“Kanino man ang landas,” ni Tsegaye Gabre-Medhin

Salin ng “Who is on whose way” ni Tsegaye Gabre-Medhin ng Ethiopia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kanino man ang landas

Hindi ko alam, ginoo, na humalang ako sa iyong daan,
At naganap ang lahat nang di-inaasahan. Makipagtalo
Sa iyo ay wala sa lugar, at kung tayo’y mag-aaway,
Ang iba ang tiyak na magtatagumpay;
At yamang ang landas na ito ang kinabukasan ko rin,
Ang tadhana ang pumipilit sa aking sumagot ng “Hindi.”
Sikaping makapagtimpi, o kung hindi’y magagawa mong
Itaya ang bunga ng gawang pagsisisihan sa anyo ng biro;
Dahil kung may krimen, ang maysala ay sadyang karaniwan.
Ako rin ay katulad mo, kung lulugar ka sa kinatatayuan ko.
Kayâ magpalít tayo ng puwesto, at magpalit ng papel.
Gaano man maging kapait ang lahat ay dapat maganap.
Batid nating wala namang mawawala nang gaano,
Na kahit naririto tayo’y napakalawak ng pagitang espasyo.
At sa kabila ng lahat, sasapit ang araw na kapuwa tayo yayao.

Advertisements

Give Up Tomorrow

Napapanahong mapanood ng mga estudyante at guro ang dokumentaryong pelikulang Give up Tomorrow (2011) nina Michael Collins at Marty Syjuco. Inilalantad ng dokumentaryo, sa pananaw at kritika ng mapanuring lente, ang mapait na kapalarang sinapit ni Francisco Juan Larrañaga (alyas “Paco”) at ng anim na iba pang akusado makaraang madawit sa pagdukot at pagpatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong isang gabing maunos noong 1997.

Si Larrañaga ang naging mukha ng iba pang naparusahan; at madaranas niya ang mala-karnabal na paglilitis; ang prehuwisyo at sensasyonalismo sa pamamahayag at opinyon ng publiko; ang malahayop na pamumuhay sa loob ng bilangguan; at ang mahatulan nang dalawang ulit na habambuhay na pagkakapiit. Hanggang lumabas ang kaniyang usapin tungo sa pandaigdigang antas, at manghimasok ang mga kilalang internasyonal na organisasyong nakikisangkot sa karapatang-pantao, saka mapansin at makialam ang gobyerno ng Espanya, at sa pamamagitan ng Hari nito ay nailipat si Larrañaga—na kambal ang pagkamamamayan—sa Espanya upang doon gugulin ang natitirang panahon sa hatol na pagkakabilanggo.

Ang kredito ay maipapataw sa mahusay na editing ng mga pinaghalo-halong hulagway ng balita, retrato, pelikula, interbiyu, paniniktik, papeles, at iba pang bagay—at kung paano paano ang mga ito napagdugtong-dugtong sa limitadong oras ay dapat hangaan. Ang mahigpit na editing ay tinumbasan ng pambihirang pagsipat sa isang anggulo: ang anggulo ni Larrañaga. Hindi inilihim ni Syjuco na kamag-anak niya si Larrañaga (asawa ng kaniyang kapatid ang nakatatandang kapatid ni Paco); ngunit kahit ang ganitong pangyayari’y hindi makapagpapapusyaw sa katotohanang isinisiwalat ng pelikula. Mula sa paningin ni Larrañaga ay unti-unting ilalahad ang pasikot-sikot na daan tungo sa paghahanap ng katarungan at pagpapanatili ng katinuan.

