“Tumataog, Kumakati,” ni Henry Wadsworth Longfellow

Salin ng “The Tide Rises, The Tide Falls,” ni Henry Wadsworth Longfellow
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tumatáog, kumakáti

Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig
Dumidilim ang hapon, humuhuni ang ibon;
Sa pasigan ng dagat na basa’t kinalawang
Nagmadaling núngo sa bayan ang manlalakbay,
. . . . . . . . .Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig.

Lumalapag sa bubong at dingding ang karimlan.
Ngunit ang dagat sa pusikit ay tumatawag;
Malambot, puti ang kamay ng álong dumating
Na pumawì sa bakas ng paa sa buhangin.
. . . . . . . . .Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig.

Nikat ang liwayway; mga kabayo sa kural
Ay sumikad at suminghal pagsitsit ng amo;
Nagbalik ang araw, subalit hindi na mulȋng
Babalik ang manlalakbay sa baybay ng mithȋ.
. . . . . . . . .At tumáog ang tubig, at kumáti ang tubig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold the human rights of ordinary Filipinos! Pass the word.

Advertisements

“Biyahero,” ni Dulce María Loynaz

Biyahero

Salin ng “Viajero” ni Dulce María Loynaz ng Cuba.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Katulad ako ng biyaherong sumapit
sa pantalan nang walang sumasalubong sa kaniya;
Katulad ako ng mahiyaing biyaherong naglalakad
sa piling ng mga yakap at ngiti ng mga tao
na hindi para sa kaniya. . .
Katulad ako ng nag-iisang biyahero
na itinataas ang kuwelyo ng kaniyang abrigo
para labanan ang ginaw sa kaylawak na baybay.

Mga Manlalakbay, ni Conceição Lima

Salin ng “Vijantes” sa wikang Portuges ni Conceição Lima mula sa Democratic Republic of São Tomé and Príncipe.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Mga Manlalakbay

Taglay nila ang mga dapithapon at lansangan;
Nasasambit nila dahil sa uhaw sa panginorin:

“Kanino at saan ka ba nagmula?
Sino-sino ang iyong kababayan?”

Sa ganiyang paraan ipinagkait ng aking lola
Ang isang baso ng tubig sa sumapit na biyahero.

“Ang Lingid na Babae” ni Alexander A. Blok

Salin ng “Незнакомка” (Unknown Woman) ni Alexander Aleksandrovich Blok
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lingid na Babae

Sa itaas ng restoran ng magdamag
Ay ilahas ang dayaray na malandi;
At nahatak magsisigaw ang lasenggo
Sa hininga ng patakás na tagsibol.

Sa ibabaw ng lansangang maalabok
Ay tumimo yaong inip sa tahanan;
Di kumislap ang paskil ng panadero’t
Nagpalahaw yaong bata sa kawalan.

Bawat gabi, sa likuran ng tarangka,
May kung sinong nakagora ang darating,
Karay-karay paglakad ang mga dilag
Papaloob sa hinukay na imburnal.

Sa may lawa, may langitngit ang paggaod
At uungol ang dalagang lumiliyad;
Samantalang sa itaas nitong langit
Ay palihim sumisilip iyong buwan.

Bawat gabi, bumabanda sa baso ko
Ang malungkot, nag-iisang kaibigan;
At tulad ko ay mabait, umiingit
Sa mabagsik, mahiwaga na inumin.

Mga lasing na utusan ay tumambay
Sa may hapag, samantalang humihiyaw
Ang lasenggong may paningin ng kuneho:
“Lumalabas ang totoo kung may alak!”

Tuwing gabi, sa sandaling nakatakda
(o kung hindi’y guniguni lamang ito?)
Ay may anyo ng dalagang nakasutla
Ang nanawid sa pawisang durungawan.

At marahang magdaraan ang babae
Sa punduhan ng lasenggo nang mag-isa’t
May pabango ng sariwang mga hamog.
At uupo nang marahan sa bintana.

Nakabalot sa alamat nitong simoy
Ang kaniyang sutlang damit na marikit,
Ang sombrero’y may plumaheng malalamlam,
At may singsing ang mapayat na daliri.

At nahigop ng kakatwang kalapitan,
Tinanaw ko ang talukbong na maitim
At nasagap ang hiwaga ng baybayi’t
Panginoring mahiwaga sa ibayo.

Tinanggap ko’y ang sikretong malalalim,
At kalinga yaong araw ng kung sino;
Bawat tagay, gumuguhit sa kalul’wa
Ang matapang na alak kong tangan-tangan.

Lumalaylay ang plumahe ng abestrus
Sa isip ko, lumong-lumo at matamlay.
Di maarok yaong bughaw na paninging
Bumubukad sa malayong baybay-dagat.

