Pinakamahirap, sa aking palagay, ang yugto ng rebisyon ng tula sa buong proseso ng pagsulat ng tula; gayunman ay hindi yaon nabibigyan ng malalim na pag-aaral, lalo sa mga kursong malikhaing pagsulat. Kung minsan, ang rebisyon ay ipinupukol na lamang ng makata sa editor at tapos na ang lahat. Inaakala naman ng ibang manunulat na basta makatapos lamang ng isang tula o katha ay maaari na iyong isantabi upang lumikha ng bagong akda. Nakalilimot ang ilan sa matalas na pagtitig sa teksto. At kaya nakalulusot ang di-iilang mali sa teksto, mulang bantas at paggamit ng salita hanggang gramatika at sintaks tungong balangkas at nilalaman.

REBISYON, kuha ni Bobby Añonuevo
Ang isa pang dahilan kung bakit napakahirap na yugto ang rebisyon ay kinakailangang balikan ng makata ang lahat ng kaniyang ginawa mulang umpisa hanggang wakas ng pagsulat ng tula. Maaaring sumapit ang makata sa sandaling dapat niyang timbangin hindi lamang ang panrabáw na aspekto ng tula (i.e., estruktura, disenyo, tugma at sukat, himig, atbp.). Ang malusog na pagsasalikop ng dalawa ang masasabing ídeál na paraan ng pagtula. At ang tula ay sumasapit sa yugtong pinag-isipan nang malalim, binuo nang masinop, bago itanghal o ilathala saka ipalaganap sa madla.
Bukod sa nabanggit, magiging hamon din sa makata ang pagbabalik sa mga dating nasulat na tula o akda, o kaya’y ang pagsubaybay sa kontemporaneong kalakaran ng panitikan, upang sa gayon ay mailugar niya ang kaniyang tula sa agos ng panahon, samantalang umiiwas sa dati nang de-kahon at nakasusuyang pagtula. Kailangang repasuhin din ng makata kahit ang kaniyang mga datos o saliksik na inilahok sa tula, upang matiyak kung tama nga ang mga isinaad niyang pagpapahiwatig. Ngunit ang ganitong pagtatangka ay waring sa iilang tao na lamang makikita, sa mga tao na nangangarap makaukit ng pangalan sa lárang ng panitikang Filipinas o panitikang internasyonal.
Salungat naman dito ang dating romantisistang pagsagap sa tula, na ang tula ay binubuo nang hindi isinasaalang-alang ang nakaraan bagkus ang “tawag ng sandali” at “simbuyo ng damdamin.” Wala umanong pakialam sa politika o ideolohiya o kultura o teoryang pampanitikan ang makata habang sinusulat niya ang tula, at marapat umanong manatiling gayon. May katotohanan ito, lalo kung nasa yugto ng unang borador ang tula. Ngunit habang tumatagal, ang nasabing borador ay maaaring sumailalim sa mahigpit na pagsala at pagpapakinis sa nilalaman nito’t anyo. Masasabing kahit ang pinakamatimyas na pagtula hinggil sa pag-ibig ay hindi makaiiwas mabalaho sa politika o ideolohiya ng nakalipas, sa laro ng masalimuot na makinarya ng may kapangyarihan sa edukasyon at lipunan, at kaya maaaring timbangin sa mga kahinaan o kalakasan nito, halimbawa na sa panig ng mga pananaw hinggil sa kasarian o kabansaan o kultura o kasaysayan.
Paano nga ba magrebisa ng tula?
Napakalawak ng maaaring maging sagot sa tanong na ito. Ang tanong ay maaaring sa punto de bista ng makata o editor o kritiko o mambabasa. Maaaring ang makata ay siya ring editor ng kaniyang tula, at bihirang-bihirang makatagpo ng ganitong uri ng nilalang. O kaya naman ay ang kritiko ang nagsisilbing editor sa akda ng makata, at ang makata ang gumagawa ng pangwakas na pagbabago at pagpapakinis ng tula. Sa ganitong pangyayari, tila nakatataas ang kritiko sa makata kung ituturing na higit na matalas mag-isip ang kritiko kompara sa makata. Ngunit maihahaka ring sadyang may mga bagay na nakakaligtaan ang makata, at malaking tulong ang naibibigay ng kritiko na nagsasaalang-alang ng iba pang aspekto sa pagbuo ng tula. Maaari ding ang mambabasa, bilang konsumidor, ang magtatakda kung paano dapat rebisahin ng makata ang kaniyang tula, upang sa gayon ay lalong makahatak ng iba pang mambabasang ang antas ng diskurso ay kaantas ng diskurso ng makata. Bagaman sa unang malas ay kalugod-lugod ito sa panig ng makata, sa kalaunan ay maaaring malagak na lamang siya sa de-kahong pagtula dahil kinakailangan niyang sumunod sa kumbensiyon, panlasa, at pamantayan ng kaniyang mga mambabasa.
Sa madali’t salita, hindi simple ang magrebisa.
