Alalay, ni Roberto T. Añonuevo

Alalay

Roberto T. Añonuevo

Nang humangin sa loob ng kaniyang utak, ang ulap ay dumikit sa pader. Pagdaka’y ang pader, na retoke ng mga baság na bote at lastág na tisà, ay naghunos na muralyang iginuhit na banig. Tumitig siya sa hindi ko nakikita, at ang natuklasan ay artsibo ng palasyo at palakol na pawang isinalaysay ng kaniyang mga kamay. Ang mga kamay! Ang kanan ay dumudukal sa hukay; ang kaliwa’y kuyom ang sanlibong panginoon! Pumikit siya, at humiging wari ko sa pandinig ang helikopter at alpabeto ng kalamidad. Ngunit sumisilang siyang tápis ng takúpis, sapagkat hindi man niya aminin, siya ang bahagsúbay ng silakbo at kamalayan. Siya ang akto ng pagguhit ngunit hindi kailanman ipagmamalaking siya ang gumuhit. Siya ang aking binabantayan, ngunit ang tingin marahil niya sa akin ay estatwang kumikinang, parang batong nakausli sa gulod na ang gilid ay tinampukan ng mga asul na baláy, sirkito ng mga lingam, at isang marmol na monasteryong nabubuntis sa mga panikì: pundí ang guniguní. Sumakay siya sa ulap at ito ang aking kutob. Lumulutang siya, at habang umuulan ng mga siyap sa bakuran, bumabahâ sa aking kalooban, waring sinasabing makipaghuntahan sa walang katapusang aklatan, na kinaroroonan ng kaniyang pangalan at kapiling ang mga lihim na salita sa sarkopago—na sikapin man ay tiyak kong tatanggí na maunawàan.

Alimbúkad: Poetry without tags. Photo by Rohan Shahi on Pexels.com

Anos

Matutunghayan isang araw na tumatawid ka sa lansangan ng apoy at guho. Ang palasyo na tinutuluyan mo’y alaala na lamang ng abo at usok. Naubos ang mga punongkahoy at halaman sa bakuran. Humilig kung hindi man tumumba ang mga poste at pader. Nagsisilikas ang iyong mga kaanak at kapitbahay, at nag-uunahan sa pagsakay sa trak, dyip, o kalabaw. Humuhugong ang sirena, at ang panganib ay lumulukob na parang kawan ng ilahas na paniki. Maglalakad ka na waring may hinahanap. Kakabahan ka sa sinapit ng kapatid. Lilingon ka nang paulit-ulit, at pilit na isinasahinagap ang rimarim at kaguluhan. Lilinga ka sa kanan, at pagkaraan sa kaliwa, at kung may diwata kang ninang ay naisip mo marahil na ililigtas ka ng mahiwagang karwahe. Wala kang baon, at umaasa na lamang na magpapaulan ng tinapay ang kung sinong Maykapal. Maya-maya’y masasalubong mo ang isang gusgusing hukluban, at nang magtagpo ang inyong paningin ay ano’t tila binabati ka ng “Maligayang kaarawan!” Hindi mo matandaan kung saan mo nakita ang matanda, at magtataka sa kaniyang winika, at aakalain mong napagkamalan ka lamang na kakilala o kaibigan. Iiling ka na lamang, at mapapabuntong-hininga. Lalakad ka pa nang lalakad na waring walang katapusan. Pagkalipas ng ilang taon, at ganap ka nang tigulang, matutuklasan mo ang sarili kung bakit kailangang itindig ang tahanan o pamayanan; o kung bakit dapat manalig sa taimtim na pagmamahal.

[“Ános,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 11 Nobyembre 2010.]

"Paglikas sa nayon," pintura ni G.N. Gruzinsky

"Paglikas sa nayon," pintura ni G.N. Gruzinsky. Dominyo ng publiko.