Sa Lahat ng Gawa ng Tao, ni Bertolt Brecht

 Salin ng “Von allen Werken,” ni Bertolt Brecht ng Germany
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sa Lahat ng Gawa ng Tao
  
 Sa lahat ng gawa ng tao’y pinakaibig ko
 Ang mga bagay na dati nang ginamit.
 Ang mga tansong kalderong may kupî at nasapad ang gilid,
 Ang mga kutsilyo at tenedor na ang mga tatangnan
 Ay nalaspag ng maraming kamay: ang gayong anyo
 Para sa akin ang pinakadakila. Gayundin ang mga láha
 Sa palibot ng matatandang bahay
 Na niyapakan ng maraming paa, at nangapagal
 At tinubuan ng mga damo ang mga pagitan:
 Lahat ng ito ay likhang kasiya-siya.
  
 Ipinaloob upang magsilbi sa marami,
 At malimit binabago, ang mga ito’y pinahuhusay 
 ang angking hugis, at nagiging mahal habang tumatagal
 Dahil palagi yaong pinahahalagahan.
 Kahit ang mga baság na piyesa ng eskultura
 Na putól ang mga kamay ay itinatangi ko. Para sa akin,
 Buháy ang mga ito. Naibagsak man yaon ngunit binuhat din.
 Binaklas ang mga ito, ngunit nakatitindig nang marangal.
  
 Ang mga halos gibang gusali’y muling nagsasaanyo
 Ng mga gusaling naghihintay na ganap maisaayos
 At lubos na pinagplanuhan: ang mga pinong proporsiyon 
 Nito’y mahuhulaan agad, ngunit kinakailangan pa rin
 Ng ating pag-unawa. Kasabay din nito’y
 Nakapagsilbi na ang mga bagay na ito, at nanaig sa hirap.
     Lahat ng ito
 Ay ikinalulugod ko. 
Alimbúkad: World poetry beautiful. Photo by Mike on Pexels.com

Ang Buról, ni William Faulkner

Salin ng “The Hill,” ni William Faulkner ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Buról

. . . . . .Maaliwalas na nakabalatay sa langit ang gulód na nasa harapan niya at bahagyang nasa ulunan. Sa tuktok nito’y dumausdos ang hishis ng di-makitang simoy na gaya ng malawak, pantay na tubigan, at pakiwari niya’y aangat ang kaniyang mga paa mula sa daan, at lalangoy paitaas at lalampas sa buról sa pamamagitan ng hanging ito na pumupunô sa kaniyang damit, pinasisikip ang kaniyang kamiseta sa bahagi ng dibdib, pinapagaspas ang maluwag niyang diyaket at pantalon, sinasabukay ang makapal, di-nasusuklay na buhok sa itaas ng kaniyang mataba, tahimik na mukha. Ang mahabang anino ng kaniyang mga binti’y umahon nang paayon at bumagsak, nang kakatwa, sa anyong matamlay na pagsulong, na para bang ang kaniyang katawan ay nabalani ng sumpunging Bathala sa mala-maryonetang gawaing walang saysay sa isang punto, habang ang panahon at búhay ay kagila-gilalas na nagdaan sa kaniya at iniwan siya. Sa wakas, naabot ng kaniyang anino ang tuktok at mabilis na bumagsak doon.

. . . . . .Unang sumilay sa kaniyang paningin ang kasalungat na bunganga ng gulód, na asul at malamig, sa antas ng panghapong araw. Isang puting simbahan ang bumungad sa tanawin, nang pasalungat at parang mga pigura sa panaginip, pagdaka’y sinundan ng mga tuktok ng bahay, pula at lungting kupas at olibong bahagyang nakakubli sa mga sumupling na roble at olmo. Tatlong álamo ang nagpakislap ng mga dahon laban sa abuhing pader na bilad sa araw na nagpakiling sa mga punongkahoy na peras at mansanas sa maringal na babasaging pink at puti; at bagaman walang hangin sa lambak ay halos bumaluktot sa tahimik, di-mapapalagáng hatak ng Abril ang kanilang mga sanga, pagdaka’y huminto at tumuwid muli maliban sa pinilakang ulop ng walang humpay, walang takas na mga dahon. Nahigit ang lambak sa ilalim niya, at ang kaniyang anino, na sumulpot sa malayo, ay bumalatay doon nang tahimik at malaki. Kung saan-saan nanimbang nang alanganin ang hibla ng usok mula sa tsimenea. Humimbing ang nayon, na nagkumot ng kapayapaan at tahimik sa ilalim ng panggabing araw, na waring natulog ito nang isang siglo; naghihintay, na animo’y taglay ang pukyutan ng tuwa at lungkot, sa wakas ng panahon.

. . . . . .Mula sa gulód, ang lambak ay walang tinag na mosayko ng punongkahoy at bahay; matatanaw sa gulód ang maaliwalas na tigang na lupaing tinigmak ng ulan ng tagsibol at winasak ng mga paa ng kabayo at baka, walang tumpok ng abo ng taglamig at kinakalawang na mga lata, walang malalamlam na bakod na natatakpan ng mga gulanit na kabaliwan ng mga ipinaskil na kalibugan at anunsiyo. Wala roong pahiwatig ng pagsisikap, ng mga pagód na banidad, ng ambisyon at pagnanasa, ng natutuyong laway ng relihiyosong kontrobersiya; hindi niya makita na ang kahanga-hangang kapayakan ng mga haligi ng mga hukuman ay pumusyaw at namantsahan ng karaniwang tabako. Sa lambak ay walang pagkilos maliban sa manipis, paikid na usok at tagos sa pusòng halina ng mga álamo, walang tunog maliban sa tantiyadong mahinang alingawngaw ng maso. Ang mabagal, walang datíng na medyokridad ng kaniyang mukha ay pinapangit ng panloob na impulso: ang kahanga-hangang pangangapa ng kaniyang isip. Bumalatay ang dambuhalang anino niya na parang masamang pangitain sa simbahan, at sa isang saglit ay halos magagap niya ang banyaga sa kaniya, ngunit mailap sa kaniya; at dahil walang kamalay-malay na may kung anong gigiba sa mga hadlang ng kaniyang isip at kakausap sa kaniya, wala siyang kamuwang-muwang na iniiwasan siya. Kabuntot niya ang malupit na paggawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, ang tunggalian laban sa mga puwersa ng kalikasan magkaroon lamang ng tinapay at damit at pook na matutulugan, ang tagumpay na matatamo kapalit ng mga himaymay ng katawan at biláng na araw ng kaniyang pag-iral; sa harapan niya’y nakabalatay ang nayon na naging tahanan niya, ang arawang trabahador; at lampas dito ay naghihintay ang panibagong araw ng pagkayod upang magkatinapay at magkadamit at magkaroon ng matutulugan. Sa ganitong paraan niya nilutas ang nakagugulapay na kawalang-halaga ng kaniyang kapalaran, sa pamamagitan ng isip na mahirap mabagabag ng malalabong atas ng kabutihang-asal at paniniwala, natauhan sa wakas dulot ng mahina, malambot na puwersa ng tagsibol sa lambak ng takipsilim.

. . . . . .Tahimik na sumisid ang araw sa likidong lungti ng kanluran at kisapmatang naging anino ang lambak. At habang siya ay pinalalaya ng araw, siya na namuhay at kumayod sa araw, biglang pumayapa ang kaniyang isip na bumalisa sa kaniya sa unang pagkakataon. Dito, sa takipsilim, ang mga nimpa at fawno ay baká magkagulo sa nakatutulig na paghihip sa mga pipa, sa kumakatal at tumataginting na mga símbalo sa mabilis, bulkanikong paghupa sa ilalim ng mataas, malamig na bituin. * * * Naroon sa likuran niya ang walang tinag na lagablab ng dapithapon, at sa harapan niya ay naroon ang kasalungat na bunganga ng lambak sa ibabaw ng nagbabagong kalangitan. Sa ilang sandali ay tumindig siya sa isang panganorin at tumitig pagkaraan sa kabilang panig, lampas sa ibabaw ng mundo ng walang katapusang pagtatrabaho at balisang pagtulog; dalisay, di-magagalaw; at nilimot, para sa espasyo, na siya ay dapat magbalik. * * * Marahan siyang bumaba sa buról.

Alimbúkad: Boundless imagination for humanity. Photo by Nandhu Kumar. No to Chinese occupation of any part of the Philippines. No to Chinese interference in Philippine affairs. No to Chinese spies and sleepers in the Philippines. Yes to freedom. Yes to sovereignty. Yes to Filipino.

“Mga Tanong mula sa Manggagawang Nagbabasá,” ni Bertolt Brecht

Salin ng “Fragen eines lesenden Arbeiters,” ni Bertolt Brecht ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at ibinatay sa salin sa Ingles ni Michael Hamburger at nalathala sa Bertolt Brecht, Poems 1913-1956 (1976).

Mga Tanong mula sa Manggagawang Nagbabasá

Sino ang nagtatag ng Tebas na may pitong lagusan?
Matatagpuan sa mga aklat ang pangalan ng mga hari.
Hinakot ba ng mga hari ang mga tipak ng bato?
Maraming ulit winasak ang Babilonya.
Sino ang nagtayô nito nang maraming ulit?
Saang mga tahanan ng ginintuang Lima namuhay
ang mga manggagawa?
Saan nagtungo ang mga mason noong gabing
Natapos ang Dambuhalang Moog ng Tsina?
Hitik sa matatagumpay na arko ang dakilang Roma.
Sino ang nagtindig ng mga ito? Kaninong balikat
Sumampa ang mga Cesar? Ang Bizancio, na pinuri
Sa mga awit, ay mga palasyo ba para sa mga residente?
Kahit sa maalamat na Atlantis, nang gabing lamunin ito
Ng dagat, humihiyaw sa mga alipin ang mga nalulunod.

