Ang Patay na Bata, ni Pier Paolo Pasolini

Salin ng “Il nini muàrt,” ni Pier Paolo Pasolini ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Patáy na Batà

Maningníng ang gabî’t umaápaw
ang bangbáng, isang babáeng kilík
ang anák ang naglandás sa búkid.
Nagugunitâ kitá, Nárciso; ikáw ang kúlay
ng magdamág nang umálingawngáw
sa pagdádalámhatì ang batingáw.

Ulan sa Madaling-araw, ni Du Fu

Salin ng “朝 雨,” ni Du Fu ng People’s Republic of China
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulan sa Madaling-araw

Sumisipol sa liwayway ang malamig na hangin
na tangay ang mga ulop ng ilog, sakâ dumilim.
Nagtago ang mga bibe sa karatig na pulô;
sa tigmak na sanga, mga layanglayang ay nupò.
Sina Huang at Qi sa wakas ay lumiban sa Han ;
di nakipagkita sina Chaofu at Xu You kay Yao .
Natitira sa kubol ko ang isang basong alak;
mabuti’t nakaraos sa maginaw na magdamag.

Alicante, ni Jacques Prévert

Salin ng “Alicante,” ni Jacques Prévert ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alicante

Jacques Prévert

Kahel na nakapatong sa mesa
Ang damit mo’y nasa alpombra
At nakahiga ka sa aking kama
Kaytamis na handog na sumilang
Na kasariwaan ng magdamag
Ang lagablab sa aking búhay

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!

Terasa, ni Vittorio Sereni

Salin ng tulang “Terrazza,” ni Vittorio Sereni ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Terasa

Sinaklot bigla tayo ng magdamag.
. . . . . . . .  . . . . . . . . .  . .. . . .Hindi mo na batid
kung saan nagwawakas ang lawa;
Tanging ang mga laguklok
ang sumasalipadpad sa ating búhay
sa ilalim ng nakabiting terasa.

Lahat tayo’y pigil-hininga’t nakalambitin
sa píping pangyayari ngayong gabi
nang pasinagan ng barkong de-torpedong
sumiyasat sa atin, pagdaka’y naglaho palikô.

No to war. Yes to peace and social justice. No to illegal arrest.

“Gabi,” ni Agostinho Neto

Gabí

Salin ng “Noite,” ni Agostinho Neto ng Angola.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Namumuhay ako
sa madidilim na baryo ng mundo
nang walang liwanag at búhay.

Pakapâ-kapâ ako habang naglalakad
sa mga lansangan
sumasandig sa bulong ng pangarap
natatalisod sa kaalipnan
sa hangad na makamit ang pag-iral.

Mga baryo ng pang-aalipin
mga mundo ng pagdurusa
mga baryo ng karimlan.

Doon nalulusaw ang bait
at nalilito ang mga tao
sa kung ano-anong bagay.

Naglalakad ako
nang hindi nadarapa
sa mababatong lansangang
ni walang ilaw
ngunit may lihim na hiwaga
at lagim ng mga multo.

Malamlam ang magdamag.

Isang Gabi at iba pang tula ni C.P. Cavafy

Mga tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Gabi

Ang silid ay maalikabok at gigiray-giray
na nakatago sa ibabaw ng wasak ng taberna.
Mula sa bintana ay matatanaw ang eskinita,
na marumi at makitid. Mula sa ibaba’y
dinig ang mga tinig ng mga obrero
na nagpupusoy at naghahalakhakan.

At doon, sa gastado’t mumurahing kama’y
inangkin ko ang katawan ng sinta, ang labing
sensuwal, mala-rosas, nakalalangong labi—
ang rosas na labi ng sensuwal na kaluguran
kaya kahit ngayon habang nagsusulat ako
makaraan ang ilang taon, sa aking tahanan,
ramdam ko pa rin ang labis na kalasingan.

Libingan ng Gramatikong si Lisiyas

Sa kanugnog, sa kanan papasok ng aklatan
ng Beirut, inilibing namin ang dalubhasang
gramatikong si Lisiyas. Naaangkop ang pook.
Inilagak namin siya sa mga bagay na pag-aari
niya at magugunita—mga tala, teksto, gramatika,
katha, tomo-tomong puna sa idyomang Griyego.
Sa gayon, makikita at mapagpupugayan namin
ang kaniyang libingan tuwing kami’y lalapit
sa mga aklat.

