Mga Aklat ng KWF, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Aklat ng KWF, ni Roberto T. Añonuevo

Roberto T. Añonuevo

Ang isang maliit na ahensiya, gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay mapipilitang kumambiyo at lumihis ng daan sa harap ng patuloy na lumalagong populasyon ng Filipinas, na mahigit 100 milyong tao. Ang plano nitong labimpitong aklat na mailathala sa isang taon ay hindi biro, at hindi hamak na marami ito kung ihahambing sa inilalathala ng UP Press at Ateneo de Manila University Press. Kung ipagpapalagay na ang bawat titulo ay may tig-1,000 sipi, magkakaroon ng 17,000 aklat sa bodega ng KWF, at kung ilalagay ang mga ito sa dating bodega ng naturang ahensiya ay napakabigat na puwedeng makaapekto sa estruktura nito. Kapag nadagdagan pa ang naturang bilang at umabot sa kabuoang 45 titulo gaya ng winiwinika ng kasalukuyang Tagapangulo, ang 45,000 aklat na papasanin ng bodega ay higit na maglalagay sa peligro sa katatagan ng gusali, lalo’t lumindol nang malakas-lakas.

Paano makakayang pasanin ng gusaling halos 100 taon ang edad ang bigat ng mga aklat, bukod sa mga kasangkapan, kabinet, at kagamitang naroon? Kung hindi ako nagkakamali, naroon pa sa bodega ng KWF ang iba pang aklat na nalathala noong nakaraang administrasyon sa ilalim ng programang Aklatang Bayan. Peligroso ang ganitong tagpo, at kung sakali’t bumigay ang ikalawang palapag, ang babagsakan nito ay ang dating baraks ng Presidential Security Group. Kung uupa naman ang KWF para maisabodega ang mga aklat, makapagdaragdag ito sa gastusin ng opisina at hindi na kabilang sa orihinal na badyet na isinusumite sa DBM. Ang tanging magagawa ng KWF ay ipakalat agad ang mga aklat, i.e., ibenta sa mababang presyo o ipamigay nang libre, upang makarating sa mga target na mambabasa. Kung hindi, masasayang ang pagod kung maimbak lang ang mga aklat sa bodegang napakadelikado.

Ang paglalathala ng tig-1,000 sipi kada titulo ay napakaliit, sa ganang akin. Ayon sa pinakabagong estadistikang inilabas ng National Library of the Philippines (NLP), may 1,619 ang kabuoang bilang ng mga publikong aklatang kaanib nito sa buong bansa. Kung bibigyan mo ng tig-iisang kopya ang naturang mga aklatan ay kulang na kulang ang inilalathala ng KWF. Bagaman suntok sa buwan, ang KWF ay kinakailangang makapaglimbag ng tig-50,000 sipi kada titulo sa target nitong 45 titulo upang maipalaganap ito sa malalayong lalawigan, at nang magkaroon ng akses ang publiko.  Ngunit ang 2.25 milyong sipi ay hindi pa rin sapat, dahil halos dalawang porsiyento lamang ito ng kabuoang populasyon. Ang alternatibo, kung gayon, ay elektronikong paglalathala, na ang lahat ng aklat at iba pang babasahin ay puwedeng i-download nang libre, nang makaabot sa pinakamabilis na paraan sa target na mambabasa. Hindi pa rin ito sapat sapagkat hindi naman mayorya ng populasyon ay may kompiyuter o selfon. Gayunman, malaki ang maitutulong nito sa edukasyon ng mga tao.

Kung gaano kabilis maglimbag ng aklat ay dapat gayon din kabilis magpalaganap nito sa buong kapuluan. Ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) na sangay ng KWF sa mga rehiyon ay malaki ang maitutulong sa pagpapakalat ng karunungan. Ito ang maaaring maging lunsaran para sa distribusyon, at pagtukoy sa mga pook na marapat marating ng mga aklat. Sa ganitong pangyayari, higit na kailangan ang tangkilik ng mga estadong unibersidad at kolehiyo upang makamit ang mithi sapagkat magastos kahit ang pagpapadala ng mga aklat kahit pa sa pamamagitan ng koreo. Maselan ang ganitong trabaho sapagkat kailangan ang mga kabalikat at matatag na network, na tila ba bersiyon ng Angat Buhay ni Leni Robrero. Ano’t anuman, walang kulay ng politika ang pamamahagi ng aklat dahil ito naman talaga ang dapat na maging tungkulin ng gobyerno para matulungan ang mga mamamayan nito. Hindi kinakailangang magbenta ng mga aklat ang KWF sapagkat hindi naman iyon gaya ng pribadong korporasyon. Higit na makabubuti kung ipamimigay nito sa publiko ang mga aklat na inilathala sapagkat pinaglaanan naman iyon ng badyet na hinuhugot sa buwis ng taumbayan. Sa ganitong paraan, maiibsan kahit paano ang lahat ng kirot na idinulot nito sa mga awtor na binansagang subersibo ang mga aklat. Subalit sa panahong ito, hindi na isang batik na matatagurian ang pagiging subersibo ng panitikan kung ang pakahulugan at pahiwatig nito ay umaabot sa tunay na pagpapalaya mula sa kamangmangan at kabulaanan. Gayunman, ang paninirang puri, gaya ng ginawa ng mga sampay-bakod na komentarista ng SMNI, ay sadyang personal, amoy-imburnal, at peligroso, at kung ito man ang katumbas ng kabayanihan ay isang parikalang mabuting pagnilayan.

Alimbúkad: Epic book rampage in search of real solution. Photo by Ricardo Esquivel on Pexels.com

Filipino at Panitikang Filipinas

Filipino at Panitikang Filipinas

Roberto T. Añonuevo

Ang resolusyon ng Korte Suprema na pagtibayin nang lubusan na tanggalin sa mga ubod na aralin sa kolehiyo ang mga sabjek na Filipino at Panitikan ay isang magandang pagkakataon upang pagbulayan ang estado ng pagtuturo ng Filipino at panitikan mulang kindergarten hanggang kolehiyo, titigan nang mariin ang kakulangan sa mga batas, at pagtuonan ang pambansang bayanihan tungo sa ikalalago ng wika at panitikang Filipinas. Kailangang balikan ang kolektibong usapin, at hindi lamang lutasin ang problema alinsunod sa katumpakan at legalidad ng mga patakaran.

May kaugnayan ang pagtanggal sa dalawang sabjek sa usapin ng duplikasyon o pag-uulit ng mga paksang itinuturo, at maituturing na pag-aaksaya, kung tatanawin sa punto de bista ng mga burukratang edukador at administrador. Samantala, ang salungat na diwain dito ay may kaugnayan sa transcendental na usapin, sapagkat ang pagpatay sa Filipino at panitikan ay maaaring magbunga ng disaster sa pagtanaw ng kultura at kasaysayan sa mga susunod na henerasyon.

Ang resolusyon ng Korte Suprema ay nakabatay sa CHED Memorandum Blg. 20, serye 2013, at ang memorandum na ito ay patakaran, panuntunan, at pamantayang binuo ng mga representante mula sa iba’t ibang disiplina ng pag-aaral. Nagkaroon umano ng konsultasyon ang CHED ukol sa nasabing memorandum, ngunit sa kung anong dahilan ay hindi agad napigil o naunahan ng mga sumasalungat ang magiging epekto ng kautusan.

Mahalagang balikan ang winika ni Blas F. Ople para ilugar ang debate. Ang taumbayan, aniya, ay malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labás sa itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas; ngunit tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika. Ang pahayag na ito ng butihing mambabatas ay noong nagkakalabo-labo ang mga delegado ng komisyong konstitusyonal na bumabalangkas ng mga probisyon ukol sa Filipino at edukasyon ng Konstitusyong 1987.

“Ang taumbayan, ani Blas F. Ople, ay malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labás sa itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas; ngunit tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika.”

Ang binanggit ni Ople na “malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labas itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas” ay ang katwirang isinusulong ng Komisyon sa Wikang Filipino at maririnig palagi sa tagapangulo nito para himukin ang sambayanan na tangkilikin at palaganapin ang Filipino at panitikang Filipino, bukod sa gamitin ang Filipino sa pagtuturo sa lahat ng disiplina o sa lahat ng antas ng edukasyon. Tumpak ang ganitong pangangatwiran, sapagkat nakasaad din sa Konstitusyong 1987 ang konsepto ng lakas-ng-bayan [People Power] at tungkulin ng bawat mamamayan na makilahok sa pamamahala para sa ikabubuti ng bansa. Samantala, sa sinabi ni Ople na “tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika” ay maririnig lamang sa mapang-uyam na biro, kung hindi man patutsada ng tagapangulo ng KWF na walang ginagawa ang kongreso para dito.

Sa aking palagay ay nagkakamali ang butihing tagapangulo ng KWF pagsapit sa ikalawang binanggit ni Ople.

Una, hindi basta masisisi ng KWF ang kongreso kung wala man itong nabuong panuhay na batas [enabling law] ukol sa Filipino at panitikang Filipinas. Tungkulin ng KWF, alinsunod sa Batas Republika Blg. 7104, na bumuo ng mga saliksik, patakaran, at panukalang pangwikang maaaring ipasa sa kongreso upang maisabatas ito makaraang lagdaan ng Pangulo. Kakatwang isinusulong ng KWF ang pagbabago sa Batas Republika Blg. 7104 para palakasin ang mandato KWF; ngunit kung babalikan ang isinusulong na panukalang batas ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang KWF ay magiging halos katumbas lamang ng kawanihan sa ilalim ng NCCA, na magbabanyuhay na dambuhalang burukrasya na Departamento ng Kultura. Sa ganitong pangyayari, maituturing na pahayag ng isang politiko ang binanggit ng tagapangulo ng KWF.

Ikalawa, kung may panuhay mang batas na maituturing ay ito ay walang iba kundi ang batas sa K-12. Sa ganitong pangyayari, ang maaaring gawin ng KWF ay isulong ang isa pang batas na makapagluluwal ng patakarang makapaglilinaw at makápagpápalakás sa pagtuturo ng Filipino at panitikang Filipinas sa mga tiyak na antas ng edukasyon (halimbawa, mulang primarya hanggang tersiyaryang antas) at nang hindi mabalaho ang Filipino sa isinusulong na multilingguwalismo. Magagawa ito sa pamamagitan ng inter-ahensiyang balikatan ng KWF, DepEd at CHED, at mapipiga kung paano palalawigin sa pandaigdigang antas ang bisà ng Filipino pagsapit sa tersiyaryang antas. Ang binanggit ng Korte Suprema na “non-self-executing provisions” ng Konstitusyong 1987 ay tumutukoy sa kawalan ng panuhay na batas ukol sa Filipino bilang midyum ng instruksiyon, bukod sa walang panuhay na batas kung paano palalakasin ang pagpapahalaga sa pambansang panitikan bilang pamanang yaman. (Walang kasalanan dito ang Tanggol Wika, na masigasig na nakikibaka para mapanatili ang dalawang sabjek at maipaglaban ang kapakanan ng mga guro.) Kung gayon, kahit manggalaiti ang Tagapangulo ng KWF hinggil sa pagpapaliwanag ng probisyong pangwika, kung wala namang panuhay na batas ukol dito, maliban sa batas sa K-12, ay walang silbi at suntok sa buwan.

Ikatlo, ang pagbubuo ng batas na lilinang sa Filipino bilang wika ng pagtuturo ay hindi maiaasa lamang sa KWF dahil napakaliit na institusyon ito. Kailangan ng KWF ang tulong ng ibang ahensiya, sa pangunguna ng DepEd at CHED, at ang tangkilik ng iba’t ibang organisasyon (mapa-pribado man o publiko, anuman ang ideolohiyang pinagmumulan). Hindi makatutulong kung sesermunan ng kung sinong komisyoner ng KWF ang mga administrador ng matataas na edukasyong institusyon kung pinili man nitong buwagin ang Filipino at panitikan sa kanilang paaralan, sapagkat ang ginagamit nitong katwiran ay “akademikong kalayaan.” Kung babalikan ang winika ng Korte Suprema, hindi hinahanggahan ng CHED Memo Blg 20 ang akademikong kalayaan ng mga unibersidad at kolehiyo na palawigin sa kanilang kurikula ang pagtuturo ng Filipino at Panitikan. Ang dapat inaatupag ng KWF ay malusog na diyalogo, at diyalogong magpapaluwal ng higit na matalino, malawak, malalim, at makabuluhang pag-unawa sa Filipino at panitikang Filipinas—na ang kongkretisasyon ay malinaw na patakaran, pamantayan, at panuntunan ukol sa Filipino at panitikang Filipinas, at siyang maaaring ipalit sa isinasaad ng CHED Memo Blg. 20, serye 2013 ukol sa Filipino at panitikang Filipinas.

