Tula at Komentaryong Panlipunan ni Anastasio Salagubang

Sumikat ang talipanpan [pen name] na “Anastasio Salagubang” sa pitak na Buhay Maynila ng diyaryong Taliba noong mga taon 1927-1928 dahil sa pambihirang komentaryo nito sa lipunan. Araw-araw, binubulabog ng nasabing kolumnista ang bayan at pinupuna sa pamamagitan ng masisisteng tula ang baluktot na pamamahala ng awtoridad, itinutuwid ang magagaspang na asal o sinaunang kaugalian ng mga mamamayan, ipinagtatanggol ang mga api, at ibinubunyag ang masasamang loob. Dahil dito’y dinudulugan ng mga tagasubaybay si Anastasio Salagubang, hinihingan ng payo na para bang si Dr. Love o Dr. Margie Holmes ng modernong panahon,  at siyang pagsusumundan ng gaya nina Mon Tulfo at Mike Enriquez sa patumbalik na pamamaraan, bagaman ang dalawang komentarista ay walang maipagmamalaki sa panitikan.

Si Anastasio Salagubang ay makikilala pagkaraan sa katauhan ni José Corazón de Jesús, na kilala rin sa taguring “Huseng Batute,” ang makisig na makatang may tinig ni Frank Sinatra at titig ni Dingdong Dantes, habang taglay ang tikas o tigas ng pangangatawan ni Manny Pacquiao. Si De Jesus ang tanyag na mambabalagtas noong mga taon 1924-1932, at ang orihinal na makatang tsikboy ng Filipinas, at mahigpit na katunggali ni Florentino T. Collantes na may boses na tumataginting at hindi malalayo sa kabataang John Lennon kung  hindi man Harry Potter.

Isa sa mga katangian ni Anastasio Salagubang ang pagtataglay ng mabisang pagpapatawa, at ang kaniyang mga banat ay nag-iiwi ng kabihasaan sa wikang Tagalog, Espanyol, at Ingles upang laruin at paglaruan ang kaniyang pinapaksa. Maihahalimbawa ang “Biba Panyaaaaaaaa!” na nalathala sa Taliba noong 25 Hulyo 1927:

Biba Panyaaaaaaaaaa!

Ngayon ay araw ng mga Kastila:
Biba Panya!

Agora el piesta de San Tiago Galis,
el mana sebolyas ya pistang alegres,
. . . . . . banderas de sabit
. . . . . . kolgao na kamatis
el mana kastila ta pirot pigotes
biba Panyaaa, biba, el mana Kihotes.

El niña de Sulot ya biste de borlas
manton de Manila de gualda bulaklak
. . . . . . pula’t dilaw lahat
. . . . . . hasta na sebolyas
un poco de asiete un poko lechugas
biba Panyaaa, biba Pelipenas.

El mana torero na kalye Surbaran,
ya luci montilya ta embisti carabaw,
. . . . . . at kabayo mamaw
. . . . . . Lopez Nieto sakay
que kon un kornaso bariles ilandang
torero baliento nabali ang tadyang.

Mana pandereta y los castañuelas,
repiki kampana sabog ang patatas
. . . . . . kastila nang lahat
. . . . . . este Pelipenas
ya muri de negro el mejilla y balbas,
ya llama español negro pa el balát.

Biba, Panyaaa, biba, oh madre imortal
kunin mo po rito ang ilang animal. . .
. . . . . . pag ito’y nagtagal
. . . . . . no puedo soportar,
mas kastila pa po “papa” kung tawagan
pero mas maitim sa isang kalabaw.

Isang taktika na ginagamit ni Anastasio Salagubang ang pagkasangkasapan sa epigrape, at mula rito ay mabubuksan ang usapin na maaaring salungatin, purihin, o asarin niya para sa kagalakan at kabatiran ng mga mambabasa. Ang maikling siping epigrape ay karaniwang mula sa mga pahayagan kung hindi man sa balita na lumalaganap noon sa radyo at nasasagap ng mga komentarista.

Sa tulang “Biba, Panyaaaaaaaaaa,” prominente ang pagtatanghal ng tinig, at mauunawaan lamang ang tinig kung iisipin kung anong tauhan ang umiiral. Ang tinig ay magiging makapangyarihan dahil nakatutulong ito sa pagsasaharaya ng katauhan ng personang lumpeng intelektuwal, at handang magkomentaryo sa lipunan. Ang tauhan sa loob ng tula ay mahihinuhang may alam sa Espanyol, sabihin nang nagdudunong-dunungan ngunit nang-uulol, at ang kolonyal na mentalidad ay nilalaro sa pagkasangkapan mismo sa Kastag (Kinastilang Tagalog) na sa panahon ngayon ay katumbas ng Taglish (Tagalog English).

Nilalaro rin sa tula kahit ang sigaw na “¡Viva, España, Viva!” ngunit hinihimok ang Inang Sukaban [madre imortal], ayon sa termino ng Katipunan, na kunin ang ilang animal na maipagpapalagay na makapangyarihang opisyales ng Filipinas at alta-sosyedad na pawang utak-kolonyal na ibig maging puti bagaman ang tunay na kulay ay itim na itim.

Ang higit na mahalaga sa tula ay kung paano ginawang kakatwa ng persona ang paglalarawan sa kaniyang paligid: ang pista ng San Tiago Galis (na mahihinuhang hinugot ang alusyon sa tauhang Kapitan Tiyago ng  Noli me tangere ni Jose Rizal, o kaya’y tumutukoy sa Santiago, Chile na pinakamalaking lungsod sa Chile). Ang naturang pagdiriwang ay karnabal ng mga kakatwang imahen, mulang banderas at pasabit hanggang prusisyon ng mga kabayo at kalabaw hanggang pagpapatunog ng pandereta [tamborin], kastanuwela [kastanet], at kampana. Sa wakas, ang tunay na Espanyol ay may kayumangging balát, at kung umasta’y higit pa sa tunay na banyagang mananakop.

Mababatid na ang mala-karnabal na presentasyon ni Anastasio Salagubang ay pagyanig sa poder ng kapangyarihang Espanyol, saka iniinis ito para mapawi ang taglay na tiwala ng madla. Sa gayong paraan, mapaglalaho ang kontrol ng kolonyal na awtoridad sa publikong Filipino upang mapanumbalik ang mataas na pagpapahalaga sa pagka-Filipino. Samantala, ang wikang Kastag na dating sinisipat na mababang uri ng wika—gaya lamang ng jejemon at bekimon—ay napaghunos na midyum ng himagsikan upang uyamin ang mga tao na may baluktot na halagahan hinggil sa kanilang lahi.

Konsistent si Anastasio Salagubang sa paninindigang kontra-imperyalista, at mababatid ito sa isa pang halimbawang tulang pinamagatang “Ang Sasabitan ng ating Bandera” na lumabas sa Taliba noong 30 Hulyo 1927.

Ang Sasabitan ng ating Bandera

“Ako’y naiinis, kung makita kong magkapiling ang bandilang amerikano at pilipino. Dapat hulihin ng mga sundalo at ipagbawal sa mga paaralang nayon, ang ginagawang pagsisiping ng bandilang amerikano at pilipino.”
—Senador Bingham

Altura: 6 piyes, 4 pulgada
Poso: 198 libras
Edad: 58 anyos

Mahal na Senador na kagalang-galang,
kung ang salitaan nati’y pataasan,
kung itong medida ay sa patangkaran,
. . . . . . puede ka pong tagdan
. . . . . . sais talampatakan,
isasasabit namin sa tenga mong mahal,
ang aming bandilang karangal-rangalan,
at ikaw ang siyang puno ng kawayan.

Kung ang taas naman nitong isip natin,
ang pagtatangkaan na iyong sukatin,
ma malaking kahoy, nguni’t walang lilim,
. . . . . . dapat mong basahin
. . . . . . iyang good manner,
maliit mang bayan, ang amin ay amin,
at imbesilidad na iyong nasain,
ang di ninyo lupa’y piliting sakupin.

At naiinis ka tuwing makikita
dalawang bandera ay nagkakasama
ang sa pilipino’t sa amerikana?
. . . . . . alisin ang isa
. . . . . . isa ang itira. . .
Lupang hindi iyo’y huwag kang manguha,
tanggalin sa amin ang p’ranha’t estrelya,
bayaang ang aming bandila’y mag-isa.

Ang bandila namin kahi’t na nga ganyan,
iyan ay dakila, iyan ay marangal,
dito kailan man ay hindi sumilang,
. . . . . . iyang mangangamkam,
. . . . . . iyang salanggapang,
at kung mayro’n dapat alisi’t ilagay,
ilagay sa amin ang sa aming bayan,
at alisin dito ang mga militar.

Tahas na pinupuna at sinasalungat ng tulang ito kung bakit tutol si Sen. Hiram Bingham na pagsipingin ang bandilang Filipino at Amerikano. Tinututulan ng tula ang pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas, at ipinagmamalaking may madugong kasaysayan ang pagkakabuo ng bandilang Filipinas. Ang pagbanat sa Amerikano ay kaagapay ng paggigiit ng kasarinlan, at ang sukdulan ay pagpapatalsik sa mga sundalong militar na Amerikano.

Ang maganda sa tula’y maging ang anyo ng saknong ay waring anyo ng magkatabing bandila na ang unang tatlong taludtod na lalabingdalawahing pantig ay ibinukod ng dalawang taludtod na tig-aaniming pantig, at siyang sinundan naman ng tatlong taludtod na lalabingdalawahin ang panting. Isahan lamang ang tugma, ngunit naiiba ang indayog dahil sa pag-iiba ng bilang ng mga taludtod.

Walang sinasanto si Anastasio Salagubang na kahit ang mga Tsino ay pinupuwing dahil sa pamamaraan nito ng rebolusyon, na tumatakbo sa bundok tuwing may putukan, at kung may pusong mamon ang pinatutungkulan ay baka ipagkamaling duwag nga ang mga taal na Tsino [Huwakyaw] sa Filipinas. Ngunit ang totoo’y inihahayag lamang niya ang taktikang gerilyang digmaan, at ang pag-urong nito sa labanan ang nakatutulong sa pananagumpay. Pansinin ang tulang “Ang Komperensia [Kumperensiya] ni Quezon” na nalathala sa Taliba noong 12 Agosto 1927.

Si Quezon ay gagawa ng panayam bukas ng ukol sa pagkakasulong ng mga intsik, at ang mga intsik dito sa Maynila ay nagkakagulo sa pagnanasang marinig si Quezon.

Ako palon Sanghay, akyen bago damit,
ako alam nayon sabi ngawa intsik,
akyen kita doon intsik nagagalit
sa pareho insiak nguni anak ahit.

Akyen kita loon laban araw-araw,
putukan ng bomba wala namamatay. . .
Pa’no intsik sungsong sila tapang-tapang,
isang putok takbo, tago sa kalaban.

Intsiak isang daang taong nagigiela,
wala lin paktelo, wala lin lisgrasya,
matapang ang instsiak, sa putok sa bomba
takbo na sa bundok tago pa. . . wapea. . .

Intsiak na batalya giera sa bunganga,
away intsik beho malami salita. . .
Pundia sa bahay, patago sa lungga
putukan-putukan wala isa tama.

Akyen napupuli instsik rebolusiong
parang pansit longlog may mike at  may bihon,
isang putol lamang takbuhan sa Sungsong,
wala napapatay, sampu libo taon.

Manuel Ele Kezzon
Anak lin sa Sungsong

Hindi ko alam kung matutuwa nito si Pang. Manuel L. Quezon, dahil ang persona sa tula ay ginagagad ang kaniyang pananalumpati at pagsasalita na parang Sanglay [Tsino]. Si Kezzon ay nagagalit umano sa Intsik na nagagalit sa kapuwa Intsik, lalo umano sa pagnenegosyo. Ngunit ang matindi rito’y matagal nang nakikihamok ang mga Intsik at maraming digmaan, at para magtagumpay ay pinipiling tumakbo sa bundok at lumitaw pagkaraan kapag wala nang sigalot. Ang pagpuri kung gayon sa rebolusyong Tsino ay pabalintuwad, at mahihinuha rito na inuuna ng mga lahing Tsino ang sarili kaysa pambansang kapakanan ng mga Filipino. Higit na lalawak ang pagbasa kapag isasaalang-alang ang pahiwatig ng “sungsong.” Sinaunang Tagalog ang “sungsong” na nangangahulugang “hilaga ng bugso ng habagat,” at kaya itinutumbas ito sa paraan ng paglalayag nang pasalungat sa hangin o alon. Kung si Kezzon ay anak ng Sungsong, mahihinuhang sinasalungat din niya ang mga Intsik kahit sabihin pang may dugo siyang Intsik.

Isang paraan pa lamang ito ng pagsipat, at maaaring matingnan sa iba pang anggulo ang pamumuna ni Anastasio Salagubang. Halimbawa, mauurirat ang kumbensiyong naitakda ng limitadong espasyo ng kaniyang kolum sa balita; ang lohika ng paglalahad at argumentasyon; ang eksperimentasyon sa pananaludtod at paglalaro ng salita; ang lawak ng bokabularyo at pintungan ng mga dalumat; ang mga paksang tinatalakay mulang politika hanggang kultura hanggang isports at aliwan; at ang pagpapatawang nakakikiliti sa guniguni ng taumbayan. Ang ganitong pag-aaral ay sapat nang disertasyong doktorado, at hinuhulaan kong malaki ang magiging ambag para lalong maunawaan ang pambihirang panulaang Tagalog noong nakaraang siglo.

