Landas S, ni Roberto T. Añonuevo

Landas S

Roberto T. Añonuevo

Kung hindî pa nasísirâan ng baít pagsápit sa hanggáhan ng nasisípat, sumúlat ng títik /s/ ay katumbás ng buról, kumekéndeng ang bagnós, na áakyatín pára magnílay kung hindî magpátiwakál, magháhanáp ng talâsalitâan, gayunmán ay mabíbigô dáhil salát sa kahúlugán, malulúnod sa kábalighûan ng singháp sa símoy, at ikáw na kumáhig ay magtátanóng kung itó ay kabílang sa álpabéto.  Ang /s/, tíla sawáng gumagápang sa loób ng kanál, ay sasagì sa iyóng pandamá. Aákalàin mong itó ang sukdúlang álab, ang sex sa sax, ang six sa sox, ang sap sa sup, ísip mo’y sumásagitsít, ang síntaks ng silakbó, lalawáyan, hihimásin, kákadyutín, ngúnit dáhil itó ang sarádong síglo, ang /s/ ang sayáw ng sintá, ang santó uyamín mang sinusunód ng laksá-laksáng sintô-sintô, ang súlat sa sahíg, ang súlat sa túbig, malantík, madulás, kay rikít kung mag-íwan ng bakás sa buhángin, sumásaiyó, sumásalángit subálit suwaíl, pumapások nang magkároón ng katwírang lumabás, isáng palabás na kung tawágin ay salúpungán ng panagínip, kumákatás kung hindî sumisírit, na sa gitnâ’y may démonyo, tumótomà pagkáraáng tumugtóg, humíhishís ang hímig, at ang gitára’y lipón ng mga dukhâng sumisigáw ng démokrásya, sumusúkat ng katarúngan, sumasaló ng émpleo, umaása sa lúgaw o ayúda ngúnit tútol sa lutòng makáw, nagkakáisáng mághimagsík gayong sinísindák ng diktadór, binabákunáhan pára pagkákitáhan ng négosyo, na ang loób ay wángis pándesál, sangkurót, singgaán ng panónoód ng síne nang líbre, o dáhil ikáw ay kabílang sa sékyuríti. Ang /s/ ang sumúsuwág, ang sumúsundót, ang sumúsuwáy sa itinátakdâ ng tuwíd o baluktót, hindî sentímentál sa W o X, magíting párang putikáng amá, magayón párang pilîng iná, maláyaw párang paláboy na pangánay, ngúnit sumásambá sa sariwàng sandígan ng santínakpán. Ang títik na ágos ng sapà, ikáw ang lintík na áking bíbigkasín nang ságrado káhit hálos pínid ang bibíg, úpang akó káhit sandalî ay magíng síning, samyông kay saráp singhutín, matatág ang loób, matapát maglingkód, isumpâ mang sawimpálad at róbredo, samantálang nagdiríwang ang mga sinungáling na kapatíd ng mga mandárambóng at salarín, umuúngol sa lábis na tamís, at wikà nga, itó ang yugtô pára sa iyó na áking sásalatín, sísipsipín, súsuotín, nang maniwalà kang itó ay hindî guníguní—ang totoó, ang marikít, ang mabúti.

Alimbúkad: Epic poetry marathon beyond Filipinas. Photo by Pixabay on Pexels.com

Biyahe, ni Roberto T. Añonuevo

Biyahe

Roberto T. Añonuevo

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Maniniwala ka sa sabi-sabing
may nakaabang na halimaw
sa kaliwa’t kanang panig,
humahabol ang mga multo,
at ang manatili sa gitna’y
luwalhati at pagpapatiwakal.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan, anila,
kung paakyat ng bundok
at tikatik ang ulan.
Matarik at mapanganib,
ang lalandasin mo
ay sindulas ng mga ahas
at sinlambot ng mga lumot.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Matanaw man ang dulo’y
parang tuldok itong naglaho,
o kung hindi’y putol na guhit 
at buradong sulat sa karatula.
Naililihim ng baha ang lubak
at usad-pagong ang trapik.

