Kung “Daang Matuwid” ang Wika Natin

Ang konsepto ng “daang matuwid” ay hindi orihinal na nagmula sa ating Pangulo na nagbanggit ng gayong mga kataga sa kaniyang mga talumpati. Ang “daang matuwid” ay humuhugot ng alusyon sa “katuwiran” ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, ngunit  mahihinuhang lumilingon din sa heograpiya ng Filipinas na may malaking pagkakaiba ang anyo ng “kapatagan” at “kabundukan.” Pinakamabilis na transportasyon noon ang paggamit ng bangka o barangay sa tubigan; at ang mga ilog, lawa, at dagat ang pipiliing daan imbes na lupa para marating ninuman ang kaniyang nais.

Maiisip na ang “tuwid na daan” ay isang pagsasabi ng shortcut para mapabilis ang biyahe; samantalang ang “pasikot-sikot” ay tila pag-akyat ng bundok, na ang daan ay zigzag at paikot, at umaayon sa dati nang nahawing bagnos o kaya’y hubog ng bundok. Ang pag-akyat ay isang prosesong mabagal at mapanganib; kinakailangan nito ang pag-iingat upang maiwasan ang sakuna. Walang “tuwid na daan” kapag pinag-usapan ang tubigan, at mailalapat lamang ang ganitong konsepto sa lupain. Upang matupad ang “tuwid na daan,” kinakailangang hawiin ang landas nang walang patumangga, at patagin saka sementuhin ang lupa. Samantalang ang pasikot-sikot na daan ay gumagalang sa anyo ng lupain, nagpupugay sa kalikasan at sa orihinal na heograpiya.

Ang konsepto ng tuwid na daan ay maaaring lingunin sa pagbubuo ng mga bloke ng lupaing parisukat, na ang magkakanugnog na kalye at eskinita ay may sukat na 90˚ degrees ang kanto, at tinatawag na centuariation. Gumamit noon ang mga Romano ng mga instrumentong panukat [surveryor], at ito ang lumaganap sa Ewropa. Ang ganitong siyentipikong pagdulog sa paghahati-hati ng lupain ay hindi orihinal sa mga Romano, bagkus ipinakilala sa kanila ng mga Griyego. Kung babalikan ang kasaysayan ay maaaring lumingon pa sa mga sinaunang grid na matatagpuan sa Teotihuacan, Mexico, o kaya’y sa Iraq, Egypt, Pakistan, at China. Pinadadali ng grid ang paglalakbay; at ang mga pamayanan ay nahahati sa maginhawa, maayos, at maluwag na paraan.

Samantala’y kung lilimiin nang maigi, ang wika, gaya ng wikang Filipino, sa literal na pakahulugan, ay mahirap maging linear, at sabihin nang “daang matuwid” o kaya’y maikahon sa mga grid. Ito ay sapagkat pambihirang imbensiyon ng isang komunidad ang wika, at kung ang wikang ito ay nagtataglay ng gunita ng isang lipi o bayan ay magpapasanga ng mga kalye, anderpas, at tulay sa isip o loob. Magbubuo ito ng sirkito tungo sa bisyong gubat o lungsod, at kung hindi magiging maingat ay maaaring maligaw sa kung anong usapan ang tagapagsalita, at mailihis niya sa kung saang sukal ang kaniyang mga tagapakinig.

Ang wika ay nangangailangan ng pagtuklas at pag-unawa sa salita at konsepto sa panig ng tagapaghatid ng mensahe, at sa panig ng tagasagap ng mensahe. Ang pinagbubuhatan ng pahayag at ang sumasagap ng pahayag ay kinakailangang magkaroon ng batayan ng pagkakaisa kung paano uunawain ang mga salita, nang sa gayon ay sabay nilang matamo ang pagkakaunawaan. Humihirap minsan ang pagkakaunawaan dahil ang tagapaghatid ng mensahe ay gumagamit ng taktika ng ligoy—isang paraan ng pagsasabi na gumagamit ng banda kumbaga sa bilyar o heometriya—kaya ang dating simpleng pananalita ay nakakargahan ng nakagigitlang pakahulugan. Humihirap din ang komunikasyon sapagkat sa pagitan ng ating mga pandama at ng ating isip o guniguni, sabi nga ng kritikong S.V. Epistola, ay may salaan. At ang salaang ito ay may kaugnayan sa ating pagka-Filipino.

Ang wikang Filipino, sa paglipas ng panahon, ay rumirikit sa angkin nitong kabulaklakan at ligoy. May paraan tayong mga Filipino ng pagsasabi na malimit isinasaalang-alang ang kapuwa, pansin nga ni Dr. Melba Padilla Maggay. May “malapit na tao” tayong kausap, at may “ibang tao” na kausap. May “mukha” tayong inihaharap sa loob ng pamilya, na kaiba sa “mukha” na inihaharap sa publiko. Nagsasaalang-alang ang wika natin sa kapuwa at pamayanan, at itinuturing na ang kapuwa at pamayanan ay kabahagi ng katauhan. Habang lumalaon, kusang natutuklasan ng bawat isa ang bisa ng pagpapahalaga sa dangal, kapuwa, at kabansaan. Nakasasakit ng loob kung minsan ang wika ng ating Pangulo, halimbawa, sapagkat bagaman nagpapasaring siya sa mga tiwali at bulok na opisyal ng pamahalaan, at nagsasabi ng totoo, ang kaniyang pagsasakataga ay tahas sa punto de bista ng mga mamamayan, at ang pagiging tahas na ito ay umiiwa sa mga balat sibuyas at pusong mamon—na nagbubunga kung bakit ang mga kontrabida ay lumilitaw pa ngayong sugo ng Maykapal.

Ngunit ang wika natin ay inaasahang maging matuwid—kahit sa panig ng pagtataguyod ng bisyon. Ang wikang Filipino ay dumanas ng katakot-takot na sagabal at balakid, at kung hindi marahil nagpursige ang mga panitikero at dalubwika ay maaaring nabalaho na tayo sa kangkungan. Kailangan natin ang isang wikang mapagbuklod upang mabuo ang ating pagtanaw bilang isang bansa. Hindi maaaring mauna ang pagtataguyod ng kabansaan, saka ihuhuli ang pagbubuo ng wika, pansin nga ng kritikong si Dr. Isagani Cruz. Wika ang magiging kasangkapan natin sa mga komunikasyon at transaksiyon; at wika ang kakailanganin para makabuo ng batas o kapasiyahan, at nang matiyak ang awtoridad. Wika ang kailangan para umusad ang negosyo at kalakalan. Wika ang kailangan para magamot ang maysakit at maiwasan ang sakuna’t panganib; at wika ang kailangan para makapagtindig ng gusali at pabrika. Nagkaroon ng buto’t laman ang wika sa mga relihiyon, at ang modernong wikang ito ang humalili sa sagradong ugnayan sa elektronikong himpapawid. Kung babalikan natin ang Konstitusyong 1987, Filipino ang pambansang wika natin, at ang wikang ito ay dapat sinusuhayan ng iba pang taal na wika sa buong kapuluan.

Kung susundin natin ang isinasaad ng batas, ang Filipino ay hindi limitado sa ilang sabjek lamang. Ang Filipino ay dapat ginagamit sa mga kursong batas, inhinyeriya, siyensiya, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, atbp. Ngunit panaka-naka lamang ito nagaganap, at marahil tuwing sasapit ang Buwan ng Wika. Kaya ang dapat na ring pag-isipan natin, wika nga ni Dr. Galileo Zafra, ay kung bakit may pagsalungat ang mga disiplina o larang [field] sa pagpasok ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan. Kailangang may gumawa ng mga saliksik kung bakit tumututol ang mga hukom at abogado na mag-aral ng Filipino at gamitin ang Filipino sa mga pagdinig. Kailangang magsaliksik kung bakit nagbabantulot ang mga doktor at nars na mag-aral ng Filipino, samantalang ang kanilang propesyon ay nangangailangan ng matalik na ugnayan sa mga pasyente. Kailangang pag-aralan kung bakit nahihirapang pumasok ang aplikasyon ng wikang Filipino sa mga negosyo at kalakalan, gayong higit na makatutulong sa mga negosyante kung gagamitin ang Filipino sa mga transaksiyon. Hinihingi na rin marahil ng panahon na may gumawa ng disertasyon o tesis kung bakit ang kursong impormasyong teknolohiya ay hindi tinutumbasan ng mga kurso sa Filipino na maaaring makatulong sa pagbubuo ng mga programa sa kompiyuter o kaya’y pagsasalin ng jargon nito sa wikang alam ng nakararami.

Mahalaga ang wikang Filipino hindi lamang bilang lingguwa prangka bagkus bilang wika ng modernisasyon sa lipunang Filipino. Sa ganitong pagtanaw, ang Filipino ay dapat sinusubok sa pasulat na paraan, ngunit dahil ang ating mga institusyon ay labis na konserbatibo, at malimit na ikinakatwiran ang “kalayaang akademiko,”  ang kalayaang ito ay nagiging pribilehiyo at maipapasa ng awtoridad sa nasasakupan nito.

Kung ipagpapalagay na ang Filipino ang wika ng instruksiyon sa mga paaralan (at Ingles, habang walang itinatadhana ang batas),  saad ng Konstitusyong 1987,  at ang  Filipinong ito ay sinusuhayan ng mga taal na wika sa Filipinas, ang Filipino ay kailangang maging katanggap-tanggap sa mga nasa poder. Ngunit upang maganap ito, ang mga estudyante at guro ay dapat maihayag ang kanilang pagnanais sa naturang pangangailangan. Kung may matinding panawagan para gamitin ang Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, ang susunod na hakbang ay pag-alam kung paano tutugunan ito. Ang Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) ay dapat nag-iisip kung paano makapapasok ang Filipino sa iba’t ibang disiplina, imbes na tanggalin ang kursong Filipino para sa mga nais magpakadalubhasa rito.

Sa listahang ipinalabas ng CHED, tanging ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at De La Salle University-Manila ang akreditado bilang sentro ng kahusayan [Centers of Excellence] na pawang may programa sa wikang Filipino. Kabilang naman ang Mindanao State University-IIT at Polytechnic University of the Philippines-Manila na akreditado bilang sentro ng kaunlaran [Centers of Development] na may programa sa Filipino. Napakaliit ng bilang na ito; at kung ipagpapalagay na aabot na sa halos 100 milyon ang populasyon ng bansa sa darating na dalawa o tatlong taon, mas maraming bilang dapat ang sinasanay para makapagturo ng Filipino sa iba’t ibang disiplina.

Magiging kahali-halina ang Filipino sa bagong henerasyon ng mga estudyante kung makikita ng madla na may kinabukasan sa Filipino. Ang mga unibersidad at kolehiyo ay dapat may patuloy na ugnayan sa mga dominyo ng kapangyarihan, upang ang mga produkto ng mga ito ay madaling makahanap ng trabaho. Kinakailangang maibalik din ang mataas na pagkilala sa mga nagsipagtapos ng kursong Filipino, o nagpakadalubhasa sa Filipino, at magagawa lamang ito kung mababatid ng taumbayan ang mahigpit na pangangailangan para sa wika.

Ang sabjek na Filipino ay higit na kinakailangan sa mga larang at disiplinang naghahatid ng serbisyo publiko. Halimbawa, ang mga abogado, bangkero, doktor, guro, inhinyero, kawal, marino, musiko, negosyante, peryodista, siyentista, at iba pa ay kinakailangang may mga pag-aaral sa Filipino upang matamo nila ang epektibong komunikasyon, at nang maisalin sa wikang Filipino ang mga konseptong dating nasusulat sa Ingles. Maiisip sa ganitong pangyayari ang mahigpit na kolaborasyon sa panig ng mga dalubhasa sa Filipino at ng mga dalubhasa sa partikular na larang. Ang mga kawani ng PAG-ASA ay hindi kinakailangang gumamit ng Ingles sa kanilang paghahatid ng balita hinggil sa taya ng panahon; magagamit nila ang malalim na bokabularyo ng kapuluan upang ipaliwanag ang bagyo, daluyong, habagat, at iba pa.

Kung ang wika ay tuwid na daan, ang wika ay dapat maglapit sa dating magkakalayong mamamayan. Ang wika ay hindi dapat magamit para linlangin o kaya’y isahan ang kapuwa, at upang maganap ito ay kinakailangan ang malawakang edukasyon sa publiko. Kailangang may mga institusyong magbubuhos ng pondo para sa wika, imbes na lustayin ang pork barrel sa mga walang kapararakang luho ng katawan. Ang paglalaan ng P1 bilyon, halimbawa, para sa wikang Filipino ay napakaliit kompara sa iniulat na P10 bilyong ninakaw umano ni Janet Napoles. Ang P1 bilyon ay sapat na para makapagsanay ng mga guro at iba pang espesyalista; makapagpatayo ng laboratoryo at museo ng wika; makapagpalathala ng mga babasahing magagamit sa iba’t ibang disiplina; o makapagpasimula ng mga makabagong teknolohiya na magpapalaganap at magpapanatili ng wikang Filipino sa cyberspace.

Ang malalaking negosyo ay maaaring maglaan ng pondo para sa pagsasanay sa Filipino at iba pang wikang lalawiganin. Ang mga grupo ng propesyonal ay maaaring magpundar ng pondo para sa mga pagsasanay sa wika ng kanilang hanay. At ang mga konsumidor ay maaaring maglaan ng maliit na porsiyento ng kanilang napamili para sa pagsusulong ng Filipino. Ang ganitong hakbangin ay tila pangarap na mahirap abutin. Ngunit kung nais natin ang matuwid na daan, at hangad na ang wika ay maging matuwid, inaasahan sa atin ang walang humpay na sakripisyo at pagpupunyagi.

Advertisements

Filipinas ng Makabagong Panahon

Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino.

Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa.

Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino —  na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera.

Hindi ito totoo; at walang paglabag sa kasalukuyang konstitusyon kung gamitin man ang Filipinas, gaya ng paggamit ng pangalang “Embajada de la Republica de Filipinas” sa Argentina, Chile, Espanya, Mexico, Olanda, Peru, at iba pa. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93:

El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana.

Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon?

