Ang Lungsod at iba pang tula ni C.P. Cavafy

Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkabalam

Binabalam natin ang gawain ng mga diyos,
sa ating pagmamadali at pagiging muslak.
Sa mga palasyo ni Pítiya at ni Elewsis,
kumakayod nang matwid sina Demeter at Tetis
sa gitna ng liyab ng apoy at makapal na usok.
Ngunit malimit humahangos palabas si Metaneyra
mula sa kaniyang mariringal na silid,
gusot ang damit at buhok bukod sa nahihindik,
at madalas kabado at nanghihimasok si Peleyus.

Ang Lungsod

Sabi mo, “Magtutungo ako sa ibang lupain, sa ibang dagat.
Matutuklasan ang isa pang lungsod, na higit kaysa rito.
Bawat pagsisikap ko’y isinumpa ng kapalaran
at ang puso ko—gaya ng bangkay—ay nakalibing.
Gaano katagal mananatili ang isip sa gayong kabulukan?
Saan man ako bumaling, saan man tumingin,
ang makukutim na guho ng aking buhay ay natatanaw dito,
na maraming taon ang inilaan, ginugol, at winasak.”

Wala kang matutunghayang bagong lupain o ibang tubigan.
Hahabulin ka ng lungsod. Maglalagalag ka sa parehong
mga kalye. At tatanda ka sa parehong kapitbahayan,
at puputi ang mga buhok sa parehong mga tahanan.
Malimit kang sasapit sa parehong lungsod. Huwag umasa
sa iba—Walang barko na laan sa iyo, ni walang lansangan.
Gaya ng paglulustay mo sa buhay dito sa munting sulok,
parang winasak mo na rin ang buhay saanmang lupalop.

Ang mga Mago

Nasasagap ng mga diyos ang hinaharap, ng mga mortal ang kasalukuyan, at ng mga mago ang mga bagay na magaganap.

—Pilostratus, Buhay ni Apolonyus ng Tyana, viii. 7.

Maláy ang mga mortal sa mga nangyayari sa ngayon.
Ang mga diyos, na ganap at tanging nagtataglay
ng lahat ng Karunungan, ay malay sa mga sasapit.
At sa lahat ng bagay na magaganap, nababatid
ng mga mago ang papalapit. Ang kanilang pandinig

sa oras ng pagmumuni ay labis na nabubulabog.
Ang mahiwagang tunog ng darating na pangyayari
ay sumasapol sa kanila. At pinakikinggan nila iyon
nang may matimtimang paggalang. Samantalang
doon sa lansangan, ni walang naririnig ang madla.