Sa Parehong Espasyo

Ang mga paligid ng bahay, sentro, at kapitbahayan
na natatanaw ko’t nilalakaran nang kung ilang taon.

Nilikha kita mula sa ligaya at sa pagdadalamhati:
Mula sa maraming pagkakataon at maraming bagay.

Ikaw ay naging lahat ng pagdama para sa akin.

Kulam

Natuklasan ng huklubang mangkukulam ang bisa ng bulóng, at isang gabi ay sinubok niyang isakay sa simoy ang mga salita. Ang unang pagtatangka ay nagbunga ng alimpuyo ng alikabok, na humalo sa ulop na hatid ng tuyot na buntot ng Nobyembre. Ipagpalagay na bukod na sistema solar ang ipuipo, at ikaw na nakamamasid ay makararamdam ng pagkasabik sa bagong planeta na nagkikimkim ng lihim na nilalang at kaligirang makatatanggap ng lumalabis na populasyon ng kabihasnan. Hindi masisiyahan ang mangkukulam; at sa ikalawang pagtatangka noong sumunod na gabi ay mananalangin sa mga anito para sumapit ang unos na maglalandas sa iyong pusod bago humimpil nang matagal sa kambal mong puyô. Mapapaigtad ka, at mauulinig ang tinig ng hukluban na pumapasok sa iyong kalooban upang bulabugin ang ritwal ng nakagawiang tibok ng puso. Magsasalubong ang iyong mga kilay at mapapakagat-labi ka. Kulang pa ani mangkukulam ang gayong tagpo, at sa ikatlong pagtatangka noong ikatlong gabi ay huhubarin ang agam-agam, at ang kaniyang gunam-gunam ay sasaklawin ang iyong labi at paningin. Ak. . . ka! Ak. . . ka! Papawisan ka nang malamig; mangangatal ang iyong baba at pipitlag ang kalamnan na waring bagabag, saka durupok ang iyong mga tuhod hanggang isuko mo ang iyong sarili sa kaluguran ng karimlan. Papatak ang dugo sa sahig. Maglalakad ka na parang malagihay, at matitigmak ang sahig sa mapupulang alaala ng halimaw na humihigop ng dugo at naglulunoy sa iyong ihi. Sisirit mula sa mga puwang ng pader na laman ang maligamgam na likido, at pagkaraan, ang mangkukulam ay waring tinamaan ng kidlat na gugulapa sa pagod sa kaniyang libingan, at ibubulalas sa halakhak ang di-mapigil, di-maunawaang kabangisan.

“Kulam,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 7 Disyembre 2011.
"Paglisan ng mga Mangkukulam," pintura ni Louis Falero, 1877.

"Paglisan ng mga Mangkukulam" (Etude de Sorciere N.22), pintura ni Louis Falero, 1877.

Sa Gabi, ni Franz Kafka

salin ng tulang tuluyan ni Franz Kafka.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

. . . . . . Ganap na naglaho sa magdamag.
. . . . . . Tulad ng tao na napatungo para magbulay, kaya ganap na nawala sa gabi.
. . . . . . Tulog na ang mga tao sa paligid.
. . . . . . O nagtutulog-tulugan lamang sila, muslak na nililinlang ang sarili, na kunwa’y nahihimbing sa mga bahay, sa mga ligtas na higaan, sa lilim ng matibay na bubong, nakahilata o nakahalukipkip, nakabalot sa mga kobrekama, sa mga kumot; ang totoo’y nangagtipon sila gaya noong una pa man at naganap muli sa napakalayong rehiyon, ang kampong lantád, di-mabilang na tao, isang hukbo, ang sambayan, sa balabal ng malamig na langit sa malamig na lupain, nagsitumbahan sa kinatitirikan, nakasapo ang noo sa mga braso, nakatitig sa sahig, marahang humihinga.
. . . . . . At nagmamasid kang isa sa mga taliba, at matutuklasang ang kasunod ay tangan ang nagliliyab na pamatpat mula sa talaksan ng mga kahoy na katabi mo.
. . . . . . Bakit ka nakatanaw?
. . . . . . Kailangang may magmasid, sabi nito.
. . . . . . Kailangang may tao na naririyan.