Advertisements

Editoryal at ang Hamon sa Filipino

Kumikitid ang puwang ng paggamit ng Filipino sa mga pahayagan, at ang mga pahayagang ito—na tinaguriang tabloyd—ang ilan sa mga natitirang moog ng wikang Filipino. Ang malalaking pahayagang ginagastusan nang malaki, gaya ng Business World, Daily Tribune, Manila Bulletin, Manila Standard Today, Philippine Daily Inquirer, at Philippine Star, ay pawang nasusulat sa Ingles. Kabilang sa mga abanseng pahayagan sa internet ang Newsbreak Online at ang radikal na Bulatlat.com, na pawang walang makakapares sa wikang Filipino. Kahit ang mga lalawiganing pahayagan, gaya ng Mindanao Times, Sun Star Daily, The Ilocos Times, at The Negros Chronicle, ay nasa Ingles imbes na nasa wikang lalawiganin.

Ang tradisyonal na pamamahayag ay nasa mga tabloyd sa Filipino, at kabilang dito ang Abante, Abante Tonite, Bagong Tiktik, Balita, Bulgar, People’s Taliba, Pilipino Star Ngayon, PM Pang-Masa, Remate, Saksi Ngayon, at Tanod. People’s Journal at Tempo ang tanging sumalungat, at gumagamit ng Ingles. Kung pagsasama-samahin ang naturang tabloyd ay maluluma ang sirkulasyon ng mga pahayagan sa Ingles, at magagapi lamang dahil wala pang katumbas ang mga ito sa pahayagang online.

Bagaman napakalaki ng oportunidad na lampasan ng mga pahayagang Filipino ang mga pahayagang Ingles—sa bilang man ng mambabasa at impluwensiya sa opinyon ng madla—ang mga pahayagang Filipino ay nahuhuli kompara sa pahayagang Ingles kung prestihiyo, pondo, sining, at sinop ang pag-uusapan. Iginagalang ang mga komentarista sa Ingles, kahit sablay kung minsan ang kanilang gramatika at lohika, samantalang ang mga komentarista sa Filipino ay malimit pukulin ng punang “bumabanat ngunit tumatanggap [ng suhol].” Halos tipirin ng mga pabliser ang mga pahayagan sa Filipino, at bantulot ang malalaking anunsiyante na magpalathala ng kanilang produkto maliban na lamang kung “nakakiling sa masa” o anibersaryo ng kumpanya o hiniling ng politiko. Walang malinaw na estilo ng pagsulat at pagbaybay sa Filipino ang mga pahayagan sa Filipino; at ito ay may kaugnayan sa kakulangan ng gabay at ehemplo na magagamit ng mga peryodista. Pinakamasaklap ang pangyayaring ang Filipino ay nababalaho sa dating paniniwalang hanggang balbal lamang ito, at ang wika ay dapat hanggang sa kayang arukin ng masa.

Nakapanghihinayang ang pagkawala ng Diyaryo Filipino noong dekada 1990, ang panahong lumalakas ang benta at sumisikat ang pahayagan sa pagsusulong ng bagong uri ng pamamahayag. Nagwelga ang mga manggagagawa sa kapatid nitong publikasyong Daily Globe, at nasabit ang Diyaryo Filipino sa welga. Nagpasiya ang may-ari na isara ang kompanya at doon nagwakas ang naturang pahayagan. Kahit ang bagong silang na Abante, na tinustusan noon ni Virgilio S. Almario, ay isang maipagmamalaking tabloyd dahil naiiba sa kaniyang kapanahon; ngunit ibebenta ni Almario ang Abante sa mga Macasaet nang malugi hanggang mangaglaho ang matitinong manunulat sa Filipino at magpasiyang lumipat sa akademya at iba pang uri ng trabaho. Ang kakatwa’y biglang sumirit ang kasikatan ng Abante pagkaraan niyon.

Kung babalikan ang kasaysayan, ang mahuhusay na peryodista ay nangagsulat noon sa tinatawag na Tagalog, at ang Tagalog na ito ang magiging batayan ng wikang pambansang Filipino. Ang mga editor at kolumnista ay pawang mga kuwentista, makata, mandudula, nobelista, tagasalin, at sanaysayista, gaya nina Alejandro G. Abadilla, Servando de los Angeles, Liwayway A. Arceo, Julian Cruz Balmaseda, Brigido C. Batungbakal, Florentino T. Collantes, Clodualdo del Mundo, Amado V. Hernandez, Valeriano Hernandez Peña, Jose Corazon de Jesus, Macario Pineda, Pascual Poblete, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, at Lope K. Santos na pawang umukit ng pangalan sa piniling larang. Ang mga manunulat ay binibigkis ng mga aktibong samahan ng mga manunulat, at bagaman nagsisimula pa lamang noon ang pagbubuo ng estandardisasyon ng wika, at pagsisinop ng retorika at pamamahayag, nakalikha ng malawak na halimbawa ang Tagalog na pagsusumundan ng iba pang wika sa Filipinas.

Habang paunti nang paunti ang mga pahayagan at magasin sa Tagalog ay unti-unti ring nalagas ang hanay ng mga manunulat, bagaman maitatangi ang gaya ng Balita at Liwayway na itinaguyod ng publikasyong Manila Bulletin. Samantala’y lumakas ang mga pahayagan sa Ingles, ngunit dapat pang saliksikin kung gaano ang mga ito naging matagumpay sa paghubog ng isip at loob ng taumbayan. Nakapagtatakang lumago ang sari-saring tabloyd, at ang alternatibong pahayagang ito ang lumikha ng ingay noong Aklasang Bayan sa EDSA, at sa mga panahong masilakbo ang kudeta, bagyo, lindol, bulkan, terorismo, at iba pang mabibigat na pangyayari sa lipunan. Sa kasamaang-palad, dumami rin ang mga kolumnista na higit na masasabing propagandista kaysa peryodista sa sukdulang pakahulugan.

Sa kasalukuyan, masasabing kulang na kulang ang matitinik na peryodista at editor sa wikang Filipino habang nababansot sa kahon ang mga peryodiko sa Filipino. Ang mga manunulat ay nangagsilipat sa cyberspace, bumuo ng mga blog at websayt, at pinagyaman ang Filipino sa iba’t ibang paraan at larang.

Edit  sa Editoryal

Masyadong mapanlahat, at marahas, kung sasabihing patakbuhin ang mga tabloyd sa Filipino. Ang mga tabloyd sa Filipino ay kailangang sumunod sa de-kahong sukat ng lathalain, dahil ito ang nakagisnan at kalakarang “kinakagat ng masa.” Nakatuon ang wika sa magkahalong pormal at balbal na pagsasakataga ng mga balita o opinyon. Maiikli ang mga pangungusap at talata, at kung minsan ay kumbensiyonal kahit ang paglalarawan o pag-uulat sa tao, lugar, at pangyayari. Depende sa manunulat ay matutunghayan ang sari-saring pagdulog sa isang isyu o propaganda. Tabloyd ang tagapagtala ng mga kabaguhan sa wikang Filipino, at maibibilang ito sa mga blog at websayt na masiglang nagpapakapal ng bokabularyo ng mga Filipino. Ang ambag ng tabloyd sa pagpapalago ng wikang pambansa ay minsang naibulalas sa editoryal ng Pilipino Star:

Sa aming panig, malaki ang aming kontribusyon sa pagpapalawak ng wikang pambansa sapagkat araw-araw kaming binabasa ng milyong Pilipino [sic]. Mayroong nagmamaliit sapagkat kami raw ay tabloid lamang pero tingnan ang aming kontribusyon sa pagpapalaganap ng Wikang Pambansa.[1]

Hindi nga matatawaran ang ambag ng mga pahayagan sa wikang pambansa. Ngunit ang wika ay hindi lamang pagdaragdag ng salita sa korpus ng Filipino. Ito ay kaagapay ng paglilinang ng retorika o masining na pagpapahayag, ng pagtataguyod ng malinaw na lohika, diskurso, at imahinasyon, samantalang pinatatatag ang akda batay sa solidong datos at saliksik. Ang paglilinang ng wika ay paglilinaw din ng mga konsepto at diwain hinggil sa isang tiyak na paksa, at pagbubuo ng tulay mulang akda tungong mambabasa. Kung nakapagpapayaman ng bokabularyo ng Filipino ang mga tabloyd, nakapagpapakalat din ang mga ito ng mga maituturing na sablay sa paggamit ng wika, gramatika, at palaugnayan na pawang mahirap maiwasan sa mabilisang trabaho at mahigpit na dedlayn. Kaya mabuting titigan kahit ang editoryal na gaya nito:

Silipin ang mga butas at solusyunan

(1) Malaking halaga ang P12 bilyong calamity fund na naaprubahan sa Kamara para sa rehabilitasyon ng mga nawasak sa nagdaang bagyong Ondoy at Pepeng.

(2) Malaking tulong din ito upang muling makabangon ang bansa sa pagkasalanta.

(3) Maganda ang layuning itindig muli ang nadurog na lugar sa bansa, at makabalikwas ang ating mga kababayan, pero kung lugmok ang bansa sa pagkasalanta, noon pa man ay bagsak na tayo at lubog sa utang, kaya ang tanong ng bayan ay saan kukunin ang P12 bilyong calamity fund na pahahawakan sa National Disaster Coordinating Council? Babawasan ang mga pondo ng ilang departamento gayung kulang na nga ito at nauubos na nga ng malilikot na kamay na mga opisyal?

(4) Gagawa na naman kaya ng panibagong batas upang pagkunan ng P12 bilyong calamity fund? Bundat na bundat na tayo sa mga buwis. Mula sa kaliit-liitang bagay na binibili natin, may buwis. Tapos gagawa na naman?

(5) ‘Wag naman sana.

(6) Pero ito ang pinakamatindi. Kapag nabigong makagawa, baka utangin na naman ang calamity fund. Panibagong foreign debt ito kapag nagkataon.

(7) Plano rin ng gobyerno na humanap ng international donors at umipon ng hanggang $1 bilyon. Kung manliligaw ang gobyerno sa mayayamang bansa para pondohan ang rehabilitasyon natin, may magtiwala naman kaya kahit hindi maganda ang record ng administrasyon sa korapsyon? May sumugal man, wala naman kayang kapalit itong hingin sa hinaharap?

(8) Kaya problema na nga kung saan huhugutin, mas malaking problema pa na baka kung saan lang ito gastusin. Baka sa halip na ang mga kababayan nating biktima ng bagyo ang makinabang ay sa bulsa lang ng ilan o sa eleksyon ito mapunta.

(9) Sa aming pananaw, dito dapat kumilos nang matindi ang Senado at busisiin bago ipasa ang panukala. Siliping mabuti at hanapin ang mga butas at agad na solusyunan bago pa mahuli ang lahat.

(9) Masaklap naman kasing isipin na imbes na sa pakay nito mapunta ang salapi ay sa mga bulsa ng mga opisyal ito maisilid. At mabaon ang pobreng mga kababayan natin sa lalo pang mas malaking problema.[2]

Binubuo ng 336 salita ang buong editoryal, kasama na ang pamagat. Upang masuri ito nang maigi ay nilapatan ng bilang ang bawat talata. Mabuting isaalang-alang ang pamagat, at alamin kung ano ang “mga butas na dapat solusyunan.” Ang mga butas na tinutukoy ay hinggil sa panukalang batas hinggil sa badyet para tustusan ang rehabilitasyong kaugnay ng malawakang sakunang sanhi ng mga bagyong Ondoy at Pepeng. Malaki umano ang badyet, at may agam-agam ang editoryal kung saan huhugutin ang pondo, gaya ng panibagong buwis mula sa mga tao. Ngunit hindi rito nagtatapos ang pagdadalawang-loob. Kung problema ang pagkukunan ng pondo, problema umano kung saan ito gagastusin. May pasaring pa ang editoryal na baka umano gamitin lamang sa halalan ang salapi. Nagkaroon ng ganitong hinuha ang editoryal dahil walang binanggit hinggil sa ilang puntos ng panukalang batas, at natural na ang konklusyon ay mananatiling malabo.

Kung binusisi ng editoryal ang badyet, marahil ay mababanggit kung ano ang mga kahinaan sa paglalaan ng salapi at kung gaano kahusay ang distribusyon ng pondo sa mga pamahalaang lokal na sinalanta ng bagyo. Nakabuti sana kung naipaliwanag kahit sa munting paraan kung paano binubuo ang badyet, ang mahabang proseso ng pagpapanukala sa antas ng ahensiya hanggang pagdinig sa magkasanib na lupon ng mababa at mataas na kapulungan hanggang paglagda ng punong ehekutibo. Ngunit nagmungkahi agad ang editoryal hinggil sa dapat maging trabaho ng senado na mali sa punto ng pagbubuo ng badyet. Ang senado at ang mababang kapulungan ang sumusuyod sa panukalang badyet ng bawat ahensiya, at ang magkasanib nitong pagdinig ang bubuo ng ulat na ihahain naman sa pangulo para lagdaan at maging ganap na batas, o kaya’y ipawalang-bisa sa ilang pagkakataon. Ang konklusyon ng editoryal ay malinaw na nabigong suhayan ng mga pangangatwiran, at ito ang nagparupok sa balangkas ng akda.

Paikot-ikot ang lohika ng editoryal, at mapapansin ito sa talata 3 na ang pagkakabuo ng mga pangungusap ay tila isinulat ng lasing. Mabibiyak sa apat na pangungusap ang pangungusap 1 sa talata 3, upang mapalinaw ang transisyon. Ibig lamang sabihin ng pahayag ay “Maganda ang layunin ng rehabilitasyon, ngunit malabo kung saan huhugutin ang P12 bilyong badyet.”

