Prowa at Kapanatagan, ni Tomas Tranströmer

Salin ng dalawang tula ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

May Kapanatagan sa Prówang Pasuwag

(There Is Peace in the Surging Prow)

Mararamdaman sa umaga ng taglamig kung paano bumunsod ang mundo.
. . . . . . . . . . . . . .Sumasalpok sa dingding ang agos-hanging
lumalabas sa pinagtataguan.

Pinaliligiran ng paggalaw: ang tent ng kapanatagan.
At ang lihim na manibela sa migrasyon ng kung anong kawan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Mga Kapritso

(Caprichos)

Dumidilim na sa Huelva: sumisipol ang maalikabok na palma at tren
sa nagkukumahog na paniking abuhing-puti.

Napuno sa mga tao ang mga kalye.
At ang babaeng nagmamadali sa lipon ng mga tao’y sinubok ang huling
. . . . . . . . . . . . . .  .liwanag sa timbangan ng mga mata niya.

Bukás ang mga bintana ng opisina: bughaw iyon. Maririnig ang yabag ng
. . . . . . . . . . . . . .  .kabayo sa loob.
Ang matandang kabayong may estampilyang mga paa.

Nahuhungkag ang mga kalye pagsapit ng hatinggabi.
Sa lahat ng opisina, madaranas sa wakas: bughaw yaon.
Doon sa itaas na espasyo:
Pakandi-kandirit nang tahimik, kumikislap at itim,
hindi nakikita at walang renda,
at itinilapon ang sarili nitong hinete:
Ang konstelasyon na tinagurian kong “Ang Kabayo.”

Alimbukad: World Poetry as hot as Philippine Coffee

 

Mga Mapa, ni Alberto Blanco

Salin ng “Mapas,” ni Alberto Blanco ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Mapa

. . . . . . . . . . . .I
Magsimula tayo sa pinakauna:
Ang Mundo ay hindi ang lupa ng mundo:
Hindi teritoryo itong isang mapa.
Hindi isang mapa itong teritoryo.

Ang mapa ay isang hulagway.
Ang mapa ay isang paraan ng pagsasalita.
Ang mapa ay kalipunan ng mga gunita.
Ang mapa ay representasyong proporsiyonal.

Ang apat na hangin, ang apat na ilog, ang apat na pinto, ang apat na haligi
. . . .ng mundo na walang pinag-uusapan ang mga mito kundi ang apat
. . . .na sulok ng mapa.

Bawat mapa ay isang hulagway, pintura, talinghaga, deskripsiyon. . .
Ngunit hindi bawat deskripsiyon, talinghaga, hulagway, o sa isang
. . . .kaso, hindi bawat pintura—dahil kailangan—ay mapa.
Bagaman maaaring maging gayon.

. . . . . . . . . . . .II
Walang saysay ang mapa—gaya ng winika ng pintor na Nabi Maurice
. . . .Denis sa lahat ng pintura—bagkus isang areglo ng mga anyo
. . . .at kulay sa dalawang-dimensiyong rabaw.

Kung ang buong teritoryo’y omohéneo, tanging hugis ng mga hanggahan
. . . .ng teritoryo ang mailalahok sa mapa.

Walang punongkahoy ang tumutubo sa mapa.

Ang mapa ng tunay na mundo’y hindi mababaw na guniguni kompara
. . . .sa guniguning mundo.

. . . . . . . . . . .III
Ang mapa’y wala kundi dalawang-dimensiyonal na representasyon ng
. . . .tatlong-dimensiyonal na mundo na dinadalaw ng multo: panahon.

Kung maimamapa natin ang tatlong-dimensiyonal na mundo sa dalawang
. . . .dimensiyon, posible ring maipama ang apat-na-dimensiyonal
. . . .na mundo sa tatlong dimensiyon.

Sa olográfikong mapa, ang panahon ay marapat na maimapa.

Gaya ng Mundong hindi humihintong magbago sa paglipas ng panahon,
. . . .ang kasaysayan ng mga mapa ay hindi humihinto sa kasaysayan.
Ang ídea natin ng espasyo ay nagbabago alinsunod sa mga pagbabago
. . . .sa ating ídea ng panahon.