Pinakamahirap lakbayin,
anila, ang tuwid na daan—
walang puwang sa biglang
liko at layaw ng katawan.
Ang humarurot ay paghinto
sa nakagawiang takbo
ng búhay, iiwan mo ang lahat
hanggang maupos sa wakas.
Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by Pixabay on Pexels.com

Ang Latian, ni Derek Walcott

Salin ng “The Swamp,” ni Derek Walcott ng Saint Lucia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Latian

Nginangasab ang mga gilid ng haywey, hinihimig
Ng itim nitong bibig: ‘Tahanan, umuwi sa tahanan. . .’

Sa likod ng malapot na hininga, ang salitang ‘unlad’
Ay nagpapalago ng mga kabute, pagkabulok;
Nagbabatik ang puti sa ugat nito.

Higit na nakahihindik
Sa bakawan, kantera, o tuyot na agusan ng bangin
Ang hilakbot nito’y bihag ang bayani ni Hemingway
Na nakapako sa tiyak, malilinaw na hukay.

Nagsimula ito sa wala. Limbo ng mga kontrabidang bihag,
Mga Negro.
Ang itim nitong asal
Bawat takipsilim ay mantsado ng dugo ng iyong búhay.

Nakatatakot, orihinal na likaw! Bawat supling ng bakaw
Ay malaahas, malaswa ang mga ugat
kawangis ng kamay na may anim na daliri,

Itinatago nito sa pagkakakuyom ang palakang malumot,
Ang mamárang, ang mabisang banay,
Ang mga talulot ng dugo,

Ang batik-batik na vulva ng tawa-tawa;
Ang kakatwang amanita
Na nagmumulto sa mga biyahero ng isang landas na ito.

Malalim, malalim kaysa paghimbing
Gaya ng kamatayan,
Napakayaman sa pagliit nito, napakatalik sa hininga,

Sa mabilis mapunong gabi, pansinin
Kung paanong lumagok ng dilim ang natitirang ibon,
Kung paanong tumakas ang mga ilahas na kabataan

Papasok sa karimlan, magbalik sa pagkaitim
Na may lumalawak na pagkalimot, piliin ang gilid
Ng kawalan palapit sa kanila nang marahan, isanib

Ang galamay, dila, at himaymay tungo sa pagkabuhol
Gaya ng lábo-lábo, gaya ng lansangan
Sa malayo.

 

Panggabing Simoy, ni Federico García Lorca

Salin ng “Aire de nocturno,” ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Panggabing Simoy

. . . . . . .Nahihindik ako
sa mga patay na dahon
sa parang
na tigmak sa hamog.
Matutulog ako.
Kung hindi ako pupukawin,
iiwan ko sa tabi mo
ang malamig kong puso.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

. . . . . . .Isinuot ko
sa iyong bilugang leeg
ang mga hiyas ng madaling-araw.
Bakit mo ako iniwan
sa landas na ito?
Kapag nagtungo ka sa napakalayo,
umiiiyak ang aking ibon,
at ang lungting ubasan
ay magkakait ng alak.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

. . . . . . .Hindi mo mababatid,
espinghe ng niyebe,
kung gaano kita minahal
sa mga madaling-araw
na bumubuhos ang ulan
at nawawarat ang pugad
sa tuyot na sanga.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

Kahit magunaw ang bundok, ni Jacques Dupin

Salin ng “Même si la montagne,” ni Jacques Dupin ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kahit na magunaw ang bundok

1
. . . . . .Kahit na magunaw ang bundok, at magpatayan ang mga nakaligtas . . .
Matulog, pastol. Hindi mahalaga kung saan. Matatagpuan kita. Katumbas
ng pagtulog mo ang pagtulog ko. Nanginginain ng damo sa dalisdis
ang kawan. Sa matarik na dalisdis ay nanginginain ang kawan ng hayop.