Ang kabataang Alejandro Magno ay sinakop ang India.
Nag-iisa ba siya nang matamo ang gayon?

Nilupig ni Cesar ang mga Galo.
Siya ba’y walang kasama ni isang kusinero?
Lumuha si Felipe ng España nang magapi
ang armada niya. Siyá lámang ba ang humagulgol?
Nagwagi si Frederick Segundo sa Pitong Taóng Digmaan.
Sino-sino pa ang nangibabaw?

Bawat pahina ay isang tagumpay.
Sino-sino ang nagluto sa pista ng mga nanalo?
Bawat dekada ay nagluluwal ng dakilang tao.
Sino ang nagbayad sa mga gastusin?

Napakaraming ulat ang dapat gawin.
Napakaraming tanong ang dapat sagutin.

Aralin 2: Isang tanaw sa “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine

Dry dock sa Shanghai
ni Reynel Domine

1          Naghahalo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze –

3          naglalaho

4          may tsikwang nagsasampay ng sariling
5          buto sa dulo ng Crane

6          nagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodega

Hindi madaling gumawa ng maiikling tula. Ito ay sapagkat ang bawat salita sa maiikling tula ay kinakailangang salain upang makapagluwal ng mga elektrikong pahiwatig at pakahulugan. Hinihingi rin sa bawat taludtod ang malikhaing pagsasabalangkas ng diwain, nang hindi isinasakripisyo ang putol at untol ng mga parirala tungo sa malinaw na pangungusap at diwa.

Maihahalimbawa ang “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine. Ang nasabing tula ay binubuo lamang ng walong linya, na ang mga taludtod 1-3 ay maipapalagay na nagtataguyod ng isang diwain; samantalang ang mga taludtod 4-8 ay nagtatampok ng nakalulula kung hindi man nakahihindik na tagpo ukol sa obrerong Tsino sa drydock (pagawaan ng mga sasakyang pantubig).

Pansinin ang latag ng mga taludtod 1-2: “Naghahalo ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—/” na ang salitang “naghahalo” ay waring hindi bumabagay sa “hanggahan ng ulap” (na maitutumbas sa “orisonte” ng Espanyol at “panginorin” ng Tagalog), at “hanggahan ng ilog Yangtze” (na maaaring dulo ng tubigang maaaring maabot ng tanaw). Kung sakali’t “naghahalo” ang mga imahen ng ulap at ilog, ang resultang imahen ay hindi ulap o tubig bagkus maipapalagay na isa pang hulagway—na sa pagkakataong ito ay mahirap na mailarawan sa guniguni. Ang paggamit ng “naghahalo” ay aliterasyon sa salitang matatagpuan sa taludtod 3, “naglalaho” na may maluming bigkas.

Maipapanukala na palitan ang salitang “naghahalo” ng “nagtatagpo” upang lumitaw ang tagpong may limitasyon kahit ang napakalaking tubigan; at ang limitasyong ito ay susuhayan pa ng pagbabago ng kulay ng panginorin: “Nagtatagpô ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—” ngunit kahit ang ganito’y hindi nagbabalanse ang taludtod 1 at 2. Maiisip pa rin na ang taludtod 1 at 2 ay iisa ang tabas, at kahit putulin ang linya ay walang naikargang panibagong antisipasyon o kamalayan mula sa mambabasa. Ang taludtod 1 ay higit na mabigat kompara sa taludtod 2, at pagsapit sa taludtod 3 ay hindi mababatid kung ang “naglalaho” ay ang ilog Yangtze o ang ulap o ang kapuwa ilog at ulap. Nagkakaroon ng problema kung gayon sa sintaks  ng tula, at ang ganitong kapayak waring bagay ang nakapagpapahina sa bisa ng pahiwatig.

Ang kawalan ng bantas ay nagpatindi pa ng kalabuan, sapagkat ang taludtod 3 ay puwedeng isiping tumatalon sa taludtod 4. Subalit mabibigong humantong sa gayong tagpo dahil sa pangyayaring may “naglaho” sa mga taludtod 1-2 samantalang may lumitaw pagsapit ng mga taludtod 4-5. Ang taludtod 3 ay maiisip na pantimbang sa taludtod 6, ngunit mauulit muli ang kalabuan sa sintaks sapagkat puwedeng ihakang ang “nagwewelding” ay hindi ang “Tsikwa” (Intsik o Tsino) bagkus ang “crane.” Lumalabas ang gayong pagpapakahulugan dahil ang “nagwewelding” ay napakalapit sa “crane” na maaaring natanggalan lamang ng pangatnig na “na” dahil wala namang bantas na kuwit.

Maraming uri ng crane, na ang iba’y ginagamit sa pagtatayo ng gusali, samantalang ang iba’y nakalutang sa tubig upang gamitin sa pagbabaon ng rig tungo sa paghigop ng langis sa atay ng lupa. Nakahihindik kung gayon ang tagpo na ang “Tsikwa” —na isang pabalbal na tawag na “Tsino” mula sa pananaw ng isang obrerong posibleng hindi Tsino—ay umakyat sa dambuhalang aparato hindi bilang buháy bagkus bangkay. Ang ganitong kabatiran ay pinatitingkad ng “pagsasampay ng sariling buto” sa napakataas na crane, samantalang sa ibaba’y waring nakaabang ang “nakangangang bodega” na handang lumunok sa nasabing obrero sa oras na siya’y mahulog nang hindi inaasahan.

Sumusukdol sa alyenasyon ng obrero ang tula sapagkat anuman ang lahi ng naturang obrero ay sinipat lamang siya na ordinaryong makina na ekstensiyon ng kreyn at bodega; at napapawi ang rikit ng ilog Yangtze at kulay ng ulap sa mga sandaling kinakailangang kumayod ang isang manggagawa para matapos ang proyekto.

Kailangang sipatin ang tula sa punto de bista na ang tumatanaw at siyang naglalarawan ng tagpo ay hindi rin ordinaryong tao. Ang naglalarawan sa tula ay posibleng manggagawa rin na nakapuwesto sa isang mataas na pook, sapagkat paano niya masisilayan ang “pagtatagpo” ng ilog at ulap (na isang rural na tanawin), at ang trabahador sa tuktok ng kreyn at ang bodega sa ibaba (na pawang sagisag ng modernisasyon) kung ang nakasisilay ay wala sa gayong estratehikong lugar? Ang naturang taktika ang kahanga-hanga, at sinematograpiko, at dating ginawa ng pamosong Pranses na manunulat na si Aloysius Bertrand na pasimuno sa pagkatha ng mga tulang tuluyan.

Maipapanukala pa ang sumusunod na rebisyon upang higit na luminaw ang isinasaad ng tula:

Isang Tanawin sa Drydock sa Shanghai

1          Nagtatagpo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze sa balintataw

3          upang kisapmatang maglaho ang kulay.

4          May Tsinong isinampay ang sariling
5          kalansay sa dulo ng kreyn,                    [crane]

6          at patuloy sa pagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodegang nakaabang wari sa ibaba.

Panukala lamang ito, at sa bandang huli’y ang kapasiyahan ng makatang Reynel Domine ang magtatakda kung saan niya ipapaling ang tuon ng kaniyang tula.

Sa tahimik na gubat, ni Max Jacob

salin ng mga tulang tuluyan ni Max Jacob mula sa koleksiyong Le cornet à dés (1917).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

1889-1916

Noong 1889, maihuhubog sa salamin at allid ang mga trinsera. Dalawang libong metro paibaba, dalawang libong Polish na nakakadena ang hindi nakababatid kung ano ang ginagawa nila roon. Sa kanugnog na pook ay natuklasan ng mga Pranses ang kalasag na Ehipsiyo. Ipinakita nila ito sa pinakamahusay na doktor ng daigdig, siya na nakaimbento ng obaryotonomiya. Ang pinakamagaling na tenor ng daigdig ay umawit ng dalawang libong nota sa teatro na dalawang libong metro ang sukat paikot. Natamo niya ang dalawang libong dolyar at ibinigay sa Kawaniwahan ng Pasteur. Nasa loob ng salamin ang mga Pranses.

Sa Tahimik na Gubat

Sa tahimik na gubat, hindi lumalatag ang takipsilim at ang bagyo ng kalungkutan ay hindi pa sinasalanta ang mga dahon. Sa tahimik na gubat na tinahak ng mga Diwata, ang mga Diwata ay hindi na magbabalik.

Sa tahimik na gubat, napawi ang saluysoy ng mga batis, dahil ang agos ay halos walang tubig at lumilihis. Sa tahimik na gubat, may punongkahoy na kasingtingkad ng itim, at sa likod ng punongkahoy ay may palumpong na hugis-ulo at nagliliyab, at naglalagablab sa ningas ng dugo at ginto.

Sa tahimik na gubat na hindi na muling babalikan ng mga Diwata, may tatlong itim na kabayo, ang tatlong itim na kabayo ng mga Mago, at ang mga Mago ay hindi na nakasakay sa mga kabayo o nananahan kung saan at ang mga kabayo’y nagwiwika gaya ng mga tao.

