Ang Puwesto sa Kalooban, ni Papa Juan Pablo II

Salin ng “The Place Within,” ni Papa Juan Pablo II (Karol Wojtyla)
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Puwesto sa Kalooban

. . . . . . .Nasa iyo ang aking puwesto, ang iyong puwesto ay nasa akin. Ngunit ito ang puwesto ng lahat ng tao. At hindi ako napabababà nila sa puwestong ito. Nakahihigit ako nang mag-isa—nakahihigit kung wala nang iba pa—nag-iisa ang katauhan. Gayundin, ako ay napararami nila sa Krus na nakatindig sa lugar na ito. Ang pagpaparaming ito nang hindi nababawasan ay nananatiling misteryo: ang Krus ay sumasalungat sa agos. At doon, marami ang umuurong sa harap ng Tao.
. . . . . . .Para sa iyo—paanong naging ganap ang Krus?
. . . . . . .Ngayon, hayaang maglakad tayo sa makikitid na baitang na tila ba tunel na naglalagos sa dingding. Silang naglakad sa dahilig ay huminto sa pook na kinaroroonan ng láha. Hinirang ang iyong katawan at isinilid sa libingan. Sa pamamagitan ng iyong katawan ay nagkaroon ka ng lugar sa mundo, ang papalabas na pook ng katawan na ipinagpalit mo para sa pook sa kalooban, at nagwika: “Kunin ninyong lahat ito at kainin.”
. . . . . . .Ang radyasyon ng gayong lugar sa kalooban ay kaugnay ng lahat ng papalabas na pook sa Mundo na dinaluhan ko sa peregrinasyon. Pinili mo ang lugar na ito ilang siglo na ang nakalilipas—ang pook na ibinigay mo ang iyong sarili at tinanggap ako.

Wala sa Loob, ni Naomi Shihab Nye

Salin ng “Missing It,” ni Naomi Shihab Nye ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wala sa Loob

Noong tinedyer ako, nagbiyahe ang pamilya ko nang ilang daang milya mulang Texas hanggang Grand Canyon, huminto sa maliliit na motel at kainan sa Route 66, para bumili ng tsaa at lemonadang nasa malalaking baso na makapagpapasigla. Para sa akin, dapat na nagbasá na lamang kami ng mga aklat-patnubay hinggil sa Grand Canyon sa loob ng kotse, ngunit nagbasá yata kami ng mga nobela, diyaryo, at magasin, at si Nanay ay patuloy sa pagsagot sa mga palaisipang krosword, at malimit tanungin kami hinggil sa mga esoterikong tatluhang-titik. Sa himpilan sa gilid ng lansangan, isang putakti ang kumagat sa leeg ng kapatid kong lalaki. Aniya’y bubuyog iyon, ngunit ang nakita ko’y PUTAKTI. Namagâ ang leeg niya. Nabahalà ang mga magulang namin. Hindi pa siya nakarating sa langit, gayunman, gaya noong minsang kagatin ako sa leeg ng PUTAKTI. Nang sumapit kami sa aming destinayon, namalayan kong nakayakap ako sa malambot, mamasâ-masâng unan doon sa likod ng sasakyan at nananakit ang ulo. Niyugyog ako ni Tatay, at pinabangon para sumilip at tumanaw, at sa isang saglit ay hindi ko matandaan kung nasaan kami at kung bakit naroon. Mahilo-hilo ako sa alimpungat at gusót ang mga damit. Pasuray-suray akong naglakad sa gilid ng Great View at napansin ang isang lalaki doon sa ibaba na hila-hila ang nakataling rakún. Napukaw ako nito. Waring nakatingin sa nakalululang tagaytay ang rakún, na nakangusò. Luminga-linga ito at umamoy-amoy, umupo nang tila nag-iisip, at pinagdaop ang harapang mga paa. Tahimik akong pumaling sa kanilang direksiyon. Umusal sa rakún ang lalaki, gaya ng “Nakatanaw na ba tayo nang higit na maganda pa rito, kaibigan?” At tumingala ang rakún sa kaniya at ngumiti. Lumikot marahil ang guniguni ko mula sa pangingirot ng ulo. Kumaway ako sa aking pamilya para samahan ako sa kinalulugaran, ngunit lumipat sila ng puwesto, tungo sa higit na magandang anggulo sa pagitan ng mga punongkahoy. Narinig ko ang sigaw ng aking nanay, “Ang lalim! Anung lawak!” Subalit marami akong tanong na ibig ipukol sa lalaki, gaya ng “Gaano na kayo katagal magkasáma, saan mo siya nakuha, naiisip mo bang ibalik siya sa kaniyang lipi, ngumiti ba talaga siya,” atbp. Napatitig na lámang ako tungo sa pagmumuni sa malayo. Hindi magandang sirain pa ang tagpo. Pagkaraan, habang nagmamaneho pauwi, nagtatalo ang pamilya ko kung dapat na lumusong sa tagaytay sakay ng asno o hindi, kung dapat bang bumisita sa higit na maraming magandang tanawin o maglakad nang may patnubay, kung dapat na nagtagal kami sa pamamasyal, humanap ng motel na matutuluyan, at kung ano-ano pa. Nabatid kong ni hindi ko napansin ang mga saráy ng bato, o ang buong lawak ng Grand Canyon. Nakita ko lámang ang rakún.

