Sa Baybaying Bayan, ni C.P. Cavafy

Sa Baybaying Bayan

Salin ng tula ni C.P. Cavafy (Constantine Peter Cavafy)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Si Emes, ang binatang edad dalawampu’t walo, na sakay
Ng bangka, ay dumaong sa isang bayang malapit sa baybay,
At may mithing matuto ukol sa pangangalakal ng insenso.
Ngunit habang naglalayag siya, dinapuan siya ng trangkaso;
At makalipas makadaong ay namatay. Ang kaniyang libing,
Na kayhamak, ay naganap doon. Inusal niya nang mariin,
Bago yumao, ang “bahay” at “magulang” na matatanda.
Ngunit kung sino ang kaniyang tinutukoy ay walang tanda,
O kung saan naroroon ang bahay sa Pan-Helenikang daigdig.
Makabubuti na iyon. Dahil sa gayong pangyayaring matalik,
Habang siya’y bangkay na nakatanghal sa bayan sa baybay,
Patuloy na aasa ang kaniyang mga magulang na siya’y buháy.

Ang Bahay, ni Warsan Shire

Salin ng “The House,” ni Warsan Shire ng United Kingdom
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bahay

i
Ani ina, na may mga pinid na pinto sa loob ng lahat ng babae; kusina
Ng pagnanasa, silid ng pighati, at banyo ng kawalang-latoy.
Minsan, ang mga lalaki—dumarating silang hawak ang mga susi,
At minsan, ang mga lalaki—dumarating silang may mga martilyo.

ii
Ang lalaking nawawala, ang lalaking nakahilata,
Sinabi kong Hindi! ngunit hindi siya nakikinig.

iii
Marahil may balak siya, marahil balak niyang tanggapin ang lalaki
Upang ang lalaki’y gumising pagkaraan sa bathtub na puno ng yelo,
Nang may tuyot na bibig, at minamaliit ang bago, malinis na kaparaanan.

iv
Itinuro ko ang láwas at sinabing Ang luma na ito? Kasusuot ko lang nito.

v
Kakainin mo ba iyan? Tanong ko sa ina ko, at itinuro si ama
Na nakaupo sa hapag, at namumuwalan sa pulang mansanas.

vi
Habang lumalaki ang katawan ko, dumarami ang mga kandadong silid, at higit na marami ang lalaking sumasapit nang may mga susi. Hindi nagpilit si Anwar na pumaloob, iniisip ko pa rin kung ano ang mabubuksan niya sa loob ko. Dumating si Basil at nagbantulot sa pintuan sa loob ng tatlong taon. Si Johnny na asul ang paningin ay dumating na may bag na puno ng kagamitang ginamit din niya sa ibang babae: isang ipit, isang bote ng kloroks, isang patalim, at isang botelya ng Vaseline. Binigkas ni Yusuf ang ngalan ng Maykapal sa butas ng susian, at walang sinumang tumugon. Nagmakaawa ang iba, ang ilan ay inakyat ang gilid ng aking katawan at hinahanap ang bintana, ang ilan ay nagsabing sila’y paparating ngunit hindi dumating.

vii.
Ituro dito sa manyika kung saan ka hinipo, sabi nila.
Sabi ko, Hindi ako mukhang manyika, para akong bahay.
Sabi nila, Ipakita mo sa amin doon sa bahay.

Gaya nito: dalawang daliri sa bote ng ube
Gaya nito: isang siko ng tubo sa paliguan
Gaya nito: isang kamay sa loob ng drower.

viii.
Dapat kong sabihin sa iyo ang aking unang minahal, na nakatagpo ng bitag na lagusan  . . sa ilalim ng kaliwang suso ko siyam na taon na ang nakararaan, nahulog doon, at hindi na siya nakita pang muli. Pana-panahong nararamdaman ko ang may kung anong gumagapang sa aking hita. Nagpakilala sana siya, at pakakawalan ko siya. Umaasa akong hindi niya makakabunggo ang iba, ang mga nawawalang bata mulang maliliit na nayon, na may kaaya-ayang nanay, na gumagawa ng masasamang bagay, at nangaglaho sa laberinto ng aking buhok. Hinarap ko sila nang maayos, binigyan ng isang hiwa ng tinapay, at kung sinusuwerte sila, isang piraso ng prutas. Maliban kay .Johnny na asul ang mga mata, na sinundot ang aking kandado at gumapang papaloob. Sutil na bata, nakakadena sa silong ng aking mga pangamba, nagpatugtog ako ng .musika upang mabura siya nang ganap.

ix
Tok tok.
Sino iyan?
Wala sinuman.

x
Sa mga parti, itinuturo ko ang aking katawan at sinasabing, Dito dumarating ang pag-ibig para mamatay. Halina, pumasok, at pumanatag dito sa tahanan. Matatawa ang lahat, at iniisip na ako’y nagbibiro lámang.