Libak at iba pa

Tumungo sa pantalan ng ilog ang gansang mula sa alamat ni Andersen. Ang ating limahan ay ganap ang nobilidad, at sa lilim ng malagong bundok ang mga manggagawa’y nananahan sa kanilang lumang bahayan. Ang aking kaibigang Romantiko at ako, na nasa baybay kapiling ang mga babaeng naglalaba, ay naghahagis ng tinapay sa gansang mula sa alamat ni Andersen. Hindi napansin ng mapanlibak na gansa ang tinapay, ngunit hindi rin iyon binawi ng ingay ng mga pumapalo sa labada; ay, mga labandera, o malalayong ingay ng inyong pag-aaway, kayong mga manggagawa sa trangkahan makalipas ang hapunan.

Buhay ko

Nasa silid ang lungsod. Ang pandarambong ng kaaway ay hindi malubha at ang kaaway ay hindi tatangayin ang lahat dahil hindi niya kailangan ang salapi yamang ito’y kuwento at kuwento lamang. Ang lungsod ay may tanggulang yari sa pintadong mga kahoy: bibiyakin natin iyon upang maidikit sa ating mga aklat. May dalawang kabanata o bahagi. Narito ang pulang hari na may ginintuang korona na nakasakay sa lagari: iyan ang ikalawang kabanata. Hindi ko na matandaan pa ang unang kabanata.

Reaksiyonaryong Tula ni Tomas F. Agulto

Bahagi ng mahabang kasaysayan ng panitikang Filipinas ang paggamit sa tula bilang propaganda—kung hindi man programa—upang isulong ang ideolohiya ng isang kilusan o politika ng isang tao. Ang tula ay maaaring sipatin na bahagi lamang ng simulaing pampolitika, at yamang higit na makiling sa politika, ay hindi maaasahan dito ang mataas na uri ng estetika na posibleng hinihingi sa, o ipinapataw ng, sining. Ang estetikang maaasahan sa tula ay estetikang pampolitika, na sinisipat ang tula alinsunod sa linyang isinusulong ng partido imbes na malikhaing pagdulog na labas-sa-kumbensiyong indibiwalidad. Ang higit na mahalaga ay ang resultang pampolitikang mahuhugot sa tula, kung paniniwalaan ang partisanong makata, at ang tula ay nananatiling kasangkapan lamang gaya ng ibang materyal na bagay.

Ngunit ang tula ay higit sa kasangkapang pampolitika lamang. Ang tula ay maaaring magtaglay ng iba pang silbing higit sa kayang ibigay ng materyal na bagay, at kabilang dito ang kasiyahan, kaluwagan, at kabukasan ng isip na pawang makapagpapataas ng pagkatao. Ang tula, bagaman kayang magbunyag ng tunggalian ng mga uri at magpasimula ng himagsikan, ay makapagpapamalas din ng mga halagahang taliwas sa tunggalian o himagsikan, na kahit hindi makalulutas ng suliranin ng daigdig ay makapagbubukas ng pang-unawa at kalooban ng karaniwang tao. Ano ang ibig sabihin nito? Hindi maikakahon ang tula sa isang taguri lamang, gaya ng ibig ng ilang Marxista kuno. Ang pagtula ay hindi rin maikakahon sa dalawahang panig, na ang isang banda ay mabuti at puti samantalang ang kabilang banda ay masama at itim. At ang pagkasangkapan sa tula ay hindi monopolyo ng aktibistang makata, o dating aktibistang makata. Maihahalimbawa ang tulang “Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin” (2009) ni Tomas F. Agulto:

Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin

1 Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin
2 Wala po kayong utang na loob sa masa
3 Gawin lamang ninyo ang inyong trabaho nang mahusay
4 Pagkat ginagawa namin ang aming trabaho nang walang alinlangan.

5 Huwag nyo [sic] po kaming pagtatakpan ng ilong
6 Hindi po namin ikahihiya ang ligamgam ng putik
7 Basta sigurado ang sirkulasyon ng bigas
8 At sibuyas, bawang, paminta sa buong bansa.
9 Basta laging may masarap kayong pulutan at ihaw-ihaw
10 Basta hindi kakalawangin at laging full tank ang kotse nyo araw-araw.

11 Sumusuot kaming parang mga alupihan sa ilalim ng lupa
12 Pikit-mata po kaming nakikiraan sa mga bitak sa bato ng lindol
13 Upang matiyak ang variety ng mga alahas sa inyong tenga at daliri
14 Upang sari-sari ang inyong mapagpipilian sa Ongpin
15 O sa Ayala Alabang.

16 Kahit dinadaan na lamang namin sa tulog ang hapunan
17 Tiyak na may darating na bigas at mais sa pamilihan
18 Hindi kami makapandadaya sa kalidad ng mais at bigas,
19 Kung kulang man ang timbang ng mga sako sa tindahan
20 Hindi na namin iyan kasalanan.
21 Wala pong natitira sa amin anuman.

21 Hindi ninyo kami maakusahan ng pandaraya o katamaran.

22 Hinahabol namin sa palaisdaan ang [mga] bangos at alimango
23 Sinisisid namin sa look ang mga kabibi, sea urchin at maliputo
24 Tambakol galunggong bariles dilis tandipil at abo-abo
25 Kung dumating sa inyong pinggan ang isda at bilasa
26 At makati na sa dila, hindi na po namin yan kasalanan.

27 Hindi ninyo kami maakusahan ng pandaraya o katamaran.

28 Sinusupil namin ang kati, inis at himagsik sa mga pabrika
29 Nagbubuwis kami ng daliri o kung minsa’y buong kamay sa imprenta
30 Nagkakaulser, nagkakaTB at kataka-taka
31 Kung bakit maraming niluluslusan gayong ice-tubig
32 Lang naman ang madalas na laman ng tiyan.

33 Hindi ninyo kami maaakusahan ng pandaraya o katamaran.

34 Hindi po ito pangungunsensya,
35 Hindi po kami umaasang kayo’y meron pa—
36 At hinding hindi rin ito pagbabanta.
37 Nagsasalita lang kami nang tahas, walang ligoy
38 Nagsasalita po kami tungkol sa mga bagay
39 Na aming nararanasan walang labis walang kulang.

40 Hinding hindi po kami makikipagtalo sa inyo nang basta-basta

41 Basta huwag na lang po kaming istorbohin sa bukid
42 Igalang po ninyo ang aming mabigat na pag-aantok
43 Saan man kami mahilata at abutan ng tulog
44 Hayaan ninyo kaming magpahinga.
45 Hayaan po ninyo kaming mapahinga.

46 Huwag ninyo kaming istorbohin sa pagpapahingalay
47 Nakangangawit din po kasi ang maghapong
48 Paghahasa ng itak at sundang.

49 Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin.

Naglustay ng 388 salita sa loob ng 49 taludtod ang buong tula, kung tula mang matatawag ang nasabing akda. Payak lamang ang ibig ihatid nito: Huwag daw tulaan ng kung sinong makatang mahihinuhang burges ang pamumuhay ng mga anakpawis. Sasapit sa ganitong kabatiran kapag ibinukod ang dalawang panig. Una, ang panig ng personang nagsasalita na pabor umano sa mga dukhang mangingisda, magsasaka, at manggagawa. At ikalawa, ang panig ng kausap ng persona, na mahihinuhang negosyante, o kung sinong mayhawak ng kapangyarihan o kayamanan ng lipunan, at siyang isinasatinig ng makatang burges.

Kung uuriin nang maigi, ang winiwika ng persona ay tanging ang makatang nagmula sa uring anakpawis ang kayang tumula ng buhay ng mga anakpawis. Ang sinumang tutula hinggil sa anakpawis ngunit nagmula sa uring burges at naghaharing uri ay mabibigo, at maaaring maghatid lamang ng mga balighong interes na maaaring kinakatawan ng interes ng burgesya at naghaharing uri. Ang ganitong linya ng pag-iisip ay hindi na bago, at mahuhugot sa mga akda ni Jan Mukarovsky, at nagpapahiwatig lamang na ang kadakilaan ng isang likhang sining ay nakabatay sa halaga o pagpapahalaga na ipinapataw ng isang salinlahi tungo sa susunod pang salinlahi. Para sa anakpawistang persona, ang pagpapahalaga sa tula ay magiging makatotohanan lamang kung mula sa uring anakpawis, sakali’t ang uring anakpawis na ito ang maging dominanteng uri sa agos ng kasaysayan.

Nagmamadali ang ganitong pagbasa, at kailangan pang balikan ang tula. Sa unang unang saknong, nagpapayo ang pangmaramihang persona na huwag na daw tulaan ang mga anakpawis dahil “walang utang na loob sa masa” ang kanilang tiyak na kausap na makata. Gawin lamang daw ng makata [na burges] nang mahusay ang trabaho, dahil may trabaho din ang mga anakpawis. Ngunit ano ba ang trabaho ng makata? Hindi ba tumula? Ang pagtula nang matino ang pangunahing dapat asahan sa sinumang makata, at kung hindi bilib dito ang maramihang personang nagkukunwang anakpawis na tumutula rin, ang ganitong pagdududa ay dapat alamin pa nang malalim. Kung babalikan ang mga akdang Marxista, ang tula—o sabihin nang panitikan at sining—ay mula sa esperang pang-ideolohiya ngunit hindi kasintahas ng matatagpuan sa mga sistemang panrelihiyon, pambatas, o pampilosopiya. Maiisip dito na mababago lamang ang kamalayan ng taumbayan kung makikilahok ang uring anakpawis sa diskursong pampolitikang mailalahok sa tula; at hindi solusyon ang pagsasabing “huwag nang tumula ang mga makatang burges at elitista.”