Sa sandaling ito, hayaan ninyo akong magbiggay ng ilang punto hinggil sa paraan ng “pagpapakinis” ng tula. Ang sumusunod ay hinango ko sa aking karanasan bilang makata, at siyang naobserbahan ko rin sa iba pang kaibigang makata habang bumubuo ng “mga pambihirang tula.” Maihahakang hindi nito masasagot ang lahat ng pangangailangan sa pagrerebisa ng tula, ngunit maaari namang maging patnubay sa sinumang ibig sumulat ng tula.
Pamagat at Pagpapamagat
Maraming paraan ng pagbuo ng pamagat, ilan dito ang sumusunod:
1. Ang unang taludtod ang siya ring pamagat.
2. Paggamit ng isang salita na malawak ang pahiwatig, at binabanggit din sa loob ng tula.
3. Paggamit ng isang salita na malawak ang pahiwatig (at nakatuon sa sentral na diwa), ngunit ni hindi babanggitin ito sa loob ng tula.
4. Paggamit ng isang parirala, kung hindi man pangungusap. Sa ibang pagkakataon, sinasadya ng makata na higit na mahaba ang pamagat kaysa sa tula, na bagaman kahanga-hanga sa unang malas ay nakabubuwisit sa kalaunan dahil waring ikinukubli ng makata ang kababawan ng kaniyang tula sa mahabang pamagat.
5. Ang pamagat ay kaugnay ng unang taludtod, at mistulang run-on line ang silbi sa buong disenyo ng tula.
6. Numero o titik lamang magsisilbing pamagat, kung sisipatin ang bawat piyesa sa buong koleksiyon na bahagi ng isang serye ng mga tula.
7. Maaaring titik o numero lamang ang pamagat, kung ituturing ang tula na kaugnay ng susunod na tula; o ang buong koleksiyon ay ituturing na isang tula lamang.
8. Sa ilang pagkakataon, ginagamit ng ibang makata ang bantas bilang pamagat ng tula, halimbawa ang tuldok na ginamit ni Ariel Dim. Borlongan, at sinamang palad na nabura nang ilathala sa magasin; o kaya’y ang tandang pananong o tandang pandamdam upang idiin ang damdaming isinasaad ng tula.
9. Ang pamagat ang kabaligtaran ng lahat ng isinasaad ng tula, at may epekto ng mabisang kabalintunaan.
10. Kaugnay ng numero 9, ang iba’y sinasadya ang korning pamagat, gaya ng ginawa ni Mike L. Bigornia nagpamagat sa kaniyang isang tula na “Only the Lonely.” Gayunman, iba ang bisa ng tula ni Bigornia, dahil nagkaroon ng panibagong dimensiyon ang pamagat (na may alusyon sa isang awiting Ingles at malimit patugtugin sa mga birhaws) kung ibabatay sa nilalaman ng tula hinggil sa magkaibigang nilulunod ang sarili sa “lason” (i.e., alak) dahil sa labis na lungkot.
11. Walang pamagat na gagamitin. Sa ganitong pagkakataon, pinakikialaman na ito ng ilang editor, dahil paano nga ba maitatangi ang isang piyesa sa iba pang piyesa kung walang pamagat? Magkakaroon din ng problema sa pag-indeks ng mga pamagat. Nalulutas ang ganitong problema, kapag ginamit ang binanggit sa numero 1.
Mapapansing maraming paraan ang pagbuo ng pamagat. Ang problema sa ibang manunulat ay hindi nabibigyan yaon ng sapat na pansin upang mapaganda ang sinusulat na tula. Kung sa pamagat pa lamang ay tila nakababagot at korni na, sinong mambabasa ang magkakainteres na ipagpatuloy ang pagbabasa ng tula?
Kaya kinakailangan ang maingat na pagpili ng pamagat. Ang pamagat ay maiuugnay sa buong nilalaman at anyo ng tula, at maaaring makatulong mulang biswal na disenyo hanggang kahali-halinang pag-ulinig sa diwain ng tula.
Kilatisin ang Padron
Mabuting timbangin kung naaangkop ang ginamit na padron sa tula. Kinakailangan ba ang mahigpit na tugma at sukat, o makagagaan kung malayang taludturan ang ginamit upang mapalawig ang diwain ng tula? Kung gagamit ng tanaga, hindi ba masyadong nasisiki ang diwaing ibig isaad ng tula? At kung mala-epiko ang tula, sapat ba ang mga panuhay na saknong upang makatayo nang matatag ang buong tula? Kung gagamit naman ng padrong tulang tuluyan, ano ang ikinaiba ng nasabing uri ng tula sa prosa mismo? Nagtagumpay ba ang makata sa kaniyang paglalarawan o pagsasalaysay ng tagpo? Ang ganitong konsiderasyon ay dapat nasa isip lagi ng makata.
Bagaman tinalakay na ito ni Virgilio S. Almario sa kaniyang aklat na Taludtod at Talinghaga (1984), mabuting balikan pa rin. Ngunit sa yugto ng rebisyon, dapat ay higit na maláy na ang makata hinggil sa buong disenyo at balangkas ng kaniyang tula. Maaaring nangangapa pa ang makata sa unang borador ng kaniyang tula, at kahit nasa isip niya ang magiging daloy ng balangkas ay hindi mangangahulugan yaon na maisasapapel niya ang lahat ng kaniyang iniisip at plano. Pagsapit sa yugto ng pagpapakinis ng tula, kailangang magtiyaga pa rin ang makata na balikan ang mga pangunang hakbang sa pagbubuo ng tula upang matantiya niya kung naging matagumpay ang kaniyang pagtitimpla ng balangkas, disenyo, at nilalaman.
