Aral at Landas mula kay Balagtas

Hitik sa parikala ang tema ng pagdiriwang sa Araw ni Balagtas ngayong taon (“Mga Aral ni Balagtas, Gabay sa Tuwid na Landas”). Una, dahil kahit nakatimo sa mga tula o dula ni Francisco Balagtas ang mga aral, ang mga aral na ito ay nagmumula sa kinathang tauhan na posibleng nililitis mismo ng makata upang itanghal ang pagkatao. Ang mga aral ay nagkabuhay sa mga pagpapasiya at karupukan ng mga tauhan, na siya namang  kayang maglaro sa dimensiyon ng realidad at dimensiyon ng guniguni. Madulain at hitik sa ligoy ang pangangaral na isinilid sa saknong o taludtod; at kung matimbang man ang mga aral sa tula  o dula ni Balagtas ay mapapansin ang higit na pagpapahalaga sa sining ng pagkatha.

Ikalawa, hindi ipapangalandakan ni Balagtas ang pangangaral dahil maaaring sapawan niya ang mga awtoridad; at kung mangyayari ito’y lalo siyang malalagay sa panganib dahil sa pagyanig sa kaayusang pinaiiral ng maykapangyarihan. Magsasalita nang mapagpahiwatig ang mga tauhan sa mga tula o dula nang bukod sa pag-iral ng makata. Maipapalagay na sakali’t mangaral man ang nasabing mga tauhan ay magmumula iyon sa kanilang kuro-kuro at hindi sa makata. Kaya paanong magiging gabay ang mga aral ni Balagtas? Hindi natin napakinggan si Balagtas, at hindi rin nabasa na mangaral nang tahas, at sakali mang ibinunyag niya ang kaisipan sa pamamagitan ng pangangaral ay isang maliit na bahagi lamang ito ng paraan ng pagtula. Ipinapalagay lamang natin na ang tauhan na kaniyang nilikha ay siya ring nagsasatinig ng iniisip o niloloob ng awtor. Na mapagdududahan.

Ikatlo, hindi nangangailangan ng gabay ang pagtahak sa tuwid na landas. Nakababato, at hindi kapana-panabik, ang paglalakbay sa tuwid na landas dahil alam na ng tao na iisa lamang ang daan at patutunguhan. Ang tuwid na landas ay hindi nangangailangan ng guniguni at pagbubulay; at ang paglinga sa kaliwa o kanan at paglingon  ay mistulang pang-aliw lamang sa monotonong pagtanaw sa kaligiran. Ang tuwid na landas ay hindi rin nangangailangan ng gabay na taglay ang aral sa buhay, maliban na lamang kung ang naglalakbay ay bulag na posibleng mapalihis nang di-sinasadya sa paglalakbay. Itinatadhana ng tuwid na landas ang kumbensiyon; at ang aral o pangangaral ay kalabisan na sa gayong mapusyaw, walang kalasa-lasang pamumuhay.

Sinasalungat ni Balagtas ang tuwid na landas, at itatatwa ang pagiging moralista kahit gaano kadakila ang pagkilala rito ng mga alagad ng simbahan, dahil ang mismong pagsasakataga niya ng mga pahiwatig ay nagbubunyag ng laberinto ng mga hulagway at kaisipang hindi karaniwang batid ng mga Tagalog. Kinasangkapan ni Balagtas ang kapangyarihan ng ligoy at pahiwatig, ang kabulaklakan at dalumatan ng Tagalog, at ang ringal ng pagtulang sabihin mang hiniram sa ibayong-dagat ay inangkin sa pamamaraan at pagdulog ng panulaang Tagalog.

Maaaring niloloko lamang tayo ni Balagtas. At pabulaanan man natin o itanggi, mapapangiti siya saanman naroroon habang tayo ay nauutal sa pagbasa o pagbigkas ng kaniyang malilikot ng talinghaga.

