Alamat ng Mambukal

Alamat ng Mambukál

Hango sa isang kuwentong-bayan ng Hiligaynon mulang Negros Occidental, at muling isinalaysay sa malikhaing paraan ni Roberto T. Añonuevo.

Nalimutan na ng mga tao ang aking pagmamahal.

Mahabang panahon na ang nakalilipas, tanging mga tagakaitasan ang namumuhay nang tahimik sa Mambukál. Malayà silang nakapagtatanim sa matatabang lupain; at sagána sa maiilap na hayop na maaaring kainin ang gubat. Gayunman, wala noong ilog o sapa na pawang mapagkukunan ng tubig, at mabuti na lámang at mapagpalà ang bathalang si Kanlaon. Bumubúhos ang ulan upang tighawin sa uhaw ang mga lupang nilinang—ang mga lupang nagbibigay sa mga tao ng mga gulay, halamang-gamot, bunga, butil, at higit sa lahat, matitigas na kahoy na maaaring gamitin sa pagtatayo ng bahay o kamalig.

Tumitingala ang mga tao sa kalangitan, at malimit nagdarasal upang humingi ng ulan kay Kanlaon. Ulan ang kanilang kaligtasan: ang tubig mula sa mga ulap, at hatid ng simoy, at nagpapalà sa mga tagalupà.

Ngunit may katapusan ang lahat. Mahigit dalawang tag-ulan na hindi bumuhos ang ulan at ni hindi umambon. Nangaluntoy ang mga halaman, at nagliyab ang mga tuyot na kahuyan. Namatay sa uhaw ang mga hayop, at ang mga tao’y kinakailangan pang magtungo sa malayong pook upang sumalok ng tubig sa mga lihim na balón. Gumapang ang tagsalát sa buong Mambukál, at kahit na magdasal nang magdasal ang mga tao’y tila bingi ang bathala sa mga pinailanglang na panalangin.

Gaya ng kinaugalian, ginanap ang pinait sa Mambukál. Nagtipon ang matatanda’t umusal ng kung anong mahiwagang dasal. Isang babaylan na waring sinapian ng ibon ang tumula ng kung anong kababalaghan. Pagkaraan, nagkatinginan ang mga saksi at ipinangako nila na mag-aalay sila ng isang dalaga na paulit-ulit mag-aalaga ng apoy sa paanan ng bundok. “Mahal naming Kanlaon,” anila, “tuparin mo lámang ang aming hiling ay hindi namin kailanman lilimutin ang paghahandog sa iyo!” Oo, inihandog nila kay Kanlaon ang isang dalaga. At ang dalagang iyon, na tinawag na Kudyapâ, ay walang iba kundi ako.

Ako, si Kudyapâ, ay taimtim na sumunod sa ipinag-uutos ng matatanda sa aming pook. Mahal ko ang aking kababayan, at ayaw kong biguin sila sa kanilang mithi. Ibinigay ko ang sarili para kay Kanlaon. At mula nga noon, kataka-takang nagsimulang bumuhos muli ang masaganang ulan. Muling sumigla ang mga pananim sa kabundukan, nanumbalik ang lakás at tuwâ sa anyo ng mga tao’t hayop, at nakaraos sa mahabang tagtuyot ang Mambukál.

Natuwa ang aking mga kababayan sa pagpapalà ni Kanlaon. Natuwa rin ako, bakit hindi? Naunawaan ko, bagaman hindi ganap, kung bakit sa isang dalagang tulad ko ay matitighaw ang uhaw ng aming mga lupain. Ano ang nakitang katangian ni Kanlaon sa akin? Maaaring maganda ako, gaya ng ibang babae, o dalisay ang puso na bibihirang matagpuan sa kabataang kasinggulang ko. Ang ipinagtataka ko’y bakit ako ang naibigan ni Kanlaon? Hindi kayâ nagkataon lámang ang lahat? Maaari namang matanda o sanggol o binata ang ihandog kay Kanlaon. Ngunit ako? Marami pa akong tanong sa sarili. Gayunman, ang pagiging tapat at pagsunod sa nakatatanda ang katangiang naisaloob ng sinumang kabahagi ng aming lipi.

Hindi ko binigo ang aking mga kababayan.

Nagtutungo ako tuwing umaga sa dambanang nakatirik sa paanan ng bundok upang mag-alay ng mga bulaklak kay Kanlaon. Pinagbuti ko rin ang pag-aalaga ng apoy na sagisag ng aming pananampalataya kay bathala. Lumipas ang mga araw at buwan ay lalo kong pinagbuti ang paghahandog sa aming panginoon.

Sa isang di-inaasahang pagkakataon, nagawi sa dambana ang makisig na lalaking buhat sa pangangaso. Tumitig ang binata sa akin, at hindi maintindihan kung bakit ang kaniyang mga mata’y tila naglalagos sa aking kalooban. Kinabahan ako, at mabilis akong tumalilis sa dambana upang lumayo sa lalaking sa wari ko’y kaakit-akit, kaibig-ibig.

