Salitaan, ni Adam Czemiawski

Salin ng “Speech,” ni Adam Czemiawski ng Poland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Salitaan

Hindi kailangang maunawaan ang awit ng tamsí
upang hangaan at tingalain.
Hindi kailangang maunawaan ang kokak ng palaka
upang mabatid na nakalalasing.
Nauunawaan ko ang usapan ng mga tao
na doble-kara at sinungaling.
Kung hindi ko iyon nauunawaan
ay ako ang magiging makatang pinakamagaling.

Advertisements

Komunikasyon at Pagsagap sa Pahiwatig

Hindi nakapagtataka kung inuulan ng batikos kahit ang ngiwi ng ating Pangulo nang maghayag ito ng saloobin hinggil sa trahedya sa Maynila. Bagaman walang intensiyon si Pang. Noynoy Aquino na makapanakit sa damdamin ng mga kaanak ng nasawi sa pamimihag ay di-naiwasang basahin ang kaniyang pahiwatig sa negatibong paraan. Bahagi ng komunikasyon ng mga Filipino (at marahil ng mga Tsino) ang pahiwatig na taglay ng salita at ang angkop na kilos na kaugnay nito. Ito ay dahil ang pakikipag-usap ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang konsepto ng “kapuwa” na ang kausap na tao ay kabahagi ng katauhan ng nagsasalita. Hindi maaari sa Filipino na daanin lamang sa tahasang pagsasalita ang nais iparating sa iba na parang ang kausap ay malamig na bagay.

Halimbawa, ang paghingi ng paumanhin ay hindi basta pagpapaabot ng iniisip o niloloob sa pabigkas o pasulat na pamamaraan, bagkus tumitindi o humihina alinsunod sa kislot ng kilay at labi, o paglaki ng mata o paglobo ng ilong, na sinasabayan ng kumpas ng kamay o ibang galaw ng katawan. Kung minsan, kinakailangan ang tagapamagitan (na higit na kilala bilang padrino) para mapaglapit ang kalooban ng dalawang panig na nagkaroon ng alitan at di-pagkakaunawaan. Bakit nagkaganito? Dahil ang komunikasyon ng mga Filipino ay mataas at malalim ang paghihiwatigan. Ang nagsasalita at ang kausap nito ay itinuturing na may matalik na ugnayang higit sa maitatakda ng uring panlipunan, kulay ng balat, at paniniwala sa buhay.

Sa pagbasa ng mga pangyayari, maisasaalang-alang ang dalawang paraan. Una, ang pananaw ng pamahalaan na umaalam sa puno’t dulo ng pamimihag at ang mga naganap na pagkilos para supilin iyon. Sa yugtong ito, maaaring tingnan ang pamimihag sa punto ng naburyong na dating pulis na si Rolando Mendoza; sa ginawang pagsalakay sa bus para saklolohan ang mga bihag na Tsino, at iba pang pangyayaring sumibol matapos ang pamimihag. Ikalawa, ang pananaw ng mga nakasaksi sa trahedya, maging iyon ay sa telebisyon o sa tunay na buhay. Sa pananaw ng karaniwang saksi na bumabasa ng mga nasasagap na pangyayari sa midya, ang mga pahiwatig ay nakabuhol sa karanasan ng tao na masisipat sa kapuwa pansarili at panlipunang anggulo.

Ang “Trahedya sa Maynila” (na ginaganapan ni Mendoza, ng mga turistang bihag, ng mga sumaklolong pulis, ng mga mamamahayag at miron, ng mga opisyal ng pamahalaan ng kapuwa Filipinas at Hong Kong, at iba pa) ay maaaring basahin sa apat na antas. Una, ang sumasagap ng balita ay maaaring walang pakialam o pasibo bukod sa salát sa karanasan upang maunawaan ang puno’t dulo ng mga naganap. Ikalawa, ang sumasagap ng balita ay nahahatak sa madamdaming tagpo na kaniyang narinig, nakita, o nabasa hinggil sa pagkamatay ng mga turista, at kung gayon ay higit na pinananaig ang damdaming gaya ng poot at hilakbot, kaysa matuwid na pag-iisip. Ikatlo, ang sumasagap ng balita ay ibinabatay ang kaalaman sa mapagsiyasat na gawi hinggil doon. At ikapat, ang ganap, malinaw, at makatotohanang balita ay ibinabatay ng sumasagap sa resulta ng mga pagsusuring ginawa ng mga tao na may kakayahan at karanasan sa gawaing iyon.

