Kategoriya ng Akda

Kapana-panabik na panahon ang sumasapit sa panitikang Filipinas. Ito ay dahil napakaraming kategoriya ng akda, at ang tula ay hindi lamang basta tula, bagkus may tulang pambata, tulang paloob, tulang palabas, tulang mala-prosa, at prosang nagkukunwang tula. Ang kuwento ay hindi lamang basta kuwento, bagkus may kuwentong pambata, kuwentong aghamistika, kuwentong kabaklaan, kuwentong kanto, kuwentong pambabae, kuwentong pangkabataan, at kung minsan, kuwentong kutsero. Ang dula ay hindi lamang dula bagkus may dulang pantelebisyon, dulang pampelikula, dulang may isahang yugto, at dulang ganap ang haba na para bang ang maiikling dula ay hindi pa ganap na dula kung wawariin.

Kung paniniwalaan ang haka ni Adrian Cristobal, ang katha [fiction] ay katha lamang, at walang kasarian o edad o kulay. Ang katha ay masining ang pagkakasulat o sinulat nang padaskol-daskol, at anuman ang layon ng awtor ay iba nang usapan. Kung susundin ang gayong haka, ang tula ay tula lamang at ang dula ay dula lamang ngunit inilalagay ang kategoriya upang maibenta ang tula o ang dula sa mga tiyak na mambabasa o manonood na may partikular na panlasa, at nang may matalakay sa loob ng paaralan. Ang problema sa maraming kabataang manunulat ngayon ay ibig nilang ipaloob agad sa kategoriya ang kanilang akda, at mapapansin ang pagmamadaling matatakan ng nobelang romansa, kathang-agham, kathang pambakla o pambabae, kuwentong kababalaghan, o sabihin nang kuwentong kabulastugan, kahit sumisigaw ng rebisyon ang kani-kanilang obra.

Ang pagkakahon sa akda sa pamamagitan ng mga taguri ay panandalian lamang, sa aking palagay, at higit na kumikiling upang magpapansin o kaya’y magsulong ng politikang pang-akademya na papabor sa mga akademikong awtor, o kaya’y nagpapaalingawngaw ng sinasabing kabaguhan sa Estados Unidos o Europa. Anuman ang taguri ng isang katha o tula o dula ay masusuri yaon sa iba’t ibang anggulo, matatasa sa bisa ng guniguni o pagkamalikhain, at maipapanukala ang lente ng Filipino yamang nag-uugat ang manunulat bilang Filipino sa Filipinas man o sa iba pang panig ng mundo. Ngunit kahit ang taguring “Filipino” ay isang banyagang termino para sa ibang mangangatha o makata. Maaaring nasusulat sa Ingles ang isang katha o tula o dula, subalit maaari umanong magtaglay ng diwa at sensibilidad ng isang Filipino. Sa ganitong pangangatwiran, ang Filipino ay maituturing na higit na terminong pampolitika kaysa pampanitikan, dahil ang gayong Filipino ay maaaring munting pilas lamang ng dambuhalang kaakuhang Filipino—na sabihin nang kosmopolitano at mula sa diaspora—na mahirap malirip magpahangga ngayon.

Ang pagtataguri sa tula o katha o dula ay sumasang-ayon sa hinihingi ng patimpalak. Ito ay sanhi marahil ng pagkakataong hirap na hirap ang nakararaming kalahok sa mga timpalak pampanitikan na magwagi, at isang paraan upang magwagi ay biyakin sa mga kategoriya ang dating tipak ng tula, katha, at dula. Sa aking palagay, higit na masarap magwagi sa timpalak na nilalahukan ng mga batikan kaysa amateur (na naging taguri sa timpalak sa tula ng Komisyon sa Wikang Filipino noong panahon ni Punong Komisyoner Nita Buenaobra). Subalit may ibang tao na higit na pinaniniwalaan ang premyo, at ang katumbas nitong pabuya o promosyon doon sa akademya.

