Ang Probinsiyano, bilang Ikadalawampu’t walong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Probínsiyáno, bílang Ikádalawámpû’t walóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Kung máisasálin sa mga líham ang daigdíg, anó ang itsúra ng iyóng pag-íbig? Itó ang itátanóng sa iyó ni Tékla, na nakápag-ípon ng mga súlat mulâ sa sumísintá sa kaniyá. Ang líham, personál man o opisyál, ay magbúbunyág ng kaaláman, maráhil sa iyó at sa sumúlat sa iyó. Sa pánig ni Tékla, ang máalamát na músa na nílikhâ ni Julian Cruz Balmaseda bílang panapát kay Celia ni Balagtás, ang mga líham mulâ sa kaniyáng kasintáhang si Huwán M. Búhay ay hindî karaníwan—sápagkát itó ay isá nang téstaménto ng pag-íbig at artefákto sa nakalípas na panahón kung ípagpápalagáy na ang mga pangyayáring binanggít sa salaysáy ay naganáp noóng hindî pa úso ang súlatrónikó, téxting, at videokól—at pagsasádulâ ng kapaná-panabík na talâmbúhay sa hímig ng pakikípagsápalarán sa banyagàng poók at walâng katupárang hináharáp. Ang koleksiyón ng mga líham ni Huwán kay Tékla ay isá nang kríptográpikóng épikó kung tútuusín, na lumálampás sa sakláw ng áwit ni Balagtás bukód sa nagpapákilála sa paradígma ng satírikóng pagtulâ ni Balmaseda.

Sabíhin nang kathâng-ísip ang mga líham, at sa gayón, hindî máibibílang sa kanónigóng kasaysáyan ang mga salaysáy. Ang ganitóng pag-ámin ay may katotohánan, ngúnit sa óras na máilimbág ang mga líham, at máibunyág ang mga pámbihiràng detálye ng mga pangyayáring mahírap ulítin sa sérye ng pagsísinungalíng dáhil sa kahangà-hangàng wikà at pagpápahiwátig na lumitáw sa isáng tiyák na panahón, ang mga líham na itó ay nagíging ínterkonektádo sa isá’t isá, nagpapáalingawngáw ng pagtanáw, nagpapámukhâ ng realidád mulâ sa mababàng sektór ng lipúnan, at lumílikhâ ng kasaysáyan sa saríli káhit pa uyamíng kabulàánan. Si Tékla, na sinúsulátan linggó-linggó ni Huwán sa anyông pátulâ, ay magbábasá ng mga líham mulâ Maynilà ngúnit hindî tútugón ni mínsan. Pára siyáng kartéro na nalúnod sa bundók ng mga líham, kung iháhakàng tíla walâ siyáng pagpapáhalagá sa karanasáng ibinábahagì sa kaniyá ni Huwán. Sa kabilâ nitó’y ipagpápatúloy ni Huwán bílang bagamundóng éksploradór at mapágpatawáng anotadór ang pagbuô ng kaniyáng realidád, at itó ang mahalagá.

Si Huwán, nang íwan ang kaniyáng náyon, ay hindî isáng bayáni na mag-úuwî ng trópeo pagbalík sa lupàng sinilángan gáya ng dápat asáhan.

Si Huwán ang kábaligtarán ng gáya niná Aligúyon, Bantúgan, Labáw Donggón, Lumalindáw, Tuwâang—itó ang iháhayág ng mga matá ni Tékla, bukód sa súsusúgan ng masusìng pag-úurì ng gáya niná E. Arsenio Manuel at Damiana L. Eugenio. Ngúnit ang kaniyáng pag-íral ay tíla paglálarô sa nakágawîáng pagtanáw sa épikóng bayáni, sápagkát naturál na naturál kung sipátin niyá ang mundó na lagìng mapágbirô káhit pa malímit masakláp ang birò, at kung gayón, ay mahírap ípaliwánag at sakyán sa panahón ng kolónisasyón. Ang espásyo ng tunggalîán ay lungsód; at si Huwán bílang probínsiyáno ay iíwan ang kaniyáng kinagisnán, makikípagsápalarán sa banyagàng teritóryo, at húhubarín ang kinámulátang kataúhan úpang hanápin at harapín ang tadhanà kapalít ng pagtupád sa pangakò sa músang minámahál. Dádalhín ni Huwán ang probínsiyánong kataúhan, at pagsápit sa Maynilà ay mabábatíd na ang mga halagaháng tagláy niyá ay kailángang idaráng sa mga pagsúbok bágo siyá mágtagumpáy. Ang pagkakáunawà ni Huwán sa daigdíg (mulâ sa púnto de bísta ng lálawígan) ay taliwás sa poók na kaniyáng pínuntahán, at  magkakároón ng biglâáng tránspormasyón ang kaniyáng kamalayán pagsápit sa kákatwâng poók na may napakaráming táo at nagsisipágkumahóg—at sa ganitóng pangyayári’y húhubúgin siyá ng palígid alinsúnod sa kagyát na pangángailángan at hiníhingî ng pagkakátaón.

