Paglingon sa “Ang Sawá” ni José Corazón de Jesús

Paglingon sa “Ang Sawá” ni José Corazón de Jesús

Roberto T. Añonuevo

Sa unang malas ay maituturing na ehersisyo ng paglingon sa tradisyon ng awit at korido ang mahabang tulang pinamagatang “Ang Sawá” (1920) ni José Corazón de Jesús, ang dakilang makatang Tagalog na humuli sa guniguni ng taumbayan nang higit pa marahil kay Balagtas. Ngunit ang nasabing tula ay hindi simpleng bunga ng romantikong pagtanaw sa daigdig ng prinsesa at prinsipe, tulad sa telenobela. Ang tula ay maibibilang na halimbawa ng kontra-kuwentong ada o anti-fairy tale (na katumbas ng Antimärchen na unang ipinakilala ni Andrè Jolles), at lumilihis sa nakagawiang kabalyerong romanse sa Ewropa, at lumalampas sa pantastikong pakikipagsapalaran o makarelihiyosong damdaming hatid ng kolonisasyong Español, bukod sa bumabalì sa kumbensiyong itinadhana ng tradisyonal na awit at korido sa Filipinas.

May anim na yugto o awit ang tulang “Ang Sawá” na ang pagkakahati ng mga taludtod ay nagtatangkang lumundag sa wawaluhing pantig ng korido at lalabindalawahing pantig ng awit. Sabihin mang ang putol ng mga salita ay waring pagkukubli lámang sa tradisyonal na tugma at sukat ng panulaang Tagalog, ang nasabing taktika ay mahihinuhang iniaayon sa allegro tempo o mabilis ang kumpas, kung pagbabatayan ang putol ng mga taludtod na naglalaro sa apat at walo, at pagkaraan ay lumilipat sa andante tempo tuwing nasisingitan ng labindalawa at labing-anim na bilang ng pantig ang mga taludtod para basagin ang pagiging monotono ng indayog ng mga tunog. Pumapabor ang nasabing taktika sa piyanista o mang-aawit o mambibigkas, sapagkat ang buong tula ay hindi nakapadron sa Balagtasan na pagsapit pa lamang ng taon 1924 magsisimulang sumikad.

Ipinakilala sa unang yugto ang pangunahing tauhan na si Tarhata. Si Tarhata ay prinsesang anak ni Sultan Ormalik, at nagtataglay na pambihirang rikit, layaw, at ringal, bukod sa masigla at masayahin. Ngunit dadapuan ng malubhang sakit ang dalaga isang araw, at ang kaharian ay malulumbay sa sinapit na kapalaran ng prinsesa. Sa ikalawang yugto, mababalisa ang Sultan at magpapahanap ito ng mga dakilang manggagamot at pantas ngunit mabibigo pa ring magamot ang prinsesa. Magbabago ang kalooban ng Sultan, na ang kabagsikan ay mahahalinhan ng karupukang hatid ng kalungkutan. Nang sumuko na ang lahat, nagmungkahi sa hari ang isang alila ni Tarhata mula sa liping Ita na ang tanging makagagamot sa maysakit ay ang pag-inom ng dugo ng sawang bitin. Sa ikatlong yugto, si Tarhata ay gagaling sa sakit, at muling magliliwaliw sa gubat na sakop ng kaharian. Mapupulot niya roon ang isang munting sawá, na kaniyang kagigiliwan at aalagaan doon sa palasyo. Ituturing ng prinsesa na gaya ng tao ang sawá, at magiging maamò ito na parang may pagliyag din sa prinsesa.

Ang gusot sa salaysay ay magsisimula sa ikaapat na yugto. Mababalitaan ni Tarhata si Prinsipe Madagaskar, na isang Moro mulang Kanluran at tanyag sa pagiging matapang na kabalyero at nagwagi pa sa torneo ng Damasko. Papangarapin ng dilag ang binata, at unti-unting mababaling ang pansin ng prinsesa mula sa sawa tungo sa nasabing lalaki. Sa ikalimang yugto, magkakatotoo ang iniisip ni Tarhata at darating sa palasyo si Prinsipe Madagaskar upang manligaw at hingin ang kaniyang kamay. Sa ikaanim na yugto, maghahatid ng dote ang prinsipe para sa prinsesa, at magdiriwang ang buong kaharian dahil sa napipintong pagpapakasal nina Tarhata at Madagaskar. Ngunit bago ang oras ng kasal, naisipan ng prinsesa na dalawin ang kaniyang alagang sawá upang magpaalam. Matapos hagkan ang alaga, at anyong tatalilis na ang dalaga, biglang nilingkis ng sawá ang prinsesa hanggang sa ito’y mamatay.

Ang trahikong wakas ni Tarhata ay katumbalik ng motif sa mga namamayaning awit at korido, na ang babae ay magwawagi sa kabila ng mga pambihirang pagsubok, gaya sa Constance Saga, alinsunod sa pag-aaral ni Alfred Bradley Gough. Sa Filipinas, ayon na rin sa saliksik ni Damiana L. Eugenio, maihahalimbawa ang koridong Buhay ng Kawawa at Mapalad na Prinsesa Florentina sa Kahariang Alemanya, na ang hari ay pagnanasahang pakasalan kung hindi man lurayin ang kaniyang anak na babae, na magiging resulta upang tumakas ang dilag tungo sa kung saan-saang pook, at tutulungan ng mga milagrong sobrenatural mula sa Kristiyanong pananalig, makatatagpo ng angkop na binata, at sa wakas ay magbabalik sa kaharian upang tamuhin ang pagpapalà at kasaganaan dahil sa pagiging matuwid.

Sa tula ni De Jesus, ang hari ay hindi kinakailangang pagnasahan ang dalaga niyang anak, na taliwas sa Constance Saga, at sa halip ay ipinamalas pa ang kaniyang pusong mamon pagsapit sa pagkalinga sa anak. Ang kamalayan ng prinsesa at ng hari ay magkakaroon ng transpormasyon dahil sa pagkakasakit at pagkaraan ay paggaling ng dalaga, at hanggang sa pag-aalaga ng sawá. Ngunit ang kanilang kamalayan ay may kaugnay na limitasyon, gaya ng pagtanaw ng naghaharing uri sa hayop na mahuhuli nito. Para sa prinsesa, ang sawá ay isang laruan o kaya’y kaibigan gaya ng tao; ngunit sa punto de bista ng sawa, ang pagkakakulong nito sa palasyo ay isang pagsalungat sa kalikasan nito bilang hayop at nilalang na dapat ay nasa gubat para panatilihin ang siklo ng búhay. Sa ganitong pangyayari, sinasagkaan ng prinsesa ang kalikasan, at kahit ano pa ang uri ng kaniyang pag-aalaga sa sawá, iyon ay maituturing na taliwas sa itinadhana ng kosmikong kamalayan.