Kahit magunaw ang bundok, ni Jacques Dupin

Salin ng “Même si la montagne,” ni Jacques Dupin ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kahit na magunaw ang bundok

1
. . . . . .Kahit na magunaw ang bundok, at magpatayan ang mga nakaligtas . . .
Matulog, pastol. Hindi mahalaga kung saan. Matatagpuan kita. Katumbas
ng pagtulog mo ang pagtulog ko. Nanginginain ng damo sa dalisdis
ang kawan. Sa matarik na dalisdis ay nanginginain ang kawan ng hayop.

2
. . . . . .Sa labas, pumalit ang imbakan ng patay sa kama ng ilog na tinabunan ng lupa.
Ang bato, na nahubdan ng mga dahon, ang kapatid ng matalik na ulap.
Nauuna sa hula ang pangyayari, dinadagit ng ibon ang kapuwa ibon. Sa loob,
sa ilalim ng lupa, nagsisimula pa lamang maghasà ang aking mga kamay.

3
. . . . . .Nakasisindak ang nakikita ko ngunit walang imik. Ang winiwika ko,
ngunit lingid sa akin, ang nagpapalaya sa akin. Ang hindi nagpapalaya sa akin.
Sapat ba ang lahat ng gabi ko para lusawin itong sumasabog na liwanag?
O di-natitinag na mukhang nakikita, hinambalos ng bulag na puting hangin!

4
. . . . . .Tumatanggi sa aking tali ang bungkos. Sa ganitong infinito, unanimong
disonansiya, bawat búsal ng mais, bawat patak ng dugo, ay nagsasalita sa wika
nito at lumilisan. Ang sulô, na tumatanglaw sa bangin, at nagsasara rito,
ay siya ring bangin.

5
. . . . . .Itinihaya mo ang sudsod nang malasing, napagkamalang talà ang lipyà,
at sumang-ayon sa iyo ang lupa.
. . . . . .Matataas na ang talahib at hindi ko na alam kung naglalakad ako, hindi ko
alam kung buháy pa ako.
. . . . . .Mababang uri ba ang nangitim na lampara?

6
. . . . . .Di-maliparang uwak ang batuhang parang, gaya nitong di-makayang ligaya
na nagbibigkis sa atin, at hindi natin kahawig. Iyo ako. Nauunawaan mo ako.
Ang init na bumubulag sa atin . . .
. . . . . .Hinihintay tayo ng gabi’t pinasasaya, at muli nating bibiguin ang pag-aasam
nito upang magampanan niyon ang pagiging gabi.

7
. . . . . .Kapag imposible ang lumakad, nadudurog ang paa, hindi ang landas.
Nalinlang ka. Payak ang liwanag. At malapit ang buról. Kung sakali’t magkamali
akong kumatok sa pinto mo ngayong gabi, huwag magbukás. Huwag buksan ang pinto. Ang paglalaho ng mukha mo ang aking karimlan.

8
. . . . . .Upang maakyat ka, at naakyat kita—kapag ang liwanag ay hindi nasusuhayan
ng mga salita, kapag sumuray ito’t bumagsak—aakyatin ka muli. Panibagong
tuktok, panibagong mina.
. . . . . .Mula nang tumanda ang aking takot, kinailangan ako ng bundok. Kinailangan
nito ang aking mga bitak, ang aking mga bigkis, ang aking hakbang.

9
. . . . . .Paglalamay sa ituktok. Ang pagtangging bumaba. Ang hindi na manahimik.
Hindi libog o pagsukob. Ang pagdating at pag-alis nang ganap nasisilayan,
sa loob ng kumikitid na puwang, ay sapat na. Ang paglalamay sa ituktok
na hindi ko mapapasok. Ngunit palaging tinitingnan pababa. At hinahatak palapit.
Kaligayahan. Di-mawawasak na kaligayahan.