Nang magbalik ako kinabukasan sa dambana, muli na namang nagtagpo kami. Lumapit ang lalaki sa akin at nagpakilala, at pagkaraan ay napaamò niya ako sa pamamagitan ng kaniyang malalamyos na tinig at nakakikilig na titig. Sinamahan niya ako sa pag-aalay ng bulaklak, at kahit siya’y nag-alay din ng bagong huling baboy-damo. Kapuwa kami nagdasal, pagdarasal na lalong nagpalapit sa amin sa isa’t isa.

Nagtataka ang aking mga kamag-anak dahil lalong sumigla ang aking pag-aalay sa dambana habang lumalaon. Naniwala silang dininig ni Kanlaon ang aking mga panalangin, dahil malimit umambon o pumatak ang ulan. Lumungti’t yumabong ang mga halaman at punongkahoy sa aming paligid, at naging masagana sa pagkain o inumin ang mga tao. Ang hindi alam ng aking mga kababayan, palihim kaming nagtatagpo ng lalaking mangangaso. Aaminin ko, nahulog ang aking loob sa kaniya. Na tumibok ng pag-ibig ang aking dibdib. Na minahal ko ang lalaking kakaiba sa aming lipi.

Dumating ang sandaling pinangangambahan ko.

“Kudyapâ,” pabulong na winika sa akin ng aking kasintahan, “sumama ka sa akin. Magtanan tayo. Ibig kong ikaw ang mapangasawa ko!”

Tila may kumuliling sa aking pandinig. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Narito ang lalaking dalisay na naghahandog ng kaniyang pag-ibig sa akin. Nahati ang aking isip sa paghahandog ng bulaklak at pag-aalaga ng apoy para kay Kanlaon, at sa lalaking naghahain ng kaniyang sarili para sa isang pangarap na kaaya-aya.

Paano ko siya matatanggihan? Higit sa pagkagayuma ang aking nadama. Pinisil niya ang aking mga palad, at tinugon ko siya sa pamamagitan ng mahigpit na yakap. Nang papalabas na kami sa dambana’y biglang yumanig ang lupa. Lumindol nang napakalakas, nangabuwal ang matatangkad na punongkahoy, gumuho ang mga lupa, at habang kami’y tumatakbo upang tumakas ay gumuhit ang matatalim na kidlat sa may dagim na kalangitan. Kumulog nang kumulog, kasabay ng pagsuka ng usok ng lupain, at maya-maya pa’y umihip ang hanging umaalimpuyo na waring nagbabadya ng kapahamakan.

Kinabahan ako.

Nagalit marahil si Kanlaon, at ang pagtalikod ko sa panata’y ibinubunyag ngayon ng nagngangalit na kalikasan. Tinawag ko ang aking kasintahan ngunit ang kataka-taka’y ni walang lumabas na tinig sa aking lalamunan. Napípi ako. Sinubok kong tumakbo, subalit nanigas ang aking mga binti, at wari’y naghunos na mapuputing bato ang aking talampakan.

Walang ano-ano’y naramdaman kong nagpapalit ng anyo ang aking katawan. Pinilit kong abutin ang bisig ng aking minamahal ngunit ako’y unti-unting nalusaw sa kung anong dahilan. Nagsatubig ang aking katauhan, ang tubig na inaasam ng aking kababayan, ang tubig na hinihingi ng lahat upang mabuhay. Ang aking kayumangging balát, ang aking itim na buhok, ang aking balingkinitang katawan, ang aking damit, at ang lahat ng aking niloloob ay naging tubig. Tubig! Tubig! Tubig! Paanong nangyari ito? Wala akong maisagot at marahil, si Kanlaon lámang ang makapaglilinaw ng lahat.

Tinawag ako ng aking kasintahan. Sinikap niyang abutin ako, ako na nagsatubig, ngunit nabigo siya. “Kudyapâ! Kudyapâ!” sigaw niyang may bahid ng pighati. Di nagtagal ay nagsalimbayang muli ang kidlat at kulog, at nabanaagan ko na hindi makakilos ang aking mahal. Naramdaman ko ang poot ni Kanlaon, gaya sa digmaan ng magkaibang lipi, ang poot na mahiwagang nagpabago ng anyo ng aking kasintahan. Nagulat na lámang ako nang maging bato ang aking iniibig.

Mapagpalà pa rin si Kanlaon. Hindi naman kami pinaghiwalay nang ganap ng tadhana. Ang aking kasintahan na nagsabato ay patuloy na dinadaluyan ng sariwang tubig upang ipahiwatig kahit paano na mahal, mahal na mahal ko siya.

Tuwing may mga dayo o turistang napagagawi rito sa Mambukál, hinahangaan nila ang anyo kong naging mga talón, na patuloy na nagbibigay ng sariwa’t malamig na tubig. Napapansin din nila ang isang malaking bato, ang bato na siyang kasintahan ko. Ngunit higit nilang ibig magtampisaw sa gilid ng baybay, o lumusong at maligo. Nalimot na nila ang salaysay ng aking pag-ibig, ituring man ang lahat na kathang-isip, gaya nito.

Advertisements

Sigwa sa Pulo

Kumikirot ang mga talampakan ng magkapatid na Rodrigo at Gerardo sa paglalakad sa gilid ng dalampasigan. Sinuyod nila ang buhanginan at batuhan upang makapag-ipon ng mga tulya, kapis, tirik, at tahong na ipinadpad ng mga alon. Tumindi ang sikat ng araw, at kumati ang tubig na tila ayaw nang magbalik sa pulo.

Namatahan ng magkapatid ang balsang nakapadpad sa putikan. Nakabalatay sa balsa ang ar-arosip at sakay ang tuyong palapa. Nagmadali sina Rodrido at Gerardo na magtungo roon, ngunit nagulantang sa nakita: isang lalaking may kaliskis at buntot-isda ang nakahandusay sa namumuting korales, habang panakip wari sa kabaong ang balsa.

Napako sa pagkakatayo si Rodrigo. Ngunit si Gerardo’y hindi nasindak bagkus napahalakhak. Niyakag ni Gerardo si Rodrigo sa lalaking-isda. Kumikinang sa sikat ng araw ang mga kaliskis ng lalaking-isda at nasilaw ang magkapatid sa nasaksihan. Ilang sandali pa, ang pagkamangha ng magkapatid ay nawala at parang ordinaryong bangus lamang ang nakita.

Hindi tumitinag ang lalaking-isda. Habang tumitindi ang sikat ng araw ay lalong kumikinang ang mga kaliskis na waring diyamante. Ibig sanang basagin ni Gerardo ang ulo ng lalaking-isda sa pamamagitan ng pagbagsak ng malaking bato ngunit mabilis siyang pinigil ni Rodrigo. “Huwag, kuya,” aniya, “huwag mo nang patayin ang patay na!”

Nagtalo ang dalawa kung ano ang gagawin sa natagpuan. Nagugutom na si Gerardo at naisip niyang biyakin, sa anumang paraan, ang kalahating katawan ng lalaki. Pero hindi naman niya malaman kung saan at paano ililibing ang kalahating katawan ng tao. Kapag nagkataon, ngayon lamang sila makatitikim ng isdang sinlaki ng lumba-lumba; ngunit may panganib ding pagbintangan silang salarin ng kung anong uri ng bibihirang lamandagat.

Tinawag nina Rodrigo at Gerardo ang mga magulang na sina Josefa at Luis. Nagtaka ang mag-asawa kung ano itong nilalang na nakita nila. Baka isang halimaw ito na kumakain ng bata, ani Josefa. A, hindi, baka naman isang siyokoy ito, singit ni Luis. Subalit wala siyang natatandaang kuwento ng matatanda na may siyokoy na guwapo’t makisig ang kalahating katawan, samantalang parang sa bangus ang balakang pababa sa talampakan.

Sinipa ni Gerardo ang mukha ng lalaking-isda. Hindi iyon nagsalita at tumulo lamang sa gilid ng bibig ang malansang laway. Sinundot-sundot ng patpat ni Rodrigo ang katawan ng lalaking-isda, at inusisa kung totoo o huwad ang katawan ng lalaki. Sinabuyan naman ni Josefa ng buhangin ang mga kaliskis, na tila nagtataboy ng masasamang espiritu. Sa huli, nagpasiya si Luis na pasanin nilang mag-asawa ang walang-malay na lalaking-isda at ilagak doon sa silong ng kanilang bahay.

NATAKOT ANG MAGKAPATID na Gerardo at Rodrigo baka pagmultuhan sila ng lalaking isda. At kung magsing iyon, baka kumalat ang lagim sa bahay, saka mabulabog ang buong baryo. Kinagabihan, pumuslit ang dalawa sa kanilang silid upang silipin ang nilalang. Akala nila’y nakakikilos na ang lalaking-ida ngunit muli silang nabigo dahil parang tuod lamang iyon. Pagdaka, sinubok duraan at ihian ni Gerardo ang mukha ng lalaking-isda.

Bumukad ang paningin, ang lalaking-isda ay suminghap-singhap na tila uhaw na uhaw. Nang mapansin ito ni Rodrigo, kinuha niya ang isang baldeng tubig sa batalan, at ibinuhos sa lalaking-isda. Ilang sandali pa’y kumisay-kisay iyon, saka nagsalita sa kakaibang wikang ngayon lamang nila narinig.