“Ang Anak,” ni Carmen Giménez Smith

salin ng “The Daughter” ni Carmen Giménez Smith ng United States of America.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Anak

Wika natin ay siya ang negatibong hulagway ko dahil magaan siya.
Siya ang liwanag at ang landas, ang ginhawa sa aking cortex.
Anak, saan mo kinuha ang lahat ng pagkadiyosa?
Mga mata niya’y dalawang itim na sanaw ng dapithapon ni Neruda.
Minsan, estranghera siya sa aking bahay dahil hindi ko siya iniisip.
Sino ang kaniyang magiging anak?
Siya at ako ang marahang paglayo ng karimlan ng aking nanay.
Kinalag ko ang láso ng kaniyang búhay, at iyon ay makinis, mahaba
Na bulwagang nakabukás ang mga pinto.
Ang kaniyang rabaw ay defleksiyon ng bakit.
Saktan siya, at parang sinaktan mo kami lahat.
Nasa loob niya ang aking tapang at tining, ang pagkailahás.

Estranghero at aso, ni Charles Baudelaire

salin ng dalawang tulang tuluyan ni Charles Baudelaire, mula sa kaniyang koleksiyong Le Spleen de Paris (1869).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Estranghero

“Sabihin mo, mahiwagang lalaki, sino ang pinakamamahal mo, ang iyong ama, ina, o kapatid?”

“Wala akong ama, ina, at kapatid.”

“E kaibigan?”

“Nasa dulo ng dila ko ngunit hindi ko matandaan.”

“Ang bayan mo?”

“Saan man iyon naroroon.”

“Kagandahan?”

“Kalulugdan kong ibigin kung siya’y diyosa at imortal.”

“Salapi?”

“Kinasusuklaman ko, gaya ng pagkasuklam mo sa Diyos.”

“Kung gayon, pambihirang estranghero, ano ang minamahal mo?”

“Mahal ko ang mga ulap. . . ang nagdaraang mga ulap. . . hayun. . . doon. . . ang kahanga-hangang mga ulap!”

Ang Aso at ang Pabango

Halika, maganda at mabait kong aso, at samyuin ang pambihirang pambango na mula sa mahuhusay na manlilikha ng pambango sa buong Paris.

Ang aso, na ikinawag-kawag ang buntot, na sa aking palagay ay paraan ng abang nilalang kung paano magalak at humalakhak, ay lumapit at idinampi ang ilong sa nguso ng walang tapong botelya. Pagdaka’y napaurong ito, at tumahol na waring galit na galit at nanunumbat sa akin.

“Hay, kawawang aso, kung binigyan kita ng tae ay lugod na lugod na sininghot-singhot mo na iyon, at kinain pa marahil. Sa gayong paraan ay kawangis mo ang madla, na hindi dapat handugan ng pabangong ikayayamot nito, bagkus piling basura lamang.”

Bahaghari at Tao, ni Yevgeny Yevtushenko

salin ng dalawang tula ni Yevgeny Yevtushenko.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Bahaghari

Nang lumitaw ang iyong mukha
sa aking kinuyumos na buhay,
ang tanging naunawaan ko noon
ay ang taglay na karukhaan.
Pagdaka’y ang natatanging sinag
sa kahuyan, sa mga ilog, sa mga dagat
ang naging ugat ko sa kinulayang
daigdig at doon ay wala akong simula.
Takot na takot ako, lubos na takot
sa di-inaasahang wakas ng liwayway,
sa mga pagbubunyag
at mga luha at nangauupos na sigla.
Di ko tinikis iyon, ang pag-ibig ko’y
ang pangambang ito, na pinalulusog
nang walang ibang makapagpapalusog,
gaya ng kalinga ng gusgusing bantay.
Kinukulob ako ng pagkatakot.
Maláy ako na maikli ang sandaling ito
at ang bahaghari sa aking balintataw
ay maglalaho
kapag sumisilay ang iyong mukha.

Tao

Walang mga tao na walang kalatoy-latoy.
Ang tadhana nila’y kronika ng mga planeta.

Walang hindi natatangi sa taglay nila,
at bawat planeta’y kakaiba sa ibang planeta.

Kung ang isang tao’y namuhay nang lingid,
ang makatagpo ang mga kaibigan niya
sa gayong oskuridad ay sadyang may latoy.

