“Testamento ng Makata,” ni Angkarn Kanlayanapong

Salin ng tula ni Angkarn Kanlayanapong ng Thailand, at batay sa salin sa Ingles na “The Poet’s Testament” nina Sulak Sivaraksha at Hiram Woodward.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Testamento ng Makata

Ibinalabal ko ang kalangitan
Upang pawiin ang lamig
At naghapunan ng sinag-tala
Na kahalili ng kanin.
Kumalat ang hamog sa ilalim ng langit
Upang tighawin ang aking uhaw,
At umagos ang aking mga tula
Upang salubungin ang liwayway
Hanggang sa huling panahon.

Ang aking puso, na inihayin sa libingan,
Ay nagtamo ng gahum na taliwas
Sa kamunduhan; ang kaluluwa’y
Lumipad tungo sa lupain ng pangarap
Sa malayong panig ng kalawakan.
Hinanap nito ang dibinidad sa Langit
At tinangay padaigdig
Upang panatagin ang buhangin at damo,
Ibalik ang ligaya’t ibalik ang kapayapaan.

Ang layon ng paghabi ko ng mga tula
Ay iligtas ang angking kaluluwa,
Na ngayon ay nakahimlay sa agos
At daloy ng panahon.
Bagaman ang búhay na ito, na maikli,
Ay magugugol sa tumpak na oras,
Ang mga pahayag ng puso, na kumikinang
at dibino, ang mangingibabaw.

Hayaan mong ang katawan ay sunugin
Sa krematoryo nito— ang mga tulang nilikha
nang may tatag at tamis ay hindi matutunaw.
Saanmang daigdig muling isilang ang kaluluwa
Ay may pagbaha ng mariringal at banal
Na bahaghari, na may kislap ng kristal
At ningning na mamahaling bató.

Ang kawalang-tinag ay nagpapasiklab ng lugod
Sa mga salitang isinatitik,
Gaya ng mahalagang buhos ng ulan ng Langit
Na pumapawi sa init ng paligid.
Kaytamis samyuin ang búhay na ito. Ang kasunod
Ay may mga repleksiyon ng katamisan nito.

Handa kong iwaksi ang aking búhay
At talikdan nang lubos,
Ang tanging ibig ko’y mahahalagang bagay,
Ang kumikislap at ang bago.
Tiyak na ang panulaan ang pinakabanal
Na sining sa lahat, isang anyo ng mahika,
Na hinugot mula sa mamahaling kahoy,
At nahulog mula sa kalangitan.

Lamanlupa, ni Aloysius Bertrand

salin ng “Scarbo” ni Aloysius Bertrand ng France.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Lamanlupa

“Panginoon ko, sa oras ng aking kamatayan, ibigay sa akin ang mga dasal ng pari, ang linong sudaryo, ang ataul na pino, at maayos, tuyot na pook.”

Mga Ama Namin ng Heneral

“Mamatay ka mang pinatawad o isinumpa,” bulong ng Tiyanak sa tainga ko nang gabing iyon, “ang sudaryo mo’y magiging sápot, at ibibilot ko sa iyo ang gagamba!”

“Hayaan mo naman,” sabat ko, habang namumula ang mga mata sa kaiiyak, “na ang maging balabal ko’y nangangatal na dahong ang lundo’y iduduyan ng dayaray ng lawa.”

“Hindi!” singhal ng nang-uuyam na tiyanak, “magiging pakain ka sa uwang na gumagapang pagsapit ng takipsilim upang manghuli ng mga bangaw na binulag ng papalubog na araw!”

Napahagulgol ako’t lumuha nang labis, saka tumugon nang mapait: “Marahil ay higit na ibig mo ang tarantulang kasinghaba ng trompa ng elepante ang pangil na sasaid sa akin.”

“Palubagin mo ang iyong sarili,” singit niya, “dahil ang magiging kumot mo’y ang batikan at ginintuang balát ng ahas, na ibabálot ko sa iyo gaya sa ibang binurong bangkay.”

“At mula sa madilim na kripta ni San Benigno, ililibing ka namin nang patayo at nakasingit sa isang pader, upang marinig mo nang buong lugod ang iyakan ng mga munting bata sa Limbo.”

 

Mga Tala

[1] Tumutukoy ang San Benigno sa matandang monasteryo sa bayan ng Djon, Burgundy sa France.
[2] Ginamit sa salin ang panumbas na “lamanlupa” sa “Scarbo” na isang munting demonyo o kawaksi ni Satanas.

Buhay-Pananda, ni Juana de Ibarbourou

salin ng “Vida-Garfio” ni Juana de Ibarbourou mula sa Uruguay.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Buhay-Pananda

Mahal: Kapag yumao ako’y huwag dalhin sa libingan.
Humukay nang malapit sa rabáw, na malapit sa dibinong
halakhakan ng kulungan ng mga ibon.
O sa mahiwagang usapan ng mga bundok.