Mabigat kung gayon ang pag-alam sa Trahedya. Ang kahulugan ng trahedya ay hindi na lamang mauugat sa pangyayaring sinibak si Mendoza dahil sa mga maling paratang na ikinaso sa kaniya at sa kaniyang mga tauhan. Ang kahulugan ng trahedya ay isa ring epekto na kailangang danasin, matapos mailibing ang mga nasawi, maparusahan ang mga opisyal na nagpabaya sa tungkulin, at mawakasan ang malalimang imbestigasyon at pagsusuri ng mga eksperto at pulis at mediko. Kung sisipatin ang madamdaming protesta sa Hong Kong, sa cyberspace, at sa mga pahayagan sa iba’t ibang dako ng daigdig, ang Trahedya sa Maynila ay kumakatawan sa posibleng bunga na matatamo sa proseso ng pag-alam sa balita, opinyon, at panitikan.

Dominyo ng Jejemon

Sirkulo ng mga Jejemon ang pinag-iinitan ngayon ng mga awtoridad, at kabilang na rito ang Kagawaran ng Edukasyon. Portmanteau, o pinagsanib na mga salita ang “jejemon.” Mauugat ito sa “jeje-” (na katumbas ng mahinang pagtawa at binibigkas sa Espanyol na “hehe,” gaya ng Espanyol na “jefe” na “hepe” sa Filipino) at “-mon” na mula sa Ingles na “monster” na ang isa pang inimbento’t tinipil na anyo ay ang “pokémon” [pocket+monster] na pinasikat sa mga palabas na animé ng Hapones.

Ayon sa Urban Dictionary. Com, ang “jejemon” ay mga tao na nasa mga networking site na gaya ng Friendster at Multiply na “may mababang IQ na nagpapakalat ng katangahan” sa pamamagitan ng pagtipa ng mga salitang may pambihirang ispeling at sintaks. Isang halimbawa nito ang “a person WhO tyPeZ lYKeS tH1s pfOuh… whether you are RICH, MIDDLE CLASS or POOR ifpK eU tYpE L1K3 tHiS pfOuh..eU are CONSIDERED AS JEJEMON.” Ang nasabing paraan ng pagsasakataga ay tinatawag na “jejenese” na maituturing na isang bago’t malusog na wika ng isang subkultura.

Sumasaklaw din ang jejemon sa moda, at kinikilala siya sa pagsusuot ng makulay na ballcap o sombrero na halos nakapatong lamang sa ulo, at hindi inilalapat nang ganap. Nagsusuot siya ng maluluwang na tisert at pantalong maong, at kung umasta’y maangas na tambay na kung hindi nagpipilit na rakista ay alagad ng hip-hop at rap. Para sa ibang fashionista, ang jejemon ay reenkarnasyon ng “jologs” ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na adik at marunong kumalikot ng kompiyuter ang mga jejemon.

Mabalasik ang pagtanaw sa mga jejemon at ang hanay nila ay sinisipat ng mga maykaya at awtoridad na mababang uri. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang jejemon ay isang anyo ng rebelyon ng subkultura, at ang rebelyong ito ay may kaugnayan sa laro ng kapangyarihan sa lipunan.