Ang pagsasabing “huwag na kayong tumula hinggil sa amin” ay pasibong tugon sa diskursong inilalatag ng “naghaharing uri ng mga makata.” Wala itong inilalaang alternatibong hakbang na magbibigay ng katwiran sa himagsikang pangkaisipan at pang-estetika na pawang ibig salungatin ng anakpawistang persona. Kung ang estetikang silbi ng tula ay hindi maipapaliwanag kahit sa relatibong paraan sa panig ng anakpawistang persona, ang estetikang silbi ng tula ay mananatili lamang sa dati nitong lunan at mabibigong lumago para “para pagsilbihan ang masa.”

Sa ikalawang saknong, may pasaring ang persona hinggil sa prehuwisyo ng makatang burges laban sa mga anakpawis. Uulitin ang pasaring bilang retorikang pamamaraan sa mga taludtod 21, 27, at 33. Ngunit hindi ipinakilala nang maigi kung sino ang pinasasaringan. Upang maging kapani-paniwala kung may prehuwisyo mang ginagawa ang tiyak na kausap ng persona, ang tao na ito ay dapat ibunyag nang maipamalas ang diyalektikong ugnayan ng mga kaisipan at uring nagbabanggaan. Ngunit nabigong ipamalas yaon sa tula, at ang inilahad ay ang sawing kapalaran ng magsasaka, minero, tagalimbag, at mangingisda. Ang ganitong taktika ay matataguriang “epektong paawa” na nagtatangkang maging kalunos-lunos ang anyo o kalagayan ng uring anakpawis, sukdang maging romantisado, at ang sinumang kasalungat nitong uri ay magiging kontrabida. Laos na ang ganitong uri ng pagdulog sa tula, at kakatwang hindi nakapag-ambag kahit sa progresibong pakikibaka ng mga anakpawis.

Ang pahayag ng maramihang persona na “Hindi ninyo kami maaakusahan ng pandaraya o katamaran” ay pagpapahiwatig na nag-aakusa nga ng ganito ang kanilang kausap. Ngunit may ganito ba talagang akusasyon ang kausap ng persona? Wala, dahil hindi matibay na naipamalas sa tula kung sino ang tarantadong kausap ng persona at kung bakit nag-aakusa sila nang gayon. Ang pahayag ng persona ay maaaring sipatin na nagmumula sa baliw—na nakaririnig ng kung ano-anong tinig—at animo’y pinarurusahan ng guniguning makata na walang isinusulong o ipinagmamatwid kundi ang interes lamang ng uring burgesya at elitista. Payak lamang ang ibig ipaunawa ng tula: Na ang uring pinagmulan ng anakpawistang persona ang nagtatakda ng kamalayan nito at siyang mahuhugot din sa linyang isinusulong ni Karl Marx. Wala umanong magagawa kundi maghimagsik. Sa tula ni Agulto ang kondisyon ng paghihimagsik ay mababaw ang pagkakalugar sa agos ng kasaysayan, at ang konteksto ng anakpawistang persona ay nabigong maitampok ni maipahiwatig sa tula.

Binanggit sa taludtod 34 na hindi raw pangungunsiyensiya iyon ng persona sa makatang burges. Nagsasalita lamang daw ang persona nang tahas at batay sa karanasan “nang walang labis at walang kulang.” Ngunit hindi ito totoo. Ang pagsasalita ng persona ay hitik sa ligoy, at ang mga pasaring ay lihis na lihis sa pinatutungkulan. Ang persona—na nagtatangkang kumatawan sa uring manggagawa, magsasaka, mangingisda, minero, at dukha—ay nabigong maitampok sa kapani-paniwalang pamamaraan ang buhay ng anakpawis na inapi o kinawawa ng makatang burges sa mahabang panahon. Ang akusasyon ng “pandaraya at katamaran” ay isang meme na ipinalalaganap ng mga telenobela at sinaunang kuwentong komiks, at kung ito man ay gagamitin sa tula ay dapat higit na mabalasik at matindi na kayang rumindi sa sensibilidad ng mambabasa o makatang burges na pinatutungkulan. Kaya ang pahayag na “huwag ninyo kaming tulaan” ay sampal na bumabalik sa persona at hindi sa pinatutungkulang makatang burges.

Ang problema sa akda ni Agulto ay hindi naibukod ang “makatang burges” sa “uring burgesya” o “naghaharing uri” na patuloy na naghahasik ng pang-aapi at pandurusta sa mga anakpawis upang manatiling anakpawis ito sa habang panahon at manaig lamang ang naghaharing interes. Kung ang makatang burges ay siyang may kontrol sa produksiyon ng materyal na bagay sa lipunan, kabilang na ang panitikan, ito ang dapat linawin sa tula. Paano natitiwalag ang persona sa mga makatang burges? At paanong ang mga makatang burges ay nakapaghahari sa lipunan kahit sa puntong pagbilog sa kamalayan ng taumbayan? Hindi ito sinagot sa tula. Ang makatang burges ba ay “nang-iistorbo sa bukid” o baka naman ang tinutukoy ay “panginoong maylupa” lamang? Bagaman sinasabi ng persona na hindi ito “nagbabanta” sa tiyak na kausap ay mahihinuhang gayon ang ibig nitong ihayag, lalo kung sasapit sa mga taludtod 47–48 na hinggil sa maghapong “paghahasa ng itak at sundang” na pahiwatig ng pag-iisip ng madugong krimen.

Maitatanong: Para saan ang maghapong paghahasa ng itak at sundang? Para sa pahiwatig ng anakpawistang himagsikang mala-milenaryo? Sayang ang ganitong pagtatangka, dahil marupok at mababaw ang pagsusuri ng persona hinggil sa mga pangyayaring pampolitika, pangkabuhayan, at pangkultura sa lipunan. Kung may himagsikan mang ibig ang persona, ito ay dapat nakatuon sa pagbasag sa mga kumbensiyonal na pananaw ng pagiging anakpawistang makata, at anakpawistang kaligiran sa lipunan. Maaaring basagin din ng persona ang kumbensiyonal na pananaw ng makatang burges, ngunit ang masaklap, ang mga isinaad na hulagway patungkol sa makatang burges ay lumang-luma at pinagkakitaan na noon pa mang dekada 1970–1980 ng mga aktibistang makata.

Kung babalikan ang tesis ng tula, de-kahon ang pananaw na “hindi kayang tulaan ng mga makatang burges” ang buhay ng mga anakpawis. Kung ang pagtula ay ituturing na malikhaing pagsisinungaling—na ang realidad ng anakpawis ay naitatanghal sa ibang antas ng realidad, anyo, at pamamaraang di-kumbensiyonal—ang tesis ni Agulto ay mapabubulaanan. Kung ang pagtula ay pagsasaharaya ng buong lipunan, ang lipunang ito ay hindi lamang bubuuin ng anakpawis bagkus ng iba pang uri. May prehuwisyo lamang ang persona ng tula, at maaaring ito rin ang pananaw ni Agulto, na ang mga anakpawis ay matutulaan lamang ng mga makatang anakpawis, at ang pagtulang ito ay mahihinuhang nasa pagdulog na realistang panlipunan lamang. Posibleng may nakikitang ibang anggulo ang tinaguriang “makatang burges,” at ang anggulong ito ay maaaring nabigong maisahinaganap ng mga makatang anakpawis na linyado kung mag-isip at tumula.

Sa dulo, mahihinuhang ang pagrerebelde ng personang nagsasalita sa tula ay nakabatay sa sukal ng damdamin, imbes na sa matatag na lohika, at maaaring sanhi ng prehuwisyo rin ng nasabing persona laban sa ipinapalagay nitong “makatang burges.” Kung ipagpapalagay na ekstensiyon ni Agulto ang persona ng tula, si Agulto ay nagbabalatkayong anakpawistang makata, dahil nabigo niyang lagumin ang mahabang kasaysayan ng uring anakpawis at ang makulay nitong pakikibaka sa lipunan. “Huwag na kayong tutula tungkol sa amin” ang pamagat ng tula, at ang pamagat na ito ay marahil nagpapayo rin sa makatang Agulto na suriin ang kaniyang sariling akda na maaaring hindi na tumutugma sa kalagayan ng uring manggagawa, mangingisda, at magsasaka na pawang mga dukha at nagsusulong ng himagsikang pangkaisipan at pangkalooban. Ang pagtula ay nangangailangan ng natatanging kasanayan, sigasig, sensibilidad, at talino, at ang mga ito ang hinihingi kahit sa premyadong makata na gaya ni Tomas F. Agulto.

PAHABOL:  Para sa kaalaman ng lahat, ang kritika sa tulang “Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin” ni Tomas F. Agulto ay hindi simpleng sagot sa banat ni Agulto sa aking tulang “Lawa ng Wala.” Hindi iyon “ganting-salakay” sa tula ni Agulto, kahit si Agulto ang unang umulos at nag-ingay upang magpapansin. Walang ginawang masusing kritika si Agulto sa aking tula, at ano kung gayon ang dapat sagutin? Kayang ipagtanggol ng aking tula ang sarili nito, at hindi gaya ng tula ni Agulto. Ang tula ni Agulto ay binigkas niya sa Kongreso ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) nang may halong pang-uuyam at paglibak sa naturang organisasyon, at sa aking palagay ay dapat inuurirat nang maigi. Mababatid sa naturang akda ni Agulto kung karapat-dapat siyang bigyan ng parangal bilang makata, o kung dapat isumpa sa pagsulat “ng walang kawawaan.”

