Pulo ng Puson, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Pusón

Roberto T. Añonuevo

Nasísirâan ng baít káhit ang pinakámabaít pagsápit sa Pulô ng Pusón. Ang Pulô ng Pusón, na tambáyan ng mga kabatàan, ang magpapábulkán sa lahát ng báwal, ang babaklî sa mga pangakò, ang mághuhubád sa pagbabántulót hinggíl sa pagdulóg sa katawán. Maráming nalígaw díto at áyaw nang umúsad sa paniníwalàng hindî silá kailánman tatandâ at haháwak ng tagâ sa panahóng tungkód. Tuwíng kabilúgan ng buwán, nag-iínit ang mga aníno sa kahuyán, ánimo’y mga músang na nagkákalmútan, nakikíramdám, nagkákagátan, umuúngol sa sukdól ng kalígayáhan, tagláy ang timyás ng musíka at rubdób ng pagsukò sa kung anóng síning, sa kung anóng balanì, ngúnit walâ ni isáng magsasábing siyá’y nabábató at íbig umuwî. Sapagkát sa Pulô ng Pusón, ang bumubúlas ay hindî kailánman napipígil, gáya ni Miguel Panggígil, at kung pigílin man ay kakawalâ sa panagínip na párang bagyóng tinátangkâng ilihís ng mga sinaúnang pangáral at panalángin. Kapág sumápit ka sa poók na itó, maaarìng makíta mo ang hinahánap na músa sa anyô ng líbong diwatà, na báwat isá’y aakítin ka úpang patunáyan ang saríli, halímbawà, sa paggúhit ng laráwan o pakíkihámok sa digmâ o pagtátayô ng báhay o paglílináng ng bukirín. Ngúnit hindî ka nilá aángkinín; hahabúlin mo silá subálit kisápmatá siláng mawáwalâ. Maglálakád kang isinísigáw ang pangálan ng minámahál mo. Pagnánasáhan mo ang sinúmang kahawíg, katínig, katindíg ng lamán ng iyóng pusò, at nagpápabángon sa ilahás mong silakbô. Sa gayón, hindî ka matatákot at lalòng magigíng matigás ang úlo. Walâng katwíran ang pusò kundî tumibók, at tumibók nang tumibók, hanggáng sumápit sa lunggatî’t pangárap, na sa ibáng salitâ’y pag-íral. Lilikhâ ka ng maráming pusò na iisá ang itinítibók. Sasápit ka sa hanggáhan ng bangín, tátanawín ang mga álon na kinaróroónan ng umpúkan ng mga butandíng, na kung isínakáy man at iníhatíd ang mahál mo sa kung saáng pampáng ay pílit mo pa ring hahabúlin ng tingín o alíngawngáw, na maráhil ay magwawakas lámang sa pagbalì at pagdúkot sa saríling tadyáng úpang lumikhâ ng bágo’t rumáragasâng balangáy.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by ArtHouse Studio on Pexels.com