Balikan ang Ubod na Diwain
Ang “ubod na diwain” na aking tinutukoy ay maitutumbas sa “sentral na ídeá” ng tula. Korni ba palasak ang nasabing diwain? Maaaring dumako rin sa pagtasa kung palasak ang tema, at kung ano mismong pagdulog ng makata sa nasabing tema ng tula. Magagawa ito kung tatasahin ang ubod na diwain ng tula sa pamamagitan, halimbawa, ng pagbabalik sa persona. Mahusay na nahubog ba ang katauhan ng persona, at naiugnay ito sa pagpapalawig ng ubod na diwain ng tula? Anong uri ng persona ang ibig ipamalay ng makata? At paano inangkupan ng tinig at himig ang nasabing persona? Maidaragdag din kung saan nakalugar ang persona, at saang anggulo siya sisipatin sa loob ng tula. Pag dumako na ang makata sa ganitong yugto, mapipilitan na rin siyang uriratin ang panahong iniiralan ng persona.
Maihahalimbawa ang tema ng prostitusyon at sinasagisag halimbawa ni Magdalena. Kung ang ubod na diwain ay dalagang bukid na dukha ngunit maganda at napilitang magputa, nawalan ng puri sa birhaws, at pagkaraan ay isinumpa ng madla, maituturing na gasgas na ito, lalo kung ang alusyon kay Magdalena ay tulad sa awit na likha ni Freddie Aguilar at di-nalalayo sa Biblikong pahiwatig. Ngunit kung ang diwain ng tula, halimbawa, ay ilalapat sa kompiyuter—na waring kinakarát tuwing binubuksan ng tao—ang malikhaing personipikasyon nito sa panahon ng globalisasyon ang maaaring magpanibago sa dating gasgas nang tema at pagdulog hinggil sa prostitusyon.
Sa ibang pagkakataon, ang epektibong paglalarawan ng mga lunan ay makatutulong din sa paghubog ng buong diwain ng tula. (Ang lunan na aking tinutukoy ay hindi lamang ukol sa pook o kaligiran, bagkus maging sa loob ng isip at puso ng persona.) Paano sinimulan, nilinang, at winakasan ang serye ng paglalarawan, samantalang isinasaalang-alang ang ubod na diwain ng tula? Maihahalimbawa ang pambihirang rendisyon ni Mike L. Bigornia sa “Mirador Hill, 1974”:
Oras ng paghuhunos ng balakbak
Na pinangingitlugan ng alitaptap.
Pabugso-bugso ang hanging
Yao’t dito sa panimdim.
Ang imahen sa ibaba’y pakiwal-kiwal
Piliti sinusundan ang dupikal.
Yaong dagat ay kuwento ng hamog
Sa dulo ng hagdang inaantok.
Unti-unting nagiging ako
Ang burol at anino.
Ang senyales ng pagbabago ng oras ay sinimulan sa pagkabakbak ng mga balát ng punongkahoy, at siyang lunan ng mga alitaptap. Ang punongkahoy ay mahihiwatigang nagluluningning sa gabi sanhi ng paglitaw ng mga alitaptap. Idinagdag ang pabago-bagong ihip ng simoy, mula sa kaligiran hanggang sa loob ng isip ng persona. Ang persona ay maiisip na nakapuwesto sa mataas na pook, at maaaring minamasid niya ang mala-bitukang manok na landas sa bundok nang tumunog ang kampanang hudyat ng orasyon. Ang pagdama sa pook ay pinasidhi ng paghalumigmig ng panahon, at ang hamog ay waring taglay ang katangian ng dayaráy [sea breeze] na lumalatag sa payyo [rice terraces] kung hindi man bagnos. Ang sukdulan ng paglalarawan ay nasa pangwakas na saknong, na ang persona at ang buról ay nagsasalikop ang pagbabanyuhay, habang dumidilim o gumagabi. Ang tesis ng metamorposis, kung gayon, ay hindi lamang sa labas ng katauhan ng persona. Nasa kaniyang loob ang metamorposis at ang persona mismo ay nagbabago kahit sa sandali ng pagbubulay.
Kaugnay ng binanggit hinggil sa paglalarawan ay ang masinop na pagkatalogo ng mga pangyayari o pagkilos o bagay, lalo sa mga tulang patanghal. Sa ganitong yugto, kailangan ang maingat na paghahanay at kombinasyon ng mga pandiwa, pang-uri’t pangngalan sa loob ng tula. Maihahalimbawa ang pagkatalogo ni Rio Alma sa tula “Parabulang Sensuwal: Bilang Prologo”:
May limang mata ang umiibig.
Nalalapnos ang una
Sa pusok at usok ng poot.
May limang mata ang umiibig.
Naninilaw ang ikalawa
Sa asido ng panibugho’t imbot.
