Tag-ulan, ni Roberto T. Añonuevo

Tag-ulan

Roberto T. Añonuevo

May ásilo sa aking dibdib, na ang mga silid ay wasák-
wasák, maalikabok, at ang mga bintana’y nakapinid.

Isang pusa ang lumakad tungo sa nakaawang na pinto.

Sinundan mo ang pusa, at ang pasilyo’y lumiit nang lumiit.
Sumigaw ka, pagdaka’y humabol sa akin ang mga salita.

Sumásaló ng bomba ang mga pader ng aking puso,
at may ipuípong namúmuô sa sahig ng usok at bukbok.

May liwanag na ibig lumagos sa mga butás na dingdíng,
parang sira-ulo na nagháhanáp ng katwiran at dilím.

Humawì ng mga basura at bigat ang dayo sa alaala.

Ikaw na tumatawag sa akin, ikaw na sumisilip sa puwang,
ang guniguning iiwan sa aking pusong sabík at naúutál.

Alimbúkad: Epic silent poetry facing the world. Photo by Alexandr Nikulin on Pexels.com

Pakpak ng Balita, ni Roberto T. Añonuevo

Pakpák ng Balità

Roberto T. Añonuevo

Nása dúlo ng lápis ang túlin ng liwánag, at nang habúlin itó ng talangkâ kung mag-isíp, nabuô maráhil ang sabwátan ng mga sényas sa Pétra, ang súbmarínong óptika ng nalúnod na Atlantis, ang umáasóng tsaá para sa éspiya ng émperadór, ang halimúyak ng alindóg at pagtátaksíl sa kórtesána, ang aritmétika ng mga diyamánteng puslít, at umáatíkabóng huntáhan ng mga pilîng kasapì ng kapatíran sa landás ng hablón at tulisán. Nása dúlo ng lápis ang liwánag ng bilís, na pósibleng winikà ng kung sínong ulól pára magkábagwís, sakâ pumáloób sa kaliwàng taingá at tumákas pagkáraán sa kánang taingá. Kalabisán kung ihambíng ang hakbáng ng pagóng sa lundág ng kángguro: magkáibá ang kani-kaniyáng sandalî at pag-íral, itúring man ito na lástikong kaganápan. Ang lápis, upód man o matúlis, ang panahón na iníwan mo at kisápmatáng binalikán, hábang umúulán ng mga táeng-bituín at natítigmák sa hamóg ang mga dáhon. Ngúnit ang panahón ay hindî magkákasunód na blóke ng tisà, o napakáhabàng taytáy o rilés, bagkús isáng tuyót na balón, ang éspasyong panahón, sinasálok ngúnit ikáw ang nilalámon, sinisílip ngúnit nagkakaít ng lángit.  Ang makúpad mag-ísip, gáya ng kaharáp mo, ay tíla iníwang lápis sa mésa—nagninílay na nagkúkunwâng tumútulâ, tumútulâ na nagkúkunwâng nagninílay, bágo saksakín ang dáting poón, o kalagín ang paláisipán sa pangínginíg ng kamáy.   

Alimbúkad: Epic raging poetry without warning. Photo by Mike on Pexels.com

Agaw-guniguni, ni Eugenio Montale

Salin ng “Quasi una fantasia,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Agaw-guniguni
  
 Sumisilang ang araw, at natunugan ko ito
 sa antigong pinilakang luningning
 sa mga dingding:
 tumitingkad sa sinag ang mga bintanang pinid.
 Bumabalik muli ang paglitaw ng araw
 nang walang kalat-kalat na tinig
 at matatandang ingay.
  
 Bakit? Naguguniguni ko ang mahiwagang araw
 upang salungatin ang laro ng mga oras
 ng pagkakapare-pareho. Ang lakas na naipon
 sa walang malay na mago nang napakatagal
 ay aapaw. Ngayon ko ipakikita ang sarili
 at sasakupin ang matataas na bahay, ang hungkag 
 na abenida.
  
 Tatanawin ko ang lupain ng lantay na niyebe
 ngunit walang halaga, na tila napapanood sa iskrin.
 Dadausdos ang makupad na sinag mula sa gabulak 
 na langit.
 Ang masisiglang kahuyan at buról na may liwanag
 na lingid sa paningin ay aawitin sa akin 
 ang kanilang malugod na muling pagbabalik.
  
 Masaya ko namang babasahin ang mga itim
 na pahiwatig ng mga sanga sa kaputian,
 tulad ng kinakailangang alpabeto.
 Lahat ng nakalipas ay matitipon
 sa isang bahagi sa harapan ko.
 Walang tunog ang makasisira
 sa aking nag-iisang kaligayahan.
 Papagaspas sa eyre 
 ang isa o dalawang labuyo,  
 o kaya’y pipiliin nitong dumapo sa poste. 
Alimbúkad: Recreating the world through poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com

Awit, ni António Botto

 Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Awit
  
 Umaalimbúkad ang lupain
 sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon.
  
 Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho
 ang pandama para umibig:
 ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala,
 ng isang ngumingiti habang kumakanta.
  
 Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol
 na naglalaro sa damuhan
 at sa mga kahuyan
 na hitik at mayamungmong,
 sariwa, mumunting supling ng dahon
 na nagpapatalbog ng liwanag,
 pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay.
 Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik
 na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan.
  
 Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog,
 at may banayad na dibinong
 himig na lumulukob nang walang tinag
 sa mukha ng mga bagay.
  
 Nagbabago ang mga mundo—
 at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao.
  
 Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap,
 at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi. 
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Pixabay on Pexels.com

Ayaw ng Gulo, ni Luis Chaves

Salin ng “En son de paz,” ni Luis Chaves ng Costa Rica  /  Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ayaw ng Gulo

Nakaaakit ang magandang araw upang plantsahin ang aking maong na pantalon. Nakaaakit ang isang magandang araw upang putulin hanggang tuhod ang pantalon. “Galit sa atin ang mga impresór,” sabi ni Isabella.  “Isabella,” tugon ko, “anong gandang aporismo o anuman. Masama ang naiisip ko sa mga tao na naglulustay ng oras sa písina nang hindi man lang natitigmak ang mga ulo. Gaya mo. Gaya ko.”

Pinagbukod tayo ng liwanag at ng tunog ng paghinga sa ilalim ng tubig. O sa ilalim ng puso. O sa mga impresór. Ay, ang salitang hinahanap-hanap ko kanina’y “apotegma.”

Ayaw ko ng gulo, pagdaka’y nagbago ang isip.

Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Dalawang hiwaga, ni Maribel Mora Curriao

Salin ng “Paisaje” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawin

Tuwing gabi
ang parehong punò
ay naghihintay sa landas
ng parehong kawan ng mga pipit.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Patrick Hendry @ unsplash.com

Salin ng “Tuwin Malen,” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tuwin Malen*

Bumaba ako mula sa madaling-araw,
ako ang instinto at deliryo,
ang silakbo ng mga panaginip
na naglaho sa pagkabagay,
ang nahihimbing na katahimikan
sa dagat ng pagsisimula,
ang liwanag ng gabing
lumulunod sa iyong dugo.

Halika, tawirin
ang mga siglo ng liwanag,
ilapit sa akin ang tamis ng iyong dila,
ang mga talutot at apoy na sumisiklab,
ang mga mariposang tumatakas sa ulop
at alingawngaw,
ang karimlan ng kagubatang
naghihintay sa nagbubunyag na talà.

Lumapit
ngunit huwag maging lapastangan
umiwas kahit bumulong
mahihipo mo ang kailaliman sa loob ko,
at naroon sa pusod ang mga pangamba ko.
Bawat panganorin ay nagtataglay ng liwayway.
Bawat hiwaga ay mga ugat ng pinagmulan.

Ako ang hangin at bato
ang malamig, puting álong umaagnas sa katiyakan,
ang halimuyak ng pulut at mansanas,
ang namumukadkad at malusog na langit ng buwan
at ang kalat-kalat na mga bituin
sa lupain ng mga pangarap.

Halika, masdan ang karimlan
sa aking mga mata
at marahang lagukin
ang hiwaga sa aking buhok,
ang hubad na dunong ng aking labì,
titigan ang hubog ng aking katawan
ngunit huwag hawiin ang lambong
ng aking pag-iisa nang walang alaala.

________
*Ayon sa katutubong Mapuche ng Chile, ang Tuwin Malen ay maalamat na diwata na naninirahan sa mga lawa at nang-aakit sa mga lalaki na pagkaraan ay tatangayin nang bigla upang mamuhay sa nasasakupan nito.

Alimbúkad: Imagining poetry across borders. Photo by Roberto Nickson @ unsplash.com

Gaya ng Liwanag, ni Jaime Saenz

Salin ng “Como una luz,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Gaya ng Liwanag

Sa oras ng paghihingalo ng bituin,
tititigan ko ang langit na kumukutitap sa piling mo.
Tahimik at gaya ng liwanag
ang hinihimlayan ng linaw ng paglimot
sa aking landas.
Ibinabalik ako ng hininga mo sa tiyaga at lungkot ng lupa.
Huwag nang pahirapin ang sarili sa pagtatakipsilim—
Hayaang makita ko sa kabilang panig mo
kung ano pa ang natitirang mamamatay para sa akin.

Sa bayan ng patay, ni Habib Tengour

Salin ng “Au pays des morts (extraits),” ni Habib Tengour ng Algeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa bayan ng patay (mga hango)

Tiresias: Bakit, o sawimpalad, iiwan ang liwanag, at lilisan upang makita
ang patay sa malupit na pook na ito?