Ikaapat, ang kawalan ng panuhay na batas ukol sa pagsusulong ng Filipino bilang midyum ng instruksiyon sa lahat ng antas ng edukasyon ay matutunghayan sa KWF na maiwawangis sa isang huklubang tigre na lagas ang mga pangil at ngipin at ni walang kuko. Sa ganitong pangyayari, hindi mapupuwersa ni mahihikayat nang madali ng KWF ang matataas na edukasyong institusyon na sundin nito ang mga patakarang binuo ng KWF. Kung walang kapangyarihan ang KWF, bakit pa ito patatagalin? Ang kuro ng ibang kritiko na buwagin ang KWF ay marahas ngunit may batayan kung hangga ngayon ay antikwado at napakarupok itong institusyon hinggil sa pagsusulong ng mga patakarang pangwika. May labing-isang komisyoner ang KWF, at ang nasabing mga komisyoner ay may tungkuling mag-ambag sa pagbubuo ng patakarang pambansa na nakatindig sa panuhay na batas sa probisyong pangwika ng Konstitusyong 1987. Makakatuwang ng nasabing mga komisyoner ang Pambansang Lupon sa Wika at Pagsasalin [National Committee on Language and Translation] ng NCCA na ang tungkulin ay gumawa rin ng mga patakarang pambansa na magiging gulugod na panuhay na batas ng mga probisyong pangwika ng Konstitusyong 1987.

Ikalima, ang “pagkawala” ng Filipino at Panitikang Filipinas bilang mga ubod na aralin sa kolehiyo ay makabubuting itrato na usapin para sa repasuhin at pag-aralan ang buong transisyon ng pagtuturo ng dalawang sabjek mulang kindergarten hanggang kolehiyo upang maibalik ang prestihiyo at mailuklok sa tamang pedestal ang naturang mga sabjek. Hindi pa tapos ang laban, at may puwang para sa pagsusulong ng panuhay na batas ukol dito. Tandaan na may mandato ang CHED, sa bisa ng Seksiyon 13, Batas Republika Blg. 7722, na “bumuo ng minimum na kahingian para sa mga tiyak na akademikong programa,” at kabilang dito ang Filipino at Panitikan. Ang laban ay teritoryo ng CHED, at hindi nagkakamali ang KWF na makipag-ugnayan doon.

Ang ganitong grandeng bisyon ay hindi matatapos sa kisapmata. Kailangan ang malawak at aktibong konsultasyon sa mga sangkot na institusyon at tao, at hinihingi ng panahon ang maalab na pakikilahok ng mga guro, manunulat, intelektuwal, aktibista, artista, istoryador, at iba pang tao na magiging isang Akademyang Filipino. Halimbawa, maimumungkahing linawin ang exit plan ukol sa Filipino at panitikang Filipinas para sa mga magtatapos ng junior at senior high school. Kung malinaw ang exit plan ay magiging madulas ang transisyon ng pagtuturo tungo sa tersiyarya at posgradwadong antas. Ang ganitong balakid ay malulunasan kung magkakaroon ng mahigpit na ugnayan ang DepEd, CHED, at KWF—na pawang suportado ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang disiplina o institusyon.

Ikaanim, kailangang linawin sa pamamagitan ng pambansang patakaran kung paano unti-unting ipapasok ang Filipino sa iba’t ibang disiplina. Pag-aaksaya ng laway, at maituturing na drowing lámang, ang pagtuligsa sa gobyerno kung ang panig ng gaya ng KWF ay walang maihahaing panuhay na batas. Pagpapapogi sa harap ng madla kung sasabihin ng isang komisyoner na “gamitin ninyo ang Filipino sa inyong disiplina,” sapagkat hindi ito madaling gawin sa panig ng mga guro. Mapadadali ang trabaho ng mga guro kung suportado sila ng buong makinarya at tinutustusan ng gobyerno, at ang gobyerno ay tinitingnan ang gayong hakbang na makatutulong sa modernisasyon at pag-unlad ng bansa.

Mga Mungkahi

Kung ang problema sa pagtuturo ng Filipino at panitikang Filipinas sa kolehiyo ay may kaugnayan sa katwiran ng “duplikasyon,” “pag-uulit,” at “pag-aaksaya” ito ang dapat hinaharap ng mga edukador. Muli, hindi madadaan sa taltalan ang ganitong usapin para malutas. Makabubuti kung inuupuan ito ng mga intelektuwal na handang magtaya, at bukás ang isip at loob sa posibilidad ng bagong anyo at nilalaman ng Filipino at panitikang Filipinas. Makabubuti rin kung magbubuo ng alternatibong kurso ang KWF, dahil ang mandato nito ay palawigin ang Filipino bilang midyum ng instruksiyon. Ang magiging bunga ng talakayan ay dapat nasa anyo ng panuhay na batas sa probisyong pangwika ng Konstitusyong 1987, o kaya’y nasa pambansang patakaran, panuntunan, at pamantayan na ihahayag at ipatutupad ng DepEd, CHED, at KWF.

Ang pagpapasok ng Filipino at panitikang Filipinas bilang ubod na kurso sa Pangkalahatang Edukasyong Kurikulum sa tersiyaryang antas ay dapat hinaharap ang pangyayaring ang Filipino ay sumasapit bilang pandaigdigang wika, kung ipagpapalagay na mahigit 100 milyon ang populasyon ng bansa, bukod sa tumatanyag ang wikang Filipino kahit sa ibang bansa. Sa ganitong pangyayari, ang mga intelektuwal ng Filipinas ay mabigat ang responsabilidad na palawigin pa ang Filipino sa kani-kaniyang disiplina, at nang matauhan ang gobyerno na napapanahon nang suportahan ang pagsusulong ng Filipino at panitikang Filipinas para sa kinabukasan ng mga mamamayan nito. Ang tanong ay kung paano maitatangi ang pagtuturo ng Filipino hindi lamang bilang wikang pambansa bagkus wikang internasyonal, at bilang instrumento sa pagkatha at pagpapalaganap ng kaalaman sa iba’t ibang disiplina—kung ilalahok itong ubod na kurso sa pangkalahatang edukasyon na may minimum na kahingian, at kung paano lalampasan ang minimum na kahingiang ito pagsapit sa matataas na edukasyong institusyon.

Ang pagtuturo ng panitikan sa kolehiyo ay isang anyo ng preserbasyon at kultibasyon ng kultura, yámang nakalulan sa wika ang kamalayan at kultura ng sambayanan. Sa ganitong pangyayari, inaasahan ang malaganap ng pagsasanay sa pagsasalin, malikhaing pagsulat, pananaliksik, atbp. Makatutulong kung magkakaroon ng programadong publikasyon ng mga aklat na nasusulat sa Filipino ang iba’t ibang disiplina, batay sa pambansang patakarang mabubuo ng gobyerno. Halimbawa, ang pag-aaral ay magpapakilala sa mga hiyas ng panitikan, gaya ng mga nobela, kuwento, tula, at dula, mulang panahong kolonyal hanggang poskolonyal. Maaaring gamitin ang elektronikong publikasyon para pabilisin ang pagpapalaganap ng mga impormasyon hanggang liblib na pook ng Filipinas.

Ang ginagawang kampanya ng Tanggol Wika ay hindi dapat sipatin na tulak ng politika lamang. Ang usapin ng wika at panitikan ay lumalampas sa politika at kulay ng ideolohiya, at kung gayon ay dapat kinasasangkutan ng lahat ng mamamayang Filipino. Kung mabibigong makalahok ang mga mamamayan sa super-estrukturang ito at mananatili sa batayang ekonomiya lamang, magpapatuloy ang alyenasyon ng gaya ng mga guro at estudyanteng nangangarap ng sariling wika at sariling panitikang maipagmamalaki hindi lamang sa Filipinas, bagkus sa buong daigdig.

Sa Batas K-12, inaasahan ang mga nagsipagtapos nito na taglay nila ang ubod na kakayahan at kasanayan, at ipinapalagay na handang-handa na silang pumasok sa isang unibersidad. (Napakamusmos pa ng batas at ang malawakang ebalwasyon nito ay hindi pa ganap.) Napakaringal itong pangarap, ngunit dapat sinusuring maigi kung totoo nga. Dahil kung hindi, lalong kailangan ang Filipino at Panitikan na ipasok bilang ubod na kurso sa Pangkalahatang Edukasyong Kurikulum ng CHED.

Marahil, kailangan ang bagong aklasang bayan—para sa Filipino at para sa panitikang Filipinas. Hintayin natin ang susunod na kabanata.

Alimbukad: Panitikang Filipinas. Panitikang Pandaigdig.

Bayan, Bayani, Balagtas

Napapanahong titigan ang tema ng Araw ni Balagtas (2 Abril 2014) ngayong taon: “Bayan, Bayani, at si Balagtas.” Tinitingki ng nasabing tema ang pagpapahalaga sa konsepto ng “bayan” at “bayani” at sumasakay sa makasaysayang peregrinasyon sa ngalan ni Francisco Balagtas Baltazar sa tatlong pook: Maynila, Bulakan, at Bataan. Nagtipon-tipon hindi lamang ang mga kinatawan ng mga ahensiya ng pamahalaan, bagkus ang mga manunulat, guro, dalubwika, at alagad ng sining upang gunitain sa pamamagitan ng lakbay-panitik ang tatlong pook sa mga yugto ng buhay ni Balagtas bilang manunulat.

Araw ni Balagtas poster 20123Ang nasabing lakbay-panitik ay isang paraan ng paggunita sa dakilang makatang nagluwal ng diwaing “bayani” at “bayan” na hindi maiiwasang gamitin din ng gaya nina Jose Rizal at Andres Bonifacio sa kani-kaniyang diskurso. Ang pagkakaroon ng dalawang apelyido ng makata (“Balagtas” nang isilang, “Baltazar” naman nang ikasal at mamatay) ay tila pahiwatig ng magaganap ng pagtatagpo ng katutubo at banyaga sa kaniyang akda, na ang resulta’y pinaghalong katauhan ng modernisasyon.

Kung babalikan ang Florante at Laura (1838) ni Balagtas, ang konsepto ng “bayan” at “bayani” ay kaugnay ng agawan ng kapangyarihan (na matataguriang “kudeta” sa ngayon) sa kaharian ng Albania, at sa agawan ng babae (“sexual assault” sa terminong legal) sa kaharian ng Persia at Albania. Maiuugnay din ang “bayan” sa tunggalian ng Albania at Persia, na ang Persia ay nadehado nang sumalakay ang hukbong Albania; at ang “bayani” ay halos katumbas ng “matapang” na iniuugnay sa “mandirigma” o “kawal” na tagapagtanggol ng teritoryo, kapangyarihan, at dangal. Ang hari ng Albania at ang hari ng Persia ay tila yin at yang kung hihiramin ang konsepto ng mga Tsino, na ang isa’y ginapi (mahina) at ang ikalawa’y nanggapi (malakas). Gayunman, malakas ang hukbong sandatahan ng Albania sa kabila ng mahinang pamamahala ni Haring Linceo; samantalang mahina ang hukbong sandatahan ng Persia sa kabila ng pagiging diktador ni Sultan Ali Adab.

Sa Florante at Laura (1838) ni Balagtas, ang unang banggit ng salitang “bayani” ay patungkol ay isang bantog na gererong Moro na si Aladin, na nagligtas kay Florante mula sa mababangis na halimaw doon sa gubat. Ang “bayani” sa tula ay mahihiwatigang katumbas ng pinaghalong “katapangan” at “kawanggawa.” Isang kakatwang pangyayari ito, sapagkat ang mortal na magkaaway ay pinagtagpo sa ilang, at ang tao na inaasahang papatay sa kaniyang kalaban ang siya pang naging tagapagligtas. Sa ganitong pangyayari, ang pagiging “bayani” ay iniangat ni Balagtas sa mataas na diskurso mula sa dating diskurso ng “armadong digmaan” at “pagpapatayan” ng dalawang bayan tungo sa pagiging “tagapagligtas ng bayan.”

Ngunit hindi doon nagtapos si Balagtas. Si Laura, na tangkang gahasain ni Adolfo sa gubat, ay sinagip ni Flerida na asintadong mamamana. Si Flerida naman ay tumakas tungong gubat upang lumayo kay Sultan Ali Adab na nais siyang gahasain. Pinagtagpo ang dalawang dilag sa gubat, na nagsilbing kanlungan ng kalayaan. Gubat din ang magiging tagpuan ng magkapares na mangingibig (Florante at Laura; Aladin at Flerida). Sa yugtong ito, ang konsepto ng “gubat” bilang lunan ng “panganib” at “dilim” ay naging “seguridad” at “liwanag.” Ang magkapares na Aladin at Flerida, at Florante at Laura, ang magpapahiwatig ng pagsisimula ng bagong sistema ng pamunuan, at siyang magpapabago sa sinaunang pamamaraan ng pamamahalang hitik sa katiwalian, karahasan, at kawalang-katarungan.