May kahawig na editoryal ang lumabas sa Abante Tonite, pinamagatang “Magbantay”[3] na nalathala pagkaraan ng dalawang araw. Binanggit ang ginawang pagpapatibay ng calamity fund ng LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council). Nagkakahalaga ng 12 bilyong piso ang pondo para lutasin ang pinsalang dulot ng mga pagbagyo. Ang pangamba na malustay ang pondo sa ibang paraan ang punto ng editoryal, at ito ang dapat umanong subaybayan ng kapuwa pribado at publikong sektor. Nakalusot ang ilang mali sa editoryal, gaya ng pagpili ng tumpak o angkop na salita[4]. Ngunit higit pa rito, ang pangamba sa korupsiyon ay nagiging makatotohanan bagaman hindi pa nagaganap ang pamamahagi ng pondo. Mahihinuha rito na hindi mapagkakatiwalaan ang pamahalaan, at ang agam-agam ay nagiging makapangyarihang meme na bagaman walang matibay na batayan ay waring realidad na sa lipunan.

Kung babalikan ang editoryal ng Abante noong 13 Oktubre 2009, nanawagan na ang pahayagan na bantayan ang pondo para sa rehabilitasyon. Sa Department of Public Works and Highways (DPWH) pa lamang, aabot na umano sa P1 bilyon ang tinatayang kakailanganin para sa rehabilitasyon, saad ng editoryal. Nagmungkahi pa ito kung paano dapat gugulin ang pondo:

Marahil, ibayong pag-aaral ang dapat gawin para matukoy ang mga istratehikong lugar na dapat unahin ang rehabilitasyon.

Kailangang ma-assess mabuti ang paglalaan ng pondo at tiyakin na mapupunta sa dapat kapuntahan ang perang ilalabas.

‘Transparency’ ang dapat pairalin sa buong sangay ng gobyerno at dapat talagang bantayang mabuti ang paggagamitan ng pondo dahil hindi imposibleng gamitin pa ito ng mga abusado para sa pansarili nilang political interest.

Talasan natin ang ating pakiramdam sa mga ‘doble kara’ na nagkukunwaring nagbibigay ng tulong subalit nakalagay ang kaliwang kamay sa kanilang mga bulsa.[5]

Simple lamang ang editoryal at ang pinakamahalagang punto ay ang pagiging bukás ng pamahalaan sa anumang transaksiyon nang maging malinis ang paghawak at paggugol ng pondo para sa rehabilitasyon. Maganda ang mungkahing magtakda ng priyoridad sa rehabilitasyon, na batay sa rekomendasyon ng pamahalaang lokal at iba pang ahensiya ng pamahalaan. Ang pangwakas na talata, na bagaman nagpapayo ng pagbabantay, ay umiiwa rin nang pailalim sa mga mapagbalatkayong pilantropo na mahilig mangurakot. Hindi malilinaw ang naturang agam-agam, at muli ay mananatiling meme na tila virus na papaloob sa isipan ng taumbayan. Tumitindi ang meme na ito dahil nauulit yaon na parang alingawngaw sa editoryal, na maaaring kolektibong paninindigan ng mga editor ng pahayagan, at siyang ipinapasa sa mga mambabasa.

Kung ihahambing ang naturang paratang sa editoryal ng Remate ay masasabing higit na mabalasik ang huli. Heto ang sipi sa akdang pinamagatang “Wala o Kulang sa Disgrasya”:

Kinakitaan ang gobyerno ng labis na kakulangan sa tao, pondo, gamit at iba pang panban sa mga malawakan na disgrasya makaraang manalasa ang bagyong Ondoy at ang pinawalang [sic] tubig ng mga dag ng Angat, Ipo at La Mesa.

Paisa-isang rubber boat, paisa-isang amphibian boat, paisa-isang helikopter, paisa-isang trak at kung ano-ano pang kalunos-lunos na kakulangan sa gamit ang nakita.

Wala ring pondo at kinailangan pang magmadali ang mga ito na maglabas ng katiting na halaga at idinadamay na rin pati ang salapi ng mga obrero at employer sa Social Security System.

Hindi rin naging sapat ang mga tauhan nito na umalalay sa lahat ng mga biktima kahit man lang sa pagtakas sa nakamamatay na baha. . . .[6]

Mali ang gramatika ng pambungad na talata ng Remate, at maisasaayos nang ganito:

Nakita ang labis na kakulangan sa tauhan, pondo, at kagamitan ng pamahalaan makaraang bumagyo at pawalan ang tubig sa mga dam ng Angat, Ipo, at La Mesa.

Ang mga talata 2–4 ay pawang suhay lamang sa pambungad na talata. Idiiin pa ng editoryal na sa kabila ng pagpapataw ng buwis at pangungutang sa mga institusyong pananalapi, nanatiling inutil ang gobyerno sa pagharap sa kalamidad. Kaya naitanong ng editoryal:

Ang kainutilan ba ng pamahalaan sa disgrasya ang tuwirang pruweba ng pagkaubos ng kayamanan nito sa kamay ng mga opisyal at empleyado na pawang magnanakaw?

Panahon nang magkaroon ng pagbabago sa pamahalaan.

Sa unang malas ay matuwid ang pahayag, ngunit kung susuriin nang maigi’y humahangga iyon sa kamaliang petitio principii. Ipinapalagay sa naturang pahayag na pawang magnanakaw ang mga opisyal at empleado ng pamahalaan, at ang tanong hinggil sa kainutilan ng pamahalaan ay di-tuwirang sinasagot ng pahayag na naubos ang pondo o yaman ng pamahalaan. Ang gayong kasining na pahayag ay higit na titingkad kapag isinaalang-alang ang konklusyon na kailangan “ng pagbabago sa pamahalaan.”

Pinakamabagsik ang editoryal ng Bulgar na kaugnay pa rin sa pondong laan sa rehabilitasyon:

Aanhin pa ang damo kung naibulsa na ang pondo

(1) Nagkakasundo ang gobyerno at pribadong sektor na gamitin ang ilang bahagi ng P100 bilyong Stimulus Fund sa rehabilitasyon.

(2) Malinaw ngayon na wala nang problema sa badyet.

(3) Ang problema na lamang ay kung paanong maiiwasan ang PANGUNGURAKOT sa proseso ng paggastos.

(4) Dapat magbigay ng rekomendasyon ang Commission on Audit at Ombudsman kung paano babantayan ang salapi ng bayan.

(5) Dapat ay maglatag ang COA ng malilinaw, espesipiko at kongkretong patakaran sa pagbili o paggastos nang hindi magkakaroon ng “red tape” o bagal sa pagbibigay ng serbisyo.

(6) Ang nangyayari kasi, para lang maingatan ang pondo, sangrekang REKISITOS naman ang dapat pagdaanan ng proseso bago makapaglabas ng panggastos para sa mga biktima.

(7) Mababalewala rin kung ganu’n ang sustansiya o diwa o mithiin ng naturang pagpopondo.

(8) Kapos kasi ang utak ng mga AUDITOR at hindi iniisip kung ano ang “motibo” ng pondo.

(9) Unang dapat na iniisip ng COA—ay ang mailabas ang pondo sa MAS MABILIS NA PARAAN perso sa MAS LIGTAS SA NAKAW na proseso.

(10) Naingatan mo nga ang pondo pero TEPOK naman ang mga biktima bago ito nabiyayaan.

(11) EPISYENTENG SERBISYO rin kasi ang dapat ino-AUDIT—at hindi simpleng “financial transactions.”

(12) De-libro kasi ang mga accountant at sila ay mga UTAK-SALAPI, imbes na UTAK-SERBISYO!!!

(13) Dapat isama sa pagbabago ng KURIKULUM ang accounting-auditing-financing system na nalipasan na ng PANAHON.

(14) Aanhin pa ang pondo kung patay na ang popondohan?

(15) Magiging pambili na lang ito ng KABAONG!!![7]

Pinangatawanan ng Bulgar ang pangalan nito at inilantad lamang sa humihiyaw na paraan ang mabuting halimbawa ng maling pagsulat ng editoryal. Ang mga pahayag 1–2 ay tumatalon sa konklusyon, at hindi nangangahulugan na ang pagkakasundo ng pribado at gobyernong sektor sa paggugol ng pondo ay magbubunga ng kalutasan sa problema sa badyet. Nagmamadali rin ang pagsasaad na ang problema na lamang ng pamahalaan ay “kung paano iiwasan ang pangungurakot.” Sa naturang pahayag, ipinapalagay na sistemiko ang korupsiyon at laging naririyan. Lalong gumulo ang editoryal pagsapit sa mga talata 4–5. Hindi tungkulin ng COA at Ombudsman na magbigay ng mga mungkahi kung paano gugugulin ang pondo, lalo sa mga espesyal na pagkakataon. Trabaho iyon ng Department of Budget and Management (DBM), batay sa rekomendasyon ng bawat ahensiyang sangkot o lupong mangangasiwa sa paggugol ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga bayang nasalanta. Ad hominem naman ang talata 8, at ang mungkahi sa tumpak na pag-aawdit ay mababatid kung sumangguni sana sa mga umiiral na patakaran ng DBM. Para sa DBM, ang mga gastusin ay dapat ayon lamang sa itinakdang badyet; ang anumang paggugol nang lihis sa itinatakdang layunin ay isang kapabayaang maaaring panagutan sa ilalim ng batas. Pinakamasaklap ang mungkahi sa talata 13 hinggil sa pagbabago ng kurikulum hinggil sa pangangalaga ng salapi. Walang kaugnayan iyon sa pamagat at sinimulang paksa ng editoryal, at mahihinuhang isiningit lamang iyon sanhi ng labis na poot ng manunulat sa pamahalaan. Pagsapit sa mga talata 14–15, ang mapanlibak na tanong na humuhugot ng alusyon sa kawikaang bayan ay mapagmalabis dahil hindi nasuhayan iyon ng sapat na datos upang maging matatag at kapani-paniwala.

Nagpapabago-bago ang testura ng editoryal alinsunod sa mga sumusulat nito. Pansinin ang isa pang editoryal ng Abante, na kargado ng retorikang mga tanong:

Extra power? Para saan?

(1) Humihingi ngayon ng ‘extra power’ si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para daw madaling makabangon ang Pilipinas sa magkakasunod na hagupit ng kalamidad.

(2) Teka, kapag ba binigyan ng extra power ang Pangulo, mahaharang niya ang bagyo para hindi na pumasok sa bansa? O kaya naman, mahihigop ba n’ya ang mga tubig sa dam, ilog at lawa para hindi na ito umapaw at lumunod sa mga bayan, lungsod at lalawigan?

(3) Kung oo ang isasagot ng Malacañang, aba’y papayag kami sa extra power na ito, pero alanganin pa rin kami kung sa Pangulo ba dapat itong ibigay.

(4) Sa totoo lang, hindi naman kailangan ng dagdag na kapangyarihan ninuman para makagalaw nang marapat ang mga nasa pamahalaan.

(5) Kahit pa sabihing may mga batas tayong luma na at kailangan nang i-upgrade, ‘ika nga, naniniwala kaming sapat pa rin ito para protektahan ang sambayanan sa epekto ng kalamidad.

(6) Ang kailangan lang ay istriktong implimentasyon at seryosong pagpapasunod nito nang walang sinisino.

(7) Kagaya nitong pagbibigay ng proteksyon sa kalikasan. Kumpleto naman ang mga batas natin sa pagbabawal ng illegal logging at ang pagtatayo ng istruktura sa paligid ng mga ilog, dagat, dam at iba pang waterways. Pero dahil hindi nga istrikto ang pagpapatupad ng batas, nabababoy ang ating kalikasan.

(8) Ang resulta: ito mismong naranasan natin kina ‘Ondoy’ at ‘Pepeng’.

(9) Grabeng baha at landslide. Buhay, ari-arian at mga kabuhayan natin ang pininsala.

(10) Ano bang klaseng ‘extra power’ ang gusto ng Pangulo?

(11) Hindi ba niya magagawa bilang Pangulo ngayon ang pagdidispatsa ng search and rescue operations sa mga apektadong lugar? Hindi ba makakarating ang mga relief goods, mga gamot at serbisyo medikal sa mga sinalantang lugar kung wala siyang extra power?

(12) At itong mga pinaaalis na illegal structures at mga residenteng nagtayo ng bahay sa mga waterways, hindi ba sila made-demolish at maililipat sa dapat nilang paglagyan o kaya ay mapapauwi sa kanilang lalawigan kung hindi dadagdagan ng kapangyarihan si Pangulong Arroyo?

(13) Determinasyon lang ang kailangan, political will at ang isang makatao at maka-Filipinong puso ng isang lider![8]

Binubuo ng 332 salita ang editoryal. Nilagyan ng bilang ang bawat talata upang masuri nang madali. Higit na magaspang ang editoryal na ito kompara sa naunang binanggit na editoryal ng Abante. Malaki ang problema ng nasabing akda dahil hindi ipinakahulugan at nilinaw kung ano ang espesyal na kapangyarihang hinihingi ng pangulo mula sa kongreso, at nakabatay sa panukalang batas. Kung ang kapangyarihan ay para sa rehabilitasyon ng mga pook na sinagasa ng mga bagyo, ano ang saklaw nito, halimbawa, sa paggugol ng salapi, sa paggamit ng mga kasangkapan at pasilidad, sa pangangasiwa ng lakas-tao ng pamahalaan? Walang binanggit.

