Ang Buról, ni William Faulkner

Salin ng “The Hill,” ni William Faulkner ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Buról

. . . . . .Maaliwalas na nakabalatay sa langit ang gulód na nasa harapan niya at bahagyang nasa ulunan. Sa tuktok nito’y dumausdos ang hishis ng di-makitang simoy na gaya ng malawak, pantay na tubigan, at pakiwari niya’y aangat ang kaniyang mga paa mula sa daan, at lalangoy paitaas at lalampas sa buról sa pamamagitan ng hanging ito na pumupunô sa kaniyang damit, pinasisikip ang kaniyang kamiseta sa bahagi ng dibdib, pinapagaspas ang maluwag niyang diyaket at pantalon, sinasabukay ang makapal, di-nasusuklay na buhok sa itaas ng kaniyang mataba, tahimik na mukha. Ang mahabang anino ng kaniyang mga binti’y umahon nang paayon at bumagsak, nang kakatwa, sa anyong matamlay na pagsulong, na para bang ang kaniyang katawan ay nabalani ng sumpunging Bathala sa mala-maryonetang gawaing walang saysay sa isang punto, habang ang panahon at búhay ay kagila-gilalas na nagdaan sa kaniya at iniwan siya. Sa wakas, naabot ng kaniyang anino ang tuktok at mabilis na bumagsak doon.

. . . . . .Unang sumilay sa kaniyang paningin ang kasalungat na bunganga ng gulód, na asul at malamig, sa antas ng panghapong araw. Isang puting simbahan ang bumungad sa tanawin, nang pasalungat at parang mga pigura sa panaginip, pagdaka’y sinundan ng mga tuktok ng bahay, pula at lungting kupas at olibong bahagyang nakakubli sa mga sumupling na roble at olmo. Tatlong álamo ang nagpakislap ng mga dahon laban sa abuhing pader na bilad sa araw na nagpakiling sa mga punongkahoy na peras at mansanas sa maringal na babasaging pink at puti; at bagaman walang hangin sa lambak ay halos bumaluktot sa tahimik, di-mapapalagáng hatak ng Abril ang kanilang mga sanga, pagdaka’y huminto at tumuwid muli maliban sa pinilakang ulop ng walang humpay, walang takas na mga dahon. Nahigit ang lambak sa ilalim niya, at ang kaniyang anino, na sumulpot sa malayo, ay bumalatay doon nang tahimik at malaki. Kung saan-saan nanimbang nang alanganin ang hibla ng usok mula sa tsimenea. Humimbing ang nayon, na nagkumot ng kapayapaan at tahimik sa ilalim ng panggabing araw, na waring natulog ito nang isang siglo; naghihintay, na animo’y taglay ang pukyutan ng tuwa at lungkot, sa wakas ng panahon.