Pribado sa bawat isa ang kaniyang mundo,
at sa mundong iyon ay pambihira ang minuto.

At naroon sa mundo ang minutong masaklap.
At maituturing na pribado.

Sa sinumang tao na pumanaw, pumapanaw
sa kaniya ang unang niyebe at halik at away.

Sumasáma sa kaniya ang lahat.
Kabilang dito ang mga naiwang aklat at tulay
at kambas na pintado at makinarya.

Kaninong tadhana ang makapananaig?
Ngunit anumang nawala ay hindi rin wala:

sa tuntunin ng laro, may kung anong naglaho.
Hindi tao ang yumayao; bagkus ang mga mundo
na kimkim nila.

Na batid nating may mali, na nilalang ng daigdig.
Ano sa pinakaubod ang alam natin sa kanila?

Kapatid ng kapatid? Kaibigan ng mga kaibigan?
Mangingibig ng mangingibig?

Tayo ang nakababatid ng ating mga magulang
sa lahat ng bagay, sa wala.

Naglalaho sila. At hindi sila maibabalik.
Hindi mapasisibol ang mga mundong lihim.

At sa tuwi-tuwina, paulit-ulit,
nagdadalamhati ako laban sa pagkagunaw.

Ina ng Laging Saklolo

Makapangyarihan ang imahen ng ina sa lipunang Filipino, at ang ina ay sumasagisag hindi lamang bilang “ilaw ng tahanan” bagkus tagapagtanggol ng anak laban sa anumang batik na maipupukol ng kalaban. Sa mga telenobela, ang ina ang kunsintidor sa masamang asal ng anak, kung hindi man ay kakutsaba sa maiitim na balak ng anak na babaing ibig makamit ang pag-ibig ng isang binatang guwapo, maykaya, at mabait. Ngunit ina rin ang tagapagsanggalang ng anak na bida, at handang isakripisyo ang buhay mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang anak. Kung babalikan naman ang panahon ng himagsikan, ginamit nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang konsepto ng “Inang Bayan” na taliwas sa “Madre España” na “Inang Sukaban” at “Inang Kuhila” na tumutukoy sa rehimeng Espanyol.

Kung lilingunin ang mahabang kasaysayan ng radyo, ginawang popular ng dakilang manunulat na si Liwayway A. Arceo ang dalumat ng ina pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at patunay ang kaniyang dulang panradyong Ilaw ng Tahanan na tumagal sa himpapawid sa loob ng labinlimang taon at nakabuo ng tinatayang 32 tomo ng aklat—na hindi pa nalalampasan ni napapantayan ng kasalukuyang henerasyon ng mga manunulat. Sa nasabing dula, lahat ng posibleng maganap sa loob ng pamilya ay tinitingnan sa sipat ng ina at babae, mulang pagsilang at pagpapalaki ng anak hanggang pagsisintahan at paghahanapbuhay hanggang pakikipag-ugnayan sa lipunan at daigdig, at kung hindi pa marahil pipigilin si Arceo ay tuturuan niya ng leksiyon si Lav Diaz hinggil paglikha ng mala-epikong “ebolusyon ng pamilyang Filipino.”

Malakas ang hatak ng ina, at gaya ni Aling Dionisia ay ipagtatanggol ang anak na boksingerong si Manny Pacquiao laban sa tuligsa ng mga komentarista. Ganito rin ang gagawin ni Marlene Aguilar nang ipagtanggol ang kaniyang anak na si Jason Ivler nang paulanan ng bala at tuligsa ng mga awtoridad. Isinasadula lamang muli nina Aling Dionisia at Marlene ang sinaunang pagkilala sa ina, na nagsusumikap itaguyod ang anak, pagsusumikap na halos isasakripisyo ang lahat, gaya ng dangal at ari-arian, at pagkaraan ay halos kalabanin ang anak sa larangan ng pagpapansin sa puting tabing at iba pang aspekto ng sining.

Magnetiko ang hatak ng ina dahil malalim ang paggalang ng mga Filipino kay Birheng Maria, ang kinikilalang ina ni Hesus at tagapamagitan ng mga tao sa diyos. Si Maria ang sukdulang halimbawa ng ina para sa anak, at para sa mga Filipino’y sumasaklaw sa ultimong pag-aalay ng buhay para sa anak, kung babalikan ang tradisyon ng Kristiyanismo at Banal na Kasulatan. Ang katumbalik na imahen ng inang mabait ay putang inang bungangera, kunsintidor, at mukhang salapi, na pinalalaki sa layaw ang anak na pagkaraan ay magiging alibughang anak, at tatanggapin muli sa pagbabalik kapag nagdusa o nagpalaboy-laboy kung saan-saan sa mahabang panahon. Pinagkakitahan nang malaki ang paglilinang sa katauhan ng ina sa panitikang Filipino, at hangga ngayon ay kinababalahuan ng mga manunulat ng dulang pantelebisyon.