Garapal at hindi naaangkop ang komentaryo sa mga talata 2–3. Ang mapanlibak na puna ay walang sagot, at maituturing na absurdo dahil ang kapangyarihan ng pangulo ay itinatapat na tugon sa pisikal na pinsalang likha ng kalikasan. May pahiwatig ang mga talata 5–6 na sapat ang batas upang tugunan ang malawakang pinsala, at ang kinakailangan lamang umano ay pagsasakatuparan ng mga ito. Mapanlahat ang ganitong tindig, dahil sa usapin pa lamang ng badyet ay kulang ang inilalaang pondo para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng kalamidad. Ang problema, wala ni isang batas ang binanggit na halimbawa na puwedeng gamitin ng pangulo sa panahon ng emergency, bagaman may pahiwatig ukol sa mapaminsalang pagtotroso at pagtatayo ng mga bahay sa mga mapanganib na lugar. Hindi rin binanggit kung gaano kalaki ang badyet sa rehabilitasyon, at kung kaya ba ng kasalukuyang badyet na tustusan ang rehabilitasyon ng mga impraestruktura at pasilidad.

Pulos retorikang tanong ang mga talata 10–12 na dapat sinaliksik ng sumulat ng editoryal. Ang mga tanong na nakabalatkayong opinyon ay nagtatangkang salungatin ang panukalang pagdaragdag ng kapangyarihan sa pangulo sa panahon ng kalamidad. Gayunman, imbes na magpalinaw ay pinalalabo nito ang usapin. Kung ang pamahalaan ay humihina dahil sa matinding kalamidad, dapat suriin kung ano ang kahinaan ng pamahalaan at magmungkahi kung paano ang mga ito lulutasin. Ang pagsasaad na may sapat na batas ang pamahalaan at ang kulang ay implementasyon ay mabilis at mapanlagom na konklusyon lalo kung isasaaalang-alang ang malawakang pinsalang idinulot ng magkasunod na bagyo at ang estado ng kapangyarihan at yaman ng pamahalaan.

Tinatalakay na rin ngayon sa mga tabloyd ang usapin ng pagbabagong-klima. Maihahalimbawa ang editoryal ng Bomba Balita, na pinamagatang “Paglala ng Climate Change, Pagtulungan Nating Pigilan.” Umiinog ang editoryal sa “pagbabago ng panahon” na iniuugnay din sa “pagbabagong klima.” Ang panahon [weather] at klima [climate] ay mga terminong mapagpapalit sa isa’t isa kung pagbabatayan ang editoryal, at kapag hindi iningatan ang pagkakagamit ay maaaring ikalito ng karaniwang mambabasa.  Heto ang sipi ng mga talata 1–2 ng editoryal:

MARAHIL  sa naranasan nating hindi halos kapani-paniwalang marahas na parusa ng panahon nitong mga nakaraang araw ay naniniwala na ang lahat na pinagbabayad na tayo sa ating kawalan ng malasakit sa ating kapaligiran.

Ang pagbabago ng panahon na hindi tugma sa nakasanayan nating takbo ng panahon mula noon hanggang ngayon ay may kinalaman sa CLIMATE CHANGE. Hindi na lamang RAINY SEASON AT SUMMER ang maaasahan nating takbo ng ating panahon sapagkat ngayon, kahit na dapat ay panahon ng tag-araw ay umuulan at bumabagyo samantalang yaong dati ay tag-ulan ay nagiging tag-init na.[9]

Masatsat ang pambungad na talata at maaari na itong tabasin nang walang malaking mababago sa editoryal. Huwag nang banggitin pa ang pambihirang gramatika at palaugnayan ng mga pangungusap, na ikababaliw ng mga mambabasa.  Nakapanghihinayang na nabigong itangi ang “panahon” sa “klima,” dahil malaki ang kaibahan nito sa larang ng agham. Kung ang panahon ay pansamantalang kondisyon at tumutukoy sa tiyak na atmospera sa isang pook at oras, ang klima ay pangmatagalan at sangkot ang pangkalahatang pagtukoy sa temperatura, ulan, at hangin. Hindi pa nakauusad sa mga pagpapakahulugan ay isinunod ng editoryal ang sanhi ng pagbabagong-klima, at kabilang dito ang “pagkabutas ng ozone layer” at “sobrang paglabas natin ng init sa kapaligiran.”

May katotohanan ang winika ng editoryal ngunit hindi sapat. Ang pagnipis o pagkabutas ng ozone layer ay may kaugnayan sa labis na emisyon ng chlorofluorocarbon (CFC) at halogen na nagluluwal ng mga atomong chlorine na nagsisilbing katalisador para maubos nang unti-unti ang ozone. Samantala, ang binanggit ng editoryal na pag-init ng mundo ay tumutukoy marahil sa sinag mula sa araw at siyang mabilis na nakapapasok sa mundo samantalang bumabagal naman ang paglabas ng singaw sa mundo makaraaang tumama sa lupa ang sinag. Nakukulob ang singaw dahil sa dagim, at ito ang nakapagdaragdag ng init sa atmospera. Ito ang tinatawag na “greenhouse effect” na ang mga elemento ng carbon dioxide (CO2), methane (CH4) at nitrous oxide (N2O) ay lumabis ang pamumuo sa atmospera. Ang naturang mga elemento ay hindi simpleng “init” na siyang isinaad sa editoryal; bagkus kaugnay ng singaw mula sa pagsisiga ng basura, o kaya’y paggamit ng mga kasangkapang nagbubuga ng labis na CO2, CH4, at N2O.

Maganda ang ilang mungkahi ng editoryal hinggil sa pag-iwas sa emisyon ng mga CFC at kaugnay na halogen sa atmospera. Gayunman, makabubuting rebisahin ang editoryal upang maituwid ang ilang bagay hinggil sa maling pagpapaliwanag ng pagbabagong-klima ng mundo.

May ilang pagkakataon na mistulang praise release ang editoryal, bagaman malayang itanggi ito ng ilang pahayagan. Maihahalimbawa ang editoryal ng Bagong Tiktik:

Mga kawal-Kano

(1) Sa dalawang delubyong tumama sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan at Hilagang Luzon, naging mahalagang katulong ng mga lokal at pambansang awtoridad sa pagsaklolo at pagbibigay-tulong sa mga biktima ang mga kawal-Amerikano na nakahiampail sa Pilipinas bilang bahagi ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng mga gobyernong Pilipino at Amerikano.

(2) Sa Hilagang Luzon na mas grabe ang pagbaha kaysa Metro Manila at mga karatig-lalawigan, at mas malaking mga panganib ang sinuong ng mga biktima, naging partikular na epektibo ang mga kawal-Amerikano.

(3) Mga 700 kawal-Amerikano ang tumulong sa pagsaklolo at pagtulong sa mga biktima. Gumamit sila ng mga rubber boat at mga helikopter sa mga dakong hindi maabot ng mga tagasaklolong Pilipino—nagliligtas ng mga taong nasa mga bubungan ng mga bahay o nangungunyapit sa mga punongkahoy.

(4) Sa ganyang mga pangyayari na nagkusang tumulong ang gobyernong Amerikano sa pamamagitan ng mga kawal nila rito, ewan kung ano ang magiging saloobin ngayon ng mga mambabatas na sobra-sobrang nasyonalistiko at ng mga grupong maka-kaliwa na nagwawala na sa paggigiit nila na dapat nang baguhin o wakasan ang Visiting Forces Agreement.

(5) Ang mga grupong maka-kaliwa na makiling sa komunismo, mauunawaan ang galit nila sa Amerika. Ngunit ang mga mambabatas na sobra-sobrang makabansa kaya nagpipilit na mapalayas ang mga kawal-Amerikano, ewan kung ano ang magiging saloobin nila ngayon.

(6) Pag nagpilit pa rin sila, siguradong makakalaban nila ang mga biktima ng mga delubyo na natulungan ng mga kawal-Amerikano.[10]

Binubuo ng 235 salita ang editoryal, ngunit mabibigong maikubli ang baluktot na lohika. Ito ay dahil maituturing na propagandang nagkukunwang editoryal ang sinipi sa itaas, at mahihinuhang pumapanig sa tropang Amerikanong nakahimpil sa Filipinas, alinsunod sa itinakda ng Visiting Forces Agreement (VFA). Ang pagtulong ng tropang Amerikano sa mga nasalanta nang bumagyo ay walang kaugnayan sa VFA, at ang saklolo nila—kusang-palo man o hiningi ng pamahalaang Filipinas sa Estados Unidos—ay dapat tingnan sa anggulo ng makataong pagtugon sa mga pambihirang pagkakataon.

Ang hindi ipinaliwanag ng editoryal ay ang usapin ng VFA—na kasunduang pangmilitar na higit na matimbang para panatilihin ang interes ng Estados Unidos sa Asya Pasipiko— at kung bakit tinututulan ito ng ilang mambabatas. May mga ulat na tandisang nilalabag ng Amerika ang nakasaad sa VFA, at ito ang ibig imbestigahan ng mga mambabatas. Kung totoong lumalabag ang Amerika sa VFA, gaya sa panghihimasok sa pakikidigma sa Moro National Liberation Front (MILF) at Abu Sayaff, ay mabigat na usapin sa kasarinlan ng Filipinas alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas ng 1987. Bukod dito, nabigong banggitin ng editoryal na sa bisa ng VFA, ang mga kasangkapan, materyales, suplay, at iba pang bagay na inangkat o binili ng Amerika papasok sa Filipinas ay hindi pinapatawan ng buwis o taripa o upa. Malayang makagagamit ang tropang Amerikano ng mga sasakyan, barko, at eroplano nang walang bayad papasok o palabas sa mga pantalan, paliparan, at iba pang lugar. Ang gayong kalaking kaluwagan ay hindi maikokompara sa panandaliang tulong sa nasalanta ng bagyo, gaya sa pagpapahiram ng gomang bangka, helikopter, at iba pang aparato. Walang nakasaad sa VFA na tungkulin ng Amerika na tumulong sa Filipinas tuwing may kalamidad.

Ang mga talata 4–6 ay ad hominem na banat sa mga mambabatas na tutol sa VFA, at mistulang banta sa kanila sa maaaring maging sapitin sa darating na halalan kapag ipinagpatuloy ang pagtutol sa kasunduan kahit nakatulong na umano ang tropang Amerikano sa mga Filipino. Isang hinuha yaon na nagpapauna sa magiging reaksiyon ng taumbayan, na may halong pananakot, at para bang ang kaligtasan ng mga Filipino ay nasa kamay ng mga Amerikano. Hindi isinaalang-alang ng editoryal na maliit na bahagi lamang ang saklolong ginawa ng mga Amerikano sa mga biktima ng bagyo, at katiting na maituturing ang 700 kawal na sumaklolo; higit na malawak at epektibo ang pagtulong ng mga karaniwang tao sa kanilang kapuwa Filipino sa kabila ng mabagal na pagtugon ng pamahalaang Filipinas. Hindi dapat iniuugnay ang pagpapairal o pagpapawalang-bisa ng VFA sa pagsaklolo ng Amerika sa Filipinas tuwing may kalamidad, dahil magagawa rin yaon ng ibang nasyon kahit walang VFA kung hihilingin lamang ng Filipinas.

Isa sa mga maituturing na kahinaan ng editoryal sa Filipino ay ang pagiging masatsat, at maibibilang dito ang mga nalalathala sa PM (Pang-Masa). Heto ang isang halimbawa:

Ang baha at ang di-mapigil na pagdami ng populasyon

(1) Maraming idinudulot na leksiyon ang bahang dinulot [sic] ni Ondoy at kabilang diyan ang paghahanda sa biglaang kalamidad, wastong pagtatapon ng basura, hindi dapat tinitirahan ang mga daanan ng tubig at ngayon pati ang pagkontrol sa populasyon ay itinutiring na ring isang malaking leksiyon.

(2) Nakita ang napakaraming bata sa mga evacuation center. May mga mag-asawa na ang anak ay anim. Karamihan ay maliliit pa. May mga sumususo pa. Nakita ang mga nakahanay na batang natutulog sa evacuation centers na tila walang pakialam kung hanggang kailan sila tatagal sa evacuation centers. May mga bata na umiiyak dahil sa sobrang init sa kinalalagyang lugar. May mga batang galisin na nakikipag-agawan sa ipinamamahaging pagkain.

(3) Malaki ang kaugnayan nang [sic] pagdami ng mga Pilipino sa grabeng pagbaha. Dahil parami nang parami, pati ang mga pampang ng ilog at estero ay tinitirahan na. Sa mismong ilog at estero na itinatapon ang kanilang mga basura at doon na rin sila dumudumi. Habang tumatagal dumarami nang dumarami pa ang mga Pilipino hanggang sa ang ilog at estero ay napuno na ng basura. Wala nang madaluyan ang tubig, Kaya nang bumaha, naging dagat sa isang iglap ang Metro Manila at mga karatig na bayan.

(4) Maski ang mga mambabatas na isinusulong ang Reproductive Health Bill ay sinisisi ang pagdami ng populasyon sa grabeng pagbaha. Dahil daw sa pagdami ng mga tao kaya nasisira ang kapaligiran. Dumami ang mga subdivisions. Ang taniman ng palay ay kino-convert na para gawing tirahan. Kung kakaunti lang daw ang tao, wala nang titira sa mga pampang ng ilog at mga estero.

