Madaling-araw, ni Yi Kyu Bo

Madaling-araw

Salin ng tula ni Yi Kyu Bo ng Sinaunang Korea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tumilaok ang manok sa silungan niya sa tabing-ilog.
Batid kong sasapit na ang madaling-araw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Pumuputla-putla na ang buwan.
Itim ang mga kilapsaw na dumaraan, isa-isa,
gaya ng mga anino sa puting tulay ng buwan.

Bumangon ang simoy ng madaling-araw
kung saan lumalawiswis ang mga punong sawse.
Gumuhit sa katahimikan ang malayong awit,
na palapit nang palapit,
at pauwi na ang mga mangingisdang nagpuyat.
Puti ang mga damit nila gaya ng bulaklak ng tambo,
na may sinag ng buwan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Teka, sila ba ay mga multo o tao?
Hindi ko masabi. Unti-unting naglaho ang awit nila.

Yes to human rights. No to illegal arrest. No to bogus operation.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Advertisements

“Madaling-araw,” ni Gladys Casely-Hayford

Salin ng tula ni Gladys Casely-Hayford ng Sierra Leone.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Madaling-araw

Ang madaling-araw para sa mayaman, artistiko’t marunong
ay kariktang nakabalatay sa kambas ng himpapawid,
at ang mga pinsel bilang ulap na bughaw na lumulutang
ay idinawdaw sa dayaray para sa pagpipinta, at hinugasan
ng dalisay na hamog.

Ngunit ang madaling-araw na pinaliliguan ang gabi sa luha
at pumipiga sa ikabubuhay mula sa di-sumusukong taon,
ay hitik sa mga kakatwang pangangarap at pangamba.
Ang madaling-araw ay nagpapasulak ng sindak ng araw
na ang nanggigipit na walang katiyakan ay namamayani;
At ang kirot na taglay sa pagsuko sa pamamagitan ng maikling
oras ng pamamahinga
ay bumabangon nang malupit sa walang humpay na mithing
pagupuin ang láwas, utak, diwa, at kalooban hanggang
malutas ang kamatayan, at maging layon ang kamatayan.

Dahil ang gayong búhay ay salát sa kagandahan, wala
ni munting liwanag  ang sumasapit na madaling-araw,
dahil ang araw ay walang kapag-a-pag-asa, at hinablig
ang madaling-araw tungo sa isang anyo ng pagkaagnas.

Sulat ng Dayaray, ni Noshi Gillani

mga tula sa wikang Urdu ni Noshi Gillani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

SULAT NG DAYARAY

Ngayong natuto ang dayaray na sumulat,
Maisusulat nito ang taglagas bilang tagsibol
Upang itumbas ang tagsibol na paghihintay.

Ngayong ang dayaray ay natutong sumulat,
Maisasalin nitong sumpa ang paglalagalag
At sumpain ang matatapat sa matwid na landas.

Ngayong natuto ang dayaray na sumulat,
Ang pagtitipon ay mailalarawang paglilipat;
Ang pag-ibig ay maisasaling kahinaan,
At ang punongkahoy ay mawawalan ng lilim.

Ngayon ay hihipan ng dayaray ang mga ilawan,
Magpupugay sa takipsilim, iwawaksi ang liwayway.

O, lahat kayong nagturo sa dayaray na sumulat!
Ngayon, ang dayaray ay natuto nang sumulat.

NAGBABAGO NG HIHIP ANG HANGIN

Alam mo bang
Nagbabago ng hihip ang hangin?
Iiwan ng mga ibon ang pugad sa madaling-araw
At malilimutan ang landas pabalik.
Minsan sa tagsibol, nagkakasanga ang puno’t
Nalalagas ang mga dahon bago pa ang taglagas;
Gaya ng mga landas na tinahak ng aking buhay
Na tinangay kung saan at parang alikabok
Ang kakaibang ngiting humuhugis sa labi mo.
Wiwikain mong, “Ano ang bago?”
Sa anumang bagay sa kuwento, at tutugunin kang
Ikaw ang bago,
Alam mo ba?
Ngunit paano mo mababatid ito?
Ang kanlungan ng iyong pag-ibig at pananalig
Ay maaaring hipan palayo na parang alabok
Dahil nagbabago rin kahit ang hihip ng hangin.

Panahon at Bilanggong Ibon, ni Maya Angelou

salin ng tatlong tula ni Maya Angelou.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PANAHONG LUMILIPAS

Madaling-araw ang balát mo
At ang akin ay takipsilim.

Ipinipinta ng isa ang simula
ng tiyak na pagwawakas.

At ang kabila, ang wakas
ng tiyak na pagsisimula.

ANGAS

Iabot sa akin ang iyong kamay

Paraanin ako
upang mamunò at sumunod
sa iyo
nang higit sa poot ng panulaan.

Hayaan ang ibang makamit
ang katahimikan
ng nakauunawang mga salita
at pag-ibig ng pagkawala
ng pagmamahal.

Para sa akin,
Iabot mo ang iyong kamay.

BILANGGONG IBON

Lumundag ang malayang ibon
sa likod ng simoy
at lumutang pabulusok
hanggang magwakas ang agos
at ibinilad ang mga pakpak
sa bulawang sinag ng araw
at naghamong aangkinin ang langit.

Ngunit ang ibon na nagbabantay
sa loob ng masikip na kulungan
ay bihirang makakita sa pagitan
ng mga rehas ng poot
pinutol ang kaniyang mga bagwis
at itinali ang mga paa
kaya binubuksan ang lalamunan
upang umawit.

Umaawit ang bilanggong ibon
nang may nakatatakot na pangangatal
ng mga bagay na nalilingid
ngunit umaasam ng katahimikan
at maririnig ang himig nito
sa malalayong buról
dahil ang bilanggong ibon
ay umaawit ng kalayaan.

Iniisip ng malayang ibon ang ibang dayaray
at matimtimang habagat sa umuungol na kahuyan
at naghihintay ang matatabang bulate sa damuhang
matitingkad at magwawaring kaniya ang kaitasaan.

Ngunit nakatayo ang bilanggong ibon sa libingan
ng mga pangarap, humihiyaw ang kaniyang anino
sa pagkabangungot, pinutol ang kaniyang bagwis,
at may tali ang mga paa kaya binubuksan niya
ang lalamunan upang umawit.

Umaawit ang bilanggong ibon
nang may nakatatakot na pangangatal
ng mga bagay na nalilingid
ngunit umaasam ng katahimikan
at maririnig ang himig nito
sa malalayong buról
dahil ang bilanggong ibon
ay umaawit ng kalayaan.