2
. . . . . .Sa labas, pumalit ang imbakan ng patay sa kama ng ilog na tinabunan ng lupa.
Ang bato, na nahubdan ng mga dahon, ang kapatid ng matalik na ulap.
Nauuna sa hula ang pangyayari, dinadagit ng ibon ang kapuwa ibon. Sa loob,
sa ilalim ng lupa, nagsisimula pa lamang maghasà ang aking mga kamay.

3
. . . . . .Nakasisindak ang nakikita ko ngunit walang imik. Ang winiwika ko,
ngunit lingid sa akin, ang nagpapalaya sa akin. Ang hindi nagpapalaya sa akin.
Sapat ba ang lahat ng gabi ko para lusawin itong sumasabog na liwanag?
O di-natitinag na mukhang nakikita, hinambalos ng bulag na puting hangin!

4
. . . . . .Tumatanggi sa aking tali ang bungkos. Sa ganitong infinito, unanimong
disonansiya, bawat búsal ng mais, bawat patak ng dugo, ay nagsasalita sa wika
nito at lumilisan. Ang sulô, na tumatanglaw sa bangin, at nagsasara rito,
ay siya ring bangin.

5
. . . . . .Itinihaya mo ang sudsod nang malasing, napagkamalang talà ang lipyà,
at sumang-ayon sa iyo ang lupa.
. . . . . .Matataas na ang talahib at hindi ko na alam kung naglalakad ako, hindi ko
alam kung buháy pa ako.
. . . . . .Mababang uri ba ang nangitim na lampara?

6
. . . . . .Di-maliparang uwak ang batuhang parang, gaya nitong di-makayang ligaya
na nagbibigkis sa atin, at hindi natin kahawig. Iyo ako. Nauunawaan mo ako.
Ang init na bumubulag sa atin . . .
. . . . . .Hinihintay tayo ng gabi’t pinasasaya, at muli nating bibiguin ang pag-aasam
nito upang magampanan niyon ang pagiging gabi.

7
. . . . . .Kapag imposible ang lumakad, nadudurog ang paa, hindi ang landas.
Nalinlang ka. Payak ang liwanag. At malapit ang buról. Kung sakali’t magkamali
akong kumatok sa pinto mo ngayong gabi, huwag magbukás. Huwag buksan ang pinto. Ang paglalaho ng mukha mo ang aking karimlan.

8
. . . . . .Upang maakyat ka, at naakyat kita—kapag ang liwanag ay hindi nasusuhayan
ng mga salita, kapag sumuray ito’t bumagsak—aakyatin ka muli. Panibagong
tuktok, panibagong mina.
. . . . . .Mula nang tumanda ang aking takot, kinailangan ako ng bundok. Kinailangan
nito ang aking mga bitak, ang aking mga bigkis, ang aking hakbang.

9
. . . . . .Paglalamay sa ituktok. Ang pagtangging bumaba. Ang hindi na manahimik.
Hindi libog o pagsukob. Ang pagdating at pag-alis nang ganap nasisilayan,
sa loob ng kumikitid na puwang, ay sapat na. Ang paglalamay sa ituktok
na hindi ko mapapasok. Ngunit palaging tinitingnan pababa. At hinahatak palapit.
Kaligayahan. Di-mawawasak na kaligayahan.

Ang Kahungkagan, ni G.M. Muktibodh

Salin ng tula sa wikang Hindi ni G.M. Muktibodh                                                    (Gajanan Madhav Muktibodh) ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,                          batay sa bersiyon ni Vinay Dharwadker