May limang mata ang umiibig.
Namamanhid ang ikatlo
Sa dilig ng himutok at hirap.
May limang mata ang umiibig.
Nalalasing ang ikapat
Sa halimuyak ng hapag at halakhak.
May limang mata ang umiibig.
Napipinid ang ikalima
Sa ugat ng tamad na panaginip.
Lima lamang ang mata ng umiibig.
Limang ningas na nagtatampisaw
Sa hubad na alindog ng daigdig.
Ang anaphora ay lumalakas dahil sa pambihirang pagkatalogo ng mga yugto sa buhay ng tao. Pansinin ang paggamit ng mga salitang “nalalapnos,” “naninilaw,” “namamanhid,” “nalalasing,” “nagtatampisaw,” na ang aliterasyon kung hindi paroemion ay sumasabay sa antas ng damdamin o niloloob ng tao at nilalagom ng “ningas” ng lastag na kaligiran (i.e., kadalisayan ng lunan). Maiuugnay din dito ang mga pandulong tugma ng ikatlong taludtod sa bawat saknong (“poot” at “imbot”; “hirap” at “halakhak”; “panaginip” at “daigdig” ) na pawang umaagapay sa repetisyon, kaya marahang umiigting ang bawat antas ng damdaming inihahayag.
Bilangin ang mga Salita
Malaki ang naitutulong ng teknolohiya, lalo na ng kompiyuter, upang mapagaan at mapabilis ang trabaho ng makata. Halimbawa, madali nang bilangin ang mga salita sa buong talata o saknong. Mababatid sa pamamagitan ng Simple Concordance kung ilang ulit lumitaw sa teksto ang salita. Nang gamitin ko ang nasabing program upang busisiin ang koridong Ibong Adarna ay saka ko lamang nabatid na wala pang dalawang prosiyento ang Espanyol at banyagang alusyon sa nasabing korido kung ihahambing sa bukal ng talasalitaan sa Tagalog nito. Hindi malalayo rito ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, na .015–.02 porsiyento lamang ang kabuuang hiram na salitang Espanyol kompara sa korpus ng Tagalog.
Ngayon, kung darako naman tayo sa rebisyon ng tula, ang nasabing teknolohiya ay magagamit upang lalong mapasinop ang pagbubuo ng tula. Mababatid ng makata ngayon kung anong salita o alusyon ang paborito niyang ilahok sa tula. Maiiwasan niya na maging maulit o makulit, maliban na lamang kung sinasadya niya ang pagkasangkapan sa mga uri ng repetisyong maaaring ilapat sa tula. Bukod doon ay mapipilitan ang makata na maging pihikan sa paggamit ng salita, at sa pagtimpla ng mga pandiwa at pang-uri, habang tinitimbang ang dami ng lahok na pangngalang pantangi. Matatasa niya kung gaano siya kadaling maglustay ng salita o espasyo, halimbawa sa isa, dalawa, o tatlong taludtod. Mababatid din niya, halimbawa, na kahit sa pinakamasikip na padron ay makalilikha pa rin siya ng mga unibersal na diwaing may testura ng Filipino o Tagalog o Bisaya o Ilokano.
Malaki kung gayon ang maitutulong ng mga programa sa kompiyuter, ngunit dapat pa ring isipin ng makata na ang mga ito’y tulay lamang sa mahabang proseso ng malikhaing pag-akda.
Titigan ang Saknong
Makatutulong sa pagrebisa ang pagtitig sa mga bukana at dulong salita ng bawat taludtod sa loob ng isang saknong. Mulang taas hanggang baba ang maaaring maging ehersisyo sa pagsuyod sa mga panimula o pandulong salita, na animo’y tumitingin ka ng mga lahok sa diksiyonaryo. Sa ganitong paraan, madali nang mababatid kung anong mga salita ang marapat tanggalin o panatilihin. Mababatid din kung may ikinukubling akrostik at panloob na tugmaan ang tula.
Ang pagtitig sa mga bloke ng saknong ay isa pang paraan ng pagtasa kung naging balanse ba ang buong estruktura ng tula. Halimbawa, puwedeng uriratin kung bakit higit na makapal ang mga taludtod sa unang saknong kaysa sa mga sumunod na saknong. Mahihiwatigan din kung may biswal na disenyo ang buong tula, na bukod sa ipinahihiwatig ng mga salita.
Manerismo sa Pagsulat
Maiuugnay sa nabanggit sa itaas ang manerismo sa pagsulat. Kung maláy na ang makata sa mga salitang ginagamit niya sa loob ng tula, madali na niyang matatasa ang angking mga kahinaan sa pagsulat. Halimbawa, kung hihimayin ang mga taludtod sa bawat saknong, maaaring mabatid ng may-akda kung bakit paulit-ulit at walang habas ang pagbaluktot niya sa sintaks o paglabag sa batas ng gramatika kahit hindi naman kailangan. O kaya’y matutuklasan ang hilig niya sa paggamit ng ilang partikular na parirala, kahit sabihin pang nakapagdudulot iyon ng pagkabarok. Sa ibang pagkakataon, masusuri nang maigi ang henyo ng may-akda sa pagbuo ng sari-saring anyo ng pangungungusap, habang isinasaalang-alang ang musika ng buong tula.