. . . . . . . . . . .IV
Bawat mapa ay nagsisimula sa paglalakbay.
Ngunit ang bawat paglalakbay ba’y nagsisimula sa mapa?

Ang mapa ay sa paglalakbay kung ang mito ay sa wika.

Ang mga mapa, noon pa man, ay mga kuwento ng biyahe.
Nang lumaon, ang mga mapa’y tanawin sa gilid ng panganorin:
. . . .Mga biswal na salaysay.
At sa wakas, mula sa pananaw ng ibon: mga tulang heograpiko.

Ang mapa ay masining na manipestasyon ng tákot sa nalilingid.

 . . . . . . . . . . .V
Sipatin ang lupain mula sa itaas: kahambugan ng pekeng diyos.

Sa simula, ang mga mapa ng mundo ay kaagapay ng mga mapa
. . . .kalangitan.
Nang lumaon, ang mga mapa’y naiwang walang langit.
Kung magpapatuloy ito, ang mga susunod na mapa’y mawawalan
. . . .ng mundo.

Hindi totoo ang anumang katotohanang maisasalaysay.
Ang mga salita’y taliwas sa mga pinatutungkulan nito.
Ang mga mapa ng mundo ay taliwas sa nasasagap na mundo.
Ang mga karta ng mga bituin ay hindi yaong kalangitan.

Ang tuldok ay bayan.
Ang linya ay isang haywey.
Ang pintadong rabaw ay isang bansa.
Ang isang tomo ay mapa marahil ng kasaysayan.

 . . . . . . . . . . .VI
Mga mapang eksteryor: heograpiya.
Mga mapang interyor: sikograpiya.
Ang mga pandama ang mga pinto.
Ang mga hanggaha’y láwas na buo.

Ang aral na mahuhugot sa mga mapa’y kaugnay ng ídea ng kontrol,
o—sa maraming kaso—sa ídea ng konserbasyon.

Kung iisipin ang tuwirang relasyon na umiiral sa mga mapa at tubò,
. . . .mga digma ng pananakop, at pagsaklaw sa panahon, hindi
. . . .maiiwasang magunita ang tula ni Stephen Spender:
Ang Kronometro at ang Mapa ng Artilyeriya.

Ang mapa ang suka ng ambisyon ng tao.
Ang ambisyon ng tao ang sukat ng Sistema ng mga reperensiya.

Ang lahat ng punto ng reperensiya sa mapa ay palabas sumipat.

. . . . . . . . . . . .VII
Mga mapa ang mga ideal na retrato ng ating ina.

Tinititigan tayo ng mga mapa kapag ipinamalas nila ang mga rabaw nila.
Kapag ibig ipakita ang lalim, tumitingin ang mga ito nang patagilid.

Noong bago pa ang kartograpiya, hindi pa possible—marahil hindi
. . . .kanais-nais—na ibukod ang mga teritoryo ng pagiging gising
. . .  mula sa mga tanawin ng panaginip.

Ano ang mga kulay ng mapa kundi pangangarap?
Ang anestesyadong gunita ng ating kabataan.
Sa tanggapan ng kartograpo, ito’y bintanang bukás.
Ligayang pinakapayak, pinakalantay na bukál.

. . . . . . . . . . . VIII
Bawat mapa ay isang isla.

Ang dáting ilahas na teritoryo’y isa nang mapa.

Lahat ng pagsulat ay pira-piraso.
Bawat mapa ay pira-piraso.

Walang nagaganap na paglalakbay sa mga mapa.
Sa tula ay walang ganap na naisasakataga.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Lunan at ang Paglalarawan ng Tagpo

Maselang gawain ang paglalarawan ng mga tagpo, lalo kung ang mga tagpo ay nagpapahiwatig ng kung anong damdamin o kaisipan mula sa isang tiyak na persona. Ang tagpo ay maituturing na ekstensiyon ng persona, bagaman ang tagpo kung minsan ay maaaring taliwas sa ipinahihiwatig ng isip, loob, at kilos ng persona. Ang tagpong tinutukoy dito ay hindi lamang ang lunan sa tula, bagkus sumasaklaw din sa kalooban o isipan ng persona hinggil sa espasyo at panahon na kaniyang ginagalawan.

