Kapag walang takot ang diwa, ni Rabindranath Tagore

Salin ng “Chitto Jetha Bhayshunyo,” ni Rabindranath Tagore ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag walang takot ang diwa

Kapag walang takot ang diwa at taas-noo ang paglalakad
Kapag malaya at ni walang sukal ang mga karunungan;
Kapag ang mundo’y hindi na muling magkakadurog-durog
Sa makikitid na panloob na moog na matatayog;
Kapag ang salita’y umaahon sa pusod ng katotohanan;
Kapag iniunat nang ganap ang matitiyagang kamay;
Kapag hindi naliligaw ang malinaw na batis ng bait
Sa madidilim na disyerto ng mga patay na kaugalian;
Kapag ang isipan ay kinakasangkapan nang pasulong
Tungo sa papalawak na pagninilay at pakikibaka,
Tungo sa kalangitan ng minimithi’t inaabangang kalayaan,
Ama ko, pukawin mong lubos ang aking lupang tinubuan.

Pagpupugay sa mga Barikada ng Madrid, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Salute to the Madrid Barricades” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ng Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagpupugay sa mga Barikada ng Madrid

Nababalot ng apog sa kaniyang lupang tinubuan,
si García Lorca, na mandirigma at makata,
ay nakahalukipkip sa hukay ng kaniyang libingan,
walang riple, lira, o bala.
Ang alpombra ng mga araw na inindakan ng mga Moro
ay hinabi ngayon sa sanaw ng mga luha at dugo,
at sa mga glasyar ng Alpino, sa tuktok ng mga Pirineo,
mula sa sinaunang hagdan tungo sa kastilyo,
ang makata ay nakikipag-usap sa kaniya,
nabubuhay pa ang makata
na ang kaniyang kuyom na kamao ay nagpapahatid
ng halik sa malayong libingan,
ang uri na inilalaan ng mga makata sa kapuwa makata.
Hindi para sa pagpaslang
bagkus para sa mga araw ng kapayapaan;
sumasahimpapawid ang matatamis na awit,
at ang banayad na awit, ang laro ng mga salita at ritmo
na ating minithi
sa lilim ng mga puso ng mangingibig at sa lilim
ng mga punong namumukadkad, upang hubugin ang berso
na kasingtaginting at kasingningning ng kalembang
ng mga kampana at pananalita ng mga karaniwang tao.

Ngunit nang maging riple ang panulat,
bakit hindi siya tumakas?

Ang bayoneta ay nakaguguhit din sa balát ng tao,
ang mga liham nito’y naglalagablab na dahong
karmesí na aking binababaran sa mga gipit na oras.

Ngunit isa lamang ang batid ko, mahal na kaibigan:
Sa kahabaan ng lansangan sa Madrid
ay magmamartsa muli ang mga manggagawa
at sila’y aawit ng iyong mga awit, o mahal na makata;
Na kapag isinabit na nila ang mga ripleng sinandigan,
kapag isinalong na nila ang sariling mga sandata
nang may pagtanaw ng malalim na utang na loob,
gaya ng mga pilay sa Lourdes ay hindi
na muli nilang kakailanganin pa ang sariling mga saklay.

 

Timawa at Kasal ng Dalawang Lahi sa nobela ni A.C. Fabian

Mukha, eskultura ni Raul Funilas. Kuha ni Bobby Añonuevo

MUKHA, eskultura ni Raul Funilas. Kuhang larawan ni Bobby Añonuevo

Materyal para sa pelikula ang nobelang Timawa (1951) ni Agustin C. Fabian. Nasabi ko ito dahil sa masalimuot nitong banghay, pakikipagsapalaran ng mga tauhan, at pabago-bagong kaligirang tinambalan ng kapana-panabik na paglalahad. Higit pa rito, pinapaksa ng nobela ang nagaganap ngayon sa Filipinas: ang kasalatan ng mga mediko, ang kabulukan ng alta sosyedad, ang prostitusyon ng sarili’t propesyon, at ang pag-iibigan ng magkakaibang lahi.

Tampok sa nobela ni Fabian ang pakikipagsapalaran ni Andres Talon sa Estados Unidos, na pumasok ng kung ano-anong trabaho, gaya ng upahang obrero sa California, Washington, at Oregon; manggagawa sa salmunan sa Alaska; tagalatag ng riles sa Nevada; at weyter sa ospital sa Chicago. Magsisikap makatapos ng medisina si Andres, ngunit daranas muna siya ng matinding diskriminasyon at pag-aaglahi sa mga puting Amerikano at sa mga kapuwa Filipinong nagmula sa alta sosyedad. Mamumuo sa loob ni Andres ang paghihiganti, at gagamitin ang talino at katusuhan upang gatasan ang mga mapagmataas na kababayang gaya nina Alfredo at Estrella.

Magiging ganap na doktor si Andres, at darating ang sandali na sisiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Magsisilbi siya sa Medical Corps ng hukbong Amerikano, upang gantihan ng utang na loob ang nakamit niyang propesyon at nang makabalik saka pagsilbihan ang mga kababayan niyang dukha. Masasabak sa digmaan si Andres, tataas ang ranggo at aani ng papuri mula sa sandatahang lakas ng Amerika. Isang araw, masasabugan ang kanilang kampo, at inakala ng awtoridad na isa sa mga nasawing medikong kawal si Andres. Hindi itutuwid ni Andres ang gayong balita, at magtutungo sa Filipinas upang itago ang lihim niyang katauhan.

Ngunit darating ang hukbong mediko sa Filipinas, at makikilala si Andres. Sisikat si Andres sa hanay ng mayayaman, aakitin ng mga dalaga, at magsisikap na magbigay ng libre at epektibong serbisyong medikal para sa mga dukha. Lumabis sa trabaho ang binata, at isang gabing dumalaw siya sa tahanan ni Lily—na isang puta at tanyag sa sirkulo ng mayayaman—ay nahilo at nabagok ang ulo sa sahig. Magkakaroon ng amnesia si Andres, at gagamitin ni Lily ang pagkakataon upang papaniwalaing siya at si Andres ay mag-asawa.

Samantala, hahanapin siya ng kaniyang kasintahang Amerikana na si Alice. Si Alice ang pinadalhan ng kasulatan ni Andres na sakali’t masawi ito sa digmaan ay siya ang mamamahala ng salaping naipon ng binata upang maipagpatayo ng pagamutan para sa mga maralita. Magtutungo si Alice sa Filipinas, at gagawin ang nais ng kasintahan. Maraming matutulungang tao si Alice habang kabalikat sina Alredo, Bill, at Estrella. Magbabalik ang alaala ni Andres nang muling mabagok ito, at saklolohan ni Tandang Pedro. Mababatid din sa wakas ang panlilinlang ni Lily, at magkakabalikan sina Andres at Alice habang ipinahihiwatig ang paninirahan nila nang lubos dito sa Filipinas.

Pambihira ang ganitong nobela dahil inuurirat nito ang usapin ng pag-aaglahi (racism) hindi lamang ng mga puting Amerikano bagkus ng mga Filipinong nagmula sa maykayang angkan. Ang deskriminasyon na matatamo ni Andres ay magmumula sa liblib na baryong pinaghaharian ng panginoong maylupang si Don Marcos. Iigting ito pagsapit sa Estados Unidos, at aabot sa sukdol nang magbalik siya sa Filipinas pagkaraan ng digma. Kung babalikan ang kasaysayan, itinatag ang programang Apartheid sa Timog Africa noong 1949 at naganap ang madugong bakbakan sa Johannesburg laban sa Apartheid noong 1950. Sa Amerika, magkakagulo nang bugbugin ng mga Puti at pulis ang mga Itim na Amerikano sa Birmingham, Alabama, na ang sukdol ay ang pagkakadakip kay Martin Luther King at pagpapakalat ng may tatlong libong kawal noong 1963. Malalim ang ugat ng rasismo sa Amerika, at maiuugnay sa pang-aalipin sa mga Itim na Afrikano at sa mga baluktot na patakaran ng pamahalaang pinaghaharian ng Puti.

Ilalatag sa nobela ni Fabian ang masalimuot na usapin ng prostitusyon at pagbawi ng dangal. Ang prostitusyon ay hindi lamang kakatawanin ni Lily, bagkus maging si Andres mismo na gagawin ang lahat upang makapiga ng salapi sa mga bulsa nina Alfredo, Estrella, at Lily at maibahagi iyon sa higit na nangangailangang maralita. Maituturing din na puta ang gaya nina Alfredo at Estrella, na pawang gagamitin ang salapi upang paikutin ang mga dukha at iba pang tao, alinsunod sa kanilang nais. Sa kabila ng lahat, aasa si Lily  na maiaahon siya sa lusak sakali’t mapangasawa si Andres. Maghuhunos ang pagkatao nina Bill, Alfredo, at Estrella dahil sa leksiyong ibibigay ni Andres. At magbabago si Andres dahil kay Alice na magtuturo sa kaniya na paganahin ang damdamin imbes na isip lamang.

Walang bida sa kumbensiyonal na pakahulugan ng “bida” sa nobela ni Fabian. Lahat ng tauhan ay may kahinaan, at nalulutas lamang ang kahinaan dahil may banggaan ng isip at loob ang mga tauhan. Ang naturang banggaan ay lumikha ng sintesis upang maituwid ang pagkakamali. Si Andres ang ultimong halimbawa, na ang isang tagapagligtas ay dumanas ng pagkatimawa mulang pagsilang hanggang pagkatigulang at nawalan ng gunita. Makaaahon lamang si Andres sa madilim na yugto sa tulong ng kaniyang mga kaibigan at ng gaya ni Tandang Pedro; at dahil nagmumula sa loob mismo ni Andres ang kapasiyang umahon sa karukhaang pangkatawan, pangkabuhayan, at pangkaisipan.

Kung sisipatin naman ang bayan ni Andres, mababago lamang ang sistema ng gamutan sa naturang lugar nang dumating si Andres at magpasimula ng bagong sistema. Mababago rin ang diskriminasyon sa mga dukha nang ipagpatuloy ni Alice ang naiwan ni Andres. Sa panig ni Alice, matutuklasan niya na hindi sapat na gamutin ang pisikal na katawan. Kailangan ding gamutin ang masasamang kaugalian na bumabalot sa isip ng taumbayan. Makatutulong din ang hukbong mediko ng Amerika nang magtungo ito sa bayan para gamutin ang mahihina, maysakit, at sugatan. Ngunit ang sukdulan ng paggamot ay hindi lamang sa pisikal na antas. Ito ay ang pagbabago sa pananaw ng mga panginoong maylupang gaya ng mga magulang nina Estrella at Mercedes tungo sa mga dukhang magbubukid. Magiging tulay sa naturang pagbabago ng pananaw si Andres, na animo’y humuhugot ng alusyon sa himagsikang pinasimulan ng kaniyang tukayo at nagkataong supremo ng Katipunan.

Mahalaga ring pansinin ang pagkakasal ng dalawang lahi. Magpapakasal sina Bill at Estrella, at ipahihiwatig ang muling pagbabalikan nina Andres at Alice. Sina Alice at Bill ang mga halimbawa ng pagbasag sa de-kahong pagtingin na ang mga Amerikano’y sadyang tarantado at mapaniil. Kinakatawan nila ang mga tao na may puso kahit sa ibang tao na iba ang lahi at estado sa buhay. Ang pag-iisang dibdib naman nina Alfredo at Mercedes ay tila nagsasaad na kahit magkaiba ang kanilang kinamulatang gawi at asal ay magkakaayos ang magkasintahan sa mabuting usapan. Ipinakikita rin sa nobela ang pagiging alyado ng Filipinas at Amerika, na isa ring uri ng pagbibigkis ng lahi sa oras ng pandaigdigang digmaan.

Ang konsepto ng “timawa” ay mauugat sa mga tala ni Juan de Isla (1565), na ipinakahulugang uring panlipunan na katumbas ng “malayang tao.” Kabilang ng “timawa” ang “datu” na maykaya at ang “alipin” na siyang utusan ng mga datu. Sa pag-aaral ni William Henry Scott at alinsunod sa mga tala ni Miguel de Loarca, ang “timawa” ay anak o salinlahi ng asawa o kabit ng datu, o kaya’y anak ng aliping inanakan ng datu. Walang karapatang makamana o magmana ang timawa, at tanging datu lamang ang may kapangyarihang gawin ito. Maglalaho ang uring panlipunan na kinakatawan ng timawa pagsapit ng kolonisasyon ng Espanyol, at ang nasabing taguri ay ilalapat pagkaraan sa mga tao na “dukha” sa ekonomiko, pisikal, at intelektuwal na antas. Nang lumaon, ginamit na mapanlibak na taguri ang “timawa” sa mga maralita, at kinargahan ng negatibong pahiwatig saka inalis ang pakahulugang may kaugnayan sa “kalayaan,”  “laya,” at “paglaya.” Ang doble-karang konsepto ng “timawa” ang mahihinuhang kinasangkapan ni Fabian sa nobela, na hindi lamang tungkol sa karukhaan bagkus maging sa kalayaan ng tao sa sistemang mapaniil.

Kailangang balikan ng bagong henerasyon ng mga mambabasa ang Timawa ni Fabian. Maraming Filipinong mediko, nars, at parmasyotiko ang nagtutungo sa ibayong dagat upang maghanapbuhay, at nauubos ang hanay nila sa Filipinas. Ang pag-alis nila sa Filipinas kung minsan ay ganap na paglagot sa ugnayan sa Filipinas, bagaman may ilang magbabalik upang dito magretiro at gugulin ang naipong pensiyon. Ang nobela ni Fabian ay paggunita sa kakayahan ng tao na makaahon sa madilim niyang nakaraan, papaghilumin ang sugat sa kalooban at isipan, o kaya’y sa gunita at lipunan. Ngunit hindi ito magagawa lamang ng isang tao. Kailangan ang pagtutulungan, at ang bisa ng pagbabayanihan ay isang susi upang mabuksan ang pinakamaringal at pinakamatayog sa puso ng tao anuman ang kaniyang lahi. Higit sa lahat, ang nobela ay isang mahabang paglalakbay, at ang nagbabalik ay maaaring hindi ang taong dating umalis, bagkus bagong tao na magpapatuloy sa naiwang tungkulin noong nakalipas na panahon.

WikImperyo

Napakagandang teknolohiya ang pagkakaimbento ng wiki. Ang wiki ay isang software na maaaring gamitin sa pagsusulat at paghubog ng mga akda o disenyo. Magagamit din ito bilang tulay ng komunikasyon, sa pag-iimbak ng impormasyon, sa pagbubuo ng pamayanang may kulob na pook, at sa paghikayat ng bayanihan ng mga kasapi. Malayang magagamit ang teknolohiyang wiki, at ang kahanga-hanga’y  malaya ang sinumang paunlarin ang nasabing teknolohiya upang makatulong sa mga tao.

Hango sa salitang Hawai’ian, ang “wiki” ay pinangatawan ang pagiging “mabilis,” at gaya ng kidlat ay kisapmatang makapaghahatid ng kaaya-ayang balita o karima-rimarim na sakuna.

Makapangyarihan ang wiki kung gagamitin ng isang kompanya, na ang mga kawani nito ay may batayang diskurso, layon, at bisyon para sa ikalalago ng nasabing kompanya sa kabuuan at ng bawat tao na kabilang doon. Magiging malaya ang daloy ng usapan, at batay sa patakaran ng nasabing kompanya ay maitatakda ang usapan, programa, at proyektong katanggap-tanggap sa buong organisasyon.

Ngunit may panganib din ang wiki kung gagamitin sa pandaigdigang antas. Halimbawa, ang Wikipedia ay kakatawan sa pandaigdigang imbakan ng impormasyong ensiklopediko ng bawat bansa. May pamayanan ito ng mga manunulat at editor, na bagaman hindi lantarang kilala, ay makapagpapasok ng lahok ng nais nila. Inaasahan na ang bawat mamamayan ng daigdig ay malayang makapag-aambag sa wikang Ingles o kaya’y sa Tagalog o Espanyol o Mandarin. Sinuman ay may karapatang sumulat o mag-edit, hangga’t kaya ng sikmura at malalim ang bulsa, bukod sa pagkakaroon ng kompiyuter, akses sa internet, at kaalaman sa wika.

Ang kalayaaan ng sinumang tao ay nakatali pa rin sa ekonomikong kalagayan at internet. Sinumang ibig mag-ambag sa gaya ng Wikipedia ay kailangang sumunod sa patakaran nito. At ang paghawak sa impormasyon ay gaya lamang ng kalakaran ng paghawak ng impormasyong sinusunod sa mga kanluraning bansa.

Makabubuti ang Wikipedia para sa mga establisadong bansa, gaya ng Estados Unidos o Japan o United Kingdom. May sapat na kakayahan ang naturang mga bansa mulang paglikom ng kaalaman at intelektuwal hanggang pagbibigay ng akses sa kompiyuter at internet. Ngunit mapanganib ito  sa gaya ng Filipinas, dahil ang Wikipedia na magiging imbakan ng impormasyon hinggil sa Filipinas ay hindi lamang impormasyon ang maaaring iluwal bagkus ang tone-toneladang basurang maaaring sulatin ng mga nasa pamayanan ng manunulat o editor. Ang Wikipedia Tagalog, halimbawa, ay hindi lamang hinggil sa “Katagalugan” ang nilalaman; naroroon din ang mga kahanga-hangang hilaw na halaw at saling ikalilito ng karaniwang tao kung hindi man intelektuwal.

Mapalalabas kung gayon ng Wikipedia na patas at obhetibo ang presentasyon nito ng mga impormasyon. Ito ay dahil sa pag-aakalang ang lahat ng manunulat at editor nito ay may malasakit sa pagbibigay ng tamang impormasyon. Ngunit hindi ito ang nagaganap, halimbawa na, sa Wikipedia Tagalog dahil walang kakayahan ang naturang websayt na ipakita ang tunay na kalagayan ng Filipinas sa pamamagitan ng Tagalog. Ang ginagamit na Tagalog sa Wikipedia Tagalog ay malayo sa tradisyon nina Jose Rizal at Andres Bonifacio hanggang Lope K. Santos at Iñigo Ed. Regalado hanggang Liwayway A. Arceo at Genoveva Edroza-Matute. Ang Tagalog ng Wikipedia Tagalog ay Ingles na Tinagalog, na uri ng wikang pinauso ng mga tarantadong akademista na ni hindi yata nagbabasa ng panitikang Tagalog. 

Maaaring walang tuwirang programa ang Wikipedia Tagalog na bilugin ang isip o pagkatao ng karaniwang Filipino alinsunod sa pananaw ng banyaga, gaya ng Amerika. Gayunman, ang mga nalilikha nitong basura at baluktot na pananaw ay tuwirang makaaapekto sa isip, kamalayan, at kalooban ng bagong henerasyon ng mga Filipino hindi lamang ngayon kundi maging sa susunod na panahon. Ang ginagawang mababaw na salin o halaw sa Wikipedia Tagalog ay bumibiyak din sa simulaing itaguyod ang Filipino bilang wikang pambansa ng Filipinas, dahil pinalalabas nito na ang Tagalog ay nasa yugtong mababa, dukha, at laging katunggali ng ibang wikang lalawiganin sa Filipinas.

Maikakatwirang malaya namang baguhin o iedit ng sinumang Filipino ang mga lahok sa Wikipedia. Subalit hindi iyon sapat na katwiran. Hindi lahat ng 97 milyong Filipino ay may taglay na kompiyuter at akses sa internet. Hindi lahat ng Filipino ay katulad ng Amerikano na ang kultura ay tahas at mapaggiit. Taglay pa rin ng nakararaming Filipino ang mga halagahan nito sa komunikasyon na mapagpahiwatig, gaya ng lumabas sa pag-aaral ni Dr. Melba Maggay. Hindi pa rin buo ang pagkabansa o kabansaan ng Filipinas, ayon kay Dr. Zeus Salazar, at ang gayong kalagayan ay napakadaling kasangkapanin ng alinmang makapangyarihang korporasyon o estado upang hatiin ang naturang bansa at panatilihing sakop ito sa pandaigdigang antas.

May tugon ang mga Filipino kung ayaw nila sa Wikipedia. At ang tugon na ito ay hindi tahas, gaya ng sa Kanluranin. Ang pagsasawalang-bahala o pananahimik ng mga Filipino ay hindi nangangahulugan ng pagtanggap, kundi maaaring pagtutol na rin sa gayong kalakarang mabilis na iginigiit sa kanila ng nagbabagong simoy. Kailangan ng Filipinas ang isang alternatibong websayt para sa mga Filipino. Isang websayt na hindi kayang ibigay o ihain ng gaya ng Wikipedia, Yahoo, at iba pa.

Hinihimok ko ang sinumang Filipino na gamitin natin ang bagong teknolohiya para sa ikagagaling ng mga Filipino. Ang teknolohiya ng wiki ay hindi magiging matagumpay kung hindi mauunawaan ito ng nakararaming Filipino at gagamitin sa kapaki-pakinabang na paraan. Kailangang maipaliwanag ito nang maayos sa mga Filipino, at ipaliwanag hindi sa wikang Ingles, bagkus sa wikang Filipino. Kailangang maisaloob nila na ang teknolohiya ay kabahagi ng kanilang pag-unlad at hindi kasangkapan upang lalong mabaon sila sa lusak.

Panahon na upang mag-usap ang mga Filipino sa wikang Filipino. Sa ganitong pagkakataon lamang natin mahihikayat ang tunay na ubod ng pagbabayanihan para sa Lupang Tinubuan.