Advertisements

Elegansiya ng Ligoy sa “Currimao Fiesta” ni Alwynn C. Javier

Parola, Kuha ni bobby Añonuevo

Parola, Kuha ni Bobby Añonuevo

“Ligoy” ang isa sa mga kahanga-hangang katangian ng Filipino, na ibinatay nang malaki sa Tagalog at sinuhayan ng mga lalawiganing wika sa Filipinas. Tumutukoy ang “ligoy” sa di-tuwirang paraan ng pagsasabi ng kahulugan, at ginagawa ito sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa pahiwatig, talinghaga, at sagisag na pawang matalik sa loob ng mga nag-uusap. Sa pag-aaral ng sosyo-antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, ang ligoy ay kaakibat ng kulturang mataas ang antas ng pagkakaunawaan. (Hinango ni Maggay ang mataas na kontekstong kultura sa teorya ni Edward Hall.) Nagaganap ito dahil sa “mahabang tradisyon ng madalasang pakikipag-ugnayan.” Mataas umano ang antas ng pakikiramdam ng bawat kasapi sa kultura, kaya hindi nangangailangan “ng lantarang kodigo o hayagang panuntunan” kung paano uunawain ang ipinahahatid na mensahe ng mga katutubo sa kultura.

Mahalaga ang ligoy sa tula, kung ipapalagay na ang tula ay isang uri ng komunikasyon, at ang diskurso ng makata ay abot ng diskurso ng mga mambabasa. Kapag kinasangkapan ang ligoy, ang pinakamarikit na katangian ay nakapagbabalatkayo ng nakaririmarim na anyo, gaya sa mga tula ni Mike L. Bigornia. Ang kabatiran ay pasikot-sikot, kaya ang bumabasa ng tula ay nahahamon ang guniguni at nagkakaroon ng iba’t ibang pagmalay at pagtanaw hinggil sa pinapaksa. At ang mabigat na pamumuna o pagdaramdam ay nadaraan sa masining na pagpapatawa, kaya gumagaan ang tama pagsapol sa pinatutungkulan. Tanggalan ng ligoy ang tula ay maaasahan ang walang kalasa-lasang mga taludtod at maninipis na saknong na higit na maluwang ang espasyo ng papel kaysa sa dapat taglaying diwain ng tula.

Ang ligoy ng tula ay hindi nangangahulugan ng pag-aaksaya ng mga salita, gaya ng inaakala ng ilang kabataang makata. Iba ang walang habas na paglulustay ng mga salita sa ligoy, dahil ang masasatsat tumula ay karaniwang hindi batid ang kanilang pinagsasasabi. Ang ligoy ay isang sining ng tantiyadong pagbanda at pagpapadaplis, kumbaga sa bilyar, para makapagbuslo ng bola. Ang ligoy ay masinop na paglalatag ng patibong, kumbaga sa ahedres, o kaya’y pagpapadama para lansihin ang kalaban. At ang ligoy ay pagsasabi nang walang kurap, bagaman nagsisinungaling, na ang pakana ay tarakan ng punyal sa dibdib ang kausap.

Katangian ng Filipino ang ligoy na taliwas sa tahas na Ingles, at kung idaragdag ang isa pang kapatid na katangian—ang tinatawag na kabulaklakan—ay higit na kalulugdan ang wikang Filipino. Ang kabulaklakan ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, ay hindi dapat tingnang kahinaan, bagkus isang elemento ng lakas at talas. Nagkakaroon lamang ng problema sa Filipino dahil ang bumabasa nito ay ginagamit ang panuntunang Ingles, na para bang walang bukod na katangian ang Filipino. Matalik ang Filipino sa Espanyol, na higit na mabulaklak, at ang ligoy na binihisan ng masalimuot na disenyo ay angkop na angkop sa pagbubuo ng nobela at epikong tula.