Ang isa pang elemento ng pagiging kontra-kuwentong ada ng tula ni De Jesús ay ang pagkasangkapan sa katutubong talino ng Ita. Sa koridong Ibong Adarna, halimbawa, ang labindalawang Negrito ay pinaglaruan ng hari. Ang ganitong rasista at kontra-katutubong pagtanaw, gaano man kaikli ang banggit sa nasabing korido, ay dapat tinutuligsa sapagkat lumalapastangan ito kahit sa iba pang pangkat etniko na matatagpuan dito sa Filipinas. Kung babalikan ang tula ni De Jesús, binaligtad ang pangyayari sapagkat walang nagawang lunas ang mga dakilang manggagamot at pantas ng palasyo hinggil sa sakit ng prinsesa. At isang alila pa ang magsisiwalat ng katangahan ng naturang pangkat. Sa ganitong pangyayari, iniaangat ni De Jesús ang estado ng Ita mulang alila tungong tagapagligtas, samantalang pailalim na nililibak ang estado ng mga tanyag na manggagamot at pantas.

Walang silbi sa tula ni De Jesús ang makisig at maharlikang kabalyero na gaya ni Prinsipe Madagaskar, na kahit nagwagi sa torneo o digmaan sa ibang bayan ay binigo naman ng isang sawa. Bukod pa rito, ang representasyon sa sawá ay hindi mistikal, bagkus natural, at ang sawáng lumingkis kay Tarhata ay mahahalatang nakasagap ng negatibong enerhiya mula sa dalaga nang ito’y papaalis na upang magpakasal. Sa pananaw ng mga yogi sa India, gaya halimbawa ni Sadhguru, ang mga ahas o sawá ay hindi basta nanunuklaw o nanlilingkis; ang mga ito ay umaayon sa enerhiya ng lumalapit o humahawak dito. Ang pagpapaalam ni Tarhata sa sawá ay maituturing na isang bantâ sa kaligtasan ng sawá alinsunod sa instinct nito; at marahil, kung hindi nagpamalas ng gayong damdamin (na may taglay na negatibong enerhiya) ang dilag ay maaaring hindi siya nilingkis ng sawá. Isa pang nakadagdag dito ay matagal nang nabaling ang pansin ng dalaga tungo sa binata imbes na makipaglaro sa sawá, na marahil ay magpapabago rin ng pagsagap ng sawá sa dalaga.

Ngunit ang pinakamagandang hulagway [imahen] sa tula ay ang mismong sawá. Sa pormalistikong pagtanaw, ang hulagway ay magsisimula sa mapaglarong hugis at haba ng mga taludtod, at sa indayog ng mga salitang waring gumagapang; at sa kalkuladong paglinang sa katauhan ni Tarhata, at sa makulay na paglalarawan sa hari o prinsipe. Lalawak pa ito kung isasaalang-alang ang sinematograpikong pagdulog sa mga tauhan o lunan o panahon, gaya sa videopoema, at kung paanong naisisilid ang panahon sa kakatwang espasyo at aksiyon sa anggulo ni Tarhata. Ang ganitong dinamikong paglalahad ay taliwas sa monotonong pagdulog sa tradisyonal na awit at korido sa Filipinas na pawang nakatuon sa paglinang sa masalimuot na banghay.

Sa arketipong pagtanaw, ang pagbubuwis ng dugo ng isang sawa ay magpapanumbalik ng lakas at sigla ng dalaga; ngunit isang sawa rin ang sa huli’y babawì, at lilingkis at pipiga sa dugo hanggang sa mamatay ang nasabing dilag. Naghuhunos ng balát ang sawá upang isilang muli, gaya ng bagong kamalayan, at ito ang matatagpuan sa iba’t ibang mito sa daigdig, at maihahalimbawa ang kuwento ni Demeter at ng anak niyang si Persephone. Si Tarhata na nakainom ng dugo ng sawá ay magkakaroon wari ng kapangyarihang makapangarap o makapanghulà sa hinaharap, gaya sa katangian ni Apollo, na matapos paslangin ang Delpikong Sawá ay nagkaroon ng kapangyarihang makapanghula. Sa tula ni De Jesús, ang sawá ay hindi tulad ng mga serpiyenteng niyayapakan ng mga santo, bagkus inaaruga upang ang maging estetikang silbi ay umayon sa layaw ng bumihag sa kaniya. Gayunman, maituturing na bipolar ang katangian ng sawá na puwedeng maging tulay ng búhay at kamatayan, gaya sa kasal, na masisilayan sa paniniwala ng mga pangkat etniko sa Kordilyera.

Samantala, sa Marxistang pagtanaw, ang alyenasyon ng sawa at ni Tarhata sa kani-kaniyang kalagayan ay hatid ng uring pinagmumulan nila, at kung paano umiikot ang kanilang kapalaran ay batay lámang sa mga mayhawak ng kapangyarihan sa palasyo at ng yamang taglay ng hari na makapagpapatakbo ng lipunan. Marupok bilang babae si Tarhata kung itatambis sa Constance Saga, na ang babae’y pambihirang nakaliligtas sa kapahamakan dahil sa tulong ng sobrenatural na kapangyarihan at makisig na kabalyero, ngunit ginagampanan lámang ni Tarhata ang realidad ng dalagang nagmula sa naghaharing uri. Ang dalagang prinsesang nakatakdang ikasal ay maglalaho ang katauhan bilang prinsesa at dalaga sa sandaling lingkisin, lamugin, at lunukin ng sawa. Ang sawá ang ultimong pagsasanib ng dalawang identidad, at magreresulta ng pagkalusaw ng dating identidad na naghaharing uri. Ang pagpatay ng sawá sa prinsesa ay masisipat na muling pag-angkin ng sawá sa estado nitong binihag sa mapagkandiling pananakop, at lumalampas sa panuntunan ng moralidad o ideolohiya. Hindi mahalaga kung ano ang magiging wakas ng sawá. Ang higit na mahalaga ay ang tagumpay nitong natamo sa paglaya sa hawla, at ang pagwiwika nito ng pamamaalam alinsunod sa sariling pananaw nito na taliwas sa pananaw ni Tarhata.

Ang napipintong paglamon ng sawá sa babae ay hindi simpleng prosesong biyolohiko, o pahiwatig ng pagsanib ng demonyo sa magandang katauhan ng babae, gaya sa representasyon ni Michaelangelo sa kaniyang pintura sa bobeda ng simbahan, o kaya’y sinaunang simbolo ng pagkalagot ng inmortalidad, gaya sa epikong Gilgamesh, bagkus maituturing na mapaghimagsik sa panig ng sawá na ang silbi sa kalikasan ay nasa pagiging ganap na sawá (at hindi bilang tao o diyos o sobrenatural na katauhan) para mapanatili ang balanse sa ekosistema ng daigdig.