Maningníng ngúnit mápangánib ang lungsód. Makíkilála ni Huwán ang saríli kapág nakáhalubílo na niyá ang sarì-sarìng táo: kutséro, batàng tagálakô ng diyáryo, peryánte, peryodísta, pulís, hukóm, púta, teleponísta, artísta, kandidáta sa pistá, polítikó, sékreta, manlolóko, makatà, atbp. Ang mga táo na itó ang magpapákilála sa Maynilà; at lahát ng puntahán ni Huwán ay poók na magbúbunyág sa pílas ng lungsód at karagdágang karanasán, at kung may tinatáwag na kabaguhán, itó ay malímit panlabás lámang at mápanlinláng. Isásalaysáy lahát itó ni Huwán kay Tékla, at si Tékla ay magíging matá ng madlâ na sumúsubaybáy sa pakikípagsápalarán ni Huwán tuwíng lálabás ang pítak na “Nakú, ang Maynilà!” Si Huwán ang salamín ng públikó, na magháhanáp ng alíw at magbíbiláng ng póste nang magkároón ng permanénteng trabáho; ang makátutuklás na ang kahirápan ay nakarírimárim na puwérsang nagtutúlak sa prostitusyón at ang kabulukán sa sistéma ng pamámahalà sa gobyérno ay hindî ordináryo bagkús modérnisádo; ang magsisíkap na mag-áral ng mga wikà, mapápabílang sa kapisánan ng mga makatà, at gágamítin ang útak úpang makálusót sa mga gusót, atbp.  Sa dákong hulí, tátangkâín ni Huwán na máibalík sa kataúhan ang pagtanáw na bayáni sa sandalîng magnílay siyá’t mágpasiyáng tumúngo sa ibáng lálawígan, na hindî pa rin ganáp na pagbábalík (at pag-uwî) sa píling ng kasintáhan. Umaása pa rin si Huwán na makákapíling habàng-búhay si Tékla, ngúnit kung magkátotoó man itó ay maráhil magáganáp na lámang sa guníguní ng yutà-yutàng mámbabása na hindî mo kilalá.

Alimbúkad: Epic poetry subversion beyond Filipinas. Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com

Wally’s Blues, ni Roberto T. Añonuevo

 Wally’s Blues
 (Paumanhin kay WG)
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Nilalagnat ang huklubang lungsod, at ngayong gabi
 ay hinihila ng mga anino ang mga pangalang
 binaklas at tinastas sa mga bilbord at ospital,
 at kumakalas sa diskurso ng simbahan at motel.
 Humihishis ang siyansi at gasera ng tindera,
 at napakatumal kung bibili ng isang kausap.
 Sinisinok ang makina ng pagal na dyip at katawan,
 tumitiktok ang gusgusing musmos na amoy-alak,
 at ako na hinahanap mo
 ay naghahanap ng trabaho’t kabalbalan,
 sa krosword ng pulis, tekas, at mukhang adik,
 kumakain ng mga titik at sasaluhin kahit lintik
 sa pusod ng tag-araw,
 sapagkat ito, ito ang mundong bumabaligtad
 ang pang-unawa.
  
 Wala akong alam na politika, walang alam 
 ang sikmura kundi maghanap ng pamatay-gutom
 at pamatay-lungkot, at hindi ba ito
 ang rotunda na iniikot-ikot para sabihing
 may silbi ang umaasang imburnal at pusali
 samantalang hinihintay ang tag-ulan,
 may kahulugan ang mga gusali, 
 na dati’y siksik, liglig, umaapaw 
 ngunit ngayon ay hungkag at simbigat ng ampaw?
 Ang mga bangketa, na dating pinaghalong perya
 at palengke, ay sinlamig ng mga nitso——
 tuliro, lutáng, nakanganga——
 na waring kakainin ka para sabihing, 
 “Halika, nagugutom ako!”
 Kay linis ng lungsod, at nawawala ako
 o narito ako at walang-wala ang mundo.
  
