Alamat ng Mambukal

Alamat ng Mambukál

Hango sa isang kuwentong-bayan ng Hiligaynon mulang Negros Occidental, at muling isinalaysay sa malikhaing paraan ni Roberto T. Añonuevo.

Nalimutan na ng mga tao ang aking pagmamahal.

Mahabang panahon na ang nakalilipas, tanging mga tagakaitasan ang namumuhay nang tahimik sa Mambukál. Malayà silang nakapagtatanim sa matatabang lupain; at sagána sa maiilap na hayop na maaaring kainin ang gubat. Gayunman, wala noong ilog o sapa na pawang mapagkukunan ng tubig, at mabuti na lámang at mapagpalà ang bathalang si Kanlaon. Bumubúhos ang ulan upang tighawin sa uhaw ang mga lupang nilinang—ang mga lupang nagbibigay sa mga tao ng mga gulay, halamang-gamot, bunga, butil, at higit sa lahat, matitigas na kahoy na maaaring gamitin sa pagtatayo ng bahay o kamalig.

Tumitingala ang mga tao sa kalangitan, at malimit nagdarasal upang humingi ng ulan kay Kanlaon. Ulan ang kanilang kaligtasan: ang tubig mula sa mga ulap, at hatid ng simoy, at nagpapalà sa mga tagalupà.

Ngunit may katapusan ang lahat. Mahigit dalawang tag-ulan na hindi bumuhos ang ulan at ni hindi umambon. Nangaluntoy ang mga halaman, at nagliyab ang mga tuyot na kahuyan. Namatay sa uhaw ang mga hayop, at ang mga tao’y kinakailangan pang magtungo sa malayong pook upang sumalok ng tubig sa mga lihim na balón. Gumapang ang tagsalát sa buong Mambukál, at kahit na magdasal nang magdasal ang mga tao’y tila bingi ang bathala sa mga pinailanglang na panalangin.

Gaya ng kinaugalian, ginanap ang pinait sa Mambukál. Nagtipon ang matatanda’t umusal ng kung anong mahiwagang dasal. Isang babaylan na waring sinapian ng ibon ang tumula ng kung anong kababalaghan. Pagkaraan, nagkatinginan ang mga saksi at ipinangako nila na mag-aalay sila ng isang dalaga na paulit-ulit mag-aalaga ng apoy sa paanan ng bundok. “Mahal naming Kanlaon,” anila, “tuparin mo lámang ang aming hiling ay hindi namin kailanman lilimutin ang paghahandog sa iyo!” Oo, inihandog nila kay Kanlaon ang isang dalaga. At ang dalagang iyon, na tinawag na Kudyapâ, ay walang iba kundi ako.

Ako, si Kudyapâ, ay taimtim na sumunod sa ipinag-uutos ng matatanda sa aming pook. Mahal ko ang aking kababayan, at ayaw kong biguin sila sa kanilang mithi. Ibinigay ko ang sarili para kay Kanlaon. At mula nga noon, kataka-takang nagsimulang bumuhos muli ang masaganang ulan. Muling sumigla ang mga pananim sa kabundukan, nanumbalik ang lakás at tuwâ sa anyo ng mga tao’t hayop, at nakaraos sa mahabang tagtuyot ang Mambukál.

Natuwa ang aking mga kababayan sa pagpapalà ni Kanlaon. Natuwa rin ako, bakit hindi? Naunawaan ko, bagaman hindi ganap, kung bakit sa isang dalagang tulad ko ay matitighaw ang uhaw ng aming mga lupain. Ano ang nakitang katangian ni Kanlaon sa akin? Maaaring maganda ako, gaya ng ibang babae, o dalisay ang puso na bibihirang matagpuan sa kabataang kasinggulang ko. Ang ipinagtataka ko’y bakit ako ang naibigan ni Kanlaon? Hindi kayâ nagkataon lámang ang lahat? Maaari namang matanda o sanggol o binata ang ihandog kay Kanlaon. Ngunit ako? Marami pa akong tanong sa sarili. Gayunman, ang pagiging tapat at pagsunod sa nakatatanda ang katangiang naisaloob ng sinumang kabahagi ng aming lipi.

Hindi ko binigo ang aking mga kababayan.

Nagtutungo ako tuwing umaga sa dambanang nakatirik sa paanan ng bundok upang mag-alay ng mga bulaklak kay Kanlaon. Pinagbuti ko rin ang pag-aalaga ng apoy na sagisag ng aming pananampalataya kay bathala. Lumipas ang mga araw at buwan ay lalo kong pinagbuti ang paghahandog sa aming panginoon.