Isang panukalang pagbasa ito sa tulang “Ang Sawá,” at marahil ay bunga lámang ng aking pagkayamot sa nakasasawàng pagkakahon at paulit-ulit na pagpatay kay José Corazón de Jesús—sa pamamagitan ng pagsipi sa makukulay na taguri at palamuti.

black and white girl hair white photography cute mystical female mystic portrait model young darkness black monochrome close up fairy tale dress gloomy fantasy princess dreamy fairy gorgeous emotion fairytale stunning young girl cute girl monochrome photography fantasy girl atmospheric phenomenon

Advertisements

Apokripa ng Ibong Adarna, ni Roberto T. Añonuevo

Apokripa ng Ibong Adarna

Roberto T. Añonuevo

Ang pagbihag ba sa Ibong Adarna ay “kawangki ng anumang dakilang saloobin sa pagsulat, lalo na yaong may layuning maging makabuluhan sa lipunan at panahon”? Oo ang sagot kung paniniwalaan ang Peregrinasyon at iba pang Tula (1970), o ang Balagtasismo vs. Modernismo (1984; 2016) ng butihing Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, at uuriin ang Ibong Adarna sa isang limitadong bahagi ng salaysay nito. Ngunit dapat ding itanong kung ang “pagbihag” ba ay kaugnay ng pagpapaamò, na sa kalauna’y magiging katumbas ng pagkakabilanggo ng ilahás na ibon para sa pansariling kapakinabangan ng manunulat na kailangang gamutin ang malubhang sakit ng pagkatigang ng imahinasyon. Makalipas mabihag ang ibon ay ano ang kasunod? Hindi ba magkakaroon ng suliranin o balakid kung ang Ibong Adarna ay sisipatin sa kabuoang katangian nito, at kakasangkapanin sa pagbubuo ng mito para sa mga Filipino, lalo sa mga makatang Filipino o manunulat?

Taglay ng Ibong Adarna ang mahiwagang gamot sa malulubhang sakit na dadapò sa tao, ayon sa alamat, maging siya man ay hari o pulubi.  At ang lunas na ito ay magmumula sa isang awit na makapagpapaginhawa sa katawan, kaisipan, at kamalayan ng tao. Ang awit ay masisipat na tumatawid sa dalawang dimensiyon: una, ang pisikal; at ikalawa, ang metapisikal. Mapahahalagahan ang nakagagaling na awit kung ito ay naririnig ng marami, imbes ng isa o dalawang tao lámang, at kung gayon ang pagpapagaling ng sakít ay masisipat na hindi lámang para sa isang maysakit, bagkus kahit sa lahat ng matatalik na tao na nakapaligid sa kaniya, kung tatanawin ang awit bilang sining. Ang awit ay hindi itinatago, bagkus itinatanghal, at sa Ibong Adarna, ang pag-awit ay pagsasadula ng kombinasyon ng búhay at kamatayan. Ang kaganapan ng Ibong Adarna ay nasa pag-awit na makapagpapagaling ng sakít; at sa oras na magawa ito ng ibong engkantada ay iipot ito’t unti-unting aantukin na maglalantad ng kaniyang likás na karupukan, at ng puwang para mabihag ng ginintuang sintas. Ang ipot ay maituturing na negatibong aspekto ng ibon dahil nakapagpapabato sa sinumang tao, na kabilang panig ng nakapagpapagaling dahil sa awit ng ibon. Ngunit sa isang banda, ang ipot ay maaaring tanawin na hindi sandata ng ibon, bagkus sadyang likas na proseso ng pagpupurga sa sarili at pagtatanggal ng lason na makamamatay sa nasabing ibon. Hindi sasadyain ng Ibong Adarna na gawing bato ang sinumang mapangahas na tao; magaganap lámang ang pagiging bato ng tao kung lulugar siya doon sa pinaghuhulugan ng ipot. Ang ipot ay katumbas ng pagkabato, o kamatayan sa punto de bista ng mga prinsipe, at malulunasan lámang kung makasasalok ng mahiwagang tubig sa bukál na malapit sa punongkahoy at ibubuhos sa tao-na-naging-bato. Ang matang-tubig ang resureksiyon ng mga sinampalad na gaya nina Don Pedro at Don Diego, at ang lihim na ito ay magmumula sa isang maalam na ermitanyo na may memorya hinggil sa engkantadang ibon.

Hindi wakas, kung gayon, ang pagiging bato matapos maiputan ng Ibong Adarna. Kailangan lámang tuklasin ang lunas na matatagpuan sa lihim na matang-tubig upang sumilang ang bagong kamalayan.

Suplada ang Ibong Adarna, at hindi basta mapaaawit, at may tumpak na ritwal ito bago umawit. Aawit ito pagkadapo sa isang paboritong sanga (na hindi maaaring dapuan ng ibang ibon) ng Piedras Platas, sa kailaliman ng gabi, at tahimik ang paligid. Maganda nga ito ngunit ilahás: may pitong kulay ang balahibo, gaya ng Harpactes ardens; at nakahuhuni ng maalamat na pitong awit na parang pitong tinig sa isang orkesta, at ang malupit, ito ang nakapagpapahimbing sa sinumang makaririnig. Sabihing hipnotiko ang tinig ng Adarna, at ang pagiging hipnotiko nito ang magpapabato sa sinumang magtangkang bumihag sa kaniya. Hindi lamang ito ang katangian ng Adarna. Marunong ang nasabing ibon kung paano magsalita gaya ng tao, at nagtataglay ng memorya sa lahat ng kaniyang masasasaksihan, gaya ng parang sirang plakang pagsasalaysay sa masaklap na sinapit ni Don Juan sa kamay ng kaniyang mga kapatid at magbubunyag ng katotohanang lingid sa kaalaman ng hari.

Kailangan ang paglalakbay sa Pitong Bundok, ang pagharap sa leproso o ermitanyo bilang bagong kamalayan, ang pagsapit sa Bundok Tabor, at ang paghahanap sa Piedras Platas, bago matagpuan ang nasabing ibon. May mga pagsubok na dapat harapin, at ang pagsubok na ito ay may kaugnayan sa pagkilala sa angking pagkatao, at hindi lamang nahahanggahan ng isip. Ang identidad ay sinusuhayan ng isip, at sa gaya ni Don Juan, siya ay hindi lámang isang prinsipe bagkus isang anak, kapatid, at tagapagligtas sa amang nararatay sa karamdaman at sa mga kapatid na naging bato matapos maiputan ng engkantadang ibon. Samantala, ang panig nina Don Pedro at Don Diego ay salungat sa identidad ni Don Juan, at ang identidad na ito ay may kaugnayan sa pag-angkin sa kahariang mamanahin mula sa kanilang ama. Dahil matibay ang paniniwala ng magkapatid sa kani-kaniyang suwail na identidad, pangangatawanan nila ang pagiging kontrabida para maghari sa Berbania. Ibig sabihin, ang identidad na nais ng magkapatid na Don Pedro at Don Diego ay kaugnay ng pampolitikang kapangyarihan, at gagawin nila ang lahat kahit ang katumbas ay pagtataksil, panlilinlang, at pagpatay sa kapatid—para sa mithing manaig.