Hinihingi ng pagtula ang masinop na pagpili ng detalye, at ang mga detalyeng ito—gamitan man ng mga ordinaryong salita at imahen—ay nakapag-iiwan ng bakas sa guniguni ng mambabasa. Heto ang isang halimbawa ng paglalarawan na mula kay Porferio Requinto sa kaniyang tulang “Apat na Alimpungat”:

Apat na Alimpungat
ni Porferio Requinto

I.
Pulang langit sa asul na karagatan.
Humahapon sa atin ang araw.

II.
Hininga sa hininga.
Halos eternal.
Kasing lalim ng dilim.

III.
Matamang pagbabantay ng buwan.
Habang buhay hinabol ng gabi ang umaga.

IV.
Pila ng mga poste.
Saan sa karimlan patungo ang liwanag?
Magagawa ba nating makabalik?

Mahalagang pansinin ang pamagat ng tula. May apat na alimpungat na nais ipahiwatig ang tula. Ang unang yugto ay kakatwang pag-aagawan ng kulay ng langit (pula) at dagat (asul), samantalang ang pangmaramihang persona ay mahihinuhang sinisigan ng araw. Pambihira ang ganitong tagpo, na waring ang persona ay nasa hanggahan ng panaginip at realidad, at ang araw ay waring sumisiping sa persona para maganap ang di-inaasahang ekstasis ng karimlan. Ang ikalawang yugto naman ay tipid na tipid ang deskripsiyon, na ang paghabol sa hininga ay sinlalim ng dilim. Dito ang lunan ay muling sumasanib sa persona. Pagsapit sa ikatlong yugto, ang alimpungat ay lumihis sa labas ng silid at natuon sa buwan, at sa pagsasadula ng siklo ng pagbabago ng oras. Maaaring ang yugtong ito ay panuhay sa dalawang naunang yugto, bagaman masasabing marupok ang “pagbabantay ng buwan“ na mahihinuhang ang binabantayan ay ang pagtatalik ng persona. Samantala, ang ikaapat na yugto ay nakatuon pa rin sa labas ng katauhan ng persona, at ipinahiwatig ang nakahihindik na tagpo ng karimlan sa personang mahihinuhang kausap ang kaniyang kasintahan o kabiyak.

Mapapansin sa tula ni Requinto na ang “alimpungat“ ay maaaring sipatin bilang magkakabukod na pangyayari ngunit magkakaugnay. Ang inaasahang liwanag na maidudulot ng poste ng koryente sa ikaapat na yugto ay hindi sapat upang punuan ang kahungkagan o kawalang-katiyakan sa sarili ng persona. Ang dalawang magkasunod na retorikang tanong ay mahihinuhang walang sagot, at masasagot lamang ito sa pamamagitan ng pahiwatig ng persona. Ang alimpungat sa tula ay maiisip na biglang pagkatanto sa mga nagawa ng persona, na maaaring tinitingnan ang sex bilang bawal o wala sa panahon. Mahirap arukin ang “pagbabalik“ dahil hindi naman ipinahiwatig sa tula kung saan nagmula ang persona, at mahihinuha lamang na maaaring galing ang persona at ang tiyak nitong kausap malapit sa dalampasigan. Ang tanong na “Saan patungo patungo ang liwanag?“ ay hindi talaga nakatuon sa kalikasan, kundi sa kalooban ng persona. Ang dilim na taglay ng persona ang maaaring nagnanasa ng liwanag, at ang liwanag na ito ay maaaring kaugnay ng sex o kaya’y marubdob na pagmamahal.

Maiiba naman ang rendisyon ni Charles Bonoan Tuvilla sa kaniyang tulang “Sa pananampalataya“:

Sa Pananampalataya
ni Charles Bonoan Tuvilla

Lumabas ka nang kumapal ang pagtitipon. Isa pa,
hindi mo matalikurang narito ang kasalanan,
nag-aanyong paniki, nakasabit patiwarik

sa inyong ulunan. Sinalubong mo ang mga huling
dumating, silang nagpalusong rin
ng daliri sa bukal ngunit ang nasalok ay

alikabok. Miyerkules de senisa. Naghukay ka
ng masisindihan sa iyong bulsa; hindi mo
mabugaw ang itim sa iyong lalamunan.