Maaaring ipalagay na kasiraan ng Filipinas ang bulok na sistema ng hukuman at pulisya, gayunman ay mapanlahat ang ganitong kuro-kuro sapagkat hindi maaaring kumatawan ang kaso ni Paco sa iba pang bilanggo. Ang totoo’y umuurirat ang pelikula sa umanidad ng isang kabataang ipagpalagay nang pilyo at laki-sa-layaw ay hindi karapat-dapat na mabilanggo dahil isinabit lamang siya ng pulisya, at kinondena nang walang taros sa hapag ng publikong opinyon. Nilitis hindi lamang si Paco bagkus maging ang kaniyang ang pribilehiyadong angkan, at ito ang isang naging pabigat upang lumayo ang simpatya sa kaniya ng taumbayan. Isang anyo rin ng paglilitis ang pelikula sa panig ng pamilya Chiong—partikular kay Thelma Chiong na ina ng magkapatid na pinatay. Si Thelma ay ipinamalas sa dokumentaryo na may koneksiyon sa Malacañang sa pamamagitan ng kaniyang kapatid; at walang takot na lumalapit sa huwes at kawani ng hukuman, at siyang maipapalagay na pag-impluwensiya sa magiging kiling ng hatol. Ngunit ang masaklap, si Thelma rin ang bukás na nakikipag-ugnayan kay Davidson Valiente Rusia, ang pinagtiwalaang saksi ng estado, at ibinibilang sa isa sa mga gumahasa at pumatay sa magkapatid.

Ang kaduda-dudang personalidad ni Rusia ay walang pasubaling ginigiba sa dokumentaryo. Ito ay sapagkat si Rusia ang tanging direktang magdidiin kay Paco na isa sa mga pangunahing gumawa ng krimen; samantalang ang iba pang saksi na ipinirisinta sa paglilitis ay nagsabi lamang na nakita nila si Paco (at si Josman Aznar) sa Cebu at kausap ang magkapatid na Chiong noong gabing maganap ang krimen. Si Rusia na isa umanong adik at tambay ay ipinirisinta sa korte na guwapo, malinis at mapagtitiwalaan, at ang pagpapapogi niya ay dahil sa tulong at reimbensiyon ni Thelma Chiong. Ang tanong ni Mimi Larrañaga (kapatid ni Paco) kung bakit ganito ang asal ng isang ina ay balido; sapagkat ang tunay na inang may malasakit sa kaniyang dalawang anak ay isusumpa ang sinumang pumatay at lumuray sa kanilang pagkatao, kasama na ang kakutsabang gaya ni Rusia.

Kung susuriing maigi, ang dokumentaryo nina Collins at Syjuco ay tandisang sumasalungat sa pasiya ng Korte Suprema sa kasong G.R. Nos. 138874-75 na pinagtibay ni Punong Mahistrado Hilario G. Davide Jr at iba pa. Una, hindi mapagtitiwalaan si Rusia. Ikalawa, nagkamali ang korte nang tanggihan ang alibay o palusot ni Paco na siya ay nasa Maynila at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Ikatlo, may nilabag na karapatang-pantao ang korte nang tanggihan nito ang ibang testimonya ng ibang saksi na panig kay Paco. At ikaapat, ang bangkay na natagpuan sa Carcar, Cebu ay hindi labi ni Marijoy. Sa ganitong presentasyon ay matatasa kung nagtagumpay ang dokumentaryo at mapapaniwala nang lubos ang mga manonood.

Ipagpalagay nang tunggalian ito ng dalawang pamilya upang makamit ang hustisya at katotohanan, at ang mga aktor ay may dugong Espanyol sa isang panig, at may dugong Tsino sa kabilang panig. Ang saksi ay may dugong Amerikano; samantalang ang huwes sa kaso ay isang Filipino, bukod sa mga Filipino rin ang iba pang nasasakdal, at Filipinong sambayanan ang tagasubaybay mulang paglilitis  hanggang paghatol. Kinagat ang gayong pangyayari sa pahagayan, radyo, at telebisyon sapagkat ang paggahasa at pagpatay ay may kaugnayan sa konsepto ng “puri” at “dangal” sa mga Filipino. Idagdag pa rito ang pangyayaring ang mga nagaganap na karumal-dumal na krimen ay iniuugnay sa impunidad ng alta sosyedad—na ang pagkalahi’y mahaba ang kasaysayan ng pang-aapi sa mga karaniwang mamamayan. Nabuksan din sa kaso ang isa pang anggulo: ang ilegal na droga ng sindikato, at kung ano ang kaugnayan nito sa buhay ni G. Chiong ay mananatiling nakabitin magpahangga ngayon.