Isa pang silbi ng pagtataguri ay upang mapagaan ang trabaho ng mga tindera ng aklat, gaya sa National Bookstore, Book Sale, at iba pang katulad na tindahan. Kung walang tatak ang isang libro, ang isang nobela ay maaaring malipat o maligaw sa seksiyon ng teksbuk o akdang relihiyoso, kung hindi man sa seksiyon ng aliwan, komiks, at pagkain. Ngunit kahit ang ganitong pangyayari ay hindi na dapat pinagkakaabalahan ng mga awtor bagkus siyang pinag-uusapan ng mga pabliser at tagapagbenta ng aklat.

Hindi dapat nagpapakahon ang mga manunulat sa mga taguri. Ginagamit lamang ang taguri upang ipakilala ang isang anyo ng akda na taliwas sa konsepto ng pagkakabuo ng mga naunang lumitaw na akda, at may kaugnayan sa paglihis sa itinatakdang kahon ng mga istoryador na pampanitikan. Ngunit kahit ang pagpapakilala ay hindi na trabaho ng manunulat, bagkus trabaho ng kritiko at mananaysay na siyang susuri ng kakaiba o kakatwa sa loob ng isang akda. Nagkakaroon lamang ng dagdag na pasanin ang awtor dahil hindi lamang niya ibig maging kuwentista o nobelista o makata bagkus nais ding sakupin ang poder ng kritiko at guro na naghahanap ng matatapat na tagasunod sa akademya man o sa blogespero.

May ilang manunulat na ayaw magpakahon sa mga taguri. Ito ay dahil nahahanggahan ng taguri ang posibilidad ng iba’t ibang pagbasa sa akda at ang paglawak ng merkado ng akda. Kahit sabihin pang may elemento ng kababalaghan, kasaysayan, kasarian, at kathang-agham ang isang akda, hindi nangangahulugan iyon na sa gayong taguri lamang dapat basahin o itampok ang naturang akda. Kung palaging aasa lamang sa taguri ang manunulat, maipapalagay na iyon ang simula ng kaniyang pagwawakas, dahil ipinaloob agad siya sa kahong mala-kabaong at batay sa hinihingi ng mga mambabasang limitado ang saklaw. Ang panitikan ay dapat lumilikom ng mga mambabasa dahil makapagsisilbi itong tagapagbuklod ng kaisipan at damdamin, imbes na pumaloob sa mga tiyak na lárang na nagiging ispesipiko at linear ang pagdulog, gaya ng pagbasa sa agham at batas na pawang humihingi ng espesyalistang tagasunod.

Nasa panahon tayo ng kalayaan, at magagawa ninuman ang magpangalan sa kaniyang akda. Ang pagpapangalan ay isang hakbang tungo sa kadakilaan, at ang nauuna ang siyang sinasaluduhan o pinapalakpakan. Ngunit hindi maikakaila ng pamagat ang matalas na kasiningan, ang malawak na guniguni, at ang malalim na kadalubhasaan sa wika na pawang matataglay lamang ng tunay na mga manunulat na tarikán.

Kudeta ni Balagtas

Napagdiskitahan kong titigan muli ang Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Cahariang Albania (1861) ni Francisco (Balagtas) Baltazar noong nakaraang linggo. Kung pagtitiwalaan ang sinabi ni Hermenegildo Cruz, ang nasabing awit ay unang inilimbag noong 1838 ngunit sa kasamaang palad ay hindi na matagpuan ang nasabing edisyon. Ipinagdiriwang ngayong taon ang masasabing ika-170 taon ng pagkakalimbag ng Florante at Laura. Sa lahat ng akdang nalathala sa Filipinas, ang naturang awit ni Balagtas ang dumanas ng mahaba at masusing paglilitis ng mga kritiko at iskolar, at nilapatan ng kung ano-anong lente ng pagbasa kaya ang orihinal na pakahulugan at paghihiwatigang isinaad ng awit ay lumampas sa sarili nito upang angkinin ng buong sambayanan.

