Paumanhin, ni Roberto T. Añonuevo

Paumanhin

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Huwag banggitin ang salita kapag nagbunga ang mga gawa o pagtangging gumawa. Ang iyong mga gawa ay maaaring simbuyo ng mainiping paa o naglalagablab na puso, o balani ng pangarap na simbigat ng lungsod, ngunit ang anumang pasiya mo ay higit sa itinakda naming tama o mali. Mahilig kaming gumuhit ng linya, na maaaring laós at sinauna, at ang linyang ito ang magsasabi kung ano ang dapat ulam na isusubò nang walang pagtatanong, o kaya’y ang damit na isusuot sa okasyong inimbento namin, gaya ng binyag, nang walang pakialam kung ibig ng binibinyagan ang panínindigán niyang pananampalataya—kung sa hinaharap, ito ay maging bibitayan.

Huwag banggitin ang salita, kung ang iyong mga gawa ay lampas sa haligi ng bahay na bato sa aming isip. Maaaring iba ang iyong muhon sa itinakda naming muhon, at kung ito ay hindi mo nakita sa kung anong katwiran, o hindi namin namalayan sanhi ng nagbabagong simoy, ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay natauhan ka kung paano sasandig sa haligi at makinig sa lindol ng sahig sa tumpak na pagkakataon, at pahalagahan ang ilaw sa minimithing silid may bagyo ma’t may dilim. Magtatayô ka ng sarili mong tahanan balang araw, maghahayag ng sariling batas na tatawagin mong pananaw, at kung hindi kami makasakay sa iyong opinyon o panukala, madali naming huhugutin ang kawikaang paalis ka pa lámang ay nagbabalik na kami sa pook na sinilangan.

Huwag banggitin ang salita, kung ang katumbas niyan ay pahupain ang ulan ng bato’t alimura nagmula man ang utos sa hari. Ang hari ay nakapagsasalita sapagkat inaakala niyang siya ang may-ari ng buong bayan. Kung ang bayan na ito ay napariwara, sanhi man ng digma o bagyo o salot, ang hari ay susurutin ang kaniyang matatapat na kawal o alalay o tagapayo, at ipatatapon ang ilan kung kinakailangan, ngunit hinding-hindi aamin sa kaniyang kakulangan ni katangahan. Huwag banggitin ang salita, at humarap sa hari, at ipamukha sa kaniya na ang kaniyang mga kawal ay sumusunod nang bulag upang manatili sa poder, gaya ng sapilitang pagdukot sa kawawang mamamayan, at paghahain ng kung ano-anong kaso na tinitimpla tulad ng keso.

Huwag banggitin ang salita, kahit nabatid mong nasaktan kami sa iyong pagkawala. Totoong tumitigas ang ulo gaya ng bato (at kailangan iyan para proteksiyon sa utak), ngunit bakit namin palalambutin ang iyong loob sa pamamagitan ng pingot o bugbog? Kailangang tumigas ang iyong ulo, gaya ng kailangang magkasungay ng kalabaw nang maipagtanggol ang sarili. Ngunit matutong mag-isip, na ang hangin na iyong langhapin ay nagiging pangalan mong mahangin—na para sa iba’y hindi basta pagbubuhat ng bangkô, bagkus pagpupundar ng enerhiya kahit nasa tuktok ng mga bundok. Huwag mangamba kung nasaktan ang aming loob. Nasasaktan kami hindi dahil matigas ang iyong ulo. Nasasaktan kami dahil kahit noong tumigas ang aming ulo ay hindi kami nagtangkang sumubok, gaya mo, na tumindig sa tungki ng bangin, at naduduwag kami sa pangitain ng pag-iisa sa sasapit na takipsilim.

Huwag banggitin ang salita, sapagkat sapat na ang iyong titig na nag-iiwi ng libong pahiwatig. Hindi kami naghihintay sa iyong kumpisal, sapagkat sino kami para magbasbas ng kapatawaran? Wala kaming pangakong paraiso, gaya ng Bembaran na nalunod sa limot. Sasabihin ba ng pastol na isa lámang ang itim na kambing, na karapat-dapat maging papaitan? At ano ang dapat maging asal ng kawan ng kambing? Na sumusunod ang bawat isa katumbas ng tubig o damo o sisilungan, at hindi dapat ihain sa darating na pista? Huwag banggitin ang salita, subalit tandaan ang pilat na tinamo sa pagtataksil o pagkadapâ. Tandaan ang patalim, na sumasakyod nang may pagkukunwari, o pumupungos sa iyong paglabay o paglago. Tandaan ang lahat ng bituin na naging patnubay sa kinatha mong paglalayag o pagtatanim. At sa sandaling tumatag ang mga tuhod mo, at lumapad ang mga balikat sa pagpasan ng mundo, huwag pagsisihan ang matataas na pader. Tumindig nang taas-noo. Mabubuwag ang mga pader, at maglalakad kang magaan, gaya ng paslit na isinilang na walang utang, walang batik mula sa wika ng Maykapal.