Nagsitakbo ang magkapatid, at nagsisigaw, at tinawag ang kanilang mga magulang. Ngunit nang dumating sina Josefa at Luis ay natagpuan nilang himbing na himbing ang nilalang. Tumanggap pagkaraan ng kurot at palo ang magkapatid, at sinabihang manahimik nang hindi makapukaw ng pansin sa mga kapitbahay.

Kinabukasan ay sinikap ng magkapatid na alagaan ang kanilang huli. Hindi kumakain ang lalaking-isda kahit minsang pagtangkaang subuan ng magkapatid sa pamamagitan ng patpat na may kapirasong saging na saba sa dulo. Parang baka lamang itong uunga-unga. Higit silang nabalisa dahil ang lansa nito ay waring kumakapit sa kanilang damit, o sa haligi’t dingding na pawid.

Makalipas ang isang linggo, umalingasaw ang amoy ng lalaking-isda. Nayamot ang mga kapitbahay, at inusisa ang baho sa bahay ng mag-asawang Luis. Nang mabatid ng kapitbahayan na may lalaking-isda sa silong ng mag-asawa, nagkulumpon sila sa paligid ng silong at sumilip sa mga butas ng sawali na parang nanonood ng karnabal.

Isang lola ang naghakang baka nagkatawang tao ang isda upang maghiganti laban sa polusyong dulot ng tao. Hindi, sagot ng binatang pilay; baka may gamot siya sa karamdaman ng sinumang imbalido. Sumabat ang Kapitan del Baryo at nang-usig na baka tangkang sakupin ng lipi ng lalaking-isda ang buong pulo at gawing alipin ang mga tao. May mga batang walang tigil sa kabubungisngis, at tila nakatuklas ng laruang malaki pa sa kanila. Dumating ang pastor at nagsabing kampon ng halimaw ang lalaking-isda; at idinagdag pang malapit na ang paghuhukom sa mga makasalanan. Humaba nang humaba ang usapan hanggang magtalo-talo ang mga nag-uusyoso kung ano ang gagawin nila ukol dito.

Gayunman, hindi umimik ang lalaking-isda, at humikab lamang na tila inaantok sanhi ng bigat ng kalooban

Kumalat ang balita sa buong baryo hinggil sa lalaking-isda. May dumadayong pangkat sa bahay ng mag-anak na Luis. Hindi naman magkandaugaga sina Rodrigo at Gerardo sa pakikiharap, at kung ano ang itutugon sa sangkaterbang tanong ng mga bisita. Bagaman naiinis ang magkapatid, lumuwag kahit paano ang kanilang loob dahil maraming salapi at pagkain ang iniaabot ang mga tao. Hindi naglaon, nakaipon ng yaman ang mag-anak mula sa samot-saring bigay ng mga panauhin. Nagkaroon ng sapat na yaman ang pamilya at umupa ng katulong na magbubuhos ng tubig sa lalaking-isda at maglilinis ng silong.

Habang lumalaon, higit na lumalansa ang lalaking-isda. Pag nasisikatan ng araw ang lalaking-isda, nakasisilaw ang mga kaliskis nito at natakot ang mga manonood na kung magpapatuloy ito, baka tuluyang lumabo ang kanilang paningin. Isang araw, nagtulong-tulong ang mga tao na humukay ng munting balon, pinuno iyon ng tubig, at doon inilagak ang lalaking-isda na nasisilungan ng bubong.

Hindi umiimik ang lalaking-isda ngunit mahigpit niyang minamasdan ang nakapaligid sa kaniya. Napangiwi siya sa sari-saring mata ng mga tao na para bang tinitimbang ang kaniyang kalagayan. Nagtukop siya ng tainga laban sa mga tawanan at uyam ng mga bata. Ngunit ang higit na nakatigatig sa kaniya ay kung may naglalakas-loob na haplusin siya na waring siya ang magiging tagapagligtas ng buong sangkatauhan. Bawat haplos wari niya ay gumuguhit ang hapdi, at ito ang hindi niya maunawaan.

BUMUHOS ANG ULAN-BANAK, at namuo ang balaklaot sa panginorin. Dumating ang gabing bumaha kasabay ng taog. Ang balon na kinalalagyan ng lalaking-isda ay sinalpok ng malalaking alon. Samantala’y umabot hanggang ikalawang palapag ng bagong tayong bahay ng pamilyang Luis ang tubig. Hindi malaman nina Gerardo at Rodrido kung ano ang gagawin nila sa mga kasangkapang lumubog sa baha. At si Josefa’y walang patid sa kadadasal upang maligtas sila sa bagyong nagbabadyang wasakin ang kabuhayan nila.

Nagsilikas na sa bakood ang mga mamamayang naninirahan sa gilid ng dalampasigan.