Sa isang di-inaasahang pagkakataon, nagawi sa dambana ang makisig na lalaking buhat sa pangangaso. Tumitig ang binata sa akin, at hindi maintindihan kung bakit ang kaniyang mga mata’y tila naglalagos sa aking kalooban. Kinabahan ako, at mabilis akong tumalilis sa dambana upang lumayo sa lalaking sa wari ko’y kaakit-akit, kaibig-ibig.

Nang magbalik ako kinabukasan sa dambana, muli na namang nagtagpo kami. Lumapit ang lalaki sa akin at nagpakilala, at pagkaraan ay napaamò niya ako sa pamamagitan ng kaniyang malalamyos na tinig at nakakikilig na titig. Sinamahan niya ako sa pag-aalay ng bulaklak, at kahit siya’y nag-alay din ng bagong huling baboy-damo. Kapuwa kami nagdasal, pagdarasal na lalong nagpalapit sa amin sa isa’t isa.

Nagtataka ang aking mga kamag-anak dahil lalong sumigla ang aking pag-aalay sa dambana habang lumalaon. Naniwala silang dininig ni Kanlaon ang aking mga panalangin, dahil malimit umambon o pumatak ang ulan. Lumungti’t yumabong ang mga halaman at punongkahoy sa aming paligid, at naging masagana sa pagkain o inumin ang mga tao. Ang hindi alam ng aking mga kababayan, palihim kaming nagtatagpo ng lalaking mangangaso. Aaminin ko, nahulog ang aking loob sa kaniya. Na tumibok ng pag-ibig ang aking dibdib. Na minahal ko ang lalaking kakaiba sa aming lipi.

Dumating ang sandaling pinangangambahan ko.

“Kudyapâ,” pabulong na winika sa akin ng aking kasintahan, “sumama ka sa akin. Magtanan tayo. Ibig kong ikaw ang mapangasawa ko!”

Tila may kumuliling sa aking pandinig. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Narito ang lalaking dalisay na naghahandog ng kaniyang pag-ibig sa akin. Nahati ang aking isip sa paghahandog ng bulaklak at pag-aalaga ng apoy para kay Kanlaon, at sa lalaking naghahain ng kaniyang sarili para sa isang pangarap na kaaya-aya.

Paano ko siya matatanggihan? Higit sa pagkagayuma ang aking nadama. Pinisil niya ang aking mga palad, at tinugon ko siya sa pamamagitan ng mahigpit na yakap. Nang papalabas na kami sa dambana’y biglang yumanig ang lupa. Lumindol nang napakalakas, nangabuwal ang matatangkad na punongkahoy, gumuho ang mga lupa, at habang kami’y tumatakbo upang tumakas ay gumuhit ang matatalim na kidlat sa may dagim na kalangitan. Kumulog nang kumulog, kasabay ng pagsuka ng usok ng lupain, at maya-maya pa’y umihip ang hanging umaalimpuyo na waring nagbabadya ng kapahamakan.

Kinabahan ako.

Nagalit marahil si Kanlaon, at ang pagtalikod ko sa panata’y ibinubunyag ngayon ng nagngangalit na kalikasan. Tinawag ko ang aking kasintahan ngunit ang kataka-taka’y ni walang lumabas na tinig sa aking lalamunan. Napípi ako. Sinubok kong tumakbo, subalit nanigas ang aking mga binti, at wari’y naghunos na mapuputing bato ang aking talampakan.

Walang ano-ano’y naramdaman kong nagpapalit ng anyo ang aking katawan. Pinilit kong abutin ang bisig ng aking minamahal ngunit ako’y unti-unting nalusaw sa kung anong dahilan. Nagsatubig ang aking katauhan, ang tubig na inaasam ng aking kababayan, ang tubig na hinihingi ng lahat upang mabuhay. Ang aking kayumangging balát, ang aking itim na buhok, ang aking balingkinitang katawan, ang aking damit, at ang lahat ng aking niloloob ay naging tubig. Tubig! Tubig! Tubig! Paanong nangyari ito? Wala akong maisagot at marahil, si Kanlaon lámang ang makapaglilinaw ng lahat.