Nakapanghihinayang na winasak ng krimen ang dalawang pamilya at pinarupok ang mga institusyon ng pamahalaan. Si Hukom Martin Ocampo ay umani ng kapuwa paghanga at paglibak; at ang mga abogado ng depensa ay kaniyang ipinakulong dahil sa pag-uyam sa korte (na bulaklak ng dila para sa di-patas na paglilitis). Bagaman isinaalang-alang ni Ocampo ang panig ni Larrañaga at iba pa at ang panig ng pamilya Chiong sa kaniyang hatol, isang palaisipan pa rin kung bakit hindi pinayagan ng huwes ang pagsusuri sa DNA ng mga bangkay at pagtestigo ng mga eksperto sa pagsusuri ng mga labi ng bangkay, gaya ni Prof. Jerome Bailen, at kung bakit hindi pinayagan ang pagtestigo ng 35 kaibigan, kaklase, at kakilala ni Larrañaga upang patunayang nasa Maynila si Paco at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Hindi rin matiyak kung ang dalawang bangkay ay mga anak nga ni Thelma Chiong, dahil sa pagkawasak ng mukha. May posibilidad na ang isa sa dalawang bangkay ay hindi ang sinuman sa magkapatid na Chiong; at kung gayon, ang hatol kay Larrañaga at iba pa ay mananatiling kuwestiyonable magpahangga ngayon. Ang pagpapatiwakal ni Ocampo ay nag-iiwan ng mga tanong sa posibilidad na pinatay ba siya o hindi; at kung totoo nga siyang nagbaril ng sarili ay lalong nabaon sa limot ang katotohanan.

Kahit sinong magulang ay maghihimagsik kapag pinagsamantalahan at pinatay ang kanilang mga anak. Ngunit ang paghihimagsik na pulos galit at prehuwisyo ay hindi makatutulong upang mapiga ang katotohanan. Sa ganitong pangyayari, kahit ang mag-asawang Chiong ay dapat iniimbestigahan, at kung totoo ngang may kaugnayan si G. Chiong sa kaso ng droga, ayon sa dokumentaryo, ito ay dapat inuusisa. Si Larrañaga ay waring isinakrisyo upang ilihim ang isang grandeng tagpo at sindikato; at kung titimbangin ang mga paramdam o pahiwatig ng mga hulagway at usapan sa dokumentaryo ay hindi malayong mapagdudahan kahit ang mismong motibo ni Thelma Chiong. Dahil kahit sinong magulang ay dapat isumpa kahit ang mga kakutsaba, at si Rusia ay mahimalang tumanggap pa ng ilang pabuya mula kay Thelma.

Ang kaso ni Larrañaga na umabot sa internasyonal na antas ay kahanga-hanga. Bagaman nakakuha siya ng simpatya sa pandaigdigang opinyon, hindi ito natumbasan ng karampatang pagtugon sa hanay mismo ng karaniwang Filipino. Ito marahil ay sa pangyayaring negatibo ang pagtanaw kay Larrañaga sa loob ng Filipinas, at ang pagtalikod niya sa pagiging mamamayang Filipino ay isang anyo ng pagtakas, kaya kinakailangan niya ang tulong ng iba pang bansa upang yugyugin kung hindi man baligtarin ang publikong opinyon nang maitanghal sa ibang anggulo ang kaniyang kaso at maisaayos ang talaro ng katarungan.

