Social Distancing, ni Roberto T. Añonuevo

Social Distancing

Roberto T. Añonuevo

Ang súkat ng layo mo sa akin ang magtatakda
ng kapanatagan—na ipagpalagay nang malinis
na ospital o bagong hugas na mga kamay. . . .

Ang layo mo ay ang lapit ko sa paghihiwalay.

Lahat ay mapagdududahan, gaya ko sa tingin mo,
na sumakay ng eroplano; at ang eroplanong ito
ay maisasahinagap na umikot-ikot sa mundo,

at nang umuwi ay sakay ang tadhana ng ataul.

Ibinubukod ang tao sa kapuwa tao, na hindi ba
pagsasabing ang lahat ay iba na, iba sa iba?
Walang dahilan para tumawag o pumaswit.

Mamamatay ako sa sindak habang nasa loob.

Ang loob na ito ay maaaring sariwang resort,
o kaya’y paboritong sinehan o restoran,
ngunit hungkag, at ang nasa labas ay ikaw.

Pinagbubukod tayo ng bagay na lingid sa isip.

Mag-iingat ako at mag-iingat ka; kung kailan
darating ang kapahamakan ay laro ng síkiko,
ngunit maaaring pumasok sa bibig ilong mata.

Ang lumayo ka sa akin ay pagsasabi nang tapat.

Natulog ang mga pabrika. Naglaho ang mga dyip.
Nagsara ang mga tindahan. Walang tao sa daan.
At kahit silang magkasintahan ay tumatanggi

sa yakap o halik, o wikain ang salitang Pag-ibig.

Layò ng Sinta, ni Johann Wolfgang von Goethe

Salin ng “Nähe des Geliebten,” ni Johann Wolfgang von Goethe ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Layò ng Sinta

Naiisip kita kapag kumikislap sa dagat
ang sinag sa hapon;
Naiisip kita kapag sa ilog lumalatag
ang buwan ng hálon.

Nakikita kita sa alimbukay ng alabok
sa dulong tagaytay,
sa bawat magdamag na ang manlalakbay ay takót
tumawid ng taytay.

Naririnig kita sa mga alon na tahimik,
taog man o káti.
Gumagala ako sa kahuyan at nakikinig
sa payapang kási.

Kapiling mo ako. At gaano  ka man kalayò,
wari ko’y malapit.
Magbibigay kahit ang araw sa tala’t lalahò,
nang ika’y sumapit.

Isang Anyo ng Lagablab, ni Ophelia Alcantara Dimalanta

salin ng “A Kind of Burning” ni Ophelia Alcantara Dimalanta.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

ISANG ANYO NG LAGABLAB

Ophelia Alcantara Dimalanta

Ophelia Alcantara Dimalanta, retrato mula sa Varsitarsian.net

ito marahil ay sapagkat
sa isang paraan o iba pa
pinaiiral natin ang distansiyang ito
magkalayo tayo gayong magkalapit
sa maraming direksiyon
sa sukdulang ingay
kung paanong ninais natin
ang parehong munting layon at
walang kuwentang bakbakan
pabigkas man o nakahalukipkip
susuyod sa parehong dayami
tititig sa parehong palaisipan
sinisikap makuha ang kara o krus
doon ka sa may gilid
ako naman ang nasa gitna
kimkim ang kunwang tampo
umiibig nang higit sa tinataglay
tinutudla mo ang mga bituin
at pinapatag ko ang damuhan
nagpipilit na umawit o
nilalait ang kathang pagtatagpong
bukod sa arok ng mga pangarap
at binabaklas ng mga araw
tayo’y pawang naging kaawa-awang
mangingibig sa ligaw na daigdig
sa halos lahat ng uri ng paraan
maliban sa hindi tayo nagtatagpo
kundi lamang sa ganitong lagablab.

Mga Apotegma at Payo, ni Colette Inez

salin ng “Apothegms and Counsels” ni Colette Inez
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA APOTEGMA AT PAYO

Kapag may nagwikang napakapandak o napakaliit mo,
sabihing di nunusok sa karton ang diyamanteng aspile.

Kapag may nagwikang napakalapad ng lawas mo,
sabihing ikaw ay Amazon na ganap na nakalarga.

Kapag may nagwikang malalaki ang suso mo,
sabihing binili mo iyon sa Kathmandu
at nang isukat ay madilim ang mga silid.

Sabihing ang gisantes ay hinahangad sa Prague
kapag may nagwikang maliliit ang utong mo.

Ano ang timbang mo sa araw o kaya’y sa buwan?

Tone-tonelada kung sa araw.
Libra-libra kung sa buwan.
Ginagawa kang magaan ng pagmamahal.

Kapag may nagsabing napakalayo mo,
ikatwiran ang Epektong Doppler,
na isinusulat mo ang kasaysayan ng liwanag
para sa mga anak ni Pythagoras.