Isa pang halimbawa ng konsepto ng “bayani” ay kinakatawan ni Minandro, na sumagip kay Florante kay Adolfo, at siyang nanguna sa hukbong gagapi sa mga kaaway. Ang unang pagiging bayani ni Minandro nang iligtas si Florante laban kay Adolfo’y noong sila’y kabataan pa, at sa yugtong ito, ang pagiging bayani ay katumbas lamang ng pagiging matapang na mandirigma (personal na antas). Ngunit sa ikalawang pagkakataon, ang pagiging “bayani” ni Minandro ay ipinamalas sa tula nang tumulong siya kay Florante para makabalik sa Albania at maghasik ng kontra-himagsikan. Sa yugtong ito, ang konsepto ng “bayani” ay naghunos sa pagiging “gawaing panlahat,” at siyang sinundan ng Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar.

Sa dulong bahagi ng awit, sina Aladin at Flerida ay tutulungan nina Florante at Laura na makamit muli ang kanilang kaharian, nang mamatay si Sultan Ali Adab. Bagaman ang kumbersiyon nina Aladin at Flerida na ipinahihiwatig ng pagbibinyag [1] ay waring pagtalikod sa kanilang kinagisnang relihiyon, magbabalik sila sa Persia upang magpasimula ng bagong politika. Sa ganitong pangyayari, ang pagbabalik sa sariling bayan ay ipinahihiwatig na napakahalaga at higit sa dapat itadhana ng relihiyon. Isa pang taktika na ginawa ni Balagtas ay walang direktang banggit sa “diyos” o “santo” ng mga Kristiyano sa kaniyang tula. Ang “diyos” (dios) na binanggit ni Balagtas ay tumutukoy kay Cupido at hindi kay Hesukristo. Kahit ang salitang “Kristiyano” ay iniwasan sa tula, at mahihiwatigan lamang ito kung itatambis sa pahiwatig na “Moro” na tumutukoy sa panig nina Aladin at Flerida.

Umaabot sa 136 salitang Espanyol [2] ang nakapasok sa korpus ng Tagalog sa Florante at Laura ni Balagtas. Pawang pangngalan [noun] ang naturang mga salita, na tumutukoy sa tao, pook, at bagay. Ang introduksiyon ng mga hiram na salitang banyaga ay isang paraan ng pag-aangkin, na sa termino ng kritikong Virgilio S. Almario, ay bahagi ng proseso ng naturalisasyon. Bagaman gumamit ng mga salitang Espanyol si Balagtas sa kaniyang tula, ang nasabing mga salita ay naging palamuti lamang at higit na nanaig ang katutubong konsepto ng “bayani” ng Tagalog.

Makabubuting pansinin ang pamagat ng awit ni Balagtas. Nakasaad doon na ang awit ay kinuha umano sa “cuadro historico” o pinturang nagsasabi ng mga pangyayari sa imperyo ng Grecia noong unang panahon. Anuman ang ibig sabihin ni Balagtas, mahihinuhang lumilikha na siya ng anomalya dahil ang kaniyang akda ay walang tuwirang alusyon sa makasaysayang Grecia at hindi maikakahon lamang sa lunan ng Grecia. Ginamit lamang niya ang gaya ng “Grecia,” “Albania,” “Persia,” at “Etolia” sa pangalan lamang ngunit ang pinakapuso ng akda ay mahihinuhang hinugot sa kalooban ng Katagalugan. (Nilansi ni Balagtas ang awtoridad ng Simbahang Katolika at gobyernong kolonyal na Espanyol upang mapalusot ang kaniyang subersibong akda.)

Ang “Katagalugan” na ito ang ipapakahulugan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto na tumutukoy sa kapuluan ng bansa natin. Ayaw nilang tawagin ang sarili na “Filipino” bagkus “Tagalog.” Mabibigo sina Bonifacio at Jacinto, ngunit ang pagiging Tagalog ay mananatili naman bilang batayan ng wikang Filipino at kikilalanin sa Konstitusyong 1987—na isa nang malaking tagumpay ng mga bayani ng panitikan sa ating kapuluan.

Dulong Tala

[1] Sa Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ang “binyag” ay hango umano sa Borneo, at katumbas ng “paghuhugas ng tubig.” Isang ministro ni Mahoma (Muhammad) ang nagsasagawa ng ritwal na ito sa mga katutubo na hindi pa nabibigyan ng aral ng Islam. Nang lumaon, ang salitang “binyag” ay inangkin umano ng mga Kristiyano at itinumbas sa ritwal ng sagradong bawtismo. Kung babalikan ang tula ni Balagtas, ang konsepto ng pagbibinyag kina Aladin at Flerida ay hindi kumbersiyon sa Kristiyanismo, bagkus simpleng “paghuhugas ng tubig” para sa pagsisimula ng bagong relasyong mag-asawa.

[2] Kabilang sa mga salitang banyagang ginamit ni Balagtas sa kaniyang tula ang sumusunod: adarga; adios; Adolfo; Adonis; Aladin; Albania; altar; Antenor; atropos; Arco; astrologia; Atenas; Aurora; Averno; Bandila (bandera); Baselisco; batalia; Beata; Briseo; buitre; cabayo (cabaio; caballo); caliz; campo; carcel; catuno (tono); Celia; cetro; cipres; ciudad; Cocito; coleto; conde; consejo; corales; corona; cristal; Crotona; cuadro historico; Cupido; diamante; dicho; Dios; ducado; duque; Edipo; ejercito; Embahador; Emir; Epiro; escuela; Estanque; Eteocles; Etolia; fama; Febo; filosofia; Flerida; Florante; Floresca; General Osmalic; Grecia; guerra; guerrero; Hiena; higuera; Houris; imperio; incienso; Laura; leguas; leon; letra; libo; Linceo; lira; lobo; maestro; maquina; Marte; matematica; Medialuna; Menalipo; Minandro; Miramolin; Monarca; moro; mundo; musa; musica; Narciso; Nayadas; ninfa; oras (hora); orden; Oreada; original; Palacio Real; paraiso; Parcas; Percia (Persia); perlas; Persiano; pica; pincel; Pitaco; plumage; Pluto; Polinice; Princesa; Profeta; Quinta; Reina; Reino; rubé; salas; sello; sierpe; Sigesmundo; sirenas; soldado; Sultan Ali-Adab; topasio; tragedia; trigo; trono; turbante; turco; Turquia; vasallo; Venus; verdugo; verso; victoria; viva; voses; Yocasta (Reina Yocasta).

Filipinas ng Makabagong Panahon

Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino.

Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa.

Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino —  na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera.

Hindi ito totoo; at walang paglabag sa kasalukuyang konstitusyon kung gamitin man ang Filipinas, gaya ng paggamit ng pangalang “Embajada de la Republica de Filipinas” sa Argentina, Chile, Espanya, Mexico, Olanda, Peru, at iba pa. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93:

El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana.

Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon?

Kung babalikan ang higit na nauna ngunit probisyonal na Konstitusyong Biak na Bato ng 1897, malinaw na nakasaad sa Artikulo VIII, na “Ang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Republika” [El tagalog será la lengua oficial de la República]. Ngunit binanggit sa pamagat ng Konstitusyon ang Filipinas: Constitución Provisional de la Republica de Filipinas, at ginamit kahit sa salin sa Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon ang Republika de Filipinas.

Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan. Sabihin mang ang Filipinas ang pangmaramihang anyo ng Filipina, alinsunod sa gramatika ng Espanyol, at ang Filipina ay naghunos na pang-uri ng republika, ang Filipinas ay walang pasubaling ang pangngalan at pangalan na ginamit, tinanggap, at pinalaganap makaraang magtagumpay ang himagsikan ng mga mamamayan laban sa Espanya. Tumanyag lamang ang Pilipinas makaraang isaad sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1943 sa ilalim ni Pang. Jose P. Laurel ang sumusunod:

The government shall take steps toward the development and propagation of Tagalog as the national language.

Bagaman walang binanggit na opisyal na wika ang Konstitusyong 1943, ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog  bilang wikang pambansa ay kaugnay ng pagsikil sa hiram na titik \f\ ng Espanyol, at paghalili rito ng \p\, upang mapadali ang pagbigkas, pagsulat, at pag-angkin ng mga mamamayan.

Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ang pinakamatandang bangko sa bansa ay ang Banco de las Islas Filipinas na kilala ngayon bilang Bank of Philippine Islands (BPI). Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935.

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935,

The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.

Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika:

Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.

Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Ang kautusan ni Kalihim Romero ang magiging batayan ng katumbas na salin sa sariling wika, ayon sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (1) ng Konstitusyong 1973, na nagsasaad:

This Constitution shall be officially promulgated in English and Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail.

Ang Filipino sa bisa ng Konstitusyong 1973, ayon kay Andrew Gonzalez, ay maituturing na kathang-isip na batas [legal fiction] upang maging katanggap-tanggap sa iba’t ibang delegadong kabilang sa kumbensiyong konstitusyonal. Saad nga sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (2) at (3) ng naturang konstitusyon:

(2) The Batasang Pambansa shall take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.

(3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the official languages.

Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas,” at ang pananaw nila ay masasabing naroon pa rin sa yugto ng Pilipino. Ang Konstitusyong 1973 ay pinawalang bisa ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na,

The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.

Ang Filipino ng Konstitusyong 1987 ay lumampas na sa Pilipino ng Konstitusyong 1973, habang kumikilala sa pag-iral nitong Filipino bilang lingguwa prangka, at ang pagtatangkang lumikha ng makabagong ortograpiya ay masisilayan noong 1978 at 1985 sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum na ginawa ng LWP at pagkaraan ng KWF. Lumikha rin ng mga bukod na konsultasyon ang mga batikang manunulat, akademiko, editor, atbp na pawang pinamunuan ni Almario atbp upang mabuo ang higit na abanseng ortograpiya.

Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ (bukod pa ang lahat ng \v\ na pinalitan ng \b\) na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas.

Bilang halimbawa ang sumusunod: café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola  (parola), fatalidad  (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances  (Pranses), fundar  (pundar),  grifo  (gripo), Filipinas  (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986), at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Ni walang lahok kahit isa sa titik \f\ sa naturang mga diksiyonaryo. Heto pa ang mabigat: Kung babalikan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) na inilathala ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) ay walang lahok din ni isang salita sa titik \f\, sapagkat wala pa noong \f\ sa korpus ng Filipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas? Bakit kinakailangang isaad ang isang salita sa pamagat pa mismo ng diksiyonaryo, gayong ang naturang salita ay hindi naman matatagpuang lahok sa loob ng diksiyonaryo? Isang anomalya ito na marahil ay pinuna kahit ng yumaong Senador Blas F. Ople.

Pinatay ang Filipinas (at lalong walang Filipino) sa mga diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, kahit pa noong isinasalin ng LWP ang Konstitusyong 1987. Ang Filipino ng LWP at ng unang yugto ng KWF ay ibinatay nang malaki sa ABAKADANG Tagalog, ngunit ganap na magbabago sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987.

Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa pahayag na “Pilipino” ni Kalihim Romero noong 1959. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.  Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit na Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa na naging LWP at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang LWP noong panahong iyon ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sawikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Lumabas lamang ang maipapalagay na salin na ipinalimbag ng LWP limang taon pagkaraang ihayag ang Konstitusyong 1987 na dapat sanang kasabay inihayag ng bersiyong Ingles sa naganap na plebisito; at kung ito man ang sinasabing “Filipino” ay hindi nasuri ng Kongreso noong 1991, o ni kaya’y ng Komisyong Konstitusyonal noong 1986.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas, at kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika ng diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas. Kung gayon, ang mga mamamayan ay dapat tinatawag na Philippinean para maging konsistent sa ortograpiya, imbes na Filipino o Pilipino. Pinagtibay din dapat ng mga Komisyoner ng KWF noong 1992-1993 ang bersiyon sa “Filipino” na lumitaw noong 1991, ngunit walang naganap na gayon sapagkat nananatili pa rin ang naturang komisyon sa yugto ng nakaiwanan-sa-panahong Pilipino.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pagkakataon ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino. Hmmm.

Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, hudisyal at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987.

Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na,

The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.

Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas.  Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw.

Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply;  Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba.

Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan.

Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi kataka-taka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol.

Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas.

(“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)

Isang Tsinong may Pekeng Identidad

Noong 22 Enero 2013 ay ginanap sa tanggapan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang panunumpa ng pamunuan ng bagong tatag na Pambansang Samahan ng Ugnayang Filipino (UGFIL). Nagbigay ng mensahe sa naturang pagtitipon ang isang nagngangalang Pauline “Amah” Chong, na isa umanong Pandaigdigang Sentro ng Wikang Filipino (PSWF) Direktor sa Hong Kong, Tsina. Ang totoo’y walang PSWF Direktor sa Hong Kong o saanmang panig ng Tsina ang KWF. Ang ganitong imbensiyon ay mula lamang kay Jose Laderas Santos, na nagtapos na ang termino bilang Punong Komisyoner ng KWF noong 6 Enero 2013.