Bitukang Pulo, ni Roberto T. Añonuevo

Bitúkang Pulô

Roberto T. Añonuevo

Mákikilála mo si Eduardo, ang amá ng pamilyáng tumanggáp sa iyó, at hábang tumatágay kayó ng sariwàng tubâ ay ituturò niyá na ang hinahánap mo ay walâ sa Pulô ng Atáy, bagkús sa karugtóng nitó, ang Bitúkang Pulô. Mulâ sa Pulô ng Atáy ay makásasakáy ka ng lundáy na yarì sa mga tingtíng. Tibáyan mo ang loób. Kapág nagsimulâng mágbantulót ka’y lulubóg ang lundáy mo at kakaínin ka ng mga álon, at iyán ang sinápit na kapaláran ng mga nangánauná sa iyo. Úpang makaíwas sa anumáng pangánib, ituón mo ang paningín sa diréksiyón na íbig maratíng at huwág kang lumingón ni lumingá-lingá hábang naglálayág. Kapág lumagós ka sa úlop ay makikíta mo ang Bitúkang Pulô. Ang Bitúkang Pulô ay sérye ng mga pulô at batuhan na kung hindî paikíd ay paikót, at doón mo matútuklásan na ang mga bágay ay nása yugtô ng patúloy na pagbabágo. Halímbawà, ang pumások na kanáway sa únang antás ng Bitúkang Pulô ay magigíng malmág, na kapág lumípat sa ikalawáng antás ay magigíng anuwáng, na kapág lumípat sa ikatlóng antás ay magíging nilaláng na may katawán ng táo ngúnit may mukhâ ng pawíkan, na patúloy ang pagbabágo hanggáng ang sukdúlang anyô ay umabót sa perpéktong walâ ngúnit naroón at umiíral. Kayâ kapág kinaúsap mo ang kanáway ay mauúnawàan mo lámang siyá sa wikà ng malmág. Kausápin mo ang malmág at magwíwikà siyá sa talínghagà ng anuwáng. At kapág kinaúsap mo ang táo na may mukhâ ng pawíkan ay kailángang maúnawàan mo na ang mga pahiwátig niyá ay karágatán na kuyóm ang táo o táo na kuyóm ang karágatán. Hindî siyá nagmulâ sa lahìng siréna o siyókoy. Ang táo na nása yugtô ng pagbabágo ay mauúnawàan mo lámang kung anó siyá sa anyông panlabás, at mulâ roón, kailángang sisírin mo ang kaniyáng kaloóban úpang maúnawàan ang líkaw-líkaw na pakikípagsápalarán, ang pakikípagsápalarán na maglulúwal ng barumbárong o kastílyo, na magsisílang ng iba pang mithî, gáya ng gamót, damít, sandáta, pabangó, eropláno, palayán, gusalì, at sangkatérbang hulagwáy na káyang isaísip. Sa Bitúkang Pulô, humandâ kang mamatáy. Humandâ kang mamatáy nang paúlit-úlit. Sa gayóng paraán, matutúto ka kung paáno umangkóp sa kaligíran, at mabábatíd na hindî ikáw ang séntro ng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry metamorphosis making waves. Photo by Mohammad Jumaa on Pexels.com

Kautusan sa Paglilibing, ni Victor Segalen

Salin ng “Édit funéraire,” ni Victor Segalen ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kautusan sa Paglilibing

.  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  . Testamento ng pagdakila sa libingang imperyal

.  .  .  .  .  .Ako, ang Emperador, ay ililibing sa pook na aking lunggati: sa mapagkalingang bundok na ito, na pinagpala ang mga bukiring nakapalibot sa paanan. Dito, ang tubig sa mga ugat ng lupain at ang kapatagan ng simoy ay napakapalad. Akin lámang ang marikit na libingang ito.

.  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  .*  *  *

.  .  .  .  .  .Ang limahang antas na arko ang magpipinid sa buong lambak: magiging maringal ang sinumang maglalandas sa nasabing pook.

.  .  .  .  .  .Patagalin pa ang mahabang seremonya ng pagluluksa: —ang prusisyon ng mga hayop, halimaw, tao.

.  .  .  .  .  .Ititindig ninyo roon ang matatangkad na moog pandigma. Butasin at hukayin nang napakalalim ang bituka ng bundok, nang walang panlulupaypay.

.  .  .  .  .  .Matatag ang kanlungan ko. Ako ang lalapit papasók sa libingan. Saksihan ako roon . At ipinid pagkaraan ang pinto, at lagyan ng pader ang puwang bago sumapit sa pintuan. Harangan ang daan sa lahat ng nabubuhay.

.  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  .*  *  *
.  .  .  .  .  .Wala akong balak na magbalik pa, at hindi ako nagsisisi, ni walang pagbabantulot, na mawalan ng hininga. Hindi ako nasasakal. Hindi ako nagdadalamhati. Naghahari ako nang may kabutihan at ang aking madilim na palasyo ay kaakit-akit.

.  .  .  .  .  .Ang kamatayan ay katanggap-tanggap at maringal at matamis. Isang pook na maaaring maging tahanan ninuman. Mananahan ako sa kamatayan at maligaya ako rito.

.  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  .*  *  *
.  .  .  .  .  .Ngunit hayaang makaligtas ang munting nayon ng mga magsasaka sa gawing iyon. Ibig kong samyuin ang usok mula sa kanilang panggabing sigâ.

.  .  .  .  .  .At makikinig ako sa mga salita.

