Pulo ng Kuyukot, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Kuyukót

Roberto T. Añonuevo

Napakáhabà’t napakádilím ang magdamág, na agád na titimò sa iyóng noó, pagsadsád na pagsadsád sa Pulô ng Kuyukót. Warìng inantók nang maága ang mga táo—na igínupò ng maghápong trabáho—at pagsápit ng tinatáyang alás-ótso ay isá-isáng pápatayín ang mga ílaw mulâ sa mga bahayán at mágwawakás sa pagpatáy sa ílaw mulâ sa báhay na bató. Maúulilà ang mga lansángan; mágbabantáy ang kuwágo sa tuktók ng kampanáryo hábang natutúlog ang mga pulís sa presínto; at ni walâng askál na máglalakás-loób na magpaláboy-láboy sa plása. Máglalakád ka nang máglalakád. Mapápansín mo ang lumálagánap na konsiyérto ng mga kuliglíg. Sasáliw ang kókak ng mga palakâng latìan na nágbubunyî sa ambón at hamóg, at sa sagútan ng sitsít ng mga bayákan ay máhuhúgot kung himbíng na ang mga táo. May iláng kabatàan ang líhim na mág-uumpúkan sa ísang liblíb na yungíb alinsúnod sa napágkasundùang págtatagpô, dalá-dalá ang kaní-kaniyáng gitára, pláwta, at tamból, mágsisigâ pára labánan ang lamíg, at sísilabán ang gabí sa kanílang rakrákan. Ang mga áwit nilá’y isusúka ng yúngib, at ang álon ng mga títik ay magpapámulágat sa mga ilahás na ibón na namumúgad sa batuhán kung hindî man nakásampáy sa mga sangá ng matátandâng punongkáhoy. May kung anóng kalúluwá ang mapupúkaw at gagápang mulâ sa bitúka ng karimlán, at isásakáy ng símoy. Áalulóng ang únang áso na makásaságap ng lamíg na magpapátinghás sa mga balahíbo, na magpapáalulóng sa iba pang áso na nakátunóg hanggáng ang íngay ay párang súnog na nagbábantâng tupúkin ang magkakálayông bahayán. Isá-isáng mágsisindí ng ílaw ang mga báhay, na sa malayò’y párang nagkíkislápang bituín. Ngúnit hindî máririníg ng mga itó ang áwit ng mga kabatàan na ngayón ay lasíng na lasíng sa kaniláng síning; ang náririníg ng mga itó’y alulóng ng mga áso at nangábulábog, nangáglilipárang panikì at panggabíng íbon. Mágbubukás ng bintanà ang isáng báhay, na isinísigáw ang ngalán ng nawáwalâng binatà. Mágbubukás ng pintô ang isá pang báhay, at kalapít nitóng kuból, na pawàng isinísigáw din ang ngálan ng mga nawawalâng binatà. Ngúnit walâng tutugón sa mga táwag. Magpápatúloy ang sesyón ng mga kabatàan sa loób ng yungíb, ibibírit ang kaniláng mga lunggatî’t poót na matagál nang sinikíl sa dibdíb, makíkiníg ang mga bató, at kapág hálos sumápit na sa hanggáhan ng nírvana ay biglâ siláng hihintô, sakâ makikíta nilá ang isáng babaéng umaáwit ng áwit na banyagà sa kaniláng pandiníg, ang áwit na maráhil ay ngayón lang sa kanilá nakáyaníg. Mápapatdâ silá sa músa o sa áwit, na kaniláng tatandâan, ngúnit alinmán ang pilîin nilá sa dalawá ay panagínip na pupúkaw sa kaniláng nakámihasnáng panánahímik at hindî na mulî silá mapápanátag lumípas man ang mga áraw sa Pulô ng Kuyukót. Magtanóng-tanóng ka sa mga kabatàan, at kung papalárin, mabábatíd mo kung bákit tíla silá nasirâan ng úlo mulâ nang makilála ang hinahánap mo.

Alimbúkad: Poetry rocking the world. Photo by Kindel Media on Pexels.com

Ligáw, ni Roberto T. Añonuevo

 Ligáw
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Napakahabang riles ang tinatawid
 ng mga langgam
 para maghanap ng asukarera
  
 o prutas o agaw-buhay na kambing.
  
 Umaalimuom ang lupain.
 Naglalaro ng alikabok at yagit
 ang ipuipo.
  
 Sa talahiban, napakasigasig takpan
 ng mga ilahas na pukyot
 ang lumang Volkswagen
  
 na naglilihim ng kalansay 
                           ng aso.
  
 Waring lumikas ang bayan;
 at ang balita ay dalag sa tuyot 
 na latián.
  
 Sa iyong guniguni, libo-libong maya
 ang kay lilikot
 at nagsusulat sa himpapawid——
  
 ngunit hindi mo maarok ang hiwatig. 
Alimbúkad: Raging poetry soul. Photo by Dave Drost on Pexels.com

“Pangarap sa loob ng isang pangarap,” ni Edgar Allan Poe

Salin ng “A Dream within a Dream” (1850), ni Edgar Allan Poe ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pangarap sa Loob ng Isang Pangarap

Idampi sa kilay ang halik na ito!
Sa aking paglayo ngayon sa piling mo,
Ay hayaan akong mangako sa iyo—
Di ka nagkamali, ikaw na nagsabing
Pangarap ang aking araw sa pagkasi;
Kung ang pag-asa’y ganap na nalusaw
Sa isang magdamag o sa isang araw
May pangitain man o kahit na wala
Katumbas na nga ba ng walang bahagya?
Lahat na ng ating makita’t matatap
Ay pangarap lámang sa ubod pangarap.

Nakatindig ako dito sa pasigan
Ang atungal alon ay tagos sa lamán
At kuyom ng palad ang gintong buhangin
Na kahit kaunti’y may kung anong lagim
Sa aking daliri na nasok sa lalim
Habang lumbay ako at natak ang luha.
Diyos ko,  ano ba’t hindi maunawa
Ang aking kinuyom at taglay ng palad?
Di ba masasagip ang butil sa dagat?
Ang lahat bang ito’y sadyang malikmata,
Pangarap sa loob ng pangarap, sinta?

Edgar Allan Poe

Edgar Allan Poe