Ang Manggagawa bilang Bayani sa katha ni Juan L. Arsciwals

Pagtataksil sa simulain ng kilusang manggagawa ang umaalingawngaw sa mala-nobelang kathang Isa pang Bayani. . . (1915) ni Juan L. Arsciwals. Ngunit huwag akalaing hanggang doon lamang ang saklaw ng katha. Nakapahiyas nang pailalim sa obra ni Arsciwals ang sosyalistang pananaw sa pinakapayak nitong anyo, at humuhula ng napipintong himagsikang pumapabor sa uring manggagawa.

Ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola, kaya umangal ang mga manggagawa sa pabrika ng tabako. (Tumutukoy ang “vitola” sa uri ng anyo ng tabako o sigaro, na maihahalimbawa ang robusto at corona.) Nagpulong ang unyon hinggil sa marapat nilang maging tugon, at napagkaisahang makipagnegosasyon sa pangasiwaan. Nagmatigas ang mga namumuhunan, kaya nagkaisa pagkaraan ang mga manggagawa na magwelga sa pamumuno nina Gervacio, Mauro, at Pablo.

Nangamba ang mga namumuhunan sa magiging epekto ng pag-aaklas, at kinausap nito nang palihim si Pablo para bumaligtad kapalit ng pabuyang salapi. Pumayag naman si Pablo dahil sa hirap ng buhay, at naging tulay upang hikayatin din si Gervacio at ilang kasamang manggagawa. Nabiyak ang hanay ng unyon nang magkaisa sina Pablo at Gervacio, kasama ang ilang eskirol, na pumanig sa mga namumuhunan. Ngunit nabigo ang dalawa na himukin si si Mauro. Nanindigan si Mauro at pinanatili ang dangal.

Isang araw, nasalubong ni Mauro ang mga manggagawang bumaligtad, na ang iba’y nasiraan ng loob sa ipinaglalaban. Ipinaliwanag ni Mauro ang posisyon at ibinunyag ang pagbaliktad ng mga kasama sa simulain, subalit sumalungat sina Gervacio at Pablo. Nagkaasaran, at tinangkang saksakin ni Gervacio si Mauro. Tinamaan sa bisig si Mauro ngunit naibalik ang saksak sa katunggali. Si Pablo naman ay sinaksak din ng isang di-kilalang tao.

Nagkaroon ng labo-labo, at dumating ang mga pulis at dinampot si Mauro. Isinakdal at pagkaraan ay nahatulan ng hukuman si Mauro na makulong nang siyam na buwan at isang araw. Nagpatuloy ang bulok na sistema sa pagawaan ng tabako, at lalong ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola. Ipinagbawal ang pagbubuo ng unyon sa pabrika, at waring pahiwatig iyon sa katumpakan ng ipinaglalaban ni Mauro.

Ipinamalas sa kathang ito ang lunggating sosyalismo para sa mga Filipinong manggagawa. Sa pananaw na ito, ang mga kumakayod sa trabaho ay dapat pantay-pantay na magkamit ng karampatang salapi at benepisyo alinsunod sa bunga ng kanilang kolektibong pagpapagal. Mahihiwatigan ito sa pukol ng pananalita ni Mauro, nang kausapin niya ang mga manggagawa:

Karapatan natin sa haráp ng sino man, na ang pagpapagod at pawis na pinupuhunan natin ay tumbasán ng sapát na kaupahán; at ang karapatang itó, kailan ma’t ibig na bawasan, ay matwid naman natin ang tumutol hanggang maaari at ipagtanggol hangga’t maaabót ng kaya . . . sukdang ikamatay.

Ang ganitong tindig ni Mauro ay taliwas sa posisyon ng mga namumuhunan, na walang iniisip kundi magkamal ng tubo. Imbes na pakinggan ang mga manggagawa ay uuyamin at pagtatawanan pa, at sa di-iilang pagkakataon ay lolokohin at susuhulan upang mapanatili ang kapangyarihan, yaman, at kalakaran sa lipunan.

Ipinahihiwatig din sa katha kung paano natitiwalag ang manggagawa sa kaniyang ginagawa—na nagbubunga ng higit na kahirapan, kamangmangan, at kawalang-katarungan. Ang pagkatiwalag ng manggagawa sa dalisay na kalooban ay may kaugnayan sa proseso ng kaniyang trabaho sa tabakeriya. Nagiging bagay ang trabaho na lumalayo sa tao, at ang bagay na ito ang siyang kinakasangkapan ng mga namumuhunan upang manatiling busabos ang mga anakpawis.

Sa pananaw ng mga negosyante, ang mahalaga ay kumita ng salapi kahit ang kapalit ay pagkabusabos ng mga manggagawa. Gagawin nila ang lahat, gaya ng panunuhol, upang makapangalap ng mga eskirol at pabaligtarin ang posisyon ng mga pinuno ng unyon. At sa oras na magwagi sila ay ibabalik ang dating sistema, sisipain ang mga sungayang kawani, ibababâ ang sahod ng mga obrero, at bubuo ng mga patakarang kontra-manggagawa, gaya ng pagbabawal sa pagtatayo ng unyon.

Kung sisipatin naman sa Marxistang pananaw, natitiwalag ang mga tabakero sa kani-kaniyang sarili dahil ang trabaho nila sa pabrika ay nagkakait sa kanila ng pamumuhay na makatao, samantalang bumabansot sa kanilang isip, loob, at pangarap na tamuhin ang maalwang búkas. Mawawakasan lamang ang ganitong pagkatiwalag kung magkakaisa ang mga obrero na labanan ang mga namumuhunan sa pamamagitan ng kolektibong protesta at pag-aaklas. Kailangang mabawi nila ang kapangyarihan, at magaganap lamang ito sa takdang panahong ganap na maláy na ang mga manggagawa.

Ang paggawa ang tanging may halaga, kung paniniwalaan si Marx. Hindi umano kumakatawan ang puhunan sa pinagsanib na puwersa ng lakas-paggawa. Umiiral lamang ang puhunan dahil sa mabalasik na pangangamkam, gaya ng matutunghayan sa karanasan ng mga tabakerong kabilang sa unyon. Ang pagtutol ng mga namumuhunan na bigyan ng sapat na sahod at karapatan ang mga manggagawa ang magtutulak at magbibigay-katwiran sa mga manggagawang gaya ni Mauro na maghasik ng paghihimagsik, na ang isang manipestasyon ay marubdob na welga o pag-aaklas. Ang ganitong pangyayari ay “hindi mapipigilang lumitaw sa angkop na panahon ng kasaysayan.”

Ngunit mabibigo si Mauro.

Mabibigo si Mauro at ang unyong manggagawa dahil hindi pa hinog ang panahon, ayon na rin sa pagwawakas ng salaysay na isinakataga ni Serafina, ang esposa ni Mauro. Hindi pa ganap na nahuhubog ang kamalayan ng mga manggagawa tungo sa progresibong pagkilos, at maaaring mangailangan “ng maraming kristo” para sa kapakanan ng uring manggagawa. Ano ang ibig sabihin nito? Ang pagiging manunubos ay hindi dapat iatas lamang sa balikat ng isang tao, bagkus sa lahat ng mamamayan. Ang kabayanihan ay dapat taglayin ng kolektibong puwersa ng mga manggagawa upang makamit nito ang pinapangarap na pangmalawakang himagsikan, na magbubunga ng bagong lipunan at makapagpapanumbalik sa nawalang pagkatao ng gaya ni Mauro.

Sanggunian:

Arsciwals, Juan L. Isa pang Bayani… Tondo, Maynila: Imprenta y Libreria ni P. Sayo Vda. de Soriano, 1915.

Muling Pagbasa sa Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Nakalulugod at muling inilimbag ngayong taon ng Anvil Publishing ang nobelang Banaag at Sikat (1906; 1959) ni Lope K. Santos. Inuurirat ng nasabing nobela ang bisa ng kayamanan at kapangyarihan sa relasyon ng mga tao, at kung bakit nananatiling dukha ang marami. Ngunit higit pa rito, nagpapanukala ang nobela ng mga pagbabago sa pananaw, pagsusuri sa lipunan at kasaysayan, at pagsasanib ng mga dukha upang baligtarin ang namamayaning baluktot na kalakaran. Kakaunti lamang, sa aking palagay, ang tunay na nakabasa ng nobela ni Santos; at marahil may kaugnayan ito sa prehuwisyo, katamaran, o pagkatiwalag sa wika at panitikang Tagalog. Ano’t anuman, ang muling pagbasa sa nasabing nobela ay isang paraan ng pagkilala, kung hindi man pagbabayad, sa malaking pagkaligta sa dakilang manunulat na Tagalog.