Biswal at Awral na Anyo
Sa mga makatang imahista, ang biswal na anyo ay napakahalaga. Ang mga tiyak na paglalarawan, bukod pa ang hugis ng mga saknong o taludtod, ay napagpapatindi ng damdamin o diwaing isinasaad ng tula. May tula si Mayet C. Culibao na pinamagatang “Bakit”. Ang hugis ng buong tula’y maihahambing sa karit. Ang nasabing hugis-karit ay magkakasanga ng mga pahiwatig mulang pagsasaka at tagsalat hanggang politika ng sosyalismo at komersiyalismo, habang makakargahan ng sagisag mulang katayan tungong tandang pananong sa hinaharap ang imahen ng tao na dumaranas ng taggutom. Walang masama sa gayong paglalaro ng mga salita, lalo kung ang biswal na anyo ay umaagapay sa awral na anyo ng tula. Ngunit sa ibang kaso, kung walang habas ang paglalaro ng salita’y nakatatalam din; at tila pagkukubli sa abstraksiyon nang hindi mapansin ng mambabasa ang kababawan ng teksto.
Sa yugto ng rebisyon, kinakailangang timbangin ng makata kung ang biswal na anyo ng mga taludtod ay angkop sa tunog o indayog ng mga salitang pawang nakaugat naman sa ubod na diwain ng tula. Mahirap gawin yaon sa mahahabang tula, at ang karaniwang nagiging matagumpay ay yaong maiikli, patanghal, at mapaglarawang tula.
Magpakadalubhasa sa Salita
Walang ibang kagamitan ang makata kundi ang salita. Gaano man kaganda ang disenyo ng aklat ay malulusaw ang saysay niyon kapag bulagsak gumamit ng salita ang makata. Kaugnay nito, dapat maláy ang makata sa batas ng balarila nang sa gayon ay batid niyang labagin iyon sa ilang pagkakataon.
Marami nang inilista si Almario hinggil sa mga siyokoy na salita, gaya ng “aspeto” (aspekto), “pangkultural” (pangkultura), “pesante” (kampesino), at “kontemporaryo” (kontemporaneo), na patuloy na lumilitaw kahit hangga ngayon. Hindi ko na dapat pang ulitin yaon. Kailangang maging maláy hinggil dito, upang maiwasan na ang paulit-ulit na paglitaw ng nasabing mali. Ngunit higit pa rito, kailangang magbalik kahit sa karaniwang ginagamit na salita, gaya ng “nandoon” (naroon), “nandito” (narito), “na kung saan” (kahit “na” lamang ang dapat gamitin), at ang malimit na pagkalito sa pang-angkop na “na,” “ng,” at “nang.”
Maging maingat kahit sa paggamit ng balbal na salita at ng mga bagong ewfemismo, dahil kung minsan ay napakalimitado ang saklaw ng paghihiwatigan nito sa loob ng subkultura, at ni walang hangad na umangat sa antas ng diskurso ng malawak na lipunan. Labis tuloy na nagiging espesyalisado ang wika, at ang nagkakaintitndihan na lamang ay ang mga tao na kabilang sa naturang subkultura, gaya ng mga bakla sa Malate o ng mga punkista sa Diliman. Ang panlipunang dimensiyon ng panitikan ay nahahanggahan, at ang wika, na dapat sanang maging tulay ng komunikasyon, ay nagiging sagabal pa sa pag-unawa.
Kailangan kung gayon ang mga mapagtitiwalaang diksiyonaryo at tesawro habang sumusulat o nagrerebisa ng tula. Sa pamamagitan nito, mabilis makasasangguni ang manunulat hinggil sa tumpak na gamit ng salita. Magiging kasangkapan din niya ang mga it upang mapalalim ang kaniyang bokabularyo. Maaaring sa simula’y mangapa siya; ngunit paglaon ay magiging gamáy na niya ang kahit malalalim na salita, at dudulas ang paggamit niya rito habang tumutula. Bukod sa nabanggit, maaaring magsimulang maglista na rin ang manunulat ng iba pang salitang ginagamit sa kaniyang lalawigan o lungsod, at siyang makapagpapayaman sa kaniyang pagtula.
Matutong Kumilala sa Ibang Awtor
Isa pang sakit ng mga kabataang manunulat ngayon ay hindi marunong lumingon sa pinanggalingan. Halimbawa, kahit ang tula ay halatang adaptasyon sa tula ni Lope K. Santos o Jose F. Lacaba, aangkinin ng makata ang kaniyang mahusay na pag-akda. Ano ang masama kung maglagay ng “pasintabi,” “salamat kay,” o “pagkaraan ni” sa ilalim ng tulang halaw sa ibang tula? Kailangan ito, lalo sa panahong ang plahiyo ay usong-uso hindi lamang sa mga teksbuk, bagkus maging sa mga tulang nalalathala sa internet.
