salin ng mga tula ng makatang Serbian Vasko Popa
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
SA NAYON NG AKING MGA NINUNO
May kung sinong yumakap sa akin
At tumitig nang may paningin ng lobo
At nagtanggal ng kaniyang sombrero
Upang masilayan ko nang lubos
Tinanong ako ng bawat tao sa daan
Alam mo ba kung paanong kadugo kita
Inangkin ng lingid na lalaki at babae
Ang mga pangalan ng mga kabataang
Lalaki at babae mula sa aking gunita
Inusisa ko ang isa sa kanila
Sabihin mo parang awa mo na
Buháy pa ba si George na Lobo
Ako ang hinahanap mo aniya
Nang may tinig mula sa ibang daigdig
Hinipo ko ang kaniyang pisngi
Habang nagmamakaawa ang titig
Sabihin mo kung nabubuhay din ako
TAGU-TAGUAN
May kung sinong nagtago sa ibang tao
Nagkubli sa ilalim ng kaniyang dila
At hinanap siya ng kalaro sa ilalim ng lupa
Nagtago siya sa noo ng kaniyang kapuwa
At hinanap ng katoto doon sa kalangitan
Nagtabing siya sa kaniyang pagkalimot
At hinanap siya ng kasama sa damuhan
Hinanap siya hinanap nang hinanap
Lahat ng sulok ay tiningnan nito
At sa paghanap ay naglaho ang sarili
ULYANING NUMERO
May isang numero noong unang panahon
Dalisay at bilog tulad ng araw
Ngunit mag-isa at labis na nag-iisa
Nagsimula itong magbulay nang sarili
Hinati at pinarami nito ang sarili
Nagbawas at nagdagdag ito ng sarili
At nanatiling nag-iisa
Huminto itong magbulay nang sarili
At ipininid ang sarili sa bilog
At maningning na kadalisayan
Sa labas nito’y naiwan ang maalab
Na bakás ng mga pagbubulay
Nagsimulang maghabulan ang bawat isa sa dilim
Upang magbukod imbes na magparami ng sarili
Upang magbawas imbes na magdagdag ng sarili
Iyan ang nagaganap sa dilim
At wala ni isang magtatanong hinggil doon
Upang pigilin ang mga bakás
At burahin yaon nang ganap

Retrato mula sa US Fish and Wildlife Service, hango sa artsibo ng gimp-savvy.com