Tinawag ako ng aking kasintahan. Sinikap niyang abutin ako, ako na nagsatubig, ngunit nabigo siya. “Kudyapâ! Kudyapâ!” sigaw niyang may bahid ng pighati. Di nagtagal ay nagsalimbayang muli ang kidlat at kulog, at nabanaagan ko na hindi makakilos ang aking mahal. Naramdaman ko ang poot ni Kanlaon, gaya sa digmaan ng magkaibang lipi, ang poot na mahiwagang nagpabago ng anyo ng aking kasintahan. Nagulat na lámang ako nang maging bato ang aking iniibig.

Mapagpalà pa rin si Kanlaon. Hindi naman kami pinaghiwalay nang ganap ng tadhana. Ang aking kasintahan na nagsabato ay patuloy na dinadaluyan ng sariwang tubig upang ipahiwatig kahit paano na mahal, mahal na mahal ko siya.

Tuwing may mga dayo o turistang napagagawi rito sa Mambukál, hinahangaan nila ang anyo kong naging mga talón, na patuloy na nagbibigay ng sariwa’t malamig na tubig. Napapansin din nila ang isang malaking bato, ang bato na siyang kasintahan ko. Ngunit higit nilang ibig magtampisaw sa gilid ng baybay, o lumusong at maligo. Nalimot na nila ang salaysay ng aking pag-ibig, ituring man ang lahat na kathang-isip, gaya nito.

Advertisements

Ang Tiyanak ng Adachigahara

Halaw at salin ng “The Goblin of Adachigahara” mula sa Japanese Fairy Tales (1908) na tinipon ni Yei Theodora Ozaki ng Japan.
Halaw at salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Tiyanak ng Adachigahara

Malawak na kapatagan ang Adachigahara noong unang panahon, doon sa lalawigan ng Mutsu ng Japan. Nililigalig ang nasabing pook ng tiyanak na naghuhunos na huklubang babae. Maraming manlalakbay ang nangaglaho nang pana-panahon, at hindi na muling nabalitaan, at ang matatandang babaeng nasa dapugan kapag gabi, o ang mga dalagitang naghuhugas ng bigas sa bukál tuwing umaga, ay nagbubulungan ukol sa mga kuwento kung paano nahatak ang mga manlalakbay tungo sa baláy ng tiyanak at nilapà, dahil ang tiyanak ay lamán ng tao lámang ang kinakain. Walang sinumang tao ang lumalapit sa engkantadong pook pagsapit ng takipsilim, at ang sinumang dapat dumaan doon ay iniiwasan yaon sa buong maghapon, at binabalaan ang mga manlalakbay hinggil sa nakahihindik na pook.

Isang araw, habang papalubog ang araw, dumating sa kapatagan ang pari. Huli siyang manlalakbay, at ang kaniyang roba ay nagpapahiwatig na isa siyang peregrinong Budistang naglalakad mulang isang santuwaryo tungong ibang santuwaryo upang manalangin at makatanggap ng pagpapalà o humiling na patawarin ang mga kasalanan. Naligaw siya sa daan, at dahil gabi na ay walang nakapagturo sa kaniya hinggil sa dapat patunguhan, o nakapagbabalâ hinggil sa engkatadong pook.

Naglakad siya nang buong araw, at pagod na pagod bukod sa gutóm, at malamig ang gabi, dahil papatapos na ang taglagas, at nabagabag siya kung saang bahay hihimpil at makapagpalipas ng magdamag. Natagpuan niya ang sarili sa gitna ng malawak na kapatagan, at nabigo siyang makatagpo ng anumang labî na tirahan ng mga tao.

Makalipas ang siyam na oras na paglalakbay ay natagpuan rin niya sa wakas ang kulumpon ng mga punongkahoy sa malayo, at sa pagitan ng mga ito’y sumilay ang isang sinag. Napasigaw siya sa galak.

“Tiyak na isang bahay iyon na mapagpapahingahan ko sa magdamag!”

Ipinakò niya ang paningin sa liwanag, at pinilit na humakbang nang mabilis kahit kumikirot ang mga paa, at di-naglaon ay sumapit siya sa munting kuból. Habang papalapit siya’y nakita niya ang gigiray-giray na bahay, ang wasak na kawayang bakod, at ang mga damong gumapang at tumubò sa pagitan ng mga buhô. Ang mga kortinang papel at papel na pinto’y tadtad ng butas, at ang mga haligi ng bahay ay bumalikô sa labis na lumà, at halos hindi na masuhayan ang bubong na kugon. Bukás ang kubol, at sa tanglaw ng lumang tinghoy ay lumitaw ang huklubang babae na humahabi ng tela.