Nakakubli itong yaman sa loob ko
At ang susi’y ako lamang ang may hawak!
Ay, tama ka, o lasenggong balasubas!
Ibubunyag nitong alak ang totoo!

24 Abril 1906, Ozerki

Buhay sa Paris

"Buhay sa Paris," pintura ni Juan Luna

Bangin ng Alinlangan ni Marchiesal Bustamante

Pananaw sa espasyo at panahon ang mahalagang pagtuunan sa tula ngunit malimit nakakaligtaan sa mga pag-aaral. Ang espasyo na ginagalawan ng persona sa tula ang magpapahiwatig ng pagbabago sa mga pangyayaring nagaganap sa loob at labas ng katauhan ng persona. Makapagpaparamdam din ito ng masinop na paglalarawan, na ang bawat hulagway [imahen] ay maaaring pumipilas kung hindi man magdurugtong na gaya ng palaisipan hinggil sa isang bagay, tao, o tagpo.

Sa kabilang dako, ang panahon sa tula ay tumutukoy sa isang tiyak na yugto na pinangyayarihan ng anumang bagay. Ang panahon ang magpapahiwatig ng maaaring pinagmulan ng persona, at kung bakit ginagawa nito ang isang partikular na tungkulin o bagay. Mababatid din sa panahon ang pag-iisip o pagdama ng persona, at kung iuugnay iyon sa kaligiran, ang panahon ang huhubog sa pook ng persona.

Mahalaga ang espasyo at panahon sa loob ng tula, at laging kaugnay iyon sa persona. Ang espasyo ay maaaring ekstensiyon ng persona, at maihahalimbawa rito ang batasan na sabihin nang tinutulugan ng mambabatas. Ang panahon ay posible ring ekstensiyon ng pag-iral ng persona, at maihahalimbawa ang tagsalat na ginagamit ng propitaryo upang lalong yumaman. Ngunit ang persona ang tanging elementong kayang pagsamahin ang espasyo at panahon sa kalooban, upang makalikha ng bagong pagtanaw. Bagaman kontrolado ng panahon o espasyo minsan ang pagpapasiya ng persona, may kakayahan pa rin ang persona na suwayin ang batas ng kalikasan, at magagawa niya ito hindi sa pisikal na antas kundi sa antas na pangkaisipan. Magandang pagtuunan ang ganitong pagbubulay sa dalawang tula ng makatang si Marchiesal Bustamante na isa ring matinik na blogista:

Diver

ni Marchiesal Bustamante

Sa dulong-dila ng tabla, nakatitig ang kisig.
Nasa rurok siya ngayon ng walang-babaang
alinlangan. Walang ibang paraan

kundi tumalon. Sa ibaba, lukot na kislap
ng kristal ang tubig. Minsan pa, bubulusok
ang peskadores hindi para mandagit

kundi para maging isda, pasukin
ang salamin sa halip na basagin. Sa tulak
ng silbato, dahan-dahang

sinasalubong ang dulo: para sa kaniya,
simula, pagkakataong busalan ang hininga
ng hangin, pigilan ang pagsuka

ng mga bulkan—ang tahimik at saglit
na pagkabaog ng puwerta ng pangyayari.
Sa bawat hakbang, tumatango

ang tabla. Lasap na lasap nito ang kilapsaw
ng bigat: ang pait sa lumalagutok
na preparasyon. Dumidiin

ang kaniyang tindig. Ilang ulit na sampa
hanggang ihagis siya ng sariling bigat
sa eyre….

Saka siya hustong nagpagaan.
Sa pag-inog, sinusulit niya ang mga anggulo:
nasa mukha ang mga tuhod,

nasa tagiliran ang mukha: pilipit
na paghubog sa piglas— parang tuwalyang
pinipiga ng mga kamay ng oras,

tinutuyot ng atensyon hanggang sa tuwid
na umanib sa tubig, ihinihalo ang pawis
na hindi na niya dapat maulit.

Tulad ng dati, laging huli ang palakpakan.

Sa tulang ito ni Bustamante, ang diver [maninisid] ay ikinulong sa tagpo na nasa mataas na lugar at inilarawan kung paano siya lumundag pabulusok sa tubig. Ngunit hindi gayon kadali ang lahat. Rumirikit ang persona dahil ang espasyo na kaniyang ginagalawan—at kabilang na rito ang tablang lundagan, mala-salaming tubig, at palibot ng miron—ay nagpapahiwatig ng kapanabikan kung ano ang mangyayari sa maninisid. Ang maninisid na iwinangki sa peskadores ang magpapamalay ng ibang pagtanaw: “Minsan pa, bubulusok/ ang peskadores hindi para mandagit// kundi para maging isda, pasukin/ang salamin sa halip na basagin….//

Kalugod-lugod ang naturang paglalarawan, dahil ang hulagway ng ibong mandaragit [peskadores] ay naghuhunos ng katauhan pagpasok sa tubig, at ang mga balahibo ay maiisip na naghunos na mga palikpik at kaliskis. Ang espasyo ng tubigan, na inihalintulad sa salamin, ay isa pang salamangka ng paglalarawan. Kinakain ng salaming-tubig ang katauhan ng maninisid na tumitingin, at naglalaho ang maninisid pagbulusok sa tubig upang lumitaw sa sariwang anyo ng tagumpay pagkaraang palakpakan ng mga sabik na manonood.

