Ikalabingsiyam na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálabíngsiyám na Aralín

Roberto T. Añonuevo

Ang panahón ang magbúbunsód sa bangkâng pangulóng, at walâng subáskong makápipígil úpang mákilála ang kaloóban mo’t hulagwáy.  “Ang túbig ma’y malálim,/ malilírip kung libdín/. . . .Pápaláot ka mulî bágo yumáo nang dilát sa tigáng na lupâín; mag-íisíp kung paáno lumútang o lumangóy sa gitnâ ng bugháw o pangláw; at kung katabí mo si Schopenhauer—ang timonéro—ipápanukalà niyáng ang katotohánan ng bosadór ay nása pagsísid sa budhî at ang pasípikó ang répresentasyón ng láwak o dálom na hindî káya ng buslô at búlos ngúnit maitátansî sa guníguní, halimbawà, ng isáng tagá-Polillo. Makíkilála mo ang mga aryadór—walâ ni singsíng o pulséras o híkaw—na kung maglátag ng lambát samantálang sumísipà ang mákiná ay katumbás ng masagánang pigíng ng buông báyan at magpapásiglá sa kalakalán ng ibáyo. Túturûan ka niláng limútin ang saríli, maghintáy ng tumpák na sandalî, magpalútang-lútang na bóya sa pag-íisá, o mánanghalìan sa lílim ng trapál, at magtuón sa Dakilàng Isdâ. Mga palapà ng bulí’y sásayáw sa iyóng balintatáw—kúlang na lámang na gayáhin mo ang mga tambákol, mahì-mahì, at gulyásan na pawàng náligáw sa páyaw at hindî makáiíwas kumagát sa tuksó ng pamiwás. Anó ang itinátagò ng álon úpang ilaráwan nang pábaligtád ang árkitektúra ng págang at éstruktúra ng salábay? Hindî ba itó ang súbmarínong kasiyáhan, bagamán nakasísindák sa únang tingín? Matútunugán ng buông katawán mo ang pánsamantaláng espásyo, na sa lábis na lamíg ay nagpapákalmá ng butó’t lamán, at tíla pakíkiníg kung hindî man pagninílay sa limáng tínig ng madrigál. Ngúnit dáhil walá itóng pagdamá sa iyó o sa kápuwâ mo, bagkús nakapágdudúlot pa minsán ng nakatútulíg na habágat at dalúyong kapág ikinúkublí ang pagkáligálig, o kayâ’y pangúngulilà pagtingalâ sa talampád ng mga talà, kinákailángan ang kamalayán—túngo sa burhíng magalíng. Ang burhíng magalíng, sa wikà ng timonérong Schopenhauer, ang ináasáhang galák ng pamayánang sumásalúbong sa pag-uwî ng pangulóng na namúmuwalán sa isdâ; ang tagumpáy ng lambát at kabísig na makápagpápalayà sa kagutúman ng líbo-líbong bibíg na umaása sa biyayà ng láot; at ang paghuhúgas ng kataúhan sa espíritu ng sariwàng lambanóg o tubâ. Mapápawì káhit ang anumáng kirót at pagkábató ng pagkatáo sa yugtông magbalík ka kapíling ang buông trópa ng mga magdáragát, at kung sakalì’t mamálakáya ka mulî ng mga talinghagà kung saáng lupálop mulâ sa iyóng panahón, magíng tapát sa mga mithî at magíng tapát sa budhî, na umáaryá sa unibersál na síning ng masantíng at magalíng.

Alimbúkad: Epic poetry tsunami rocking the world. Photo by Quang Nguyen Vinh on Pexels.com

Lambat at Magdamag ni Rabindranath Tagore

Mga tulang tuluyan ni Rabindranath Tagore
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

INIHAGIS KO ANG AKING LAMBAT SA DAGAT

Inihagis ko kinaumagahan ang aking lambat sa dagat.

Hinila ko mula sa maitim na kailaliman ang mga bagay na kakatwa at kakatwang kariktan—kumislap ang ilan gaya ng ngiti, kuminang ang iba gaya ng luha, at ang ilan ay namula na parang pisngi ng babaeng bagong kasal.

Nang iuwi ko sa bahay ang bigat ng buong araw na pagsisikap, ang sinta ko’y nakaupo sa hardin at pinipitas ang mga dahon ng bulaklak.

Pansamantala akong nagbantulot, at sa harap ng kaniyang paanan ay inilagay ang lahat ng aking huli, at tahimik na tumayo.

Sinulyapan niya iyon, at winika, “Ano ba ang mga bagay na ito? Hindi ko alam kung ano ang silbi ng mga ito!”

Napatungo ako sa hiya at naisip, “Hindi ko ipinaglaban ang mga ito, ni hindi binili sa palengke. Hindi angkop na handog ang mga ito para sa kaniya.”

At sa buong magdamag, inihagis kong isa-isa sa lansangan ang mga nalambat.

Dumating kinaumagahan ang mga manlalakbay; pinulot nila iyon, saka tinangay doon sa malalayong bansa.

KAPAG MAG-ISA AKONG LUMABAS NG BAHAY SA GABI

Kapag mag-isa akong lumabas sa gabi tungo sa aking katipan, hindi umaawit ang mga ibon, walang sipol ang hangin, at tahimik na tahimik ang mga bahay sa magkabilang panig ng daan.

Tanging ang aking mga sengkil ang umaalunignig sa bawat hakbang, at ako’y nahihiya.

Kapag umupo ako sa balkonahe at pinakinggan ang kaniyang mga yabag, hindi lumalawiswis ang mga punongkahoy, at tubig ay nananatiling nasa ilog, gaya ng tabak sa kandungan ng talibang nakatulog.

Tanging ang aking puso ang tumitibok nang malakas—at hindi ko alam kung paano iyon patatahimikin.

Kapag ang irog ko ang dumating at umupo sa aking tabi, kapag nangatal ang aking katawan at bumigat ang talukap, dumidilim ang magdamag, hinihipan ng simoy ang apoy sa lampara, at tinatakpan ng mga ulap ang mga bituin.

Tanging ang mga hiyas sa aking dibdib ang kumikislap at nagbibigay ng liwanag. Hindi ko alam kung paano iyon ikukubli nang ganap.

Kuha ni Lita Asis-Nero. Hatinggabi sa Batanes. 2010

Kuha ni Lita Asis-Nero. Hatinggabi sa Batanes. 2010