Kung babalikan ang higit na nauna ngunit probisyonal na Konstitusyong Biak na Bato ng 1897, malinaw na nakasaad sa Artikulo VIII, na “Ang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Republika” [El tagalog será la lengua oficial de la República]. Ngunit binanggit sa pamagat ng Konstitusyon ang Filipinas: Constitución Provisional de la Republica de Filipinas, at ginamit kahit sa salin sa Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon ang Republika de Filipinas.

Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan. Sabihin mang ang Filipinas ang pangmaramihang anyo ng Filipina, alinsunod sa gramatika ng Espanyol, at ang Filipina ay naghunos na pang-uri ng republika, ang Filipinas ay walang pasubaling ang pangngalan at pangalan na ginamit, tinanggap, at pinalaganap makaraang magtagumpay ang himagsikan ng mga mamamayan laban sa Espanya. Tumanyag lamang ang Pilipinas makaraang isaad sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1943 sa ilalim ni Pang. Jose P. Laurel ang sumusunod:

The government shall take steps toward the development and propagation of Tagalog as the national language.

Bagaman walang binanggit na opisyal na wika ang Konstitusyong 1943, ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog  bilang wikang pambansa ay kaugnay ng pagsikil sa hiram na titik \f\ ng Espanyol, at paghalili rito ng \p\, upang mapadali ang pagbigkas, pagsulat, at pag-angkin ng mga mamamayan.

Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ang pinakamatandang bangko sa bansa ay ang Banco de las Islas Filipinas na kilala ngayon bilang Bank of Philippine Islands (BPI). Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935.

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935,

The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.

Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika:

Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.

Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Ang kautusan ni Kalihim Romero ang magiging batayan ng katumbas na salin sa sariling wika, ayon sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (1) ng Konstitusyong 1973, na nagsasaad:

This Constitution shall be officially promulgated in English and Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail.

Ang Filipino sa bisa ng Konstitusyong 1973, ayon kay Andrew Gonzalez, ay maituturing na kathang-isip na batas [legal fiction] upang maging katanggap-tanggap sa iba’t ibang delegadong kabilang sa kumbensiyong konstitusyonal. Saad nga sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (2) at (3) ng naturang konstitusyon:

(2) The Batasang Pambansa shall take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.

(3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the official languages.

Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas,” at ang pananaw nila ay masasabing naroon pa rin sa yugto ng Pilipino. Ang Konstitusyong 1973 ay pinawalang bisa ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na,

The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.

Ang Filipino ng Konstitusyong 1987 ay lumampas na sa Pilipino ng Konstitusyong 1973, habang kumikilala sa pag-iral nitong Filipino bilang lingguwa prangka, at ang pagtatangkang lumikha ng makabagong ortograpiya ay masisilayan noong 1978 at 1985 sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum na ginawa ng LWP at pagkaraan ng KWF. Lumikha rin ng mga bukod na konsultasyon ang mga batikang manunulat, akademiko, editor, atbp na pawang pinamunuan ni Almario atbp upang mabuo ang higit na abanseng ortograpiya.

Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ (bukod pa ang lahat ng \v\ na pinalitan ng \b\) na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas.

Bilang halimbawa ang sumusunod: café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola  (parola), fatalidad  (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances  (Pranses), fundar  (pundar),  grifo  (gripo), Filipinas  (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986), at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Ni walang lahok kahit isa sa titik \f\ sa naturang mga diksiyonaryo. Heto pa ang mabigat: Kung babalikan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) na inilathala ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) ay walang lahok din ni isang salita sa titik \f\, sapagkat wala pa noong \f\ sa korpus ng Filipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas? Bakit kinakailangang isaad ang isang salita sa pamagat pa mismo ng diksiyonaryo, gayong ang naturang salita ay hindi naman matatagpuang lahok sa loob ng diksiyonaryo? Isang anomalya ito na marahil ay pinuna kahit ng yumaong Senador Blas F. Ople.

Pinatay ang Filipinas (at lalong walang Filipino) sa mga diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, kahit pa noong isinasalin ng LWP ang Konstitusyong 1987. Ang Filipino ng LWP at ng unang yugto ng KWF ay ibinatay nang malaki sa ABAKADANG Tagalog, ngunit ganap na magbabago sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987.

Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa pahayag na “Pilipino” ni Kalihim Romero noong 1959. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.  Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit na Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa na naging LWP at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang LWP noong panahong iyon ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sawikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Lumabas lamang ang maipapalagay na salin na ipinalimbag ng LWP limang taon pagkaraang ihayag ang Konstitusyong 1987 na dapat sanang kasabay inihayag ng bersiyong Ingles sa naganap na plebisito; at kung ito man ang sinasabing “Filipino” ay hindi nasuri ng Kongreso noong 1991, o ni kaya’y ng Komisyong Konstitusyonal noong 1986.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas, at kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika ng diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas. Kung gayon, ang mga mamamayan ay dapat tinatawag na Philippinean para maging konsistent sa ortograpiya, imbes na Filipino o Pilipino. Pinagtibay din dapat ng mga Komisyoner ng KWF noong 1992-1993 ang bersiyon sa “Filipino” na lumitaw noong 1991, ngunit walang naganap na gayon sapagkat nananatili pa rin ang naturang komisyon sa yugto ng nakaiwanan-sa-panahong Pilipino.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pagkakataon ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino. Hmmm.

Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, huridiko at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987.

Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na,

The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.

Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas.  Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw.

Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply;  Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba.

Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan.

Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi kataka-taka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol.

Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas.

(“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)

Aral at Landas mula kay Balagtas

Hitik sa parikala ang tema ng pagdiriwang sa Araw ni Balagtas ngayong taon (“Mga Aral ni Balagtas, Gabay sa Tuwid na Landas”). Una, dahil kahit nakatimo sa mga tula o dula ni Francisco Balagtas ang mga aral, ang mga aral na ito ay nagmumula sa kinathang tauhan na posibleng nililitis mismo ng makata upang itanghal ang pagkatao. Ang mga aral ay nagkabuhay sa mga pagpapasiya at karupukan ng mga tauhan, na siya namang  kayang maglaro sa dimensiyon ng realidad at dimensiyon ng guniguni. Madulain at hitik sa ligoy ang pangangaral na isinilid sa saknong o taludtod; at kung matimbang man ang mga aral sa tula  o dula ni Balagtas ay mapapansin ang higit na pagpapahalaga sa sining ng pagkatha.

Ikalawa, hindi ipapangalandakan ni Balagtas ang pangangaral dahil maaaring sapawan niya ang mga awtoridad; at kung mangyayari ito’y lalo siyang malalagay sa panganib dahil sa pagyanig sa kaayusang pinaiiral ng maykapangyarihan. Magsasalita nang mapagpahiwatig ang mga tauhan sa mga tula o dula nang bukod sa pag-iral ng makata. Maipapalagay na sakali’t mangaral man ang nasabing mga tauhan ay magmumula iyon sa kanilang kuro-kuro at hindi sa makata. Kaya paanong magiging gabay ang mga aral ni Balagtas? Hindi natin napakinggan si Balagtas, at hindi rin nabasa na mangaral nang tahas, at sakali mang ibinunyag niya ang kaisipan sa pamamagitan ng pangangaral ay isang maliit na bahagi lamang ito ng paraan ng pagtula. Ipinapalagay lamang natin na ang tauhan na kaniyang nilikha ay siya ring nagsasatinig ng iniisip o niloloob ng awtor. Na mapagdududahan.

Ikatlo, hindi nangangailangan ng gabay ang pagtahak sa tuwid na landas. Nakababato, at hindi kapana-panabik, ang paglalakbay sa tuwid na landas dahil alam na ng tao na iisa lamang ang daan at patutunguhan. Ang tuwid na landas ay hindi nangangailangan ng guniguni at pagbubulay; at ang paglinga sa kaliwa o kanan at paglingon  ay mistulang pang-aliw lamang sa monotonong pagtanaw sa kaligiran. Ang tuwid na landas ay hindi rin nangangailangan ng gabay na taglay ang aral sa buhay, maliban na lamang kung ang naglalakbay ay bulag na posibleng mapalihis nang di-sinasadya sa paglalakbay. Itinatadhana ng tuwid na landas ang kumbensiyon; at ang aral o pangangaral ay kalabisan na sa gayong mapusyaw, walang kalasa-lasang pamumuhay.

Sinasalungat ni Balagtas ang tuwid na landas, at itatatwa ang pagiging moralista kahit gaano kadakila ang pagkilala rito ng mga alagad ng simbahan, dahil ang mismong pagsasakataga niya ng mga pahiwatig ay nagbubunyag ng laberinto ng mga hulagway at kaisipang hindi karaniwang batid ng mga Tagalog. Kinasangkapan ni Balagtas ang kapangyarihan ng ligoy at pahiwatig, ang kabulaklakan at dalumatan ng Tagalog, at ang ringal ng pagtulang sabihin mang hiniram sa ibayong-dagat ay inangkin sa pamamaraan at pagdulog ng panulaang Tagalog.

Maaaring niloloko lamang tayo ni Balagtas. At pabulaanan man natin o itanggi, mapapangiti siya saanman naroroon habang tayo ay nauutal sa pagbasa o pagbigkas ng kaniyang malilikot ng talinghaga.

Ang Tula bilang Salamin ng Panlipunang Sikolohiya

Malaking puwang ng pagsisiyasat ang mabubuksan kung ituturing ang tula bilang panlipunang sikolohiya. Maipapalagay na ang tula, gaya ng sikolohiya, ay bumubuo sa pag-aaral ng estado ng isip, damdamin, at katawan ng mga tao. Kung ganito nga, at kung hihiramin ang dila ni Carl Jung, ang tula ay maaaring maipailalim na paksa sa sikolohiya; at ang tula ay maaaring gamiting kasangkapan upang hawanin ang sukal ng loob, pagaanin ang isip, paginhawahin ang katawan, at ayusin ang ugnayan ng mga tao. Nagmumula sa magkabukod na larang ang “tula” at ang “sikolohiya,” na ang tula ay mapanlagom at malawak ang saklaw, samantalang ang sikolohiya ay tumutukoy sa maliit, espesyalisado, at esklusibong saklaw na may partikular na pagdulog sa kalusugan ng isip ng mga tao.

Kung babalikan ang astrolohiya, halimbawa, hahatiin ng astrolohiyang kanluranin ang personalidad ng mga tao alinsunod sa labindalawang planeta, na ang bawat planeta ay sumasagisag sa mga katangian ng tao. Hindi malalayo rito ang astrolohiyang Tsino, na ang personalidad ng tao ay ibinatay sa mga katangian ng hayop alinsunod sa pagbabago ng buwan. Ang ganitong pagdulog upang unawain ang magiging isip at damdamin ng mga tao ay maiisip na pagsasaayos at pagbubukod ng panlipunang ugnayan na may pagpapahalaga sa pakikipagkapuwa at pagtuklas sa angking kakayahan ng bawat tao. Ngunit higit pa rito, hinuhulaan ang magiging resultang ugnayan kapag pinagsama ang magkakaibang personalidad. Ang astrolohiya ay maituturing na ibang anyo ng sikolohiya, kung susundan ang teorya ni Jung, at ang kapangyarihan ay nakasalalay sa lawas ng mga sagisag na ginagamit ng salinlahi sa paglipas ng panahon.

Para kay Sigmund Freud, ang akdang pampanitikan ay sintomas ng sakit ng manunulat; na ang akda ay maitutumbas sa panaginip, samantalang ang awtor ang nananaginip. Taglay ng panaginip ang mga sikil na pagnanasa at maiitim na pangitain, at salamat sa panaginip ay napawawalan ang gayong pagpipigil para mapaginhawa ang isip at loob ng tao. Magagawa nang malaya ng manunulat ang anumang ibig niya sa loob ng kaniyang tula o katha, at mababatid ninuman ang sakit ng manunulat kung susuriin ang akda nito. Upang malunasan ang sakit ng isip, kinakailangang buksan ang kubling-malay (na naglalaman ng sukal ng loob), at iangat sa antas ng ulirat. Sinalungat ito ni Jung na naniwalang ang akdang pampanitikan ay hindi dapat maging batayan sa pag-aaral ng kalusugan ng isip ng awtor; ang akda mismo ang nagtataglay ng mga kubling-malay ng kapuwa tao at sangkatauhan.

Sa teorya ni Jung, ang psyche ng tao ay binubuo ng tatlong bahagi: ego (malay na isip), personal unconcious (pansariling kubling-malay), at collective unconscious (kolektibong kubling-malay). Bagaman ang unang dalawa ay binanggit na ni Freud, ang ikatlong katangian ang pinamahalagang ambag ni Jung. Nakaimbak umano sa kolektibong kubling-malay ang lahat ng karanasan ng sari ng tao, at bago pa man umano isilang ang tao ay mayroon na siyang taglay na karunungan. Gayunman hindi kaya ng tao na buksan ang gayong imbakan; maaapektuhan lamang umano nito nang di-sinasadya ang tao at ang kaniyang gawi o asal. Nakapaloob sa kolektibong kubling-malay ang mga arketipo, gaya ng mga sinauna at maalamat na hulagway na “ama” o “ina,” “hayop” o “bayani.” Malaki ang naitulong ng kolektibong kubling-malay upang ipaliwanag ang samot-saring sagisag at pahiwatig na ikinakabit sa isang bagay o pangyayari, at pinakinabangan nang malaki ng panitikan at iba pang sangay ng sining. Ngunit ang ganitong pagdulog ay lumalampas sa hanggahan ng agham at pumapaloob sa mga bagay na esoterikong bibigyang gulugod ng pananampalataya. Para kay Jung, may dalawang uri ng personalidad: una, ang introvert (palaisip), at ikalawa, extrovert (palakilos).  Kung sisipatin sa ibang anggulo, ang ganitong pagbubukod ng mga personalidad ay paraan ng pagsusuri kung paano pakikiharapan ang kapuwa tao, at kung paano tutuklasin ang sarili.

