan ang baha at pamamangka sa dáting tigang na lupain. Naisip ko na magkapakpak.

Nagkapakpak nga ako, at nang lumipad gaya ng isang uwak, nasilayan ko ang iyong katawan sa pinakamarikit na larawan na pinaghalong hagod ni Joya at taludtod ni Bigornia. Ang lungsod, sa isang iglap, ay naging planeta na umoorbit sa mga kodigo ng elektronikong himpapawid.

Lumapag ako sa iyong hulagway.

May kung sinong naglalakad sa karaniwang araw, at nang batiin niya ako, nagpakilala siyang propesor na nagmula sa kung saang lupalop, na ang maluluwag na unibersidad ay naging bakwetan, kung hindi man tambayan, ng mga salinlahing palaboy.

Pumikit ako; at nang  dumilat ay ikinalat ng amihan sa sahig ang mga talulot ng mga sariwang sampagita at rosal.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Masaaki Komori.

Muli, ni Richard Bausch

Salin ng “Again,” ni Richard Bausch ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Muli

Sa Monte Cassino,
. . . . sa timog ng Roma,
Noong halos bago
. . . . magwakas ang ikalawang
Digmaan, ang pila ng beteranong
. . . . subók sa bakbakan
Ay nalusaw sa silid
. . . . ng ospital, umiiyak.

***
Noong taon
. . . . na isinilang ako,
Binaril ng mga Aleman
. . . . ang libo-libong Pólako
Na sibilyan habang
. . . . ang hukbong Ruso’y
Nakatayo at nagmamasid.

***
Sa mga trintsera sa kahabaan ng Rin,
. . . . nagkasakit ang mga kawal
At nangatal, at naghari ang sindak
. . . . sa naligalig na lupain
nang may usok.

***
Humayo ang mga táong ito nang nananalig sa pag-ibig.
At umuwi sila sa tahanan nang wala nang kakayahan
. . . . pang maniwala sa pagmamahal.

***
Noong taglamig ng nakapapasong
. . . . niyebe, ang taon na isinilang ako,
Sinusunog ang mga lungsod.
. . . . Ang asin ng kati’t taog,
ang asin ng duguang dagat,
. . . . ay pinawalan sa daigdig.

***
Pagkawasak sa kisapmata,
. . . . ang tibok ng isang puso,
Isang tibok. Nangagliyab
. . . . ang mga uniberso ng mga murang pangarap.
Mga mahal na binálot sa abo.

***
At narito muli ang lahat
. . . . Para sa dugo ng mga kalabuan,
Mga obheto ng isip, mga témpano ng pag-iisip.
. . . . Mga diwaing nagpapawalang-bisa,
Mga pilosopiya.
. . . . Mga kredo. Mga paniniwala.

***
Iwinaksi ko ang lahat, ang bawat isa.
. . . . Iwinaksi natin ang lahat, hindi ba,
Ang lahat, ngunit nananatili pa rin.

***
Wala nang gagaang sabihin
. . . . kaysa pagsisihan ito. Nagluluksa tayong
Makita ang kabuuang pinatutugtog
. . . . muli, at ang ating pighati ay parang
Okasyon ng paggunita, isang ritwal,
. . . . habang sa buong daigdig
Ang mga tribu at kanilang salarin
. . . . ay pinupugto ang kariktan.

***
Ang dilim ng dagat sa gabing
. . . . may putong ng lawak na walang buwan,
At ang pagtaog ng humihilang alon
. . . . at ang kislap sa panganorin
Ay maganda. Ngunit yaon ay bálang
. . . . sumabog, sumupling na apoy.

***
Sa ngalan ng Diyos! Sa ngalan ng Diyos.
. . . . Oo. Oo. Iyan. Sa ngalan Niya,
O sa ngalan ng Allah o Partido o Bansa
. . . . o salapi o kabaliwan o ito’y
labis na karaniwan para italumpati pa.

***
. . . . Ang pagpatay sa gayong kalawak,
at ang sigaw na ito, itong hinagpis,
ay walang natatamo ni isang elemento
ng anuman para wikain nang sariwa.
Sinasabi natin ito at sinasabi at sinasabi—at
walang nang bago, wala ni bago.

***
Humayo ang mga táong ito na nananalig sa pag-ibig.
Sa ngalan ng Diyos!

Pagkaraan ni Balagtas, ni Roberto T. Añonuevo

Pagkaraan ni Balagtas

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Gumuguho ang kastilyo nang dahil sa tula, ito ang palagay ng mga lamanlupa nang minsang bumigkas ng pangwakas na talinghaga ang kondenado sa harap ng bibitayan. Nagkakagulo sa buong bayan, lumalaganap na lason ang implasyon, napipitas na talulot ang mga sanggol sanhi ng salot, at naglalabo-labo ang mga palaboy sa natitirang pagkaing sinalakay ng madlang nanloob sa parian. Sa kabilang ibayo’y nakatanghod ang mga banyagang sasakyang pandagat, na ang pagkakahilera’y waring mga selulang lulan ang di-maipaliwanag na sakit. Ang tula ay nagkaroon ng bagwis, humuni ng nakatutulig na himig, pumaimbulog nang humahagunot, at sa kisapmata’y nayanig ang paligid nang paulit-ulit. Lumukob ang nakabubulag na alikabok, at walang ano-ano’y kumidlat at kumulog sa gitna ng tag-araw. Pagdaka’y naglaho ang tula sa loob ng ilang siglo, kasabay ng pagkamatay ng kondenado, at nang magbalik ito sa hinulaang sandali, ang tula ay nasa anyo ng rakistang bilugan ang tinig habang gumigitara nang kaytimyas sa sining, at ang alamis ay lungsod na lumulubog sa di-maireresiklong basurang diwain o kung hindi’y sangganong intelektuwal na hinahagad ng bala at batas ng awtoridad. Bawat tao na makaengkuwentro ang mga salita nito’y napahihiyaw at napasasayaw, waring nakatoma ng ayawaska, umiiyak-at-tumatawa na waring nalilibugan o nababaliw, at kung iyon ang itinuturing na kamalayan, ang kamalayan ay unibersong pumipintig sa loob ng isang paslit na katawan.

Yes to human rights. Yes to humanity.