 Nagugutom kahit ang bangketa
 sa ngalan ng kuwarentena, at nananabik
 sa mga kaluluwa ng empleado’t emperatris,
 sa mga isinusukang estudyante’t propesor,
 sa molino ng kutsero’t kuwentong kutsara.
 Sinasamyo dati ang pares o mami o kape,
 habang nagpapaypay ng lumang diyaryo
 ang pagod na mag-inang kay sipag maglako,
 nagsusunog ng baga sa nagyoyosing kotse,
 upang pagsapit ng hatinggabi
 ay maging maluwag na dormitoryo ng palaboy
 at puta ang sementadong kalye, 
 magpapaubaya sa mga bagitong marinong 
 sumasandal sa pag-asa at pagsakay sa barko
 habang rumoronda ang mga lamok, at inaantok
 ang namumuwalang mga trak ng basura.
  
 Kung ito ang unibersidad, 
 ito ang imperyal, pontinpiko, at selestiyal
 na utak, ang nanamnamin ko sa plasa
 ng mga baligtad na pangarap, 
 ang laberinto ng aklatan at pagsisikap,
 para sa bayan
 para sa hangal
 na gaya kong
 umaasa para mapaghilom ang sugat sa puso
 at guniguni, 
 nang matagpuan ang kamalayan
 nang higit sa paggising at paghinga,
 nang higit sa ulat ng pangulo’t panaderya.
 Nananatiling nakapirmi ngunit kumakawag
 ang kalooban, sino ako 
 para ambunan ng mga tinapay o ayuda?
 Kahit sino'y aayaw sa sopistikadong buwakaw,
 sasalatin ang kabuluhan sa mga poster
 at poste ng ilaw,
 uusisain kung iyon ba ang katumbas 
 ng politiko na simple kung mangulimbat
 na parang nagparetrato nang nakahubad,
 sasagutin ang sulat sa pader at tatanggapin
 ang kubeta sa likod o tadyang ng bantayog,
 na kumikindat sa iyo, o kumikindat sa akin,
 at nagbubunyag ng pagkatiwalag
 sa Bagumbayan, para sa lahat at para sa isang
 gaya kong iiling kahit sa salitang “mahál.”
Alimbúkad: Imageless poetry, ageless poetry. Photo by Ferdie Balean on Pexels.com

Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

Kisáp

Roberto T. Añonuevo

Natulog ako para makapiling ka; ito ang pinakamabilis na paraan tungo sa iyong kinaroroonan. At nang mamulat pagkaraan ng limang dekada ay isa ka nang lungsod na palaisipan ang mga kalye at paradahan.

Hindi ko alam kung dapat ipagpasalamat ang gunita sapagkat nananatili ito sa buto, buhok, hininga. Tanging haraya—kung hindi man kamalayan—ang nalalabi upang magpatuloy.

Naglakad ako, naglakad nang naglakad, kung ito ang patunay ng pagiging tao.

Hanggang sa mapulot ko ang kusót na diyaryo na nakalatag sa bangketa, at nakasaad doon: Bumagsak ang diktador at may naghasik ng rido sa kaniyang mga inapo. Hindi ba siya ang malakas at ang bibig ay nagbubuga ng sindak?

Napailing ako; at tiningnan ang relo sa paskilan, ngunit tumangging maniwala. Naging íkon at bantayog ang pandemya na dati-rati’y agahan ng balita at tsismis; samantala, winakasan na ang panahon ng dam at embargo, o kung hindi’y magkakadigma. Naging karaniwan ang baha at pamamangka sa dáting tigang na lupain. Naisip ko na magkapakpak.

Nagkapakpak nga ako, at nang lumipad gaya ng isang uwak, nasilayan ko ang iyong katawan sa pinakamarikit na larawan na pinaghalong hagod ni Joya at taludtod ni Bigornia. Ang lungsod, sa isang iglap, ay naging planeta na umoorbit sa mga kodigo ng elektronikong himpapawid.

Lumapag ako sa iyong hulagway.

May kung sinong naglalakad sa karaniwang araw, at nang batiin niya ako, nagpakilala siyang propesor na nagmula sa kung saang lupalop, na ang maluluwag na unibersidad ay naging bakwetan, kung hindi man tambayan, ng mga salinlahing palaboy.

Pumikit ako; at nang  dumilat ay ikinalat ng amihan sa sahig ang mga talulot ng mga sariwang sampagita at rosal.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Masaaki Komori.

Ang Lungsod, ni Jaime Saenz

Salin ng “La ciudad,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lungsod

Para kina Blanca Wiethüchter at Ramiro Molina

Sa usok at sa apoy, maraming tao ang naumid at natahimik
sa kalye, sa kanto,
sa mataas na lungsod, nagninilay sa kinabukasan sa paghahanap ng nakalipas
—maliligoy na bituka, kidlat ng gabi,
sa matang mapagsiyasat, ang mga meditasyon ay nauuwi sa pagdurusa.

Sa ibang panahon, may silbi ang pag-asa at ligaya—di-nakikita ang agos
. . . . . .ng panahon,
at ang karimlan, na di-nakikitang bagay,
ay mabubunyag lámang sa mga infinitong matatandang nangangapa para damhin
. . . . . .kung hindi ka kabilang sa kanila,
habang kinakapâ ang ilang batang iniisip nilang ramdam nila, kahit ang mga paslit
. . . . . .na ito’y dama sila at nalilito sa piling nila, dinadama ka,
gaya sa pag-iisa na mararamdaman ang balabal ng dilim na nilalá sa di-maarok
. . . . . .na pighati ng ilang naninirahan,
namatay at nawala sa transparenteng karimlan na lungsod na aking pinaninirahan,
pinanirahan na lungsod sa ubod ng aking kaluluwa na tinitirahan ng isang naninirahan,
—at gaya ng lungsod na hitik sa mga siklab, hitik sa mga bituin, hitik sa mga apoy
. . . . . .sa kanto ng mga kalye,
punong-puno ng mga karbon at alipato sa hangin,
gaya ng lungsod na maraming nilalang, mag-isa at malayo sa akin, kumikilos
. . . . . .at bumubulong
na may kapalarang lingid sa kalangitan,
na may mga mata, may mga idolo, at may mga batang dinurog ng gayong kalangitan,
na wala nang búhay na higit sa búhay na ito, na wala nang panahon na higit
. . . . . .sa panahong ito,
na naipit sa matataas na pader ng apoy at paglipol, nagduruyan sa pagsuko,
impit na impit na hinihikbian ang papalubog na lungsod na ito.

At walang anghel o demonyo sa ganitong balón ng katahimikan.
Tanging mga apoy na nakahanay sa mahahabang kalye.
Tanging malalamig na hubog ng mga anino, at pagkabato ng araw na umurong.
Ang hininga ng liwayway na sisilay sa huling sandali, ang mga umiingit na pinto
. . . . . .sa hangin,
ang mga hanggahang nabibiyak at kumakalat at mga anyong nakikisanib sa apoy,
ang mga signo at awit,
na may ilahas na panggigipuspos, sa lupa at lampas sa lupa,
at sa hininga ng mga patay, ang walang humpay na ulan,
ang pagtanggap na lásang tinapay, sa bahay na sinusundan ako tuwing nananaginip,
ang mga patyo at baitang, ang mga laláng at bato, at ang mga bulwagang walang wakas,
ang mga bintanang nagbubukas sa kahungkagan at pumipinid sa pagkagitla,
ang mga silid na kinababaliwan ko at ang mga sulok na aking pinagtataguan
—ang maiitim na dingding at basang lumot, ang mga himpilang hinahanap ko
. . . . . .ang kung anong bagay,
ang pinagkukublihan ng sarili mula sa alingasaw ng bantot ng nakaugalian.

Walang tinig, walang liwanag, walang testimonya ng aking dáting buhay.
Tanging mga apoy,
walang kamatayan bagaman habang-panahong kumukutitap, at tanging mga apoy.
Ang malamlam na pangitain ng multo na minsang tinaguriang kabataan
—sa aking lungsod, sa aking tahanan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Geziel Esteban, titled “La Paz, Bolivia.”  Unsplash.com

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye, ni Georges Rodenbach

Salin ng ““Les réverbères en enfilade . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye’y
Sinisindihan ang malulungkot nitong ilaw
Araw-araw, gaya ng dapat asahan,
At lumilikha ng laro ng mga tahimik na anino,
Na sumasapit at humahayo.

Hindi ba nilalagnat ang Lungsod
Kapag gabi?
Wari’y padilim nang padilim ang paligid;
At inihihimutok ng simoy ang isang tao
Na nabigong gumaling muli ang sakít;
Umaalingawngaw ang mga kampanilya
Para sa pangwakas na orasyon;
Sumisipol ang hangin dahil sa katahimikan;
Ang mga álamo, na pinipigil ang mga dahon,
Ay nangangambang lumikha ng ingay;
Walang yabag ang mga naglalakad sa gitna
Ng ulop, gaya doon sa silid o tabi ng higaan. . .

Bumubulong ang tubigan sa ilalim ng arko
Ng mga sinaunang tulay;
Tila ba nagdarasal nang may buntong-hininga,
Ngunit para sa anong dahilan?

Hindi ba lumalala ang anták ng Lungsod
Ngayong gabi?
Ang mga ilaw ng mga poste sa kalye’y
Kimkim ang pangwakas na siklab ng pag-asa;
Kawangis niyon ang mga mata,
Ang mga handog na panatang lagablab,
Ang mga guniguning apoy at paningin.

O, mga poste ng ilaw! Nagpaparamdam ang mga ito
At nakatutunog ng papalapit na kamatayan;
May kung anong katangian ng tao ang taglay
Ng mga posteng nangangatal at pumuputla,
At waring may mga luha ang loob ng lagablab!

Sino ang susunod na mamamatay?
Umaawit sa itim na tubigan ang sisneng nagbabala. . .

Agaw-buhay marahil ang Lungsod
Ngayong magdamag. . .

Tumatangis ang mga poste ng ilaw sa lansangan!

Disyerto o Mga Lungsod, ni Andree Chedid

Salin ng “Desert ou cites,” ni Andree Chedid ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Disyerto o Mga Lungsod

Hindi ko alam kung anong heometriya
Ng kahungkagan
Kung anong heolohiya
Ng kahigpitan
Kung anong uhaw sa katahimikan
Ang maghahatid sa atin
Nang pana-panahon
Tungo sa madilim
Parehong espasyo
Na ang kaluluwa’y
Humaharap sa sarili
Malayo sa simulasyon
Malayo sa ranggo sa palso
At tahasan kung magpakilala

Hindi ko alam kung anong anyo
Ang humahadlang
Kung anong pagtanggi
Ng mga maskara
Kung anong pinagmulang awit
Ang mabilis
Na magbibigkis sa atin
Sa mga patag na párang
Sa walang palamuting disyerto
Sa mga dúnang may armonya
Sa mga pinong buhangin
Na ang kaluluwa
Ay lumalantad
Yumayakap sa lahat ng espasyo

Hindi ko alam kung anong mithi
Kung anong libog o uhaw
Ang nag-uuwi sa atin sa mundo
Sa masisikip na lungsod
Sa ilog sa punongkahoy sa mga tao
Sa palaisipang nakagiginhawa
Sa matatalas na hinagpis
Na págang na nagpapalago sa atin

Pagang (Coral reef). Kuhang retrato ni Francesco Ungaro, at hango sa Unsplash.

Paninirang-puri, ni Anna Akhmatova

Salin ng “Клевета,” ni Anna Akhmatova ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paninirang-puri

Bumubuntot sa akin ang paninirang-puri.
Naririnig ko sa pagtulog ang mga hakbang niya
sa patay na lungsod na lilim ng bakal na langit
na pinagkukunan ko ng tinapay at sinisilungan.
Nagliliyab sa mga mata niya
ang pagtataksil at ang pagkasindak.
Bigo siyang takutin ako. Sinasalungat ko siya.
May mabigat akong sagot para sa kaniya.
Ngunit alam ko kung ano ang magaganap.
Isang umaga, ang mga hikbi ng mga kaibigan ko’y
babagabag sa pinakamasarap na paghimbing.
Ilalagay nila ang íkon sa malamig kong dibdib.
Pagdaka’y papasok siya at hindi nila makikilala.
Ihahalo niya ang tinig sa mga dasal para sa yumao.
Ang di-matighaw niyang bibig ay bibilangin
ang bawat patak ng aking dugo,
ang bawat ibinintang na krimen.
At bawat isa’y makikinig. Isusuka niya ang deliryo
at walang magkakalakas-loob na sumulyap sa katabi.
Mamamahinga ang lawas ko sa nanginginig na basyo.
Ang aking kaluluwa, na balabal ng sinag ng umaga,
ay magliliyab, sa pangwakas na pagkakataon,
nang may pinsala, nang may malupit na pagkaawa
para sa daigdig na itong ganap na namayapa.

1921

Lungsod, ni Arthur Rimbaud

Salin ng “Ville,” ni Arthur Rimbaud ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Lungsod

Pansamantala ako, at hindi gaanong malungkot tulad ng mamamayan ng metropolis na itinuturing na moderno, dahil lahat ng kilalang panlasa ay iniwasang mabakás sa mga muwebles at eksteryor ng mga bahay, gayundin sa pagkakadisenyo ng lungsod. Wala ritong matatagpuang anumang monumento ng pamahiin. Pinapuról sa mga payak na pananalita ang moralidad at wika, sa wakas! Ang milyon-milyong tao na ito, na ni hindi magkakakilala, ay nagsasabúhay ng edukasyon, kalakalan, at pagtanda nang magkakahawig, na ang landas ng kanilang búhay ay ilang beses na maikli ang haba kung ihahambing sa isinisiwalat ng mga gagong estadistika na laán sa mga tao ng kontinente. Samantala’y tanaw ko mula sa bintana ang mga bagong multong tumatawid sa makapal at eternal na usok-karbon ng lungsod—ang lilim ng ating kahuyan, ang gabi ng tag-araw!—ang bagong Erinyes sa harap ng aking tirahan na bayan ko at lubos na itinatangi ng loob yamang kahawig nito ang lahat!—ang kamatayang hindi natumbasan ng luha, ang masisigasig nating anak at alila, ang desperadong Pag-ibig, at ang nakabibighaning Krimen na sumusungaw sa maputik na kalye.

Laboy, ni Roberto T. Añonuevo

Láboy

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Nadarama ng paruparo ang bathala sa isang bulaklak, at ang eternidad sa simoy, at malalagas ang mga pakpak gaya ng mga tuyong dahon sa huklubang punongkahoy. Nakatatak iyon sa gusgusing tisert ng kaniyang alter ego, at siya na naligaw sa lungsod ay maglalakad na kung hindi alupihan ay langgam na sumusuot sa laberinto ng kanal. Umuulan ngunit sinisinat ang kaniyang panimdim sa iniwang baláy, na marahil ay nakatirik sa gilid ng gulod, at ngayon, hinahanap niya ang katubusan sa talaksan ng basura at bukál ng imburnal. Itataboy siya ng batas palayo sa bangketa kung hindi man palengke, iiwasan ng kotse na waring lumilihis sa askal, at makikita niya ang mga sulat sa pader na dumudugo ngunit hindi niya kailanman maarok ang gramatika ng poot o ang semantika ng hilakbot. Maniniwala siyang guniguni ang lahat—gaya ng nagmumultong binibini sa maaliwalas, maningning na tulay—kung guniguning maituturing ang kagila-gilalas na pag-aaklas sa loob ng kaniyang numinipis na láwas.

 

 

Bigo akong nangingibang-bayan, ni Abdellatif Laâbi

Salin ng “En vain j’émigre,” ni Abdellatif Laâbi ng Morocco
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bigo akong nangingibang-bayan

Bigo akong nangingibang-bayan
umiinom ako ng kape sa bawat lungsod
at nilulunok ang nababatong mukha ng weyter
Ang halakhak sa kabilang mga mesa
ay binubulabog ang musika ng gabi
Isang babae ang naglakad sa huling pagkakataon
Bigo akong nangingibang-bayan
at tinitiyak ang sariling alyenasyon
Tanaw ko ang parehong gasuklay na buwan
pagtingala sa kung saang langit
at ang mapaggiit na pananahimik ng mga bituin
Nagsasalita ako sa sari-saring wika at panawagan
ng iba’t ibang hayop kahit pa natutulog
Ang silid kung saan ako nagigising
ay ang parehong silid noong ako’y isinilang
Bigo akong nangingibang-bayan
Umiilap sa akin ang lihim ng mga ibon
gaya ng pagkamagneto ng aking maleta
na kusang nagbubukas nang bigla
sa bawat antas ng mga paglalakbay