Laboy, ni Roberto T. Añonuevo

Láboy

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Nadarama ng paruparo ang bathala sa isang bulaklak, at ang eternidad sa simoy, at malalagas ang mga pakpak gaya ng mga tuyong dahon sa huklubang punongkahoy. Nakatatak iyon sa gusgusing tisert ng kaniyang alter ego, at siya na naligaw sa lungsod ay maglalakad na kung hindi alupihan ay langgam na sumusuot sa laberinto ng kanal. Umuulan ngunit sinisinat ang kaniyang panimdim sa iniwang baláy, na marahil ay nakatirik sa gilid ng gulod, at ngayon, hinahanap niya ang katubusan sa talaksan ng basura at bukál ng imburnal. Itataboy siya ng batas palayo sa bangketa kung hindi man palengke, iiwasan ng kotse na waring lumilihis sa askal, at makikita niya ang mga sulat sa pader na dumudugo ngunit hindi niya kailanman maarok ang gramatika ng poot o ang semantika ng hilakbot. Maniniwala siyang guniguni ang lahat—gaya ng nagmumultong binibini sa maaliwalas, maningning na tulay—kung guniguning maituturing ang kagila-gilalas na pag-aaklas sa loob ng kaniyang numinipis na láwas.

 

 

Lagalag at Katawan, ni Alissa Leigh

salin ng mga tula Alissa Leigh.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

LAGALAGIYA

Sa simula, lumitaw ang salitang, kumilos;
saka ang plano at ang mga dahilan,
na hindi ko lubos na matandaan.
Tanging natatandaan ko ang mga damit
na ibinigay sa amin para sa paglalakbay,
at ang pangwakas, ang pagkain
nang tahimik na aming pinagsaluhan.
Nilisan namin nang magaan ang pook,
gaya ng aming pagdating, maraming
taon na ang nakalilipas.

Sa tanglaw ng lagay ng kamuslakang
pinagsampayan ng mapuputing sapin
upang matuyong tila ulap sa paraiso;
mula sa ewkaliptong-simoy ng lupain,
isang pulang bahay na may bakurang
humahapay sa nananaginip na mga burol,
dinambong ng mga rakun, ikinahon ng liryo,
gaya ng mga trumpeta ng mga arkanghel,

lumisan kami: paloob sa kasaysayan, ilog
na bumabagal dahil maraming pasikot-sikot,
isang nayon ng mga paboreal na sandaan
ang mata; munting kubol sa mga bukirin,
na may kalang bakal, dambana sa taglamig;
isang dapugang pinaitim ng panahon,
maseselang buto ng mga langay-langayang
nanigas sa anyo na animo’y lumilipad.

Nang patugtugin ni ama ang trombon niya
sa atiko, humagikgik ang mga paslit
sa kalye. Pagsapit ng dapithapon, nagtipon
ang mga baka sa tarangkahan, aanga-anga
at hinihintay ang anak ng magsasaka.
Sa bahay, pinapantig ng mga bata
ang mga pandiwa, tinutuklas ang mga salik,
gumuguhit ng mga dayagram ng puso ng tao.

Pagsapit ng gabi, ang bilugang hapag-kainan
na may lamparang Olandes ay tinatawag
ang mga makata, manlalaro, magdarambong
para tumagay ng jenever. Marahang aangat
ang insenso ng mga tsismis na magpapaitim
sa mga dingding. Sa labas, ang mga kabayo
ay kakahig sa karimlan, sisingasing ng yelong
tila balahibo. Magsusumamo kami sa hiwatig
ng gagamba, daga, at hayop na naglulungga.

Lumiliit ang aming mga salita at numinipis
gaya ng mga buto, at umuungol ang aming
mga kumpas dahil sa panlalamig. Tinuruan
kami ng walang-bait na daigdig ng tubig,
kahoy, at bato kung kailan dapat sumuko.
Kapag panahon na para muling lumisan,
kami ay apat na estrangherong kumakaway
sa bawat isa, sa paraan at kilos na marahan,
sa kabila ng nakatutulig na lawak ng karagatan.

KATAWAN

Mapa ng sindak at lugod,
marubdob na sampan, maalab na kongresong
hitik sa mga argumento ng mga kemikal,

silid ng Alingawngaw para sa panatikong sigaw
ng sutil na salinlahi, lahat ng kakatwang lingid
na pinagtubuan ng balbas ng kamatayan,
laberinto ng mithi, palaruan ng silakbo,

pabrikang pinapasukan ng tahimik na hukbo
ng pagkaagnas, pilosopo-payasong nagtotorotot
sa bawat epipanya.

Pinaliguan ng mabagsik na nars ng umaga,
inihatid sa ward ng dapithapon,
pinakain, nagpasalamat, sa malinamnam
na sabaw ng takipsilim.

Binasa ang paiba-ibang baraha ng panaginip,
binuksan ang salansanan ng insomnia,
ninakaw ang dalawang-katiting na pag-idlip.

Naiwala ang ngalan sa mga banyagang yakap,
lumikha ng pasaporte sa bansa ng kayumian,
nagmuwestra gaya ng bata sa anumang nais nito,
halumigmig sa salaming binughan ng hininga.