Isang halimbawa ng ligoy ang matatagpuan sa tulang “Currimao Fiesta” (2006) ni Alwynn C. Javier. Purong Ilokano si Javier na mula sa liping magsasaka ngunit pambihira kung kumasangkapan ng wikang Filipino. Nagwagi siya nang ilang ulit sa Timpalak Palanca, at ngayon ay abala sa pagtuturo sa Ateneo de Manila University. Heto ang kaniyang tula:

Currimao Fiesta
ni Alwynn C. Javier

Gutom ang nagbunsod sa kanilang
makipagsapalaran sa ibang bayan.
Ang mga magsasaka ng Cabugao,
bawang na nagpahugot sa karampot
na lupa sa pagitan ng dagat at bundok.
Ang matatanda ng Bacarra,
sibuyaw na nagpabunot sa mahinang
kapit ng mabuhanging lupa.
Ngayo’y palay silang nakayuko
sa mayamang lambak ng Isabela;
pinyang nakatunghay sa patag ng Bukidnon;
malunggay na nag-ugat sa baybayin ng Hawaii.

Tunghayan ang piging ng mga balikbayan:
kung paano nilalamusak ang utak ng baka
at inilalamas sa malapot na dinakdakan;
kung paano pinipiga ang apdo ng kalabaw
at ibinubuhos sa lamanloob ng papaitan;
kung paano kinakanaw ang nanigas na dugo
at inihahalo sa asim ng sinampalukang aso.

Makisalo sa hapag ng karangyaan:
may umaapaw nang sabaw sa bandehado;
may namumuong sebo sa isang sartin;
may nanggigitatang pitsel ng tubig-poso;
may lumang mumo sa plastik na plato.
Maghanda sa pagkakamay:
sa sabay-sabay na paghinaw sa tubig;
sa walang habas na pagdakma sa kanin;
sa walang patumanggang pagdampot ng ulam;
sa garapal na pagkalawkaw sa plato;
sa daklot-daklot na pagsubo.

Makitawa sa eksena ng mga bisita:
ang kantiyaw sa dating batang galisin
na ngayon ay milyonaryo na;
ang nakangingilong haguthot
ng mamang di-matanggalan ng tinga;
ang aleng biglang nabilaukan
habang namumuwalan;
ang nilalangaw na pulang dura
ng matandang ngumunguya ng nganga.

Mangahas man ang batang nakapag-aral
na maghanap ng senyal ng sopistikasyon,
mapapahiya siya sa katotohanang
kabilang siya sa lahi ng mga dugyot at kuripot
at walang layás na bituka ang maaaring makalimot.

Ipinamamalas ni Javier sa kaniyang tula ang isang paraan ng paglalatag ng parikala. Ang nagsasalita sa tula, na maaaring ang kabataang nakapag-aral sa Maynila o kaya’y sa ibang bansa, ay inilahad ang mga pangyayari na dinaranas ng mga Ilokano. Ang unang saknong ay pulos ligoy na inihalintulad ang mga magsasaka at matanda sa bawang at sibuyas na madaling ilipat kung saan, ngunit mabilis ding magtagumpay. (Bawang at sibuyas ang mga produkto ng lupain sa Ilokos, at malaking negosyo magpahangga ngayon.) Ang transpormasyon ng pagkatao at antas ng kabuhayan ay mapapansin sa paggamit ng “palay,” “pinya,” at “malunggay” mula sa pagiging halamang-ugat. Lumawak din ang espasyo ng naturang mga Ilokano, at mahihiwatigan ang paglalakbay mulang ibang lalawigan tungong ibayong-dagat.

Sa ikalawang saknong, pambihira ang detalye sa paghahanda ng piging para sa mga balikbayan, na mahihinuhang Ilokano pa rin. Nakapaglalaway ang dinakdakan, papaitan, at sinampalukang aso, na pawang eksotiko ang pagtitimpla at pagluluto na parang sadyang ibinagay sa nangulilang mga Ilokano. Susuhayan ng ikatlong saknong ang ikalawang saknong, at ang detalyadong paglalarawan ng paraan ng pagkain, mulang paghihinaw [i.e., paghuhugas ng kamay] hanggang padaklot na pagsubo ng pagkain ay tila kakatwang tagpo na mala-karnabal.  Pipihit ang tagpo sa anyo ng mga bisita, na may milyonaryo, marungis, at waring salaula.

Matatagpuan ang parikala sa dulong saknong. Walang silbi ang sopistikasyon sa mga tagpo ng pagtitipon-tipon, at ibinabalik sa alaala ang mga sinaunang pagkakakilanlan sa mga Ilokano gaya ng “dugyot” at “kuripot.” Ang dugyot ay tumutukoy sa katangiang marumi o magulo ang pamamaraan, kumbaga sa pisikal na anyo; samantalang ang kuripot ay tumutukoy sa labis na pagtitipid sa gastos. Ngunit ang dugyot at kuripot, kung aaninawin sa tula, ay mga terminong ipinapataw ng mga tagalabas sa kulturang Ilokano. Sa dulo ng tula, walang pakialam ang mga balikbayan kung ano man ang itawag sa kanila. Ang higit na mahalaga ay ang pagbabalik mula sa matagal na panahong pagkakawalay, ang pagsasalo-salo sa tagumpay, at ang pakikibahagi muli sa pamayanan ng kulturang Ilokano.

“Walang layás na bituka ang maaaring makalimot,” ito ang pagwawakas ng tula. Na napakagandang taktika kung isasaalang-alang na malimit makipagsapalaran ang mga Ilokano kung saan-saan upang humanap ng ikabubuhay at seguridad sa buhay. Ngunit gaano man kalayo ang kanilang nilakbay ay hindi nila nalilimot ang ugat at kultura. Sa tula ni Javier, ang deskripsiyon hinggil sa piging, kainan, kumustahan, at iba pa ay isa lamang ligoy para ipamalas na hindi nagbabago ang mga Ilokano hinggil sa pamilya. Maaaring sa unang malas ay pisikal na anyo ang tinitingki ng tula, subalit higit pa sa panlabas na anyo ang paglabas sa sarili—at pag-angkin ng Kailokuhan—upang makisalo sa mga kapuwa Ilokano nang di-alintana ang sasabihin ng mundo.

Mapapansin sa tula ni Javier na ang talinghaga ng “gutom” ay doble-talim, gayundin sa pagkasangkapan sa “pagkain” at “piging.” Baligtaran din ang pahiwatig ng pamagat na “Currimao” (kurimaw) na nagpapahiwatig ng masagwang anyo, at unang pinasikat sa palabas na Eat Bulaga! ng GMA Network. Ang kurimaw ay hindi lamang ang pook at tao, at tumatagos kahit sa panig ng bumabasa. Ipinakikita lamang ni Javier na ang paghuhunos ng Ilokano ay madaraan sa ligoy, at ang pagsasabi ng katotohanan ay hindi laging sa paraang tahas at kumbensiyonal. Hindi natitighaw ng yaman ang uhaw sa lupang tinubuan. At kung babalikan ang sinaunang kawikaan, umulan man ng ginto sa ibayong dagat ay hindi maipaparis yaon sa ginhawang matatamo sa sariling bayan.

Dapat pag-aralang muli ang bisa ng ligoy alinsunod sa punto de bista ng Filipino. At ito ang maaaring unang leksiyon ng mga kabataan para makaiwas maging kritikastro at mambeberso ng kanilang iniinugang panahon.

Idyoma, talinghaga, at tayutay sa komunikasyon ng mga Filipino

Ano ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino? Ito ang isa sa maraming tanong na sinasagot ng Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino (2002) ni Melba Padilla Maggay. Hitik umano sa pahiwatig at ligoy ang pakikipag-usap ng mga Filipino, dahil nagmumula sila sa kulturang may mataas na uri ng pagbabahaginan ng kahulugan, kompara sa mga taga-Kanluran na itinuturing na may mababang konteksto ng kulturang mababa rin ang antas ng pagbabahaginan ng kahulugan. Bukod dito’y ginagamit ng mga Filipino ang konsepto ng pakikipagkapuwa—na pagturing sa kausap bilang bahagi ng sarili—na mauugat sa kulturang mataas ang pagpapahalaga sa ugnayan ng pamayanan.