Nang sandaling iyon, ang malalaking patak ng ulan ay mistulang gamot na nagpahilom sa kirot sa mga kaliskis at laman-loob ng lalaking-isda. Napasigaw ang lalaking-isda nang tumaas ang tubig. Humiyaw siya na waring hukbo ng mga kawal na nagmamartsa pabalik sa lupang sinilangan. At kumawag siya, marahan hanggang pabilis nang pabilis, animo’y iyon na ang huling paglangoy niya patungo sa malawak na karagatan.

Napansin iyon nina Gerardo at Rodrigo na nakadukwang sa bintanang maaabot na ng baha. Nalimutan nila ang ang kanilang mga basang damit, ang bigas na dapat sana’y ililikas nila sa mas mataas na puwesto, at ang pasigaw na utos ng kanilang mga magulang. Hindi nakapagsalita ang magkapatid. Ang patak ng ulang tumatama sa kanilang mukha ay mahapdi at lumalatay. Lumingon ang lalaking-isda at umungol sa magkapatid, na parang dambuhalang nakatakas sa bilangguang yungib.

Pagdaka’y lumapit ang lalaking-isda sa tabi ng bahay ng mag-anak. Umatungal siya, at itinulak ang bangkang nakataob patungo sa kinalalagyan nina Gerardo at Rodrido. Napasigaw si Josefa nang sumilip sa bintana. Nasindak si Luis at napamulagat. Naiwan ang bangka na nasalalak sa gilid ng bahay, saka mabilis na lumangoy palayo ang lalaking-isda. Kumawag siya nang buong sigla, palundag na lilitaw at lulubog, na waring sinasabayan ang hugong at elektrisidad ng mga alon.

Alamat ng Karagatan

Nainip sa ilalim ng karagatan si Amansinaya, ang bathala ng tubigan, noong musmos pa ang daigdig. Wala siyang makitang kaaya-aya, kundi ang malalamig na bato sa pusod ng dagat; o ang mapuputing buhangin sa gilid ng pasigan. Wala siyang makausap, at nayamot siya sa paglipas ng mga araw. Umulan man at umaraw, ang kaniyang kapangyarihan ay nanatiling nakapaloob sa tubigan. Tubig, tubig, tubig ang kaniyang kapangyarihan at ang malimit niyang bukambibig.

Ngunit ano ang silbi ng kapangyarihan kung siya lamang—si Amansinaya—ang nakababatid? Kailangang subukin niya ang hanggahan ng kaniyang lakas, talino, at loob. Kailangan niyang ilabas ang kapangyarihan sa loob ng kaniyang katauhan. Nag-isip siya ng mga paraan, at nilibot niya ang kaniyang nasasakupan: ilog, lawa, tangway, dagat, at iba pang malalalim na guwang ng lupang nagsilbing imbakan ng tubig-ulan.

Napansin siya ni Araw at nagwikang, “Kay-lungkot mo naman, kaibigan, nag-iisa ka riyan at tila walang kabuluhan!”

Nagpanting ang tainga ni Amansinaya. Walang sinuman ang nakauuyam sa kaniya noong una pa man. “Ipakikita ko sa iyo ang aking kapangyarihan,” mabilis na sambit ni Amansinaya kay Araw. Sumigaw nang malakas si Amansinaya at ang kaniyang sigaw na umalingawngaw ay nagpaalimbukay ng mga alon. Lumitaw ang matitinding daluyong na nagpabaha sa mga baybayin at nagpalubog ng ilang pulo. Paulit-ulit na sumigaw si Amansinaya at nagdulot iyon ng dambuhalang ipuipo sa laot. Pagdaka’y umahon sa tubigan ang marahas na buhawi na pumuwing sa mabibilog na mata ni Araw.

Nagulantang si Araw. Humingi siya ng paumanhin kay Amansinaya. Mula noon, ang kinaugaliang-anyo ni Araw ay tila umaahon siya sa silangang dagat tuwing umaga, at lumulubog naman sa malalim na kanlurang dagat tuwing dapithapon. Paulit-ulit ginagawa yaon ni Araw ayon sa takdang panahon upang ipagunita sa sinumang makasasaksi ang anyo ng nagkakasundong tubig at liwanag.  Hindi na muling biniro ni Araw si Amansinaya. At hindi na rin kinayamutan ni Amansinaya si Araw.

Gayon man ay hindi pa rin nasiyahan si Amansinaya. Sa ibabaw ng kaniyang mga palad, nilikha niya ang dalawang saray ng tubig sa karagatan. Ang kaliwang kamay niya ang nagpabukal ng ibabang saray: malamig, mabigat, at hindi kayang arukin ng liwanag. Samantalang ang kanang kamay ay nagpabukal ng itaas na saray: mainit-init, magaan, at yaon lamang ang hanggahan na kayang abutin ng sinag ng araw. Hindi kailanman naghahalo ang dalawang uri ng tubig. Isang paalala rin iyon na hindi kailanman mababatid o maaarok ng sinag ng araw ang hiwaga ng tubigan. Kung ibig ni Amansinaya na matulog ay darako siya sa ibabang saray. At kung ibig magpaaraw ay tutungo sa itaas na saray. Gayon ang paulit-ulit niyang ginagawa sa paglipas ng panahon.