Ang Ibong Adarna, kung gayon, ay masisipat na ultimong solusyon sa mga sakit na hindi káyang arukin ng isip at lumalampas sa lohika ng pisikal na pandama. Ang engkantadang ibon ay hindi simpleng maitutumbas sa gunita o isipan o kaakuhan, gaya sa isang makata o manunulat, bagkus sa kabuoan o sabihin nang kosmikong identidad at kamalayan ng engkantada bilang kapilas na búhay ng tao, na gaya ni Don Juan, na nagsisimulang tumuklas din ng sariling kamalayan bilang tao na kaugnay ng malawak na kaligiran. Ito ang dahilan kung bakit itataya ng magkakapatid na prinsipe ang búhay mabihag lámang ang engkantadang ibon, at dalhin sa harap ng amang hari nang masagip siya sa bingit ng kamatayan, at nang sumilay ang bagong kamalayan.

Sinematograpiko ang taktika ng paggamit sa pagbihag sa Ibong Adarna, gaya sa pelikula nina Dolphy at Lotis Key, kung iuugnay ito sa “dakilang saloobin sa pagsulat” at sa mithing maging relevant o “makabuluhan” sa kasalukuyan at lipunan. Ngunit ang pagbihag sa nasabing ibon ay isang aspekto lámang o munting butil sa mahabang proseso ng pagtatamo ng mithi ng manunulat, at magiging adelantado kung tatanawin o ikakabit pa ang naturang aksiyon sa pagnanais na maging relevant o makabuluhan sa lipunan at panahong ginagalawan ng manunulat. Samantala, ang kaganapan ng manunulat ay nasa pagsusulat (at hindi sa pagkakabit ng etiketa), at upang masuhayan ang identidad na ito ay gagawa ng anumang paraan ang manunulat (gaya ng pagsasanla ng kaluluwa sa sinumang demonyo, kung hihiramin ang dila ni Johann Wolfgang von Goethe) upang patunayan ang kaniyang identidad na ibig ipamalas sa daigdig. Ang pagiging relevant o makabuluhan sa lipunan at panahong ginagalawan ay maaaring tanawin na resulta lámang ng pagtanggap ng nasabing lipunan matapos makaengkuwentro ang mga akdang nasulat ng naturang manunulat.

Sa oras na magampanan ng Ibong Adarna ang tungkulin nitong lunasan ang malubhang sakít ng isang hari (na tinatanaw na tagapagbigkis ng isang lipunan) ay ano ang kasunod? Wala. Ang engkantadang ibon bilang doktor o babaylan ay gumaganap sa papel ng higit sa itinadhana sa kaniya ng kalikasan; at kung may kamalayan ito ng gaya ng tao, ang posibilidad ng Adarna ay hindi dapat magwakas sa tadhana ng pagkakabihag sa mga kamay ng gaya ni Don Juan, o sa pagkakabilanggo sa kaharian ng Berbania, bagkus sa pagpapalaya rito mula sa anyo ng isang ibon para magampanan ang nasabing kakatwang tungkulin tungo sa kapakinabangan ng ibang tao na nangangailangan ng gayon ding uri ng paggamot. Ang pagbihag, at pagkakabilanggo, ng Ibong Adarna sa kahariang Berbania ay sakim, dominante, at makitid na pagtanaw sa estetikang silbi ng ibon—na ibig gawing alipin at imonopolyo ng piling maharlikang pamilya lámang.

Ang pagbihag sa Ibong Adarna ay isang mito kung paano sasagkaan ang natural na proseso ng búhay ng tao.  Bakit pipigilin ang pagdupok ng katawan at ang napipintong kamatayan kung iyan ang likás na daloy para matamo ang kamalayan? Ang naturang aksiyon ay mula sa pananaw na ang tao ay lamán at buto lámang, at walang kamalayan. Ang kamalayan na tinutukoy dito ay hindi maitutumbas na kasalungat ng pagtulog o coma, na nakaaasiwa kung sisipatin bilang talinghaga sa panig ng isang manunulat o makata. Ang maituturing na paghahanap ng inmortalidad ay hangad ni Haring Fernando, na kakatawanin ng kaniyang tatlong anak. Ang matandang Haring Fernando ay haring masasabing hindi gumanap ng kaniyang tungkuling ipása sa susunod sa henerasyon ang tamang pamamalakad ng kaharian, at kung gayon ay ehemplo ng kawalang-kamalayan. Hindi niya kilala ang pinakaubod na katauhan ng kaniyang mga anak; at kinakailangan pang magkasakit siya, umupa ng eksperto para sanayin sa paggamit ng espada ang tatlong prinsipe, at ipadala sa Bundok Tabor, para lámang mailigtas siya sa malubhang karamdaman. Maipapalagay na takót mamatay si Haring Fernando, gaya ng takót siyang ihabilin sa kaniyang mga anak ang kaniyang kahariang ipinundar sa pamamagitan ng espada at pananakop.

Ang Ibong Adarna, gaano man kaganda o kailap, ay masisipat na hindi simpleng talinghaga na binibihag para lunasan ang malubhang sakít ng pagkatigang ng imahinasyon at kawalang-pakialam ng isang manunulat o makata sa lipunang Filipino. Iba ang daigdig ng Ibong Adarna at ang daigdig ng walang-hanggahang-posibilidad at imahinasyon ng manunulat. Ang manunulat o makata, na nagkataon mang “Filipino,” ay nahahanggahan ng kaniyang memorya, at ang memoryang ito ang nagtataguyod sa dunong o talino ng isang tao sa isang tiyak na panahon at espasyo, gaya noong pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas. Ngunit ang talino o dunong ay hindi ang sukdulan ng lahat, bagkus bahagi ng pagtatamo ng malalim na kamalayan-sa-sarili, lalo sa panig ng manunulat o makata. Lumalampas sa ideolohiya ang nasabing kamalayan, at hindi nangangailangan ng aprobasyon o palakpak ng kapisanan ng mga alagad o partidong pampolitika. Ang pagbihag sa Ibong Adarna ay hindi rin para sa kapakanan ng bumibihag sa kaniya, na gaya ni Don Juan, para lumawak ang angking kamalayan, bagkus para sagipin ang isang matandang maysakit na hari. Sa ganitong pangyayari, ang proseso ng pagbihag, gaano man kasalimuot gaya sa naturang korido, ay hindi para sa manunulat, bagkus waring laan sa isang tao na marunong gamitin ang hulagway ng engkantadang ibon para magtamo ng isang kaharian na mamanahin mula sa hari. Na malayang pagbulayan ng sinumang manunulat, o makata, lalo kung ibig niyang maghari sa poder at manatiling burukrata magpakailanman.