Balikan ito sa yugto ng rebisyon ng tula. Sa aking palagay, higit na lulusog ang pagbasa sa tula kung malinaw ang reperensiya at pinag-ugatan ng adaptasyon o panggagagad, at magiging gabay pa yaon sa mga bagitong mambabasa.
Mag-ingat sa Paggamit ng Epigrape
May mga tulang natutukuran ng, at nakatukod sa, epigrape. At may mga tulang kapag walang epigrape ay hindi na kayang tumayo nang mag-isa. Ang tula ay dapat tumindig kahit walang epigrape, at sakali’t lagyan ng epigrape ay dapat lalong tumindi ang bisa nito sa nilalaman, disenyo, at ubod na diwain ng tula, gaya ng ginawa nina Alfrredo Navarro Salanga at Rio Alma.
Ang epigrape ay maaaring maging bintana sa pag-urirat ng tula. Maaaring ang epigrape’y kabaligtaran ang nais ipahiwatig pag natapos basahin ang tula. Maaari ding ang isinasaad na diwa lamang ng epigrape ang mahalaga, at walang kaugnayan ang konteksto ng pinagmulan niyon sa tulang nilikha ng makata.
Ano’t anuman, mag-ingat sa paggamit ng epigrape. Kung sadyang may alusyon at reperensiya ang dulot niyon sa tula’y mabuti at dapat hangaan. Ngunit kung gagamitin lamang yaon sa tula upang ipagmagara ng makata sa kaniyang mga mambabasa at walang kaugnayan sa tula, masasabing kahinaan na yaon na humahangga sa kagila-gilalas na katangahan.
Paggamit ng Bantas
Sa tradisyonal na panulaang Tagalog, mahalaga kahit ang pagsasaad ng bantas sa loob ng pangungusap. Naitatakda nito ang natural na paghinto at paghahati ng mga salita, habang umaagapay sa tugma. Pag-aralan ang paggamit nito, kaugnay ng pagpuputol ng mga parirala.
Kung ayaw namang gumamit ng bantas, pangatawanan ito gaya ng ginagawa ni Ophelia Alcantara Dimalanta. Ang masinop na pagpuputol ng parirala ang maghuhudyat ng bantas, kaya dito dapat magtuon ang makata habang nagrerebisa. Minsan, hindi gumagamit ng bantas ang isang awtor hindi dahil ibig niyang suwayin ang kumbensiyon kundi sadyang hindi niya alam kung paano gumamit nito. Ito ang masaklap, dahil ang tagumpay ng tula ay ala-tsamba at batay sa oido lamang.
Subukin ang Lohika ng Pahayag
Mabuting ehersisyo ang pagrerebisa ng tula dahil nababanat nito ang paggamit ng lohika. Ang mga pasuhay (deductive), pasuysoy (inductive), at patimbang (comparative) na paraan ng pananaludtod [i.e., balangkas ng tula] ay sumasalok sa paraan ng pangangatwiran sa lohika. Hindi nagkakalayo ang dalawang nabanggit, bagkus ay pinalalakas pa ng lohika ang pagbuo ng taludtod, saknong, at ang buong tula mismo.
Subalit may masasalimuot na tula, na ang paraan ng lohika ay taliwas sa lohika na karaniwang matatagpuan kapag gumagamit ng prosa. Hindi rin tahas at tuwid ang mga pahayag sa tula, bagkus ay maligoy, pasikot-sikot, at nakapanlilinlang, kung hindi man nagsasalimbayan sa ilang pagkakataon, gaya ng sa panaginip. Bukod dito’y naghahalo ang dalawa o higit pang tinig, at kaya mahirap sundan. Ganito ang matutunghayan sa ilang tula nina Rogelio G. Mangahas, Cirilo F. Bautista, Alfrredo Navarro Salanga, at Rio Alma.
Mabuting magrepaso ang sinumang baguhang manunulat hinggil sa lohika, kung ibig niyang mapahusay ang pagtula.
Pag-urirat ng Nilalaman
Ang pag-urirat sa nilalaman ng tula ay dumarako sa ikalawang antas ng rebisyon, na tinagurian kong “panloob na aspekto.” Sumasaklaw ang panloob na aspekto sa panlipunang dimensiyon ng pagtula, kaya ang tula ay masasabing nagkakabisa ng tulay mulang makata hanggang mambabasa, at pabalik. Mapagmalabis ding sabihing ang makata ay sumusulat ng tula para lamang sa kaniyang sarili, at ni walang pakialam sa puna ng iba, dahil yaon ang sukdol ng pangkaisipang pagsasalsal o pagdukit. “Wika” ang ginagamit ng makata, at ang nasabing wika ay kapuwa artsibo at kamalig ng lipunan, kasaysayan, at kultura, at iba pang kaugnay nito. Sa ganitong kalagayan, ang makata ay hindi makatatakas sa panlipunang dimensiyon ng pagtula at tula. May pinag-ugatan at iniinugan ang tula—at hango sa realidad ng kaniyang lipunan at panahon—subalit may kakayahan pa rin ang makatang lumikha ng bukod na realidad ng guniguni at taliwas sa realidad ng lipunan.