Ang mismong paraan ng pagsasakataga ng jejemon ay hindi basta paglalaro lamang ng salita. Ito ay mauugat sa Hypetext Markup Language (HTML) na pangunahing wika ng pagpopoprograma sa Internet. Lumilikha ng sariling kodigo ang mga jejemon, at ang mga kodigong ito ay isang anyo ng paglilihim upang ikubli ang mga pakahulugan at paghihiwatigan nang hindi madaling maunawaan ng nakatataas o awtoridad, gaya ng magulang at guro. Sa madali’t salita, ang wika ng jejemon ay hindi panlahat. Isinasaalang-alang ng gumagamit nito ang angking posisyon sa ugnayan ng mga tao o pangkat sa loob ng lipunan. Ang jejenese ay para sa isang uri ng subkultura na may angking konsepto at diskurso, at bagaman umiiral sa kasalukuyang realidad ay nakakayang tumawid at magpabalik-balik sa mala-realidad o hiperrealidad na likha ng Internet at World Wide Web.

Mauugat ang ganitong asta ng mga jejemon sa konsepto ng “tayo-tayo” at “kami-kami” ng mga Filipino. Para sa mga Filipino, may tinatawag na “malalapit na tao” na tumutukoy sa matatalik na kaanak, kaibigan, at kakosa. Kabaligtaran nito ang “ibang tao” na malayo sa kalooban ng nagsasalita. May mukhang inihaharap sa malalapit na tao, samantalang iba ang mukhang inihaharap sa ibang tao. Ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang kausap at hindi itinuturing na isang malamig na bagay, ayon na rin sa pag-aaral ng sosyo-antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, at kung gaano ito kalapit o kalayo sa kalooban ng nagsasalita ang magpapabago ng timbangan ng usapan.

Kung babalikan ang kaso ng jejemon, ang kaniyang pagsasakataga ay nagsasaalang-alang na malapit sa kaniyang sirkulo ang kausap, at ang sirkulong ito ay maaaring esklusibo sa kung anong dahilan. Kapag ginamit ng jejemon ang kaniyang wika sa labas ng kaniyang sirkulo, may panganib na maisantabi siya dahil ang pamantayan at panuto ng komunikasyon ay nakakiling sa kumbensiyon ng gramatika at sintaks ng nakababatid ng wikang Ingles. Ngunit sa oras na pumasok sa sirkulo ng jejemon ang sinumang tuwid magsalita ng Ingles, lilitaw naman siyang katawa-tawa at maaaring hindi tanggapin sa sirkulo dahil iba ang kaniyang pinagmumulang wika at diskurso. Ito ay dahil hindi tanga o gago ang jejemon na ibubunyag ang identidad nang basta-basta.

Malaya ang sintaks at gramatika ng jejenese, ngunit habang lumalaon ay napupulido ito sa paraan ng pagsasanib ng patinig at katinig; sa kombinasyon ng mga salita at tunog; sa pagpapantig, pagpapahaba ng pantig, at paglalagay ng mga panlapi [i.e., unlapi, gitlapi, at hulapi]; at sa pagsasaad ng dalasan [frequency] ng malaki at maliit na titik sa loob ng isang salita o parirala o pangungusap na mahuhugot muli sa wika ng kompiyuter. Humihiram ang jejenese sa paraan ng paggamit ng pandiwa [verb] ng Tagalog, kahit nilalahukan ng Ingles ang pangungusap o parirala; at makikita ang paggamit ng pandiwang Tagalog sa transpormasyon ng mga pangngalan [noun] at pang-uri [adjective] tungo sa pagiging pandiwa sa ilang pagkakataon. Ang wika ng jejemon kung wawariin ay wika ng mga hacker at spamer; at ang paglihis nito sa kumbensiyon na itinatakda ng pormal na edukasyon ay masisipat na isang uri ng subersiyon at pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ng subkultura. Niyayanig kung hindi man iniinis ng mga jejemon ang karaniwang konsepto sa komunikasyon ng malawak na publiko, at ang pagpasok nila sa eksena sa gaya ng Facebook sa paraang kakatwa ay parang asta ni Joker na lumiligalig sa estado ng Gotham City.