Ang tinig na naglalarawan sa maninisid ay mahihinuhang tinitimbang ang pananaw ng maninisid, sa isang panig, at ng mga manonood sa kabilang panig. Sa ikalawang bahagi ng tula, ang espasyo ng maninisid ay kinuha sa anggulo ng isang potograpo o sinematograpo, na ang maninisid ay “parang tuwalyang/ pinipiga ng mga kamay ng oras”/…. Pambihira ang ganitong sensibilidad, na ang maninisid ay hindi lamang sumasayaw sa hangin, bagkus isang kontorsiyonistang nakasalalay sa isang tiyak na panahon.

Ang panahon na ginagalawan ng maninisid ay mulang paglakad sa tabla at paghimpil sa dulo ng kahoy bago lumundag. Hahaba pa ito kung isasaalang-alang ang pagbulusok niya sa tubig hanggang pagsigabo ng palapak at papuri. Ang naturang panahon ay maaaring di-alintana ng maninisid. Ang panahong ito ay pinahahalagahan at nakasalalay sa paningin ng saksing naglalarawan ng serye ng pangyayari. Sa kaniyang paningin, ang maninisid ay hindi ordinaryong nilalang, bagkus anak ng tubig na kainin man ng tubigan ay muli’t muling iluluwa upang pagpugayan ng daigdig. Gaano man kaikli o kabilis ang tagpo ng paglundag, ang tagpong iyon ay waring lundag ng katiyakan sa walang hanggahang kaluguran. Heto pa ang isang tula ni Bustamante:

Bangin

ni Marchiesal Bustamante

Nakakimpal ang lahat
sa isang pulgadang pagitan
ng babala at balita.

Isang maaliwalas na gusot
ang tulak ng hangin
sa nguso ng talampas.

Sa hinagap ng ulap,
may buwitreng walang madapuan.
Hindi makalag-kalag

ang hagpos ng mga paang
humihinto sa paghinga
sa tuwing gumuguho

ang lupa dahil sa hakbang
ng kaba. May lumulundag
na diwa sa kawalan

kahit walang nag-uutos.

May kilabot na iniiwan ang espasyo at panahon ng tula, at mahihiwatigan ito kahit sa anyo ng mga taludtod na animo’y matarik na talampas. Maaaring may isang manlalakbay na umaakyat o kaya’y tumutugpa sa bagnos at napalugar sa gilid ng bangin. O maaari din namang may tao na umakyat sa kung saang mataas na lugar upang magpatiwakal. Mahihiwatigan ang kubling kilabot kapag pinansin ang mga paa sa gilid ng talampas habang humahangin nang malakas. Ang tao na nasa bingit ng panganib ay mahihiwatigang sinisipat sa anggulo ng ulap, at ang pagbabantulot ay mararamdaman sa kaniyang loob. Ang panahon na iniinugan ng tinutukoy na tauhan ay batbat ng pangamba, at ang pangambang ito ay hinuhubog ng pagkakataong itinatakda ng pagtungo sa talampas, at sa halos eternal na paglalakbay na maaaring ang wakas ay kamatayan. Ano man iyon ay hindi mahalaga.

Ang kilabot ay gagapang kapag isinaalang-alang ang mga linyang “…. May lumulundag/na diwa sa kawalan//kahit walang nag-uutos.//” Maaaring pahiwatig ito na ang espasyo ay magtatakda ng kaligtasan o kapahamakan sa naturang manlalakbay. O maaari ding pahiwatig na ang panahon ng pagsapit ng manlalakbay ay waring bumubulong o nag-uudyok ng pagpapatiwakal. Sa isa pang pagtanaw, ang persona lamang ang tanging makapagsasaad kung siya ang kokontrol sa espasyo at panahon, at lampasan ang panganib. Ipinakikita lamang ni Marchiesal (Keith) Bustamante na ang pagtula ay hindi basta paglulubid ng mga salita. Kinakailangan ang sinop at sensibilidad, at ang ganitong mga katangian ay mahuhubog lamang sa patuloy na pagpapakadalubhasa na saklawin ang panahon at espasyo ng panulaan.