. . . . . .Mula sa gulód, ang lambak ay walang tinag na mosayko ng punongkahoy at bahay; matatanaw sa gulód ang maaliwalas na tigang na lupaing tinigmak ng ulan ng tagsibol at winasak ng mga paa ng kabayo at baka, walang tumpok ng abo ng taglamig at kinakalawang na mga lata, walang malalamlam na bakod na natatakpan ng mga gulanit na kabaliwan ng mga ipinaskil na kalibugan at anunsiyo. Wala roong pahiwatig ng pagsisikap, ng mga pagód na banidad, ng ambisyon at pagnanasa, ng natutuyong laway ng relihiyosong kontrobersiya; hindi niya makita na ang kahanga-hangang kapayakan ng mga haligi ng mga hukuman ay pumusyaw at namantsahan ng karaniwang tabako. Sa lambak ay walang pagkilos maliban sa manipis, paikid na usok at tagos sa pusòng halina ng mga álamo, walang tunog maliban sa tantiyadong mahinang alingawngaw ng maso. Ang mabagal, walang datíng na medyokridad ng kaniyang mukha ay pinapangit ng panloob na impulso: ang kahanga-hangang pangangapa ng kaniyang isip. Bumalatay ang dambuhalang anino niya na parang masamang pangitain sa simbahan, at sa isang saglit ay halos magagap niya ang banyaga sa kaniya, ngunit mailap sa kaniya; at dahil walang kamalay-malay na may kung anong gigiba sa mga hadlang ng kaniyang isip at kakausap sa kaniya, wala siyang kamuwang-muwang na iniiwasan siya. Kabuntot niya ang malupit na paggawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, ang tunggalian laban sa mga puwersa ng kalikasan magkaroon lamang ng tinapay at damit at pook na matutulugan, ang tagumpay na matatamo kapalit ng mga himaymay ng katawan at biláng na araw ng kaniyang pag-iral; sa harapan niya’y nakabalatay ang nayon na naging tahanan niya, ang arawang trabahador; at lampas dito ay naghihintay ang panibagong araw ng pagkayod upang magkatinapay at magkadamit at magkaroon ng matutulugan. Sa ganitong paraan niya nilutas ang nakagugulapay na kawalang-halaga ng kaniyang kapalaran, sa pamamagitan ng isip na mahirap mabagabag ng malalabong atas ng kabutihang-asal at paniniwala, natauhan sa wakas dulot ng mahina, malambot na puwersa ng tagsibol sa lambak ng takipsilim.

. . . . . .Tahimik na sumisid ang araw sa likidong lungti ng kanluran at kisapmatang naging anino ang lambak. At habang siya ay pinalalaya ng araw, siya na namuhay at kumayod sa araw, biglang pumayapa ang kaniyang isip na bumalisa sa kaniya sa unang pagkakataon. Dito, sa takipsilim, ang mga nimpa at fawno ay baká magkagulo sa nakatutulig na paghihip sa mga pipa, sa kumakatal at tumataginting na mga símbalo sa mabilis, bulkanikong paghupa sa ilalim ng mataas, malamig na bituin. * * * Naroon sa likuran niya ang walang tinag na lagablab ng dapithapon, at sa harapan niya ay naroon ang kasalungat na bunganga ng lambak sa ibabaw ng nagbabagong kalangitan. Sa ilang sandali ay tumindig siya sa isang panganorin at tumitig pagkaraan sa kabilang panig, lampas sa ibabaw ng mundo ng walang katapusang pagtatrabaho at balisang pagtulog; dalisay, di-magagalaw; at nilimot, para sa espasyo, na siya ay dapat magbalik. * * * Marahan siyang bumaba sa buról.

Alimbúkad: Boundless imagination for humanity. Photo by Nandhu Kumar. No to Chinese occupation of any part of the Philippines. No to Chinese interference in Philippine affairs. No to Chinese spies and sleepers in the Philippines. Yes to freedom. Yes to sovereignty. Yes to Filipino.

Pagbuo ng mga Paa at Kamay

Salin ng “Faire des Pieds et des Mains,” ni Benjamin Péret ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagbuo ng mga Paa at Kamay