Dapat bang katakutan ang mga jejemon? Ang tanong na ito ay depende sa tumitingin. Para sa mga awtoridad, ang jejemon ay waring salot na dapat sawatain o supilin para mapanatiling matatag ang puwesto ng Ingles sa herarkiya ng mga wika; ngunit para sa iba’y ang penomenon ng jejemon ay pagbabalikwas sa kumbensiyon ng wikang itinatakda ng lipunan. Ang mabababang uri ay kailangang patayin sa pagpukol ng mararahas at makukulay na taguri. Kailangang hiyain ang jejemon upang siya mismo ay itakwil ang sarili at ikahiya ang inimbentong wika at diskurso ng isang subkultura. Kailangang pasunurin ang jejemon sa kumbensiyon ng Ingles sa pamamagitan ng mga “jejebuster” at “grammar nazi” na pawang mga pulis sa pagpapairal ng tumpak na paggamit ng Ingles sa lipunan. Ngunit ang ganitong paraan ng pamimilit ay sinauna at laos na.

Kailangang unawain ang mga jejemon, at nang mabatid kung ano ang kanilang iniisip at niloloob, maging yaon ay sa usaping personal o panlipunan. Nililibak ang mga jejemon, ngunit ang pinakamasiglang pakikilahok nila sa usaping panlipunan ay noong nakaraang pambansang halalan, at ang pagsuporta nila kay Jejomar Binay ang naghatid ng maraming boto para sa naturang kandidato. Ang wika ng jejemon ay hindi malalayo sa mga usapang bakla [gay lingo], usapang doktor, usapang abogado, at iba pa. Bawat pangkat ay may angking jargon, at ang jargong ito ay nagsisilbi para sa kapakinabangan ng mga nakauunawa at kasapi ng isang pangkat. Ito ang pangyayaring dapat mabatid ng lahat. Sa oras na tanggapin sa malawak na lipunan ang jejemon, ang kaniyang wika, diskurso, at pagkatao ay hindi na magiging palaisipan at kakatwa; maaaring mapalis ang prehuwisyo laban sa kanilang uri at anyo ng komunikasyon; at higit na lulusog ang ating pagkaunawa sa ugnayan ng mga Filipino saanmang dako sila naroroon.

Tatlong Awit, ni Mary Oliver

Salin ng tulang tuluyan ni Mary Oliver mula sa orihinal na Ingles.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TATLONG AWIT

1
Bumaba mula sa dalisdis ang isang pangkat ng ilahás na pabo. Marahan silang dumating—at habang naglalakad ay nagsiyasat ng anumang makakain sa ilalim ng mga dahon, at bukod dito’y kalugod-lugod humakbang nang pasalit-salit sa mapusyaw na sinag, saka sa mga patse ng katamtamang ginintuang lilim. Lahat sila’y inahin at iniaangat nila nang maingat ang makakapal na hinlalaki. Sa gayong mga hinlalaki’y makapagmamartsa sila sa isang panig ng estado pababa sa iba, o makapagpapadausdos sa tubig, o makasasayaw ng tanggo. Ngunit hindi sa umagang ito. Habang papalapit sila’y ang kaluskos ng kanilang mga paa sa mga dahon ay waring patak ng ulan, na nagiging ulang-banak. Itinaas ng mga aso ko ang mga tainga, at pumaligid sa daan. Imbes na ibuka ang maiitim na pakpak, umikot-ikot ang mga inahin at mabilis na tumalilis sa lilim ng mga punongkahoy, gaya ng mumunting abestrus.

2
Ang lagsíng, na may dilawang dibdib at mahinang paglipad, ay umawit sa umaga, na sa pagkakataong ito, ay ganap na bughaw, malinaw, di-masukat, at walang bugso ng hangin. Kaluluwa ang lagsíng, at isang epipanya, kung nanaisin ko. Kailangan ko lamang na mapakinggan ito para makagawa ng maganda, kahit pabatid, sa okasyon.