Napansin ni Ulap ang gawi ni Amansinaya. Si Ulap, na nag-iingat ng maraming abram at bangang puno ng asin, ay biniro ang bathala ng tubigan. “Kaya kong sakupin ang pook mo!” pahaging ni Ulap. Maya-maya’y nagdilim ang paligid. Mabilis na bumaba si Ulap at nagkunwaring sasakupin nga ang lunan ni Amansinaya. Bumalikwas si Amansinaya na naniwalang tototohanin ni Ulap ang banta. Biglang pumalakpak si Amansinaya nang napakalakas at nagdulot iyon upang umalimbukay ang mga alon. Sinalpok ng mga alon ang katawan ni Ulap; at nayanig at nagbagsakan ang mga abram at bangang nakapatong sa kaniyang ulo. Nabigla si Ulap; at hindi niya napigilan ang  pagtapon ng napakaraming asin sa karagatan, at yaon ang simula kung bakit umalat ang mga dagat sa daigdig. Natakot na rin si Ulap na muling biruin si Amansinaya.

Pagkaraan niyon, lumikha ng sariling pamantayan si Amansinaya sa loob ng kaniyang sarili: ang pamantayan na kakaiba sa pamantayan ng iba pang bathala ng kalawakan. Binunot niya ang ilang hibla ng kaniyang buhok at ipinukol sa karagatan. Ang mga buhok ay kahanga-hangang naghunos na makukulay na damong-dagat, pagang, at halamang-tubig. Bumunot ng balahibo si Amansinaya sa kaniyang bisig at dibdib; at ang mga balahibo-nang ihagis niya sa dalampasigan-ay naghunos na matitigas na bakawan. Dumami nang dumami ang kaniyang likha, at naibigan niya ang nasaksihan.

Patuloy na nag-isip si Amansinaya hinggil sa susunod na hakbang. Nakapangalumbaba siya habang nagbubulay; at nakatitig man siya sa malayo’y ni walang ibang nakikita kundi ang kawalan. Magdamag niyang binalangkas ang susunod na hakbang. Ngunit walang pumasok sa kaniyang noo. Sa labis na kaiisip ay kumalam ang kaniyang sikmura. Kumalam nang kumalam ang sikmura ng bathala. Di-kawasa’y naramdaman niyang tila lalong tumindi ang kaniyang kapangyarihan at sasabog ang kaniyang tiyan. Iniluwa ni Amansinaya ang laman ng kaniyang tiyan; at ang anumang bagay na lumabas sa kaniyang bibig ay naging isda, balilan, at page. Nabuo ang pating, buwaya, at pagong. Kumislot ang alimango, hipon, at salabay. Sumuka nang sumuka si Amansinaya at nabuhay ang kabibe, palos, at dugong. Dumami nang dumami ang lamandagat, at walang ano-ano’y naglaho ang paghilab ng tiyan niya. Natuwa si Amansinaya sa naganap. Bagaman waring nagasgas ang kaniyang lalamunan, ilong, gilagid, at dila ay hindi niya inalintana ang gayong karanasan. Gumaan ang pakiramdam ni Amansinaya sa unang pagkakataon, at iyon ang kaniyang higit na kinalugdan.

Nilibot ni Amansinaya ang kaniyang nasasakupan. Sumakay siya sa mga alon, at nakita niya mula sa malayo ang ilang tao doon sa gilid ng dalampasigan. Tinitigan niya ang kanilang hulagway, ang hulagway na tila nag-iisip nang malalim doon sa hiwaga ng karagatan. May pumitlag na pagmamahal sa dibdib ng bathala. Walang ano-ano’y pinaahon niya sa dalampasigan ang mga pusit at natuwa ang mga tao. Pinalapit ng bathala sa mga baybayin ang mga isda at lalong natuwa ang mga tao. Natutuhan ng mga tao na iluto at kainin ang bigay ng mapagpalang mga agos. Hindi na sila nagutom nang panahong iyon. Mula noon, kinilala nila ang angking kapangyarihan ni Amansinaya at ang lahat ng kaniyang likhang nananahan sa tubigan.

Ngunit dumating ang panahong naging tamad ang mga tao. Hindi nila pinahalagahan ang mga ilog, lawa, at dagat. Binalewala rin nila ang maylikha ng mga lamandagat. Hindi nagtagal, nagalit si Amansinaya sa mga tao at tiniyak na kailangan munang magpawis ang sinumang mangingisda at magdaragat bago makatikim ng kaniyang mga likha. Dumanas ng taggutom ang mga tao nang dumating ang di-inaasahang mga bagyo at mahahabang tag-araw. At ang mga tao, natauhan sila sa kanilang maling asal at nagbalik-loob sa bathala ng tubigan.

