salin ng tulang tuluyan sa Pranses ni Charles Baudelaire
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mithing Magpinta
Malungkot marahil ang tao, ngunit masaya ang alagad ng sining na sakbibi ng mithi.
Nagliliyab ang mithing ipinta ko siya, ang enigmatikong babae na nasilayan ko minsan at naglaho nang mabilis, gaya ng isang bagay na pinanghinayangang maiwan ng isang manlalakbay na hinigop ng gabi. Ay, anung tagal na nang mawala siya!
Marikit siya, at higit sa marikit: siya’y nakayayanig. Lukob siya ng dilim, at siya’y inspirado ng anumang malalim at panggabi. Ang kaniyang paningin ay dalawang yungib na may misteryosang liyab, at ang kaniyang sulyap ay nagpapaningning gaya ng kidlat—isang pagsabog sa karimlan ng magdamag.
Maihahambing ko siya sa itim ng araw, kung maiisip ang isang bituing nagbubuhos ng liwanag at ligaya. Ngunit mabilis na maihahalintulad siya sa buwan; ang buwan na nagmarka nang malalim ang impluwensiya; hindi ang matingkad, malamig na pinilakang buwan ng romantikong katha, bagkus ang mapanganib at langong buwan na nakalutang sa maunos na gabi at hinagod ng nag-uunahang ulap; hindi ang payapa at tahimik na buwan na dumadalaw sa mga walang konsensiyang tao, bagkus ang buwan na hinaltak mula sa kalangitan, bigo at mapanlaban, at nagtutulak sa mga mangkukulam na taga-Tesalya upang magsisayaw sa nahihindik na damuhan.
Sa kaniyang maliit na bungo ay nananahan ang matatag na kusà at ang pag-ibig ng maninila. Gayunman mula sa ibabang bahagi ng nakagigitlang mukha, sa ilalim ng balisang ilong na sabik na singhutin ang anumang lingid at imposible, biglang sumasambulat ang halakhak, at taglay ang di-mabigkas na ringal, ang kaniyang bibig na malapad, na may kapulahan at kaputian—at katakam-takam—ay makapagdudulot ng panaginip ng pambihirang pamumukadkad ng bulaklak sa bulkanikong lupain.
May mga babaeng nagdudulot ng pagnanasa sa mga lalaki na sakupin silang mga babae, at gawin ang anumang nais nila sa kapiling; ngunit ang babaeng ito ay naglalagda ng mithing yumao nang marahan habang ikaw ay tinititigan.