Ang pangwakas na interbiyu kay Thelma na hitik sa panlilibak at pang-uuyam, habang siya’y tumatawa o nakangisi, ay isang nakahihindik na tagpo sa dokumentaryo. (Pinayagang ilipat si Larrañaga sa Espanya sa bisa ng kasunduan ng palitan ng mga bilanggo.) Ang himig ng pagganti para tumbasan ang pang-aapi ay hindi nalulutas ang ugat ng suliranin, at ito ang marahil hindi pa kayang tanggapin ni Thelma Chiong at ng kaniyang mga kaanak. Napipinid nang mahigpit ang utak at puso, at pagkaraan, ang nagdurusa ay ang mga Filipino na naging aktibong saksi sa gayong mala-telenobelang paglilitis—ang paglilitis na mag-uuungkat lalo ng talamak na sugat sa pagtatamo ng katarungan, samantalang nagbibigay ng hamon para isapuso ang marahil ay napakailap na pag-asa.

Isang Panahon sa Impiyerno, ni Arthur Rimbaud

salin ng “Une Saison en Enfer” ni Arthur Rimbaud mula sa Pranses.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

ISANG PANAHON SA IMPIYERNO

Kangina lamang, kung tama ang pagkakatanda ko, ang buhay ko’y mahabang pagsasaya na bukás  ang lahat ng puso at umaagos ang lahat ng alak.

Isang gabi, ikinandong ko ang Kagandahan.—At natuklasan ko siyang nakaiinis.—At dinahas ko siya.

Pinatatag ko ang sarili laban sa katarungan.

Tumakbo ako. O mga mangkukulam, O kalungkutan, O hinanakit, lahat ng aking yaman ay naisalin sa inyo!

Sinikap kong pawiin ang bawat bakás ng makataong pag-asa mula sa aking isip. Sinaklaw ko ang bawat kasiyahan gaya ng mabangis na hayop na sabik yaong saklutin.

Tinawag ko ang mga berdugo, upang habang naghihingalo, ay malasap ko ang dulong tatangnan ng kanilang mga riple. Tinawag ko ang mga salot upang supalpalin ako ng buhangin, ng dugo. Diyos ko ang kamalasan. Naglunoy ako sa putikan. Nagbilad ako sa simoy ng krimen. At pabirong nanlinlang ng kabaliwan.

At ang Tagsibol ay humalakhak nang nakasisindak na parang hangal.

Kamakailan, nang matanto kong nasa bingit ako ng pangwakas na palahaw, naisip kong hanapin muli ang susi sa sinaunang kasiyahang katatagpuan ng gana.

Susi ang kawanggawa.—At patunay ang inspirasyong ito na nangangarap lamang ako.

“Mananatili kang yena, at iba pa. . . ” singhal ng demonyo na pinutungan ako ng marikit na korona ng amapola. “Tamuhin ang kamatayan nang sukdulan ang gana, ang kasakiman, ang lahat ng kasalanang mortal!”

Ay! dinanas ko na ang lahat ng iyan:— Ngunit mahal na Satanas, nagsusumamo ako na pabawahin ang nanlilisik na paningin! At habang hinihintay ang pagsapit ng bagong munting dungông kilos, yamang hangad mo ang kawalan ng masinop na paglalarawan o ang gasgas na pagtuturo ng manunulat, hayaan mong punitin ko ang ilang nakahihindik na pahina mula sa aking kuwaderno ng kaluluwang isinumpa.

Grabado ni Gustave Dore para sa "Naglahong Paraiso" ni John Milton.

Grabado ni Gustave Dore para sa "Naglahong Paraiso" ni John Milton.

Kuwentong Detektib

"Pulo," kuha ni Bobby Añonuevo

"Pulo," kuha ni Bobby Añonuevo

Mabubuksan ang salaysay sa kamatayan, na waring hinango sa nobela ni Dostoevsky, at ang kamatayan ay maaaring sinadya, ngunit walang makababatid kung sino ang salarin. Nabiyak ang ulo ng bangkay, at ipagpalagay nang nabagok, makaraang tumanggap ng punglo o palakol. Uugong ang usap-usapan, dahil ang kamatayan ay posibleng pagpapatiwakal, at ang pangunahing tauhan ay gagagarin ang lunggati ni Raskolnikov.