No to illegal arrest. No to war. Yes to peace and social justice.

Advertisements

Lindol at iba pang pangitain

Ilan lamang ito sa labi ng lindol at iba pang sakunaNakahihindik ang mga imaheng ipinalalabas sa telebisyon hinggil sa malagim na lindol na sumapit sa Tsina noong nakaraang linggo. Nagiba ang mga gusali at bahay, bumuka ang lupa, at gumuho ang mga bundok at dalisdis. Sa pananaw ng mga mapahiin, senyales iyon ng baluktot na patakaran ng pamahalaan laban sa Tibet o Sudan at iba pang pinagkukunan ng enerhiya. Ngunit sa pananaw ng mga siyentipiko, likas na pangyayari lamang iyon kapag gumalaw ang mga saray ng lupang tila pilyego ng yero at ang ugat ng pagyanig ay mababaw mula sa pinakarabaw ng lupa.

Itinala nina Mariano Ponce at Jaime C. de Veyra sa kanilang Efemérides Filipinas (muling inilimbag noong 1998 ng Unibersidad ng Pilipinas) ang tatlong lindol na naganap sa Filipinas: 1601, 1610, at 1645. Mahina umano ang naganap noong 1601 kung ihahambing sa naganap noong 1610 at 1645. Ayon sa ulat ni Aduarte, noong 1610, kinain ng lupa ang mga niyugan at tanging mga palapa ang naiwang nakalitaw sa guwang doon sa Ilokos. Sa Nueva Segovia (na ngayon ay Hilagang Ilokos), nagsalpukan ang mga bundok, bumuga ng apoy ang mga bagong guwang, at isinuka ng mga biyak na lupa ang sumisirit na buhangin. Gumuho rin ang mga dalisdis, at isang bayan  ng mga Mandayas ang nalibing nang buháy. Nagiba ang lahat ng gusali, at kabilang dito “ang mga simbahan, kumbento, at bahay.”

Noong 29 Nobyembre-5 Disyembre 1645, lumindol nang di-inaasahan sa Maynila. Yumanig ang mga bahay na bato bago humapay na tila hinipan ng hangin. Idinuyan wari ang matatangkad na punongkahoy, nagtilian ang mga hindik na tao, at umalulong ang mga takot na takot na aso habang balisa ang iba pang hayop. Animo’y akordiyon ang mga bahay at natabunan ang mga tao na nabigong makalikas. Sinubok sumilong ng iba sa mga simbahan at katedral, ngunit kahit iyon ay gumiba at hindi nailigtas ng pananampalataya ang mga deboto. Nawasak ang palasyo at gusali ng Real Audiencia sa Intramuros.  Gumuho rin ang mga kolehiyo ng Santo Tomas, San Jose at San Juan de Letran. Bumagsak ang kampanaryo ng Santiago, ngunit ang kampanerong nasa tuktok niyon ay mahimalang nakaligtas makaraang patunugin ang kampana.

Muling magaganap ang malagim na lindol noong 1863, at nawasak ang mga gusali sa loob ng Intramuros. Nakaligtas naman ang Pasig, at tanging kampanaryo ng simbahan ang nagkalamat nang malaki. Marami ang nasawi sa  naturang lindol, kaya nakalikom pa ang gobyernong kolonyal ng salaping mula sa ibang bansa. Napabalitang kinurakot ang may 80 libong piso mula sa donasyon, at kung kaninong bulsa iyon napunta ay naging palaisipan magpahangga ngayon.

Mahaba ang listahan ng lindol, at maibibilang dito ang pagyanig noong 1755 sa Lisbon na pumuksa sa 30 libong tao;  ang lindol sa Calabria at Sicily noong 1908 na lumipol sa tinatayang 150 libong tao; ang lindol sa Kansu, Tsina noong 1920 na pumuksa sa 200 libong tao; at ang pagyanig sa Tokyo at Yokohama na pumaslang sa 120 libong tao at nagdulot ng malawakang pinsala sa paligid.

Mabilis hanapan ng katumbas na pahiwatig ang mga ito mula sa pinaniniwalaang puwersang sobrenatural, gaya ng ginagawa ng ilang sekta o relihiyon. Ang mga naganap noon ay waring nauulit lamang sa panahong ito. Ngunit may magagawa pa rin tayo, at ang gobyerno at pribadong sektor, gaya ng mahabang paghahahanda, pagsasanay sa mga tao, at maagap na pagtugon sakali’t dumating ang sakunang hatid ng kalikasan. Samantala, hindi makatutulong ang pagpapakalat ng mga tsismis at mensahe sa selfon. Makabubuting maging mahinahon, at huwag magpadala ng mga text na magpapayaman lamang lalo sa malalaking korporasyon.