Lorelei, ni Heinrich Heine

salin ng “Lorelei,” ni Heinrich Heine [Christian Johann Heinrich Heine]
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ganap akong bigong hanapin ang ugat
Kung bakit ba ako’y balisa’t malungkot;
May isang kuwentong ako’y binagabag
at hanggang paghimbing ay nambubulabog.

Malamig ang simoy noong agaw-dilim
At ang agos sa Rhine ay sadyang tahimik;
Ang tuktok ng bundok ay taglay ang ningning
Ng araw sa gabing marahang napalis.

Doon sa itaas, marikit na nupo
ang kahanga-hanga’t basal na dalaga.
Lumantad sa tanaw ang lihim na ginto
na sa ulo niya’y may kinang ang hibla.

At sinuyod niya ng bulawang suklay
Ang malagong buhok habang umaawit
Ng himig na buo’t iba kung dumantay
Sa mga pandama sakali’t marinig.

Ang bangkerong sakay ng munting baroto’y
Tinuklaw ng lamlam na gumala-gala.
Ni hindi pinansin ang bato sa dulo
o proa ng bangka, siya’y tumingala.

Tila wawasakin ng along mabagsik
Ang bangka’t bangkero, wari nitong loob.
At iyon ang dahil ng muling pag-awit
Ng isang Lorelei, na sukdol ang rubdob.

"Lorelei," (1864), oleo sa kambas ni Eduard Jacob von Steinle

"Lorelei," (1864), oleo sa kambas ni Eduard Jacob von Steinle