Malayang isipin o gamitin magpahangga ngayon ninuman “ang sakripisyo sa lilim ng Piedras Platas bilang talinghaga sa naging kasaysayan ng makatang Filipino sa loob ng ika-20 siglo.” Ngunit kahit ang ganitong pahayag ay dapat tinitimbang nang maigi, bago maging bato ang lahat.

landscape sea coast water horizon silhouette bird glowing cloud sky sun sunrise sunset morning dawn seagull dusk boot evening orange red romantic clouds denmark mood abendstimmung mirroring afterglow evening sky back light weather mood red sky at morning sinks laesoe vester havn

Diyamante at ang kaso ng maling panghihiram

Napagpakuan ko minsan ng pansin ang isang teksbuk na pinamagatang Pluma: Wika at Panitikan para sa Mataas na Paaralan I (2004) nina Ailene G. Basa at Alma Dayag at inilathala ng Phoenix Publishing House, Inc. Marami akong napunang kahinaan ng teksbuk ngunit ang aking tatalakayin ngayon ay hinggil sa tulang “dyamante” na pinauuso ng nasabing teksbuk.

Ayon sa Pluma, ang “dyamante [sic, diyamante] ay isang uri ng tulang isinusulat sa hugis na dyamante. Ito ay binubuo ng limang linya kung saan ang pinakamahabang linya ay ang ikatlong linya. Sumusunod na mahaba ang ikalawa at ikaapat na linya at ang pinakamaikli sa lahat ay ang una at huling linya.” Itinuturo din ang limang hakbang sa pagsulat nito, at ibinigay pa na halimbawang tula ang sumusunod:

Negosyo
maunlad, progresibo
pinag-iisipan, pinagsisikapan, pinagpapaguran
para sa masaganang buhay
negosyo.

Sablay sa gramatika ang pakahulugan ng “dyamante.” Ngunit higit pa rito, ang ganitong uri ng akda ay hindi karapat-dapat na tawaging tula. Napakababaw nito, at ni walang talinghaga, at prosang-prosa ang hagod. Ngunit hindi lamang dapat mabahala ang mga magulang sa ganitong uri ng tulang itinuturo sa mataas na paaralan. Kailangan ding makialam ang awtoridad, gaya ng Departamento ng Edukasyon (DepEd), dahil sa mali-maling inilalahok sa teksbuk.

Ang ugat ng Diyamante
Walang maringal na ugat ang “diyamante” (diamante poetry) kung ihahambing sa ating tanaga, ambahan, laji, diyona, dalít, tigsik, talindaw, at iba pang anyo ng katutubong tula sa Filipinas. Ang tulang diyamante ay pinauso ni Iris Tiedt, at kaniyang inilahok sa A New Poetry Form: The Diamante (1969). Bilang guro, si Tiedt ay umimbento ng mumunting berso na magagamit sa elementarya at siyang kaugnay sa pagtuturo ng wikang Ingles.

Ang tinaguriang tulang “diyamante” ay binubuo ng pitong linya na hugis diyamante ang anyo. Pinaglalaruan ng nasabing berso ang pangngalan (noun), pang-uri (adjective), at pandiwang makangalan (gerund). Walang tugma at sukat ang nasabing tula, bagaman ang pormula ay masisipat sa ganito: isang salita sa unang linya; dalawang salita sa ikalawang linya; tatlong salita sa ikatlong linya; apat na salita sa ikapat na linya; tatlong salita sa ikalimang linya; dalawang salita sa ikaanim na linya; at isang salita sa ikapitong linya.

Ang totoo’y walang nabubuong pangungusap sa nasabing berso.

De-kahon ang diyamante sa pagpapamalas ng singkahalugan at kasalungat na kahulugan. Ang unang apat na linya ay nakatuon sa pangngalang binanggit sa unang linya, samantalang ang kasunod na tatlong linya ay nakasuhay sa pangngalan sa ikapitong linya.

Ang diyamante ay humuhugot umano ng impluwensiya sa Amerikanong cinquian (na tiglilimang linya bawat saknong at hugis diyamante, at matatawag sa ating “singkuhan”). Isa sa mga popular na uri nito ang pinauso ni Adelaide Crapsey. Ngunit kung igigiit naman ang tulang de-kuwit ni Jose Garcia Villa, maiisip ng iba na ginaya lamang ng Amerikano kay Villa ang taktika ng pagkukuwit. Kung babalikan ang ginagawa nina Baisa at Dayag, ang halimbawang diyamante nila ay cinquian, at pekeng diyamante, bagaman parehong gumagamit ng hugis-diyamanteng porma. Ang bersong diyamante ay masasabing supling lamang ng tinaguriang shaped verse, ang uri ng tulang inihuhubog sa anyo ng pinagtutularang imahen, gaya ng bituin o parisukat o ahas, at mauugat noong siglo 17 sa tradisyon ng panulaang Ingles, o kaya’y sa kung ilang libong taong nakalipas sa tradisyon ng panulaang Tsino. Sa Filipinas, matagal na itong ginawa ng gaya nina Jose Corazon de Jesus at Manuel Principe Bautista na susundan pagkaraan mulang Rio Alma hanggang Vim Nadera.

Manghiram ay di-biro
Hindi biro ang panghihiram na ginawa nina Baisa at Dayag. Una, mali ang pagpapaliwanag hinggil sa tulang diyamante. Ikalawa, ang ginawa nilang halimbawa ay mahihinuhang Amerikanong cinquain, ngunit kahit ang uri ng anyong ito ay dapat pagdudahan at mahahalatang ginagad lamang sa gaya ng haiku, tanka, tanaga, pantun, at iba pang maiikling tula.

Sina Baisa at Dayag ang halimbawa ng mga awtor ng teksbuk na mahilig manghiram at manggaya sa teksbuk ng Amerikano upang ipasok sa teksbuk sa Filipino. Ang nangyayari tuloy ay hindi lamang nila inaangkat ang kaisipang dayuhan, bagkus nagpapalaganap pa ng sensibilidad ng kolonyal kung hindi man bagong kolonisador. Inililipat lamang ng mga awtor sa Filipinas ang padron ng tula, ngunit nananatili roon ang kababawan ng pinaghiraman. Hindi isinaalang-alang ng mga awtor ang pambihira’t malalim na tradisyon ng panulaan sa Filipinas, na magagamit nilang bukal ng kaalamang-bayan, imbes na manghiram sa ibayong-dagat.