Matang nakatayo matang nakahiga matang nakaupo

Bakit maglalandas sa mga bakurang yari sa mga balustre
habang ang hagdan ay lumalambot
gaya ng mga bagong silang na sanggol
gaya ng mga zouave na nawalan ng bayan dahil sa sapatos
Bakit itataas ang kamay tungo sa langit
gayong ang langit ay nalunod nang mag-isa
nang walang dahilan
upang palampasin ang oras at pahabain ang balbas nito
Bakit umuupo ang mata ko bago matulog
dahil ang mga síya ay nagpapahirap sa mga buriko
at nababali ang mga lapis sa di-inaasahang paraan
sa buong panahon
maliban sa mga araw na maunos
kapag nabasag sila sa pagiging mga zigzag
at maniyebeng mga araw
kapag pinagpunit-punit nila ang kanilang mga suweter
Ngunit ang mga espektakulo ang mga kupasing espektakulo’y
umaawit ng mga awit habang nagdadamo para sa mga pusa
Sumusunod sa prusisyon ang mga pusa
dala-dala ang mga watawat
mga watawat at bandila
Tumatawid ang buntot ng isda sa tumitibok na puso
lumalaguklok ang lalamunang ginagaya ang taog ng dagat
at umiikot-ikot ang isda doon sa bentilador
Mayroon ding mga kamay
mahahaba puting kamay na may mga kuko ng sariwang taniman
at mga bukó ng hamog
sumasayaw na mga pilik na naghahanap ng mga paruparo
nalulungkot dahil ang araw ay nagkamali sa mga hagdan
Mayroon ding mga kasariang sariwa gaya ng umaagos na tubig
na lumulundag at bumabagsak sa lambak
dahil napukaw sila ng araw
Wala silang balbas ngunit taglay ang malilinaw na mata
at hinahabol nila ang mga tutubi
nang walang pakialam sa sasabihin ng mga tao

Alimbúkad: Pure poetry imagination for humanity. Photo Shannon Pitter @ unsplash.com

Tatlong Tula ni Federico García Lorca

Salin ng tatlong tula ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawing Walang Awit

[Paisaje sin cancion]

Bughaw na langit.
Dilaw na bukid.

Bughaw na bundok.
Dilaw na bukid.

Sa sunóg na kapatagan
ay bumagtas ang olibo.

Ang solong
olibo.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Paolo Chiabrando @ unsplash.com

Panganorin

[Horisonte]

Ang araw na walang sinag
ay nápon sa lungting hipák.

Nasa lilim niyong pampang
ang bangkang nanánagínip,
at ang tapat na kuliling
ay sinusukat ang lungkot.

Sa dati kong kaluluwa
ay tumunog ang maliit
na pinilakang kalatong.

Panganorin [Horizon].

Mangingisda

[Pescadores]

Ang mga gugò
ng dambuhalang punòngkahoy
ay namimingwit ng bibihirang
mga tópo sa lupa.

Ang alosay sa likuran ng sanaw
ay namimingwit ng mga ruwisenyor.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Kal Visuals @ unsplash.com

Payak, ni Marie-Claire Bancquart

Salin ng “Simple,” ni Marie-Claire Bancquart ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Payak

Nilalang banig ng mga ibon at langit,
ang punò ay niyugyog ng ating mga anino.

Ang katál na bulóng ng saplot
ay sagot sa mga dinaganang damo.

Lumago ang matamis na mansanas
at ang pangarap ng mga ulap
ay higit na mabagal sa tubig.

Mga katawan natin ang lulukob
sa mga ugat ng lupa.

Walang pahabol na sandali ng búhay
ang muling hahalili sa ayos ng mga halaman.

Bahay, ni Roberto T. Añonuevo

Bahay

Roberto T. Añonuevo

Itinitindig ito upang wakasan ang langit
na maging kisame, at lagyan ng hanggahan

ang mararating ng simoy at sinag at ulan.
Lagyan ito ng mga mata at biglang didilat

ang panorama ng paligid na nilalayuan.
Lagyan ito ng bibig at hihigupin o lalamunin

nito ang mga nilalang na tumatangging
maging alipin ng alinsangan o halumigmig.

Lagyan ito ng dibdib, at magtatagpo sa wakas
ang bait ng loob at ang damdamin ng labas.

Lagyan ito ng sikmura, at mauunawaan
ang salo-salo na sumasarap sa pag-uusap.

Lagyan ito ng mga paa at tiyak makatitirik
sa mga gulód, o uuyamin ang mga alon.

Tanggaping iwinawaksi nito ang panganib—
sa anyo man ng hayop o kulisap o sinumang

nanloloob na sumusuway sa mga batas.
Uusisain mo ba ang seguridad nito’t tibay?

Sasagutin ka ng pawikan—na mapalupa
o mapalaot ay nasa likod ang kaligtasan.