Sumigaw ang peregrino sa labas ng bakod, at nagwika:

“Magandang gabi po, impo! Manlalakbay ako! Naligaw ako, at hindi ko alam ang gagawin, at wala po akong mapagpahingahan. Maawa na po kayo, at payagan akong makapagpalipas ng gabi sa inyong kubol!”

Nang marinig ng matandang babae ang panawagan ay huminto siyang humabi, at tumindig, sakâ nilapitan ang estranghero.

“Kaawa-awang ginoo! Naligaw ka’t inabot ng gabi sa daan. Ngunit wala akong maihahanda sa iyo, dahil wala akong kama, ni maihahain para sa sinumang bisita sa munting kubol na ito!”

“Hindi po mahalaga iyon,” ani pari. “Nais ko lámang sumilong para palipasin ang magdamag, at kahit sa sahig ng kusina ay sapat na para maging tulugan ko. Pagod na pagod na ako sa kalalakad ngayong gabi, at huwag na po akong tanggihan, kung hindi’y matutulog ako sa malamig na lupa!” At sa ganitong paraan siya nagmakaawa sa matanda.

Nagbantulot ang matanda, sakâ nagwika:

“Papayagan kitang matulog dito ngayong gabi. Magtiis sa payak kong bahay; tumuloy ka, at magpaparikit ako ng gatong dahil malamig ang gabi!”

Tuwang-tuwa ang peregrino sa narinig. Tinanggal niya ang sandalyas at pumasok sa kubol. Inilabas ng matanda ang ilang kahoy na panggatong at nagsindi ng apoy, at sinabihan ang panauhin na lumapit at magpainit.

“Gutom ka na marahil dahil sa mahabang paglalakbay,” sabi ng matanda. “Magluluto ako ng hapunan para sa iyo.” Nagtungo siya sa kusina upang magsaing.

Matapos maghapunan ang pari ay umupo ang matandang babae sa dapugan, at naghuntahan sila nang matagal. Naisip ng peregrino na labis siyang mapalad na makilala ang mabait at mapagbigay na matanda. Nang malapit nang maabo ang huling gatong ay muling nanginig sa ginaw ang lalaki, gaya nang siya’y dumating sa kubol.

“Giniginaw ka,” wika ng matanda. “Lalabas muna ako, at maghahanap ng panggatong dahil ubos na ang aking mga kahoy. Dito ka muna, at magbantay ng bahay habang wala ako.”

“Hindi, hindi po!” wika ng peregrino. “Ako na lámang ang maghahanap ng panggatong, dahil matanda na kayo. At di ko lubos maisip na lalabas pa kayo para maghanap ng panggatong para sa akin!”

Umiling ang matanda, sakâ nagwika:

“Manatili ka rito dahil panauhin kita.” Iniwan ng matanda ang peregrino at lumabas ng bahay.

Ilang saglit pa’y nagbalik ang matanda, at winika:

“Huwag kang umalis sa kinauupuan mo, at anuman ang mangyari’y huwag lumapit o sumilip sa likod na silid. Tandaan mo ang aking sinabi!”

“Kung sinabi ninyong huwag akong lumapit sa likurang silid ay makaaasa kayong hindi ko gagawin,” sabi ng pari, na waring natigatig.

Muling lumabas ng bahay ang matanda, at naiwang mag-isa ang pari. Namatay na ang apoy, at ang tanging ilaw ng kubol ay mula sa malamlam na tinghoy. Sa unang pagkakataon ay naramdaman niyang naroon siya sa kakatwang pook, at ang utos ng matanda, na “Anuman ang mangyari’y huwag lumapit o sumilip sa likod na silid!” ay pumukaw sa kaniyang tákot at pagkamausisa.

Ano ba ang naroon sa silid na hindi ibig ipakita sa kaniya ng matanda? Nanatili siya sa kaniyang kinalalagyan dahil ayaw suwayin ang utos ng matanda, ngunit hindi siya nakatiis at hindi napigil ang sariling sumilip sa ipinagbabawal na silid.

Tumindig siya at marahang tinungo ang likod na silid. Ngunit ang gunitang magagalit ang matanda kapag sinuway ito ay nagpabalik sa peregrino sa tabi ng dapugan.

Lumipas ang ilang minuto ngunit hindi pa rin nagbabalik ang matanda, at habang tumatagal ay unti-unti siyang kinikilabutan, at kinutuban siya sa nakahihindik na lihim ng silid sa likuran niya. Kailangan niyang matuklasan ang lihim.