Kung ituturing ang tula na “salamin” ng panlipunang sikolohiya, ang tula ay maaaring sapitin ang kapalaran ng agham na nagsisikap na lutasin ang problema sa isip ng mga tao at isaayos ang ugnayan sa lipunan. Maaaring sapitin din ng tula ang kapalaran ng astrolohiya, na may pagbubukod sa mga katangian ng mga tao, at paghula sa maaaring maging resulta ng kombinasyon ng mga personalidad alinsunod sa ipinahihiwatig ng mga planeta. Maiisip ang tula na imbakan ng mga arketipo, at ang mga arketipong ito, bagaman hindi maugat kung saan nagmula, ay hahayaang maging meme na siyang magdudulot ng epekto sa asal o pagpapasiya ng tao. Ngunit ang tula ay hindi kasingkitid ng larang ng agham ng sikolohiya o astrolohiya; ang tula ay maaaring magbunyag ng mga kultura, kasaysayan, at pakikipagsapalaran ng isang lipi, ngunit hindi magwawakas doon ang silbi ng tula. Dahil kung hanggang doon lamang ang tula, wala itong kaibhan sa kronika at tala sa kasaysayang nagpapahalaga sa preserbasyon ng mga pangyayari. Ang tula ay nagsisikap na makamit ang malikhaing rekonstruksiyon ng mga pangyayari, bagay, tauhan, at iba na pawang makaiiral sa realidad ng guniguni at makatutulay sa materyal na realidad, kahit walang direktang tumbasan sa materyal na realidad at realidad ng guniguni. Ang naturang rekonstruksiyon ay ginagawa nang may lubos na pagkamalay ng matitinik na manunulat, bagaman hindi masasabi ang gayon sa lahat ng manunulat. Malawak ang posibilidad ng tula, at kabilang dito ang mga epikong pagdulog na nagsasalaysay ng mga pakikipagsapalaran ng mga bayani at pagbubuo ng kabansaan na mahirap arukin kung ang pagbabatayan lamang ay pagsusuri sa takbo ng isip at kislot ng damdamin ng mga tauhan, o kaya’y pagsangguni sa imbakan ng arketipo na lilikhain din mismo ng salinlahi para magamit ng susunod na mga salinlahi.

Maihahalimbawa rito ang Ullalim ng Kalinga na nagtatampok ng kakaibang katapangang sinusubok sa pakikidigma. Sa isang bersiyon na mula sa antolohiya ni Damiana Eugenio, aakitin ni Dulliyaw si Dulaw na nakatakdang magpakasal kay Ya-u. Mahuhulog si Dulaw sa bitag ni Dulliyaw, na naghain ng nganga sa babaeng napupusuan, habang nilasing isang gabi si Ya-u. Nang magbalik si Dulliyaw kinabukasan upang itanan ang dilag, nakasalubong niya ang isang mandirigma na mapapatay niya sa isang paghahamok. Mahuhuli at mabibilanggo sina Dulaw at Dulliyaw ng tropang Kastila, at nang ibibigay na ni Dulliyaw kay Dulaw ang isang nganga ay mahimalang naglaho ito at napulot ng dalagang si Dinanaw na naliligo sa ilog. Mabubuntis si Dinanaw nang nguyain ang nganga, ipapanganak si Banna sa takdang panahon, at si Banna ang pagkaraan ay papatay kay Dulaw. Ipababatid ng kasama ni Banna na siya ang anak ni Dulliyaw na ikinulong sa destakamento ng Sakbawan. Sasakay ang mag-ama sa sinag, at magbabalik sa nayon ng Mangobya. Mag-iibigan sina Dinanaw at Dulliyaw sa pamamagitan ng nganga, at magdiriwang ang buong pamayanan sa pagtatagpo ng mag-asawa. Sa ullalim na ito, pinahahalagahan ang nganga bilang sagisag at arketipo ng panliligaw, pag-aasawa, pagbubuntis, at pagbabati ng dalawang tao na mula sa magkaibang lipi. At ang anak ang nagsisilbing tagapag-ugnay upang magkatagpo ang dalawang tao na karapat-dapat magpakasal.

May isa pang bersiyon ang itinala ni Eugenio at higit na madugo ang pangyayari. Si Laggunawa ay napaibig kay Banna na nakatakdang ipakasal kay Dungdungan dahil nagbayad na ito ng dote sa magulang ni Laggunawa. Isang gabi, nagtagpo sa bahay ni Laggunawa sina Banna at Dungdungan, nag-away, at upang malutas lamang ang suliranin ay umisip ng pagsubok si Laggunawa kung sino ang higit na matapang sa dalawa. Sinuman sa kanila ang makaligtas sa pagtungo sa isang ili ay siyang magwawagi. Nagpunta si Banna sa Bibbila ay pinaslang ang lahat ng naninirahan doon. Nagkita sina Banna at Dungdungan, at sinabi ni Dungdungan na kung mapapatay ni Banna ang higanteng Uwon ay papayag na siyang mapunta si Laggunawa kay Banna. Pinatay nga ni Banna ang Uwon at inubos ang lahi ng Baliwon. Nagbigay muli ng pagsubok si Dungdungan, at pinatay ni Banna ang dambuhalang si Gittam. Tumanggi pa rin si Dungdungan, at ang pangwakas na pagsubok ay kailangang patayin ni Banna ang kaniyang tukayo na mula sa Agunawa. Pinugutan ni Banna ang nasabing tukayo, at itinakda ang pagpapakasal nina Banna at Laggunawa. Ngunit nanggulo pa rin si Dundungan, at sa bandang huli’y mawawakasan lamang ang paghahamok nang pumayag ibalik ni Awingan, ang ama ni Banna, ang doteng katumbas ng ibinayad ni Dungdungan sa ama ni Laggunawa.

Sa dalawang bersiyon ng ullalim, ang pagsusuri sa mga isip at kalooban ng mga tauhan ay hindi maikakahon lamang sa sikoanalisis ng agham, at maipapaliwanag sa mga limitadong termino gaya ng “muslak” (extrovert) at “sentimental (introvert)” upang ipaliwanag ang kasiningan ng salaysay o katangian ng mga tauhan. Ang buong akda ay hindi basta hinango sa materyal na realidad, bagaman posibleng may gayong kahawig na pangyayari; bagkus muling pagsasaayos ng mga kalagayan at pangyayaring kinakailangang gawing payak ng sikolohiyang umuugat sa mga sanhi ng sigalot. Higit pa rito, ang pananaw ay magbabago alinsunod sa pagtatanghal sa mga tauhang isinasatinig ng makata na malikhaing ibinabalangkas ang mga tagpong magkakaroon ng buto’t laman, at estetikang halaga at silbi, sa buong pamayanan. Kung paniniwalaan ang kolektibong kubling-malay ni Jung, ang pagpapakasal ay laging kaugnay ng bakbakan; kailangang may mamatay para may mabuhay. At ang nganga ay arketipong hulagway ng ginhawa na ang manipestasyon ay pagkakasal ng mga tao, pagbabati ng mga magkaaway, pagbubuntis ng isang dalaga, at pagsasanib ng dalawang lipi. Samantala, ihahaka naman ni Sir James Frazer sa kaniyang akdang The Golden Bough, na ang pamumugot ng ulo sa Ewropa, Kanlurang Asya, at Timog-Silangang Asya na kinabibilangan ng Filipinas ay may kaugnayan sa pagtatanim at pagpapayabong ng mais. Kung gayon nga, ang pamumugot ay arketipo ng sakripisyo ng buhay ng tao para sa pinaniniwalaang Maykapal, upang isilang ang mga pananim na siyang magbibigay ng pagkain sa sangkatauhan. Sa kabilang dako, ang pagpapahalaga sa “kasal,” “nganga,” at “pamumugot” ay umaabot sa arketipo alinsunod sa pagtanaw ng mambabasa na inilulugar ang sarili batay sa mga nagaganap sa mga tauhan. Ang naturang mga hulagway ay hindi magiging estatiko ang puwesto; mababago iyon batay sa paggamit ng makata o mambabasa o kritiko, at alinsunod sa nakikita nitong landas ng pagpapakahulugan.

Gumagamit ng isip sa paglikha ng tula, at ito ang malimit idahilan upang pag-aralan ang tula alinsunod sa ilang aspektong pangkaisipan. Bagaman saklaw ng tula ang usaping pangkaisipan,  ang pagpapalagay na mauunawaan, kung hindi man malulunasan, ang sakit o pinsala sa kolektibong isip ng isang lipunan sa pamamagitan ng tula o pagsusuri nito ang mabigat na palaisipan magpahangga ngayon. Mabigat naman ang ipinapataw na pagpapahalaga sa kolektibong kubling-malay, na parang ang lahat ng di-kayang ipaliwanag ay idaraan sa sinaunang hulagway at sagisag na pawang hinahanapan ng katumbas na pakahulugan at pahiwatig para pangatwiranan ang anumang sintomas, sakit, o pinsala na matatagpuan sa akda. Ang pagsusuri at pag-arok sa tula ay hindi payak na pagbabalik sa sinapupunan, at pag-alam sa abnormalidad ng DNA (Deoxyribonucleic acid) ng mga magulang o ninuno, upang doon mabatid ang problema o sikil na damdamin ng makata at ang sakit o salimuot ng kaniyang katha. Ang pag-arok sa tula ay hindi pagtatangkang buksan ang imbakan ng arketipo, dahil ayon na rin kay Jung ay hindi kailanman matutuklas nang ganap ang laman ng nasabing imbakang maipapalagay na walang hanggahan. Maraming maisasaalang-alang sa pag-arok ng tula, at kabilang dito ang pag-aaral sa panahon ng makata, at sa kapuwa kasaysayan ng panitikan at kasaysayan ng bansa, samantalang isinasaalang-alang ang pagbabalik sa mga sagisag, pahiwatig, at pagpapakahulugang matalik sa diskurso ng bayan at siyang ginamit sa tula.

Kung ang tula ay makapaglalaman ng kolektibong sagisag, lunggati, at damdamin ng bayan, ang naturang tula ay maaaring nakakikiliti sa bahagi ng maláy na kaisipan, gaya halimbawa ng tulang “Bayan Ko” ni Jose Corazon de Jesus na nilapatan ng musika ni Constancio de Guzman at sumikat hanggang Aklasang Bayan sa EDSA; o kaya’y ng mapaggigiit na indibidwalidad ng “Ako ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla noong dekada 1940. Tradisyonal ang hulagway at sagisag ng ibong ginamit ni De Jesus sa kaniyang tula kung ibabatay sa mga unang kawikaan at tekstong Tagalog, samantalang sariwa ang pagpapamalay ng “daigdig,” “tula,” at “makata” sa akda ni Abadilla. Bagaman dumukal sa iisang imbakan ng mga salitang Tagalog ang dalawang makata, nagkakaiba ang mga nalikhang pagpapakahulugan dahil sa malikhaing kombinasyon ng mga salita. Mababatid na nagbabago ang datíng ng mga arketipo, kung ibabatay sa personang nagsasalita sa tula, at kung paano babasahin ng madla ang gayong persona.

May tula na makapagtataglay ng mga bagay na mula sa kubling-malay na maaaring nakaaapekto sa mga pananaw, pag-iisip, at pagpapasiya ng tao, at siyang dapat maunawaan, gaya halimbawa ng konsepto ng “dangal,” “puri,” “loob,” “kapuwa,” “bayan,” at iba pa, na pawang di-gaanong napapansin ng mga tao ngunit isinasaalang-alang sa pagpapasiya. Maihahalimbawa rito ang mga tula at katha nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado na gumamit ng konsepto ng dangal at puri sa pambansang antas, at maikokompara sa ideolohiyang ibig isulong ng Urbana at Feliza ni Modesto de Castro na ginamit ang pangangaral sa puri at dangal upang mapanatili ang kolonyal na kaayusan. Gayunman, hindi maipapalagay na ang tula ay may tiyak na lunas na gaya ng awit ng Ibong Adarna na sasagip sa naghihingalong hari, o magliligtas kay Don Juan na pinagtaksilan ng kaniyang mga kapatid para makamit ang trono ng kaharian. Makatutulong ang tula sa pag-unawa sa mga iniisip at kilos ng lipon ng mga tao, subalit dapat pang ibitin sa ngayon ang pagsasabing ang isang tula ay lumalagom sa kolektibong pag-iisip ng sambayanan dahil unang-una’y mahirap iyon mailangkap lahat ng awtor.

Kailangang pagpakuan ng pansin ang pagpapakahulugan sa tula. Kung ang tula ay sumasalamin sa sikolohiyang panlipunan o sikolohiya ng pamayanan, ang realidad ng tula ay maaaring may direktang tumbasan sa realidad ng lipunan, ngunit hindi ito totoo sa lahat ng pagkakataon. Ang tula ay mahihinuhang huhugot ng lakas sa mga sagisag at damdaming may kaugnayan sa pangyayari, tauhan, o pakikipagkapuwa mula sa isang tiyak na lugar. At ang mga sagisag at damdaming ito ang magiging diskurso ng taumbayan pagkaraan upang magkaunawaan ang mga tao. Kung isasaalang-alang ang mga bugtong at salawikain, ang mumunting tulang ito ay hindi lamang naglalarawan o nagpapahiwatig hinggil sa isang tao, bagay, o pangyayari, bagkus nagpapasok minsan ng mga kaisipan upang maisaayos ang ugnayan sa lipunan, at maitampok ang halagahan [values] at pagpapahalaga sa mga bagay. Maihahalimbawa ang sumusunod na kawikaan:

Ang tubig ma’y malalim
Malilirip kung libdin,
Itong budhing magaling
Ang mahirap paghanapin.

Sa tanagang ito, na itinuturing na salawikain, ang hulagway ng tubig ay itinataas ang pahiwatig at iniuugnay sa budhi. Ang tubig ay hindi basta likido; ito ay maaaring tumukoy sa sanaw, sapa, talon, ilog, lawa, o dagat. Ang pisikal na anyo ng tubig ay itinapat sa budhi na elementong matatagpuan sa kalooban ng tao. Kung madali umanong maarok ang tubig, hindi gayon kadali ang pagtuklas sa “budhing magaling” na makapagpapahiwatig ng kabutihan, katatagan, katwiran, at iba pang kaugnay na katangiang makapagpapataas ng pagkatao. Kasalungat ng “budhing magaling” ang “budhing masama” na nagsasaad ng negatibong asal ng tao. Ang konsepto ng tubig ay hindi puwedeng hugutin lamang sa imbakan ng arketipo; ang tubig o tubigan ay kailangan munang maranasan ng mga tao, at iba ang magiging pagsagap sa tubig kung ang mga tao ay nasa gitna ng disyerto o sa isang bundok na salat sa tubig-tabang. Ang budhi bilang imbakan ng arketipo at siyang maitutumbas sa “pansariling kubling-malay” o “kolektibong kubling malay” ni Jung ay mahirap matagpuan, lalo’t hindi mailalarawan o maipapakahulugan ang dalumat ng budhi alinsunod sa pananaw ng mga Filipino sa isang tiyak na panahon.