Hindi ko na uulitin pa ang sinabi ng mga kritiko, gaya nina Virgilio S. Almario, Eduardo Calasanz, Isagani R. Cruz, Silvino V. Epistola, Jose Mario Francisco, Lucila Hosillos, Bienvenido Lumbera, Ruth S. Mabanglo, Vivencio Jose, B.S. Medina, Epifanio San Juan, Lope K. Santos, Soledad S. Reyes, at Benilda S. Santos. Hindi sa kanila nagwawakas ang pagbasa kay Balagtas, at pinakamakapal ang aklat ni Fred Sevilla, na inilugar ang akda at ang awtor sa panahon, pangyayari, at iba pang bagay na maaaring may kaugnayan sa pagkakabuo ng nasabing awit.

Binilang ko kung ilang salitang banyaga ang pumasok sa naturang Tagalog na awit at nagulat ako na .015–.02 porsiyento lamang na salita ang may bahid ng Espanyol. Umaabot sa kabuuang 136 salitang Espanyol ang nakapasok sa Tagalog, at pawang pangngalan iyon na maaaring tumutukoy sa tao, lugar, o bagay. Ano ang ibig sabihin nito? Mapili si Balagtas sa pagtanggap ng salitang mula sa ibayong dagat. Hindi lahat ng salita ay ipipilit niyang ipasok sa Tagalog upang maging kosmopolitano ang testura ng kaniyang akda.

Kabilang sa mga salitang banyagang ginamit ni Balagtas sa kaniyang tula ang sumusunod: adarga; adios; Adolfo; Adonis; Aladin; Albania; altar; Antenor; atropos; Arco; astrologia; Atenas; Aurora; Averno; Bandila (bandera); Baselisco; batalia; Beata; Briseo; buitre; cabayo (cabaio; caballo); caliz; campo; carcel; catuno (tono); Celia; cetro; cipres; ciudad; Cocito; coleto; conde; consejo; corales; corona; cristal; Crotona; cuadro historico; Cupido; diamante; dicho; Dios; ducado; duque; Edipo; ejercito; Embahador; Emir; Epiro; escuela; Estanque; Eteocles; Etolia; fama; Febo; filosofia; Flerida; Florante; Floresca; General Osmalic; Grecia; guerra; guerrero; Hiena; higuera; Houris; imperio; incienso; Laura; leguas; leon; letra; libo; Linceo; lira; lobo; maestro; maquina; Marte; matematica; Medialuna; Menalipo; Minandro; Miramolin; Monarca; moro; mundo; musa; musica; Narciso; Nayadas; ninfa; oras (hora); orden; Oreada; original; Palacio Real; paraiso; Parcas; Percia (Persia); perlas; Persiano; pica; pincel; Pitaco; plumage; Pluto; Polinice; Princesa; Profeta; Quinta; Reina; Reino; rubé; salas; sello; sierpe; Sigesmundo; sirenas; soldado; Sultan Ali-Adab; topasio; tragedia; trigo; trono; turbante; turco; Turquia; vasallo; Venus; verdugo; verso; victoria; viva; voses; Yocasta (Reina Yocasta).

Pansinin na walang banggit hinggil sa diyos o santo ng mga Kristiyano. Ang “dios” na binanggit sa talaan ay tumutukoy kay Cupido imbes na kay Hesukristo. Kahit ang salitang “Cristiano” (Kristiyano) ay iniwasan, at mahihiwatigan lamang ito nang banggitin ang “Moro” na mula sa Persia na kabukod ng mga Kristiyano mula sa Albania. Masinop din ang pili sa mga salitang may kaugnayan sa pamunuan, gaya ng Conde, ducado, duque, emir, ejercito, general, reina, reino, prinsesa, profeta, soldado, vasallo, Venus, at verdugo. Ang “reino” ay ginamit na panumbas sa “kaharian”, at pinananatili ang gamit ng “hari” para sa “king.” Pinakamababang banggit ang “vasallo” at “soldado” ngunit kung ano ang tiyak na larawan nila ay kailangan pang hulaan ang anyo. Ang awit, kung gayon, ay mahihinuhang nakatuon sa maharlika at kauri nito, at hindi sa mga tao na nakapailalim sa kanila.