Nang nakita mong may namahingang
kulisap sa bukas na palad ng isang rebulto, tila
hinihintay mo itong ikulong, tirisin ng poong-

bato; na ito’y magkuyom-kamao. Tumalikod ka
at sumabay sa mga pupungas-pungas
na mga anino subalit ikaw lang ang yumuyuko,

ikaw na may malinis na noo.

Sa tulang ito, ang tagpo sa loob ng simbahan ay maglalaro sa guniguni ng personang nasa ikatlong panauhan. Masasabing omnisyente ang nagsasalita sa tula, at sa kaniyang pananaw ay ilalarawan ang madulaing tagpo sa loob ng simbahan at ang paglalarawan sa mga deboto, na pawang minamasid din ng persona. Ang panahon ay Miyerkules de senisa, nag-uunahan ang mga tao sa pagtitika, samantalang ang persona ay naisip na ang kasalanan ay nasa loob ng simbahan o nasa hanay ng mga mananampalataya. Ang kasalanan ay iwinangis sa paniki, na ang nakatiwarik na anyo ay maaaring pahiwatig ng pagtulog o kaya’y pagmamasid nang pabaligtad sa daigdig. Ang persona ay maaaring sipatin na ibig manigarilyo at pawiin ang paninikip ng lalamunan, o kaya’y nais magsindi ng kandila para isagawa ang kaugalian. Susuhayan ang ganitong hulagway ng kulisap sa palad ng rebulto, ngunit ang gayong tagpo ay tutumbasan ng pahiwatig ng poot imbes na pagkalinga. Mahihinuha ang pagtanggi ng persona na magpalagay ng krus na abo sa noo, at ang gayong gawi ay doble-talim: una, pagsalungat sa mga debotong nagpapakrus sa noo ngunit mapagbalatkayo; at ikalawa, pagtatanghal ng kalinisan ng budhi nang salungat sa itinatadhana ng tradisyon ng Kristiyanismo.

Malikot ang imahinasyon ng tula. Ang persona ay tumitingkad sa pagpasok sa loob ng simbahan, sa pagmamasid sa mga deboto at rebulto, sa pagtingala sa bobeda, at paglabas pasalungat sa agos ng mga tao. Banayad ang pahiwatig ng paghihimagsik (i.e., pagtalikod ng persona), dahil maaaring may pambihirang sensibilidad ang persona para mabatid na nasa simbahan ang kasalanan, at ang kasalanang ito ay maaaring pagsasadula ng paglilitis, pagpapahirap, at pagpapako kay Hesus (tao) bago naging Kristo (tagapagligtas). Paanong nabatid ng persona na nasa loob ng simbahan ang kasalanan? Ang gayong kabatiran ay maaaring hitik sa prehuwisyo o kaya’y ganap na pagkatanto sa mga pangyayari, at posibleng siya ay isa ring matapat na alagad ng simbahan. Maaaring ang persona ay isa ring Kristo, ngunit hindi niya ililigtas ang mga deboto. Lalabas siya ng simbahan bilang pagtutol sa balighong kalakaran. Tiyak na tiyak niya na ang kaligtasan ay nasa loob ng sarili imbes na umasa sa pangako ng di-tiyak na kalangitan, ngunit walang makapapansin sa kaniya kundi ang omnisyenteng tapaglahad sa tula.

Ang paglalarawan ng tagpo ay hindi lamang pagkatalogo ng mga sunod-sunod na pangyayari. Ang paglalarawan ng tagpo ay hindi pagtitipid ng mga salita para ipaubaya sa mga mambabasa ang anumang pagbasa sa akda. Ang paglalarawan ng tagpo ay lalong hindi paglulubid ng mga salita nang walang direksiyon. Ito ay may kaugnayan din sa komplementaryong ugnayan ng pook, espasyo, at panahon na pawang ginagalawan ng persona, at nagtatakda kung paano palilitawin ang damdamin o kaisipang nais ipahatid ng persona ng tula. Ang lunan, kapag iniangkop sa persona, ay lumalabas sa malamig nitong lagay, nagkakaroon ng kulay, at nagpapatindi sa anumang pahiwatig na ibig iparating ng tula.