Dito nabubuo ang tinatawag na pag-asa
kapag tinatanaw ang araw at mga bituin.

Pugad ng laway o kaya’y pugad ng langgam,
ito ang katwiran ng pagbigat ng daigdig.

Gaano man kalaki ang balangkas nito’y
kapalaran nitong maging basura o lason

sa paglipas ng panahon. Kayâ alagaan ito,
habang may haligi o ilaw na tuturingan.

Lilipas ang salinlahi, ngunit ang espasyo
nito ay magsisilang o maglilibing sa iyo

para manatiling diyos na nasa lupa, dahil
itinitindig ito upang wakasan ang langit.

Nahulog ako sa aking kabayo noong isang gabi, ni Bernardo Colipán

Salin ng “Kawellu mu ütrünarün wümaw mu chumül pun,” ni Bernardo Colipán ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nasa langit ang mga dambuhalang ulo ng ginto.
At ngayon, malayo sa akin ang sinakyang kabayo.
Dalawang ulit akong napaluhod at napaiyak
dahil sa labis na hapis at takot.
Sinusundan ako ng kamatayan.
Tiningala ko ang kalangitang pinaghaharian
ng aking gintong patalim na may reynang asul,
sakâ isinalaysay ang aking mga panaginip.

Ang kaniyang matatabang hita, ni Pablo Picasso

Salin ng “Ses grosses cuisses,” ni Pablo Picasso ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang kaniyang matatabang hita

Ang kaniyang matatabang hita
Ang kaniyang malalaking súso
Ang kaniyang mga balakang
Ang kaniyang mga puwit
Ang kaniyang mga bisig
Ang kaniyang mga binti
Ang kaniyang mga kamay
Ang kaniyang mga mata
Ang kaniyang mga pisngi
Ang kaniyang buhok
Ang kaniyang ilong
Ang kaniyang leeg
Ang kaniyang mga luha

ang mga planeta ang malapad na kortinang itinabing at ang aninag na langit
na nakatago sa likod ng rehas—
ang tinghoy at mga kampanilya ng mga kanaryo ang tamis sa pagitan
ng mga igos—
ang mangkok ng gatas ng mga balahibong hiniklat sa bawat tawang naghuhubad
ang lastag na nagbabawas ng bigat ng mga sandatang inagaw sa mga bulaklak
ng hardin

ang laksang laro ng mga bangkay na nakabitin sa mga sanga ng bakuran
ng paaralang pinutungan ng sinag ng mga awit
ang lawa na pang-akit ng dugo at ng mga tinik
ang mga gumamelang nilalaro sa dais
ang mga karayom ng likidong anino at pumpon ng kristal na lumot
na naglalantad ng indak sa sayaw ng mga kulay
na naghalo-halo sa ilalim ng basong ibinuhos nang lubos
sa lilang maskara na binihisan ng ulan

Mga buhok ng mga bata, ni Gabriela Mistral

Salin ng “Los cabellos de los niños,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Mga Buhok ng mga Bata

Malalambot na buhok, buhok na taglay ang lahat ng kalambutan ng daigdig: kung wala kayo sa aking kandungan, anong seda ang aking kalulugdan? Kay tamis ang paglipas ng araw dahil sa gayong seda, kay tamis ang pagkain, kay tamis ang antigong pighati, kahit sa ilang oras na dumulas yaon sa pagitan ng mga kamay.

. . . . . . .Idampi yaon sa aking pisngi; ipaikid-ikid yaon, gaya ng mga bulaklak, sa aking kandungan; hayaang itirintas ko iyon upang pabawahin ang aking kirot, upang palawakin ang liwanag na abot nito habang unti-unting nauupos sa sandaling ito.

. . . . . . .Kapag nakapiling ang Diyos isang araw, hindi ko ibig na paginhawin ng mga pakpak ng anghel ang mga gasgas sa aking puso; ibig kong isaboy sa bughaw na langit ang buhok ng mga bata na aking minamahal, upang hayaang hipan yaon ng simoy padampî sa mukha ko nang walang hanggan!