Ang Kahungkagan

May mga pangá ang kahungkagan sa kalooban,
mga pangáng taglay ang karniborong mga ngipin;
mga ngiping ngangasab, ngangata sa iyo,
mga ngiping ngangata sa iba pang tao. Kalikasan
ng tao na danasin ang taggutom sa kalooban,
na malimit na nagngangalít,
at ang karimlang papasók sa lalamunan nito
ay may sanaw na umaapaw sa dugo.
Anung sukdol itim ng kahungkagan,
barbariko, lastag, isinumpa, binusabos,
at lubos na magbuhos ng isip sa ginagawa.
Ipinakalat ko iyon, ipinamigay sa ibang tao,
nang taglay ang mga nag-aapoy na salita at gawa.
Ang mga tao na masasalubong ko saanmang dako
ay matatagpuan ang kahungkagang ito
mula sa mga sugat na inilatay ko sa kanila.
Palalaguin nila iyon, palalaganapin kung saan-saan
para sa iba pang tao,
at magpapalaki ng mga sanggol ng kahungkagan.
Napakatibay ang kahungkagan
at napakayamang bukirin. Kung saan-saan ito
nagpapasupling ng mga lagari, patalim, at karit
at nanganganak ng mga karniborong pangil.
Ito ang dahilan kung bakit saan ka man pumaling
ay may nagsasayawan, naghihiyawan sa galak—
Ang kamatayan ay nagsisilang ngayon ng bagong
mga anak.
Saanmang panig ay may mga talibang lagari wari
ang mga ngipin, at armado ng labis na pagkakamali:
Mariin, matiim silang tinititigan ng daigdig
na maglalakad habang pinagkikiskís ang mga palad.

Elehiya sa aking kamatayan, ni José María Valverde

Salin ng “Elegía para mi muerte,” ni José María Valverde ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Elehiya sa aking kamatayan

Ikaw, Kamatayan, ay nasa aking katauhan.
Lamig mo ang naghahari sa aking puso
at ikaw ang hantungan ng mga hakbang.
Saan ako patutungo, kung ang lahat ng landas
ay magwawakas sa iyong panganorin?

Ngayon ko biglang naramdamang
ang ulo’y sapupo ng mesa.
Sariwang lupa ang pumasok sa nakabuka kong bibig.
Ang katawan ko’y hinihigop ng gutóm na sahig.
.  .  . Oo, mamamatay ako; marahan,
malayo mula sa ginagawa ng aking búhay ngayon,
at pinananatili, sa pakikipagtuos sa kamatayan,
ang tanging akin lamang.
At nararamdaman ko ang iyong batóng
pinagyeyelo nang dahan-dahan ang aking laman.
At nadarama ko ang kamay mong bumibigkis sa akin.
.  .  . At pagdaka, o kamatayan, ang kabilang panig!
Iiwan ko ang katawan gaya ng sugatang kabayo.
Oo, nahihindik akong iwan ito, makabalik man ako.
Natatakot ako sa pagwawakas ng mga bagay,
sa banging tinalikdan at kalulugmukan ng lahat.
Maraming hangin ang nanunuot sa bangkay,
at upang lusawin ito’y kailangan ang libong ulan!
Ang mga paa kong napakalayo ay wala nang bigkis
at magiging gaya ng dalawang bato
na ipinukol sa hungkag na hukay.
At lahat ng aking kasama’y titindig, gusgusin, maangas,
gaya ng mga tore ng simoy
na tumitistis sa loob nang walang sinusunod na batas
ng búhay,
at mag-uunahang tangayin ang lawas kong naaagnas.

II
Maraming pag-aari ko ang magtataka sa aking paglalaho.
Na magpapatuloy sa aking kalungkutang naglalakad
sa mga sulok ng anino.
Sa paborito kong silya at mesang nasa gilid ng bintana
ay magpapatuloy ang parehong mga okasyon,
At ang hardin ng naga, na lumago sa paningin ko,
ay mamamatáy at muling mabubuhay gaya noon.
Banayad uusal ang mga tula ko sa labis na panlulumo.
Unti-unting matutuyot ang mga aklat kong
may samyo wari ng huklubang prutas.
Mga munting relikya ng aking búhay
—bulaklak na nakasipit sa aklat, isang tula kung kanino—
ang susunod, gaya ng mga batong ipinukol,
at pawang sisinop ng aking lakas sa daigdig na ito
kapag ganap na naglaho na ako.
.  .  . At mananatili kayo, mga babae, ngunit isang araw
ay magsisialisan din ngunit sa dagat ng kamatayan
ay matatagpuan ang ating mga alon.
Maglalaho ang inyong mga labì, balát, at lamán.
Ngunit palaging mananatili kayo gaya noong dati.
Hindi ba sapat ang pag-iral sa isang pagkakataon lámang?
Mananatili ang inyong mga puwang sa haba ng espasyo,
samantalang tatangayin ng dayaray ang inyong halimuyak.
.  .  . Isang araw iyon na pipirmi ang inyong pag-iral.