Maraming mapapansin sa tulang diyamante nina Baisa at Dayag at heto ang ilan sa mahahalagang punto:

  1. Hindi ipinaliwanag nang maigi sa teksbuk nila ang ugat o kasaysayan ng diyamante.
  2. Mahinang anyo ng berso ang diyamante, at walang kapasidad na makabuo ng mga dakilang diwain.
  3. Kinasangkapan lamang ang taguring “tula” sa diyamante, ngunit ang ubod niyon ay hindi upang turuang sumulat ng tula ang mga estudyante, bagkus magpakilala ng mga salitang pangngalan, pang-uri, at pandiwang makangalan. Ibig sabihin, nakakiling sa lingguwistika ang diyamante, imbes na sa panitikan.
  4. Hindi ipinaliwanag sa teksbuk kung bakit kailangang pag-aralan ang isang mababaw na uri ng bersong Amerikano at gamitin iyon sa Filipino nang hindi isinasaalang-alang na magkaiba ang polong pinagmumulan ng dalawang wika.
  5. De-kahon ang diyamante, at kahit ang pag-iisip sa pagsulat nito ay nakasalalay lamang sa paglalaro ng pangngalan, pang-uri, o pandiwa at walang pakialam kung barok man (o linsad sa gramatika) ang pagkakasulat ng berso.

Hindi naman sa salungat ako sa panghihiram ng anyo o padron ng tula sa ibang bansa. Maraming hiniram na anyo ng tula ang Filipinas, at kabilang dito ang korido at awit bago pa man sumikat si Francisco Balagtas, o kaya’y ang villanelle, soneto, rondel, haiku, tanka, ghazal, at iba pa noong siglo beynte. Ngunit ang mga anyong ito ay masinop na ginamit ng mga makatang Filipino, at nilapatan ng mga pambihirang eksperimentasyon upang lalong sumigla ang anyo ng hiniram at maangkin ng mga Filipino.

Sa aking palagay ay makatutulong pa nga ang panghihiram kung malay sa tradisyon ang nanghihiram na manunulat o makata. Ang panghihiram ay makapagpapasok ng pambihirang kabaguhan sa dati nang de-kahong pagtula, at hinahatak ang mga makata na lalong pag-igihin ang pagtula.

Ngunit bago tayo manghiram ay dapat alam natin ang hinihiram. At kung hihiram din lang tayo ay mabuting manghiram na ng pinakamaganda’t pinakamalalim na padrong makatutulong sa ating panulaan imbes na pipitsuging padrong gaya ng “diyamante.” Ang ginawa nina Baisa at Dayag ay kasalanang mortal dahil maaakusahan sila ng plahiyo (i.e., plagiarism) mula sa mga Amerikanong awtor—dahil aakalain ng ibang sila (Dayag at Baisa) ang nagpauso ng “tulang diyamante” sa Filipinas—at siyang mababasa rin sa internet, gaya sa mga sumusunod na websayt:

  1. http://teams.lacoe.edu/documentation/classrooms/amy/algebra/5-6/activities/poetry/diamante.html
  2. http://www.readwritethink.org/materials/diamante/
  3.  http://www.poemhunter.com/poem/diamante-poem-war/
  4. http://www.instruction.greenriver.edu/haulman/History200DE/SummerH200DL_W3diamante.htm
  5. http://teachers.emints.org/riosy/Poetry%20Time.html

Higit pa rito, nagiging kaawa-awa ang pagtanaw sa tula. Ang ginawang tulang diyamante sa Pluma ay kasumpa-sumpa, at kung gagayahin iyon ng mga estudyante ay maaaring isumpa rin nila balang araw ang pagsusulat ng tula dahil ginagago sila ng kanilang sangguniang aklat.

Pagharap sa hinaharap
Ang problema sa mga sumusulat ng teksbuk, gaya nina Baisa at Dayag, ay malimit silang nakatingin sa labas ng bansa. Maraming anyo ng tula sa Filipinas ang maaari nilang mailahok sa kanilang teksbuk. Ang kinakailangan lamang ay masinop na pagsasaliksik, at paghingi ng mga payo sa mga kritiko at makata mismo na pawang nakababatid ng malalim na ugat ng panulaang Filipinas.

Kailangan nating magtiwala sa ating sarili. Kailangang magtiwala ang mga awtor na gaya nina Baisa at Dayag sa panulaang Filipinas, at dapat hikayatin nila ang kanilang pabliser na maglaan ng sapat na pondo para sa pagsasaliksik at pagbubuo ng matitinong teksbuk. Hindi kinakailangang tipirin ang pagbubuo ng teksbuk sa panitikan. Ang pondo sa aklat ng panitikan ay dapat kapantay kung hindi man higit sa pondo na laan sa iba pang larang, gaya ng agham, matematika, at Ingles.

Nais ko ring susugan ang unang binanggit ng kritiko at edukador na si Isagani Cruz. Ang pagtuturo ng panitikan ay dapat ibukod sa pagtuturo ng wika. Nagkakaroon ng malaking problema sa pagtuturo ng Filipino, dahil hindi malaman ng guro kung ang ituturo nila ay hilaw na lingguwistika o kaya’y seryosong panitikan. Ang mungkahi ko’y dapat magtuon sa pagtuturo ng panitikang Filipino sa mataas na paaralan, at ibukod ang pagtuturo ng wika na siyang tungkulin naman ng mga lingguwista sa kursong lingguwistika.

Ang pagtuturo ng tulang diyamante ay dapat nang ibasura, at pilasin sa mga teksbuk sa Filipino. Dapat isaisip ng mga awtor na ginawa iyon para sa pagtuturo ng wikang Ingles sa mga Amerikano at hindi para sa wikang Filipino na laan sa mga estudyanteng Filipino. Iba rin ang tradisyon ng Amerikano ukol sa panulaan, at isang kalabisan kung manggagagad lamang ang Filipino sa mga katarantaduhang ginagawa ng mga Amerikano. Hindi dapat ipaloob sa Filipino ang diskurso ng Amerikano. Hayaan nating lumaya ang panitikang Filipino, at ituro ang panulaang Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino.

Krimen at kaligtasan sa koridong Prinsesa Florentina

May kaibahan ba ang awit at korido? Wala, ani Damiana L. Eugenio, maliban sa wawaluhing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang korido, samantalang lalabindalawahing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang awit. Nasabi ito ni Eugenio matapos niyang suyurin ang mga pag-aaral sa dalawang anyo ng tula, at alamin ang pinakaatay ng bawat isa. Magkahawig ang mga paksa ng awit at korido, at tatlong elementong nangingibabaw ang napansin ng kritiko: una, ang romantiko (o pag-ibig); ikalawa, ang relihiyoso at pangangaral; at ikatlo, ang kahima-himala at kagila-gilalas.