Alimbukad: Wikang Filipino sa Panitikang Pandaigdig

 

Paglisan, ni Maria do Carmo Abecassis

Salin ng “Parti,” ni Maria do Carmo Abecassis ng Mozambique
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paglisan

Maria do Carmo Abecassis

Nakasakay sa tren na tinaguriang lunggatȋ
ang kabulgaran ng panahon nang napakatagal.
Ginugol ko ang madilim na realidad ng búhay
para makabili ng tiket na may biyaheng paalis
at nang makamit ang pangarap
(at nagbayad pa sa tagadala ng kargamento).
Inilibre niya ako dahil sa kaniyang pasaporte.
Nang umalis ako’y natagpuan ko ang sarili
sa tabi ng bintana at mag-isang nagbubulay:
Inihahatid ako ng tren sa aking libingan
at nagwawagayway ako ng panyo
at nilalagpasan ang bawat bulgar na tao
na nakikita kong higit na piniling manatili
sa panahong napakakaraniwan
mula nang araw nang ako’y lumisan.
Kung sakali’t ako man ay mapalugmok
sa kung saang banyagang pook
upang pagdaka’y uminom ng pag-asa
upang kalimutan itong pakikibaka,
(umiinom ako sa kawnter nang nakatayo)
lagi akong nagbabayad sa alinmang inumin
nang may taglay na panghihinayang
at nakamamatay na pagkapagod
ng mga kumakayod na karaniwang tao
na nagtitimpla ng barakong kape sa tasa.
Tuwing binabago ko ang tanawin sa labas
(ang pagmulat ng liwayway o pagsilang ng talà)
nakakaligtaan ko at ni hindi napapansin
ang bawat mukhang nagdaraan
nang wala akong kamalay-malay
dahil sa pagkauhaw na malagok lahat
ang pag-asa, alak, at araw na lilimutin
sa kung saang bahagi
na hihinto ang biyahe ng tren.
At ang pakikibaka ay pipintig muli
ng medyokridad
mula sa pook na aking iniwan.
Malimit kong nakikita ang sarili
sa tren na tinatawag na pag-asa,
kumakaway nang may paggunita
sa bawat bulgar na tao
na aking nakikitang nakahiga sa tabi
ng bintana,
at bantulot na nagmamasid
sa bawat tren na lumalampas.  .  .  .

Train of change is coming. Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs!

Vaikundam, ni Roberto T. Añonuevo

Vaikundam

Roberto T. Añonuevo

Pumasok sa gubat ang mangangaso, at iniwan niya ang kaniyang pangalan sa gitnang bahagi ng lawas ng tapayan. Ang gubat, pakiwari niya, gaya ng tapayan ay sisidlan ng kalansay o asin o sagradong tulâ, ngunit malayang isiping libreng parmasya o kantina para sa maysakit. Kailangang maunawaan niya na hindi siya pumapaloob sa kamalayan para mamatay, bagkus magtamo ng búhay, sapagkat ang kamalayan bilang gubat ay tagpuan ng sukdulang pansin at diwa at higit sa limang pandama. Panandaliang himpilan ang tapayan sa pisikal na anyo, wika ng mangangaso, at pagkaraan, matututo siyang maglakbay na sakay ng eroplano o bangka, marahil patungo sa ibang planeta—na tawagin mang Meru sa isang panahon ay aangkinin ng mangangaso bilang kontinente ng mga lunggatî.

sea coast rock walking mountain snow winter cloud black and white girl woman mist hiking white sport photography wave peak alone mountain range jumping ice glacier action weather alpine rock climbing climber black monochrome summit mountaineering happy trekking mountaineer mountains harness protection ropes top alpinism steep wall monochrome photography atmospheric phenomenon mountainous landforms climbing gear loneliness mountaineer

Bawat angking Kimera, ni Charles Baudelaire

salin ng “Chacun sa chimère” ni Charles Baudelaire.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

BAWAT ANGKING KIMERA

Sa ilalim ng malawak, abuhing langit, sa maalikabok, di-maliparang uwak na kapatagang walang bagnos, walang damo, walang baging ni palumpong, nasalubong ko ang ilang tao na hukót kung maglakad.

Bawat isa sa kanila’y pasan ang malaking Kimera, na simbigat ng sako ng arina o gatong, o katumbas ng kasuotan ng kawal na Romano.