Habang lumalayo ang agwat ng pagsasamahan ng mga Filipino, ani Maggay, lalong tumataas ang antas ng di-pagkatiyak sa pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Halimbawa, gagamit ang mga Filipino ng mga tayutay (figure of speech), bulaklak ng dila (idyoma), at talinghaga (metapora) kung ang kausap ay itinuturing na “ibang tao” (i.e., hindi kaibigan, kaanak, o kakilala). Itinuturing na maligoy ang gayong paraan ng komunikasyon, samantalang nagtatangkang ihayag ang “panlabas” na anyo ng pakikipag-ugnay at pakikibagay. Pormal ang tono ng pakikipag-usap, at nakatuon sa pagpapakilala.

Ngunit may kakayahan din ang mga Filipino na magsabi nang tahas, kung ang kausap ay kapalagayang-loob. Ang “kapalagayang-loob” dito ay maaaring kaanak, kaibigan, o kasamang matagal nang kakilala at matalik sa loob ng isang tao. Idinagdag ni Maggay na mahilig umano ang mga Filipino sa malapitang pag-uugnayan, na humihipo at dumadama sa mga tao at bagay-bagay. Kung pagbabatayan naman ang tahas at magagaspang na banat ng mga komentarista sa radyo, diyaryo, at telebisyon sa ilang personalidad o politiko, ang gayong paraan ng komunikasyon ay maaaring pagbubukod mismo ng mga taong nanunuligsa sa mga taong tinutuligsa. Ang ugnayan ay maaaring nagiging “kami” laban sa “kayo,” na hindi lamang umaangat sa personalismo, gaya ng isinaad ni Maggay, bagkus kaugnay ng papel ng kapangyarihan at impluwensiya mula sa dalawang panig.

Mahabang disertasyon naman kung pag-aaralan ang paraan ng komunikasyon ng mga blogistang Pinoy sa cyberspace. Ang mga blogistang Pinoy ay maaaring isaalang-alang pa rin ang dating anyo ng komunikasyon ng mga Filipino, at ang pagtuturingan ng mga nag-uusap ay hindi bilang magkakabukod na entidad bagkus matatalik sa kalooban o sirkulo ng blogista. Nalilikha ang pambihirang espasyo sa pagitan ng blogista sa kapuwa blogista o mambabasa, at sumisilang ang isang uri ng diskursong matalik sa sirkulo nila. Halimbawa, ano ba ang pakialam ng mambabasa kung nakabuntis ang isang blogista o kaya’y nagkahiwalay ang dalawang blogistang dating magkasintahan? Makapapasok lamang sa ugnayan ang mambabasa kung ang pagturing ng mga blogista sa kanilang mambabasa ay para na ring kalahok sa mga pangyayari, at ang gayong pangyayari ay likha ng konsepto ukol sa “pamayanan” ng mga Filipinong blogista. Sa ilang Filipino, ang pagsulat ng blog ay pagsangkot na rin sa madlang mambabasa sa anumang nagaganap sa buhay ng blogista, kaya ang mambabasa ay hindi basta “ibang tao” bagkus “kapuwa tao” na marapat makaalam, makaugnay, at makatuwang sa lahat ng bagay.

Mahalaga ang kapuwa-sa-kapuwang komunikasyon ng mga Filipino. Kung babalikan ang mga pag-aaral ni Iñigo Ed. Regalado hinggil sa “talinghaga,” “kawikaan,” at “tayutay,” mababatid na kumukuha ang mga Filipino noong sinaunang panahon ng mga salitang buhat at kaugnay sa kaligiran, at ang mga ito ang kinakasangkapan sa paghahambing, pagtatambis, pagtutulad, at panghalili sa mga katangian ng tao na pinatutungkulan, ngunit ayaw tahasang saktan dahil sa kung ano-anong dahilan. Malimit gamitin noon ang pisikal na anyo ng hayop, isda, ibon, insekto, halaman, at bagay upang itumbas sa ugali at asal ng tao. Halimbawa nito ang “tagong-bayawak” na tumutukoy sa “madaling makita”; “buhay-pusa” na mahaba ang buhay; at “paang-pato” na katumbas ng “tamad.” Kung minsan, ginagamit ang isang bahagi ng katawan upang maging metonimiya sa ugali, pananaw, at asal ng isang tao. Maihahalimbawa rito ang “taingang-kawali” na ibig sabihin ay “nagbibingi-bingihan”; “mainit ang mata” na katumbas ng “buwisit” o “malas” na miron sa sugalan; at “marumi ang noo” na katumbas ng “taong may kapintasan.” Heto ang ilan pang tayutay at idyomang tinipon ni Regalado, ang mga kawikaang maaaring nakaiwanan na ng panahon, ngunit maaaring balikan ng mga Filipino upang ipagunita sa susunod na henerasyon:

Talinghagang tinumbasan ng mga katangian ng hayop, ibon, isda, kulisap, at halaman
Asong-pungge — susunod-sunod sa dalaga
Balat-kalabaw — Matibay ang hiya; walanghiya
Balat-sibuyas — maramdamin; madaling umiyak
Basang-sisiw — api-apihan; kalagayang sahol sa hirap
Buhay-alamang — laging nasusuong sa panganib; hikahos
Buhay-pusa — mahaba ang buhay; laging nakaliligtas sa panganib
Bulang-gugo — bukás ang palad sa paggasta
Buwayang-lubog — taksil sa kapuwa; hindi mabuti ang gawa
Dagang-bahay — taksil sa kasambahay
Kakaning-itik —api-apihan
Kutong-lupa — bulakbol; walang hanapbuhay
Lakad-kuhol — mabagal utusan; patumpik-tumpik kapag inutusan
Ligong-uwak — hindi naghihilod o gumagamit ng bimpo kapag naliligo; ulo lamang ang binabasa.
Maryakapra (marya-kapra) — babaing masagwa o baduy magbihis
Mataas ang lipad — hambog
Matang-manok — Malabo ang paningin kung gabi; Di-makakita kung gabi
May sa-palos— Hindi mahuli. Mahirap salakabin. Madulas sa lahat ng bagay.
Nagmumurang kamatis — nagdadalaga
Nagmumurang kamyas — bagong naniningalang-pugad; bagong nanliligaw.
Paang-pato — tamad; makupad; babagal-bagal kung lumakad
Pagpaging alimasag — walang laman
Puting-tainga — maramot
Putok sa buho — Walang tiyak na ama nang isilang
Salimpusa (saling-pusa) — hindi kabilang sa anumang panig;
Sangkahig, sangtuka — Ginagasta ang siyang kinikita.
Tagong-bayawak — madaling makita sa pangungubli
Tawang-aso — tawang nakatutuya

Talinghagang tinumbasan ng mga bahagi ng katawan o kaya’y kilos ng tao
Bukás ang palad — magaang magbitiw ng salapi; galante; hindi maramot
Kadaupang-palad— kaibigang matalik
Kumindat sa dilim — nabigo; nilubugan ng pag-asa
Lawit ang pusod — balasubas
Ligaw-tingin — torpe; hindi makapagsalita sa nais ligawan
Mababang-luha — iyakin; bawat kalungkutan ay iniiyak
Mabigat ang dugo — kinaiinisan
Magaan ang bibig – palabati; magiliw makipagkapuwa
Magaan ang kamay — magandang magbuwana mano, kung sa negosyo o sugal; mapagbuhat ng kamay, o madaling manampal o manakit
Mahaba ang paa — nananaon sa oras ng pagkain ang pagdating o pagdalaw
Mahabang-dila — palasumbungin
Mahabang-kuko— palaumit
Mahigan ang kaluluwa — matinding galit
Mainit ang mata — malas sa panonood; nagdadala ng kamalasan kapag nagmiron sa sugalan
Manipis ang balát— mapaghinanakit; madaling masaktan kapag sinabihan
Marumi ang noo — taong may kapintasan
May balahibo ang dila — sinungaling
May bálat sa batok — malas
May bituin sa palad — masuwerte sa lahat ng bagay, lalo sa negosyo; mapapalarin
May kuko sa batok — masamang tao; di-mapagkakatiwalaan
May kurus ang dila — nagkakatotoo ang bawat sabihin
May nunal sa paa — Layás; mahilig maglagalag
May tala sa noo — babaeng ligawin o malimit suyuin ng mga lalaki
May-sungay — lalaking di-pinagtatapatan ng asawa; lalaking kinakaliwa o pinagtataksilan ng asawa
Nakadikit ng laway — tanggalin; madaling tanggalin
Namuti ang mata — Nabigo sa paghihintay; hindi dumating ang hinihintay
Namuti ang talampakan — kumarimot dahil naduwag; tumakbo palayo dahil sa natakot o naduwag.
Nasa dulo ng dila — hindi masabi-sabi; hindi matandaan, bagama’t alam na alam
Naulingan ang kamay — nagnakaw; kumupit ng salapi
Puting tainga — maramot
Sa pitong kuba — paulit-ulit
Tabla ang mukha — walang kahihiyan
Taingang-kawali — nagbibingi-bingihan; kunwari’y hindi nakarinig.
Walang butas ang buto — malakas
Walang sikmura — hindi marunong mahiya