At ang bagong Raskolnikov ay maaaring dukhang estudyante ng lipunan subalit dalubhasa sa komunikasyon. Isasapuso niya ang pagbubukod sa mga mangmang at tarikan, na ang mangmang ay ang bangkay, at ang tarikan ang nabubuhay. Maraming tungkulin ang tarikan, aniya, at kabilang dito ang pagliligtas sa bayan mula sa kabulukan, kahirapan, at kaguluhan. Marapat namang mamatay ang mangmang, bulong niya, dahil sa nakatutulirong kasakiman o katanyagan—na totoo man o kathang-isip ay iisang tabas lamang.

Maaaring nagnakaw din ang bida, at ang ninakaw ay hindi salapi bagkus dangal. Titindi ang kaniyang krimen dahil pagtataksilan niya ang hinlog, na maaaring lumasap ng alta presyon o atake sa puso. Magdidilim ang paligid ng ating Raskolnikov, malulunod sa pangamba, at habang iniimbestigahan ng awtoridad ay lalaitin ang sinumang makaharap na pulis inspektor na kamukha ni Alex Zamyotov. At si Alex Zamyotov ay maaaring nakakukutob sa krimen. Mala-kristal sa linis ang pook ng kamatayan nang datnan ng mga pulis, saad ng kaniyang ulat. Naglaho ang dugo at kalat sa garahe o banyo. At ang anumang ebidensiya ay waring sinadyang tinangay ng simoy at inilibing ng alabok.

Sasaklolo marahil sa ating bida si Demetria Razumikhin na magpapamalas ng pagsisikap na sagad sa buto, pumutok man ang litid sa leeg, makatapos lamang ng kursong peryodismo. Lalapit si Demetria sa kaniyang kaibigan, at darating ang yugtong ipagtatanggol ang kaibigan kahit sa pagdududa ng madla. Magngingitngit nang lihim si Raskolnikov, dahil habang lumalapit si Demetria ay lalong lumiliit siya sa kaibigang matalik. Lumihis man ang daloy ng salaysay ay hindi maliligaw ang ating bida. Isang kadakilaan ang pagkukubli ng kasalanan, kadakilaang aabot sa sukdulang talino, at ang kasalanang ito ang paghihirapang pagpasiyahan ni Pulpol Petrovich.

Maaaring nababaliw si Raskolnikov, alinsunod sa hinuha ni Hukom Petrovich. At ang kabaliwan ay mauuwi sa kalibugan, hanggang maglustay ng ilang gabi si Raskolnikov sa kandungan ni Sonya Mermelada. Mangungumpisal ka sa puta? tanong ni Sonya sa ating bida. At ang bida ay hahagulgol na tila pag-amin ng kasalanan. Walang makababatid sa usapan ng magkasintahan. Maririnig ng taumbayan ang hagulgol, na lalabas sa motel at maglalakad sa kalye, makikiumpok sa kapihan, hanggang masagap ng sambayanan sa pamamagitan ng selfon o Twitter. Idedestiyero si Raskolnikov doon sa pulong malayo ang radyo o telebisyon, at maghilom man ang kaniyang sugat ay tanging si Sonya lamang ang makaaalam.

Pagbabalik sa epikong “Ang Tulisan” ni Florentino T. Collantes

Ang Tulisan ni Florentino T. CollantesPagdukot, pagtataksil, at pagpatay ang ilang malagim na pangyayari sa epikong “Ang Tulisan” (1936) ni Florentino T. Collantes na isa sa matitinik na makatang Tagalog, at kapares ni Jose Corazon de Jesus sa mga balagtasan. Magandang isapelikula o isadula ang naturang pakasaysayang tula, at nababagay ang pangunahing tauhan sa gaya nina Izza Calzado at Lorna Tolentino.

Dumadaloy ang salaysay sa mahabang paghahanap sa mag-amang Bulakenyo na nawawala makaraang maglako ng mga kalabaw sa Nueva Ecija. Nagbenta sila ng hayop upang may magamit na salapi sa nakatakdang pag-iisang dibdib nina Fidel at Adela. Ngunit dalawang buwan na’y hindi pa nagbabalik ang mag-ama. Kinutuban ang ina ni Fidel na baka hinarang ng mga tulisan ang mag-ama. Naghanap nang naghanap kung saan-saang liblib na nayon ang babae kasama ang karitonero ngunit umuwing bigo at muntik pang magahasa ng kaniyang kumpareng Roman.