Ngunit ang nakahihindik na halimaw ay hindi basta walang saysay na pabigat; bagkus, sinasaklaw nito’t inaalipin ang tao sa pamamagitan ng malalakas, nababanat na kalamnan; kinukuyom ng malalaking kuko ang dibdib ng sinasakyan nito; at ang pambihirang ulo nito’y tumatakip sa kilay ng tao, gaya ng mga nakasisindak na helmet na ginagamit ng mga sinaunang mandirigma upang mapatindi ang hilakbot ng kanilang kaaway.

Tinanong ko ang isa sa mga lalaki, at inusisa kung saan sila patungo sa gayong anyo. Sumagot siyang wala siyang kamalay-malay sa anumang nagaganap—siya man o ang iba pang kasama; ngunit halata silang patungo kung saan, dahil hinihimok sila ng di-nakikitang pangangailangang maglakad.

May kakatwang dapat pansinin: wala ni isa sa mga manlalakbay ang nayayamot sa mabangis na halimaw na lumalaylay sa kaniyang leeg at nakadikit sa kaniyang likod; at maihahakang bahagi na iyon ng kaniyang katauhan. Lahat ng pagál at seryosong mukha ay hindi nagpapamalas ng kawalang-pag-asa. Sa lilim ng nakaririnding kisame ng kalangitan, tinahak ng kanilang mga paa ang alikabok ng lupaing tigang gaya ng kaitaasan, at tumugpa sa landas nang may anyo ng mga taong mapagtiis na isinumpang umasa nang paulit-ulit.

At lumampas sa aking tabi ang tanikala ng mga lalaki at naglaho sa ulop ng panginorin, sa pook na ang pabilog na rabaw ng planeta ay ikinukubli ang sarili mula sa mapanuring tanaw ng tao.

At sa ilang sandali pa’y ipinagpatuloy ko ang mithing unawain ang misteryong ito; ngunit namayani sa aking loob ang di-maiiwasang kawalang-pakialam, at higit akong naguluhan kaysa silang pasan-pasan ang mga nakasusubasob na Kimera.

Mula sa Selda

Sasakay ako ng eroplano—yamang naturingang baliw—at iikutin ang mundo sa loob ng kusina o aklatan, at mapapagod dahil wala namang pinupuntahan. Sasakay ako ng submarino at sisisirin ang karagatan sa palibot ng bakuran, at mapapagal dahil palulutangin naman ng armada ng mga bantay. Sasakay ako ng bus patungong kabundukang walang kaparis, habol-habol ng matatapat na kawal na anghel, lilipat sa dyip at motorsiklo nang mailigaw ang tumutugis na sikologo at hukom, hanggang maihatid ng kathang-isip na kabayo o kalabaw palapit sa iyo. Hahanapin kita sa mga magasin o folder, aaninawin ang iyong anino sa kung saang lihim na sisidlan, at yamang wala ka, mapipilitan akong lumabas ng tahanan, magtiwala sa tinig na tumutulay sa himpapawid, at maglakad nang maglakad nang palinga-linga, iisiping makararating diyan, diyan sa kalyeng tinatahak ng iyong balingkinitang hulagway. Matatagpuan kita balang araw, itaga mo sa bato; at matatagpuan mo ako, gaya ng pagbasa mo sa mga salitang ito.

“Mula sa Selda,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 29 Disyembre 2009.

Alcatraz Island

Alcatraz Island, retrato mula sa http://www.pdphoto.org

“Magpakalasing” ni Charles Baudelaire

Halaw at salin ng  “Enivrez-Vous” ni Charles Baudelaire mula sa orihinal na Pranses
Halaw at salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Magpakalasing

Kailangan mong palaging malasing. Iyon lamang ang kailangan—at ang tanging paraan. Upang malimot ang karima-rimarim na oras na bumabali sa gulugod at nagpapakuba sa iyo, dapat kang malango nang walang humpay.

Ngunit saan? Sa alak, tula o birtud, anuman ang naisin. Subalit magpakalasing.

Kung sakali’t sa hagdan ng palasyo, o sa lungting damuhan sa gilid ng kanal, o sa malamlam na silid ng pag-iisa ay nagising ka, humuhulas ang tamà o hilo, tanungin ang hangin, ang alon, ang bituin, ang ibon, ang orasan, ang lahat ng lumilipad, ang lahat ng umuungol, ang lahat ng gumugulong, ang lahat ng umaawit, ang lahat ng bumubulong. . . tanungin kung anong oras na, at ang hangin, alon, bituin, ibon, orasan ay tutugon sa iyo:  “Panahon na upang magpakalasing! Para hindi maging alipin ng panahon, magpakalango nang walang puknat! Sa alak, sa tula o sa birtud, anuman ang ibigin!”