Nakasaad sa Seksiyon 14 ng Batas Republika Blg. 7104, na ang Komisyon (na tumutukoy sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF) ay may kapangyarihang “magsagawa o makipagkontrata ukol sa pananaliksik at iba pang pag-aaral upang isulong ang ebolusyon, pagpapaunlad, pagpapayaman at dakong huli’y estandarisasyon ng Filipino at iba pang wika sa Pilipinas.” Ngunit nang hirangin ni dating Punong Kom. Santos si Chong bilang dayuhang konsultant, hindi sinangguni o ipinagbigay alam ni Santos sa Lupon ng mga Komisyoner ang estado ni Chong. Ibig sabihin, ilegal at arbitraryo ang pagkakahirang kay Chong sa simula’t sapul.

Dapat mabatid ng taumbayan na ang KWF ay umiiral sa bisa ng lawas kolehiyado ng Lupon ng mga Komisyoner. Ibig sabihin, kahit may diskresyon ang Punong Komisyoner hinggil sa ilang bagay na may kaugnayan sa pagpapatakbo ng opisina, kinakailangang sumangguni pa rin siya at sumunod sa kapasiyahan ng Lupon. Ang punong komisyoner, gaya ng iba pang komisyoner, ay may isang boto lamang kung sino ang ipapasiyang mahirang na konsultant, dayuhan man o Filipino. Hindi maaaring arbitraryong humirang ng sinumang tauhan ang punong komisyoner, dahil hindi lamang ito paglabag sa esensiya ng Batas Republika Blg. 7104, bagkus pagganap ng kambal na katauhang tagapagbuo ng mga programa at patakaran sa isang panig, at tagapagpatupad ng mga programa at patakaran sa kabilang panig.

Ang higit na masaklap ay gumamit ng iba pang identidad si Chong na pawang maituturing na pekeng identidad, gaya ng “Pauline C.Ling Hui Kho,” “Paulyn Chong,” at “Cai Ling Hui” na pawang ipinangangalandakan niya sa kaniyang mga calling card. Ang nasabing mga pangalan ay hindi rehistrado sa civil registry, at malinaw na paglabag sa Batas Republika Blg. 6085 (na mas kilala bilang AN ACT AMENDING COMMONWEALTH ACT NUMBERED ONE HUNDRED FORTY-TWO REGULATING THE USE OF ALIASES). Sa kontratang pinirmahan niya sa KWF na may petsang 14 Enero 2010 at tinanggap ng dating residenteng COA awditor sa KWF Teresita Fernandez, ang ginamit niyang pangalan ay “Pauline C. Chiong.” Ang nasabing kontrata ay pirmado rin ni dating Kom. Jose Laderas Santos, at nakasaad pa ang mga pirma bilang mga saksi nina Julio A. Ramos (Punong Administratibo) at Almira Divina M. Alejandrino (HRMO III), bukod ang mga pirma ni Salvador L. Sagadal (na noon ay Officer in Charge ng Budget Unit) at ni Bernadeth M. Mequila (Accountant III). Nakapagtatakang lumusot sa buong Sangay Administratibo ang katauhan ng pekeng Tsino na si Chong o Chiong, na nagpasa ng iba pang dokumentong gaya ng “Terms of Reference for Pauline C. Chiong,” “Contract of Service,” “Accomplishment Report,” at “Katunayan ng Paglilingkod sa mga buwan ng Enero at Pebrero 2010.” Hindi man lang binanggit sa naturang mga dokumento ang pangalang Huadu Cai—na siyang tunay na katauhan ni Pauline Chong, Pauline Chiong, atbp.— alinsunod sa opisyal niyang Pasaporte blg. G34417238 na inisyu ng People’s Republic of China (PRC).

Ang naturang paglilihim ng pekeng identidad ay pinalakas pa ng pangyayaring binigyan ng identipikasyon kard ng KWF sa ilalim ng administrasyon Punong Kom. Santos si “Pauline Chiong” at ang kaniyang diumano’y anak na nagngangalang Henry C. Lu noong 2009. Walang matinong naimbag sa KWF magpahangga ngayon ang dalawang Tsinong ito, at naging galanteng tagapamudmod lamang ng regalo, salapi, at iba pang bagay sa mga kawani at opisyal ng KWF. Ngunit ang dapat puwingin ay ang maling representasyon ng dalawang Tsino sa isang tanggapan ng gobyerno, bukod sa nabanggit na paglabag sa Batas Republika Blg. 6085.

Sa isang liham awtorisasyon ni dating Kom. Santos na may petsang 14 Hulyo 2009, nakasaad ang sumusunod: “In the desire of Mme. HUA DU CAI to help in the research, promotion and preservation of Filipino Language in the Chinese Community wherein Mme. Cai is a member, the undersigned hereby authorize her to do such undertakings in line with the rules and regulation mandated under Republic Act 7104 creating the Commission on Filipino Language known as Komisyon sa Wikang Filipino.” Isang kabulaanan ito, lalo kung isasaalang-alang na ni hindi man lang binanggit sa mga dokumentong isinumite sa KWF at may kaugnayan sa pakikipagkontrata sa dayuhang konsultant ang pangalang Hua Du Cai, bukod sa inilingid ang numero ng kaniyang pasaporte. Hindi isinaad ni dating Kom. Santos na si Hua Du Cai o Huadu Cai at si Pauline C. Chiong at iba pang alyas ay iisang tao lamang. Wala ring karapatang magbigay ng awtorisasyon si dating Kom. Santos kay Huadu Cai sapagkat si Santos ay hindi awtorisado ng Lupon ng mga Komisyoner na gawin iyon. Kumbaga, arbitraryo ang gayong kapasiyahan.

Matagal nang naghasik ng kabulaanan itong si Huadu Cai, alyas Pauline C. Chiong atbp., hindi lamang sa loob ng KWF bagkus maging sa mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino ng KWF sa buong kapuluan at ibayong dagat. Si Huadu Cai, batay sa obserbasyon ng nakararaming nakasaksi sa kaniyang pananalita at pagsusulat, ay walang kasanayan sa wikang Filipino o lingguwistika at kulturang Filipino sa mga pamayanang Tsino. Kung pagbabatayan ang kaniyang curriculum vitae na isinumite sa KWF ay mahihinuhang kahit iyon ay pineke, at pinalusot ng HRMO Alejandrino at Punong Administratibo Ramos sa mahabang panahon. Ang masaklap pa nito, ginagamit pa ni Huadu Cai ang radyo at nagpondo pa ng sariling magasing Kowika noong 2010 upang isulong ang kaniyang interes.

Hindi dapat paniwalaan itong si Huadu Cai; ngunit ito’y patuloy na kinunsinti ni Jolad Santos hanggang sa wakas at lampas sa kaniyang termino. Kasumpa-sumpa ang ganitong impunidad, kasuklam-suklam ang ganitong pagmamalabis sa awtoridad, at karima-rimarim kahit ang kutsabahan sa loob ng KWF na lalong nagpaparupok sa pundasyon at integridad ng institusyong nagsusulong ng wikang Filipino at iba pang wikang panrehiyon.

Noong 2010, nagpasok ng mga kasangkapang pangkomunikasyon sa KWF at umokupa pa ng isang bukod na silid si Huadu Cai sa basbas ng mga Komisyoner na sina Santos, Carmelita Abdurahman, at Concepcion Luis, bukod sa pinayagan din nina Punong Administratibo Ramos at HRMO Alejandrino. Nangyari ito kahit pa masikip na ang tanggapan ng KWF sa Gusaling Watson, at umaangal ang mga kawani dahil hindi paborable ang lugar sa pagtatrabaho. Ang ganitong kaselang pangyayari ay naglagay sa alanganin sa Malacañang, lalo’t may isinamang mga tauhan si Huadu Cai na maaaring magdulot ng panganib o kapahamakan hindi lamang sa KWF bagkus sa Tanggapan ng Pangulo, yamang katabi ng silid ni Huadu Cai ang opisina ni Atty. Ronaldo Geron sa Gusaling Watson.

Nakapagdududa kung ano talaga ang identidad nitong si Huadu Cai. Ginamit niya ang alyas na “Ling Hui Kho,” at kung may kaugnayan man siya sa Ling Hui Kho Foundation, Inc. na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission ay dapat pang imbestigahan. Ang nasabing organisasyon ay kahawig ng isa pang organisasyong nakareserba sa SEC, at pinangalanang Pamana LingHuiKho (PAMANA) Inc., na puwedeng imbestigahan ng NBI, DOLE, at BI. Sa isang ulat ni Alvin M. Remo ng Philippine Information Agency, si  Pauline Chong ay ipinakilalang direktor ng Language Exchange Center, Hong Kong at nagtatag umano ng Ling Hui Kho Temple sa Barangay Cuta, Lungsod Batangas. Kung ang naturang Language Exchange Center ay tumutukoy sa PSWF Hong Kong, iyon ay malinaw na maling representasyon sa panig ni Huadu Cai alyas Pauline Chong.

Iminumungkahi kong ituring na persona non-grata si Huadu Cai sa KWF, sa pagpasok ng bagong set ng mga komisyoner, dahil sa pagtataglay at pagpapanatili ng pekeng identidad at palsipikadong papeles. Mungkahi lamang ito, at maaaring hindi maganap. Ngunit hindi ko rin mapipigil kung may ibang tao o institusyong ungkatin ang ganitong kagarapal na pangyayari, at magmungkahing unahing papanagutin sa batas si Jolad Santos at ang kaniyang matatapat na tauhang kasangkot.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chiong, katabi ni Mayor Vilma Dimacuha.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chiong, katabi ni Mayor Vilma Dimacuha, na katabi ni dating KWF Komisyoner Jose Laderas Santos.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chong, kasama sina Ricky Ursua ng DWDD 1134, dating KWF Kom. Carmelita Abdurahman, at ang yumaong peryodistang Andy Beltran.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chong, kasama sina Ricky Ursua ng DWDD 1134, dating KWF Kom. Carmelita Abdurahman, at ang yumaong Andy Beltran.

Filipino at Dalawampung Pisong Papel

ROBERTO T. AÑONUEVO

Nauungkat lamang muli ang usapin sa wikang Filipino kapag pinagmasdan ang pinakabagong dalawampung pisong papel na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Nakasaad doon ang “Filipino as the National Language 1935” ngunit itinatanong ng ilan ang katumpakan ng gayong pahayag.

Hindi totoong noong 1935 nilagdaan ang batas at umiral ang Filipino bilang wikang pambansa. Sa bisa ng Saligang Batas ng 1935, ang Kongreso “ay inaatasang magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika” (akin ang diin). Ibig sabihin, wala pa noong ahensiya ng pamahalaan na mangangasiwa o magpapalaganap ng mga patakaran hinggil sa pambansang wika. At wala pa ring napipili noong 1935 kung aling katutubong wika ang magiging batayan ng pambansang wika. Mababatid lamang ang halaga ng pambansang wika kapag isinaalang-alang na ang Espanyol at Ingles noon ay umiiral bilang mga opisyal na wika sa buong kapuluan.

Ang siniping probisyon sa Saligang Batas ng 1935 ay ipinaglaban ng mga delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal na hindi Tagalog. Kabilang sa pangkat sina Felipe R. Jose (Mountain Province), Wenceslao Q. Vinzons (Camarines Norte), Tomas Confesor (Iloilo), Hermenegildo Villanueva (Negros Oriental), at Norberto Romualdez (Leyte). Si Romualdez na dating batikang mahistrado ang sumulat ng Batas Komonwelt Blg. 184 na nagtatatag ng Surian ng Wikang Pambansa.

Sa mensahe ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea noong 27 Oktubre 1936, sinabi niyang hindi na dapat ipaliwanag pa, na ang mga mamamayang may isang nasyonalidad at isang estado ay “dapat magtaglay ng wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat.”

Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184, itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa “na mag-aaral ng mga diyalekto sa pangkalahatan para sa layuning magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.” Ang pagpili ng isang pambansang wika ay ibinatay sa “pagkaunlad ng estruktura, mekanismo, at panitikan na pawang tinatanggap at ginagamit ng malaking bilang ng mga Filipino.”

Sa madali’t salita, Tagalog ang napili. At pinili ang Tagalog sa ilalim ng pamumuno ni Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte), at kinabibilangan ng mga kasaping sina Santiago A. Fonacier (Ilokano), Filemon Sotto (Sebwano), Casimiro F. Perfecto (Bikol), Felix S. Salas Rodriguez (Panay), Hadji Butu (Moro), at Cecilio Lopez (Tagalog). Tampok sa pagpili ng Tagalog ang pagkilala rito “na ginagamit ito ng nakararaming bilang ng mga mamamayan, bukod pa ang mga kategorikong pananaw ng mga lokal na pahayagan, publikasyon, at manunulat.” Hindi nakaganap ng tungkulin si Sotto dahil sa kapansanan; samantalang si Butu ay namatay nang di-inaasahan.

Noong 13 Disyembre 1937, sinang-ayunan batay sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na pagtibayin ang Tagalog “bilang batayan ng wikang pambansa ng Filipinas.” Ngunit magkakabisa lamang ang nasabing kautusan pagkaraan ng dalawang taon, at ganap masisilayan noong 1940. Dalawang mahalagang tungkuling naisagawa ng SWP ang pagbubuo at pagpapalathala ng A Tagalog-English Vocabulary at Balarila ng Wikang Pambansa. Pinagtibay ng Pambansang Asamblea ang Batas Komonwelt Blg. 570 noong 7 Hunyo 1940 na kumikilala sa Pambansang Wikang Filipino [Filipino National Language] bilang isa sa mga opisyal na wika ng Filipinas pagsapit ng 4 Hulyo 1946. Gayunman, noong 1942 ay inihayag ng Komisyong Tagapagpaganap ng Filipinas [Philippine Executive Commission] ang Ordinansa Militar Blg. 13 na nagtatakda na ang kapuwa Nihonggo at Tagalog ang magiging mga opisyal na wika sa buong kapuluan. Nagwakas ang gayong ordinansa nang lumaya ang Filipinas sa pananakop ng Hapon. At muling ipinalaganap ang paggamit ng Ingles sa mga transaksiyon sa pamahalaan, akademya, at negosyo.

At upang matupad ang mithing Pambansang Wikang Filipino, sari-saring seminar ang idinaos noong panahon ng panunungkulan ni Lope K. Santos sa SWP (1941–1946). Halimbawa, iminungkahi ang paglalaan ng pitak o seksiyon para sa wikang pambansa sa mga pahayagang pampaaralan nang masanay magsulat ang mga estudyante. Pinasimulan noong panunungkulan ni Julian Cruz Balmaseda ang Diksiyonaryong Tagalog. Lumikha ng mga talasalitaan sa mga espesyalisadong larang ang termino ni Cirio H. Panganiban, halimbawa sa batas, aritmetika, at heometriya. Isinalin sa wikang Filipino ang pambansang awit nang ilang beses bago naging opisyal noong 1956, at binuo ang Panatang Makabayan noong 1950. Ipinatupad ang Linggo ng Wika, at inilipat ang petsa ng pagdiriwang mulang Marso tungong Agosto. Itinampok ang lingguwistikang pag-aaral sa wikang pambansa at mga katutubong wika sa Filipinas noong panahon ni Cecilio Lopez. Pagsapit sa termino ni Jose Villa Panganiban ay isinagawa ang mga palihan sa korespondensiya opisyal sa wikang pambansa. Nailathala ang English-Tagalog Dictionary; at pagkaraan ay tesawro-diksiyonaryo.

Nagpalabas ng kautusan ang kalihim ng Tanggapan ng Edukasyon noong 13 Agosto 1959, na tawaging “Pilipino” ang “Wikang Pambansa.” Ang “Pilipino” na ibinatay nang malaki sa Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1973 “na linangin, paunlarin, at pagtibayin ang Filipino alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at diyalekto nang di-alintana ang pagtanggap ng mga salita mula sa mga dayuhang wika.” Sa panahon ni Ponciano B.P. Pineda, ang SWP ay nagbunsod ng mga pananaliksik na may kaugnayan sa sosyo-lingguwistika, bukod sa pagpapalakas ng patakarang bilingguwal sa edukasyon. Naipalathala ang mga panitikan at salin para kapuwa mapalakas ang Pilipino at iba pang katutubong wika.

Noong 1986, pumapel ang SWP sa paghahanda ng salin ng Saligang Batas ng 1986, at sa naturang batas din kinilalang ang pambansang wika ng Filipinas ay “Filipino.” Kung paniniwalaan ang nasabing batas, “habang nililinang ang Filipino ay dapat itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga katutubong salitang umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika.”

Ano ang maaaring ipakahulugan nito? Na ang “Filipino” ay nangangailangan ng isang ahensiyang pangwika na magtataguyod sa naturang simulain. Ang “Filipino” ay hindi na ang “Pambansang Wika” na nakabatay lamang nang malaki sa Tagalog, bagkus idiniin ang pangangailangang payabungin ito sa tulong ng mga panrehiyong wika sa Filipinas, bukod pa ang tinatanggap na mga salita sa ibang internasyonal na wika. At upang “mapayabong” ang pambansang wika ay kinakailangan ang isang institusyong pampananaliksik, na may mandatong higit sa itinatakda ng “pagsusuri” ng mga wika.

Kaya naman sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 na nilagdaan ni Pang. Corazon Aquino nalikha ang Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na sa pumalit sa SWP. Malulusaw pagkaraan ang LWP nang pagtibayin at pairalin ang Saligang Batas ng 1987 dahil iniaatas nito ang pagtatatag ng isang komisyon ng pambansang wika. Naisakatuparan ito nang maipasa ang Batas Republika 7104 noong 14 Agosto 1991, na nagtatag sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Kailangan ang KWF dahil ito ang ahensiyang makapagmumungkahi ng mga hakbang, plano, patakaran, at gawain hinggil sa mga wika, lalo na sa paggamit ng Filipino bilang pambansang wika. Maihahalimbawa ang kasong isinampa ni Inocencio V. Ferrer noong 1965 laban kay Direktor J.V. Panganiban at mga kagawad ng SWP; o kaya’y ang kasong isinakdal ng Madyaas Pro-Hiligaynon Society laban sa SWP upang pigilin itong isakatuparan ang gawaing bumuo ng pasiyang pangwika na labag umano sa Saligang Batas. Nagwagi ang panig ng SWP na kinatigan ng korte, at sinabing may batayang legal ang pag-iral ng nasabing tanggapan, bukod sa kinilalang ang “pagdalisay” at “pagpapayaman” ng katutubong wika [i.e., pagpapakahulugan at talasalitaan] ay kaugnay ng proseso ng “pagtanggap” o “pag-angkin” ng mga salita o impluwensiya mula sa banyagang wika na siyang magpapatunay na ang Filipino ay buháy na wika. Higit pa rito, inilantad ng nasabing mga usapin ang pangangailangang paghusayin ang paglinang at pagpapaunlad ng wika, sagutin punto por punto ang mga argumento ng gaya ni Geruncio Lacuesta laban sa tinawag niyang “Manila Lingua Franca,” alinsunod sa matalinong paraang nakasandig sa masusing pag-aaral at pananaliksik.

Dapat lamang linawin dito na ang pagiging pambansang wika ay hindi lamang nakatuon sa rehiyon ng Katagalugan, kahit pa sabihing ginawang batayan ang Tagalog sa pagbuo ng pambansang wika.  Ang Filipino, na patuloy na nilalahukan ng mga salita mula sa iba’t ibang wikang panrehiyon at pandaigdigan, ay sumasailalim sa ebolusyong hindi lamang limitado sa gramatika at palaugnayan kundi maging sa mga pahiwatig at pakahulugan. Ginagamit na ang Filipino hindi lamang sa panitikan o sa Araling Panlipunan, bagkus maging sa pagpapaliwanag ng agham at teknolohiya, inhinyeriya at medisina, batas at matematika, at iba pang larang.

Bagaman ang Departamento ng Edukasyon (DepEd) ay nagpalabas ng bagong kautusan hinggil sa pagsasakatuparan ng Edukasyong Multilingguwal, ang nasabing patakaran ay hindi basta-basta maipatutupad hangga’t hindi nababago ang Saligang Batas. Kinakailangang baguhin muna ang probisyon ng Saligang Batas hinggil sa bilingguwalismo na nagsasaad na tanging Filipino at Ingles ang “mga opisyal na wika sa komunikasyon at pagtuturo,” at ang KWF ay malaki ang tungkulin sa pagpili kung aling hakbang ang makabubuti sa pagsusulong ng anumang panukalang polisiya hinggil sa wika.

Maselang bagay ang pagbabago ng mga polisiya, kaya naman dapat ding maging maingat ang Pangulo kung sino-sino ang itatalaga sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF. Anumang mungkahing patakaran o programang pangwika ang imungkahi ng lupon, at siyang sang-ayunan ng Pangulo alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas, ang iiral at dapat ipatupad sa buong kapuluan.

Ang kasaysayan ng KWF ay kasaysayan din ng pagpupundar ng pambansang wikang Filipino. Tuwing babalikan ang pinag-ugatan ng KWF, matutuklasan ang salimuot ng politika at pakikibaka laban o pabor sa Filipino. Gayunman, napatunayan ng Filipino na kaya itong tanggapin sa iba’t ibang rehiyon at gawing katuwang ng wika ng rehiyon, dahil ang komposisyon ng Filipino ay hindi nalalayo sa naturang wika, kompara sa Ingles na sa kabilang polo nagmumula.

Sa ngalan ng KWF, nais kong ipaabot sa inyo ang taos-pusong pasasalamat. Makilahok kayo sa mga programa at proyekto ng KWF, dahil ang tanggapang ito ay dapat magsilbi sa bayan, imbes na pagsilbihan.

[Talumpating binigkas ni Roberto T. Añonuevo sa paglulunsad ng ika-75 Anibersaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino, na ginanap sa plasa ng Angono, Rizal noong 25 Enero 2011.]

Breaking News: Ricardo Nolasco, sinibak sa Komisyon sa Wikang Filipino

Nakahinga nang maluwag ang mga empleado ng Komisyon sa Wikang Filipino nang suspindihin ng Commission on Audit si Ricardo Ma. Duran Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF noong 27 Oktubre 2008. Si Nolasco ang kontrobersiyal na puno ng KWF na nagsusulong ng patakarang multilingguwal ng pamahalaan, kahit labag sa Konstitusyon, at tandisang minamaliit ang Filipino bilang wikang pambansa.

Paso na ang secondment ni Nolasco simula noong 1 Abril 2008, ayon sa ulat ng COA, ngunit patuloy pa rin itong nanunungkulan nang ilegal sa KWF. Sa gayong kahabang panahon, ang lahat ng kaniyang pinirmahang tseke, kasunduan, at iba pang papeles ay walang bisa, at nahaharap ngayon si Nolasco sa kasong misrepresentasyon at korupsiyon bilang opisyal ng pamahalaan.

Ang secondment ay pahintulot na hinihingi ng isang ahensiya sa iba pang ahensiya o sangay ng pamahalaan upang hiramin ang empleado nito sa isang takdang panahon. Si Nolasco ay propesor sa lingguwistika sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, at ipinahiram lamang sa KWF. Hanggang sa sinusulat ito, wala pa umanong aksiyon ang mga full-time komisyoner ng KWF na bigyan ng secondment si Nolasco.

Sa liham ni Nolasco sa AOM Bilang 2008-013, lumiban siya nang walang bayad sa UP Diliman sa kaniyang secondment sa KWF. Ngunit wala umanong maipakitang papeles si Nolasco ukol sa naturang pagliban. Nang pumaso ang kaniyang secondment, patuloy pa rin siyang nanungkulan nang lingid sa kaalaman ng mga empleado ng KWF. Nang magtanong ang Alimbukad sa mga taga-UP Diliman, napag-alamang si Nolasco ay nagturo pa nang overload sa UP at ito ay malinaw na paglabag sa itinatakda ng batas dahil kabilang ito sa tinataguriang dobleng pasuweldo ng pamahalaan.

Ayon sa CSC Memorandum Circular No. 15, s. 1999, at siyang sinipi ng COA, “Ang ipinahiram (seconded) na empleado ay liliban nang walang bayad mula sa kaniyang pinagmulang ahensiya sa loob ng panahon ng kaniyang pagpapahiram. . . .” Sinipi rin ng COA ang CSC MC No. 15, se. 1999 na nagsasaad na “Ang ipinahiram na empleado ay hindi dapat hayaang pumasok sa tatanggap na ahensiya nang mas maaga sa petsa ng paglagda ng Memorandum ng Kasunduan.” Idinagdag ng naturang kautusan na anumang paglabag sa mga probisyon ng Memorandum ng Kasunduan ay “magiging dahilan upang ihinto ito nang walang prehuwisyo sa pagsasampa ng kasong pandisiplina sa sinumang tao na responsable sa gayong paglabag.”

Lahat ng suweldo at alawans na natanggap ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay suspendido mulang 1 Abril 2008 hanggang kasalukuyan hangga’t hindi siya nakapagsusumite ng bagong papeles ukol sa secondment sa Tanggapan ng Auditor. Ibig sabihin, kailangang ibalik ni Nolasco ang lahat ng kaniyang kinita mula sa KWF sa loob ng siniping panahon.

Hindi lamang ito ang sakit ng ulo ni Nolasco. Ayon sa mga impormante ng Alimbukad na nasa loob ng KWF, si Nolasco ay maraming papeles na hindi pa niya nali-liquidate, at may kaugnayan umano ito sa kaniyang mga proyekto at paglalakbay na hindi pa nakukumpirma kung naganap nga o hindi.

Ipinagbabawal nang pumasok sa KWF si Nolasco, at napabalitang nagsasaayos siya ng kaniyang papeles sa UP Diliman. Ibig umanong ipamigay na lamang ng Kagawaran ng Lingguwistika si Nolasco sa alinmang ahensiyang ibig siyang tanggapin, huwag lamang makabalik pa sa naturang kagawaran.

Ang ulat ng COA ay nilagdaan ni Columba L. Arnoco, ang puno ng pangkat audit; at ni Samuel C. Sison, State Auditor V mula sa Opisina ng Pangulo, Pangkat Audit.

Si Joe Lad Santos, na dating peryodista, pabliser, at manunulat sa komiks at pelikula, ang itinalaga ng Malacañang na maging Officer in Charge ng KWF.

Kritika sa Multilingguwalismo at sa Pahayag ni Ricardo Nolasco ng Komisyon sa Wikang Filipino

Ayoko sanang patulan itong si Ricardo Nolasco, ang pansamantalang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, ngunit nagpapakalat na naman ito sa email ng kaniyang mga opinyon sa wika na marapat sagutin. Sumulat siya ng mahabang papel hinggil sa “Ilang popular pero mga maling hakahaka (sic) tungkol sa wikang pambansa at mga wika sa Pilipinas” na ang bersiyon sa Ingles ay nalathala sa Philippine Panorama noong 22 Pebrero 2008. Sa unang malas, ang nasabing sanaysay ay hinggil sa pagtutuwid sa maling opinyon ukol sa “wikang pambansa” at “mga wika ng bansa,” ngunit kung uuriin nang maigi ay pailalim na bumabanat sa Filipino bilang wikang pambansa at nagpapanukala ng multilingguwalismo para pahinain ang paglago ng Filipino. Heto ang kaniyang pambungad na kuro-kuro:

(1) Sa maraming Pilipino,  ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika,  at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.  Hindi tama ito.

(2)        May mga paraan ang mga pantas-wika o mga linguista para malaman kung ano ang wika at kung ano ang wikain o diyalekto.  Ang unang pamantayan ay kung nagkakaunawaan ang dalawang tagapagsalita kapag ginagamit nila ang sarili nilang wika.  Kapag hindi sila nagkakaunawaan,  nagsasalita sila ng magkaibang wika.  Kapag nagkakaunawaan sila,  nagsasalita sila  ng parehong wika o diyalekto ng isang wika. 

(3)        Ang ikalawang pamantayan ay ang gramatika.  Kapag magkaiba ang gramatika ng sinasalita nilang mga wika,  magkaibang wika ang mga ito.  Kung magkapareho ang gramatika,  mas malamang na nabibilang ang mga ito sa isang wika.2

(4)        Hindi mahalaga kung ang wika nila ay isang milyon o  limang tagapagsalita lamang;  kung mayroon itong nakasulat na panitikan o wala;  o kung sinasalita ito sa isang barangay o sa buong probinsiya.    Hindi mapagpasya ang alinman sa mga ito sa pagkilala sa kung ano ang wika at kung ano ang diyalekto.

(5)        Sa mga batayang ito,  ang Ilokano,  Sebwano,  Pangasinan,  Hiligaynon,  Bikol,  Kapampangan,  Butuanon at Meranao,  kung magbabanggit ng ilan, ay hindi mga diyalekto kundi  ganap na mga wika.   Diyalekto o wikain ang tawag sa  baryasyon ng isang wika, gaya ng Dumaguete-Cebuano, Davao-Cebuano at Iligan-Cebuano.

(6)        Ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ay nakapagtala ng may 170ng wika sa bansa.3   Maaaring umabot sa 500 ang mga diyalekto.  Pangsampu tayo sa may pinakamaraming wika sa daigdig.  Nangunguna ang Papua New Guinea.

Nilagyan ko ng numero ang bawat talata upang masuri nang maigi. Hindi nilinaw ni Nolasco ang batayan ng kaniyang unang pahayag: na  “ang wikang pambansa lamang ang wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.” Sa madaling sabi, ang Filipino lamang ang wika, at ang lalawiganing wika ay diyalekto. Ang ganitong pahayag ay nagmumula kay Nolasco at hindi sa pangkalahatang publiko. Walang isinaad na estadistika o sarbey si Nolasco na may ganito ngang pahayag at pananaw ang malawakang publiko, at yamang hindi totoo, hindi ito kinakailangang sagutin.

Ang pagtatangi kung ano ang “wika” at kung ano ang “diyalekto” ang gagamitin ni Nolasco bilang lunsaran ng hambingan. Ayon sa opinyon ng mga lingguwista, ani Nolasco, na kapag nagkakaunawaan ang dalawa o higit pang tao sa usapan habang gamit ang kani-kaniyang wika ay maituturing yaong wika. At kung hindi sila nagkakaunawaan ay ipinapalagay na magkaiba ang kanilang wika. (Ang pahayag na ito ay nagmula kay Peter Trudgill sa kaniyang aklat na Sociolinguistics: An Introduction to Language and Society, [1974; 1983] at hiniram nang wala sa konteksto ni Nolasco.) Hindi nilinaw dito ni Nolasco kung ano ang wika na ginamit ng dalawang tao sa pag-uusap. Halimbawa, ipagpalagay nang gumamit sila ng Filipino sa pag-uusap, at nagkaunawaan sila, ang Filipino ay ituturing umano na wika. Ngunit ang ganitong simplistikong pahayag ng mga lingguwista ay maraming butas. Una, hindi malinaw kung ano ang antas ng diskurso ng dalawang tao na nag-uusap. Kahit batid ng dalawang tao ang mga pakahulugan ng mga salita sa loob ng usapan, hindi ibig sabihin nito na ganap na magkakaunawaan agad sila. Kailangang isaalang-alang dito ang mga pahiwatig, konteksto, senyas, dalumat, halagahan, at pakikipagkapuwa na pawang makaiimpluwensiya sa kanilang komunikasyon at siyang makaaapekto sa resulta ng kanilang usapan. Ikalawa, hindi malinaw sa pahayag ni Nolasco kung ano ang pinag-uusapan, at maihahakang ang pinag-uusapan ay mabababaw na paksa lamang. Sa ganitong lagay, ang dalawang tao—na kahit may magkaibang wika—ay maaari pa ring magkaunawaan hindi lamang dahil sa bisa ng wika kundi sa senyas ng katawan o kaya’y sa pamamagitan ng pagguhit o paglalarawan o musika o demostrasyon. Ikatlo, dapat linawin ni Nolasco kung ang dalawang tao na nag-uusap ay gumagamit lamang ng isang wika o may magkabukod na wika. Kung isang wika lamang ang ginamit nila at sila ay nagkaunawaan ay maganda. Ngunit kung isang wika lamang ang ginamit nila, at hindi pa rin sila magkaunawaan, marahil may kaugnayan ito sa dalumat na pinagmumulan ng dalawang tao, at magkaiba ang pagkakaunawa nila sa daigdig.

Sa talata 3 ni Nolasco, ang ikalawang pamantayan umano ng mga lingguwista upang ituring na wika ang isang wika imbes na diyalekto ay ang gramatika. Ang pahayag na ito ay hindi nagmumula sa publiko kundi sa loob mismo ng sirkulo ng mga lingguwista. Ang paghahambing sa gramatika ng Filipino sa gramatika ng Ilokano o Sebwano o iba pang lalawiganing wika ay hindi makatwiran dahil magkaiba ang pinagmumulan ng dalawang wika, kahit sa ilang pagkakataon ay nagkakahawig, gaya ng may salita sa Ilokano na kahawig sa mga salitang Filipino o Bisaya, bagaman iba ang pagkakabigkas.

Ang nakababagabag ay ang talata 4 ni Nolasco. Hindi umano mahalaga ang bilang ng tagapagsalita, o kung may panitikang nakasulat o wala, o kung ginagamit ang wika sa isang barangay o sa buong lalawigan. Kung hindi mapagpasiya ang mga pamantayang ito, ano kung gayon ang dapat maging pamantayan upang itangi ang “wika” sa “diyalekto”? Lumilitaw sa pahayag na ito ni Nolasco na hindi lamang niya itinatwa ang mga pag-aaral ng mga kapuwa niya lingguwista, bagkus nagtatangkang magpanukala pa ng sariling pananaw hinggil sa kung ano ang wika at kung ano ang marapat tawaging diyalekto. Ngunit walang ibinigay na panukala batay sa matalisik na pag-aaral si Nolasco. Wala. Ang tanging mababanggit ay ang “baryasyon” o baryedad ng wika, gaya halimbawa ng iba’t ibang testura ng Bisaya o Bikol. Para kay Nolasco, ang lahat ng wika ay magkakapantay, at maipapantay halimbawa ang wika ng Butuan sa wikang pambansa (Filipino). Na isang kalokohan, dahil hindi dapat ikompara ang dalawang wika dahil magkaiba ang silbi nito sa pamayanan at magkaiba ang lawak ng bisa nito sa lipunan. Ang pagtatangi samakatwid ni Nolasco sa “wika” at “diyalekto” ay subhetibo, at nakasalalay sa anumang paraan ng pagsagap ng mga tao.

Ginagawang payak ni Nolasco ang usapin sa wika. Ang Filipino bilang pambansang wika ay malayo na ang iniungos sa iba pang lalawiganing wika, mulang panitikan hanggang iba pang larang ng pag-aaral. Ang pag-ungos ng Filipino ay hindi dapat isisi sa Tagalog na naging batayan ng Filipino, o kaya’y sa masigasig na paggamit ng mga manunulat, editor, panitikero, at iba pang espesyalista. Ang paglakas ng Filipino ay may kaugnayan sa nagbabagong diskurso at kamalayan ng mga Filipino, na handang tumanggap o luminang ng isang wikang pambansa upang magkaunawaan ang mga tao sa iba’t ibang lalawigan. Filipino ang pinakamabisang tulay ng komunikasyon sa buong bansa, at may kaugnayan dito ang mass media, sangguniang aklat, panitikan, at iba pang kaugnay na bagay. Hindi rin dapat ikompara ang Filipino sa ibang lalawiganing wika, dahil higit na abanse ang paglinang ng Filipino at siyang nakaligtaan ng mga lalawiganing wika. Ang Tagalog na ginawang batayan ng Filipino ay lumampas na sa hanggahan nito sa rehiyon ng Katagalugan at nagparaya upang maangkin ng buong bansa at maging pangunahing haligi ng wikang pambansa. Ang ganitong aspekto ang hindi pa nasusubok sa gaya ng Sebwano o Ilokano o Butuanon o Kapampangan o Maranaw. Bagaman makapangyarihan ang gaya ng Sebwano at Ilokano habang ginagamit sa loob ng sirkulo ng Sebwano o Ilokano, ang gayong kapangyarihan ay nananatiling kulob at hindi kayang sumaklaw sa buong lunggati at diskurso ng Filipinas.

Ang binanggit ni Nolasco na 170 wika, bukod sa 500 diyalekto, sa Filipinas ay mahalaga. Ang mga wika at diyalektong ito ang matagal nang sinimulang ilahok sa korpus ng Filipino, at ipaloob sa mga diksiyonaryo at tesawro, hindi pa man nahihirang ng Malacañang si Nolasco na maging pansamantalang komisyoner ng KWF. Ang nakaligtaan ni Nolasco ay sa binanggit niyang 170 wika ay wala siyang tinukoy kung anong wika rito ang may kapasidad na maging wikang pambansa, at sa halip ay minamaliit ang Filipino na mula raw lamang umano sa Tagalog. Kung walang kapasipad ang anumang wika sa Filipinas na maging saligan ng isang pambansang wika, ano ngayon ang marapat maging wikang pambansa? Ingles? Posible. Kung susundan ang baluktot na lohika ni Nolasco, multilingguwalismo ang dapat manaig, ang halo-halong wika na walang tiyak na gramatika, palabaybayan, at palaugnayan na pawang ibinatay sa iba’t ibang wika at mahihinuhang ipinadron sa Ingles. Mahihinuha rito na sa pagsusulong ni Nolasco ng kaniyang kakatwang bersiyon ng multilingguwalismo, ang nakikinabang ay ang Ingles na siyang ibig gawing midyum sa pagtuturo sa buong bansa at isinusulong ni Kalihim Jesli Lapus at binasbasan ng Malacañang.

Kung Filipino ang wikang pambansa, ayon sa Saligang Batas ng 1987, ang wikang ito—anuman ang pinag-ugatang wikang taal sa Filipinas—ang dapat pinagyayaman ng KWF at hindi ibinibingit lagi sa kontrobersiya ng salungatang Filipino vs. Lalawiganing Wika at Ingles. Sa layong isulong ang diwa at sariling bersiyon ng multilingguwalismo, itinatampok ni Nolasco ang Filipino na kaantas lamang ng mga lalawiganing wika imbes na palaganapin ang Filipino bilang wikang pambansang katuwang ng mga lalawiganing wika. Ang ganitong asta ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay mapanghati (i.e., divisive) sa pangarap na itaguyod at linangin ang isang pambansang wikang magagamit ng sambayanang Filipino.

Dumako pa si Nolasco sa pagtutuon sa “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino.” Heto ang kaniyang pahayag:

(8)        Ang “Tagalog.” “Pilipino,” at “Filipino” ba ay magkakaibang wika?  Hindi.  Ang isang nagta-Tagalog o nagpi-Pilipino ay nauunawaan ng sinumang nag-fi-Filipino,  at vice versa.  Ang mga tagapagsalita ng tatlong diumano’y magkaibang barayti ay gumagamit ng parehong gramatika.  Magkapareho ang ginagamit nilang mga pantukoy (ang, ng at sa);  mga panghalip-panao (siya, ako, niya, kanila, atbp.) panghalip-panturo o pamatlig (ito, iyan, doon, atbp.); pang-ugnay (na, at at ay); kataga o paningit (na, daw at pa);  at panlaping makadiwa -in, -an, i- at -um-.   Sa madaling sabi,  walang siyentipikong batayan para klasipikahin ang “Tagalog”, “Pilipino” at “Filipino” na magkakaibang wika.