Ngunit nakaligtaan ni Eugenio na banggitin ang anyo ng dalít na isang katutubong tulang hawig na hawig sa anyo ng pananaludtod ng korido. Wawaluhin din ang sukat ng bawat taludtod nito at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Maaaring pinalitan lamang ng Espanyol ang pangalan ng tulang Tagalog noon, at ang nasabing pagpapalit ay ituturing ngayong panahon ng pag-angkin, kung hindi man pagbura sa tulang katutubo, upang panaigin ang dayuhang anyo. Ang ganitong obserbasyon ay mahuhugot sa ilang palagay ni Virgilio S. Almario. Hindi rin hinipo ni Eugenio ang kaugnayan ng korido sa dula, na mahihinuhang malaki ang impluwensiya sa pagbubuo ng banghay, at siyang itinatanghal sa korales (i.e., parisukat na bakurang bahayan) noong panahong midyibal sa Espanya.

Magandang ihalimbawa ang koridong Prinsesa Florentina na sinulat ng di-kilalang awtor at walang tiyak na petsa kung kailan ang unang pagkakalathala. Muling inilathala ito noong 1950 ng Aklatang Lunas, at pagkaraan ay inilahok ni Eugenio sa kaniyang antolohiya. Ang nasabing korido, na ang buong pamagat ay Buhay ng kawawa at mapalad na Prinsesa Florentina sa kahariang Alemanya, ay maaaring nakasagap ng alimuom sa tinaguriang Ginintuang Panahon ng Teatro sa Espanya (1492-1700), na ang isa sa mga pangunahing manunulat ay si Lope de Vega. Taliwas sa paniniwala ng iba, ang korido ay hindi lamang nakalaan para awitin nang mabilis na siyang napansin ni Gabriel Bernardo at pinalaganap ng mga awtor ng teksbuk sa hay-iskul at kolehiyo. Kung gagawing batayan ang banghay, ang korido ay masasabing angkop na isadula, at matatawag na “matulaing dula” o “madulaing tula” alinsunod sa ibig itampok na uri ng panitikan.

Malagim ang Prinsesa Florentina dahil tinatalakay nito ang usaping may kaugnayan sa insesto, kidnaping, pagpapatapon, gahasa, panlilinlang, himala, diskriminasyon, pagtataksil, pagpatay, gantimpala, kaharian, digmaan, at iba pang ikayayanig ng makaririnig o makababasa ng kuwento. Si Florentina ay pinagnasahan at ibig mapangasawa ng kaniyang ama. Ngunit dahil tutol ang dalaga’y pinutol niya ang kamay at iyon ang patuyang ibinigay sa kaniyang ama. Ipinatapon ng emperador si Florentina sa dagat, ngunit ililigtas siya ng anghel na sugo ni Birheng Maria, at ibabalik ang putol na kamay. Mapapadpad si Florentina sa isang pook, at aalagaan ng isang mangingisdang papapel na parang tunay na ama. Ngunit hindi magtatagal ay makikilala siya ni Don Pavio, na isang pribado ng hari, at marahas na itatanan palayo sa mangingisdang nilasing ng mga kasama niya.

Makikilala ni Haring Enrico si Florentina sa isang pagdiriwang sa palasyo, at mapapaibig, saka yayaing pakasalan ang dalaga. Walang makababali sa utos ng hari. Gayunman, gagawa ng mga paraan ang ina ni Enrico upang magkahiwalay ang mag-asawa. Nang magtungo sa ibang bayan si Enrico para makidigma sa hukbong Moro, kung ano-anong kabulaanan ang ginawa ng ina ni Enrico at binago ang sulat na ipinadadala ng hari kay Florentina. Nang lumaon, nanganak ang buntis na si Florentina, at kasama ang kaniyang sanggol, ay ipinatapon sa dagat sa utos ng balakyot na biyenan. Matutuklasan pagkaraan ni Enrico ang lahat, at parurusahan ng pagkakabilanggo ang sariling ina.

Makaliligtas sa ikalawang pagkakataon si Florentina, na kasama ang anak, dahil sa himala mula sa kalangitan. Hindi rin sila pinatay ni Don Pascacio na inutusan ng ina ni Enrico. Samantala, ipapasa ni Haring Enrico ang kaniyang trono kay Don Pascacio at hahanapin ang kaniyang asawa’t anak. Tutulungan ng isang Kastelyano si Florentina, hanggang magbinata ang kaniyang anak na si Federico. Ilang taon ang lilipas, maghahanap ng mapapangasawa si Enrico, at nang mabalitaan ni Florentina na ibang prinsesa ang pakakasalan nito, isinugo niya ang kaniyang anak na si Federico na magpakilala sa ama. Magugulat si Enrico at hahanapin ang asawa. Matutuklasan din na si Haring Fernando ang ama ni Florentina at humingi ito ng tawad sa anak.

Ganap na gagantipalaan ni Enrico si Don Pascasio at ipapasa rito ang korona. Sa kabilang dako’y magiging hari naman si Federico, ayon sa utos ng ama ni Florentina. Magwawakas ang korido sa pangangaral: “Pag masama ang pananim/ masama ang aanihin,/ kung mabuti ay gayundin/ aanihin ay magaling.”//

Ang Prinsesa Florentina ay hindi tandisang salin ng metriko romanse mulang Europa, bagkus maituturing na malikhaing halaw. Ang nasabing halaw ay hitik sa panghihimasok ng makatang Tagalog, na humihipo sa damdamin ng mga kapuwa niya Tagalog. Paano babasahin ang naturang korido? Mahirap itong gawin, ngunit maipapanukala ang sumusunod na paraan.

Maaaring isaalang-alang na ang pagkakabuo ng Prinsesa Florentina ay mula sa kamay ng makatang Tagalog. Ang diskurso ay maaaring M (Makata) + T (Tagalog) o pabalik. Ngunit hindi magiging gayon kapayak dahil ang tula ay nilahukan ng mga alusyon, kaisipan, at hulagway na pawang hinugot sa ibang bansa, kaya ang ekwasyon ay maaaring maging M + T + IB (Ibang Bansa, i.e., Alemanya, Italya, Etopia, at iba pa).

Ang Makata ay humuhugot ng alusyon sa kapuwa kaligirang Tagalog at Ibang Bansa. Ngunit sa korido, ang kaligiran ng Ibang Bansa ay napakalabo (i.e., vague), at kaya maiisip na ang Ibang Bansa ay hinango lamang sa pangalan at ang higit pinahalagahan sa salaysay ay ang relasyong namamagitan sa mga pangunahing tauhan. Maiisip na sinadya ito ng Makata dahil kung basta siya magpapasok ng mga detalyeng may kaugnayan sa mga kaharian ay maaaring mahirapan sa pag-arok ang madlang Tagalog dahil ang diskurso ng ibang bansa ay iba sa diskursong Tagalog. Malayo rin ang wikang Tagalog sa wikang banyaga, at ang paglalahok ng mga banyagang salita o konsepto sa loob ng korido ay magiging balakid upang maunawaan nang mabilis ng madla ang ibig ipahiwatig ng Makata. Yamang ang korido ay angkop sa pagtatanghal, ang nasabing pagtatanghal ay dapat popular at magaan sa paraang gaya ng pagpapalaganap noon ng mga sagradong akda at pista ng mga santo.