Sa oras na mapagsalikop ng makata ang realidad ng lipunan at ang realidad na likha ng kaniyang guniguning pinanday, hinubog, pinakinis, at pinatalim ng wika—ang wikang batid din ng kaniyang kababayan o ibang tao at may angking diskurso na kaantas ng diskursong taglay ng makata—nagiging matagumpay ang tula. May ilang hawig na sanaysay na sinulat si C.F. Bautista hinggil sa paksang ito, at malaya kayong balikan.
Maraming dapat isaalang-alang ang manunulat kapag inuurirat na ang laman. Halimbawa, kailangang muling sumangguni siya sa mga aklat, teorya, interbiyu, video, komiks, at kung ano-ano pang pteksto upang matiyak na mahusay na nagagamit ang mga dalumat na kahiyang hinugot sa mga ito. Kailangan din niyang magbasa ng kasaysayan at ng kasaysayan ng panitikan, at sa ilang pagkakataon, magbalik sa mga teorya ng pagbasa sa tula, upang malay na makalikha ng mga ganap na tulang lumilihis sa kumunoy ng katangahan.
Kailangang sagapin ng makata ang daigdig, ito ang payo ni Almario; at ito ang makatutulong upang lumago ang karanasan at kamalayan ng makata. Napakahirap iyon para sa bagitong manunulat, ngunit maaaring magsimula sa mga karanasang batid na batid niya, mula man iyon sa tirahan o dormitoryo hanggang sa paaralan at tambayan. Makasusubok din ang makatang maglista ng mga alusyon at reperensiyang gagamitin niya sa tula, at planuhin kung anong anggulo at pagdulog ang tumpak na gamitin ukol doon.
Anumang paksa na piliin ng makata ay mahalaga; at sa yugto ng rebisyon, kailangang salain niya ang mga diwaing makatutulong sa malikhaing pagbuo ng kaniyang bayan. Hindi ito madali, lalo sa mahahabang tula, at kaya kailangan ng makata ang ilang eksperto o tagapayo mula sa iba’t ibang larang, na handang magbigay ng kaalaman at kuro-kuro hinggil sa napiling paksa. Isang magandang halimbawa nito ang paghingi ng payo ni Rio Alma mula sa iba’t ibang eksperto nang gawin niya ang Huling Hudhud (2008) na binubuo ng mga tinig ni Aliguyon, Jose Rizal, at Di-kilalang Kabataan ng kasalukuyang henerasyon.
Pandama at Pagdama sa Tula
Lahat ng materyal na realidad na labas sa katauhan ng makata ay maaaring sagapin ng limang pandama. Ngunit ang isa pang bukod na realidad na maaaring maglaro sa kalooban o isip ng makata ay hindi madaling magagap at hindi kayang saklawin ng naturang pandama dahil nangangailangan yaon ng matalas na haraya [i.e., imahinasyon]. Ang imahinasyon ang tula, wika nga ni C.F. Bautista, upang maunawaan natin ang mga panloob na katotohanan [sa isip ng makata].
Sa yugto ng rebisyon, ang pagtatasa sa haraya sa loob ng tula ay nangangailangan ng malusog na pagtatagpo ng katwiran, damdamin, at guniguni. Ang tatlong elementong ito ay ipinaliwanag noon pa man ni C.F. Bautista. Ang karaniwang pakahulugan sa isang “bahay” na realidad sa labas ng katauhan ng tao ay hindi magiging kapareho sa “nilikhang bahay” ng guniguni, dahil ang paghihiwatigan ay lumalawak at lumalalim sa malikhaing panghihimasok ng makata. Ang “guniguning bahay” ng makata, kung gayon, ay hindi tahasang maitutumbas sa “makatotohanang bahay,” bagaman kayang sumalamin ang “guniguning bahay” sa “makatotohanang bahay” at sa kalagayang kinapapalooban nito.
Hindi madaling matutuhan ang pagdama sa kaisipang patalinghaga, dahil kailangang pag-aralan ng manunulat ang lahat ng sinulat ng mga nangaunang makata sa kaniya. Kailangan ng manunulat na pumaloob sa daigdig ng haraya, at gumamit ng wikang may taglay na haraya, upang ang karaniwang wika ay umangat sa abang lunan nito at makalikha ng sariwang daigdig.
Basahin nang Malakas ang Tula
Ang isa pang pagsubok na magagamit upang mabatid kung epektibo ang tula ay basahin yaon nang malakas.
May dalawang pag-uuri na ginamit si Almario sa tula. Una, ang “tulang palabas” na mahilig gamitin ng mga tinawag niyang “Balagtasista”—at masasabing epektibo sa mga bigkasan o pagtatanghal ng tula. At ikalawa, ang “tulang paloob” na aniya’y pinauso naman ng mga modernista, at sinasabing “tahimik” at “mapagbulay” na pagtula. Bagaman maaaring sang-ayunan ang dalawang pag-uuri, maaari ding uriratin pa kung ang tinaguriang “tulang paloob” ay nagtataglay din ng kapasidad na magluwal ng pambihirang musika, na maaaring ibang-iba ang hagod sa “tulang palabas.” Maaari ding pag-aralan ang mga “tulang palabas” ng mga pangkat na mahilig sa pagtatanghal-tula, upang mabatid ang eksentrisidad ng tula sa eksentrisidad ng pagtatanghal.