Mahalagang balikan kahit ang pag-aaral sa dalumat ng “loob” na kaugnay ng “budhi” ng mga Filipino kung isasaalang-alang ang ugnayan ng tula at panlipunang sikolohiya sa punto de bista ng mga Filipino. Inilista halimbawa ni Albert Alejo ang ilang konsepto ng loob sa sari-saring larang. Ang “loob” ay maituturing na yungib ng kaisipang Filipino, haka nga ni Emmanuel Lacaba. Para kay P. Leonardo N. Mercado, mauunawa ang loob at isip ng tao batay sa pagsusuri ng kaniyang salita at kilos dahil ang mga ito “ay bunga ng isip ng tao.” Para kay Zeus Salazar, ang “loob” ay nakatuon sa emosyon, samantalang ang “budhi” ay may aspektong moral at intelektuwal; at ang “kalooban ng budhi ay tungo sa unawa.” Kung pag-uusapan ang “loob” ay hindi malalayo ang “labas” dahil ang konsepto ng “labas” ay may kaugnayan din sa pakikipagkapuwa, pananaw sa buhay, at pagkilos alinsunod sa ibinubulong ng loob. Sa pananaw naman ng kritikong Virgilio S. Almario, ang tula ay kapuwa nagtataglay ng loob at labas; at may tulang paloob at tulang palabas. Ang loob ng tula ay ang anumang disenyo at likha ng makata; samantalang ang labas ng tula ay may kaugnayan sa pag-unawa ng mambabasa o pagsusuri ng kritiko. Ang tulang paloob naman ay higit na mapagmuni, at maitutumbas sa introvert ni Jung, at may katangiang tahimik; samantalang ang tulang palabas ay nasa anyong patanghal at pabigkas, na maitutumbas sa extrovert ni Jung, at siyang ikinakabit sa gaya ng balagtasan at iba pang tanghal-tula. Kung iuugnay ang ganitong mga katangian ng tula sa panlipunang sikolohiya, ang pag-urirat ng tula ay magiging dinamiko at maaasahang kakasangkapan sa samot-saring ambag ng iba’t ibang larang.

Magiging problematiko ang tula bilang salamin ng panlipunang sikolohiya kung ang tula ay ituturing at magwawakas na may iisang tabas lamang, na ikakahon ang pagdulog sa realismong panlipunan, at sumusunod sa kumbensiyon at inaasahan o abot ng alam ng madlang mambabasa o madlang nakikinig sa pagtatanghal ng tula. Ito ay sa pangyayaring puwedeng akalain na kung may kolektibong kubling-malay ang pamayanan, maaaari ding isipin ang kolektibong ulirat nito—ang ulirat na ang hegemoniya ay maaaring kumakatawan sa kung sino ang mayhawak ng makinarya at kontrol sa paghubog ng kaisipan ng mga tao at siyang ipinapaloob sa mga tula. Ang pagkakaroon ng iisang tabas ay maaaring dulot ng makapangyarihang impluwensiya, gaya ng paggamit sa padron ni Balagtas ng mga tagasunod niyang tinaguriang “Balagtasista” ni Almario. Ang kumbensiyon ay maitatakda ng wika at anyo ng mga tula, na pawang ipinalalaganap ng mga manunulat, at inaayudahan ng mga publikasyong nagtataguyod ng mga akdang komersiyal. Kahit ang akademya ay makapagpapalawig ng kumbensiyon sa pagtula, kung ang ituturo lamang nito ay ang mga sinaunang pagtulang animo’y nakikipagbalagtasan at iiwas pag-aralan ang anumang modernistang pagdulog na ipinakilala ng mga makata sa iba’t ibang panahon.  Ang kumbensiyon ay maaaring bunga ng mga pagsisikap na panatilihin ang anumang katutubong pagtula, gaya ng pagkasangkapan sa tugma at sukat, o talinghaga at dalumat, na pawang nag-ugat sa bansa. Ngunit habang lumalaon, ang labis na konserbatibong pagpapanatili ng katutubong pagtula ay mahihinuhang nakapagdudulot naman  ng pagkauyot ng pagtula ng susunod na henerasyon ng mga makata.

Magbabago ang pagtingin sa tula bilang salamin ng panlipunang sikolohiya kapag pinag-aralan ang mga koleksiyon ng mga tula ni Rio Alma. Tampok sa Muli, Sa Kandungan ng Lupa (1994) ang talinghaga ng pagbabanyuhay at resureksiyon ng isang bansa, na ang pangunahing halimbawa ay nakalahok sa mala-epikong “Oriental” na sumususog kung hindi nagdaragdag sa teoryang pampanitikan ni Edward W. Said. Bukod dito, nagpapanukala rin ang aklat kung paano babasahin ang panitikang Filipinas at uunawain ang konsepto ng kabansaan alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Isa pang maimumungkahing pag-aralan ngayon ng mga guro at estudyante ang pinakabagong epiko ni Rio Alma na pinamagatang Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas kong Mahal (2009). Ang Hudhud ni Rio Alma ay mapaglaro, mapangahas, at sabihin nang mailalaban sa pandaigdigang antas. Gagamit siya ng tatlong pilas na persona sa katauhan nina Aliguyon, Jose Rizal at Kabataang Di-Kilala. Ang tatlong personang ito ay sabay-sabay maglalakbay sa kani-kaniyang dimensiyon, makikipagdiskurso sa diwa ng kasaysayan samantalang makakabangga rin ang sari-saring tauhan sa kasaysayan, mitolohiya, kultura, politika, aliwan, at iba pang aspekto ng lipunan. Ang paglalakbay ng tatlong pilas na persona ay kaugnay ng paghahanap ng kabansaan, pagpupurga ng sarili sa imbakan ng arketipo mula sa kolektibong kubling-malay at dalumat ng Filipinas, kaya masisipat na ang wakas ng epiko ay hindi pangwakas, bagkus nagbabanta ng panibagong anyo ng hudhud na ang mitikong tagapagsalaysay ay ipagpapatuloy ang pagbubunyag ng sariwang pakikipagsapalaran at ang pagsisiwalat ng bagong anyo ng buhay at kabansaan.

Panimulang pag-aaral pa lamang ang papel na ito hinggil sa tula bilang salamin ng panlipunang sikolohiya. Mahirap ikahon ang takbo ng isip at damdamin ng lipunan, at gayundin, mahirap ikulong sa iisang pakahulugan ang tula. Sa ganitong pagkakataon, ang tula ay posibleng basahin sa iba’t ibang anggulo, at ang pag-urirat sa sikolohiya ng akda ay isa lamang sa maraming posibilidad ng pagbasa at pag-unawa sa kabuuan ng akda.

(Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Ikaanim na Neo-Angono Public Arts Festival na ginanap sa Regional Pilot School for the Arts ng Angono, Rizal, Filipinas noong 18 Nobyembre 2009.)

Salin at Salinan: Ilang Panukala sa Pagpapaunlad ng Panitikang Pambansa

Maikli ang tradisyon ng pagsasalin sa Filipinas, kung sasangguniin ang aklat ng talasangguniang binuo ni Dr. Lilia F. Antonio. Pinamagatang Apat na Siglo ng Pagsasalin (1999), ang aklat ay sinikap na tipunin ang lahat ng saling akda na pawang nalathala sa Filipinas, bagaman masasabing marami din ang nakaligtaang mapabilang sa talaan. Magbubunsod ang ganitong pangyayari para wikain ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario na “Kasintanda ng limbag na panitikan ng Filipinas ang pagsasalin.” Binanggit ito ni Almario dahil ang kauna-unahang limbag na aklat sa Filipinas ay ang Doctrina Christiana (1593) na pinaghalong salin ng katon at dasal sa Tagalog upang maging gabay ng mga misyonerong Espanyol.

Ang pagsasalin ng mga frayleng Espanyol noon ay pagtatangkang pasukin ang daigdig ng Tagalog. At upang magawa ito’y sinikap na magkaroon ng literal na tumbasan ng mga salita sa Tagalog at Espanyol, at ang mga salita sa Tagalog ay binaybay at pinantig alinsunod sa pagkakasagap ng mga Espanyol. Kinakailangang pag-aralan noon ng mga frayle ang Tagalog at iba pang taal na wika sa kapuluan dahil wala noong makauunawa sa Espanyol. Bukod pa rito’y kulang ang mga guro na maaaring magturo ng Espanyol sa mga Tagalog. Sa pagkakataong iyon, ang pagsasalin ay ginamit upang ilipat ang diskurso at pananaw ng Espanyol tungo sa Tagalog sa pamamagitan ng Tagalog, samantalang ipinakikilala pa lamang ang Espanyol. Nakinabang din kahit paano ang Tagalog, dahil nasimulan ang pagpapaliwanag ng anyo at nilalaman nito, gaya ng gramatika at palaugnayan, kahit sa lihis na layunin.

Kaugnay ng pagsasalin ng mga akda ang pagtitipon ng bokabularyo ng katutubo at ang pagpapalimbag ng mga diksiyonaryo. Unang ginawa ito ni Antonio Pigafetta sa kaniyang talang Primo Viaggio Intorno al Mondo (1525) na may mga salita at tambilang na Tagalog at Bisaya na pawang may singkahulugan at binaybay sa estilong Italyano at Latino.[1] Mahalaga ang talaan ni Pigafetta dahil patunay ito na may sariling wika ang mga katutubo, at ang wikang ito ay nabubuhay magpahangga ngayon. Ang pag-unlad ng wika at pagsasalin ay nakasandig sa mga diksiyonaryo o tesawro, dahil malaki ang maitutulong nito upang maunawaan ang mga pakahulugan, pahiwatig, at konteksto ng salin alinsunod sa target na wika, habang isinasaalang-alang ang pinagbatayang wika at kultura ng orihinal na akda.

Ilan sa mga diksiyonaryo na nakatulong sa paglinang ng wika at pagsasalin ang Vocabulario de la Lengua Pampanga (1860) at Vocabulario de Pampango y Diccionario Pampango (1732) ni Diego Bergaño, Vocabulario de la Lengua Tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, Vocabulario de la Lengua Bicol (1865) ni Fray Marcos de Lisboa, Vocabulario Delengua Tagala (1613) ni Fray Pedro de SanBuenaVentura, Diccionario Bagobo-Español (1892) ni Mateo Gisbert, Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano Laktaw, Diccionario Ingles-Español-Tagalog (1915) ni Sofronio G. Calderon, at maraming iba pa. Kung walang diksiyonaryo, tesawro, o bokabularyo ay napakahirap ng pagsasalin, at kailangang magtiwala ng tagasalin sa balon ng kaniyang kaalamang nasagap bilang manunulat. Sa kasalukuyan, sari-saring diksiyonaryong online ang lumilitaw at nasa iba’t ibang wika ng Filipinas. Kung gaano kasinop ang pagpapakahulugan ng mga lahok ay dapat pang pag-aralan, at hindi maimumungkahi na gawing sanggunian ang mga ito. Napakaliteral naman ng pagsasaling online, at kung susubukin ito sa mga wika sa Filipinas ay mapapansin ang isa-sa-isang tumbasan ng mga salita at nalalagay sa alanganin ang konteksto, pakahulugan, at pahiwatig sa loob ng pangungusap o talata. Kahit pa sabihing may Word Sense Disambiguation[2] ang kodigo, ang pagpili kung ano ang gagamiting salita sa loob ng pangungusap ay hindi maipauubaya sa kompiyuter.

Sa kabilang dako’y maiisip na nakasalalay ang mga diksiyonaryo sa mga limbag na akda, bukod sa mga salitang malimit gamitin at itinala ng mga mananaliksik. Masasabi ring habang ginagamit sa pagsasalin ang mga diksiyonaryo, nadaragdagan ang mga lahok at ang pakahulugan ng mga salita, dahil ang isang salitang taal ay maaaring taglayin din ang mga pakahulugan ng katumbas na banyagang salita. Ang mga salitang walang katumbas sa Filipino, halimbawa, ay maaaring makapasok sa korpus ng Filipino alinsunod sa pangangailangan ng mga manunulat at tagasalin. Magbubunga ito ng paglusog ng bokabularyo, ngunit may pangamba ring matabunan ng mga hiram na salita ang mga katutubong salitang maituturing na sinauna at laos.

Ang pagsasalin na kaugnay ng paglilimbag ng mga akda ay dapat kilalanin din na sinuhayan ng paglitaw ng mga imprenta sa Filipinas, at ang mga imprentang ito, bagaman nagsimulang aparato ng simbahan at estado sa pananakop ng mga katutubo, ay naging bahagi rin ng pagpapalaganap ng karunungan sa iba’t ibang wika sa Filipinas. Kontrolado ng simbahan at kolonyal na pamahalaan ang mga limbagan, at ilan sa mga pamosong tagapaglimbag nito ay mula sa orden ng Agustino, Dominiko, Fransiskano, at Heswita. Maiuugnay din ang pagsasalin sa paglalatag ng pamantayan, at sensura, para mapangalagaan ang kolonyal na interes. Ngunit nang lumuwag ang pag-aangkat ng mga imprenta, papel, at iba pang kaugnay na kagamitan mula sa ibang bansa, ang pagpapalathala ay lumusog na yumanig sa seguridad ng kapuwa estado at simbahan. Ang pag-aangkat ay masasabing napabilis ng pagbubukas ng mga pantalan gaya sa Bohol, Iloilo, at Pangasinan noong 1855–1860 na ang sukdulan ay ang pagbubukas ng Kanal Suez noong 1869 na nagpabilis ng biyahe mulang Ewropa tungong Asya nang hindi na kailangan pang umikot sa Afrika.