(9)        May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.   Para sa kanila, ang pulong at guro ay salitang Tagalog samantalang ang miting at titser ay salitang Filipino.  Gayon man, ang panghihiram ng salita ay hindi mapagkakatiwalaang batayan sa pag-iiba ng wika sa diyalekto. Lansakan ang ginawang “panghihiram” ng Zamboangueño (Chavacano) sa Espanyol subalit nakabuo ito ng ibang gramatika.  Hindi ito mauunawaan ng mga Espanyol, at dahil dito ay nararapat na ituring  na magkaibang wika.

Inuri ni Nolasco ang “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino” na magkakapareho, at iniugnay niya sa pagsusuri ang paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga. Ang ganitong simplistikong pagsusuri ay hindi nagsasaalang-alang sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa na dumaan sa yugto ng pagbubuo, paggamit, pagpapalaganap, at pagtanggap ng sambayanan. Ang ginawang batayan lamang ni Nolasco ay mula lamang sa pananaw ng lingguwistika na isang malaking pagkukulang. Ang Tagalog na lumaganap noong bungad ng siglo beynte ay iba sa “Pilipino” noong dekada 1960, at lalong iba sa testura ng “Filipino” ng siglo 21. Mababatid ito kapag sinuyod nang maigi ang mga lumabas na panitikan, gaya sa nobela, kuwento, tula, at dula mula sa iba’t ibang panahon. Halimbawa, iba ang Tagalog ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos kung ikokompara sa Pilipino ni Amado V. Hernandez sa Mga Ibong Mandaragit at itatambis sa Filipino ng Oriental ni Rio Alma. Kung nagkakapareho man ang gamit ng pantukoy, panghalip, at kataga ay dahil sa ginawang batayan ang Tagalog na maging haligi ng pambansang wika na malaya at handang tumanggap ng mga salita mula sa ibang wika. Dagdag pa, nagbabago ang Filipino kahit sa paraan ng asimilasyon, sa gramatika at palaugnayan, sa pagpapakahulugan at pagpapahiwatig, at humahalo kahit ang “Ingles na Tinagalog” na Ingles ang padron ng pagkakabuo ng pangungusap ngunit ang ginagamit ay wikang Tagalog. Ang paggamit ng pamantayan ng paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga para sabihing magkapareho lamang ang “Tagalog” at “Filipino” ay isang malaking pagkakamali; at sinasadyang ihiwalay at itago ang iba pang aspektong may kaugnayan sa wika para palabasing totoo ang gayong pahayag alinsunod sa pananaw ng lingguwistang gaya ni Nolasco.

Tumuloy pa si Nolasco sa kaniyang pagpuna na “May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.” May katotohanan ito, ngunit kulang ang pahayag ni Nolasco. Ipinapalagay sa sinabi ng butihing komisyoner na ang Tagalog ay iisa lamang ang tabas ng wika, na ang Tagalog ay Tagalog ding lumalaganap sa Bulakan, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Rizal, at Palawan. Ang Tagalog Rizal ay iba sa Tagalog ng Bulakan o Batangas, at maihahalimbawa ang uri ng Tagalog ni Raul Funilas na mulang Binangonang nakapaloob sa Halugaygay sa Dalampasigan, kompara sa Tagalog ng nobelistang si Jose Munsayac na taga-Bulakan. Binabanggit ang pagiging “purista” ng Tagalog alinsunod sa lugar na pinagmumulan nito at ayon sa pinagmumulang dalumat, pakahulugan, at pahiwatig ng mga taal na salita. Ang binanggit na halimbawa ni Nolasco hinggil sa Chavacano na lansakang nanghiram ng mga salitang Espanyol ngunit nakabuo ng kakaibang gramatika ng Zamboangeño ay maituturing na pag-aangkin. Hindi lamang Chavacano ang gumawa nito. Ang pag-aangkin ay matagal nang ginagawa noon ng Tagalog at siyang ipinagpapatuloy sa Filipino, kaya ang salitang “titser” at “miting” ay maituturing nang inangkin ng Filipino, gaya lamang ng “bintana” o “sibuyas” o “kudeta.”

Ang maganda kay Nolasco ay bihasa siya sa meme. Inuulit niya ang mga salita, paniniwala, at konsepto ng ibang tao nang walang kamalay-malay, at ipinapalagay niyang kaniya lamang ito. Heto ang iba pang pahayag niya:

Ang iba’t ibang kultura at wika sa Pilipinas ay nagkakaloob sa atin ng hindi matutuyuang balon ng mga katutubong konsepto at bokabularyo.  Halimbawa,  ang gásang ay Sebwano para sa “coral” at ang kagasángan ay lokal na termino para sa “coral reef”.  Ang payew o payaw ay siyang tawag sa rice terraces o mga palayang inukit sa mga bundok sa Cordillera. Kung magpapatuloy tayo sa paggamit ng mga terminong Ingles para sa ganitong mga konsepto,  o magkakasya na lamang sa ponetikong baybay  (koral rif), o salin (hagdan-hagdang palayan),  mamamatay ang lokal na termino.  Kailangan nating itaguyod ang paggamit ng katutubong mga konsepto sapagkat kailangang irepresenta ng wikang pambansa ang karanasang pambansa.  Ganitong-ganito ang itinatadhana ng ating saligang batas na paraan upang linangin ang Filipino.4  Kung ito ay isang uri ng purismo, ito ang purismo na itinataguyod ko.

Ang purismong inaayawan ko at inaayawan ng mamamayan ay iyong  nagluwal ng mga salitang gaya ng  salumpuwit at salipawpaw.  Ang salumpuwit ay pinaikli ng “pangsalo ng puwit,”  at ang salipawpaw ay nanggaling sa “sasakyang lumilipad sa himpapawid.”  Inimbento ang mga salitang ito noong mga 1960 para gawing “puro” ang wikang pambansa.  Sapagkat palasak na ang silya at eroplano,  ang ganitong uri ng purismo ay  itinakwil ng ating mamamayan.

Ang pahayag na ito ng punong komisyoner ay hindi na bago. Matagal na itong ginagawa ni Virgilio S. Almario kahit hindi pa siya itinatanghal na Pambansang Alagad ng Sining, o nina Zeus Salazar, Prospero Covar, Virgilio Enriquez, at iba pang eksperto sa kani-kaniyang larang. Ang pagkakaiba lamang, nauna sina Almario at iba pa sa mga pahayag ni Nolasco. Bukod sa “gasang” ay ginagamit na sa tula ang “tangrib” na mula sa Iluko at ipinaloob na sa Filipino. Matagal na ring ginagamit ang “payyo,” “payaw,”  at “payew,” hindi lamang sa tula at kuwento kundi kahit sa ibang babasahing nasusulat sa Filipino subalit kataka-takang hindi ito binanggit ng butihing komisyoner. Kahit ang pag-ayaw ni Nolasco sa uri ng purismong Tagalog sa gaya ng “salumpuwit” ay hindi orihinal at matagal nang binanatan ni Almario. Ang masaklap ay hindi marunong lumingon si Nolasco sa nakaraan, at para bang siya ang nagpasimuno ng gayong pagpapayaman ng wika. Ang hindi naisip ni Nolasco ay ang henyo ng pagtatangka ng umimbento ng sariling katawagan para gamitin sa diskurso ng Filipino. Ang pag-imbento ng salita ay hindi dapat ikahon at patayin sa taguring “purismo.” Ang gayong pagtatangkang umimbento ng salita na hango o halaw sa malig ng Tagalog o iba pang lalawiganing wika—na bukod pa sa mga balbal na salita—ay isang rebolusyonaryong hakbang sa isang banda at paglihis sa gahum ng Ingles, samantalang pinaiigting ang sariling wika, dahil sinisikap ng gumawa niyon na lumikha ng salitang maaaring maging batayan ng diskurso ng Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Nagiging katawa-tawa ang “salumpuwit” o “salipawpaw” o “salungsuso” dahil ang ginagamit na batayan sa paglitis niyon ay ang pinaghiramang salita mula sa Ingles o Espanyol.

Hindi pa rito nagwawakas ang pahayag ni Nolasco. Pansinin ang mga talatang ito:

Kung gayon, bakit natin kinailangang baguhin pa ang pangalan buhat sa “Tagalog,”  patungo sa “Pilipino” at pagkatapos sa “Filipino”?

Ang mga dahilan ay may kinalaman sa katwirang pang-sosyo-linguistika.  Ang dati rati’y wika lamang ng  Katagalugan ay lumaganap na sa buong kapuluan at naging wika na ng sambayanang Pilipino.  Mas marami nang nagsasalita ng Tagalog na hindi taal na Tagalog.  Batay sa sensus ng 2000,  9 sa 10ng Pilipino ang nakapagsasalita at nakauunawa ng Tagalog,  magkakaiba nga lamang ang antas ng kasanayan. Sa dulong hilaga man ng Batanes hanggang sa dulong timog ng Tawi-Tawi, ay may nagsasalita ng wikang pambansa. Sa pamamagitan ng wikang pambansa ay nagkatotoo na ang komunikasyong inter-etniko.  Salamat sa TV, radyo,  romance novel, komiks,  paglilipat-tahanan at sistemang pang-edukasyon. Hindi ang lehislasyon kundi ang aktuwal na praktika ng sambayanang Pilipino ang siyang lumutas sa isyu ng wikang pambansa.

Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika.  Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog.  Ang mga di-taal na tagapagsalita ng Tagalog ay naiimpluwensiyahan ng palabigkasan at gramatika ng kanilang unang wika.  Halimbawa, ang salitang manî (may impit na tunog sa hulihan) ay binibigkas na maní (walang impit na tunog) ng maraming Ilokano kapag nagta-Tagalog sila.  Hindi nakapagtataka at nagsulputan sa buong bansa ang mga baryedad pangrehiyon ng Tagalog.  Tinatanggap at kinikilala na ang mga ito na lehitimong bahagi ng wikang pambansa.  

Ang Ingles ay pangalawang wika rin ng maraming Pilipino.  Sa paniwala ng iba,  higit itong prestihiyoso kaysa Filipino.  Ayon sa surbey noong 2008 ng Social Weather Stations, 3 sa bawat 4 na  Pilipino (75%)  ang nakakaunawa at nakakabasa sa Ingles.  Dalawa sa bawat tatlong Pilipino (61%) ang nagsabing nakakasulat sila sa Ingles at halos kalahati  (46%) ang nagsabing nakakapagsalita sila nito.  

Ito ang magpapaliwanag bakit pinaghahalo ng mga Pilipino ang Ingles at Tagalog.  Kilala ito ng marami sa penomenon na “Taglish.”  Sa ilan, ito ay kapag sinimulan mo sa Ingles o Tagalog ang pangungusap,  tapos you switch to another language sa parehong pangungusap.  “Taglish” din ang tawag kapag ginagamit mo ang gramatika ng Tagalog kasabay ng bokabularyo ng Ingles. 

Ang pagbabago ng “Tagalog” tungong “Filipino” ay hindi lamang may kaugnayan sa sosyolingguwistika, ayon sa paniniwala ni Nolasco. May kaugnayan din iyon sa politikang pangkultura, na umuuri sa ugnayan ng kapangyarihan sa lipunan. Hindi makausad ang “Filipino” dahil laging ipinapantay ito sa “Tagalog” na ang labas ay nagmumukhang baryedad lamang ng Tagalog ang Filipino. Hindi makausad ang “Filipino” dahil ang wika ng pamahalaan, batasan, hukuman, negosyo, at akademya ay “Ingles.” Hindi makausad ang “Filipino” dahil kulang na kulang kahit ang pabliser na magsusugal na maglathala ng mga babasahing nasusulat sa Filipino, at higit na pipiliin ang umangkat ng mga babasahing Ingles mula sa ibang bansa. Ang binabanggit kong politikang pangkultura ay makikita kahit sa pagsasagawa ng sarbey, na gagamitin ang “Tagalog” kahanay ng “Ingles,” “Sebwano,” at iba pa ngunit kakaligtaan ang “Filipino” na isang malaking pagkakamali at pagpatay sa simulaing itaguyod ang isang pambansang wika. Marahil, dapat payuhan ang gaya ng National Statistics Office o National Book Development Board o Social Weather Station o WordPress o Google na gamitin sa kanilang sarbey ang salitang “Filipino,” at ibukod ito sa mga lalawiganing wika at wikang internasyonal na Ingles, dahil buong bansa ang sangkot dito.