Malapit sa rabáw, mahal ko. Halos nasa ibabaw ng lupa
upang masinagan ng araw ang mga buto, at babangon
ang mga mata ko, gaya ng mga uhay, upang tingnan
muli ang salbaheng lampara ng lumulubog na araw.

Malapit sa rabáw, mahal ko. Upang higit na mabilis
ang aking paglisan. Ramdam ko ang aking mga lamán
na lumalaban, at nagsisikap magbalik upang damhin
ang mga atomo ng nakapananariwang simoy.

Batid kong hindi mapapanatag kailanman
ang aking mga kamay doon sa ilalim.
At kakalaykayin ng mga ito ang mga bútas ng lupa
sa gitna na karimlan, at nagkukulumpong mga anino.

Hasikan mo ako ng mga butil. Ibig kong magkaugat
ang mga ito sa naninilaw, naaagnas na mga buto.
Mula sa abuhing hagdan ng mga ugat ay babangon
ako upang bantayan ka’t maging mga liryong morado!

Isang Gabi at iba pang tula ni C.P. Cavafy

Mga tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Gabi

Ang silid ay maalikabok at gigiray-giray
na nakatago sa ibabaw ng wasak ng taberna.
Mula sa bintana ay matatanaw ang eskinita,
na marumi at makitid. Mula sa ibaba’y
dinig ang mga tinig ng mga obrero
na nagpupusoy at naghahalakhakan.

At doon, sa gastado’t mumurahing kama’y
inangkin ko ang katawan ng sinta, ang labing
sensuwal, mala-rosas, nakalalangong labi—
ang rosas na labi ng sensuwal na kaluguran
kaya kahit ngayon habang nagsusulat ako
makaraan ang ilang taon, sa aking tahanan,
ramdam ko pa rin ang labis na kalasingan.

Libingan ng Gramatikong si Lisiyas

Sa kanugnog, sa kanan papasok ng aklatan
ng Beirut, inilibing namin ang dalubhasang
gramatikong si Lisiyas. Naaangkop ang pook.
Inilagak namin siya sa mga bagay na pag-aari
niya at magugunita—mga tala, teksto, gramatika,
katha, tomo-tomong puna sa idyomang Griyego.
Sa gayon, makikita at mapagpupugayan namin
ang kaniyang libingan tuwing kami’y lalapit
sa mga aklat.

Sa Parehong Espasyo

Ang mga paligid ng bahay, sentro, at kapitbahayan
na natatanaw ko’t nilalakaran nang kung ilang taon.

Nilikha kita mula sa ligaya at sa pagdadalamhati:
Mula sa maraming pagkakataon at maraming bagay.

Ikaw ay naging lahat ng pagdama para sa akin.

Katangahan

Mauunawaan mo ang hindi mauunawaan ng nakatataas sa iyo. Maaaring ang butil ng diwa mo ay makapapawi ng konsumisyon o komisyon sa korupsiyon, ngunit dahil ang pinuno mo ay sabik sa kapangyarihan at sabik sa kayamanan, ang lahat ng naiisip mo ay tatabunan niya ng mga palusot. Ang palusot na ito ay maaaring pagpapairal ng aniya’y dating kalakaran, kahit ang kalakaran na binabanggit ay walang matibay na batayan sa batas man o katotohanan. Kaya iwawaksi mo ang kaniyang pamamahala, at ipupukol sa kaniya ang karapat-dapat matamo ng isang Konsumisyoner.

Libingan ng mga Diwain.

Libingan ng mga Diwain. Camp John Hay, Lungsod Baguio. Kuha ni Bobby Añonuevo, 2012.

Mulang Tagasalin tungong Makata

Mulang Tagasalin tungong Makata

Para kay Pablo Neruda, 1904–1973

Tanging mga salita ang naiwan ngayon. Humimlay
. . . . . . . . . . .  . . ang mga ito gaya ng mga libingan,
o batong Andes na wakas ng lungtiang palumpong.
Wala akong lakas ng loob na bakbakin
ang mahabang listahan ng iyong tuwa, na isinasalit
ang bakal nito at pelus, ang lahat ng halamanan
at kalansay ng butanding ng iyong piniling baybayin.
Labis ang naisulat na pag-asa, na ang bawat taludtod
ay hinihigit ang buhay sa pagsasaad na, bawat tipan
ay nagwawakas sa pag-asam ng kasunod na tagpo.
Ang marahan, malalim mong tinig ang mahalaga,
itinatampok ang buháy na Chile sa pag-iral,
na ang tula ay tinapay, ang mga aklat ay piging.
Tahimik sila ngayon, at walang tinag sa estante.
Hindi ko maarok ang kumukulog nilang katahimikan,
ang dalamhati ng nangamamatay sa Chile at taglay mo,
ang kamatayan na siyang isang tiyak na pagsasalin.

salin ng “Translator to Poet,” ni Alastair Reid.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.