Bagaman limitado sa ngayon ang mga publikasyong palimbag sa paglalabas ng mga akdang nasusulat sa iba’t ibang wika, may binubuksan namang bagong oportunidad ang elektronikong pagpapalathala, gaya ng matatagpuan sa mga websayt at blog ng mga Bikolano, Ilokano, at Sebwano. Pinakaabanse ang Bikol kompara sa Iluko at Sebwano, dahil sa konsistent na pagpapalathala nito ng mga kuwento, tula, salin, sanaysay, at kung ano-ano pang may kaugnayan sa panitikan. Lumilitaw din ngayon sa Bikol ang bagong hanay ng mga kabataang manunulat, na pawang interesado sa pagkalikot ng mga kompiyuter at batikan sa impormasyong teknolohiya. Kung magpapatuloy ang ganitong pangyayari, hinuhulaan kong milya-milya ang ilalampas ng panitikang Bikol na moderno at pangahas ang anyo at nilalaman kompara sa iba pang panitikan sa mga rehiyon.

Samantala, matitingnan ang paglago ng bilang ng mga salita sa diksiyonaryo na kabahagi ng pagpapanday ng gramatika ng wika. At ang gramatika ay madadalisay habang lumilitaw ang mga akdang pampanitikan, gaya ng katha at tula, samantalang sinusubok ang mga pamamaraan ng pagbubuo ng sayusay at tayutay, at naglalaro sa mga panuto ng palaugnayan. Pagsasalin at paghahalaw ang masasabing nakapag-aambag ng pagbabago ng gramatika at palaugnayan ng sariling wika dahil maaaring ang ilang banyagang elementong maiaangkop sa sariling wika ay subukin ngayon bago ganap na tanggapin sa hinaharap. Ganito ang naganap sa Tagalog na pinagbatayan ng Filipino, na patuloy na nagbabago ang anyo kung isasaalang-alang ang eksperimento ng mga manunulat sa kani-kaniyang akdang prosa o tula. Ganito rin ang inaasahang magaganap sa mga wikang gaya ng Ilokano, Ivatan, Manobo, Sebwano, Tausug, at iba pang wika sa bansa.

Ideolohiya ng Pagsasalin
Simbahan ang nakinabang nang malaki sa pagsasalin ng mga tekstong Espanyol tungo sa Tagalog at iba pang wika sa Filipinas, na marapat lamang dahil ito rin ang unang kumontrol ng mga imprenta. Ang mga limbag na aklat sa Filipinas noong siglo 1600–1900 ay malimit na pumapaksa sa apokripa, katesismo, doktrina, debosyon, kautusan, kuwento, kasaysayan, at pangaral. Isa sa mga ambisyosong proyekto ay ang Barlaan at Josaphat (1837) ni Fray Francisco de Borja. Ang salin ni Borja ay nagpapamalas ng posibilidad at lalim ng prosa at wikang Tagalog, at sa kakayahan nitong gamitin sa pagsusulat ng mga akdang nagtataglay ng mga konseptong maaaring bago sa pananaw ng mga katutubo. Ngunit higit pa roon, ipinakikilala ni Borja ang kapangyarihan ng Espanyol at simbahang Katolika na magtatakda kung paano sumamba at maging sibilisado ang mga Tagalog.

Kasabay ng prosa ni Borja, dapat ding sipatin ang mga tula (partikular ang mga awit at korido) at dula (sarsuwela, moro-moro, at opera) na lunsaran ng halaw at salin ng mga kuwento ng pakikipagsapalaran at romansa. Ang mga awit at koridong ito na pawang pumapaksa sa mga maharlika, kaharian, relihiyon, at pakikipagkapuwa ay hinango sa tradisyong pampanitikan ng Ewropa, na ginamit lamang ang Tagalog at iba pang wika sa Filipinas para ipakilala ang gaya nina Carlo Magno, Tablante, Prinsipe Paris, at Prinsesa Florentina. Maiiba marahil ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, na gumamit ng modernong Tagalog at alusyong Griyego upang itampok ang mga kaligiran at pangyayari sa bansa alinsunod sa pagbasa ni Lope K. Santos.

Ang proseso ng pagsasalin noon ay hindi lamang nagmumula sa Espanyol tungong Tagalog o Bisaya o Bikol at iba pang wika sa Filipinas. May ibang aklat, na orihinal na isinulat sa Italyano o Aleman o Pranses, ang isinalin muna sa Espanyol bago isinalin sa Tagalog. Maihahalimbawa rito ang mga salin ni Pablo Clain, gaya ng Ang infiernong nacabucas o manga pagbubulay-bulay nang mga cahirapan at casaquitan doon (1871) at Ang infiernong na bubucsan sa tauong Christiano, at nang houag masoc doon; o Manga pagbulaybulay nang mga casaquitan sa infierno (1713). Samantala, ang akda naman ni Alfonso Ma. De Ligouri ay hango sa Italyano at tuwirang isinalin sa Tagalog ng mga Agustino noong 1873.

Pagsapit ng unang hati ng siglo 20, magiging dominateng wika ang Ingles; at kahit ang ibang akdang mula sa iba’t ibang wika ay kailangan munang dumaan sa Ingles o Espanyol bago isalin sa Tagalog at iba pang wika. Sanhi ang pangyayaring ito ng pagkasangkapan sa Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan. Makikilala sa bansa ang mga akda ng gaya nina Alexandre Dumas (ama at anak), Alphonse Daudet, Algernon Charles Swinburne, Antonio Plaza, Barry Cornwall, Boccacio, Burton Gartcourt, Dwarakanath Gangopadya, Edgar Allan Poe, Emile Zola, Emperor Matsuhito, Enrique Garcia Alvarez, Eugene Field, Eugene Sue, Felix Guzzoni, Gaston Leroux, Guy de Maupassant, H.A. Herring, Hato Irigawa, Henry Wadsworth Longfellow, Jorge Okonkowsky, Juan Fernandez Utor, Kenjiro Tokutomi, Leo Tolstoi, Leonardo Fernandez Moratin, Lord Lytton, Manuel Acuña, Miguel de Cervantes, Dante Alighieri, Moliere, O. Henry, Omar Khayyam, Percy Bysche Shelley, Phoebe Cary, John Milton, Rabindranath Tagore, Ralph Waldo Emerson, Ramon de Campoamor, Rudyard Kipling, Victor Hugo, William Shakespeare, Zora Gale, at iba pa. Mahaba ang listahan ng mga banyagang awtor, at ang mga awtor na ito ang kahit paano’y nagpakilala ng sariwang pagtanaw sa mga manunulat na Tagalog. Pagsapit ng dekada 1940 pataas ay mangingibabaw ang mga akdang Ingles o nasusulat sa Ingles (imbes na Espanyol) na isasalin sa Filipino. Magiging paningit ang ilang proyektong Hapones, na isinalin ang mga akdang Hapones hinggil sa Imperyong Hapon para ipaliwanag ang pananakop nito sa Filipinas at pagpapapalaya sa sakop ng Estados Unidos.

Isinalin din sa Tagalog at iba pang wika ang mga akda ng mga manunulat na nagsusulat sa Espanyol, gaya nina Gregorio Aglipay, Jesus Balmori, Fernando Ma. Guerrero, Apolinario Mabini, Jose Rizal, at Pedro Paterno. Sa pagkakataong ito, ginamit muli ang Tagalog at iba pang wika sa bansa para ipaliwanag ang diskursong nagmumula sa Espanyol na pawang katha ng mga Filipino. Ang pagsasalin ay mahihinuhang pagtatangkang pasukin ang daigdig ng mga taal na wika sa Filipinas at hamigin ang mga mambabasang kumokonsumo ng mga babasahin sa sariling wika. Isahang daloy [one way] ang pagsasalin, at ang Espanyol ang pinagmumulan ng karunungan, samantalang tagasagap at tagaangkop ang Tagalog at iba pang taal na wika. Walang kapasidad naman ang mga eksperto sa Espanyol para isalin sa Espanyol ang pabigkas na panitikang Filipinas, at mahihinuha ito sa kasalatan ng mga tekstong Tagalog o iba pang lalawiganing wika na isinalin sa Espanyol. Madilim na yugto ito, at maaaring hindi pa natutuklas ang mayamang malig ng tradisyong pabigkas sa mga lalawigan, at walang sapat na kakayahan ang mga Filipino na isalin ang mga katutubong akda tungong Espanyol o Ingles.

Salat na salat ang pagsasalin ng mga panitikang mula sa rehiyon, at maibubukod ang Bantugan na isinalin sa Tagalog ni T. Tuazon noong 1937. Malalathala ang komiks na Prince Bantugan (1974) na isinulat ni M. Franco at iginuhit ni Rudy V. Arubang. Isasalin sa Ingles nina E. Arsenio Manuel at Saddani Pagayaw ang epikong Tuwaang na pinamagang Tuwaang Attends a Wedding: The Second Song of the Manuvu Ethnoepic Tuwaang (1975). Pinagtulungan ng magkabiyak na Epifanio Gar. Matute at Genoveva Edroza Matute ang salin sa Filipino ng epikong Bagobong Tuwaang, sa tulong ni Pagayaw. Isininulat ni Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera ang libreto ng Tales of the Manuvu (1977) sa makabagong pagdulog. Isasadula sa Ingles ni Mig Alvarez ang mga epikong bayang Lam-ang, Labaw Donggon, at Bantugan na inilathala noong 1982. Hahalawin naman ni Liwayway A.  Arceo noong 1978–1979 ang ilang epikong bayan para maisadula sa radyo na suportado ng pamahalaan, kabilang dito ang Hudhud hi Aliguyon, Biag ti Lam-ang, Bantugan, Hinilawod, at ang mala-epikong Ibalong. Kahit si Iñigo Ed. Regalado ay gumamit ng opera para maitanghal noong 1973 sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) ang Hinilawod na batay sa saliksik ng antropologong si F. Landa Jocano. May pagtatangka rin ang ilang indibidwal na ipakilala ang panitikang mula sa lalawigan, gaya ng salin ni Amelita G. Dapar sa mga tulang Sugbuhanon tungong Filipino (na binabaybay pa noong “Pilipino”) noong 1970. Isasalin din ang panulaang Sebwano sa Filipino nina Don Pagusara at Erlinda Alburo at ilalathala ng Ateneo de Manila University Press noong  1993. Titipunin ni Lamberto E. Gabriel noong 1987 ang mga akda sa iba’t ibang wikang gaya ng Bikol, Iluko, Kapampangan, Pangasinan, at Waray na may ilang akdang Tsino. At pagkakakitaan nang malaki ni Jose A. Arrogante at iba pa ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon tungo sa Filipino sa kanilang Panitikang Filipino (Pampanahong Elektroniko, 1989)

Kung ipagpapalagay na ang dominanteng wika at pinagmumulan ng salin ay Espanyol (at pagkaraan, Ingles), at ang dominadong wika ay Tagalog, ang pag-aaral ng salin ay maaaring sumandig sa pagsusuri ng magkaibang mga kultura na makaaapekto sa pagsasalin, gaya ng nauso noong dekada 1970. Ngunit hindi dapat magtapos doon. Kung hihiramin ang dila ni Antonio Gramsci, may kinalaman ang ideolohiya sa pagsasalin. Ang dominanteng wikang gaya ng Espanyol at Ingles ay malaki ang pananagutan at kontrol sa malaganap na karunungang ibinabangga sa mga moog na dating saklaw ng Tagalog, Bisaya, Ilokano, at iba pang wika. Itinampok ng mga dominanteng wika ang kapangyarihan at saklaw ng kultura ng Espanyol at Ingles upang maging katanggap-tanggap ito sa mga katutubo. Ipipilit ang gahum [hegemoniya] ng mga banyagang wika, at ang mga wikang ito ang magpapamalay na anumang matatagpuan sa isang wika ay matatagpuan din sa ibang wika. Ibig sabihin, iisa lamang at nagkakapareho ang lahat ng wika at kultura. Na isang kabulaanan. Kaya ang mga Filipinong sasalungat sa gayong pananaw na banyaga ay maituturing na ilahas, mangmang, magaspang, at sinauna.

Mahirap noon ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon dahil kulang ang mga pabliser na handang gumastos sa gayong proyekto. Masuwerte na ang ilang pagsasalin na tinustusan ng gaya ng Ford Foundation, UNESCO, at lokal na akademikong institusyong gaya ng UP, Ateneo, at De La Salle. Ngunit mabagal ang malawakang pagsasalin, kahit naitatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas). Ang gayong problema ay maaaring sanhi ng kahirapan sa pondo, balakid sa pangasiwaan, at pagsisimula ng propesyonalisasyon ng pagsasalin. Noong dekada 1990, masigla ang proyekto ng pagsasalin ng UNESCO noong nasa posisyon pa sina Adrian Cristobal atVirgilio S. Almario, ngunit pagkaraan nila ay waring naupos ang proyektong pagsasalin sa kung anong dahilan.

Mga Tagasalin
Ginamit ng mga tagasalin na lunsaran ang mga magasin, pahayagan, komiks, at iba pang lathalain sa paglalabas ng akda. Kabilang dito ang Ang Democracia, Ang Mithi, Filipina, Muling Pagsilang, Renacimiento Filipino, Taliba, at iba pa. Magiging isa sa mga batikang tagasalin si Gerardo Chanco na naging kalihim ng Aklatang Bayan, at nagsalin sa Tagalog noong dekada 1910 ng mga nobelang Ewropeo, gaya ng Dahil sa Pag-ibig; Sa Harap ng Kamatayan; Amauri o Pumapatay o Bumubuhay; Sa Gitna ng Lusak; at Anak ng Kardenal. Yumao nang maaga si Chanco noong 1922, at pinuri ng kaniyang mga kapanahon ang ambag niya sa larangan ng pagsasalin. Malaki ang naitulong ng gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan sa mga pagsasalin ng mga akdang pampanitikan, gayunman ay walang masasabing malinaw na programang pangkultura at pampolitika ang naturang mga pangkat. Pangunahing adyenda ang pagsusulong ng panitikang pambansa at pambansang wika, na nagkataong pinangungunahan ng mga Tagalog dahil sa laki ng kasapian at husay ng mga manunulat.