At nagtanong ka ba kung anong panulaan mayroon ang daigdig na ito? Para saang layon hinahanap natin ito, at pinagbubulayan, at binibigyan ng pagpapahalaga?

At totoo rin ito—na kapag isasaalang-alang ko ang ginintuang tariktik at ang awit na iniluluwal ng kaniyang makitid na lalamunan sa konteksto ng ebolusyon, ng mga reptil, ng mga tubigang Cambrian, ng hiling ng katawan na magbago, ng kahanga-hangang husay at pagsisikap ng lawas, ng marami sa buhay, ng mga nanalo at nabigo, hindi ko naiwala ang orihinal na okasyon, at ang walang hanggahang tamis nito. Dahil ito ang aking kahusayan—kaya kong pagbulayan ang pinakadetalyadong kaalaman, at ang pinakamahigpit, pinakamatigas na misteryo nang magkasabay.

3
Maraming komunikasyon at unawaan sa ilalim ng, at bukod sa, pagpapatibay ng wikang binibigkas o isinusulat na ang wika ay halos hindi lumalampas sa pagsisilid, o pagpapalawig—isang katiyakan, inihayag na diin, damdamin-sa-palaugnayan—na hindi lahat mahalaga sa mensahe. At kung gayon, bilang elegansiya, na halos pagmamalabis, ito ay maaaring (dahil libreng gamitin) maingat na hubugin para ipagsapalaran, para simulan at patagalin ang mga pakikipagsapalaran na puwedeng maging marupok pagkaraan—at lahat sa layon ng paglipad at alunignig ng tuwa ng mga salita, gayundin ng kanilang kautusan—na gumawa, ng lawas-sinag na pagtataya sa buhay, at sa mga alab nito, kabilang (siyempre) ang rubdob ng meditasyon, ang tiyak na pagdiriwang, o pagsisiyasat, na kinakasangkapan ang gramatika, mirto, at baít sa tumpak at matalisik na paraan. Kumbaga’y hindi mahalaga, bagkus boluntaryo, sa wika ang mga salita. Kung mahalaga ito, mananatili itong payak; hindi nito mayayanig ang ating mga puso sa laging-sariwang kariktan at walang-hanggahang kalabuan; hindi ito mangangarap, sa mahahaba nitong puting buto, na maghunos sa pagiging awit.

Pook-aliwan at Sangguniang Aklat

romblon-004

Dalampasigan, kuha ni Bobby Añonuevo

Binasbasan ng mga sangguniang aklat sa elementarya at hay-iskul ang ilang pook sa Filipinas na ngayon ay paboritong destinasyon ng mga turista tuwing tag-araw. Ang gayong pagkanonigo ay gagayahin kahit sa paggawa ng kalendaryo, poskard, at poster, at maibibilang sa pangunahing tampok ng Kagawaran ng Turismo.  Ilan sa mga pamosong pook ang  Baguio,  Banaue, Boracay, Bikol, Peñablanca, Camiguin, Bohol, Alaminos, Mount Apo, at iba pa. Mababakas ang pagkanonigo kahit sa pook-sapot ng pamahalaan, at sa mga ulat ng mga network ng radyo o telebisyon.

Ang ganitong pagpapahalaga ay posibleng makatulong sa lokal na turismo ng pook. Habang nakikilala, halimbawa, ang Baguio, sumisigla ang kalakalan at transportasyon, nagkakaroon ng trabaho ang mga tao at naitatayo ang mga bagong negosyo at impraestruktura. Sa isang banda, ang pagtutuon sa mga kanonigong pook ay umiiwa sa iba pang karatig-pook nito, na marahil ang tanging maiaambag ay produkto ng lupain o tubigan, bukod sa lakas-paggawa at lawas ng lokal na pamayanan. Ang isang di-kilalang baryo o barangay ay nakatadhanang malubog sa kahirapan, at maaaring makaraos kahit panandali, kapag may malalaking negosyong naglalayong hukayin ang atay ng kabundukan.