Halimbawa, kung ang “tulang palabas” ay ituturing na namamayaning pop ballad o hip-hop at rap, ang “tulang paloob” ay maaaring ituring na heavy metal rock o klasikong opera. Ano’t anuman, may kakayahan ang dalawang uri ng pagtula na makapagluwal ng natatanging himig at indayog, na maaaring ang may batikang pandinig lamang ang nakababatid. Hindi ako naniniwalang ang tulang paloob ay maikukulong o dapat ikulong lamang sa pahina (maliban sa ilang pagkakataon na ang tula’y pulos paglalaro lamang ng mga titik o numero o grafiks, gaya sa ilang tula nina Mary Ellen Solt, Edwin Morgan, at Vim Nadera; o blangko ang pinakalawas ng tula ngunit may pamagat, gaya ng ginawa ni Jose Garcia Villa; o kaya’y ang mga tala o footnote ang magsisilbing teksto ng tula, gaya ng ginawa ni Conchitina Cruz). Ang tulang paloob ay epektibo rin kung handang makinig ang mga tao, sasaliwan ng maindayog na tunog, at kung babasahin, halimbawa na, ni Marlon Brando o Frank Sinatra. Samantala’y ang sinasabing tulang palabas ay mawawalan ng bisa, kung ang uri ng tula ay masisilayan sa gaya ng mga tulang protesta ni Bienvenido Lumbera na tradisyonal ang anyo; at sa mga sumisigaw sa hinagpis o pa-abanggardistang tula ng bagong henerasyon ng performance poet na ang padron at iniidolo ay ang mga tulang palabas ni Domingo Landicho o kaya’y Cesare Syjuco.
Bakit kailangan kong banggitin pa ang mga ito? Sapagkat kailangang subukin ng makata ang musika ng kaniyang tula. Anuman ang piliin niya—palabas man o paloob—ay dapat niyang pangatawanan. Ang masaklap ay maging sintunado pa rin ang tula sa kabila ng pagsisikap ng may-akda na pahusayin ang pagsulat. May mga tulang sadyang salát sa indayog, at isang problema na aking napapansin ay ang pagtawid ng makata sa daigdig ng prosa kahit tumutula, at ang labis na pagtitipid ng mga salita na waring ginagagad ang tulang Ingles. Prosa ang datíng ng tula, ni wala man lang tayutay o sayusay.
Kung tatasahin ang Tagalog bilang wika ng panulaan, masasabi kong ang henyo at elegansiya nito ay nasa kabulaklakan at paghihiwatigan—at nahahawig sa hagod ng Espanyol—dahil ang antas ng paghihiwatigan ng mga Tagalog ay ibang-iba kung ihahambing sa tahas na wika ng Amerikano. Hindi dapat maging kapintasan ang kabulaklakan ng Tagalog (na dati nang pinuna ng mga Inglesero) dahil ito ang magtitiyak kung anong antas na ng kamalayan ang naabot ng mga mamamayang ang isip at kamalayan ay hinutok at pinanday ng kanilang sariling panatikan at kultura. Ibang-iba ang Tagalog sa Ingles, at hindi dapat ipailalim sa batas ng gramatika ng Ingles ang Tagalog.
Makatutulong ang pagbabasa nang malakas sa pagrerebisa ng tula. Maaaring mapansin agad ng makata kung anong salita ang nararapat palitan, at kung paano ibabagay ang himig ng persona sa damdamin o diwaing taglay niya. Sa ganitong yugto, kinakailangang hasain ng makata ang kaniyang tainga, at pakinggan ang tunog at bagsak ng mga salita.
Pangwakas
Ang ating utak ay likas na humahanap ng padron sa ating paligid, ani Diane Ackerman, at idaragdag kong isa na rito ang paghahanap ng padron sa animo’y kalawakan ng mga pahiwatig o hulagway sa isang tula. Madali tayong makauunawa kung mahihilig tayong magbasa, at kung ang mga newron at galamay nito ay masasanay sa testura at lamán ng Filipino. Ngunit higit pa rito, kailangan din matuto tayong salain ang mga binabasa, upang ang ating utak ay higit na makapitlag sa pambihirang lunan ng guniguni.
May iba pang paraan ng pagrebisa ng tula. Matutuklas lamang ito ng makata kung patuloy siyang magsusulat ng tula, at hindi magsasawang balik-balikan ang kaniyang mga akda. Isang pagsubok ang lagi kong ginagamit. Kung ang tulang sinulat mo may lima o sampung taon na ang nakararaan ay maganda pa rin at kaaya-aya sa iyo kapag binasa mo ngayon, marahil ay nagtagumpay nga ang tula. Iyon marahil ang mahalaga. Ang ibigin at maibigan mo muna ang sariling mga tula, bago ibigin at maibigan yaon ng madla sakali’t mailathala.
(Binagong bersiyon at panayam ni Roberto T. Añonuevo sa LIRA noong 31 Agosto 2008 na ginanap sa UP Kolehiyo ng Arte, Diliman, Lungsod Quezon)