Kaya hindi nakapagtataka na gamitin ang hulagway ng ina kahit sa eleksiyon. Ginamit ni Manny Villar sa pampolitikang kampanya ang kaniyang inang si Curita “Nanay Curing” Bamba-Villar, na pinabulaanan ang paratang na nagbuhat sa gitnang uri ang kanilang pamilya. Ganito rin ang ginawa minsan ni Erap Estrada (na sinikap dalawin sa ospital ang nakaratay na inang si Donya Mary Marcelo-Ejercito) nang mapatalsik sa poder at ipabilanggo ng mga kalaban sa politika.  At ganito rin ang ginawa ni Noynoy Aquino na laging kinikilala ang matuwid na pagpapalaki sa kaniya ng inang si Cory Aquino, at iniuugnay nang patalinghaga sa maaaring gawin niya sakali’t maihalal bilang pangulo ng Filipinas. Kahit si Gibo Teodoro ay binibiro ng mga propagandistang ginamit ang mga ina, na matataguriang mga Sugar Mommy at mula sa alta sosyedad, upang makakuha ng pondo para sa kaniyang magastos na kampanya.

Kinakailangan nang sipatin sa ibang anggulo ang konsepto ng ina. Ang pagkilala sa ina ay dapat lumawak at maging makabuluhan, imbes na maging de-kahon at tradisyonal, at ang mga politiko ay makabubuting lumayo sa laylayan ng palda ng kani-kaniyang ina, at ipakilala ang tunay na kakayahan nang hindi mabansagang “Mama’s Boy” kung hindi man “Boy Toy.”

Bontok Igorot, kuha ni Albert Ernest Jenks. Dominyo ng publiko.

Bontok Igorot, kuha ni Albert Ernest Jenks. Dominyo ng publiko. Retrato mula sa artsibo ng Project Gutenberg.

Godzilla sa Mehiko ni Roberto Bolaño

salin ng tula ni Roberto Bolaño mula sa Espanyol
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

GODZILLA SA MEHIKO

Makinig kang mabuti, anak: umuulan ng bomba
sa Lungsod Mehiko
ngunit ni wala man lang nakapapansin.
Inililipad ng hangin ang lason papaloob
sa mga lansangan at bukás na bintana.
Katatapos mo lamang kumain at nanonood
ng kartun sa telebisyon.
Nagbabasa ako sa silid na kalapit mo
at nabatid na malapit na tayong mamatay.
Bagaman nahihilo at nasusuka’y pinilit kong
pumunta sa kusina at natagpuan kang nakadapa.
Niyakap kita. Tinanong mo ako kung ano ang nagaganap.
Hindi ko sinabi sa iyong nasa programa ka ng kamatayan
at sa halip, nagpalusot na maglalakbay lamang tayo
nang napakalayo at hindi ka dapat mangamba.
Nang umalis ang kamatayan, ni hindi man lang ipininid
ang ating mga mata.
Ano tayo, tanong mo makaraan ang isang linggo o taon,
mga langgam, bubuyog, maling numero
sa dambuhala’t panis na sopas ng pagkakataon?
Mga tao tayo, aking anak, halos gaya ng mga ibon,
bayani, at lihim.

Godzilla

Godzilla, larawan mula sa bloodygoodhorror.com

Nanay

Magsisilang ka nang taliwas sa nakagawian, at magigitla ang mga saksi sa pagsirit ng dugo mo’t pag-uha ng sanggol. Nakatadhana marahil ang suwerte sa apat na dingding ng silid, waring nagdiwang ang mga anghel sa kung saang lupalop, at ang pintuan ay nagbubunyag ng pambihirang daloy ng simoy at sinag. Ang suwerte ko, wiwikain mo, ngunit higit na masuwerte ang aking panganay.

Mag-aalaga ka ng supling na parang ang gabi’y umaga, at ang umaga’y tanghali, at ang tanghali’y pagnanakaw ng idlip. Wala kang lakas na sobrenatural, ngunit bakit halos wala kang pahinga? Susulyapan mo ang iyong sanggol, na pagkaraan ay magiging malikot na paslit, na gigilas na kabataan. Kukusutin mo ang paningin, at ang kahapon pala ay waring katimbang lamang ng isang saglit.