Nabuo ang saligang sistema ng komunikasyon dahil sa malikhaing paggamit ng Tagalog. Tumaas din ang diskurso ng Tagalog dahil sa matalinong pag-akda ng Makata. Nagsisilbing kritiko rin ng Makata ang mga mambabasa bilang konsumidor, kaya nakikinabang din ang Makata sa anumang puna at mungkahing magmumula sa madla. Ang wikang Tagalog na ginamit ng makatang Tagalog na posibleng nakaaalam din ng wika at konseptong Espanyol ay yumaman sa pagbubuo ng tula; at ang nasabing tula ay masasabing hindi basta hiram sa banyaga, bagkus malikhaing pag-angkin sa panig ng Tagalog na mataas ang pagpapahalaga sa mga konseptong gaya ng “puri,” “dangal,” “pag-ibig,” “utang na loob,” “pag-aanito,” at iba pa na pawang matatagpuan sa mga sinaunang salawikain, bugtong, tanaga, diona, dalit, alim, hudhud, at iba pa.

Lalawak pa ang diskurso kung iuugnay ang Prinsesa Florentina sa pagbubuo ng kabansaan ng Espanya at ng kabansaan ng Katagalugan. Ang nasabing Katagalugan, ayon sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ay hindi lamang tumutukoy sa mga lalawigang sakop ng Tagalog, bagkus sa buong bansa. Kung isasaalang-alang ang ganitong hatag, ang nabanggit na korido ay dapat ding sipatin sa kasaysayan ng panitikang Tagalog at sa kasaysayan ng pagbubuo ng Katagalugan. Bagaman magkahiwalay ang agos ng Kasaysayan sa agos ng Kasaysayang Pampanitikan, maaari pa ring magkasabay o magsalikop ang dalawa sa iisang agusan dahil sa pambihirang pangyayari sa Katagalugan, gaya ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo, paglaganap ng edukasyong maka-Tagalog o maka-Europeo, at pag-iral ng kolonisasyon, kontra-kolonisasyon, at deskolonisasyon sa loob ng Katagalugan.

Ang Prinsesa Florentina ay maipapanukalang basahin hindi lamang bilang akdang hinalaw sa tekstong Europeo bagkus bilang tekstong inangkin ng Tagalog. Sa ganitong kalagayan, masisipat ang diyalohikong agos sa akda. Halimbawa, nagtagumpay ang banyaga na maipasok sa korido ang mga salitang may kaugnayan sa kaharian, relihiyon, pananalig, at pananaw. Ngunit nagtagumpay pa rin ang Tagalog dahil ginamit ang Tagalog sa malikhaing paraan, at ang karaniwang diskurso ng Tagalog ay umangat sa dating kalagayan, at sinipat ang kaligirang metriko romanse sa pananaw ng Tagalog, gaya ng pakikipagsapalaran ng mga Tagalog na ang anumang lihim ay nabubunyag, naparurusahan ang maysala, at nagagantimpalaan ng mabuting kapalaran ang nakikibaka. Sa ganitong kalagayan, ang bahid ng impluwensiyang Espanyol ay masisipat na salimpusa lamang sa konstelasyon ng panulaang Tagalog.

Kung ihahambing naman ang Prinsesa Florentina sa gaya ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas, mapapansin ang paglago ng pagtula ni Balagtas hindi lamang sa paggamit ng wika kundi maging sa pagbuo ng mga saknungan, tugma at sukat, pananalinghaga, balangkas, at iba pang panloob na katangian ng tula. Halimbawa, kung sa Prinsesa Florentina ay walong ulit lumitaw ang dalawang magkasunod na saknong na may isahang tugma (na kasumpa-sumpa sa kapuwa Balagtasista at modernistang makata), walang ganitong makikita sa obra ni Balagtas na napakapulido ang gawa. Mahihinuhang nakinabang nang malaki si Balagtas sa naunang mga akda, at ito ang kaniyang hinigtan sa malikhaing pagsasatula.

Hindi rin simpleng tula hinggil sa krusada ng Kristiyanismo laban sa Islam ang Prinsesa Florentina. Ang pakikidigma ni Haring Enrico laban sa mga Moro ay sanhi ng pagkakataong pagsalakay ng Moro sa pook na saklaw ng hari, at kailangang ipagtanggol ng hari ang pook nito. Mahihinuhang pahapyaw na kinasangkapan lamang ang digmaan, bagaman ang tunay na digmaan ay nasa katauhan ni Florentina—na pinagtangkaang gahasain, ipinatapon sa ibang pook, at ibig ipapatay ng kaniyang biyenan. Ang pagiging tagamapagitan ng puwersang sobrenatural (i.e., anghel, Birheng Maria, at Kristo) ay mula sa pananalig ng tauhan, at ginawang tulay lamang upang makatawid ang tauhan sa mga pambihirang balakid na lampas sa kayang igpawan ng mortal. Walang bagahe noon ang mga Tagalog hinggil sa bakbakan ng mga relihiyon, at kung mayroon man, ito ay upang ipagtanggol lamang ang kinamulatang pananalig sa bathala, anito, diwata, at iba pang kaugnay na puwersang sobrenatural na gaya sa Tagalog.

Mahihinuhang ang sinaunang pananaw sa Prinsesa Florentina bilang maharlika, deboto, anak, asawa, at ina ay hindi lamang unibersal na pagtanaw sa Constance Saga hango sa akdang Europeo bagkus masisipat ding bahagi ng pagbubuo ng konsepto ng “Ina, Anak, Kapatid, at Inang Bayan” sa buong Katagalugan. Bagaman hindi maitatatwang nakalagos sa malig ng Tagalog ang ilang kaisipang Europeo, naitampok din ng awtor ng korido ang kaisipan at wikang Tagalog alinsunod sa diskurso ng Tagalog. Ang hamon sa mambabasa ay alamin ang pag-akda ng makata na nabahiran ng kaisipan o ideolohiya ng banyaga, sa isang panig; at sa kabilang panig naman ay kung paano pinalalakas ang kaisipang Tagalog kahit pa gumamit ng mga palamuting banyaga. Sa ganitong paraan, hindi lamang basta napag-aaralan ang konteksto ng akda, o nalilingon ang kasaysayan at ang kasaysayan ng panitikan. Nasisipat ang Prinsesa Florentina hindi lamang bilang relikya ng nakalipas, bagkus bilang buháy na patunay ng ebolusyon ng wika at panitikang Tagalog na malaki ang ambag sa panitikan at wikang Filipino na ginagamit ngayon ng bagong henerasyon.