Sa larangan ng tula’y sisikat si Ildefonso Santos sa pagsasalin ng Rubaiyat ni Omar Khayyam, na batay sa saling Ingles ni Edward Fitzgerald. Nakipagtulungan si Santos sa ilang Amerikanong maalam sa Ingles, upang maihulog sa Tagalog ang naturang akda. Ngunit bago pa man si I. Santos ay gagawa ng mga halaw sina Manuel Aguinaldo at Emilio Bunag, mga halaw na maituturing na bagong akda kung ikokompara sa orihinal na akdang pinagbatayan ng salin. Pagsapit ng ikalawang hati ng siglo 20 ay magkakaroon ng malaking papel ang akademya at kilusang lihim sa pagsasalin ng mga tula, kuwento, nobela, at dula na pawang nalathala sa mga unibersidad, gaya ng Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila University. Mababanggit si Corazon D. Villareal na pasimuno sa pagbubuo ng antolohiya ng mga tulang isinalin mula sa Hiligaynon, Kiniray-a, at Aklanon; at sina Carmen C. Unabia at Victorino Saway na bumuo ng antolohiya ng mga tula at kuwento na isinalin mula sa orihinal na Bukidnon.

Magkakaroon ng kulay ng politika ang pagsasalin nang magsagawa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan), GAT (Galian sa Arte at Tula), at UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) ng serye ng mga pagsasalin ng mga akdang internasyonal. Sagot ito ng naturang mga pangkat sa paglaganap ng Batas Militar na ipinataw ng administrasyong Ferdinand E. Marcos, samantalang sinisikap na payabungin ang estado ng panitikang panloob sa pamamagitan ng pagtanaw papalabas ng bansa. Kabilang sa mga isinalin ang sari-saring tula, dula, kuwento, sanaysay, at nobela mulang Asya at Afrika hanggang Latin Amerika na may mga nasyong naghahanap din ng paglaya mula sa pananakop ng dayuhan. Ang daloy ng pagsasalin ay karaniwang mulang Ingles, Espanyol, Tsino, at Aleman tungong Filipino, gaya ng ginawa nina Efren Abueg, Virgilio S. Almario, Gelacio Guillermo, Jose F. Lacaba, Bienvenido Lumbera, Rogelio G. Mangahas, Mario I. Miclat, Zeus Salazar, Fidel Rillo, Rolando Tinio, at Rene O. Villanueva; bibihira noon ang mula sa Filipino na isasalin sa Ingles, at maitatangi ang salin sa Ingles ng mga tula ni Rio Alma noong dekada 1980 na ipinagpatuloy magpahangga ngayon ni Marne Kilates; at ilang tula ni Mike L. Bigornia na tinumbasan ng Ingles ni Krip Yuson; o ang salin sa Ingles ni Cirilo F. Bautista sa mga tula ni Amado V. Hernandez.

Ang programadong pagsasalin, sa larang man ng politika o panitikan o ekonomiya o agham, ang sa palagay ko’y kinakailangan sa panahong ito. Ang nasimulan ng PAKSA, GAT, at UMPIL ay magandang halimbawa na maaaring mapagsumundan, bagaman posibleng mabago ang ilang pagdulog, gaya sa pamimili ng mga tekstong isasalin. Ang prioridad ay maaaring tekstong Filipino na isasalin tungo sa mga lalawiganing wika, at pabalik. Ang pagbubuo ng lupon na mangangasiwa sa pagsasalin sa rehiyon ay isasaalang-alang ang balon ng mga akdang limbag at tradisyong pabigkas, na pawang magagamit bilang teksto sa pagsasalin.

May nasimulan nang programa sa Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining (NCCA) noong panahon ng panunungkulan nina Virgilio S. Almario, Mario I. Miclat, at Galileo S. Zafra noong dekada 1990-2000 na kinakailangan lamang sundutin upang mabuhay at sumigla muli. May mga piniling tekstong nakahanay para isalin sa Filipino, ngunit nagkaroon lamang ng problema sa proseso ng pagsasalin, pagrepaso, at pag-edit, at isama na ang badyet para sa gayong gawain. Samantala, bumuo ng tungko ang mga akademikong palimbagan ng Ateneo de Manila, DLSU, at UP noong dekada 1990 upang ilathala ang mga sinaunang teksto, salin, at akdang nagmula sa mga lalawigan. Ang programadong pagkilos ay batay sa mungkahi ni Nicanor Tiongson sa tatlong palimbagan. Pinakamasigasig ang AdMU Press sa paglalathala ng mga salin at panitikang mula sa iba’t ibang rehiyon noong panunungkulan ni Esther M. Pacheco, ngunit naiwan ang dalawa pa. Dapat ding banggitin ang sariling pagsisikap ng UP Sentro ng Wikang Filipino na naglathala ng ilang salin ng mga klasikong akda mula sa ibayong-dagat noong dekada 1990, at tinawag na Serye ng Aklat Bahandi. Ngunit nahinto ang proyekto nang magpalit ng pangulo ang naturang unibersidad, at waring itinakwil ang pagsusulong ng Filipino.

Konsepto ng Pagsasalin
Nagsimula sa tumbasan ng mga salita at konsepto ang unang pagtatangka ng salin, gaya ng matutunghayan sa Doctrina Christiana. Maihahalimbawa ang ganito:

(Orihinal)

El aue Maria.
Dios te salue Maria. lle
na degracia. El senor es
contigo. bendita tu, estretodas
las mugeres. Y bendito el fructo.
deus  vientre Jesus. Santa Ma
ria uirgen y madre de Dios rue
ga por nosotros peccadores. aora
y en la ora denuestra muerte
amen. Jesus.

(Salin)

Ang aba guinoo Ma(ria)

Aba guinoo Maria ma
toua cana, napopono ca
nang gracia. ang panginoon di
os, ce, nasayyo. Bucor cang pinag
pala sa babaying lahat. Pinag
pala naman ang yyong anac si
Jesus. Santa Maria yna nang,
dios, ypanalangin mo camima
casalanan ngaion at cun mama
tai cami. Amen Jesus.

(Pagpapantig)

A BA GI NO O MA RI YA. MA TO WA KA NA. NA PO
PO NO KA NA GA RA SI YA. A PA NGI NO O DI
YO NA SA I YO. BO KO KA PI NA PA LA. SA BA BA YI.
LA HA. PI NA PA LA NA MA. A I YO A NA SE SE SO.
SA TA MA RI YA. I NA NA DI YO. I PA NA LA NGI MO
KA MI. MA KA SA LA NA. NGA O. A KU MA MA TA KA MI.
A ME SE SO.

Ang tumbasan ng mga salita ay literal, at ang pagpapantig ay ang matatawag ngayong ABAKADA, ngunit ang ginawa sa aklat ay tinatanggal ang mga katinig gaya ng D, N, at T na dulong titik ng dulong pantig ng salita upang madaling maunawaan ang teksto at hindi mahirapang bumigkas ang mga gagamit na Espanyol. Mapapansin din ang pagsisingit ng Y sa A at I ng salitang “babayi.” Ang naturang pagbaybay ay mahihinuhang hango sa Espanyol dahil mahihinang patinig ang I at U sa Espanyol samantalang malalakas ang A, E, at O. Sa pagdirikit ng malakas (A) at mahina (I), maaaring sumanib ang mahina sa malakas at maging “ay” ang bigkas nito, alinsunod sa panuto ng kambal-patinig. Mahihinuhang ginawa ang pagsisingit ng Y sa AI ng  “babai” upang maibukod ang I sa A. Samantala, sinimulang ipakilala ng Espanyol sa mga Tagalog ang konsepto ng “grasya,” “Jesus,” “Santa Maria” at “dios” na pawang mula sa bokabularyong Espanyol. Pinakamakapangyarihan ang “dios” na babaybayin na “diyos” pagkaraan, dahil ito ang papalit saka bubura sa tanyag na “anito” at “bathala” na pawang malimit ginagamit sa Katagalugan.

Habang lumalaon, ang pagsasalin ay higit na isinaalang-alang ang target na wika at kung paano iaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Mauugat ang ganitong pangyayari kapag binalikan ang pakahulugan ng “hulog,” “salin,” “halaw,” at “traduksiyon.”

Noong unang dekada ng siglo 20, halos walang pagkakatangi ang mga pakahulugan ng “hulog,” “salin,” at “halaw” na pawang ginagamit ng mga manunulat na Tagalog at maitutumbas sa “translation” sa Ingles o “traduccion” sa Espanyol. Higit na mananaig ang terminong “traduksiyon” na katumbas ng “paghuhulog” sa Tagalog o “translation” sa Ingles at siyang lilitaw sa mga lathalain. Katunayan, sa Diccionario Hispano-Tagalog ni Serrano Laktaw, ang “traduccion” ay ipinakahulugang “trascribir” na ang ibig sabihin ang “paghuhulog nang [sic] isang salita sa iba.” Ang pakahulugan ng “salin” ni Serrano Laktaw ay “asinan o tingalan nang [sic] ng asin” [i.e., imbakan o tinggalan ng asin] at walang nakasaad na katumbas ng “traduccion” o “translation.” Magkakaroon lamang ng linaw ang pagkakatangi ng “salin” at “halaw” nang pag-usapan ang ganitong termino ng lupon ng Surian ng Wikang Pambansa na dating Institute of National Language noong dekada 1947 hanggang dekada 1950. Nagpanukala si Regalado ng mga katawagang pampanitikan magagamit sa pagsusuri ng teksto, at pagkaraan ay madaragdagan ang mga ito hanggang tanggapin ng mga manunulat at guro. Kung pagbabatayan ang diksiyonaryo-tesawro (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “hulog” ay katumbas ng “signification,” ang “salin” ay “translation,” at ang “halaw” ay “adaptation.” Ang ginagawa noon ng gaya nina Aguinaldo, Bunag, at Chanco ay humahangga sa halaw, na halos panghihimasok sa orihinal na akda upang maitampok sa Tagalog alinsunod sa diskurso nito.

Maihahalimbawa ang orihinal na akda ni Henry Wadsworth Longfellow at ang rendisyon ng salin (na mas angkop tawaging “halaw”) ni Aguinaldo.

(Orihinal)

Hymn to the Night
ni Henry Wadsworth Longfellow

I heard the trailing garments of the Night
Sweep through her marble halls!
I saw her sable skirts all fringed with light
From the celestial walls!

I felt her presence, by its spell of might,
Stoop o’er me from above;
The calm, majestic presence of the Night,
As of the one I love.

I heard the sounds of sorrow and delight,
The manifold, soft chimes,
That fill the haunted chambers of the Night
Like some old poet’s rhymes.

From the cool cisterns of the midnight air
My spirit drank repose;
The fountain of perpetual peace flows there—
From those deep cisterns flows.

O holy Night! from thee I learn to bear
What man has borne before!
Thou layest thy finger on the lips of Care,
And they complain no more.

Peace!  Peace!  Orestes-like I breathe this prayer!
Descend with broad-winged flight,
The welcome, the thrice-prayed for, the most fair,
The best-beloved Night!

Mababago kahit ang taludturan sa akda ni Aguinaldo, bukod sa himig at persona ng tula:

(Salin)

Awit Paggalang sa Gabi[3]

ni Manuel Aguinaldo

Ang lambong ng gabi na inilalatag
sa buong paligid, aking namamalas;
sa lahat ng gilid ay nababanaag
ang kulay ng lungkot, nguni’t nababakas
ang tanglaw na mula sa gawing itaas;
tahanan ng Diyos na labis sa dilag.

Ang pagdating niya’y talos ko rin namang
kailan ma’y sakbat ang kapangyarihan;
nararamdaman kong ako’y minamasdan
ng gabing tahimik at kagalang-galang
magmula pa roon sa kanyang tahanan,
kawangis ng aking pinaparaluman.

Mumunting batingaw ay nagpaparinig
ng saya at lungkot ng kanilang tinig
na nangalilikom, siyang nagsisikip
sa mga tahanang laging pinapanhik
ng saya ng gabi: katulad at wangis
sa mga talata ng tulang marikit.

Magmula sa pusod ng simoy ng hangin
ang alaala ko’y natulog, nahimbing;
doon ay inabot ng aking paningin
ang katahimikang hindi nagmamaliw
katulad ng tubig, nakikiagos di’t
sa hihip ng hangin ay nakikisaliw.

Oh, banal na gabi! dahilan sa iyo’y
aking natutuhan kung ano ang tao
ang kanyang tungkulin sa buhay na ito…
sa labi ng ingat, mga daliri mo’y
saglit na isayad at mamamasdan mong
sa iyong sanghaya’y nagdarasal ako.

At ang laging dasal ay “Katahimikan”
hangga sa ang gabi’y makalipas naman
ng lubhang tahimik at walang ligamgam;
kung magkaminsan pa’t aking pag-ukulan
ang gabing marilag na iginagalang
ay mga dalanging walang katapusan.

Walang direktang tumbasan ang “salin” kompara sa orihinal na pinagmulang teksto. Maituturing na halaw ang akda na may ibang testura kompara sa pinaghanguan nito, sa anyo man o nilalaman.

Ang naturang asta ng mga tagasalin ay mauugat sa simulain ng Aklatang Bayan. Ayon kay Dionisio San Agustin, na noon ay pangulo ng Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[4] Napakaganda ng mga layuning ito, at sa aking palagay ay maiaangkop pa rin magpahangga ngayon kung ilalapat sa iba’t ibang wika sa buong kapuluan. Mahahalata ang tindig na kontra-kolonisasyon sa layunin ng Aklatang Bayan, at ang maláy na pagkilos sa paglilinang ng sarili’t pambansang panitikan.

Pinakamabigat ang kaso ng paglilinang ng wikang pambansa, dahil ang Tagalog ay hindi pa noon itinuturing na wikang opisyal at wikang pambansa o batayan ng magiging wikang pambansa. Ingles at Espanyol ang wika ng kapangyarihan sa pamahalaan, edukasyon, negosyo, at iba pang larang. Nang likhain ni Lope K. Santos ang balarila ay magiging hudyat iyon ng pagbabagong anyo ng mga panuntunan sa pagsulat, at magiging gabay kahit paano ng mga manunulat na Tagalog at iba pang taga-lalawigan. Ang pagbubuo ng balarila ay alinsunod sa hinihingi ng panahon, na ang mga manunulat ay naghahanap ng gabay sa pagsulat, at kritiko na gaya nina Regalado at Balmaseda, na matalas na titingin ng teksto upang mapahusay lalo ang mga saling akda.