Mga Anino 1

Lahat ng patay na ito

sino sa atin ang uusisa sa kanila

kailangan ba ng masaker
at mga luha
nang makita ang daan sa kailalimang babakasin para sa atin

maliban kung ang habagat na pumupunit sa atin
ang magpapalusaw sa ating bait

sa yugtong wala tayong pakialaman hinggil sa pagtatagpo

Mga Anino 2

Lahat ng patay na ito
aling pangalan ang tatawagin papasok sa bilog

nakaunat ang mga kamay sa dasal ng paghihiwalay
gayong nagbabantulot

hindi na tayo humahagulgol gaya ng nakagawian

kayraming tao ang namamatay bawat araw
kaya tumatanggi
ang ating mga puso na magdalamhati

ito ba ang pagbabanyuhay

Mga Anino 3

Lahat ng patay na ito
na hindi natin nakikita
kapalaran ba nila ang mamatay

mga babae bata kabataan matanda at sundalo
marami ang tulad ng kawawang Alpénor
na nabigong mapanatili ang balanse

mga peryodiko’y binibigyan minsan sila ng pitak
sa kabila ng sensura

sinasabing marami sila kaya nililimot natin

Mga Anino 10

Lahat ng patay na ito
na marahang tumatakas sa kanilang buhay
ano ang inihandog natin sa kanila sa panahong ito
nahuhubad ang mga salita upang isilang na tula
mga salitang pinigil ng panghihinayang o ibinitin
ng sindak sa harap ng ating paningin
noong unang panahon pa man gaya sa kawikaan
ang mga salitang ginagamit ay lumalabo sa atin
tatanungin minsan natin ang sarili hinggil sa pagdiriwang
ang ningning nito’y bigong sinagan ang kakatwang mithi sa gunita

Paghahanap sa Panulaan, ni Carlos Drummond de Andrade

Salin ng “Procura da poesia,” ni Carlos Drummond de Andrade                  ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paghahanap sa Panulaan

Huwag sumulat ng tula hinggil sa mga pangyayari.
Walang isinisilang o namamatay sa harap ng panulaan.
Sa tabi nito, ang búhay ay estatikong araw
na salát sa init o liwanag.
Hindi mahalaga ang pagkakaibigan, kaarawan, insidente.
Huwag sumulat ng tula na may katawan,
ang lawas na ekselente, kompleto, at komportable’y
sumasalungat sa pagbuhos na liriko.
Ang iyong ngitngit, ang iyong ngiwî ng kaluguran o kirot
sa dilim ay walang saysay.
Itago ang iyong mga sentimyento,
na pasikot-sikot at nagsasamantala ng kalabuan.
Anumang iniisip o nadarama mo ay hindi pa tula.

Huwag umawit ukol sa lungsod mo; hayaan itong mag-isa.
Ang awit ay hindi andar ng makina o ang lihim ng mga bahay.
Hindi ito musikang nagdaraan, o ingay ng dagat sa mga kalye
na umiiwas sa hanggahan ng bulâ.
Ang awit ay hindi kalikasan
o mga tao sa kapisanan.
Walang saysay sa tula ang ulan at gabi, ang pagod at pag-asa.
Ang panulaan (na mabibigong mahugot sa mga bagay)
ay lumalampas sa subheto at obheto.

Huwag maging dramatiko, huwag manambitan,
huwag magtanong, huwag maglustay ng oras sa pagsisinungaling.
Huwag mainis.
Ang yate mong garing, ang diyamante mong sapatos,
ang mga mazurka mo’t panlalait, ang mga kalansay ng pamilya
ay walang saysay lahat, at naglalaho sa kurbada ng panahon.

Huwag isalaysay
ang malungkot mo’t inilibing na panahon ng kabataan.
Huwag mangatal sa pagitan ng salamin
at naglalahong alaala.
Anumang kumupas ay hindi tula.
Anumang mabasag ay hindi kristal.

Pumasok sa kaharian ng mga salita na waring bingi ka.
Naroroon ang mga tula na ibig na maisulat.
Natutulog ang mga ito ngunit huwag masiraan ng loob,
sariwa at panatag ang mga rabaw nitong wala ni biyak.
Pipi at nag-iisa, hawig yaon sa estado ng diksiyonaryo.

Mamuhay sa piling ng mga tula bago sulatin iyon.
Kung malabo, magtiyaga. Kung nakasasakít, kumalma.
Maghintay hangga’t maging ganap ang bawat isa
at magwasak nang may kapangyarihan ng mga salita
at nang may kapangyarihan ng pananahimik.
Huwag pilitin ang mga tula na lumayo sa limbo.
Huwag pulutin ang mga tula mula sa sahig.
Huwag purihin ang mga tula. Tanggapin ang mga ito
gaya sa pangwakas at tiyak nitong anyong
siksik na siksik sa espasyo.

Lumapit at pagnilayan ang mga salita.
Sa bawat mukha
na may libong lihim na mukha ng iba pang mukha,
at ni walang pakialam anuman ang iyong maging tugon,
mahina man o malakas, ang bawat isa’y nagtatanong:
Dala mo ba ang susi?

Pansinin:
Nagkakanlong sa magdamag,
sa mga yungib ng melodiya at diwain, ang mga salita.
Mamasâ-masâ pa’t kagampan sa pagtulog, ito’y
umaagos sa masalimuot na ilog at nababago sa paghamak.