(5) Palobo nang palobo ang populasyon. At kung hindi magkakaroon ng population management, mas lalo [sic] pang baha ang daranasin. Lalong kawawa ang mga mahihirap na sandamukal ang mga anak.[11]

Lumustay ng 296 salita ang naturang editoryal na mapaiikli kung nanaisin. Halimbawa, ang talata 1 ay mapakikinis sa ganitong paraan:

Maraming leksiyon ang itinuturo ng Bagyong Ondoy at kabilang dito ang paghahanda sa biglaang kalamidad, wastong pagtatapon ng mga basura, pagbuwag sa mga bahay na nasa gilid ng tubigan, at pagkontrol sa populasyon.

Payak lamang ang tesis ng akda. Lumalaki ang populasyon at ito ang isa sa mga dahilan ng pagbaha (tingnan, pangungusap 1, talata 3). Maganda na sana iyon ngunit nabigong ipaliwanag ng sumulat. Maaaring tabasin ang mga talata 2–3 dahil labis-labis ang paglalarawan na hindi kinakailangan. Lihis naman ang talata 4, at ibang usapin ang kumbersiyon ng mga bukirin tungo sa pagiging pook residensiyal. Ang kinakailangan ng editoryal ay masusing saliksik sa populasyong batay sa solidong estadistika, mapa, heograpiya, at pag-aaral ng mga eksperto. Halimbawa, saang pook ang may pinakamaraming populasyon at ilang porsiyento ng mga residente ang naninirahan sa mga mapanganib na lugar? Ano ang kaibahan ng populasyon noon kompara ngayon, at gaano ang itinaas ng antas ng tubig sa mga ilog at lawa? Marami pang tanong ngunit nakaligtaan wari ito sa editoryal na humihingi ng ibayong ingat at sigasig sa pagsasaliksik. Ang konklusyon ng editoryal ay paikot-ikot ang lohika, at isang halimbawang dapat iwaksi ng sinumang mag-aaral.

Estilo at Pagtitimpi

Isang mahirap na disiplina ang pagtitimpi sa pagsusulat, at ito ay banyaga sa ilang manunulat. Maihahalimbawa ang editoryal ng Taliba:

Puno balswals, ang bunga balswals din!

Muli ay natambad sa paningin ng publiko ang malaganap na kapabayaan—at katangahang—nagaganap sa pamunuang-lokal ng ating pamahalaan.

Isang magandang halimbawa nito ang nadiskubreng “underground shabu laboratory” diyan sa San Miguel, Bulacan. Agad ay makikita natin ang malaking pagkukulang—at kawalan ng wastong kaalaman—ng puno sa naturang bayan.

Ayon sa pahayag mismo ng may-ari, higit isang taon nang inuukupahan ang kanyang limang hektaryang [sic] lupa ni “Bengzon, isang Chinese national na nagsasabing gagami-ting [sic] niya ito sa isang piggery business.”

Nagkasundo sila na uupahan ito ng P25,000 kada buwan, subalit hindi tumupad ang Tsinoy sa kasunduan matapos matayuan ito ng mataas na konkretong bakod.

Bukod pa rito, hindi na raw siya pinapayagan ni Bengzon na makapasok at masilip man lang ang kanyang lupain.

Ano naman ang ginawa ng puno sa bayan ng San Miguel? Eh, di wala!

Nagkakamot lang ba siya ng kanyang ano, gaya ng nakagawian ng pabayang mga puno diyan sa Department of Interior and Local Governments?[12]

May karugtong pa ang editoryal na pulos mga tanong, bukod sa nagpaparatang ng mabigat na kapabayaan sa panig ng alkalde, gobernador, at pinuno ng DILG. Payak lamang ang tesis ng editoryal: kung ano ang puno ay siyang bunga. Ginamit ang kawikaang ito na may halong pang-uuyam sa pamagat, na ang “balswals” ay katumbas ng “balewala,” “inutil,” at “walang silbi.” Kaya umano nakalulusot ang pabrika ng shabu sa San Miguel, Bulacan ay dahil pabaya ang mga opisyal ng pamahalaang lokal. Nagwakas ang editoryal sa isang pagbabanta:

Sa araw ng “paghuhukom” sa darating na Halalan 2010, dapat suriin ang puno’t dulo ng bawa’t isang kandidato, gaya ng ipinapaalaala ni Lady Miriam—na isang biktima ng malawakang dayaan![13]

Bagaman hindi binanggit nang tahas ay tinutumbok ng editoryal ang kapabayaan ni Kalihim Ronnie Puno ng DILG, at mahihiwatigan ito sa pamagat pa lamang at humuhugot ng alusyon sa anunsiyong komersiyal. Ang mahirap lamang sa ganitong akda’y nagmamadali ang konklusyon, at pati ang pagbanggit kay Sen. Miriam Santiago ay isang taktikang dapat iwasan dahil iba ang kaniyang kaso (na hinggil sa dayaan sa halalan) sa kaso ni Puno ngayon (na hinggil sa pabrika ng shabu). Dinaraan ng editoryal sa mga retorikang tanong ang mahahalagang punto sa natuklasang pabrika ng shabu; bagaman ang paglitaw niyon ay posibleng kinasasangkutan ng nagpapaupa ng bahay, at nagkataong lingid sa pamahalaang lokal.

Hindi nakatutulong ang pahiyaw na estilo ng pagsulat, at ang pagpaparatang na may halong panunumbat. Hinihingi sa editoryal ang paglilinaw sa kaso ng ilegal na pabrika ng shabu; kung bakit ito dapat iwasan o iwaksi; at kung bakit dapat managot ang mga kinauukulan. Ang konklusyon ng editoryal na may pagbabantang “paghuhukom” sa halalan ay bukod na isyung isiningit, at nakaligtaan ang dapat sana’y pagtutuwid sa maling halimbawa ng bawal na droga o kung bakit dapat managot ang kalihim ng DILG.

Kung humihiyaw ang editoryal sa itaas, kabaligtaran naman ang editoryal sa Balita. Ang problema lamang sa editoryal ng Balita ay pulos salin mula sa Ingles ang editoryal nito. Walang orihinalidad ang tabloyd, at mahihinuhang sumusunod lamang sa anumang tinig ng mga editor mula sa Manila Bulletin.

Sa unang malas ay maganda ang editoryal ng Balita. Ngunit depende sa tagapagsalin ay mababasa sa Balita ang marurupok na salin sa Filipino. Heto ang unang dalawang talata ng orihinal na editoryal sa Ingles ng Manila Bulletin:

(1) In its recent traditional annual message on Ramadan, the Pontifical Council for Inter-religious Dialogue in the Vatican underscored the need to work together toward overcoming poverty. This message was an “occasion of cordial encounter in many countries” between Christians and Muslims because it “addresses a matter of shared concern” and thereby makes it “conclusive to a confident and open exchange.”

(2) Recognizing the humiliating effect of and intolerable sufferings engendered by economic and other forms of privation, the theme of this year’s message was “Christians and Muslims: Together in Overcoming Poverty.” Poverty alienates and causes people to harbor resentment toward others, a feeling that eventually leads to hostile actions. At times it is used as an excuse to justify seizing another person’s possessions, even to the point of undermining peaceful relationships and the person’s security. In view of these, it has become imperative to confront “the phenomena of extremism and violence” by tackling the social and global problem of poverty “through the promotion of integral human development,” which Pope Paul VI has defined as the “new name for peace.”[14]

Heto naman ang salin na matatagpuan sa Balita:

(1) Sa tradisyunal na taunang mensahe nito sa Ramadan, binigyang-diin ng Pontifical Council for Inter-religious Dialogue sa Vatican na kailangang magtulungan upang magapi ang kahirapan. Ang mensahe ay isang “occasion of cordial encounter in many countries” sa pagitan [sic] ng mga Kristiyano at Muslim dahil tinutugunan nito ang “matter of shared concern” kung kaya ito ay “conducive to a confident and open exchange.”

(2) Sa pagkilala ng pagpapakumbabang [sic] epekto at pagdurusang ibinunsod ng ekonomiya at iba pang anyo ng kahirapan, ang tema ng mensahe ngayong taon ay “Christians and Muslims: Together in Overcoming Poverty.” Bunga ng kahirapan, nagkakasalungat ang mga tao, isang damdamin na nagreresulta sa marahas na hakbang. Madalas na ito ang ginagawang dahilan upang imatuwid ang sapilitang kunin ang materyal na posesyon ng iba, ni hindi inalintana ana maaaring makanti ang mapayapang relasyon at seguridad ng taong iyon. Gayunman, kailangang hanapin ang “phenomena of extremism and violence” sa pamamagitan ng pagresolba ng pandaigdigang problema nang kahirapan “through the promotion of integral human development,” na binigyang-kahulugan ni Pope Paul VI bilang “new name for peace.”[15]

Masama ang salin, at marahil maituturing na tamad na pagsasalin dahil halos literal ang tumbasan ng mga salita at walang binago sa ilang sugnay sa Ingles. Ngunit higit pa rito, nawawala ang esensiya ng orihinal lalo sa ikalawang talata. Halimbawa, ang “humiliating effect” ay tinumbasan ng “pagpapakumbabang epekto” imbes na “mapanghamak na epekto.” Ang alyenasyon [alienation] ay hindi simpleng “nagsasalungat ang mga tao” bagkus pagkatiwalag ng mga tao sa sarili o kapuwa. Sablay ang gramatika ng ikatlong pangungusap ng ikalawang talata, at mali ang gamit ng “nang” sa kasunod na pangungusap. Taliwas ang “in view of this” sa “gayunman” na marahil ang tinutukoy ay ang isang pangyayari.

Maraming maipipintas sa salin ng editoryal ngunit hindi yaon ang punto ng pagsusuri. Ang higit na mahalaga ay matuklasan ng mga tagasalin ang halaga ng sinop at pagpili ng salita, at ang pagturing sa gramatika at palaugnayan ng Filipino na may ibang testura kompara sa Ingles. Ang pagkakahon ng wikang Filipino sa wika at estruktura ng Ingles ay nakasisira sa Filipino at maaaring makapagdagdag ng maling pagsagap at interpretasyon pagsapit sa Filipino.

Pangwakas

Sa pangkalahatan, masasabing malayo pa ang lalakbayin ng pagsusulat sa Filipino, lalo sa panig ng pamamahayag. Marahil kinakailangang seryosohin na ang pagpapatino sa pagsusulat sa Filipino nang maiwasan ang krimen sa lohika at sining. Kinakailangan ang dibdibang pagtataguyod at pagpapahusay sa bagong hanay ng mga manunulat at editor sa Filipino, nang maiwaksi nang ganap ang mga mali at kapabayaan ng kasalukuyan. Kinakailangan din ang pagbubuo ng mga estilo sa pagsulat at editing sa Filipino, at makatutulong nang malaki ang gabay sa ortograpiya at editing na binuo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Kinakailangan din ang patuloy na pagpapayaman ng korpus ng Filipino, at pagsubaybay sa mga pahayagan hinggil sa mga bagong salitang lumilitaw sa guniguni ng taumbayan. Samantala, hindi mairerekomendang gayahin ang mga editoryal sa mga tabloyd, bagaman malaya ang sinumang estudyante at guro na sangguniin yaon at pag-aralan, upang maiwasan ang mga pagkakamali at makabuo ng pulido at matalas na akda sa hinaharap.

Ipinapakita lamang sa papel na ito ang malaking hamon sa paggamit ng matinong Filipino sa mga pahayagan. Kung sa editoryal pa lamang, na sinasabing kolektibong tinig at pananaw ng lupon ng mga editor, ay masaklap na ang pagkakasulat, ano ang maaasahan sa iba pang artikulo, gaya ng balita, sanaysay, dagli, at kaugnay na lathalain? Kung may kalayaan ang mga peryodista at editor na magpahayag, ang mga mambabasa naman ay may karapatang makatikim ng mga makabuluhan at matitinong akda mula sa sinusubaybayan nilang mga pahayagan. Hindi komo’t mura ang halaga ng tabloyd ay may karapatan na iyong magpalaganap ng mga basurang akda. Ang hamon naman sa mga editor at manunulat mula sa akademya ay ituwid ang mga kamalian at malaong prehuwisyo sa pagsulat sa Filipino. Ang pagsulat sa Filipino ay hindi nangangahulugang pagsulat nang padaskol-daskol, at pagluluwal ng mabababang uri ang akda. Humihina lamang ang akda dahil sa malaking kapabayaan kung hindi man katangahan ng mga manunulat.

Hindi pangwakas ang kritikang ito, at hinihintay ko ang higit na mabalasik na kritika mula sa panig ninyo.

Mga Tala


[1] Mula sa editoryal ng Pilipino Star Ngayon, pinamagatang “Tagapagpalaganap ng Wikang Pambansa,” nalathala noong Agosto 19, 2009.

[2] Mula sa editoryal ng Abante, pinamagatang “Silipin ang mga butas at solusyunan,” nalathala noong 16 Oktubre 2009, p. 4.

[3] Editoryal ng Abante Tonite, pinamagatang “Magbantay” na nalathala noong 18 Oktubre, p. 4.

[4] Maihahalimbawa rito ang maling gamit ng “maliban” sa mga talata 3 at 10, na dapat ay “bukod sa.” Heto ang sipi sa talata 3: “Dahil maliban [sic] sa P12 bilyong karagdagang calamity fund, may nauna nang P2 bilyong calamity fun para sa taong 200….” Inulit ang mali sa talata 10: “Maliban [sic] sa mga awtorisadong ahensya [sic] ng gobyerno, magkaroon rin sana ng pribadong grupo na magbabantay sa bawat sentimong inilaan ng gobyerno sa calamity fund dahil baka kung saan lamang ito mapunta.”

[5] Editoryal ng Abante, pinamagatang “Pondo sa rehabilitasyon bantayan” na nalathala noong 13 Oktubre 2009, p. 4.