III.
Ginoo, Ginoo, ang kamatayan!
Napapangiwi ako kapag binigkas ito,
kaypait ng aking dila, at kaydilim ng paningin. . .
Mabuti’t walang nakakikita sa kaniya nang harap-harapan
maliban kung hinahanap niya tayo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Katulad lamang ito ng panaginip.
Higit na makapangyarihan ang kamatayan sa ating hukbo.
Kung mahina ka lamang!
Kung hindi ka tumawid sa bangin ng iyong mga yakap.  .  . !

Ngunit walang silbi ang anuman; natatakot ako!
Aso akong bahag ang buntot sa tabi ng isang tao,
dahil hindi kailanman mauunawaan ang nais ng amo!
Tákot ito sa di-mababatid,
tákot sa bayang wala ni isang nakababalik.  .  .
Natatakot ako sa gayong hungkag na hukay,
sa walang hanggahang gabi, kahit nasa likod ang Diyos!
Taglay ang malakas, madilim na kutob
ng hayop, ng punongkahoy, ng bato,
natatakot akong mamatay.  .  .
O, Ginoo, pamanhirin ang aking kamatayan
gaya sa maraming pinaggagawa mo sa buhay.

Doon sa San Naum, ni Azem Shkreli

Salin ng “Në Shën Naum,” ni Azem Shkreli ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Doon sa San Naum

Nagtungo ako rito
Upang binyagan nang walang pangalan.

Nagtungo ako rito
Upang pagpalain nang walang korona.

Nagtungo ako rito
Upang pabanalin nang walang insenso.

Nagtungo ako rito
Upang magsabáng ang dalawang landas.

Nagtungo ako rito
nang magdasal sa mundo alang-alang sa diyos.

greyscale photo of building

Mangmáng, ni Claire Lejeune

Salin ng “Illettrée,” ni Claire Lejeune ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mangmáng

. . . . . ..Mangmáng. Hindi ako makabása maliban kung iyon ay pahiwatig. Wala nang iba pang matatagpuan saan man . Maliban sa mga buto, sa kulungan. Kapag nilamon ko ang mga lamanloob at ininom ang dugo, kailangan kong sunggaban ang bangkay .  .  . At doon, sa lihim na paaralan ng gulugod ay natutuhan ko ang lahat ng bagay, ang pag-iral ng kawalan. Natagpuan ko ang sariling mag-isa sa napakalawak na landas. Ni wala akong sandata.

. . . . . ..Dahil ako ikaw, giginhawa ang loob ko mula sa orihinal na pagdurusang ang pag-iral mo ay kumakatas sa akin. Ang lapástangánin: wala nang iba pang remedyo para sa pagkakapaslang ng ating pagkakamali.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Mga Amarilyong Ibon, ni Haring Yoori

salin ng tula ni Haring Yoori [Yuri] ng Sinaunang Korea
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Amarilyong Ibon

Mag-isa akong nakatayo
sa gitna ng dilawang sinag sa ginintuang landas.
Lahat, lahat ay akin—mga palayan at bulawang daan,
ngunit iisa lámang ang aking minimithi.
Sa sanga ng punongkahoy na nasa gilid ng daan,
dalawang ibon ang nagtatalik.
Bakit sila umaawit nang napakasayá?

Yes to human rights. No to illegal arrests. No to bogus operation.