Banaag at Sikat

Banaag at Sikat, kuha ni Beth Añonuevo

Umiinog ang nobela sa buhay nina Delfin at Felipe, na kapuwa nagtataglay ng sungayang ideolohiyang may kaugnayan sa sosyalismo. Si Delfin ay mula sa angkan ng mayayaman, ngunit naghirap nang yumao ang kaniyang mga magulang, at ampunin ng ibang tao. Madaranas niya ang hirap sa pagpasok sa iba’t ibang trabaho, at ang hirap na ito ang magiging kabiyak na praktika ng mga teoryang nasagap niya sa pagbabasa ng mga aklat na sumusuysoy sa sosyalismo sa Europa. Samantala, si Felipe ay anak-mayaman din, ngunit itatakwil ng kaniyang sariling ama dahil iba ang nais pag-aralan at lumilihis sa itinatakdang landas ng pagpapanatili ng kayamanan ng angkang maylupa. Ang karanasan ni Felipe bilang manlilimbag sa imprenta, bilang manggagawang bukid sa lupain ng kaniyang ama, at bilang kasintahan ni Tentay ang magbubukas sa kaniya ng paningin hinggil sa malaganap na kahirapang bumubusabos sa maraming tao. Ang naturang karanasan din ang kapilas ng pilosopiya ng anarkismong ibig niyang yakapin at palaganapin sa bansa.

Mapapaibig si Delfin kay Meni, na anak ni Don Ramon Miranda, at mabubuntis ang dalaga makalipas ang mga lihim na pagtatagpo. Ngunit hahadlang si Don Ramon, at tatangkaing paghiwalayin ang dalawa. Bugbugin man ng ama si Meni ay hindi magbabawa ang pasiya nitong samahan si Delfin. Hanggang mapilitang pumayag si Don Ramon sa pagpaparaya sa anak, at maglalagalag sa Amerika kasama ang aliping si Tikong, at ipagkakait ang mana kay Meni. Pagnanasahan naman ni Honorio Madlang-Layon ang kayamanan ni Don Ramon, at gagamitin ang katusuhan bilang abogado upang mapasakamay niya at ng kaniyang asawang si Talia ang lahat ng salapi, sapi, yaman, at lupain ng matanda. Si Talia, na isa pang anak ni Don Ramon, ay pipiliting kumbinsihin si Meni na iwan ang esposo nito at balikan ang layaw na tinalikdan. Matatauhan si Meni, at mananaig sa kaniya ang puri ng taong ayaw sumandig sa kayamanan ng magulang, at tapat na nagmamahal sa asawa.

Sa kabilang dako’y mahuhulog ang loob ni Felipe kay Tentay, na mula sa dukhang pamilya. Ito ang ikangingitngit ni Kapitang Loloy, ang ama ni Felipe, sa paniwalang walang mabuting kinabukasan ang mangyayari kung magkakatuluyang magsama ang magkasintahan. Sapilitang iuuwi ni Kapitang Loloy si Felipe sa lalawigan, subalit magsasagawa naman ng indoktrinasyon si Felipe sa mga magsasaka hinggil sa pinaniniwalaang rebolusyong panlipunan, at magiging sanhi ito upang isuplong siya ng katiwala sa ama. Mapopoot si Kapitang Loloy, at itatakwil ang anak. Pagkaraan, magbabalik si Felipe kay Tentay, at makikipamuhay dito nang parang mag-asawa, matapos ipagtanggol ang mag-anak nito laban kay Juan Karugdog na isang manyakis, bagaman ayaw magpakasal noong una si Felipe dahil sa pananalig na sukdulang kalayaan ng indibidwal.

Sa dulo ng nobela, magbabalik na bangkay si Don Ramon sa Filipinas, makaraang paslangin ni Tikong dahil sa labis na pagmamalupit ng amo. Ipakikilala si Doroteo Miranda, ang pamangkin ni Don Ramon, na maghahatid ng bangkay, kasama si Ruperto na siya palang kapatid ni Tentay. Si Ruperto, na bartender sa Nuweba York, ay ilalahad ang kaniyang pakikipagsapalaran sa iba’t ibang bansa sa pananaw ng migranteng manggagawang Filipino, at mapapaibig kay Marcela na siyang kapatid naman ni Felipe. Magtatagisan ng paniniwala sina Delfin at Felipe doon sa sementeryo hinggil sa sosyalismo at anarkismo, hanggang dumako sila sa yugtong hindi pa napapanahon ang rebolusyon ng mga anakpawis dahil hindi umaabot sa kalagayang malaganap na ang kaisipang sosyalismo sa kapuluan. Ang tagisan ng mga paniniwala ng magkaibigan ay waring karugtong ng balitaktakang ikinapoot nina Don Ramon at Don Filemon sa batis ng Antipulo na binanggit sa ikalawang kabanata ng nobela, at sa pagtatalo nina Delfin at Madlang-Layon sa Kabanata XIV.

Magwawakas ang nobela sa tagpong may salo-salo sa tahanan ng mga Miranda,  at sa ganap na paghihiwalay nina Meni at Talia bilang magkapatid,  dahil tumanggi si Meni na hiwalayan si Delfin kapalit ng rangya, layaw, at yamang pangako ng kapatid. Lilisanin nina Delfin, Meni, Felipe, at Ruperto ang tahanan ng pamilyang Miranda, bago magkabasagan ng bungo sina Delfin at Madlang-Layon, at masasaisip ni Ruperto ang kabatirang “may mga bayani ng bagong Buhay!”

Kayamanan at Kapangyarihan
Masalimuot ang banghay dahil ipinakita ni Santos ang iba’t ibang madilim na pangyayari sa buhay ng mahahalagang tauhan, gaya nina Don Ramon, Don Filemon, Kapitang Loloy, Ñora Loleng, Meni, Talia, Julita, at Tentay, o nina Marcela, Martin Morales, Isiang, Ruperto, Juan Karugdog, at iba pang panuhay na tauhan, na pawang may kaugnayan sa buhay nina Delfin at Felipe. Halimbawa, titindi ang galit nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy kay Delfin dahil siya umano ang pasimuno ng kaisipang sosyalismo mulang pahayagang El Progreso hanggang pagbilog sa ulo ni Felipe. Sina Don Ramon at Don Filemon ay kapuwa nagmamay-ari ng palimbagan at pahayagan, at ibig kontrolin kahit ang opinyon ng taumbayan, samantalang sinusupil ang mga karapatan ng obrero. Natatakot din ang tatlong matanda na mawala sa kanilang kamay ang yaman at kapangyarihan, at kumalat ito sa mahihirap. Samantala, ang pagiging matapobre ni Ñora Loleng—na asawa ni Don Filemon—ay kaugnay sa pagpapanatili ng yaman at lihim na relasyon kay Don Ramon.

Ang manipestasyon ng yaman, rangya, at kapangyarihan ni Don Ramon ay aabot kahit kahit sa pakikipagtalik kay Julita na bayarang babae, sa pakikiulayaw kay Ñora Loleng, at sa pakikisama sa iba’t ibang babae sa Amerika. Ang patriyarkal na pananaw ni Don Ramon ay ilalapat niya kahit sa pagpapalaki ng kaniyang dalawang anak na babae, na ang isa’y tradisyonal at gahaman (Talia), samantalang ang isa’y makabago at mapagbigay (Meni). Hindi malalayo rito ang patriyarkal na pamamalakad ni Kapitang Loloy, na ibig diktahan kung paano dapat mamuhay ang mga anak na sina Felipe at Marcela. Ang iba’t ibang libog ay makikita naman sa asal ni Juan Karugdog, alyas “Kantanod,” na sinaunang stalker at ibig gahasain si Tentay. Maihahalimbawa rin ang libog ni Ñora Loleng na kahit matanda na’y ibig pa ring makatalik si Don Ramon; o ang kalikutan ni Isiang na dinaraan sa pagpipiyano ang lihim na ugnayang seksuwal kay Morales. Sukdulang halimbawa ng kalibugan sina Meni at Delfin, na nagtitipan kung gabi sa hardin upang doon iraos ang silakbo ng hormone, ngunit ginagawa lamang nila ito dahil sinisikil ni Don Ramon ang kanilang kalayaang mag-usap bilang magkasintahan.

Ang bisa ng yaman at kapangyarihan ay mababanaagan kahit sa palimbagan, sa bukirin, sa tahanan, at sa malalayong lupain na pinaghaharian nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy. Kapani-paniwala rin ang nakalulunos na paglalarawan sa tahanan ng mag-anak na Tentay, o kaya’y ng naghihikahos na mag-asawang Delfin at Meni, na maitatambis sa marangyang kasal nina Honorio at Talia o sa paglulustay ng oras nina Morales at Isiang sa ngalan ng aliwan. Ang kasal nina Honorio at Talia ay halimbawa ng pagsasanib ng dalawang maykayang pamilya, at si Honorio ang abogadong tagapagtanggol ng ekonomikong interes ng pamilyang Miranda. Iisa lamang ang ibig sabihin nito: Nasa yaman ang kapangyarihan, at ang kapangyarihang ito ay kayang dumungis ng dangal ng tao o sambayanan.

Gayunman, ipinamamalas din ng nobela na hindi lahat ay kayang bilhin at paikutin ng salapi. Ang pagtalikod nina Meni, Delfin, at Felipe sa ipinangangakong yaman ng kanilang magulang ay pahiwatig na pananalig sa sariling pagsisikap, sa mataas na pagpapahalaga sa “puri” o “dangal,” at ang anumang yaman ng pamilya ay hindi dapat manatili sa pamilyang iyon lamang bagkus marapat matamasa rin ng iba pang mahihirap na tao. Ang paniniwala ni Delfin, na kung minsan ay sususugan ni Felipe, ay ang tao ay tagapangasiwa lamang ng yaman, at ang yamang ito ay dapat pag-aari ng sambayanan upang magamit sa higit na patas at abanseng pamamaraan.