[6] Editoryal ng Remate, pinamagatang “Wala o Kulang sa Disgrasya” na nalathala noong 4 Oktubre 2009, p. 4.

[7] Editoryal ng Bulgar, pinamagatang “Aanhin pa ang damo kung naibulsa na ang pondo?” na nalathala noong 18 Oktubre 2009, p. 3.

[8] Editoryal ng Abante, pinamagatang “Extra power, para saan?” na nalathala noong 10 Oktubre 2009, p. 4.

[9]Editoryal ng Bomba Balita, pinamagatang “Paglala ng Climate Change, Pagtulungan Nating Pigilan” na nalathala noong 18 Oktubre 2009, p. 3.

[10] Editoryal ng Bagong Tiktik, pinamagatang “Mga kawal-Kano” na nalathala noong 18 Oktubre 2009, p. 3.

[11] Editoryal ng PM (Pang-Masa), pinamagatang “Ang baha at ang di-mapigil na pagdami ng populasyon” na nalathala noong 8 Oktubre 2009.

[12] Editoryal ng Taliba, pinamagatang “Puno balswals, ang bunga balswals din!” na nalathala noong 8 Oktubre 2009, p. 5.

[13] Ibid.

[14] Unang dalawang talata ng editoryal ng Manila Bulletin, pinamagatang “Christians and Muslims: Join hands to combat poverty” na nalathala noong 4 Oktubre 2009. Lumabas din sa Tempo sa naturang araw sa pahina 6.

[15] Unang dalawang talata ng editoryal ng Balita, pinamagatang “Kristiyano at Muslim nagkaisa laban sa kahirapan” na nalathala noong 4 Oktubre 2009, p. 6.

(Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa taunang palihan ng INKBLOTS at Varsitarian na ginanap sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 23 Oktubre 2009)

Kritika sa Multilingguwalismo at sa Pahayag ni Ricardo Nolasco ng Komisyon sa Wikang Filipino

Ayoko sanang patulan itong si Ricardo Nolasco, ang pansamantalang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, ngunit nagpapakalat na naman ito sa email ng kaniyang mga opinyon sa wika na marapat sagutin. Sumulat siya ng mahabang papel hinggil sa “Ilang popular pero mga maling hakahaka (sic) tungkol sa wikang pambansa at mga wika sa Pilipinas” na ang bersiyon sa Ingles ay nalathala sa Philippine Panorama noong 22 Pebrero 2008. Sa unang malas, ang nasabing sanaysay ay hinggil sa pagtutuwid sa maling opinyon ukol sa “wikang pambansa” at “mga wika ng bansa,” ngunit kung uuriin nang maigi ay pailalim na bumabanat sa Filipino bilang wikang pambansa at nagpapanukala ng multilingguwalismo para pahinain ang paglago ng Filipino. Heto ang kaniyang pambungad na kuro-kuro:

(1) Sa maraming Pilipino,  ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika,  at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.  Hindi tama ito.

(2)        May mga paraan ang mga pantas-wika o mga linguista para malaman kung ano ang wika at kung ano ang wikain o diyalekto.  Ang unang pamantayan ay kung nagkakaunawaan ang dalawang tagapagsalita kapag ginagamit nila ang sarili nilang wika.  Kapag hindi sila nagkakaunawaan,  nagsasalita sila ng magkaibang wika.  Kapag nagkakaunawaan sila,  nagsasalita sila  ng parehong wika o diyalekto ng isang wika. 

(3)        Ang ikalawang pamantayan ay ang gramatika.  Kapag magkaiba ang gramatika ng sinasalita nilang mga wika,  magkaibang wika ang mga ito.  Kung magkapareho ang gramatika,  mas malamang na nabibilang ang mga ito sa isang wika.2

(4)        Hindi mahalaga kung ang wika nila ay isang milyon o  limang tagapagsalita lamang;  kung mayroon itong nakasulat na panitikan o wala;  o kung sinasalita ito sa isang barangay o sa buong probinsiya.    Hindi mapagpasya ang alinman sa mga ito sa pagkilala sa kung ano ang wika at kung ano ang diyalekto.

(5)        Sa mga batayang ito,  ang Ilokano,  Sebwano,  Pangasinan,  Hiligaynon,  Bikol,  Kapampangan,  Butuanon at Meranao,  kung magbabanggit ng ilan, ay hindi mga diyalekto kundi  ganap na mga wika.   Diyalekto o wikain ang tawag sa  baryasyon ng isang wika, gaya ng Dumaguete-Cebuano, Davao-Cebuano at Iligan-Cebuano.

(6)        Ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ay nakapagtala ng may 170ng wika sa bansa.3   Maaaring umabot sa 500 ang mga diyalekto.  Pangsampu tayo sa may pinakamaraming wika sa daigdig.  Nangunguna ang Papua New Guinea.

Nilagyan ko ng numero ang bawat talata upang masuri nang maigi. Hindi nilinaw ni Nolasco ang batayan ng kaniyang unang pahayag: na  “ang wikang pambansa lamang ang wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.” Sa madaling sabi, ang Filipino lamang ang wika, at ang lalawiganing wika ay diyalekto. Ang ganitong pahayag ay nagmumula kay Nolasco at hindi sa pangkalahatang publiko. Walang isinaad na estadistika o sarbey si Nolasco na may ganito ngang pahayag at pananaw ang malawakang publiko, at yamang hindi totoo, hindi ito kinakailangang sagutin.

Ang pagtatangi kung ano ang “wika” at kung ano ang “diyalekto” ang gagamitin ni Nolasco bilang lunsaran ng hambingan. Ayon sa opinyon ng mga lingguwista, ani Nolasco, na kapag nagkakaunawaan ang dalawa o higit pang tao sa usapan habang gamit ang kani-kaniyang wika ay maituturing yaong wika. At kung hindi sila nagkakaunawaan ay ipinapalagay na magkaiba ang kanilang wika. (Ang pahayag na ito ay nagmula kay Peter Trudgill sa kaniyang aklat na Sociolinguistics: An Introduction to Language and Society, [1974; 1983] at hiniram nang wala sa konteksto ni Nolasco.) Hindi nilinaw dito ni Nolasco kung ano ang wika na ginamit ng dalawang tao sa pag-uusap. Halimbawa, ipagpalagay nang gumamit sila ng Filipino sa pag-uusap, at nagkaunawaan sila, ang Filipino ay ituturing umano na wika. Ngunit ang ganitong simplistikong pahayag ng mga lingguwista ay maraming butas. Una, hindi malinaw kung ano ang antas ng diskurso ng dalawang tao na nag-uusap. Kahit batid ng dalawang tao ang mga pakahulugan ng mga salita sa loob ng usapan, hindi ibig sabihin nito na ganap na magkakaunawaan agad sila. Kailangang isaalang-alang dito ang mga pahiwatig, konteksto, senyas, dalumat, halagahan, at pakikipagkapuwa na pawang makaiimpluwensiya sa kanilang komunikasyon at siyang makaaapekto sa resulta ng kanilang usapan. Ikalawa, hindi malinaw sa pahayag ni Nolasco kung ano ang pinag-uusapan, at maihahakang ang pinag-uusapan ay mabababaw na paksa lamang. Sa ganitong lagay, ang dalawang tao—na kahit may magkaibang wika—ay maaari pa ring magkaunawaan hindi lamang dahil sa bisa ng wika kundi sa senyas ng katawan o kaya’y sa pamamagitan ng pagguhit o paglalarawan o musika o demostrasyon. Ikatlo, dapat linawin ni Nolasco kung ang dalawang tao na nag-uusap ay gumagamit lamang ng isang wika o may magkabukod na wika. Kung isang wika lamang ang ginamit nila at sila ay nagkaunawaan ay maganda. Ngunit kung isang wika lamang ang ginamit nila, at hindi pa rin sila magkaunawaan, marahil may kaugnayan ito sa dalumat na pinagmumulan ng dalawang tao, at magkaiba ang pagkakaunawa nila sa daigdig.

Sa talata 3 ni Nolasco, ang ikalawang pamantayan umano ng mga lingguwista upang ituring na wika ang isang wika imbes na diyalekto ay ang gramatika. Ang pahayag na ito ay hindi nagmumula sa publiko kundi sa loob mismo ng sirkulo ng mga lingguwista. Ang paghahambing sa gramatika ng Filipino sa gramatika ng Ilokano o Sebwano o iba pang lalawiganing wika ay hindi makatwiran dahil magkaiba ang pinagmumulan ng dalawang wika, kahit sa ilang pagkakataon ay nagkakahawig, gaya ng may salita sa Ilokano na kahawig sa mga salitang Filipino o Bisaya, bagaman iba ang pagkakabigkas.

Ang nakababagabag ay ang talata 4 ni Nolasco. Hindi umano mahalaga ang bilang ng tagapagsalita, o kung may panitikang nakasulat o wala, o kung ginagamit ang wika sa isang barangay o sa buong lalawigan. Kung hindi mapagpasiya ang mga pamantayang ito, ano kung gayon ang dapat maging pamantayan upang itangi ang “wika” sa “diyalekto”? Lumilitaw sa pahayag na ito ni Nolasco na hindi lamang niya itinatwa ang mga pag-aaral ng mga kapuwa niya lingguwista, bagkus nagtatangkang magpanukala pa ng sariling pananaw hinggil sa kung ano ang wika at kung ano ang marapat tawaging diyalekto. Ngunit walang ibinigay na panukala batay sa matalisik na pag-aaral si Nolasco. Wala. Ang tanging mababanggit ay ang “baryasyon” o baryedad ng wika, gaya halimbawa ng iba’t ibang testura ng Bisaya o Bikol. Para kay Nolasco, ang lahat ng wika ay magkakapantay, at maipapantay halimbawa ang wika ng Butuan sa wikang pambansa (Filipino). Na isang kalokohan, dahil hindi dapat ikompara ang dalawang wika dahil magkaiba ang silbi nito sa pamayanan at magkaiba ang lawak ng bisa nito sa lipunan. Ang pagtatangi samakatwid ni Nolasco sa “wika” at “diyalekto” ay subhetibo, at nakasalalay sa anumang paraan ng pagsagap ng mga tao.

Ginagawang payak ni Nolasco ang usapin sa wika. Ang Filipino bilang pambansang wika ay malayo na ang iniungos sa iba pang lalawiganing wika, mulang panitikan hanggang iba pang larang ng pag-aaral. Ang pag-ungos ng Filipino ay hindi dapat isisi sa Tagalog na naging batayan ng Filipino, o kaya’y sa masigasig na paggamit ng mga manunulat, editor, panitikero, at iba pang espesyalista. Ang paglakas ng Filipino ay may kaugnayan sa nagbabagong diskurso at kamalayan ng mga Filipino, na handang tumanggap o luminang ng isang wikang pambansa upang magkaunawaan ang mga tao sa iba’t ibang lalawigan. Filipino ang pinakamabisang tulay ng komunikasyon sa buong bansa, at may kaugnayan dito ang mass media, sangguniang aklat, panitikan, at iba pang kaugnay na bagay. Hindi rin dapat ikompara ang Filipino sa ibang lalawiganing wika, dahil higit na abanse ang paglinang ng Filipino at siyang nakaligtaan ng mga lalawiganing wika. Ang Tagalog na ginawang batayan ng Filipino ay lumampas na sa hanggahan nito sa rehiyon ng Katagalugan at nagparaya upang maangkin ng buong bansa at maging pangunahing haligi ng wikang pambansa. Ang ganitong aspekto ang hindi pa nasusubok sa gaya ng Sebwano o Ilokano o Butuanon o Kapampangan o Maranaw. Bagaman makapangyarihan ang gaya ng Sebwano at Ilokano habang ginagamit sa loob ng sirkulo ng Sebwano o Ilokano, ang gayong kapangyarihan ay nananatiling kulob at hindi kayang sumaklaw sa buong lunggati at diskurso ng Filipinas.

Ang binanggit ni Nolasco na 170 wika, bukod sa 500 diyalekto, sa Filipinas ay mahalaga. Ang mga wika at diyalektong ito ang matagal nang sinimulang ilahok sa korpus ng Filipino, at ipaloob sa mga diksiyonaryo at tesawro, hindi pa man nahihirang ng Malacañang si Nolasco na maging pansamantalang komisyoner ng KWF. Ang nakaligtaan ni Nolasco ay sa binanggit niyang 170 wika ay wala siyang tinukoy kung anong wika rito ang may kapasidad na maging wikang pambansa, at sa halip ay minamaliit ang Filipino na mula raw lamang umano sa Tagalog. Kung walang kapasipad ang anumang wika sa Filipinas na maging saligan ng isang pambansang wika, ano ngayon ang marapat maging wikang pambansa? Ingles? Posible. Kung susundan ang baluktot na lohika ni Nolasco, multilingguwalismo ang dapat manaig, ang halo-halong wika na walang tiyak na gramatika, palabaybayan, at palaugnayan na pawang ibinatay sa iba’t ibang wika at mahihinuhang ipinadron sa Ingles. Mahihinuha rito na sa pagsusulong ni Nolasco ng kaniyang kakatwang bersiyon ng multilingguwalismo, ang nakikinabang ay ang Ingles na siyang ibig gawing midyum sa pagtuturo sa buong bansa at isinusulong ni Kalihim Jesli Lapus at binasbasan ng Malacañang.