Hiwaga ng Langit, ni Max Jacob

Salin ng “Mystère du ciel,” ni Max Jacob ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hiwaga ng Langit

Pagkauwi ko mula sa sayawan, napaupo ako sa pasamano ng bintana at pinagnilayan ang langit: ang mga ulap ay wari bang malalaking ulo ng mga huklubang lalaking nakaupo sa tabi ng mesa at isang puting ibon na may maririkit na balahibo ang dinala sa kanila. Tumawid sa himpapawid ang dambuhalang ilog. Isa sa matatandang lalaki ay tumitig sa akin. Magsasalita na lámang siya nang biglang mawalan ng gana, at naiwan ang mga dalisay na bituing kumikislap-kislap.

Isang Selyong Personal, ni Olga Orozco

Salin ng “El sello personal,” ni Olga Orozco ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Selyong Personal

ni Olga Orozco

Ito ang aking mga paa, ang sablay sa akin pagkasilang,
at, kung hindi ito makalipad, ay malinaw na pangungusap
para bumulusok muli
sa ilalim ng walang taros na gulong ng zodyak.
Hindi hadlang ito para sa templo o tungkong bato.
Dalawang paa lámang, na pawang anfibyo, enigmatiko,
malaon, gaya ng dalawang anghel na pinilay ng pagguho
. . . .  . . . . ng lansangan.
Dalawang paa ito para sa landas,
hakbang kada hakbang sa lahat ng bangkay,
umaakyat na hinlalaki o sakong sa ibabaw ng kamatayan,
mga bilanggo ng selda ng gabing kagilid ko’t dapat lampasan.
Ang mga paa ko’y tumatawid sa mga bága o sa mga patalim,
na tinatakán ng bakal ng Sampung Utos:
Dalawang anonimong martir na nagpipilit na magsimula,
handang banggain ang mga pinid na pinto ng planeta, at iwan
ang kanilang mga bakás ng alikabok at pagsunod gaya ng isa
pang bakás na halos di-makita sa buhawing winawalis
 . . . . . . . .ang hanggahan.
Ang aking mga paa, mga maestro ng daigdig,
mga paa ng tumatákas na panginorin,
pinakinis na hiyas sa hininga ng araw at may salát ng mga graba:
Dalawang maningning na suwail na ngumangasab sa búkas ko
sa mga kalansay ng kasalukuyan,
nangagkalat habang lumalampas sa senyas ng lupang pangako
na nagbabago ng puwesto, dumudulas sa mga damo,
habang ako’y sumusulong.
Anung walang silbing instrumento sa pasukan at labasan!
At walang ebidensiya matapos ang maraming paglalakbay
sa parehong frontera,
walang selyo ng predestinasyon sa ilalim ng aking talampakan.
Mayroon lámang bangin sa pagitan ng dalawa,
ang di-mapipigil na pagkawala na humihila lagi sa akin pasulong
at ang bulong na ito ng pagtatagpo’t paghihiwalay kada hakbang.
Kahanga-hanga at kaawa-awang kalagayan!
Nahulog ako sa bitag nitong dalawang paa,
gaya ng bihag ng langit o impiyerno na bigong nagtatanong
hinggil sa kaniyang kauri,
na hindi nakauunawa sa mga buto niya o sa kaniyang balát,
o kahit sa pagsisikap ng gaya ng nag-iisang salagubang,
ang pagtatambol na nanánawágan sa eternal na pagbabalik.
At saan magtutungo ang dambuhalang ito—maalamat,
kagila-gilalas—na ibinubukad ang kaniyang buháy na laberinto
tulad ng bangungot,
naririto, nakapako sa pagkakatayô,
sa dalawang deliryong takas ng bulâ, sa ilalim ng bahâ?

Yes to human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to bogus operation.