“Hindi niya mababatid na sumilip ako, maliban kung sasabihin ko. Sisilip ako bago siya makabalik,” bulong ng lalaki sa kaniyang sarili.

Tumindig siya dahil matagal ang kaniyang pagkakaupo, at palihim na tinungo ang ipinagbabawal na pook. Nangangatal ang mga kamay niyang tumulak sa pinto, at dumungaw siya nang marahan. Nagulantang siya sa nakita. Ang silid ay hitik sa mga kalansay, at ang dingding at sahig ay tigmak sa dugo ng tao. Sa isang sulok ay may talaksan ng mga bungo ng tao, at sa kabilang sulok ay butuhang bisig, at sa isa pang sulok ay naroon ang tumpok ng mga buto ng binti na nangagkalat sa sahig. Nanginig siya’t nangatal ang pangá, at halos hindi siya makagapang palayo sa lagim na nasaksihan.

“Karima-rimarim!” sigaw niya. “Anong kasuklam-suklam na pook ang narating ko sa aking mga paglalakbay? Tulungan nawa ako ng Buda, o ako’y masasawî. Maaari kayang ang matandang babae ang lamanlupang kumakain ng tao? Kapag nagbalik siya’y ipakikita niya ang tunay na katauhan, at kakainin ako nang buo!”

Pagkawika nito’y nagbalik ang kaniyang lakas, at mabilis niyang kinuha ang salakot at tungkod, at kumaripas ng takbo palabas ng bahay hangga’t káya ng mga paa. Tumakbo siya kahit hatinggabi, at pinilit lumayo sa bahay ng lamanlupa. Hindi pa siya gaanong nakalalayo’y naulinig niya ang tinig na sumisigaw: “Tigil! Tigil!”

Ipinagpatuloy niyang tumakbo nang mabilis, at nagkunwang hindi naririnig ang huklubang babae. Habang tumatakbo siya’y naririnig niya ang mga yabag sa likuran niya na palapit nang palapit, at sa bandang huli’y nasagap niya ang tinig na palakas nang palakas mula sa huklubang babaeng papalapit.

“Huminto ka, masamang lalaki! Bakit ka sumilip sa bawal na silid?”

Di-alintana ng pari ang kaniyang págod at halos lumipad ang kaniyang mga paa sa pagkaripas. Nagpalakas sa kaniya ang kaniyang takot, dahil alam niyang kapag inabutan siya ng tiyanak ay magiging biktima siya nito. Buong lakas ng loob niyang inulit-ulit ang dasal kay Buda:

“Namu Amida Butsu, Namu Amida Butsu!

Humabol sa kaniya ang nakahihindik na huklubang halimaw, na lumilipad ang mga buhok sa pagtakbo, at ang mukha nito’y naghunos na napopoot na demonyo. Tangan niya ang duguang patalim, at sumigaw nang paulit-ulit na “Tumigil ka!”

At nang hindi na makatakbo ang pari ay biglang sumilay ang bukang-liwayway, at walang ano-ano’y naglahong bigla ang lamanlupa. Nabatid ng pari na ang nakatagpo niya’y ang Tiyanak ng Adachigahara, na isang kuwentong malimit niyang marinig ngunit hindi pinaniwalaan. Nadama niyang nakaligtas siya dahil sa tulong ni Buda, na kaniyang pinagdasalan nang taos, at inilabas niya ang kaniyang mālā (o rosaryo), at tumungó habang papasikat ang araw, at taimtim na nagpasalamat. Pagdaka’y ipinagpatuloy niya ang paglalakbay tungo sa ibang nayon, at galak na iniwan ang mahiwagang pook.

Alamat ni Tungkung Langit

Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.

Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.

Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.

Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.

Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.

Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.

Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”

Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.

Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.

Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.

Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.

Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.

“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.

Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.

Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.

Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.

Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”

Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.

Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.

Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.

Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.

Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

[Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray,  at muling isinalaysay ni Roberto T. Añonuevo]

Alamat ng Karagatan

Nainip sa ilalim ng karagatan si Amansinaya, ang bathala ng tubigan, noong musmos pa ang daigdig. Wala siyang makitang kaaya-aya, kundi ang malalamig na bato sa pusod ng dagat; o ang mapuputing buhangin sa gilid ng pasigan. Wala siyang makausap, at nayamot siya sa paglipas ng mga araw. Umulan man at umaraw, ang kaniyang kapangyarihan ay nanatiling nakapaloob sa tubigan. Tubig, tubig, tubig ang kaniyang kapangyarihan at ang malimit niyang bukambibig.