Ang Kahungkagan, ni G.M. Muktibodh

Salin ng tula sa wikang Hindi ni G.M. Muktibodh                                                    (Gajanan Madhav Muktibodh) ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,                          batay sa bersiyon ni Vinay Dharwadker

Ang Kahungkagan

May mga pangá ang kahungkagan sa kalooban,
mga pangáng taglay ang karniborong mga ngipin;
mga ngiping ngangasab, ngangata sa iyo,
mga ngiping ngangata sa iba pang tao. Kalikasan
ng tao na danasin ang taggutom sa kalooban,
na malimit na nagngangalít,
at ang karimlang papasók sa lalamunan nito
ay may sanaw na umaapaw sa dugo.
Anung sukdol itim ng kahungkagan,
barbariko, lastag, isinumpa, binusabos,
at lubos na magbuhos ng isip sa ginagawa.
Ipinakalat ko iyon, ipinamigay sa ibang tao,
nang taglay ang mga nag-aapoy na salita at gawa.
Ang mga tao na masasalubong ko saanmang dako
ay matatagpuan ang kahungkagang ito
mula sa mga sugat na inilatay ko sa kanila.
Palalaguin nila iyon, palalaganapin kung saan-saan
para sa iba pang tao,
at magpapalaki ng mga sanggol ng kahungkagan.
Napakatibay ang kahungkagan
at napakayamang bukirin. Kung saan-saan ito
nagpapasupling ng mga lagari, patalim, at karit
at nanganganak ng mga karniborong pangil.
Ito ang dahilan kung bakit saan ka man pumaling
ay may nagsasayawan, naghihiyawan sa galak—
Ang kamatayan ay nagsisilang ngayon ng bagong
mga anak.
Saanmang panig ay may mga talibang lagari wari
ang mga ngipin, at armado ng labis na pagkakamali:
Mariin, matiim silang tinititigan ng daigdig
na maglalakad habang pinagkikiskís ang mga palad.

Walang lagusan ang aking katawan, ni Maria Shkapskaya

Salin ng “Было тело моё без входа,” ni Maria Shkapskaya ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Walang lagusan ang aking katawan

Walang lagusan ang aking katawan, ngunit
nakalapnos sa akin ang itim na usok:
Yumukod siya’t lumukob sa katawan ko—
ang sungayang kaaway ng sangkatauhan.

Pumikit ako’t nilimot ang angking dangal.
Ibinukás sa kaniya’y buong loob ko
upang ang pusón ko’y magkabinhi’t umumbok
at isilang ang anak kong kaibig-ibig.

Matututuhan ng Magkasintahan, ni Cirilo F. Bautista

Salin ng “Lovers Learn,” ni Cirilo F. Bautista ng Filipinas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Matútutúhan ng Magkásintáhan

(para kay Arlene Babst)

Matútutúhan sa maláo’t madalî ng magkásintáhan
ang mapangánib na heograpíya ng pag-íbig
yámang ang síning ng págmamahál ay nakáraráos
úpang ipaliwánag ang intríga ng kirót ng loób,
ang tuwâng ni hindî kailanmán malilímot.
Mga karagatán, madidilím na bundók at halamanán,
mga ílog na hitík sa isdâ, mga ílog na walâng lamán
gáya ng pangárap—
pinupunô nitó ang mga puwáng sa mga mápa
ng mágsing-írog, naglalátag ng marikít na gayúma
at mabalásik na bítag.

Pinipigâ ng paglalakbáy ang pusò at kasarián
dáhil káyang sunúgin ng áraw ang mga damuhán,
at káyang lapátan ng mga kúlay ang kahuyán,
ngúnit ang túnay na pag-íbig ay naglalákbay at bulág
sa pahiwátig at pelígrong bumabaón sa ulirát,
nagpapatúloy itó at sumusúlong, hindî umíiyák
at nagpapatúloy, sumusúlong, lumalagô, tumatatág.

Ano ang Mangyayari, ni June Jordan

Salin ng “What Happens,” ni June Jordan
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ano ang Mangyayari

Ano ang mangyayari kapag inupuan ng aso ang tigre
kapag ang matabang lalaki’y nagbenta ng retrato niya
kapag ang dalaga’y itinusok sa loob niya ang espada
kapag ang elepante’y kumuha ng tasa sa estante

o ang higante’y nagsimulang humagulgol nang lubos
at ang malaking oso’y humulagpos ang pagkakakapit
o ang akrobat ay nagsimulang magpaimbulog
at ang mga gorilya’y nagsitakbuhan sa mga hagupit

Ano ang magaganap kapag umupo sa silya ang bata
at manood sa lahat ng aksiyon doon sa lupa at langit
o kapag ang mga paslit ay iniwan ang pinakadakilang
pagtatanghal sa daigdig
at panoorin ang sirkus?

Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping.