Para sa Kanilang Darating, ni C.P. Cavafy

Salin ng “For Them to Come,” ni C.P. Cavafy ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Para sa Kanilang Darating

Sapat na ang isang kandila. . . . . . . . . .Ang kulimlim nitong sinag
ay higit na angkop, . . . . . .. . . . . . . magiging higit na mabuti
kapag dumating ang mga Anino, . . . ang mga Anino ng Pag-ibig.

Sapat na ang isang kandila. . . . . . .. . . Ngayong gabi, ang silid
ay hindi dapat nakasisilaw. . . . . . Lubog nang ganap sa pagninilay
at sa mungkahi, . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at sa mahinang ilaw—
kayâ masidhi sa pagninilay, . . . . . . . mangangarap ako ng bisyon

para sumapit ang mga Anino, . . . . . .ang mga Anino ng Pag-ibig.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Christian Holzinger @ unsplash.com

Inisip ang Bayan ko’t Nagbalik ako sa Punongkahoy

Inisip ang Bayan ko’t Nagbalik ako sa Punongkahoy

Salin ng tulang tuluyan ni Karol Wojtyla (Papa Juan Pablo II) mulang Poland.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

1.
Sumibol ang punongkahoy ng karunungan ng mabuti at masama sa pasigan ng ating lupain. Kasama natin ay lumago ito sa paglipas ng mga siglo; tumayog itong Simbahan sa pamamagitan ng mga ugat ng ating konsiyensiya.

Pinasan natin ang mga prutas, mabigat ngunit nakapagpapalakas. Naramdaman natin ang punongkahoy na yumayabong, gayunman ay nanatiling nakabaon nang malalim sa isang patse ng lupa ang mga ugat nito. Inihayag ng kasaysayan ang mga pakikibaka ng ating konsiyensiya. Pumipintig ang tagumpay sa loob ng saray nito, at ang kabiguan. Hindi tinatakpan ng kasaysayan ang mga ito, bagkus hinahayang tumingkad.

Kaya ba ng kasaysayang dumaloy pasalungat sa agos ng konsiyensiya?

2.
Saang direksiyon nagsanga ang punongkahoy? Aling direksiyon ang sinusundan ng konsiyensiya? Walang kilalang hanggahan ang punongkahoy ng karunungan.

Ang tanging hanggahan ay ang Pagdating na magbibigkis sa isang lawas ang mga pakikibaka ng konsiyensiya at ang mga misteryo ng kasaysayan: paghuhunusin nito ang punongkahoy ng karunungan tungo sa Matang-tubig ng Buhay, na patuloy dumadaluyong.

Subalit bawat araw ay naghahatid ng parehong pagkakahati-hati sa bawat diwa at kilos, at sa pagkakahating ito’y ang Simbahan ng konsiyensiya ay tumataas mula sa mga ugat ng kasaysayan.

3.
Huwag nawa nating maiwala ang linaw na nakikita ng paningin, na pinaglilitawan ng mga pangyayari, at naglaho sa di-masukat na tore na batid ng tao kung saan siya patutungo. Tanging ang pag-ibig ang talaro ng tadhana.

Huwag na nating dagdagan ang saklaw ng anino.

Hayaang ang sinag ng liwanag ay umalimbukad sa mga puso at tumanglaw sa gitna ng karimlan ng mga salinlahi. Hayaang ang sinag ay tumagos sa ating karupukan.

Hindi dapat nating payagan ang kahinaan.

4.
Mahina ang bayan na tumatanggap ng kabiguan, at nalimot na ipinadanas iyon upang magbantay hanggang pagsapit ng oras nito. At ang mga oras ay patuloy na nagbabalik sa dakilang orasan ng kasaysayan.

Ito, ang liturhiya ng kasaysayan. Ang pagbabantay ay salita ng Panginoon at ang salita ng Bayan, na patuloy nating tinatanggap nang panibago. Lumilipas ang sandali sa salmo ng walang humpay na kumbersiyon: kumikilos tayo tungo sa pakikilahok sa Ewkaristiya ng mga daigdig.

5.
Sa iyo, daigdig, kami ay bumababa upang palawakin ang iyong saklaw sa lahat ng tao, ikaw na mundo ng aming mga kabiguan at tagumpay; sa lahat ng puso’y bumabangon ka bilang misteryo ng paskuwa.

Daigdig, palagi kang magiging bahagi ng aming panahon. Sa kabila ng panahong ito, at sa pagkatuto ng bagong pag-asa, maglalakbay kami sa bagong daigdig.

At ibabantayog ka namin, daigdig ng sinauna, bilang bunga ng pag-ibig ng mga salinlahi na hinigtan ang poot.

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag

Salin ng tulang “Do not go gentle into that good night” ni Dylan Thomas.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

HINDI DAPAT PUMANATAG SA BIGHANI NG MAGDAMAG

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Dapat taglay ng matanda ang silakbo nitong araw;
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Mga pithó’y sadyang batid na karimlan itong tumpak
Dahil dila’y di masambit ang salitang may salapáng,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Mabubuti’y kumakaway, may hinayang na kay-lakas,
Kung sumayaw sa katihan ang mahinang likhang alay,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Ang ilahás, na hinamig at nilustay yaong sikat,
At nabatid, nang hulí na, na magsisi sa pagpanglaw,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Agaw-buhay, ang maysakit na tumitig sa marilag
Ay nakita ang ligaya’t  bulalakaw sa karimlan,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

At ikaw po, aking ama, sa sukdulan nitong habag,
Sumpain mo’t pagpalain nang may luhang lumalaban:
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Talinghaga ng Kabutihan ni Oscar Wilde

Dalawang tulang tuluyan ni Oscar Wilde
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG GUMAGAWA NG MABUTI

Takipsilim na at nag-iisa Siya.