Ang pagpapaplanong panturismo, sa aking palagay, ay dapat isinasangkot din ang mga karatig-lalawigang malapit sa mga kanonigong pook panturista. Halimbawa na ang Boracay, na talagang maganda at naibigan ng aking mga anak tuwing dadalaw kami. Ngunit hinihigop ng Boracay ang mga isdang dating kinakain ng mga Rombloanon. Boracay ang naging destinasyon ng mga produkto at kaunlaran, at nakakaligtaan ang ibang taga-lalawigang umaasa sa mumong maibibigay ng Boracay.  Yamang nakapag-aambag ang mga Rombloanon sa Boracay, marapat lamang na tumulong din ang Boracay sa mga munisipalidad ng Romblon, na kinakapos kung minsan ang pagkain, lalo kung tag-araw.

Mabagal ang sistema ng transportasyon at komunikasyon sa mga lalawigan, at masuwerte na kung may signal ng Smart o Globe. Maitatangi ang Puerto Princesa na pambihira ang impraestrukturang binuhusan ng pondo at grant, at mailalaban sa gaya ng Ilocos Norte. Ngunit malaking sakit ng ulo ang pagsesemento ng mga lubak-lubak na daan sa mga lalawigang wala sa priyoridad, at kaya napakabagal ang paghahatid ng mga produkto ng agrikultura sa mga pamilihan. Sa ilang pagkakataon, ang pinakamabilis na transportasyon ay sa pamamagitan ng bangkang de-motor o motorsiklo, dahil kung gagamitin mo ang iyong Pajero o Highlander ay tiyak na mababalaho ka sa daan.

Walang masama sa pagkanonigo sa mga pook panturista. Ang masama’y kung lilimitahan lamang natin ang ating tanaw sa ganitong mga pook, at sa komersiyal nitong maidudulot para tighawin ang layaw, libog, at lungkot. Ang Chocolate Hills, halimbawa, na matatagpuan sa Bohol ay nagkukulay kape tuwing tag-araw at lungting-lungti tuwing tag-ulan. Hanggang ganito palagi ang paglalarawan sa naturang pook: parang tsokolate. Ngunit ang tsokolateng ito ay mahihinuhang mula sa pananaw ng mga dayuhan, at nabura na sa alaala ang lokal na pangalan para sa gayong tumpok-tumpok na burol. Nang puntahan ng mga anak ko ang Carmen, ang nakita nilang tsokolate ay hindi maliliit bagkus mga dambuhalang sorbetes o kawaling nakataob, na ang ilan ay napaliligiran ang paanan ng mga punong niyog. Magbabago ang kanilang pagtanaw sa Chocolate Hills kapag narinig at nabasa ang kuwento ng maalamat na si Aloya, ang babaeng sakdal-ganda na hahabulin ng higante.

Napapanahon na, sa aking palagay, na seryosohin ng kapuwa pambansang pamahalaan at pamahalaang lokal ang pagpapabuti ng mga impraestruktura, transportasyon, at komunikasyon sa mga lalawigan. Kailangang makisangkot din ang mga mamamayan sa gayong proyekto, dahil nakasalalay dito ang kultura, kabuhayan, kaunlaran, at seguridad ng buong pamayanan. Nagiging estatiko ang pagtatanghal ng mga pook panturismo sa Filipinas dahil hungkag na hungkag ang paglinang sa imahinasyon at puwersa ng taumbayan. Kailangang mabago ito. At maaaring simulan ang lahat sa pagtuklas sa kani-kaniyang lalawigan, na maaaring wala mang yungib, lawa, bulkan, payyo, talon, katedral, resort, at iba pang aliwan, ay kayang makapukaw ng interes ng mga tao—na lalampas sa kayang isalarawan ng mga pook-sapot at sangguniang aklat.

Isang Taon ng Alimbukad

Nakatataba ng puso ang pagsusulat sa Alimbukad, at hindi ko inaasahang makaaabot ito ng isang taon. Aaminin kong napilitan lamang ako noon na magsimula, dahil sa udyok ng mga kaibigang gaya nina Anwar at Christopher na pawang batikan sa kompiyuter. “Bakit di mo subukin?” untag nila sa akin. “Baka yumaman ka, at sumikat. . . .”