Kung Filipino ang wikang pambansa, ayon sa Saligang Batas ng 1987, ang wikang ito—anuman ang pinag-ugatang wikang taal sa Filipinas—ang dapat pinagyayaman ng KWF at hindi ibinibingit lagi sa kontrobersiya ng salungatang Filipino vs. Lalawiganing Wika at Ingles. Sa layong isulong ang diwa at sariling bersiyon ng multilingguwalismo, itinatampok ni Nolasco ang Filipino na kaantas lamang ng mga lalawiganing wika imbes na palaganapin ang Filipino bilang wikang pambansang katuwang ng mga lalawiganing wika. Ang ganitong asta ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay mapanghati (i.e., divisive) sa pangarap na itaguyod at linangin ang isang pambansang wikang magagamit ng sambayanang Filipino.

Dumako pa si Nolasco sa pagtutuon sa “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino.” Heto ang kaniyang pahayag:

(8)        Ang “Tagalog.” “Pilipino,” at “Filipino” ba ay magkakaibang wika?  Hindi.  Ang isang nagta-Tagalog o nagpi-Pilipino ay nauunawaan ng sinumang nag-fi-Filipino,  at vice versa.  Ang mga tagapagsalita ng tatlong diumano’y magkaibang barayti ay gumagamit ng parehong gramatika.  Magkapareho ang ginagamit nilang mga pantukoy (ang, ng at sa);  mga panghalip-panao (siya, ako, niya, kanila, atbp.) panghalip-panturo o pamatlig (ito, iyan, doon, atbp.); pang-ugnay (na, at at ay); kataga o paningit (na, daw at pa);  at panlaping makadiwa -in, -an, i- at -um-.   Sa madaling sabi,  walang siyentipikong batayan para klasipikahin ang “Tagalog”, “Pilipino” at “Filipino” na magkakaibang wika.

(9)        May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.   Para sa kanila, ang pulong at guro ay salitang Tagalog samantalang ang miting at titser ay salitang Filipino.  Gayon man, ang panghihiram ng salita ay hindi mapagkakatiwalaang batayan sa pag-iiba ng wika sa diyalekto. Lansakan ang ginawang “panghihiram” ng Zamboangueño (Chavacano) sa Espanyol subalit nakabuo ito ng ibang gramatika.  Hindi ito mauunawaan ng mga Espanyol, at dahil dito ay nararapat na ituring  na magkaibang wika.

Inuri ni Nolasco ang “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino” na magkakapareho, at iniugnay niya sa pagsusuri ang paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga. Ang ganitong simplistikong pagsusuri ay hindi nagsasaalang-alang sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa na dumaan sa yugto ng pagbubuo, paggamit, pagpapalaganap, at pagtanggap ng sambayanan. Ang ginawang batayan lamang ni Nolasco ay mula lamang sa pananaw ng lingguwistika na isang malaking pagkukulang. Ang Tagalog na lumaganap noong bungad ng siglo beynte ay iba sa “Pilipino” noong dekada 1960, at lalong iba sa testura ng “Filipino” ng siglo 21. Mababatid ito kapag sinuyod nang maigi ang mga lumabas na panitikan, gaya sa nobela, kuwento, tula, at dula mula sa iba’t ibang panahon. Halimbawa, iba ang Tagalog ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos kung ikokompara sa Pilipino ni Amado V. Hernandez sa Mga Ibong Mandaragit at itatambis sa Filipino ng Oriental ni Rio Alma. Kung nagkakapareho man ang gamit ng pantukoy, panghalip, at kataga ay dahil sa ginawang batayan ang Tagalog na maging haligi ng pambansang wika na malaya at handang tumanggap ng mga salita mula sa ibang wika. Dagdag pa, nagbabago ang Filipino kahit sa paraan ng asimilasyon, sa gramatika at palaugnayan, sa pagpapakahulugan at pagpapahiwatig, at humahalo kahit ang “Ingles na Tinagalog” na Ingles ang padron ng pagkakabuo ng pangungusap ngunit ang ginagamit ay wikang Tagalog. Ang paggamit ng pamantayan ng paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga para sabihing magkapareho lamang ang “Tagalog” at “Filipino” ay isang malaking pagkakamali; at sinasadyang ihiwalay at itago ang iba pang aspektong may kaugnayan sa wika para palabasing totoo ang gayong pahayag alinsunod sa pananaw ng lingguwistang gaya ni Nolasco.

Tumuloy pa si Nolasco sa kaniyang pagpuna na “May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.” May katotohanan ito, ngunit kulang ang pahayag ni Nolasco. Ipinapalagay sa sinabi ng butihing komisyoner na ang Tagalog ay iisa lamang ang tabas ng wika, na ang Tagalog ay Tagalog ding lumalaganap sa Bulakan, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Rizal, at Palawan. Ang Tagalog Rizal ay iba sa Tagalog ng Bulakan o Batangas, at maihahalimbawa ang uri ng Tagalog ni Raul Funilas na mulang Binangonang nakapaloob sa Halugaygay sa Dalampasigan, kompara sa Tagalog ng nobelistang si Jose Munsayac na taga-Bulakan. Binabanggit ang pagiging “purista” ng Tagalog alinsunod sa lugar na pinagmumulan nito at ayon sa pinagmumulang dalumat, pakahulugan, at pahiwatig ng mga taal na salita. Ang binanggit na halimbawa ni Nolasco hinggil sa Chavacano na lansakang nanghiram ng mga salitang Espanyol ngunit nakabuo ng kakaibang gramatika ng Zamboangeño ay maituturing na pag-aangkin. Hindi lamang Chavacano ang gumawa nito. Ang pag-aangkin ay matagal nang ginagawa noon ng Tagalog at siyang ipinagpapatuloy sa Filipino, kaya ang salitang “titser” at “miting” ay maituturing nang inangkin ng Filipino, gaya lamang ng “bintana” o “sibuyas” o “kudeta.”

Ang maganda kay Nolasco ay bihasa siya sa meme. Inuulit niya ang mga salita, paniniwala, at konsepto ng ibang tao nang walang kamalay-malay, at ipinapalagay niyang kaniya lamang ito. Heto ang iba pang pahayag niya:

Ang iba’t ibang kultura at wika sa Pilipinas ay nagkakaloob sa atin ng hindi matutuyuang balon ng mga katutubong konsepto at bokabularyo.  Halimbawa,  ang gásang ay Sebwano para sa “coral” at ang kagasángan ay lokal na termino para sa “coral reef”.  Ang payew o payaw ay siyang tawag sa rice terraces o mga palayang inukit sa mga bundok sa Cordillera. Kung magpapatuloy tayo sa paggamit ng mga terminong Ingles para sa ganitong mga konsepto,  o magkakasya na lamang sa ponetikong baybay  (koral rif), o salin (hagdan-hagdang palayan),  mamamatay ang lokal na termino.  Kailangan nating itaguyod ang paggamit ng katutubong mga konsepto sapagkat kailangang irepresenta ng wikang pambansa ang karanasang pambansa.  Ganitong-ganito ang itinatadhana ng ating saligang batas na paraan upang linangin ang Filipino.4  Kung ito ay isang uri ng purismo, ito ang purismo na itinataguyod ko.

Ang purismong inaayawan ko at inaayawan ng mamamayan ay iyong  nagluwal ng mga salitang gaya ng  salumpuwit at salipawpaw.  Ang salumpuwit ay pinaikli ng “pangsalo ng puwit,”  at ang salipawpaw ay nanggaling sa “sasakyang lumilipad sa himpapawid.”  Inimbento ang mga salitang ito noong mga 1960 para gawing “puro” ang wikang pambansa.  Sapagkat palasak na ang silya at eroplano,  ang ganitong uri ng purismo ay  itinakwil ng ating mamamayan.

Ang pahayag na ito ng punong komisyoner ay hindi na bago. Matagal na itong ginagawa ni Virgilio S. Almario kahit hindi pa siya itinatanghal na Pambansang Alagad ng Sining, o nina Zeus Salazar, Prospero Covar, Virgilio Enriquez, at iba pang eksperto sa kani-kaniyang larang. Ang pagkakaiba lamang, nauna sina Almario at iba pa sa mga pahayag ni Nolasco. Bukod sa “gasang” ay ginagamit na sa tula ang “tangrib” na mula sa Iluko at ipinaloob na sa Filipino. Matagal na ring ginagamit ang “payyo,” “payaw,”  at “payew,” hindi lamang sa tula at kuwento kundi kahit sa ibang babasahing nasusulat sa Filipino subalit kataka-takang hindi ito binanggit ng butihing komisyoner. Kahit ang pag-ayaw ni Nolasco sa uri ng purismong Tagalog sa gaya ng “salumpuwit” ay hindi orihinal at matagal nang binanatan ni Almario. Ang masaklap ay hindi marunong lumingon si Nolasco sa nakaraan, at para bang siya ang nagpasimuno ng gayong pagpapayaman ng wika. Ang hindi naisip ni Nolasco ay ang henyo ng pagtatangka ng umimbento ng sariling katawagan para gamitin sa diskurso ng Filipino. Ang pag-imbento ng salita ay hindi dapat ikahon at patayin sa taguring “purismo.” Ang gayong pagtatangkang umimbento ng salita na hango o halaw sa malig ng Tagalog o iba pang lalawiganing wika—na bukod pa sa mga balbal na salita—ay isang rebolusyonaryong hakbang sa isang banda at paglihis sa gahum ng Ingles, samantalang pinaiigting ang sariling wika, dahil sinisikap ng gumawa niyon na lumikha ng salitang maaaring maging batayan ng diskurso ng Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Nagiging katawa-tawa ang “salumpuwit” o “salipawpaw” o “salungsuso” dahil ang ginagamit na batayan sa paglitis niyon ay ang pinaghiramang salita mula sa Ingles o Espanyol.

Hindi pa rito nagwawakas ang pahayag ni Nolasco. Pansinin ang mga talatang ito:

Kung gayon, bakit natin kinailangang baguhin pa ang pangalan buhat sa “Tagalog,”  patungo sa “Pilipino” at pagkatapos sa “Filipino”?

Ang mga dahilan ay may kinalaman sa katwirang pang-sosyo-linguistika.  Ang dati rati’y wika lamang ng  Katagalugan ay lumaganap na sa buong kapuluan at naging wika na ng sambayanang Pilipino.  Mas marami nang nagsasalita ng Tagalog na hindi taal na Tagalog.  Batay sa sensus ng 2000,  9 sa 10ng Pilipino ang nakapagsasalita at nakauunawa ng Tagalog,  magkakaiba nga lamang ang antas ng kasanayan. Sa dulong hilaga man ng Batanes hanggang sa dulong timog ng Tawi-Tawi, ay may nagsasalita ng wikang pambansa. Sa pamamagitan ng wikang pambansa ay nagkatotoo na ang komunikasyong inter-etniko.  Salamat sa TV, radyo,  romance novel, komiks,  paglilipat-tahanan at sistemang pang-edukasyon. Hindi ang lehislasyon kundi ang aktuwal na praktika ng sambayanang Pilipino ang siyang lumutas sa isyu ng wikang pambansa.

Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika.  Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog.  Ang mga di-taal na tagapagsalita ng Tagalog ay naiimpluwensiyahan ng palabigkasan at gramatika ng kanilang unang wika.  Halimbawa, ang salitang manî (may impit na tunog sa hulihan) ay binibigkas na maní (walang impit na tunog) ng maraming Ilokano kapag nagta-Tagalog sila.  Hindi nakapagtataka at nagsulputan sa buong bansa ang mga baryedad pangrehiyon ng Tagalog.  Tinatanggap at kinikilala na ang mga ito na lehitimong bahagi ng wikang pambansa.  

Ang Ingles ay pangalawang wika rin ng maraming Pilipino.  Sa paniwala ng iba,  higit itong prestihiyoso kaysa Filipino.  Ayon sa surbey noong 2008 ng Social Weather Stations, 3 sa bawat 4 na  Pilipino (75%)  ang nakakaunawa at nakakabasa sa Ingles.  Dalawa sa bawat tatlong Pilipino (61%) ang nagsabing nakakasulat sila sa Ingles at halos kalahati  (46%) ang nagsabing nakakapagsalita sila nito.  

Ito ang magpapaliwanag bakit pinaghahalo ng mga Pilipino ang Ingles at Tagalog.  Kilala ito ng marami sa penomenon na “Taglish.”  Sa ilan, ito ay kapag sinimulan mo sa Ingles o Tagalog ang pangungusap,  tapos you switch to another language sa parehong pangungusap.  “Taglish” din ang tawag kapag ginagamit mo ang gramatika ng Tagalog kasabay ng bokabularyo ng Ingles. 

Ang pagbabago ng “Tagalog” tungong “Filipino” ay hindi lamang may kaugnayan sa sosyolingguwistika, ayon sa paniniwala ni Nolasco. May kaugnayan din iyon sa politikang pangkultura, na umuuri sa ugnayan ng kapangyarihan sa lipunan. Hindi makausad ang “Filipino” dahil laging ipinapantay ito sa “Tagalog” na ang labas ay nagmumukhang baryedad lamang ng Tagalog ang Filipino. Hindi makausad ang “Filipino” dahil ang wika ng pamahalaan, batasan, hukuman, negosyo, at akademya ay “Ingles.” Hindi makausad ang “Filipino” dahil kulang na kulang kahit ang pabliser na magsusugal na maglathala ng mga babasahing nasusulat sa Filipino, at higit na pipiliin ang umangkat ng mga babasahing Ingles mula sa ibang bansa. Ang binabanggit kong politikang pangkultura ay makikita kahit sa pagsasagawa ng sarbey, na gagamitin ang “Tagalog” kahanay ng “Ingles,” “Sebwano,” at iba pa ngunit kakaligtaan ang “Filipino” na isang malaking pagkakamali at pagpatay sa simulaing itaguyod ang isang pambansang wika. Marahil, dapat payuhan ang gaya ng National Statistics Office o National Book Development Board o Social Weather Station o WordPress o Google na gamitin sa kanilang sarbey ang salitang “Filipino,” at ibukod ito sa mga lalawiganing wika at wikang internasyonal na Ingles, dahil buong bansa ang sangkot dito.