Kung babalikan ang layunin ng pagsasalin ng Aklatang Bayan, ang pagsasalin ay mahihinuhang isang pampolitikang hakbang. Hindi lulunukin nang buong-buo ng mga tagasalin ang akdang orihinal, at “pinipiga” ang mahahalagang bahagi niyon at iniaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Isinasaalang-alang ng mga tagasalin ang kaligirang Tagalog, ang mga mambabasa nito, at ang magkaibang kultura ng pinagmulang teksto at ang pagsasalinang teksto. Bagaman makasisira ito sa orihinal, ang naturang pagsasalin ay maituturing na ehersisyo ng paglilinang ng sariling panitikan, alinsunod sa pananaw at pangangailangan ng mga Filipino. Mahihinuha rin dito na hindi lahat ng bagay na hinugot sa Pinagmulang Teksto (PT) ay mahahanapan ng katumbas sa Target na Teksto (TT). Ang taktika ng pagsasalin ng Aklatang Bayan ay makiling kung gayon sa teoryang Skopos.

Ang “Skopos” ay hango sa Griyego na ang ibig sabihin ay “layon” o “hangad” at siyang ipinakilala ni Hans Vermeer noong dekada 1970.  Ang teoryang Skopos naman, sa payak na pakahulugan, ay tumutukoy sa “layon ng pagsasalin.” Ang TT ay nakasalalay sa layunin ng pagsasalin at kung ano ang papel nito sa lipunan. Isinasaalang-alang ng teorya ang kultura na tatanggap ng salin, at ang kakayahan ng salin na maunawaan ng mga tao na magbabasa nito. Ngunit kung ang Skopos ay matapat sa tekstong paghahanguan ng salin, ang panig ng Aklatang Bayan ay higit na nakatuon sa magiging anyo ng salin kaysa orihinal. Hindi kataka-taka na noong bungad ng siglo 20, ang pangalan ng tunay na awtor ay nasa dulo ng teksto ng salin, samantalang ang pangalan ng tagasalin ay nakasaad sa pangunang pahina. Mariing pinuna ito ni San Agustin, na nagmungkahing ang pangalan ng orihinal na awtor at tagasalin ay dapat nasa pahinang pampamagat o pabalat ng aklat, at malaki nang kaunti ang pangalan ng orihinal na awtor kaysa sa pangalan ng tagasalin.

Maláy kahit paano ang Aklatang Bayan at iba pang organisasyong pampanitikang Tagalog sa bagsik ng pananakop ng dayuhan sa Filipinas. Kaya ang maituturing na tindig nito hinggil sa pagtatanggol ng anumang kaakuhan sa prosa man o tula o dula ay kaugnay ng pakikibaka laban sa pananakop ng dayuhan at pagtatanghal ng sariling identidad. Nang mabuwag ang gaya ng Aklatang Bayan, PAKSA, at GAT, nabalam panandali ang masigasig na pagsasalin ng mga akda. Ang hamon ngayon sa panahong ito ay ibalik ang gayong sigasig, ngunit maaaring sa antas na ng mga pamahalaang lokal na kinapapalooban ng mga organisasyong pampanitikang maaaring makakuha ng taunang badyet na mailalaan ng pambansang pamahalaan alinsunod sa itinatakda ng pagbubuo ng sangay ng sining sa buong kapuluan.

Mga Halimbawang Teksto
Ang dekada 1990 ang maituturing na bagong yugto ng pagsasalin sa Filipinas, bagaman noong 1988 ay nagsimula na ang mga Ilokano sa pagbubuo ng sariling antolohiya ng mga kuwentong pinamagatang Kurditan na inedit nina Reynaldo A. Duque, Jose A. Bragado, at Hermilinda T. Lingbaoan.  Ito ay kung isasaalang-alang ang paglitaw ng mga tekstong isinasalin mula sa rehiyon, gaya ng Siday, Mga Tulang Bayan ng Panay at Negros (1997) ni Corazon Villareal;  at Tula at Kuwento ng Katutubong Bukidnon (1996) ni Carmen C. Unabia at Victorino Saway; Kudaman: Isang Epikong Inawit ni Usuy (1992) nina Edgar B. Maranan at Nicole Revel-Macdonald; Mga Panulaang Cebuano ni Don Pagusara (1993); Panulaan at Dulaang Leytenon-Samarnon (1994) ni Jaime Biron Polo. Ipapanukala rin kahit ang lente ng pagbasa sa mga akda, gaya ng matutunghayan sa Translating the Sugilanon, Re-framing the Sign (1994) ni Villareal. Matutuklasan muli ang Silang Nagigising sa Madaling-Araw (1997) na salin ni Duque sa nobelang Iluko ni Constante Casabar na nagbunyag ng madilim na politika ng karahasan sa Ilokos noong dekada 1950. Ang maganda sa teksto’y may orihinal na Iluko at may salin sa Filipino na bihirang mangyari lalo sa pagpapalimbag ng mga nobela. Lumabas din ang Patubas (1998) na antolohiya ng panitikang mula sa Kanlurang Visayas at siyang inedit ni Leoncio Deriada. Samantala, may ilang nobela at kuwentong isinalin sa banyagang wika, gaya ng Canal dela Reina ni Liwayway A. Arceo na isinalin sa Nihonggo.

Masasabing kakarampot pa rin ang mga saling ito kompara sa masigasig na pagsasalin ng mga akdang banyaga. Mahaba ang listahan ng mga salin ng mga tekstong mula sa ibayong-dagat, at hahayaan ko na lamang kayong saliksikin yaon sa mga aklatan. Nagbigay ng mabuting halimbawa ang mga salin kung paano payayabungin ang mga wika sa Filipinas, habang itinataguyod ang Filipino bilang wikang pambansa.

Mga Mungkahi
Ang proyekto ng pagsasalin ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandar. Sa ganitong paraan, ang pagsasalin ay dapat tingnan na hindi dapat isahan ang agos, gaya ng mulang banyagang teksto tungong Filipino o lalawiganing wika. Ang pagsasalin ay maaaring maganap nang pabaligtad, na inuuna muna ang matitinong produksiyon ng mga panitikan sa rehiyon at nilalapatan agad ng salin para sa kapakinabangan ng buong Filipinas. Ngunit mahirap itong gawin. Kailangan muna ang pagtuklas at paghubog sa bagong hanay ng mga kritiko, istoryador, dalubwika, at teoriko na pawang makatutulong sa dokumentasyon at pagpapaliwanag sa daigdig ng mga akdang mula sa rehiyon. Kailangan ang produksiyon ng mga akdang pampanitikan ngunit hinihingi rin ang pagbubuo ng mga diksiyonaryo, tesawro, bokabularyo, at kaugnay na akda para makaagapay sa anumang proyekto ng pagsasalin.

Noong bungad ng siglo 20, ang proyekto ng pagsasalin ay masasabing bara-bara, dahil hindi lahat ng isinalin ay masasabing klasiko ang datíng. Ang ilang lumabas na salin, halimbawa, sa magasing Mabuhay na inedit noong 1940 ni Amado V. Hernandez ay nahahaluan ng mga tekstong komersiyal na mula sa mga nobela at kuwentong romansang Amerikano, at ang iba ay maituturing na basura sa ngayon. Sa panahon ngayon, ang anumang proyekto ng pagsasalin ay dapat nakapaloob sa pangkat na may magpapayo kung ano ang karapat-dapat isalin at kung ano ang dapat ibasura na lamang. Hindi na puwede ngayon ang basta pagpili ng tekstong madaling isalin, at presto, iyon na ang uunahin. Kailangang tinatalakay ang mga tekstong isasalin, at pinag-uusapan ang posibleng maging datíng nito sa iba’t ibang lalawigan o katutubong kultura. Upang magawa ito, iminumungkahi ang pagbubuo ng malig ng mga lalawiganing panitikan.

Makatutulong, sa aking palagay, kung ang pagsasalin ay uunahin muna sa Filipino kaysa Ingles o banyagang wika. Ang tekstong mula sa mga lalawiganing wika ay higit na matalik pa rin sa Filipino kaysa Ingles dahil magkaiba ang polong pinagmumulan ng naturang mga wika. Makatutulong din kung ang mahuhusay na tekstong nasusulat sa Filipino o iba pang wika ay isasalin sa mga wika sa rehiyon, nang sa gayon, lumulusog ang Pinagmulang Wika at ang Target na Wika. Ang ganitong salimbayang agos ng pagsasalin ay makatutulong din sa pagbubuo ng mga teksbuk, at siyang hinihingi ng bagong kurikulum na itinakda ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).

Kinakailangang humanda rin ang mga tagasalin sa rehiyon na mag-aral at magpadalubhasa sa impormasyong teknolohiya. Ito ay dahil kung kulang man ang mga publikasyong handang maglimbag ng mga salin, maaaring magamit ang gaya ng blog at websayt para paglathalaan ng mga salin. Ang mga blog at websayt na ito ay maaaring pagkakitaan pagkaraan ng mga tagasalin, na makatutulong hindi lamang sa pagsusulong ng iba pang proyekto kundi sa pangangailangang pananalapi ng mga tagasalin. Maraming uhaw na uhaw sa impormasyong mula sa Filipinas, lalo sa usapin ng kultura at panitikan, at ang pagsasalin ay isang paraan para tighawin ang gayong uhaw sa kaalaman.

Ang kahusayan sa pagsasalin ay hindi nagaganap nang kisapmata. Nangangailangan ng panahon sa pagsasanay at pag-aaral, at maaaring matugunan ito ng gaya ng Lupon ng Pagsasalin ng NCCA at iba pang organisasyong nagsusulong ng pagsasalin sa mga wika sa Filipinas. Ang pagsasanay sa pagsasalin ay maaaring daanin muna sa gaya ng mga blog, at kapag naipon ang mga ito ay maaaring kinisin o paunlarin. Iminumungkahi ang patuloy na pagsasalin ng kung ano-anong bagay, mula sa mga simpleng panuto hanggang masasalimuot na teksto. Ang kinakailangan lamang ay magsimula, at ituloy ang anumang nasimulan ng iba pang tagasalin o manunulat.

Ang ginawang halimbawa ng AdMU Press, UP Press, at DLSU Press para sa programadong pagpapalathala ng mga salin, halaw, lumang teksto, at iba pa ay maaaring isaalang-alang din ng kapulungan ng mga tagasalin. Kinakailangang hikayatin ang mga publikasyon na magtaya ng pondo para sa mga proyektong ito. Napakaraming teksto ang inaaagiw sa mga silid-aklatan ngunit napakahirap ng akses para mabasa iyon. Upang malutas ito, maaaring ilathala muli ang mga lumang teksto at bigyan ng masusing introduksiyon at kritika gaya ng ginagawa ng AdMU Press.

Hindi pangwakas ang mga mungkahi at obserbasyon na inilatag sa papel na ito. Ngunit hindi ninyo ikamamatay kung isasaalang-alang ang aking mga punto sa pagbubuo ng inyong mga programa at proyekto.

(Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Pambansang Palihan sa Pagsasaling Pampanitikan na ginanap noong 22–24 Hulyo 2009 sa Development Academy of the Philippines, Lungsod Tagaytay at siyang pinangasiwaan ng Pambansang Komite sa Wika at Salin, Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) at Sentro ng Wikang Filipino, UP Diliman. )

Mga Tala


[1] Kabilang sa binanggit ni Pigafetta ang mga salitang panumbas sa “lalaki,” “babae,” “buho,” “pilak,” “kilay,” “ilong,” “ngipin,” “kuko,” “siko,” “uten,” “bayag,” “tuhod,” “bulbol,” “benawa,” “balangay,” at ang mga tambilang mulang isa hanggang sampu na pawang umiiral magpahangga ngayon.

[2] Tumutukoy ang “disambiguation” sa pagpapaliwanag para pawiin ang kalabuan na hadlang sa pag-unawa; o kaya’y sa gramatiko o semantikong interpretasyon ng mga salita, ayon sa mga pakahulugang matatagpuan sa mga diksiyonaryong online. Samantala, ang Word Sense Disambiguation (WSD), ayon kay Ronald Winnemoller, ay tumutukoy sa pagpili ng pahiwatig o pakahulugan mula sa isang tiyak na pangkat nito, alinsunod sa “kalkuladong” pagpapakahulugan ng isang salita sa loob ng maikling bahagi na hinango sa malawak na korpus. Ginagamit ang WSD sa pagsasaling de-makina, sa semantikong paghahanap sa web, awtomatikong paglalagom, at iba pa. Basahin ang kaniyang papel na pinamagatang “Using Meaning Aspects for Word Sense Disambiguation” na inilathala sa http://www.cicling.org/2008/LF-1-2008-1st-Pages/06%20-%20Using%20Meaning%20Aspects.pdf na hinango noong 22 Hulyo 2009.

[3] Mula sa antolohiyang binuo ni Teodoro A. Agoncillo na hindi pa nalalathala sa ngayon. Nalathala noong 21 Marso 1911 sa Renacimiento Filipino.

[4] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007.

Eskandalo

Hiram na salita mula sa Espanyol ang “eskandalo” na ibinatay naman sa salitang Latin na “scandalum” na ang ibig sabihin ay “balakid, kasalanan.” Ang salita sa Latin, ayon sa diksiyonaryong internasyonal gaya ng Webster’s (1976), ay nagmula umano sa salitang Griyego na “skandalon.” Pangunahing lahok sa diksiyonaryo ang pakahulugang “kasiraan sa relihiyon sanhi ng taliwas na asal mula sa relihiyosong tao.” Kaugnay ng pakahulugan ang pagkakasala, pagdududa, o pagkalito na idinulot sa isang tao dahil sa paglabag sa etika o relihiyon. Maaaring tumukoy din ang eskandalo sa asal o gawi na nagiging sanhi o humihimok na mapahina ang pananampalataya o relihiyosong pagsunod sa pinaniniwalang diyos o relihiyon.