Ngunit ano ang silbi ng kapangyarihan kung siya lamang—si Amansinaya—ang nakababatid? Kailangang subukin niya ang hanggahan ng kaniyang lakas, talino, at loob. Kailangan niyang ilabas ang kapangyarihan sa loob ng kaniyang katauhan. Nag-isip siya ng mga paraan, at nilibot niya ang kaniyang nasasakupan: ilog, lawa, tangway, dagat, at iba pang malalalim na guwang ng lupang nagsilbing imbakan ng tubig-ulan.

Napansin siya ni Araw at nagwikang, “Kay-lungkot mo naman, kaibigan, nag-iisa ka riyan at tila walang kabuluhan!”

Nagpanting ang tainga ni Amansinaya. Walang sinuman ang nakauuyam sa kaniya noong una pa man. “Ipakikita ko sa iyo ang aking kapangyarihan,” mabilis na sambit ni Amansinaya kay Araw. Sumigaw nang malakas si Amansinaya at ang kaniyang sigaw na umalingawngaw ay nagpaalimbukay ng mga alon. Lumitaw ang matitinding daluyong na nagpabaha sa mga baybayin at nagpalubog ng ilang pulo. Paulit-ulit na sumigaw si Amansinaya at nagdulot iyon ng dambuhalang ipuipo sa laot. Pagdaka’y umahon sa tubigan ang marahas na buhawi na pumuwing sa mabibilog na mata ni Araw.

Nagulantang si Araw. Humingi siya ng paumanhin kay Amansinaya. Mula noon, ang kinaugaliang-anyo ni Araw ay tila umaahon siya sa silangang dagat tuwing umaga, at lumulubog naman sa malalim na kanlurang dagat tuwing dapithapon. Paulit-ulit ginagawa yaon ni Araw ayon sa takdang panahon upang ipagunita sa sinumang makasasaksi ang anyo ng nagkakasundong tubig at liwanag.  Hindi na muling biniro ni Araw si Amansinaya. At hindi na rin kinayamutan ni Amansinaya si Araw.

Gayon man ay hindi pa rin nasiyahan si Amansinaya. Sa ibabaw ng kaniyang mga palad, nilikha niya ang dalawang saray ng tubig sa karagatan. Ang kaliwang kamay niya ang nagpabukal ng ibabang saray: malamig, mabigat, at hindi kayang arukin ng liwanag. Samantalang ang kanang kamay ay nagpabukal ng itaas na saray: mainit-init, magaan, at yaon lamang ang hanggahan na kayang abutin ng sinag ng araw. Hindi kailanman naghahalo ang dalawang uri ng tubig. Isang paalala rin iyon na hindi kailanman mababatid o maaarok ng sinag ng araw ang hiwaga ng tubigan. Kung ibig ni Amansinaya na matulog ay darako siya sa ibabang saray. At kung ibig magpaaraw ay tutungo sa itaas na saray. Gayon ang paulit-ulit niyang ginagawa sa paglipas ng panahon.

Napansin ni Ulap ang gawi ni Amansinaya. Si Ulap, na nag-iingat ng maraming abram at bangang puno ng asin, ay biniro ang bathala ng tubigan. “Kaya kong sakupin ang pook mo!” pahaging ni Ulap. Maya-maya’y nagdilim ang paligid. Mabilis na bumaba si Ulap at nagkunwaring sasakupin nga ang lunan ni Amansinaya. Bumalikwas si Amansinaya na naniwalang tototohanin ni Ulap ang banta. Biglang pumalakpak si Amansinaya nang napakalakas at nagdulot iyon upang umalimbukay ang mga alon. Sinalpok ng mga alon ang katawan ni Ulap; at nayanig at nagbagsakan ang mga abram at bangang nakapatong sa kaniyang ulo. Nabigla si Ulap; at hindi niya napigilan ang  pagtapon ng napakaraming asin sa karagatan, at yaon ang simula kung bakit umalat ang mga dagat sa daigdig. Natakot na rin si Ulap na muling biruin si Amansinaya.

Pagkaraan niyon, lumikha ng sariling pamantayan si Amansinaya sa loob ng kaniyang sarili: ang pamantayan na kakaiba sa pamantayan ng iba pang bathala ng kalawakan. Binunot niya ang ilang hibla ng kaniyang buhok at ipinukol sa karagatan. Ang mga buhok ay kahanga-hangang naghunos na makukulay na damong-dagat, pagang, at halamang-tubig. Bumunot ng balahibo si Amansinaya sa kaniyang bisig at dibdib; at ang mga balahibo-nang ihagis niya sa dalampasigan-ay naghunos na matitigas na bakawan. Dumami nang dumami ang kaniyang likha, at naibigan niya ang nasaksihan.