Masasabing mahiligin ang mga Filipino, lalo ang mga sinaunang Tagalog noon, sa paglikha ng mga “taguring ambil” na naghuhudyat ng kaugalian, kung lilimiin ang pag-aaral ni Regalado. Ang “ambíl” ay tumutukoy sa salita, parirala, o pahayag na may katumbas na pakahulugang hindi tuwirang nagsasaad ng orihinal na tinutukoy na ugali o asal o katangian ng tao. Sa Ingles, tinatawag itong personipikasyon at malimit kasangkapanin sa matalinghagang pamamahayag sa tula. Halimbawa, maaaring wala nang nakaaalam ngayon na ang orihinal na salitang “ganid” ay tumutukoy sa malaking asong ginagamit sa pamamaril o pangangaso. Ang “ganid” ngayon ay hindi ikinakabit sa German Shepherd o iba pang aso, bagkus sa taong “sakim” o taong nais lamang kumabig nang kumabig ngunit ayaw maglabas kahit isang kusing. Isa pang halimbawa ang “ampalaya” na ginagamit na ambil sa mga tao na “napakahirap hingan ng kahit ano, lalo na kung salapi.” Bagaman naglaho na ang ganitong taguri, higit na kilala ang ampalaya ngayon bilang pangontra sa diabetes at alta-presyon. May ibang salita namang nagbabalik ngayon, at kabilang dito ang “limatik” na isang uri ng lintang maliit ngunit masidhing manipsip ng dugo. Iniaambil ang salitang ito sa mga tao na mahilig kumabit sa ibang tao upang manghuthot ng salapi hanggang wakas; o kaya’y sa mga propitaryong “walang habas magpatubo.” Nagbabalik din ang “hunyango” na isang uri ng hayop na may pakpak, sinlaki ng karaniwang kuliglig, na nakikikulay sa bawat makapitan. Panukoy ito ngayon sa mga tao na taksil kung hindi man mapagbalatkayo. Usong-uso rin ang “balimbing” na isang uri ng punongkahoy na ang bunga ay may limang mukha o panig. Tumutukoy ito sa taong kung sino ang kaharap ay siyang mabuti, at idinagdag dito ang isa pang kahulugang tumutukoy sa politikong palipat-lipat ng partido.

Marami pang dapat pag-aralan ang bagong henerasyon ng mga Filipino hinggil sa paraan ng komunikasyon nito. At upang magawa ito’y kinakailangang magbalik sa nakaraan, halungkatin ang mga antigong dokumento at aklat, itala ang mga kuwento ng matatanda, at sipatin sa iba’t ibang anggulo ang mga wika, kaisipan, at panitikan. Maaaring maging makulay din ang gagawin nating mga ngangayuning idyoma, talinghaga, at tayutay kung maláy tayo sa mga aral ng nakaraan na pawang makatutulong sa pagbubuo ng masigla, maunlad, at abanseng panitikang Fillipino—na maipagmamalaki ng sinumang Filipino saanmang panig ng mundo.