Siguro’y nakilala ako nang kaunti dahil sa blog ko, ngunit hindi naman ako yumaman dito. Ang tanging yaman na naibigay ng Alimbukad sa akin ay bagong kakilala, kaibigan, at kapanalig—na naniniwala pa rin na may maibubunga ng mabuti sa kapuwa at paligid ang pagsusulat at pakikipagtalastasan sa Filipino.

Sabihin nang mapanganib na gawain ang pagsusulat. Kayayamutan ka at isusumpa dahil sa iyong mga banat, at kulang na lamang ay sirain ang iyong blog at bagsakan ka ng bomba atomika. Ngunit gaya ng iyong minamahal na kasintahan, babalikan mo ang iyong blog upang makipaghuntahan, makipagharutan, makipagbuno, makipagniig, at magluwal ng mga diwaing maaaring magpabago ng iyong sarili.

Naibigan ko rin ang blog dahil naging alternatibo ko itong kolum, imbes na makipagsiksikan ako sa diyaryo. Maraming magaling sumingit sa diyaryo kaysa mahusay magsulat, at naisumpa ko na ang pagkokolum sa diyaryo maliban na lamang kung babayaran ako nang malaki-laki. Naniniwala ako sa malimit sabihin ni Adrian Cristobal noon, na mas mahirap magsulat sa Filipino kaysa Ingles, kaya dapat mas malaki rin ang bayad sa Filipino kompara sa Ingles. Pero siyempre, Inglesero si Adrian, na kung sumulat sa Filipino ay pinong-pino ang satira kompara sa Ingles.

Natuklasan ko na sa pagsusulat ng blog ay hindi kinakailangang magpasirko-sirko, at maglantad ng bituka para mapansin. Hinahanap pa rin ng mga tao ang matitinong artikulo na hindi karaniwang mababasa sa mga pahayagan, magasin, at aklat. Ang kinakailangan lamang ay matagpuan mo ang iyong tumpak na puwang, at kung paano ka magtutuon doon na parang iyon ang pinakamagandang pangyayari sa mundo.

Sinasabi ng iba na kailangang maikli lamang daw ang artikulong dapat ilabas sa blog para basahin. Hindi ako naniniwala rito. Sa aking karanasan, ang mahahabang artikulo ko na pawang may malalalim na talakay sa isang paksa ang malimit binabasa ng kung sino-sinong tao mulang Filipinas hanggang iba’t ibang bansa. Bukod dito’y binabalik-balikan ang naturang mga akda, at ito ang nakatutuwa.

Hindi rin laging totoo na ang pagsikat ng blog ay nakasalalay sa grapiks, disenyo, retrato, video, at iba pang imahen. May ibang blog na ang husay ay nakasentro sa pagdidisenyo. Ngunit ang ibang blog ay naglalako ng kaisipan, kuro-kuro, saliksik, at tuklas, at hindi nito kailangan ang magpaganda sa panlabas na anyo dahil ang ganda ng blog ay nasa panloob na pagdulog. Ang pagtatasa, kung gayon, sa dalawang uri ng blog ay dapat magkaroon ng bukod na batayan, lalo sa pagrerepaso at pagbibigay ng gawad o parangal.

Bawat blog ay may tinutugong pangangailangan. Kung mahusay kang kusinera, magblog ka tungkol sa iyong resipi at huwag mangopya sa iba. Kung karpintero ka, magtuon ka sa pagbubuo at pagkukumpuni ng bahay. Kung modelo ka, magbigay ka ng tips sa pagpapaganda. Kung estudyante ka, magsaliksik ka ng mga gimikan at ibang alternatibo ng pag-aaral. Kung tambay ka, isalaysay mo sa pambihirang pagmamasid ang mga bagay-bagay na hindi napapansin ng mga tao na abala sa trabaho at pagpapayaman. Ano man ang iyong pinanggagalingan ay bukal ng karanasan na maaaring makapukaw ng interes ng ibang tao. Ang problema’y kung nais mong magmadali kahit padaskol-daskol ang pagsulat, at sa iyong pagmamadali ay mangongopya ka lamang ng ibang akda kahit labag iyon sa karapatang-isip ng iba.

Nakabubuti ang pagkawing sa ibang blog. Ngunit ang pagkakawing ay dapat aktibo, dahil hindi lamang dapat ikaw ang binabasa kundi nagbabasa ka rin ng ibang blog upang mapag-aralan mo ang kahinaan at kalakasan ng iyong mga kasabayan. Tanggalin ang hiya, at magbigay din ng puna sa ibang blog. Subukin mo ang ginagawa ng iba. At gawin ang hindi pa nila nagagawa.

Mahusay na makinarya ng propaganda ang blog, at ito ang mapapansing ginagamit ng mga network ng telebisyon, pahayagan, at publikasyon. Ngunit magagamit din ang blog sa maláy na diskurso, at paghahatid ng mga edukadong opinyon. Naniniwala ako na ang gayong tungkulin ay hindi lamang mailalapat sa larang ng politika, edukasyon, at kultura. Magagamit din iyon sa pagsusuri ng anime, sa paglilinaw ng pananaw ng mga artista, sa pagbubuklod ng mga migranteng manggagawa, sa pagpapalaki ng mga anak, sa pagtuturo ng sining ng tato at ambigram, sa pagtangkilik ng mga produkto at serbisyo, sa paggabay sa mga turista at konsumidor, sa pagpapakilala ng mga nobelang di-kumbensiyonal, sa pagpapalawig ng pananampalataya, sa pagpapalalim ng relasyon sa kapuwa, at iba pa.

Higit sa lahat, naniniwala pa rin ako sa kakayahan ng Filipino sa wikang Filipino. Inaakala ng iba na limitado ang iyong mambabasa kapag nagsulat ka sa Filipino. Hindi ito totoo. Mahahanggahan lamang ang blog mo sa abot ng iyong katangahan, at ang wika ay hindi kailanman magiging sagka upang ikaw ay matuklasan ng iba. Maraming blog ang nasusulat sa Ingles ngunit kapag tiningnan mo ang bilang ng mga bumabasa ay kakaunti lamang, at dinadaig pa ng nasusulat sa Filipino. May kaugnayan marahil dito ang pagdulog, paksa, at nilalaman, at hindi basta karaniwang pagdulog, paksa, at nilalamang alam na ng lahat.

Nais kong magpasalamat sa pamayanan ng WordPress na kinabibilangan ng mga kapuwa ko blogista. Ang pagsusulat ay isa nang kolektibong gawain ngayon, at hindi na lamang maikakahon sa indibidwalistang pagdulog.

Pinapangarap kong dumami sa lalong madaling panahon ang magsusulat ng matitinong blog sa wikang Filipino para sa mga Filipino at hindi para kausapin lamang ang mga dayo. Marahil, darating ang araw na ang blog ay magiging asignatura sa mga paaralan, at magiging lunsaran ng diskusyon ng mga estudyante at guro, at ito ang magpapabago ng timbangan sa loob ng paaralan. Mapipilitan ang mga guro na sumabay sa pagbabago, at hihingi ng tulong sa kanilang administrasyon, na sasangguni o sasandig sa Departamento ng Edukasyon, hanggang ang DepEd ay mapilitang humingi ng tulong sa Kongreso at Punong Ehekutibo. Kailangang maging tinig ng Filipino ang blog, at dapat iwaksi na ang paniniwalang ang blog ay para lamang sa kung ano-anong tsismis, kalibugan, at kabalbalan.

Maaaring matagal pa iyon, kaya samahan muna ninyo akong ipagdiwang nang tahimik ang unang kaarawan ng aking minamahal na Alimbukad.