Mula noon, nagsikap at natuto ang mga mangingisda at magdaragat na sumakay sa mga alon samantalang ginagamit ang palatandaan ng mga bituin, simoy, at agos  sa paglalayag; nagpakadalubhasa sa paglutang, paglangoy, o pagsisid sa tubigan gaya ng ibang lamandagat. Tinangka rin nilang bumuo ng kani-kanilang bangka, balangay, at benawa; tinuklas ang paghahayuma ng lambat at ang bisa ng kawil o pana; at pinag-aralan ang paggawa ng gaya ng salakab, baklad, at palaisdaan. Nakabuo ang mga tao ng mga pananalig habang pinagpupugayan si Amansinaya. Lumikha ng mga tula o awit ang mga magdaragat at mangingisda; at pinarangalan ang nagbibigay sa kanila ng ginhawa habang nabubuhay. Iginalang nila at pinangalagaan ang tubigan; at itinuturing na ang kanilang mga buhay ay kaugnay ng buhay ng tubigan.

Umapaw nang umapaw ang kaligayahan sa puso ni Amansinaya sa nasaksihan. At itinakda niya nang sandaling yaon ang pantay-dagat sa buong daigdig upang maging batayan sa pag-iral ng sangkatauhan.

Hudhud ng makabagong Ifugaw

Isa sa mahahalagang aklat ang Oral Literature of the Ifugao (2005) ni Manuel B. Dulawan, ngunit sa kasamaang-palad ay nalilingid sa kaalaman ng nakararami. Nakapaloob sa naturang aklat ang ugat, kasaysayan, at kaligiran ng Ifugaw, at ipinaliliwanag nito ang sari-saring ritwal tulad sa pagsasaka, pagdarasal, paggalang sa yumao, pagbubuo ng pamayanan, at pagsasaayos ng mga ugnayan ng mga tao sa pananaw ng taal na Ifugaw. Komplementaryo ang nasabing aklat sa maikling artikulong napabilang sa antolohiyang Literature of Voice: Epics in the Philippines (2005) na inedit ni Nicole Revel, at sinulat ni Lourdes Saquing Dulawan.

Bukod sa nabanggit, nakalahok sa aklat ang mga alamat, kuwentong-bayan, mito, awit, at epikong Ifugaw na nasa orihinal na wikang Ifugaw at tinumbasan ng payak na salin sa Ingles. Bagaman maraming maipupuwing sa saling Ingles ay hindi na mahalaga; higit na mahalaga ang maipaabot ang pinagmumulan sa Ifugaw tungo sa kamalayan ng Filipino. Dagdag pa rito, ang salin sa Ingles ay isang hamon na rin upang gumawa ng higit na magandang salin at halaw sa Filipino mula sa orihinal na tekstong Ifugaw ang kasalukuyang henerasyon.

Madaling mauunawaan ang isinasaad ng isang halimbawang kuwento o tula, dahil ang ilang salitang Ifugaw ay kahawig ang ilang salitang Bisaya o sinaunang Tagalog, gaya ng “banug” sa Ifugaw na katumbas ng “agila” (aguila) sa Espanyol at “banug” din ang tawag sa Tagalog, Bikol, at Bisaya. Hindi man regular ang tugma at sukat ng mga taludtod ay mapapansin na may natatanging ritmo ang tula, na patitingkarin ng pambihirang estribilyo sa ilang pagkakataon, upang masubaybayan ng tagapakinig o mambabasa ang daloy ng salaysay.

Mahihinuhang ang unang layon ng aklat ay itala ang tradisyong pabigkas ng Ifugaw, sinupin ang iba’t ibang taal na kaalaman, at itanghal ito sa paraang pinakamagaan. Matalas ang paliwanag ni M.B. Dulawan at laging may kalakip na banggit hinggil sa konteksto at kaligiran ng kaniyang pinapaksang bagay, halimbawa na ang tungkol sa mumbaki (na tila pari) at hongan di page (na serye ng mga seremonya ukol sa pagpapalago ng ipugong palay).

Maihahalimbawa ang “Si Aliguyun at si Bugan” na isa sa mga tanyag na bersiyon ng Hudhud ng Ifugaw. Tumutukoy ang “hudhud” sa anyo at paraan ng pahimig na pagsasalaysay ng Ifugaw na kabilang sa pangkat ng Tuwali. Binibigkas nang patula ang hudhud tuwing tag-ani sa mga payyo (rice terraces); tuwing naglalamay sa tao na namatay nang likas (at hindi pinatay o nagpakamatay); at tuwing may bogwa na ritwal kapag may hinuhukay na bangkay.