Kakatwa kahit ang paraan ng pahayag ni Nolasco: Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika.  Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog.  Ipinapantay wari niya ang Tagalog sa Filipino, at inuuri ang Filipino na parang Ingles bilang “ikalawang wika,” at sa tabas ng kaniyang pananalita’y Tagalog ang Filipino na binago lamang ang taguri. Ang binanggit niyang dalawang porsiyento lamang ang taal na Tagalog ay hindi malinaw kung ano ang ikinatangi sa gumagamit ng wikang Filipino. Malabo rin ang pakahulugan niya ng “ikalawang wika” at mahihinuhang ang ginawang batayan na naman ay pamantayang lingguwistika ng Ingles. Ang ganitong kalabuan, na nagmumula sa bibig ng pansamantalang punong komisyoner ng KWF, ay mapanganib dahil pailalim nitong minamaliit ang Filipino sa kakayahan nitong tumindig bilang pambansang wikang tulay sa pagitan ng mga lalawiganing wika.

Binanggit din ni Nolasco ang sarbey ng SWS na higit na prestihiyoso ang paggamit umano ng Ingles, ngunit hindi niya nilinaw kung itinapat ba iyon sa wikang Filipino, o baka naman sa Tagalog lamang na itinuturing na lalawiganing wika. Sa aking pagkakaalam, ang sarbey ay nakatuon sa Tagalog, at hindi sa Filipino. Hindi rin mapagtitiwalaan ang sarbey na nagsasabing 75 porsiyento ng Filipino ay nakababasa at nakauunawa ng Ingles. Ang hindi inalam sa sarbey ay kung ano ang uri ng lathalain ang binabasa ng mga tao, at kung gaano kalalim ang pagkakaunawa nila hinggil dito. Mahalaga ito upang mabatid ang antas ng diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng Ingles, kung ihahambing sa diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng wikang Filipino.

Sablay din ang konklusyon ni Nolasco hinggil sa pagsulpot ng “Taglish.” Ang usapin ng Taglish o paghahalo ng Tagalog at Ingles ay hindi lamang may kaugnayan sa wika at lingguwistika, kundi maging sa politikang pangkultura. Maituturing ang paglitaw ng Taglish bilang reaksiyon sa patakarang kolonyal ng Amerika na pinalaganap sa buong Filipinas, at ang Tagalog noon, na lumaban sa paglaganap ng Ingles, ay gumawa ng paraan upang angkinin ang Ingles, at gamitin para sa kapakinabangan ng Filipino. Makikita ito sa paglalaro nina Julian Cruz Balmaseda, Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, at Ildefonso Santos hanggang mga blogista ng panahong ito. Bagaman hindi katanggap-tanggap ang Taglish sa mga purong Inglesero, ang Taglish na ito ay lumikha ng mga tagasunod mulang subkultura sa mga kolehiyo at klub hanggang mass media at iba pang lunan. 

Wika at Nasyonalismo
Ang problema kay Nolasco ay lumilikha siya ng opinyon mula sa pira-pirasong pagsipi hinggil sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino. Heto pa ang kaniyang pahayag:

Noong mga 1930, pinili ng pamahalaang Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa.  Dahil dito, naging opisyal at de facto na wikang pambansa ang Tagalog.  Magiging sagisag daw ito ng ating kabansaan, gaya ng pambansang watawat at pambansang awit.  Pagyayamanin daw ito batay sa MGA wika ng Pilipinas, pero nakasaad din sa batas ang “pagpapadalisay” dito.8

Bahagya lamang ang totoo sa sinipi ni Nolasco. Una, hindi naman basta pinili lamang ng administrasyon ni Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Lumalabas sa pahayag ni Nolasco na diktador ang administrasyon ni Pang. Quezon at hindi na makapapalag pa ang ibang tao. Ang nakaligtaang banggitin ni Nolasco ay nagkaroon ng konsultasyon sa iba’t ibang eksperto na pawang kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Institute of National Language, at matapos ang masusing deliberasyon ay saka pinili batay sa datos at saliksik ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Mali rin ang pagbasa ni Nolasco sa pagpapayaman sa Tagalog. Binanggit na payayamanin ang Tagalog batay sa mga umiiral na wika sa bansa, ngunit lilisain ang “di kinakailangang banyagang termino, salita, at konstruksiyon.” Ano ang masama rito? Hindi isinaalang-alang ni Nolasco na iba ang lagay ng Tagalog noon na nagsisimula pa lamang.  Kailangang maipon muna ang malig ng mga salita sa Tagalog upang sinupin ang mga “banyagang salita” (i.e., internasyonal na wika) na pumapasok sa korpus ng Tagalog. Lumabas ito sa serye ng mga pulong sa INL, at isa si Iñigo Ed. Regalado na nagpanukala sa pagpapalago ng kaban ng Tagalog at iba pang wika. Ang pagkokompara, samakatwid, ng Tagalog sa Filipino ngayon—na kumapal na ang korpus at naisayos na kahit paano ang pagtanggap ng mga banyagang salita—ay isang kaululan.

Ang problema sa papel ni Nolasco ay patalon-talon ang argumento, ngunit hindi ko sasabihing baliw ang paraan ng kaniyang pangangatwiran. Binuksan niya ang usapin hinggil sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa ngunit mag-iiwan naman ng mga puwang na ipinapalagay niyang tatanggapin nang buo ng mga mambabasa. Nilaktawan ni Nolasco ang talakay noong panahon ng pananakop ng Hapones at pagkaraan ay gagamiting halimbawa iyon bilang argumento sa pagiging “nasyonalista” na hindi dapat umanong ilapat o ikabit sa wikang Filipino. Isa itong kaululan. Totoong nagpakana ang Hapon na palaganapin ang wikang Nihonggo sa buong bansa, ngunit kulang ang mga titser noon at kaya kinakailangang sanayin ang mga tao na puwedeng magturo ng Nihonggo. Nabigo ang patakaran ng Hapon, at pagkaraan ay binuo ang Pambansang Lupon ng Edukasyon na kinabibilangan nina Jorge Bocobo, Francisco Benitez, at Mariano de los Santos upang gumawa ng sarbey at pag-aaral hinggil sa sistema ng publiko at pribadong edukasyon sa bansa. Lumabas sa kanilang pag-aaral ang kahalagahan ng paggamit ng isang wikang pambansa, at ang malaganap na pagtuturo nito sa lahat ng antas ng paaralan. Sa panayam ni Teodoro Agoncillo kay Pang. Jose Laurel, sinabi nitong “walang layong patayin ang mga katutubong wika” sa paggamit ng isang pambansang wika, bagkus maging tulay ng pagpapahayag sa puwang sa pagitan ng mga lalawiganing wika. Halimbawa, ani Laurel, ang Ilonggo na hindi makapagsalita ng Kapampangan ay maaaring gamitin ang pambansang wika upang maunawaan siya ng taga-Pampanga, at iba pa.

Dapat isaisip ni Nolasco na ang administrasyon ni Pang. Laurel ay nasa yugto ng digmaan, at iba ang kalagayan ng mga tao na dumanas ng lagim ng karahasan at kahirapan. Ang isang wikang pambansa ang isang makapangyarihang kasangkapan upang pagbuklurin ang lugaming bansa—at ito ang kapuri-puri sa ginawa ni Pang. Laurel—at nang maihatid nang mabilis ang mga kinakailangang impormasyon at serbisyo sa sambayanan. Ang administrasyon ni Laurel ay hindi masasabing sunod-sunurang tuta lamang ng mananakop na Hapones  (at tatanga-tanga sa pagkasangkapan sa nasyonalismo) bagkus nagsikap din iyong gumawa ng mga hakbang upang maipasok ang usapin ng kalayaan at pagsasarili, kahit man lang sa panig ng edukasyon at pagpapalaganap ng wika. Kaya kung iugnay man ang “pambansang wika” sa “nasyonalismo” ay hindi dapat sipating kahinaan sa panig ng Filipino. Dapat pa ngang ipagmalaki ito, dahil ang pambansang wikang ibinatay sa Tagalog ay malaki ang naging ambag para pagkaisahin ang mga Filipino, at buhayin ang kanilang loob, saanmang lalawigan sila nagmula.

Hindi ko na papatulan ang kronika ni Nolasco hinggil sa ebolusyon ng wikang pambansa dahil pagsasayang lamang iyon ng laway. Ang nais ko lamang ipakita rito ay kung paano binabaluktot ni Nolasco ang kasaysayan at impormasyon, upang iangkop sa nais niyang maging patakaran ng KWF. Heto pa ang pahayag niya:

Paano natin pahahalagahan ang ating mga wika?

Kailangan nating baguhin ang ating saloobin tungkol dito.  Ituring nating yaman sa halip na pabigat ang ating mga lokal na wika at ang dibersidad pangwika sa Pilipinas. Itakwil natin ang mga maling hakahaka gaya ng huwad na mga argumentong “nasyonalista”. Huwag nating paglabanin ang lokal na wika at ang wikang pambansa.  Huwag nating paglabanin ang Ingles at Filipino.  Kailangan natin ang isang wikang pambansa pero kailangan din natin ang ating mga lokal na wika at ang mga wika ng lalong malawak na talastasan (i.e. Ingles at Español).  Sa pamamagitan ng mga wikang ito, nabubuo natin ang ating etnisidad at kasabay nito ay nakikilala ang ating pagka-mamamayan ng bansa at ng daigdig.  Sabi nga,  mag-isip nang global at kumilos nang lokal.

Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan.14  Napatunayan nang sa pamamagitan ng mga wika ng tahanan at  lokal na kultura ay napapadali ang pagkakatuto ng bata sa eskuwelahan.  Nagsisilbi ring tulay ang mga ito upang epektibong kabisahin ang ibang wika, gaya ng ipinakita sa Lubuagan.  Nagkakaroon ng paggalang sa sarili ang isang mag-aaral kung ang kanyang mga karanasan at ang wikang ginagamit niya sa pagpapahayag ng mga iyon ay tinatanggap o kinikilala.  Mula sa kaalamang ito, ang bata ay natututo, nakapagdaragdag ng bagong mga konsepto at nakakabuo ng mas malalim at  abstraktong ideya.

Ang katutubong mga sistema ng kaalamang nakaimbak sa mga lokal na wika ay nagkokomplemento sa ating kaalaman sa agham at teknolohiya ng Kanluran.  Ang pinagsamang kaalamang ito ay tumitiyak na ano mang kaunlarang maidudulot nito ay magiging pangmatagalan at makakalikasan.

Ang tunay na nagmamalasakit sa Filipino bilang wikang pambansa ay hindi kailanman iniisip na magiging hadlang ang paggamit ng mga lalawiganing wika para sa kapakinabangan ng isang solidong pambansang wika. Ang mga tumututol lamang sa pagkakaroon ng wikang pambansa rito ay ang ilang demagogong Inglesero, Sebwano, at Bikolano, at makikita ito kahit sa patakaran ngayon ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).  Kaya ang pahayag ni Nolasco sa itaas ay bahaw na bahaw, at inulit lamang ang dating hinagpis na nagmula rin sa hanay ng mga tunay na taliba ng wika. Kaya lamang nagkakaroon ng labo-labo ngayon hinggil sa wikang pambansa ay dahil na rin sa maling priyoridad ni Nolasco bilang pansamantalang komisyoner ng KWF. Ibig niyang isulong ang multilingguwalismo ngunit pailalim na pinahihina ang Filipino bilang wikang pambansa. Ang mga pangamba ni Nolasco na maging purong Tagalog ang Filipino ay isang haka-haka lamang na walang batayan, at kathang-isip na naging halimaw na siyang kinatatakutan mismo ng butihing komisyoner.

Ang sinipi ni Nolasco mula kay Rep. Magtanggol Gunigundo na, “Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan,” ay hindi na dapat pang pagtalunan. Karapatan nila iyon. Ngunit ang pagturing sa Filipino na parang Ingles ay isang mabuway na pagpapahalaga. Ang Filipino bilang wikang pambansa ay makatutulong sa anumang wikang kinagisnan ng bata upang lalo siyang matuto. Magkalayo ang polong pinagmumulan ng Ingles kompara sa Filipino, at ang Anglo-Amerikanong tradisyong taglay ng Ingles ay hindi kasinghusay ng tradisyong Filipinong mataas ang uri ng paghihiwatigan at pagpapakahulugan kung ilalapat o kakasangkapanin sa kaligiran ng Filipinas.

Mapanganib ang mga pahayag ni Ricardo Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang mga sablay niyang pahayag ukol sa Filipino ay hindi ko iisiping naaanggihan ng Summer Institute of Linguistics na sinisipat ng ibang kritiko na pumapabor sa patakarang kolonyal ng Estados Unidos. Subalit ibang usapan na ito, na nangangailangan ng ibang talakayan at inuman. Ano’t anuman, malaya ang Malacañang na hirangin muli si Nolasco bilang punong komisyoner ng KWF, nang di-alintana ang nagbabadyang sigwa sa loob at labas sa Malacañang.

Para sa kaugnay na artikulo, basahin ang Lily Pad ni Ninotchka Rosca na may akdang pinamagatang “The Language of Ourselves.”