Retrato mula sa www.pdphoto.org

Retrato mula sa http://www.pdphoto.org

Lunggati

Lunggati

Malalakad ng langgam ang landas tungo sa buwan na lingid sa diyos na iyong pinaniniwalaan. Ang langgam na ito ay isasakay ako, at sa paglalakbay ay lalampasan ang lahat ng iyong hilahil at pagdaramdam, upang makatagpo ka sa iyong paraiso. Hindi mauunawaan ng dibinong plano ang sigasig ng langgam, na habang lumalakad ay kusang dumarami ang mga paa at dumarami ang mga katawan, kahit walang sinisilbihang reyna. Sapagkat ang alam ng aking langgam ay higit ka sa pinakamatamis na asukal, na paulit-ulit aabutin, at ako ay papasok at lalabas sa yungib mo itakwil man ng sinaunang Maykapal.

apollo-earth

Pasig sa Pananaw ni Lope K. Santos

Naisipan kong maghalungkat ng mga lumang papeles at natagpuan ko itong si Lope K. Santos (1879–1963). Si Santos, na isa sa mga dakilang tao na maipagmamalaki ng Pasig, ay mahusay na makata, nobelista, kritiko, sanaysayista, editor, dalubwika, organisador, at peryodista. Bukod dito’y naging gobernador din siya ng lalawigang Rizal (1910–1913) noong ang Pasig ay hindi pa kabilang sa Metro Manila. Pagkaraan, nahirang siyang senador ng ikalabindalawang distrito, at umakda ng mga batas na nagpapahusay sa kalagayan ng mga manggagawa.

Masinop si Santos sa wika at sa pagkasangkapan ng mga talinghaga. Kahit ang simpleng tula hinggil sa kaniyang bayan ay nalalangkapan ng pagbabalik sa kasaysayang mahirap matagpuan sa kanonigong kasaysayang malaganap sa bansa. Heto ang isang halimbawang tulang pinamagatang “Pasig” (1930) na naglalangkap ng alamat, kasaysayan, pag-iral, at pangarap upang ang kinabukasan ay maging maaliwalas para sa lahat ng Pasigenyo:

PASIG

1 Aywan ko kung ikaw’y sa bundok na anak,
o kung bumukal ka sa tiyan ng dagat;
pagka’t sa lagay mong mababang-mataas
atubili ako kung saan ka buhat;
marahil bunga ka nang mag-isang-palad
ang Dagat na tabang at Bundok ng ulap
kaya’t sa kanila’y namana mo’t sukat
ang yaman ng laot at yaman ng gubat.

9 Tila Diwata kang galing Pamitina’y
nanaog at nupo sa may Kapasigan;
liwayway ang buhok, ang ulo’y Santulan,
ang mahabang Ugong ay bisig na kana’t
bisig na kaliwa ang Pinagbuhatan.
Malapad-na-Bato ang isang paanan,
saka ang isa pa ay Wawang-Napindan:
magtatampisaw ka sa Buting at Bambang.

17 Ang kasaysayan mo’y pangalan mo na ri’t
nasa pamagat mo ang iyng tungkulin;
habang panahon kang bantay ay baybayin
sa gaslaw ng tubig at sumpong ng hangin;
may bisig kang bato’t may paang buhangin,
may mukha’t katawang langit ng pananim;
hinga mo’y amihan, ulan ang inumin,
at gatas ng lupa ang iyong pagkain.

25 Nguni, tumindig ka, matandang Diwata’t
magmalikmata kang bumalik sa bata;
sa pagkalupagi’y lalo kang hihina’t
laging sa Panahong mapagsasagasa;
Sa Silanga’y muling iharap ang mukha’t
sumahod sa Araw ng diwang sariwa;
ikaw’y marami pang tungkuling dakilang
sukat kapiktan mo nang di-nagagawa.