Sa bersiyong mula kay Marcela Guminigin na isang munhaw-e (makatang tagapagsalaysay), ang hudhud na “Si Aliguyun at si Bugan” ay umiinog sa pag-iisang dibdib ng dalawang tao na galing sa magkaibang lipi. Anak ni Amtalaw na mula sa Hujbitan si Aliguyun; samantalang si Bugan ang anak na babae ni Pangaiwan ng Gonhadan. Noong bata pa umano si Bugan, nakaligtaan siya ng kaniyang inang abala sa trabaho at dinagit pagkaraan ng mga dambuhalang uwak. Inilagak ng mga ibon si Bugan sa talahiban, at mabuti lamang ay natagpuan siya ni Kullaw na isang matandang naninirahan sa kagubatan. Inampon ni Kullaw si Bugan, at itinuring na sariling apo.

Lumaki si Bugan na isang marikit na dalaga. Isang araw, makakatagpo niya si Aliguyun, na isang mayamang binata mula sa Kiyangan. Manliligaw si Aliguyun at sasapit ang araw na pakakasalan niya ang dilag. Maghahain sila ng uyauy—na ritwal sa kasalan—para sa kanilang lipi. Samantala, makikilala naman ni Guminigin si Aginaya, ang babaeng kapatid ni Aliguyun at mahuhulog ang loob ng lalaki sa dalaga. Makaraan ang pista sa Hujbitan, dudulog si Guminigin at yayaing pakasalan si Aginaya. Papayag naman si Aliguyun at ibibigay ang kaniyang basbas. Magtutungo sina Guminigin at Aginaya sa Gonhadan. Magpapakasal sila, at magbibigay ng uyauy upang ipagdiwang ang kanilang pagsasama.

Ang isa pang bersiyon ng hudhud, na pinamagatang “Hudhud hi Aliguyun,” ay hitik naman sa madudugong bakbakan nina Aliguyun at Pangaiwan na siyang ama ni Bugan. Mababasa ito sa The Epics (2001) na tinipon at pinamatnugutan ng dakilang si Damiana L. Eugenio. Sa naturang bersiyon, ang magkatunggaling pamilya ay nagkabati dahil ang mga anak ng dalawang angkan ay nagpakasal matapos ang matagal na panahong bakbakan ng mga pangunahing tauhan, sampu ng kanilang matatapat na kawal. Nauna ang kuwentong ito sa Romeo and Juliet ni William Shakespeare, at sa klasikong tula at nobelang Tagalog na Ang Lumang Simbahan ni Florentino T. Collantes.

Sa pambungad ng aklat, ikinuwento ni M.B. Dulawan ang isang pangyayari nang dumalaw si Jaime C. Laya noong 1984 sa Kiangan, Ifugaw. “Napakaganda ng kulturang Ifugaw,” sambit ni Laya sa harap ng mga guro mula sa iba’t ibang lalawigan, “tulad ng ipinakikitang kariktan ng inyong mga payyo.” Hinimok pagkaraan niya ang mga guro na “Ituro muna ninyo ang sariling kultura bago ituro ang kultura ng ibang tao.”

Lumikha ng alingasngas, at hindi mabilis na tinanggap ng mga guro, ang mungkahi ni Laya. Ayon na rin kay M.B. Dulawan, ang mga salinlahi ng Ifugaw ay nabilog ang ulo sa pangangaral ng mga Kristiyanong misyonero at sa sistema ng edukasyong kolonyal ang oryentasyon. Ikinahiya wari ng mga Ifugaw ang kanilang kultura at pinagmulan. Dumating ang yugtong kailangang purgahin muna ng henerasyon ng Ifugaw ang sarili upang maangkin muli ang kanilang mayamang ugat. Lilipas pa ang ilang taon bago sisigla ang muling pagtuklas at pagpapalaganap ng kulturang Ifugaw, lalo sa hanay ng mga gurong Ifugaw.

Mahalagang aspekto ng kulturang Ifugaw ang tradisyong pabigkas. Ang tradisyong pabigkas ang nagsisilbing kamalig ng gunita at kasaysayan, ang tulay na nag-uugnay sa magkaibang henerasyon, at ang palihan ng mga tao na paulit-ulit isinasalaysay sa malikhaing guniguni ang kanilang karanasan at pakikipagsapalaran. Isinasalin sa tula, kuwento, at iba pang anyo hindi lamang ang mga salita o titik ng lipi, bagkus maging ang kamalayan at pananaw na marapat angkinin ng isang Ifugaw.

Wala pa akong nakitang lumabas noon sa merkado na may sigasig at lawak ng saliksik gaya ng sa Oral Literature of the Ifugao  ni Manuel B. Dulawan. Bilhin ninyo ito. Sagipin at palaguin pa natin ang naturang kultura, at tulungan natin ang bagong henerasyon na magsilang ng iba pang Manuel B. Dulawan na mahilig magsaliksik, magtala, at magsulat hinggil sa kulturang Ifugaw at iba pang lipi. O kung hindi’y nakatakdang mawala sa ating alaala at hinagap ang isa sa mahahalagang hiyas ng ating bansang minamahal.