Patuloy na nag-isip si Amansinaya hinggil sa susunod na hakbang. Nakapangalumbaba siya habang nagbubulay; at nakatitig man siya sa malayo’y ni walang ibang nakikita kundi ang kawalan. Magdamag niyang binalangkas ang susunod na hakbang. Ngunit walang pumasok sa kaniyang noo. Sa labis na kaiisip ay kumalam ang kaniyang sikmura. Kumalam nang kumalam ang sikmura ng bathala. Di-kawasa’y naramdaman niyang tila lalong tumindi ang kaniyang kapangyarihan at sasabog ang kaniyang tiyan. Iniluwa ni Amansinaya ang laman ng kaniyang tiyan; at ang anumang bagay na lumabas sa kaniyang bibig ay naging isda, balilan, at page. Nabuo ang pating, buwaya, at pagong. Kumislot ang alimango, hipon, at salabay. Sumuka nang sumuka si Amansinaya at nabuhay ang kabibe, palos, at dugong. Dumami nang dumami ang lamandagat, at walang ano-ano’y naglaho ang paghilab ng tiyan niya. Natuwa si Amansinaya sa naganap. Bagaman waring nagasgas ang kaniyang lalamunan, ilong, gilagid, at dila ay hindi niya inalintana ang gayong karanasan. Gumaan ang pakiramdam ni Amansinaya sa unang pagkakataon, at iyon ang kaniyang higit na kinalugdan.

Nilibot ni Amansinaya ang kaniyang nasasakupan. Sumakay siya sa mga alon, at nakita niya mula sa malayo ang ilang tao doon sa gilid ng dalampasigan. Tinitigan niya ang kanilang hulagway, ang hulagway na tila nag-iisip nang malalim doon sa hiwaga ng karagatan. May pumitlag na pagmamahal sa dibdib ng bathala. Walang ano-ano’y pinaahon niya sa dalampasigan ang mga pusit at natuwa ang mga tao. Pinalapit ng bathala sa mga baybayin ang mga isda at lalong natuwa ang mga tao. Natutuhan ng mga tao na iluto at kainin ang bigay ng mapagpalang mga agos. Hindi na sila nagutom nang panahong iyon. Mula noon, kinilala nila ang angking kapangyarihan ni Amansinaya at ang lahat ng kaniyang likhang nananahan sa tubigan.

Ngunit dumating ang panahong naging tamad ang mga tao. Hindi nila pinahalagahan ang mga ilog, lawa, at dagat. Binalewala rin nila ang maylikha ng mga lamandagat. Hindi nagtagal, nagalit si Amansinaya sa mga tao at tiniyak na kailangan munang magpawis ang sinumang mangingisda at magdaragat bago makatikim ng kaniyang mga likha. Dumanas ng taggutom ang mga tao nang dumating ang di-inaasahang mga bagyo at mahahabang tag-araw. At ang mga tao, natauhan sila sa kanilang maling asal at nagbalik-loob sa bathala ng tubigan.

Mula noon, nagsikap at natuto ang mga mangingisda at magdaragat na sumakay sa mga alon samantalang ginagamit ang palatandaan ng mga bituin, simoy, at agos  sa paglalayag; nagpakadalubhasa sa paglutang, paglangoy, o pagsisid sa tubigan gaya ng ibang lamandagat. Tinangka rin nilang bumuo ng kani-kanilang bangka, balangay, at benawa; tinuklas ang paghahayuma ng lambat at ang bisa ng kawil o pana; at pinag-aralan ang paggawa ng gaya ng salakab, baklad, at palaisdaan. Nakabuo ang mga tao ng mga pananalig habang pinagpupugayan si Amansinaya. Lumikha ng mga tula o awit ang mga magdaragat at mangingisda; at pinarangalan ang nagbibigay sa kanila ng ginhawa habang nabubuhay. Iginalang nila at pinangalagaan ang tubigan; at itinuturing na ang kanilang mga buhay ay kaugnay ng buhay ng tubigan.

Umapaw nang umapaw ang kaligayahan sa puso ni Amansinaya sa nasaksihan. At itinakda niya nang sandaling yaon ang pantay-dagat sa buong daigdig upang maging batayan sa pag-iral ng sangkatauhan.