Ikalawang pakahulugan ng eskandalo ang “pagkawala o pagkasira ng puri sanhi ng tunay o inaakalang paglabag sa moralidad o kabutihang-asal.” Kaugnay ng pakahulugang ito ang “nakahihiyang pagpaparatang o bintang at paninisi na walang batayan.” Ang dalawang pakahulugang ito ang malimit lumulutang sa isip ng Filipino kapag may nabalitaang nakayayanig na pangyayari mulang korupsiyon sa gobyerno hanggang korupsiyon ng laman. Nasisira ang reputasyon ng tao dahil sa kasalanang moral. Mahihinuha sa pakahulugang ito na malaki ang ipinapataw na pagpapahalaga sa mga pananaw sa kabuuang lipunan.

Ang ikatlong pakahulugan ng eskandalo ay tumutukoy sa “pangyayari o pagkilos na lumalabag sa kabutihang-asal o establisadong pagkaunawa hinggil sa moralidad.” Sa ganitong yugto, ang tao ay ipinapailalim sa isang kaayusan, at ang kaayusang ito ay itinatakda ng mga awtoridad, kundi man ng mayorya, ng lipunan.  Nakatimo sa pakahulugan ang “tao” na ang asal ay labag sa moralidad. Halimbawa, ang sex ay hindi maituturing na eskandalo agad. Ang pagkakarat ng magkasintahan, mag-asawa, o magkaibigan ay nagkakaroon ng kulay ng eskandalo kung ilalantad palabas ng silid ng pribadong tahanan, at ipalalaganap sa madla upang hiyain, kalibugan, dumugin, at pagpistahan ng sambayanan ang grapiko kundi man akrobatikong pagtatalik.

Tumutukoy ang ikaapat na pakahulugan ng eskandalo sa “tsismis o pagpapakalat ng usap-usapan na nagpapatingkad ng mga totoo o maling detalyeng pawang nakasisira sa dangal ng isang tao.” Mahihinuha sa ganitong pakahulugan na malaki ang pananagutan ng mga tagapagpakalat ng tsismis o maling balita, dahil ang gayong pananalita’y umiiwa sa pagkatao na pinatutungkulan. Ang isang maliit na bagay ay napalalaki ng tsismis, at kahit ang totoong bagay ay napalalabis upang maging katawa-tawa o kahiya-hiya ang lagay ng isang tao.

Ang ikalimang pakahulugan ng eskandalo ay maaaring tumukoy sa “poot, kahihiyan, pagkalito, at pag-aalinlangan na pawang hatid ng lantarang paglabag sa moralidad, kabutihang-asal, o kuro-kuro ng relihiyoso.” Mahihinuha sa pakahulugang ito na nagkakaroon ng ikatlong dimensiyon ang eskandalo, na hindi na lamang sangkot ang tao at ang asal nito kundi ang “maaaring maidulot ng pangyayari” sa mga tao, kapisanan, lipi, at propesyon. Halimbawa, ang pag-inom ng alak ay hindi maituturing na eskandalo, maliban na lamang kung matapos kang uminom ay magwala ka sa bar, manapak ng di-kakilala, o mantsansing sa sinumang babaeng mapadaan para pag-usapan ng buong bayan. Sa ganitong lagay, ang propesyon o kapisanan ng tao na naghasik ng eskandalo ay nadadawit, lalo kung siya ay doktor, pulis, guro, at pari na pawang inaasahang may pamantayang moral bilang propesyonal. At yamang nadadawit ang kapisanan na kinabibilangan ng eskandalosong tao, ang kapisanang ito ay may karapatang patalsikin ang sinumang kasapi na lumabag sa itinakdang panuntunan para sa buong kasapian.

May kaugnayan sa hukuman ang ikaanim na pakahulugan ng eskandalo. Ito ay ang “pagsasabi ng walang kaugnayang bagay sa paglilitis o pagdinig at humahangga sa paninirang puri.” Halimbawa, may publikong pagdinig sa hukuman, at nagkataong ang isang tao na hiningan ng paliwanag ay nagsabi ng kung ano-anong kabulaanan para siraan ang isang babae, samantalang ipinagtatanggol ang sarili. Ito ang eskandalo, at dapat patawan ng karampatang parusa upang maibalik ang dignidad ng siniraang tao.

Ang mga pakahulugang binanggit dito na hinango sa diksiyonaryo sa Ingles ay malaki ang kaugnayan sa relihiyon, ngunit lumawak nang lumawak ang mga pahiwatig, at ngayon ang “eskandalo” ay halos itumbas sa “kahihiyan,” “kabastusan,” “pagtatalik,” at “kalibugan.” Ang larawan ng “balakid sa daan” ang matalinghagang panumbas sa kabiguan ng isang tao na makamit ang marahil ay pinakamabuti sa kaniyang panig. Ang eskandalo ay nagiging “patibong” na iniuumang sa isang tao upang mabihag siya ng matalinghagang kasalanan na nasa katauhan ng demonyo. Ang kakatwa’y sa panahong ito, ang demonyo ay maaaring walang sungay at napapakisig o napaaamo ng kosmetiko at propaganda, at ang eskandalo ay nagiging masaganang piging na tila dapat pagsaluhan ng madla.

Sa Filipinas, ang eskandalo ay kaugnay ng puri o dangal. Ang puri o dangal ay higit sa pagkabirhen sa sex, o sa kulay ng balát, o sa propesyon, at may kaugnayan sa kataasan ng kalooban. Ito ang idinidikdik ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang puri ay umuugnay sa kalooban ng tao, sa pagpapahalaga at paggalang sa kaniya, at kung minsan ay ikinakabit sa pinakamatimyas o pinakadakilang katangiang pinapangarap na makamit ng karaniwang tao upang mapanatili ang ginhawa. Ang puri ay nakasalalay sa pananaw at pagpapahalaga ng malalapit na tao kompara sa “ibang tao.” Nasisira ang puri o dangal dahil sa matatabil na dila na nagpapakalat ng paratang, bintang, o anumang kaugnay na bagay na maaaring nilululon nang buong-buo ng madla. At kapag nawalan ng puri ang tao, wala na rin siyang mukha na maihaharap sa publiko. Ang “mukha” na ito ay hindi lamang panlabas na anyo, bagkus ang buong tiwala sa katauhang ipinamamalas sa pakikipagkapuwa.

Nagiging makapangyarihan ang eskandalo alinsunod sa pagsagap ng madla sa anumang tsismis, balita, at propaganda, lalo’t susuhayan ng video o retrato. Nagiging makapangyarihan ang eskandalo dahil sa mga promotor at tagapagpalaganap ng mga pangyayari at pagpapakahulugang ipinalulunok sa madla nang maitanghal ang “katanggap-tanggap” o “kasuklam-suklam.” At nagiging makapangyarihan ang eskandalo dahil sa pagpapakitid sa pananaw o kaalaman na siyang ibig lamang iparating sa lahat para pumabor sa isang panig. Ang “puri” o “dangal” ng tao na idinawit sa eskandalo ay mahihinuhang laging nasa bingit ng pagtanggap ng lipunan, dahil ang lipunang ito ay nagtatakda ng kaayusan para mapanatili ang kapanatagan, katarungan, at kabutihan ng mga mamamayan. Kapag ang konsepto ng “puri” o “dangal” ay mananatiling sinauna at bansot—na laging ang kaligtasan ay nasa katanggap-tanggap na pakikipagtalik, kung hindi man sa lamad sa pagitan ng mga hita— alinsunod sa itinatakda ng relihiyon o pananalig, ang eskandalo ay maaasahang laging mananaig.

Filipino: Paraan ng Pagtanaw at Pananaw

Ang salitang “Filipino” ay malimit nasa bingit ng tunggalian, mulang pagpapakahulugan hanggang pagsasabuhay. Tumutukoy ang “Filipino” rito bilang kapuwa tao at wika, at sa lahat ng kaugnay na katangian nito. Ipaliliwanag ng gaya ni Renato Constantino na ang “Filipino”  ay isang elitistang konseptong hitik sa pagpapakahulugang mapag-aglahi. Ito ang dating tawag sa mga Espanyol na ipinanganak sa Filipinas, samantalang ang mga katutubo ay tinaguriang “Indio.” Ang mga Filipino ay walang kapantay na karapatan gaya ng Espanyol na nasa Espanya. Nang lumaon, ani Constantino, ang Filipino ay sumaklaw na rin sa mga ilustrado na ibig pumailalim sa Madre Espanya, at naging pambansang konseptong tumutukoy sa lahat ng mamamayang naninirahan sa Filipinas.

Tanging sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang tatanggi sa gayong taguri, at ipaliliwanag nang malalim ng istoryador at teorikong gaya ni Zeus Salazar. Hindi nila tatawagin ang sarili na “Filipino” bagkus “Tagalog,” at ang inang bayan nila ay “Katagalugan” imbes na “Filipinas.” Mahalaga ang pagkilala nina Bonifacio at Jacinto sa kanilang kabansaan at pagkamamamayan, dahil ang “Tagalog” at “Katagalugan” noon ay hindi lamang sumasaklaw sa rehiyon ng Tagalog, bagkus sa buong bansa, alinsunod na rin sa pakahulugan ng Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Gayunman, hindi magwawagi sina Bonifacio at Jacinto bagaman ang Tagalog ay mananatili sa larangan ng internet, lalo sa WordPress.

Masasabing ang taguring “Filipino” ay lunan ng tunggalian magpahangga ngayon. Patunay ang mga mapag-aglahing palabas mula sa Europa, Estados Unidos, at Asya kung paano sinisipat ng dayuhan ang mga Filipino, at ang pinakabago ay ang palabas ng BBC Corporation. Bukod pa rito ang komodipikasyon ng salitang “Filipino,” halimbawa na ang maitim na tsokolate na gawa sa Espanya, Portugal, at Netherlands; sa promosyon ng boksing ni Manny Pacquiao at sa iba pang isports na gaya ng basketbol at bilyar; at sa pagtatanghal ng mga artista ng GMA 7 at ABS-CBN sa Amerika at iba pang panig ng daigdig. Ang komodipikasyon ng Filipino ay makikita sa pagtatampok ng timpalak pangkagandahan ng babae, o kaya’y sa taguri sa mga babaeng nagbibili ng aliw sa mga dayuhan, kung hindi man inilalako na mail order bride. Mababanggit din ang pagpapakahulugan sa Filipino, gaya sa diksiyonaryong Larousse Gran Diccionario Español-Ingles (1984) ni Ramon Garcia-Pelayo y Gross, na ang lahok sa “Filipino” ay may pabalbal na pakahulugang katumbas ng “hangal,” “busabos,” at “palaboy,” at sa iba pang diksiyonaryong ipinanunumbas ang Filipina bilang katulong. Ang sukdulang panlilibak sa Filipino ay matatagpuan sa ipinapakalat na katatawanan ukol sa katulong, kaya ang “katulong” o “alipin” ay pailalim na naitutumbas sa “pagkamamamayan” o “kabansaan” kahit sablay ang gayong lohika.

Sa naturang pangyayari, ang “Filipino” ay hindi neutral o kaya’y walang tinag na salita. Ang “Filipino” ay lumalampas sa heograpiya ng Filipinas, at hinuhubog ng mga tao. Ang “Filipino” ay hindi kathang-isip lamang na konsepto bagkus may katumbas na realidad. Ang relasyon ng “Filipino” sa daigdig o ipagpalagay nang mayayamang bansa, gaya ng Amerika, Australia, at United Kingdom, ay kaugnay ng paglalaro ng kapangyarihan. Ang “Filipino” ay gagamiting pang-uri sa diksiyonaryo, ngunit kakabitan ng “cook” (kusinero) imbes na “chef.” Gagamitin ang “Filipino” bilang pakahulugan sa pinakamagandang puta sa balat ng lupa, at panumbas sa pinakamasipag na migranteng manggagawa na maibabangga sa mga manggagawa ng ibang lahi. Ilalantad ang Filipino sa mga pahayagan na “bandido,” “hampaslupa,” “kaliwete,” “katulong,” “magnanakaw,” “pirata,” “puta,””sugarol,”  o kung ano-ano pang makukulay na taguri alinsunod sa pagkakakilala at prehuwisyo ng bansang tumatanggap sa mga nandarayuhang Filipino.

Kaya hindi natin dapat ipagpalagay na ang “Filipino” ay balangkas lamang ng mga mito o kathang-isip. Ang “Filipino” habang lumalaon ay nagiging lawas ng teorya at praktika,  at ang naturang pananaw at pagsasabuhay ay nahuhubog nang malaki ng mga dayuhan at maykapangyarihan. Marapat tingnan ang “Filipino” bilang isang uri ng kapangyarihan, ngunit ang kapangyarihang ito ay nakapaloob sa gahum (i.e., hegemoniya) ng mayayamang bansa, kaya madaling malusaw kung hindi man pumisan sa dapat sandigan. Masalimuot ang bakbakan ng mga kapangyarihan—sa cyberspace man o sa merkado o sa sandaigdigan—kaya hindi dapat ipagtaka kung napakabagal pumiyok ng Filipinas tuwing nahaharap sa pakikipagtalo sa higit na makapangyarihang bansa o lawas ng mga dominanteng institusyon.

Ang “Filipino” ay hindi basta isang malamig na paksang mahuhugot sa akademya o kung saang pook. Ito ay isang pumipintig na kamalayan, isang kalipunan ng interes, isang pagpapakahulugan ng lunggating nilalapirot ng mas makapangyarihang puwersa. Ang “Filipino” ay hindi estatiko dahil araw-araw itong nililitis sa banggaan ng mga kultura at politika at midya. Makabubuti na mabatid kung paano natin inilalantad, kinakatawan, at ipinapakahulugan ang konsepto ng Filipino. Sa gayong paraan, maiiwasan natin ang mga de-kahong pananaw na patuloy na dumudungis at nagpapabansot sa ating pagkatao at kabansaan.

Napapanahon na para sipatin ang Filipino sa pananaw, wika, at diskurso ng mga Filipino at hindi ng kung sino-sinong dayo. At maaaring simulan ito kahit sa munting blog, na gaya nito.