Nimpang nahihimbing (1645), pintura sa oleo ni Jan Gerritsz van Bronckhorst.

Nimpang nahihimbing (1645), pintura sa oleo ni Jan Gerritsz van Bronckhorst.

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag

Salin ng tulang “Do not go gentle into that good night” ni Dylan Thomas.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

HINDI DAPAT PUMANATAG SA BIGHANI NG MAGDAMAG

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Dapat taglay ng matanda ang silakbo nitong araw;
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Mga pithó’y sadyang batid na karimlan itong tumpak
Dahil dila’y di masambit ang salitang may salapáng,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Mabubuti’y kumakaway, may hinayang na kay-lakas,
Kung sumayaw sa katihan ang mahinang likhang alay,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Ang ilahás, na hinamig at nilustay yaong sikat,
At nabatid, nang hulí na, na magsisi sa pagpanglaw,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Agaw-buhay, ang maysakit na tumitig sa marilag
Ay nakita ang ligaya’t  bulalakaw sa karimlan,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

At ikaw po, aking ama, sa sukdulan nitong habag,
Sumpain mo’t pagpalain nang may luhang lumalaban:
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Lambat at Magdamag ni Rabindranath Tagore

Mga tulang tuluyan ni Rabindranath Tagore
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

INIHAGIS KO ANG AKING LAMBAT SA DAGAT

Inihagis ko kinaumagahan ang aking lambat sa dagat.

Hinila ko mula sa maitim na kailaliman ang mga bagay na kakatwa at kakatwang kariktan—kumislap ang ilan gaya ng ngiti, kuminang ang iba gaya ng luha, at ang ilan ay namula na parang pisngi ng babaeng bagong kasal.

Nang iuwi ko sa bahay ang bigat ng buong araw na pagsisikap, ang sinta ko’y nakaupo sa hardin at pinipitas ang mga dahon ng bulaklak.

Pansamantala akong nagbantulot, at sa harap ng kaniyang paanan ay inilagay ang lahat ng aking huli, at tahimik na tumayo.

Sinulyapan niya iyon, at winika, “Ano ba ang mga bagay na ito? Hindi ko alam kung ano ang silbi ng mga ito!”

Napatungo ako sa hiya at naisip, “Hindi ko ipinaglaban ang mga ito, ni hindi binili sa palengke. Hindi angkop na handog ang mga ito para sa kaniya.”

At sa buong magdamag, inihagis kong isa-isa sa lansangan ang mga nalambat.

Dumating kinaumagahan ang mga manlalakbay; pinulot nila iyon, saka tinangay doon sa malalayong bansa.

KAPAG MAG-ISA AKONG LUMABAS NG BAHAY SA GABI

Kapag mag-isa akong lumabas sa gabi tungo sa aking katipan, hindi umaawit ang mga ibon, walang sipol ang hangin, at tahimik na tahimik ang mga bahay sa magkabilang panig ng daan.

Tanging ang aking mga sengkil ang umaalunignig sa bawat hakbang, at ako’y nahihiya.

Kapag umupo ako sa balkonahe at pinakinggan ang kaniyang mga yabag, hindi lumalawiswis ang mga punongkahoy, at tubig ay nananatiling nasa ilog, gaya ng tabak sa kandungan ng talibang nakatulog.

Tanging ang aking puso ang tumitibok nang malakas—at hindi ko alam kung paano iyon patatahimikin.

Kapag ang irog ko ang dumating at umupo sa aking tabi, kapag nangatal ang aking katawan at bumigat ang talukap, dumidilim ang magdamag, hinihipan ng simoy ang apoy sa lampara, at tinatakpan ng mga ulap ang mga bituin.

Tanging ang mga hiyas sa aking dibdib ang kumikislap at nagbibigay ng liwanag. Hindi ko alam kung paano iyon ikukubli nang ganap.

Kuha ni Lita Asis-Nero. Hatinggabi sa Batanes. 2010

Kuha ni Lita Asis-Nero. Hatinggabi sa Batanes. 2010