Ang ibang salitang may alusyon sa mitolohiyang Griyego, Romano, at Arabe ay Adolfo, Adonis, Aladin, Ali-Adab, Antenor, Briseo, Celia, fama, febo, Florante, Floresca, Linceo, Menalipo, Minandro, Osmalic, Pluto, Polinice, Segismundo, Sirenas, Venus, at Yocasta. Gayunman, walang tuwirang tumbasang alusyon sa mga salita mula sa pinag-ugatan nitong kasaysayan tungo sa bagong sagisag sa awit ni Balagtas. Halimbawa, ang Osmalic ay maaaring hango sa ngalan ni Osman I, na noong 1288 ay naging tagapagtatag ng Imperyong Ottoman. Si Adolfo ay maaaring ginagad kay Adolf, ang Konde ng Nassau at inihalal na maging haring Aleman noong 1292. Hindi magtatagal ang pamumuno ni Adolf at patatalsikin siya ng mga elektor saka mapapatay sa Bakbakan sa Gölheim noong 1298. Si Aladin ay maaaring hango sa ngalan ni Alauddin Khilji na noong 1296 ay pumalit sa napatay na si Jalaluddin ng Delhi. Si Ali-Adab ay maaaring hango sa ngalan ni Ali Bey, ang pinuno ng Memelukes, at naging Sultan ng Ehipto. Ang Florante o Floresca ay maaaring hango sa ngalan ng Florence, ang pangunahing Europeong lungsod sa larangan ng kalakalan at pananalapi noong 1282. At si Minandro ay maaaring hango sa ngalan ni Minander na isang manunulat ng komedyang Griyego.

Maiuugnay sa itaas ang mga pook na binanggit, gaya ng Albania, Atenas, Averno, campo, ciudad, Estanque, Etolia, Imperio, Grecia, Palacio Real, Persia, reino, at paraiso. Limitado ang mga pook na binanggit sa awit ni Balagtas, at ang iba rito’y binanggit lamang nang walang mahabang paglalarawan, gaya ng Etolia, Grecia, at Persia. Ang Etolia ay maaaring ang Anatolia, na noong 1515 ay sinakop ni Selim I, ang Sultan ng Turkey; o kung hindi’y ang Ethiopia, na noong 1500-1001 BK ay naging independiyenteng gahum. Hindi naman malinaw ang “estanque” (sanaw o tubigan) na binanggit, at mahihinuha lamang na disyerto ang paligid ng kaharian. Hindi naman ako naniniwalang ginagad sa Inferno ni Dante Alighieri ang kagubatang kinalalagakan ni Florante, bagaman malayang isipin ang gayon, dahil ang averno ng kagubatan ay hindi lamang hitik sa mga ilahas na hayop bagkus pintuan din ng impiyerno sa sinumang namumuhay sa siyudad o kaharian. Kung babalikan ang pamagat ng awit ni Balagtas, nakasaad doon na ang awit ay kinuha umano sa “cuadro historico” o pinturang nagsasabi ng mga pangyayari sa imperyo ng Gresya noong unang panahon. Anuman ang ibig sabihin ni Balagtas, mahihinuhang lumilikha na siya ng anomalya dahil ang kaniyang akda ay walang tuwirang alusyon sa makasaysayang Gresya at hindi maikakahon lamang sa lunan ng Gresya. Ginamit lamang niya ang Gresya, Albania, Persia, at Etolia sa pangalan lamang ngunit ang pinakapuso ng akda ay mahihinuhang hinugot sa kalooban ng Katagalugan.