Lumipas ang halos dalawang dekada, ang ina ni Fidel at ang apo nitong lalaki ang natirang buhay yamang kapuwa namatay sa sakit ang mag-inang Aling Ines at Adela na kaniyang kasa-kasama sa isang bahay. Naging busabos ang buhay ng mag-impo nang nilooban sila ng mga tulisan. Halos malimutan na ng babae ang naganap noong araw, subalit naungkat muli iyon nang ang kaniyang apo ay buntalin ni Roman. Napanaginipan din ng babae na si Roman din ang may kagagawan sa pagkamatay ni Fidel. Nabunyag ang matagal nang lihim na si Roman ang puno ng tulisan. Nahuli si Roman, sinaksak sa dibdib ng kaniyang kumareng naghiganti, binugbog ng taumbayan, bago tuluyang binitay sa punong mangga. Nakamit ng mag-impo ang katarungan, nagbinata si Fidel (Jr) at nakapangasawa, at sa wakas ay guminhawa ang kabuhayan matapos dumanas ng sari-saring pagsubok.

Bagaman sa unang malas ay payak ang kuwento, nakapahiyas naman doon ang paghahanap ng katarungan at pag-ahon sa kahirapan. Ipakikita rin doon ang dalawang mukha ng tao at lipunan, at ang pagtataksil sanhi ng pagkagahaman sa salapi at laman. Naroroon din ang kahayupan sa gitna ng kasaganaan, at ang kadalisayan sa gitna ng kaguluhan.

Paraan ng salaysay
Maaaring tingnan ang epiko ni Collantes sa pananaw ng isang lola na nagkukuwento sa kaniyang apo. At sa kaniyang pagkukuwento ay gumamit siya ng pamamaraang pabalik-balik [flashback], at pagtatampok ng mga kapana-panabik na tagpo. Ipakikilala sa epiko ang mga tauhan na walang pambihirang katangian na gaya ni Zorro o Panday, ngunit nagtataglay ng mga halagahang kaugnay ng kalinangang Filipino.

Ipakikila sa epiko ang mga lolo at lola ng batang Fidel na pawang masikhay sa buhay, na sinisipat ang lupain at gawaing bukid na hindi pasanin bagkus kaugnay ng pagpapagaan ng buhay. Ang bukid ang magpapaginhawa sa tao kung matututo ang tao na linangin iyon at pagyamanin. Ang halagahang iyon ang tataglayin din ng apo, bukod sa pag-ibig nang wagas sa babaeng kasintahan. Ibig sabihin, ang pagbabanat ng buto ay mahalaga at hindi ang pagporma lamang.

Pinakamaraming katangian ang nakakabit sa ina ni Fidel, bagaman hindi pinangalanan. Madasalin, mapagsapalaran, malakas ang loob, mapagtiwala sa kapuwa, matapang, at higit sa lahat, marunong gumamit ng kutob. Ang paghuhunos ng babaing ito ay magmumula sa bahay (sentro ng pananampalataya) tungong ibang pook (paghahanap at pag-asa) at muling pagbabalik sa tahanan (pagkakamit ng katarungan). Naging pulubi man ang babae sa pagtanda, ngunit nanatili siyang matatag upang mairaos sa hirap at gutom ang apo. Hindi rin nagmaliw ang kaniyang paghahanap ng katarungan sa pagkamatay ng kaniyang esposo’t anak.

Makulay naman ang katauhan ni Roman dahil taglay niya ang dalawang mukha: mabuti at masama. Sa umpisa’y inilarawan siyang masayahin, makapangyarihan, palakaibigan, at matulungin. Ngunit nang lumaon ay mapapalitan yaon ng pagiging sugarol at tulisan, lalo’t kaharap ang kaniyang esposa. Unti-unti ang transpormasyon ni Roman, at ang kaniyang masasamang gawi ang sa dakong huli’y kokontrol sa kaniyang buhay, at magpapahamak sa kaniya nang maghiganti ang taumbayan.

Buo ang loob ng pagkakalarawan sa katauhan ni Aling Ines na handang ipagtanggol ang puri ng kaniyang anak na babae, at handang magsakripisyo kahit pa samahan ang ina ni Fidel sa paglalakbay sa kung saan-saang sulok ng Nueva Ecija. Gayunman ay marunong siyang magpatawad sa sinumang maysala. Igugupo siya pagkaraan ng sakit na kolera.

Ipinakilala naman si Adela na marunong humarap sa pananagutan, at magpalaki ng anak kahit walang ama. Ngunit gaano man siya kasikap ay igugupo siya ng sakit na tisis (tuberkulosis), at hindi niya masisilayan ang paglaki ng kaniyang anak.

Inilarawan sa epiko ang tulisan bilang pusakal mangulimbat ng yaman ng mga mamamayan at malupit kung manggahasa ng babae. Kinatatakutan ng publiko, ang tulisan ay kinamumuhian din at malimit parusahan matapos litisin sa harap ng madla. Bitay ang sukdulang parusa sa gayong kriminal.

Inilarawan din sa epiko ang taumbayan na mapagkalinga. Sila ang mga kapitbahay na tumulong sa ina ng yumaong Fidel nang mabagok ang babae sa batalan. Sila din ang mga tao na naghinala sa doble-karang si Roman at totoo naman; ang mga mamamayang maralita na nagsikap bumangon matapos mangulimbat ang mga tulisan at kumalat ang mga salot na kolera, balang, at tisis; at ang mga tagalitis at tagahatol sa mga nagkasala, lalo na kung ang nagkasala’y isang tulisan o pusakal.

Gumaganda ang epiko dahil sa masinop na paggamit ng mga tauhan, sa pagpapaagos ng panahon o henerasyon, at sa pagsasalansan ng mga tagpo. Sinematograpiko ang pagdulog ni Collantes, at maraming matututuhan sa kaniya hinggil sa pagbubuo ng mahahabang tula.

Ang tinalakay ni Collantes sa kaniyang epiko ay ang mga itinuturing na mabibigat na kaso noong siglo 1900. Kabilang dito ang pagtakas sa pananagutang pakasalan ang kasintahang binuntis at pinangakuang sasamahan; ang pagnanakaw ng kalabaw, baka, at iba pang alagang hayop; ang panghaharang sa daan at panloloob ng bahay;  ang panggagahasa sa babae o bata; ang pagdukot at pagpatay sa kapuwa; at ang paglalagalag sa daan. Ang lahat ng ito ay masining na ipinaloob ni Collantes sa kaniyang epiko at maaaring isinasadula muli ng gaya ng Abu Sayyaf. Ang ganitong mga krimen ang humuhugot ng pinakamatimyas o pinakamabangis sa kalooban ng tao, at magbago man ang panahon at pook ay magbabalik sa pamamagitan ng iba’t ibang pangalan at lunggati.

Katarungan

TALON, kuha ni Beth Añonuevo

TALON, kuha ni Beth Añonuevo

“Hindi palusot ang kawalang-muwang sa batas,” sabi ng Dakilang Hukom, “upang labagin ang mga batas.” Ang problema’y isinulat ang mga batas sa tubig. At ang wika ng batas ay sadyang likido, at may gramatikang kabesado lamang ng gaya ng kompanyerong balyena, pating, at buwaya. Kaya huwag ipagtaka ang krimen at ang parusa. Tandaan: Ang sinumang baguntaong manalamin sa sapa ay tutuklawin ng makamandag na kariktan. Ang sinumang tagalupang lumusong sa tubig ay iaahon nang kalansay. At ang sinumang tarikáng uminom ng tubig ay malalason at malalapnos ang lalamunan at kaloob-looban, dahil ang tubig ay para lamang sa mga anito’t Maykapal.

(10 Oktubre 2004)