Kuwentong pambata sa lahat ng panahon

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Binabati ko si Iris Gem Li, ang awtor ng The Boy Who Touched Heaven (2007), sa kaniyang pagkakapanalo ng National Book Award para sa kuwentong pambata ngayong taon. Ang akda ni Iris ay nilapatan ng makukulay na ilustrasyon ni Sergio Bumatay III, na pambihira ang guniguni sa paghubog ng mga pook at hulagway. Dapat ko ring kilalanin ang Canvas, Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang I.N.K.) at Adarna House na nagbalikatan upang maitaguyod ang naturang proyekto. Ang Canvas ay isang institusyong nagtataya para maisulong ang sining, kultura, at kaligiran; ang Ang I.N.K ay binubuo ng mga piling ilustrador na kabataang nakatuon sa mga aklat pambata at iba pang anyo ng sining; samantalang ang Adarna House ang kinikilala ngayong pangunahing pabliser ng mga primera klaseng aklat pambata sa buong Filipinas.

Kapag binasa ang kuwento’y mahirap nang mabatid kung ano ang orihinal at pinagbatayan ng salin, kung sa Ingles ba o sa Filipino. Ito ay dahil may magkaibang datíng at testura ang dalawang wika, na makapupukaw ng loob ng sinumang makasasagap. Ano’t anuman, humuhusay ang akda dahil sa malikhaing pagsasakataga, na hubdan man ng mga larawan ay kayang makapagsarili nang buong tatag. Ang kuwento ni Iris ay halimbawa kung paano nagkakatulungan ang dalawang wika, at kung paano ipinamamalas na ang salin ay hindi larong bata bagkus isang sining din na dapat kilalanin sa pagkatha.

Umiinog ang kuwento sa batang Ifugaw na ibig makahipo sa langit, at maabot ang buwan at bituin. Namangha siya sa kalawakan, at naghangad na tuklasin kung paano maaabot ang tila imposibleng tanawin. Humanap siya ng mga paraan kung paano maaabot ang pangarap, at habang naglalakbay ay nakatagpo ang iba’t ibang nilalang na magtuturo sa kaniya ng tumpak na landas, hanggang sumapit siya sa isang kabatiran: Ang langit ay naririto sa lupa.

Ipinamamalas din ng katha na may mga bagay na malimit kinakaligtaan ng mga tao, mga bagay na naririyan sa ating tabi ngunit hindi pinapansin, at kung pinapansin man ay hindi binibigyan ng sapat na pagpapahalaga sa ating buhay at kultura. Maihahalimbawa ang mga dakilang payyo sa Kordilyera, ang tila inmortal na hagdan tungong kalangitan. Ang mga payyong ito ay unti-unti nang inaagnas ng panahon at kapabayaan ng tao. Maikakatwiran ang labis na pag-init ng klima at paghaba ng tagtuyot, samantalang ang dating mga kabataang inaasahang maglilinang at mag-aalaga ng mga palayan ay naging abala sa ibang propesyon at nagtungo kung saan upang maghanapbuhay.

Mababatid ng mambabasa mula sa muslak na paningin ng paslit ang pagtuklas sa kaligiran at ang pag-arok sa pinakamatimtimang damdamin ng tao. Ipakikilala rin dito ang pakikipagsapalaran sa piling ng nanganganib na saring banog, anuwang, at unggoy, at ang halaga ng paghahanap ng karunungan sa paligid. Ang ganitong diwain ay masining na isinatitik ni Iris, na hinuhulaan kong malayo ang mararating sa larangan ng pagkatha.

Komplementaryo sa kuwento ang maririkit na dibuho ni Sergio, at waring ibig sapawan ang teksto kung isasaalang-alang ang pagkakalatag ng mga pahina, ngunit sadyang may sariling salaysay ang mga hulagway sa mga kamay ng ilustrador. Ang kuwento (o sabihin nang teksto) ay nadaragdagan ng pagpapakahulugan kapag tinapatan ng larawan, kaya maiisip ang pagsasalikop ng dalawang anyo ng sining tungo sa paglikha ng isang makabuluhang akda. Dapat subaybayan itong si Sergio, na nakikini-kinita kong mamumukod sa piniling larang ng sining.

Inirerekomenda ko sa mga bata ang The Boy Who Touched Heaven (Ang Batang Humipo sa Langit), hindi dahil ako ang nagsalin nito sa Filipino, kundi dahil naniniwala ako sa pambihirang halagahang ibig ipaabot ng kuwento na makatutulong upang makilala natin ang ating mga sarili bilang dakilang Filipino.