Kakatwa kahit ang paraan ng pahayag ni Nolasco: Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika.  Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog.  Ipinapantay wari niya ang Tagalog sa Filipino, at inuuri ang Filipino na parang Ingles bilang “ikalawang wika,” at sa tabas ng kaniyang pananalita’y Tagalog ang Filipino na binago lamang ang taguri. Ang binanggit niyang dalawang porsiyento lamang ang taal na Tagalog ay hindi malinaw kung ano ang ikinatangi sa gumagamit ng wikang Filipino. Malabo rin ang pakahulugan niya ng “ikalawang wika” at mahihinuhang ang ginawang batayan na naman ay pamantayang lingguwistika ng Ingles. Ang ganitong kalabuan, na nagmumula sa bibig ng pansamantalang punong komisyoner ng KWF, ay mapanganib dahil pailalim nitong minamaliit ang Filipino sa kakayahan nitong tumindig bilang pambansang wikang tulay sa pagitan ng mga lalawiganing wika.

Binanggit din ni Nolasco ang sarbey ng SWS na higit na prestihiyoso ang paggamit umano ng Ingles, ngunit hindi niya nilinaw kung itinapat ba iyon sa wikang Filipino, o baka naman sa Tagalog lamang na itinuturing na lalawiganing wika. Sa aking pagkakaalam, ang sarbey ay nakatuon sa Tagalog, at hindi sa Filipino. Hindi rin mapagtitiwalaan ang sarbey na nagsasabing 75 porsiyento ng Filipino ay nakababasa at nakauunawa ng Ingles. Ang hindi inalam sa sarbey ay kung ano ang uri ng lathalain ang binabasa ng mga tao, at kung gaano kalalim ang pagkakaunawa nila hinggil dito. Mahalaga ito upang mabatid ang antas ng diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng Ingles, kung ihahambing sa diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng wikang Filipino.

Sablay din ang konklusyon ni Nolasco hinggil sa pagsulpot ng “Taglish.” Ang usapin ng Taglish o paghahalo ng Tagalog at Ingles ay hindi lamang may kaugnayan sa wika at lingguwistika, kundi maging sa politikang pangkultura. Maituturing ang paglitaw ng Taglish bilang reaksiyon sa patakarang kolonyal ng Amerika na pinalaganap sa buong Filipinas, at ang Tagalog noon, na lumaban sa paglaganap ng Ingles, ay gumawa ng paraan upang angkinin ang Ingles, at gamitin para sa kapakinabangan ng Filipino. Makikita ito sa paglalaro nina Julian Cruz Balmaseda, Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, at Ildefonso Santos hanggang mga blogista ng panahong ito. Bagaman hindi katanggap-tanggap ang Taglish sa mga purong Inglesero, ang Taglish na ito ay lumikha ng mga tagasunod mulang subkultura sa mga kolehiyo at klub hanggang mass media at iba pang lunan. 

Wika at Nasyonalismo
Ang problema kay Nolasco ay lumilikha siya ng opinyon mula sa pira-pirasong pagsipi hinggil sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino. Heto pa ang kaniyang pahayag:

Noong mga 1930, pinili ng pamahalaang Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa.  Dahil dito, naging opisyal at de facto na wikang pambansa ang Tagalog.  Magiging sagisag daw ito ng ating kabansaan, gaya ng pambansang watawat at pambansang awit.  Pagyayamanin daw ito batay sa MGA wika ng Pilipinas, pero nakasaad din sa batas ang “pagpapadalisay” dito.8

Bahagya lamang ang totoo sa sinipi ni Nolasco. Una, hindi naman basta pinili lamang ng administrasyon ni Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Lumalabas sa pahayag ni Nolasco na diktador ang administrasyon ni Pang. Quezon at hindi na makapapalag pa ang ibang tao. Ang nakaligtaang banggitin ni Nolasco ay nagkaroon ng konsultasyon sa iba’t ibang eksperto na pawang kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Institute of National Language, at matapos ang masusing deliberasyon ay saka pinili batay sa datos at saliksik ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Mali rin ang pagbasa ni Nolasco sa pagpapayaman sa Tagalog. Binanggit na payayamanin ang Tagalog batay sa mga umiiral na wika sa bansa, ngunit lilisain ang “di kinakailangang banyagang termino, salita, at konstruksiyon.” Ano ang masama rito? Hindi isinaalang-alang ni Nolasco na iba ang lagay ng Tagalog noon na nagsisimula pa lamang.  Kailangang maipon muna ang malig ng mga salita sa Tagalog upang sinupin ang mga “banyagang salita” (i.e., internasyonal na wika) na pumapasok sa korpus ng Tagalog. Lumabas ito sa serye ng mga pulong sa INL, at isa si Iñigo Ed. Regalado na nagpanukala sa pagpapalago ng kaban ng Tagalog at iba pang wika. Ang pagkokompara, samakatwid, ng Tagalog sa Filipino ngayon—na kumapal na ang korpus at naisayos na kahit paano ang pagtanggap ng mga banyagang salita—ay isang kaululan.

Ang problema sa papel ni Nolasco ay patalon-talon ang argumento, ngunit hindi ko sasabihing baliw ang paraan ng kaniyang pangangatwiran. Binuksan niya ang usapin hinggil sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa ngunit mag-iiwan naman ng mga puwang na ipinapalagay niyang tatanggapin nang buo ng mga mambabasa. Nilaktawan ni Nolasco ang talakay noong panahon ng pananakop ng Hapones at pagkaraan ay gagamiting halimbawa iyon bilang argumento sa pagiging “nasyonalista” na hindi dapat umanong ilapat o ikabit sa wikang Filipino. Isa itong kaululan. Totoong nagpakana ang Hapon na palaganapin ang wikang Nihonggo sa buong bansa, ngunit kulang ang mga titser noon at kaya kinakailangang sanayin ang mga tao na puwedeng magturo ng Nihonggo. Nabigo ang patakaran ng Hapon, at pagkaraan ay binuo ang Pambansang Lupon ng Edukasyon na kinabibilangan nina Jorge Bocobo, Francisco Benitez, at Mariano de los Santos upang gumawa ng sarbey at pag-aaral hinggil sa sistema ng publiko at pribadong edukasyon sa bansa. Lumabas sa kanilang pag-aaral ang kahalagahan ng paggamit ng isang wikang pambansa, at ang malaganap na pagtuturo nito sa lahat ng antas ng paaralan. Sa panayam ni Teodoro Agoncillo kay Pang. Jose Laurel, sinabi nitong “walang layong patayin ang mga katutubong wika” sa paggamit ng isang pambansang wika, bagkus maging tulay ng pagpapahayag sa puwang sa pagitan ng mga lalawiganing wika. Halimbawa, ani Laurel, ang Ilonggo na hindi makapagsalita ng Kapampangan ay maaaring gamitin ang pambansang wika upang maunawaan siya ng taga-Pampanga, at iba pa.

Dapat isaisip ni Nolasco na ang administrasyon ni Pang. Laurel ay nasa yugto ng digmaan, at iba ang kalagayan ng mga tao na dumanas ng lagim ng karahasan at kahirapan. Ang isang wikang pambansa ang isang makapangyarihang kasangkapan upang pagbuklurin ang lugaming bansa—at ito ang kapuri-puri sa ginawa ni Pang. Laurel—at nang maihatid nang mabilis ang mga kinakailangang impormasyon at serbisyo sa sambayanan. Ang administrasyon ni Laurel ay hindi masasabing sunod-sunurang tuta lamang ng mananakop na Hapones  (at tatanga-tanga sa pagkasangkapan sa nasyonalismo) bagkus nagsikap din iyong gumawa ng mga hakbang upang maipasok ang usapin ng kalayaan at pagsasarili, kahit man lang sa panig ng edukasyon at pagpapalaganap ng wika. Kaya kung iugnay man ang “pambansang wika” sa “nasyonalismo” ay hindi dapat sipating kahinaan sa panig ng Filipino. Dapat pa ngang ipagmalaki ito, dahil ang pambansang wikang ibinatay sa Tagalog ay malaki ang naging ambag para pagkaisahin ang mga Filipino, at buhayin ang kanilang loob, saanmang lalawigan sila nagmula.

Hindi ko na papatulan ang kronika ni Nolasco hinggil sa ebolusyon ng wikang pambansa dahil pagsasayang lamang iyon ng laway. Ang nais ko lamang ipakita rito ay kung paano binabaluktot ni Nolasco ang kasaysayan at impormasyon, upang iangkop sa nais niyang maging patakaran ng KWF. Heto pa ang pahayag niya:

Paano natin pahahalagahan ang ating mga wika?

Kailangan nating baguhin ang ating saloobin tungkol dito.  Ituring nating yaman sa halip na pabigat ang ating mga lokal na wika at ang dibersidad pangwika sa Pilipinas. Itakwil natin ang mga maling hakahaka gaya ng huwad na mga argumentong “nasyonalista”. Huwag nating paglabanin ang lokal na wika at ang wikang pambansa.  Huwag nating paglabanin ang Ingles at Filipino.  Kailangan natin ang isang wikang pambansa pero kailangan din natin ang ating mga lokal na wika at ang mga wika ng lalong malawak na talastasan (i.e. Ingles at Español).  Sa pamamagitan ng mga wikang ito, nabubuo natin ang ating etnisidad at kasabay nito ay nakikilala ang ating pagka-mamamayan ng bansa at ng daigdig.  Sabi nga,  mag-isip nang global at kumilos nang lokal.

Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan.14  Napatunayan nang sa pamamagitan ng mga wika ng tahanan at  lokal na kultura ay napapadali ang pagkakatuto ng bata sa eskuwelahan.  Nagsisilbi ring tulay ang mga ito upang epektibong kabisahin ang ibang wika, gaya ng ipinakita sa Lubuagan.  Nagkakaroon ng paggalang sa sarili ang isang mag-aaral kung ang kanyang mga karanasan at ang wikang ginagamit niya sa pagpapahayag ng mga iyon ay tinatanggap o kinikilala.  Mula sa kaalamang ito, ang bata ay natututo, nakapagdaragdag ng bagong mga konsepto at nakakabuo ng mas malalim at  abstraktong ideya.

Ang katutubong mga sistema ng kaalamang nakaimbak sa mga lokal na wika ay nagkokomplemento sa ating kaalaman sa agham at teknolohiya ng Kanluran.  Ang pinagsamang kaalamang ito ay tumitiyak na ano mang kaunlarang maidudulot nito ay magiging pangmatagalan at makakalikasan.

Ang tunay na nagmamalasakit sa Filipino bilang wikang pambansa ay hindi kailanman iniisip na magiging hadlang ang paggamit ng mga lalawiganing wika para sa kapakinabangan ng isang solidong pambansang wika. Ang mga tumututol lamang sa pagkakaroon ng wikang pambansa rito ay ang ilang demagogong Inglesero, Sebwano, at Bikolano, at makikita ito kahit sa patakaran ngayon ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).  Kaya ang pahayag ni Nolasco sa itaas ay bahaw na bahaw, at inulit lamang ang dating hinagpis na nagmula rin sa hanay ng mga tunay na taliba ng wika. Kaya lamang nagkakaroon ng labo-labo ngayon hinggil sa wikang pambansa ay dahil na rin sa maling priyoridad ni Nolasco bilang pansamantalang komisyoner ng KWF. Ibig niyang isulong ang multilingguwalismo ngunit pailalim na pinahihina ang Filipino bilang wikang pambansa. Ang mga pangamba ni Nolasco na maging purong Tagalog ang Filipino ay isang haka-haka lamang na walang batayan, at kathang-isip na naging halimaw na siyang kinatatakutan mismo ng butihing komisyoner.

Ang sinipi ni Nolasco mula kay Rep. Magtanggol Gunigundo na, “Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan,” ay hindi na dapat pang pagtalunan. Karapatan nila iyon. Ngunit ang pagturing sa Filipino na parang Ingles ay isang mabuway na pagpapahalaga. Ang Filipino bilang wikang pambansa ay makatutulong sa anumang wikang kinagisnan ng bata upang lalo siyang matuto. Magkalayo ang polong pinagmumulan ng Ingles kompara sa Filipino, at ang Anglo-Amerikanong tradisyong taglay ng Ingles ay hindi kasinghusay ng tradisyong Filipinong mataas ang uri ng paghihiwatigan at pagpapakahulugan kung ilalapat o kakasangkapanin sa kaligiran ng Filipinas.

Mapanganib ang mga pahayag ni Ricardo Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang mga sablay niyang pahayag ukol sa Filipino ay hindi ko iisiping naaanggihan ng Summer Institute of Linguistics na sinisipat ng ibang kritiko na pumapabor sa patakarang kolonyal ng Estados Unidos. Subalit ibang usapan na ito, na nangangailangan ng ibang talakayan at inuman. Ano’t anuman, malaya ang Malacañang na hirangin muli si Nolasco bilang punong komisyoner ng KWF, nang di-alintana ang nagbabadyang sigwa sa loob at labas sa Malacañang.

Para sa kaugnay na artikulo, basahin ang Lily Pad ni Ninotchka Rosca na may akdang pinamagatang “The Language of Ourselves.”