Pagbasa sa Agos ng Kasaysayan
Natatangi ang pagbasa ni Delfin ukol sa agos ng kasaysayan, at kung bakit aniya hindi pa napapanahon nang oras na iyon ang ipinapanukalang rebolusyong sosyal ni Felipe. Para kay Delfin, ang buhay ng mga lahi at bayan ay dumaraan sa tatlong yugto: una, ang panahong iniaasa at iniuukol ang lahat sa Diyos; ikalawa, ang panahong ipinipintuho at kinikilalang utang ang lahat sa mga bayani; at ikatlo, ang panahong ang lahat ay kinikilala ang galing at mapauwi sa lahat. Ang Filipinas ay nasa ikalawang yugto na umano nang panahong iyon, at naghihintay ng ganap na pagkahinog.  Ang bisyon ng kabayanihan ni Delfin ay sumasaklaw sa sangkatauhan, at hindi lamang sa iilang tao. Upang mapasimulan ang gayong bisyon ay kailangan ang mabubuting halimbawa.

Iniugnay ni Delfin ang kaniyang paniniwala sa ideolohiya ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ano-ano ito? Na dapat magkakapantay ang uring panlipunan ng mga tao; Na ang kayamanang hawak ng iilang tao o insitusyon ay dapat maipamahagi at pakinabangan ng lahat ng tao; Na ang mga pinuno’y dapat tagaganap lamang ng lunggati at nais ng taumbayan imbes na diktahan ang taumbayan; Na ang mga manggagawa’y dapat magtamo ng pakinabang sa lahat ng kanilang pinagpagalan. Ang banggit hinggil sa uring manggagawa ay ikayayamot ng mga maykayang sina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy dahil manganganib ang kanilang ari-arian at malalagay sa alanganin ang seguridad ng kanilang buong angkan.

Pambihira ang ginawang taktika ni Santos sa kaniyang nobela upang mailahad ang kaisipang sosyalista. Masinop niyang ginamit ang usapan nina Delfin at Felipe, bukod kina Don Ramon, Don Filemon, Ruperto, at Madlang-Layon, upang maitampok ang mga hiyas na diwain. Ang nasabing kaisipang sosyalista ay hindi purong sosyalismong inangkat lamang nang buo sa Europa, bagkus hinugisan ng bagong anyo upang iangkop sa mga pangyayari sa Filipinas at nang maangkin ng mga Filipino. Mapapansin kung gayon na ang presentasyon ng karukhaan, inhustisya, at kalagayan ng uring manggagawa sa nobela ay malayo sa sitwasyong industriyal ng Europa, ngunit iniangkop sa piyudal na sistema sa Filipinas. Ang problema lamang ay lumalabis kung minsan ang salitaan, at animo’y nagtatalumpati ang mga tauhan na siyang maipupuwing sa punto de bista ng sining sa pagkatha. Ang pananaw na sosyalista ay tutumbasan sa nobela ng mapapait na karanasan ng mga dukha, mulang panlalait at pag-aaglahi hanggang tandisang pananakit at pangigigipit mula sa anak at alila hanggang obrero at magsasaka. Dito bumabawi ang nobela, dahil ang mga tauhan ay nagkakaroon ng gulugod, at ang kanilang paghihimagsik sa dustang kalagayan ay hindi lamang basta hinugot sa aklat bagkus sa tunay na buhay.

Estetika ng Nobela
Ginamit sa Banaag at Sikat ang bisa ng ligoy at paghihiwatigan ng mga Tagalog noon kaya mapapansin ang mabubulaklak na usapan. Ang nasabing paraan ng komunikasyon ay nagpapamalas ng mataas na konteksto ng usapan at ugnayan, na nagpapatunay na ang mga Tagalog ay malaki ang pagpapahalaga sa kausap na maaaring matalik sa kaniyang puso kung hindi man “ibang tao.” Naiiba ang naturang komunikasyon sa gaya ng komunikasyon ng mga Amerikano, na ang ibig palagi ay tahas ang usapan, at walang pakialam sa niloloob ng kausap.

Ang mga usapan ay nabubudburan ng mga siste, at ang kabastusan ngayon ay binibihisan noon ng mga talinghaga upang maikubli ang kalibugan, kalaswaan, at kasaliwaan ng mga pangyayari. Maihahalimbawa ang usapan nina Meni at Delfin sa bakuran o sa Antipolo, o nina Felipe at Tentay sa isang dampa, o kahit ang landi ng mga tagpo sa panig ng tatsulok na relasyong Ñora Tentay, Don Ramon, at Julita, hanggang sa pahabol na pagliligawan nina Ruperto at Marcela sa dulo ng nobela.

Kahanga-hanga ang lawak ng bisyon ni Santos sa pagkatalogo ng mga pangyayari, at sa mga paglalarawan ng mga tauhan, tagpo, at tunggalian. Mulang sinaunang pamahiin sa pagbubuntis ni Meni hanggang lumang paniniwala sa paglilibing kay Don Ramon, nahuli ng awtor ang kislot ng guniguni ng karaniwang Tagalog at ito ang mahirap pantayan ng mga kapanahong akda ng Banaag at Sikat. Maihahalimbawa ang detalyadong paglalarawan sa Antipolo, na maihahambing noon sa Baguio at iba pang tanyag na resort ngayon, at kung paanong ang pook na ito ay kapuwa nagtataglay ng kabanalan at kalaswaan. Pambihira  rin ang deskripsiyon mula sa limbagan, at maiisip kung gaano kabigat ang ginagawa noon ng mga trabahador sa imprenta; o kaya’y ang paglalahad sa hirap na dinaranas ng mga Filipino na napipilitang sumakay ng barko upang makipagsapalaran sa iba’t ibang bansa. Sa paglalangkap ng diyalohikong agos ng mga pangyayari at diyalohikong usapan ng mga tauhan, nakalikha si Santos ng kahanga-hangang kaisipang nakapaghahayag ng panukalang sosyalismong Tagalog para sa Katagalugang kumakatawan sa buong bansa, ayon sa sipat ng Katipunan.

Ang tinutukoy na “Banaag at Sikat” sa nobela ay ang posibilidad ng malawakang pagbabago sa lipunan, at ang pagbabagong ito ay may kaugnayan sa distribusyon ng kayamanan, oportunidad, at kapangyarihan. Maaaring munting sinag mula sa malayo ang nakikita ni Santos noon, at siyang ipinaloob niya sa diwa nina Delfin at Felipe na inaasahang magpapasa rin ng gayong diwain sa kani-kaniyang anak. Ang ipinunlang kaisipan ng awtor ay masasabing napapanahon na, at sumisikat na sa kaisipan ng bagong henerasyong nasa alaala na lamang ang gaya ng Colorum at HUKBALAHAP sa harap ng Bagong Hukbong Bayan at Bangsamoro. Gayunman, makabubuting magbasa muna ng aklat, at basahing muli ang Banaag at Sikat, nang matiyak nga kung anong silakbo ang iniwan ni Lope K. Santos sa kaniyang mga kapanahong manunulat at siyang umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon sa ating piling.

Ang Manipestong Komunista sa Dila ng Filipino

Ginugunita ngayong taon ang ika-160 pagkakalathala ng Ang Manipestong Komunista  (1848)  na pinaniniwalaang magkatuwang na kinatha nina Karl Marx at Friedrich Engels, ngunit napakatahimik sa Filipinas, at inisip kong nakaligtaan na nang lubos ang akdang umugit nang malalim sa kamalayan ng organisadong hanay ng mga manggagawang Filipino. Maaaring lipas na para sa iba ang ganitong akda, samantalang korni na para sa mga linyadong mag-isip. Gayunman, paborito pa rin ang Manipesto sa hanay ng mga estudyanteng nasa hay-iskul, dahil napakanipis at magandang paglunsaran ng rebyung hinihingi ng paaralan.

Naisip kong manghimasok bilang tagasalin kahit hindi ako Marxista o Komunista. (May ilang ginawang salin o halaw nito sa Filipino, na gusto ko mang sipiin ay hindi maaari dahil ayokong lumabag sa karapatang intelektuwal ng tagasalin. Maihahalimbawa ang isang salin sa Filipino sa Philippine Revolution.net na mairerekomendang basahin ng mga estudyante.) Sinubok kong isalin sa eleganteng Filipino ang naturang akda, at sipiin at piliin mula roon ang mga inmortal na kataga, para sa mga Filipinong mahilig magbasa sa Filipino. Kung ano man ang pagkukulang nito ay hinahayaan ko kayong ituwid, palawigin, at linawin para higit na maunawaan ng uring manggagawa sa Filipinas ng kasalukuyang panahon.

Ang burges (bourgeois), para kina Marx at Engels, ay mga tao na kabilang sa uri ng modernong kapitalista, ang may-ari ng kasangkapan sa paggawang panlipunan, ang nangungupahan o maypatrabaho ng lakas-paggawa. Kasalungat nito ang proletaryo, ang mga tao na kabilang sa uri ng modernong manggagawa na walang kasangkapan sa produksiyon, at kinakailangang ipagbili o ipangupahan ang sariling lakas, gawa, at talino upang mabuhay. Ang tunggalian ng dalawang uri ay maaasahan, dahil hindi patas ang lipunan. Hinamig ng burgesya ang yaman at kapangyarihan sa lipunan, at ang tanging paraan upang maangkin muli ng proletaryado ang lahat ng inagaw na yaman at kapangyarihan sa kanila ay sa pamamagitan ng rebolusyon.