33 Dalawampu’t anim ang bayan mong anak,
tatlong daan nayon ang apo mong ingat;
sinasagutan mo ang kanilang palad,
pagka’t ikaw’y siyang magulang ng lahat;
kung ikaw ang unang hihina-hinamad
at sa pagkaupo’y bahagyang titinag. . .
ang nasasakop mong kabunduka’t dagat
balang araw’y siyang sa iyo’y lilimas.

41 Hindi na panahon ng pag-aantabay
sa dating ng mga kusang kapalaran;
ang mga himala’y huwag mong asaha’t
dina nakukuha ang buhay sa dasal;
ang awa ng Poo’y wala sa simbahan,
kundi nasa bukid, ilog, pamilihan,
sa tulo ng pawis at ulong may ilaw. . .
Sawa na ang Diyos sa mga batugan!

Isinulat ni Santos ang tula noong kapanganakan ni Francisco Balagtas, Abril 2. Binubuo ng anim na saknong ang tula, at bawat saknong ay may walong taludtod na lalabindalawahin ang pantig at isahan ang tugma. Ang unang saknong ay hinggil sa maalamat na pagtatalik ng lawa ng Laguna at kabundukan ng Rizal, na ang supling ay Pasig. Lumulusog umano noon ang Pasig sa tubig-tabang na mulang ilog hanggang lawa (na pawang tumutulong sa pagsasaka) at sa karatig nitong mga bundok na mapagkukunan ng mga aning pananim, prutas, at halamang-ugat.

Ang ikalawang saknong naman ay paghahalintulad sa isang diwata, na ang katangian ay hango sa taglay ng iba’t ibang lugar, gaya ng Bambang, Buting, Malapad na Bato, Pinagbuhatan, Santulan, Ugong, at Wawang-Napindan. Ang nasabing diwata ay tila nagmula sa Pamitinan (Montalban, Rizal) na naging makasaysayan noong himagsikan laban sa mga Kastila nang ihayag ng Katipunan ang paghihimagsik at pagsasandugo ng mga Katipunero. Susuhayahan ng ikatlong saknong ang ikalawa, na ang bawat pangalan ng pook ay isa nang kasaysayan at pinagpapala ng magandang klima, lupain, at tubigan.

Kaugnay nito, humihimok ang personang nagsasalita sa tula na huwag pumanatag sa gayong kalagayan. Marami pa umanong dapat gawin at asikasuhin. Hindi dapat maging kampante at tatamad-tamad. Kaya sa pangwakas na saknong, humihimok ang tulang iwaksi sa isip ang laging paghihintay. Huwag umano umasa sa dasal. Ang poon ay wala sa simbahan kundi nasa bukid, ilog, at pamilihan na pawang kumukupkop sa mga tao na nagsisikap at nagpapagal upang makaraos sa paghihirap. Ang ganitong linya ng panghihimok ay mahihinuhang hango sa mga aral ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, na nananawagan sa mga kapuwa Tagalog na umasa sa sariling sikap at hindi sa ipinangangakong langit na walang katiyakan kung kailan matutupad.

Nagkatotoo na ang tulang ito ni Santos. Ang Lungsod Pasig, na pinangangasiwaan ngayon ni Alkalde Bobby Eusebio, ay malaki na ang ipinagbago kaysa noong nakaraang panahon. Maayos ang mga pagawaing-bayan sa lungsod, mabilis ang serbisyo ng pamahalaang lokal, malilinis ang kalye, naisaayos ang palengke at iba pang impraestruktura, at sumisigla ang samot-saring negosyo, bagaman mapupuwing ang tumitinding trapiko ng mga sasakyan dahil binuksan sa apat na panig ang Pasig. Maaaring simula ito ng bagong mukha ng Pasig. Ang Pasig na lunggati ni Santos ay maaaring nagkakabuto’t laman sa ilalim ng pamamahala ni Eusebio, at tanging ang taumbayan ang makapagsasabi kung nagtagumpay o nagkulang ang nasabing alkalde.

Samantala, nagtataka lamang ako kung bakit hangga ngayon ay walang pagpapahalaga kay Santos lalo sa mga paaralang nakapaloob sa Pasig. Panahon na para muling pahalagahan si Lope K. Santos at angkinin ng mga taga-Pasig, at maaaring simulan ito kahit sa pagtataguyod ng mga silid-aklatang nakatatak ang kaniyang maningning na pangalan.