Kaya ang Florante at Laura ay maiisip na pinagsalikop na kasaysayan at kathang-isip o mito na ang bunga ay kagila-gilalas na malikhaing guniguning pampanitikan. Maláy si Balagtas sa mitolohiya, kasaysayan, politika, tula, dula, wika, at pakahulugan na pawang bumubuo sa isang di-karaniwang diskurso para sa karaniwang Tagalog dahil hindi naman lahat ng Tagalog noon ay may oportunidad na makapag-aral o makapagbasa ng panitikang Tagalog. Maaaring sinulat ni Balagtas ang kaniyang awit hindi para sa kaniyang henerasyon, bagkus para sa darating na henerasyong handang umunawa sa lalim at lawak ng kaniyang pagkagagap sa panulaang Tagalog. Maaari ding ang Florante at Laura ay hindi lamang idinisenyo upang basahin kundi pakinggan at itanghal din para sa kaluguran ng madla. Sa gayong pangyayari, hinahatak ng makata ang Katagalugan sa modernong diskursong lalampas sa itinatakda ng relihiyon o politika o kultura; at ang nasabing Katagalugan ay nagsisilbing kritiko o konsumidor ng tula ng makata. Tumataas samakatwid ang kamalayan ng madla, at ang madla naman ay nagpapatalas din sa makata upang lumikha ito ng higit na kapaki-pakinabang na tula para sa sambayanan.

Ang pinakamagagandang saknong sa Florante at Laura ay yaong hindi nababahiran ng anumang salitang mula sa Espanyol, at kung nabahiran man ay mahahalatang matagal nang tinanggap iyon sa wikang Tagalog. Ang mga tauhan ay nag-uusap, at ang nasabing pag-uusap ay pabalik-balik sa bawat tauhan upang mapiga ang inaasam na katotohanan. Halimbawa, may diskurso sina Florante at Aladin, at ang usapan ay maaaring hindi tuwid bagkus nagmumula sa isip o damdamin. Lalawak pa iyon kung isasaalang na may kani-kaniyang usapin sina Florante at Aladin, mulang ugnayan sa kani-kaniyang sinisinta hanggang sa sistema ng pamilya tungong malawak na kaharian o bayan. Ipakikilala rin ang iba pang tauhan sa awit upang luminang sa kanilang katauhan, at lapatan ng angkop ng resolusyon ang gusot sa pagsasalaysay.

Kudeta ang ubod na mahuhugot sa awit ni Balagtas. At ang kudetang ito ay hindi lamang mula sa Albania o Persia, kundi sa kalooban ng Tagalog na nakapailalim sa prehuwisyo at panggigipit ng mananakop na Espanya. Maaaring walang kalayaan noon si Balagtas na ibulalas ang lahat ng kabaguhan na ibig niyang ipasok sa panitikang Tagalog. Masikip man ang padron ng awit, de-kahon man ang mga naunang awit ng pakikipagsapalaran at pag-ibig, nakalikha pa rin si Balagtas ng masasabing subersibong diwain at ang diwaing iyon ay hindi niya ipinaloob sa wika at diskursong Espanyol bagkus sa wika at diskursong Tagalog. Nagtagumpay na ang kudeta ni Balagtas. At hindi na ito dapat tawagin pang kudeta bagkus himagsikang Tagalog, at himagsikang pampanitikang ikararangal ng buong Katagalugan—alinsunod sa konsepto ng Katipunan.

Edit, Editing, Editor (Unang Bahagi)

(Noong 28 Nobyembre 2007, naanyayahan akong magbigay ng panayam sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman hinggil sa editing. Hindi ko matanggihan si Dr. Galileo Zafra, na iginagalang kong kritiko at istoryador ng panitikan. Heto ang panimulang bahagi ng aking papel. Saka ko na lamang isusunod ang iba pa, dahil mahaba ang artikulo.)

Kathang-isip man o hindi, ang unang propesyonal na editor sa larangan ng panulaang Tagalog, at siyang kinilala ng madla, ay si José de la Cruz, ayon kay Julian Cruz Balmaseda. Itinuring ni Huseng Sisiw, alyas ni De la Cruz, na propesyon ang pagiging editor, kaya sumisingil siya ng isang sisiw sa bawat tao na ibig magpatulong sa kaniyang magsaayos o magtuwid ng mga tula. Mapapansin sa anekdotang ito na itinatakda na noon pa ni Huseng Sisiw ang bawad sa isang editor. At mabuting naipakita niya na may katumbas na halaga ang anumang paghihirap ng editor, hindi lamang upang mapabuti ang akda ng gaya ng makata, bagkus upang matugunan din ang pangangailangang pangkabuhayan ng editor-makata.