Kakayod ka sa pabrika o opisina, habang ang isip ay di-makali sa pag-aalala. Maglalakad sa  guniguni ang iyong anak, at ang anak na ito ang pagsisikapan mong bilhan ng pagkain, damit, aklat, at laruan.  Marahil lalayo ang iyong pook ng trabaho, at ang pook na kinalalagyan mo ay hindi na lamang limang kilometro mula sa iyong tahanan kundi limang daang libong kilometro na banyaga sa iyong kinagisnan.

Anuman ang mangyari’y mananatili kang ina, ayon sa kawikaan. Ina ka ng sanlibo’t isang katangian, ina ng maraming lahi o wika, at parang mahabang debosyon ang magiging pagkilala sa iyo. Magiging demonyo ka sa paningin ng esposa ng anak mo, ayon sa kasabihan, hanggang sumapit ang kabatiran sa kaniyang labis ang iyong kadakilaan para magpalaki ng tagapagligtas ng sambayanan.

Walang maitutumbas na kayamanan, o pagpaparangal,  sa iyong pagpapagal. Ano’t anuman, mananatili kang Nanay sa sukdol na pakahulugan, at ito ang mahirap maunawaan kahit na tigulang na ang iyong apo’t panganay.

Ina at Anak, guhit ni Alex Santos

Ina at Anak, guhit ni Alex Uy.

Tatlong Nagkukunwaring Prosa

Sugarol

Isinilang ka’t isinugal ng ina mo ang kaniyang buhay sa tadhana. Lumaki kang dumedede habang mainit ang tong-its, madyong, at binggo sa paligid. Nagbinata ka sa sabungan, upang maglako ng sigarilyo o kaya’y umalalay sa kristo. Nag-aral ka at napahimlay sa saklaan o bilyaran, at mga miron ang humaliling magulang. Nag-asawa ka nang tumama sa lotto. Dumami ang anak mo at ang humihingi ng balato. Umangas ka, pumustura, at dumayo pa sa casino! At ngayong uugod-ugod ka na, nais mo namang makipagpustahan sa demonyo para humaba pa ang buhay sa mundo. Ayaw mong mamatay, dahil alam mo, ang bangkay mo’y dadayuhin ng mga kaibigan mo: Para sa pagbalasa ng kapalaran o kaya’y sa pagtaya ng ikabubuhay. (13 Hunyo 2008 )

∞ ∞ ∞

Sinta

May elektrisidad na kumikisap sa aking hinlalaki, tila nagsasabing, “Magandang umaga sa iyo!” Mag-uunat si hintuturo, magbubunyi sa sandaling ito, at paulit-ulit na iindak sa rabaw ng mesa ko. Makikisalit sa kaniyang kasiyahan si hinlalato, hahalakhak sa pagpapalagitik ng lawas. Magigising si palasingsingan, at sisigaw: “Ano ba iyan? Bakit kayo nag-iingay?” Ngunit sasabat si hinliliit, upang igiit na karapat-dapat ngang makisaya at ibulalas ang di-maipaliwanag, awtomatikong kislot. Ang limang daliri’y magdirikit, at ang palad ay magpapalagapak ng pambihirang palakpak na ang tunog ay lalabas sa aking bintana tungo sa kapitbahay hanggang yumanig sa nananaginip na bayan. At ang elektridad ay patuloy na dadaloy sa pulso, maglalandas sa lilignan, tutungo sa bisig, balagat, balikat hanggang magliyab ang aking buong katawan sa umagang anong kulimlim, ano’t kay-lamig, habang umaabon-ambon, kumukulog-kulog, at ikaw na wala sa piling ko ay isang araw ng tag-araw na aking inaasam-asam sumilay sa aking mamasa-masang balintataw. (9 Pebrero 2007)

∞ ∞ ∞

Oliba

Isang lantang dahon sa bubong ng magarang kotse, isang lantang dahong katumbas ng humaharurot ng pag-iral. Malaya mong isipin ang dahon bilang sagisag ng marawal na kapayapaan, o kaya’y mula sa korona ng iyong ubaning asawa. Ang maganda’y nakalapag iyon sa pambihirang sasakyan, sasakyang ang makina’y umaandar sa isip mong mula man sa Vietnam o Estados Unidos ay kisapmatang nauupos sa pagkasaid ng gasolina. Ay, isang lantang dahon. Ang dahong tatangayin ng amihan mulang bundok tungong kapatagan tungong baybayin, upang ang dahon ay hindi na muling maging dahon, at nang mawakasan ang pangalan o sagisag nitong sagrado, malangis, pantastiko. (11 Hulyo 2005)