Heto ang aking malayang salin, at kayo na humatol kung karapat-dapat akong tawaging salarin:

Ang Manipestong Komunista
Isang pangitain ang bumabagabag sa Europa—ang pangitain ng komunismo. Lahat ng kapangyarihan sa lumang Europa ay nagsanib upang tugisin at palisin ang ganitong pangitain: Papa at Hari, Metternich at Guizot, Radikal na Pranses at Alemang espiyang pulis.

Nahan ang partidong sumalungat nang hindi tinuligsang maysa-komunista ng mga kalabang nasa kapangyarihan? Nahan ang oposisyong hindi ginantihan ng mapang-usig na taguri sa komunismo laban sa mga higit na abanseng partido, gayundin sa mga reaksiyonaryong kalaban nito?

I. Burges at Proletaryo
Ang kasaysayan ng lahat ng umiiral na lipunan ay kasaysayan ng tunggalian ng mga uri.

Timawà at alipin, maharlika at kasamá, maylupa at tauhan, mangangalakal at panday, kumbaga’y nang-aapi at inaapi, ang malimit nagbabanggaan nang tuloy-tuloy, kung minsan ay lantad at kubli kung minsan, na nagwawakas sa rebolusyonaryong pagbubuo ng lipunan, o sa karaniwang pagkawasak ng mga uring nakikibaka.


Nabigong pawiin ng makabagong lipunang burgis—na sumupling mula sa mga guhô ng lipunang piyudal—ang bakbakan ng mga uri. Itinatag lamang nito ang mga bagong uri, ang mga bagong kalagayan ng panunupil, ang mga bagong anyo ng pakikibakang hinalinhan ang mga nauna.

Malinaw itong itinatampok ng ating panahon, ng panahon ng burgesya: Pinapayak lamang ang labanan ng mga uri. Lalo lamang nabibiyak ang kabuuan ng lipunan ngayon sa dalawang malaki’t magkasalungat na panig, sa dalawang malaking uri na tahasang magkaharap: ang burgesya at ang proletaryado.


Mababatid natin, samakatwid, kung paanong ang makabagong burgesya ay bunga mismo ng mahabang agos ng kaunlaran, ng serye ng mga rebolusyon sa anyo ng produksiyon at ng kalakalan.


Hinubad ng burgesya ang dangal sa bawat hanapbuhay na dáting dinadakilà at tinitingalâ nang may pagkamanghâ. Napaghunos nito ang manggagamot, ang abogado, ang pari, ang makata, ang siyentipiko bilang mga upahang manggagawa.


Hindi makaiiral ang burgesya nang hindi patuloy na pinahuhusay ang mga kasangkapan sa produksiyon, at ang mga ugnayan sa produksiyon, saka ang kabuuang mga ugnayan sa lipunan.


Ipinailalim ng burgesya ang kanayunan sa kapangyarihan ng mga lungsod. Lumikha ito ng malalaking lungsod, pinalobo ang populasyon ng kalungsuran kung ihahambing sa taglay ng kanayunan, at hinango ang malaki-laking bahagi ng populasyon mula sa kamangmangan ng buhay-lalawigan. Kung paano nito pinasandig ang nayon sa lungsod, hinubog din nito ang ilahás at di-ganap na mauunlad na nayong sumandig sa mga sibilisadong nayon, ang mga bansa ng magsasaka doon sa mga bansa ng burges, ang Silangan doon sa Kanluran.


Sa lahat ng uring humarap nang tandisan sa burgesya ngayon, tanging proletaryado lamang ang tunay na uring rebolusyonaryo. Nabulok ang ibang uri at ganap na naglaho sa harap ng modernong industriya; ang proletaryado ang tangi’t mahalagang produkto nito.


Hindi na makapamumuhay ang lipunan sa lilim ng burgesya, sa madali’t salita, hindi na katugma ng burgesya ang lipunan….

II. Proletaryo at Komunista
. . .Hindi bumubuo ng bukod na partido ang mga komunista na kumakalaban sa iba pang partido ng uring manggagawa.

Wala silang interes na bukod at hiwalay sa taglay na interes ng proletaryado sa kabuuan.

Hindi sila bumubuo ng anumang prinsipyong sektaryo, at doon huhubugin ang kilusang manggagawa.


Upang maging kapitalista, kailangang taglayin hindi lamang ang pansarili, bagkus ang panlipunang kalagayan ng produksiyon. Ang puhunan ay kolektibong produkto, at tanging sa sama-samang pagkilos ng laksang kasapi, o sa pangwakas na paraan, tanging sa nagkakaisang pagkilos ng lahat ng kasapi ng lipunan mapaaandar iyon.

Ang puhunan, samakatwid, ay hindi pansarili bagkus panlipunang kapangyarihan.


Walang bansa ang mga manggagawa. Hindi natin maaagaw sa kanila ang wala sa kanila. Yamang ang proletaryo ay kailangan munang hamigin lahat ang kapangyarihang pampolitika, umangat at maging pangunahing uri ng bansa, buuin ang sarili bilang bansa, iyon lamang ang matataguriang pambansa, bagaman hindi sa pakahulugan ng burges.


Nakita natin na ang unang hakbang sa rebolusyon ng uring manggagawa ay iangat ang proletaryo sa posisyon ng naghaharing uri upang maipagwagi ang laban ng demokrasya.

Gagamitin ng proletaryo ang kapangyarihang pampolitika nito upang maagaw, sa anumang antas, ang puhunan mula sa burgesya; gawing sentralisado ang lahat ng kasangkapan ng produksiyon at ipasakamay sa estado, i.e., ng organisadong proletaryado bilang naghaharing uri; at pataasin ang kabuuang produktibong puwersa sa mabilis na paraan hangga’t maaari.

III. Sosyalista at Komunistang Panitikan
. . .Yamang ang pag-unlad ng tunggalian ng uri ay sumasabay sa pag-unlad ng industriya, ang kalagayang pangkabuhayan, sa tingin nila, ay hindi pa nakapaghahain ng kondisyong materyal para sa ikalalaya ng proletaryado. Naghahanap samakatwid sila ng bagong agham panlipunan, ng bagong panlipunang batas na pawang lilikha ng ganitong mga bagong kondisyon….

IV. Posisyon ng mga Komunista kaugnay ng iba’t ibang umiiral na Partidong Oposisyon
. . .Ipinaglalaban ng mga Komunista ang pagkakamit ng mga kagyat na layon, upang maisakatuparan ang pansamantalang interes ng uring manggagawa; ngunit sa kilusan sa kasalukuyan, kinakatawan din nila at pinangangalagaan ang kinabukasan ng naturang kilusan. . . .


Ang mga Komunista saanmang dako ay sumusuhay sa bawat rebolusyonaryong kilusan laban sa umiiral na panlipunan at pampolitikang kaayusan ng mga bagay.


Tumatanggi ang mga Komunista na ikubli ang kanilang pananaw at lunggati. Tahasan nilang inihahayag na ang kanilang layon ay makakamit lamang sa sapilitang pagpapatalsik ng lahat ng umiiral na panlipunang kondisyon. Hayaang mangatal ang naghaharing uri hinggil sa rebolusyong maka-Komunista. Walang mawawala sa mga proletaryo kundi ang kanilang mga tanikala. Nariyan ang daigdig para maangkin.

Mga manggagawa ng lahat ng bansa, magkaisa!

Manipis man ang Ang Manipestong Komunista ay lumikha naman iyon ng daluyong sa buong daigdig, at bumago sa mga namamayaning pananaw hinggil sa pagbasa ng kasaysayan at sa pagsasaalang-alang sa relasyon ng mga uring panlipunan. Walang dapat ikatakot hinggil sa akdang ito, at ang pagbabasa nito, sa orihinal mang Aleman o Pranses, o kaya’y sa saling Filipino o Ingles, ay makapapawi ng ating kamangmangan at prehuwisyo sa mga kaisipang sungayan, mula man iyon sa mga rebelde’t tiim-bagang na intelektuwal.

Kailangan ng Filipinas ang mga bagong intelektuwal, gaya nina Marx at Engels, ngunit dapat higtan din ang romantisadong pananaw hinggil sa mga uring anakpawis at manggagawa, at sa mga naturang teoriko. Maaaring magsimula ang lahat sa masusing pag-aaral hinggil sa agos ng kasaysayan, sa ugnayan ng mga puwersa sa lipunan, at sa pagsubaybay sa mabibilis na pagbabagong nagaganap sa iba’t ibang lárang. Hindi tayo dapat manatiling nanghihiram palagi ng teorya at lenteng mula sa Europa at Amerika, dahil iba ang kondisyon dito sa Filipinas na nagkataong nakapaloob din sa Asya. Ang mga bagong intelektuwal na Filipino ay inaasahang patuloy na bubuo ng mga sariwang teorya at pag-aaral para sa pagsulong ng bagong Filipinas, at iyon ay maaaring lumihis nang ganap, o kaya’y lumikha ng kahanga-hangang sanga, sa gaya ng pananaw na Komunismo o Marxismo, at magtakda ng sariling pamantayan at katangian, subalit may kakayahang magtampok ng ating pagiging Filipino.