Kung babalikan ang kasaysayan ng panitikang Tagalog o ang iba pang panitikang nasusulat sa wikang lalawiganin, Ingles, at Espanyol, mababatid na gumaganap ng malaking papel ang editor sa pagtataguyod ng ating panitikang pambansa. Ang mga editor ng aklat, komiks, magasin, pahayagan, polyeto, at iba pa ang magtatakda ng pamantayan at kumbensiyon sa pagsulat ng mahuhusay ng tula, kuwento, nobela, sanaysay, at kritika. Makikilalang editor bukod sa pagiging manunulat sina Gemino H. Abad, Alejandro G. Abadilla, Teodoro A. Agoncillo, Virgilio S. Almario, Lamberto E. Antonio, Cecilio Apostol, Francisco Arcellana, Liwayway A. Arceo, Julian Cruz Balmaseda, Mike L. Bigornia, Ariel Dim. Borlongan, Jose Y. Dalisay Jr., Gregorio Brillantes, Florentino T. Collantes, A. C. Fabian, Amado V. Hernandez, Nick Joaquin, Jose F. Lacaba, Rogelio G. Mangahas, Clodualdo del Mundo, Bienvenido A. Ramos, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, Alfrredo Navarro Salanga, Lope K. Santos, Jose Garcia Villa, Alfred A. Yuson, at iba pang bantayog ngayon sa panitikan.

Editor ang tagapagsalba o salarin ng isang akda bago pa ito mailathala. Siya ang gabay ng manunulat; at gaya sa basketbol, ang coach na naghahain o nagpapanukala ng mga estratehiya kung paano maihahatid nang epektibo tungo sa mambabasa ang mensahe ng awtor. Sa ilang pagkakataon, ang editor ang kritiko ng manuskrito at ang espesyalista sa isang lárang. Kaya siya rin ang malimit maging kontrapelo ng manunulat na napakakunat tumanggap ng pagkukulang at aminin ang angking katangahan.

Pangunahing tungkulin ng editor ang maging ikalawang mata—na bukod sa angkin ng manunulat—na titingin at sasala nang matindi sa bawat salita o sa kabuuang disenyo ng anumang akda mulang pabalat hanggang pangwakas na pahina. Editor din ang tagapangasiwa sa iba pang tauhan sa produksiyon at paglilimbag, o kung minsan, hanggang paghahanap ng network sa promosyon ng aklat. Ang tagumpay kung gayon ng isang akda ay hindi lamang maipapataw sa balikat ng awtor. Nasa likod palagi ng manunulat ang editor, na malimit lingid sa kaalaman ng madlang mambabasa.

Gayunman, ang editor ang pinakakawawa yatang nilalang sa lárang ng publikasyon. Hindi kinikilala sa Filipinas ang kaniyang uri at galing. Malimit tinitipid, kung hindi man minemenos, ng pabliser ang bayad sa kaniya. May ilang manunulat na nagkakasiya na lamang tumbasan ng ilang bote ng serbesa at samplatitong pulutan ang paghihirap ng editor matapos lumabo ang mga mata nito sa pagbabasa at pagtutuwid ng tekstong namumutiktik sa mali. Kaya naman may ilang nagtangkang magbuo ng kapisanan ng mga editor sa teksbuk nang maitakda ang bayad sa propesyon; ngunit pagkalipas lamang ng ilang buwan ay tila nawalan ng tinig ang pangkat sa kung anong dahilan.

Mahabang usapan ang pangkabuhayang aspekto ng editor, at nangangailangan yaon ng iba pang talakayan. (Wakas ng unang bahagi. Karapatang-ari ni Roberto T. Añonuevo)