At natanaw Niya sa malayo ang mga pader ng pabilog na lungsod at dumako paparoon.

At nang Siya’y malapit na, narinig Niya sa loob ng lungsod ang indak ng mga paa ng tuwa, at ang halakhak ng bibig ng kasiyahan, at ang ingay ng maraming laúd. Kumatok Siya sa tarangkahan at tiwalang ang mga taliba ang nagbukas sa Kaniya.

At sinipat Niya ang bahay na yari sa marmol na may mga haliging parisukat sa harap. Ang mga haligi’y kinuwintasan ng mga bulaklak, at sa loob at labas ay may mga sedrong sulo. At pumasok Siya sa bahay.

At nang nilandas niya ang bulwagan ng kalsedonya at ang bulwagan ng haspe, at nakarating sa mahabang bulwagan ng pista, nakita Niyang nakahiga sa lilang kutson ang lalaking may korona ng mga pulang rosas at ang labi’y pinapula ng alak.

At nagtungo Siya sa likuran nito at tinapik ang balikat, saka winika sa lalaki, “Bakit ka namumuhay nang ganito?”

At lumingon ang kabataang lalaki at nakilala Siya, at sumagot, “Ketongin ako dati at pinagaling mo ako. Paano ba ako dapat mamuhay?”

At nilisan Niya ang bahay at muling naglagalag sa lansangan.

At hindi naglaon ay nasilayan Niya ang mukha at damit na pawang pinintahan at ang mga paang may galang ng mga perlas. At sa likod ng babae’y dumating nang marahan, gaya ng mangangaso, ang binatang nakabalabal ng dalawang kulay. Kasingrikit ng mukha ng idolo ang mukha ng dilag, at ang mga mata ng kabataang lalaki’y kumikislap sa pagnanasa.

At mabilis Niyang sinundan at hinawakan ang kamay ng kabataang lalaki at nagwika, “Bakit mo tinititigan ang babaeng ito at sa gayong katusong paraan?”

At lumingon ang binata at nakilala Siya at nagsabing, “Ngunit dati akong bulag, at binigyan mo ako ng paningin. Ano pa ang dapat kong tingnan?”

At tumakbo Siya nang pasulong, at hinipo ang pinintahang kasuotan ng babae at winika sa kaniya, “Wala na bang ibang landas na malalakaran bukod sa landas ng kasalanan?”

At napalingon ang babae at nakilala Siya, at tumawa saka nagsabing, “Ngunit pinatawad mo ang aking mga kasalanan, at ang daan ay daan ng kaluguran.”

At lumabas Siya sa lungsod.

At nang makalabas siya palayo ng lungsod ay nakita Niya ang kabataang lalaking nakaupo sa gilid ng lansangan at humahagulgol.

At nilapitan Niya ang kabataan at hinaplos ang mahahabang buhok nito at nagwika, “Bakit ka umiiyak?”

At tumingala ang kabataang lalaki at nakilala Siya, at sumagot, “Ngunit namatay na ako noon, at ikaw ang bumuhay muli sa akin. Ano pa ang dapat kong gawin kundi humagulgol?”

ALAGAD NG SINING

Sumapit sa kaniyang kaluluwa isang gabi ang mithing lumikha ng hulagway ng ANG KALUGURANG NANANATILI NANG SANDALI. At ginalugad niya ang daigdig upang maghanap ng bronse. Dahil tanging sa bronse lamang siya nakapag-iisip.

Ngunit naglaho ang lahat ng bronse sa buong daigdig, at walang matagpuang bronse saanmang sulok, maliban sa imaheng bronse ng ANG DALAMHATING UMIIRAL MAGPAKAILANMAN.

Kinuha niya ang naturang hulagway, at sa kaniyang mga kamay ay hinubog, at inilagay sa libingan ng minahal niya sa tanang buhay. Sa libingan ng patay na bagay na kaniyang pinakamamahal, lumikha siya ng hulagway ayon sa kaniyang  guniguni, upang maging sagisag ng pag-ibig ng tao na hindi mamamatay, at maging sagisag ng dalamhati ng tao na mabubuhay magpakailanman. At sa buong daigdig ay wala nang iba pang bronse kundi ang bronse ng hulagway na ito.

At kinuha niya ang hulagway na kaniyang hinubog, at ipinatong sa malaking siga, at ipinaubaya sa lagablab ng apoy.

At mula sa imaheng bronse ng ANG DALAMHATING UMIIRAL MAGPAKAILANMAN ay nilikha niya ang hulagway ng ANG KALUGURANG NANANATILI NANG SANDALI.

Maria Magdalena. Pintura ni Francesco Hayez.

Maria Magdalena. Pintura ni Francesco Hayez. Dominyo ng publiko.