Dugo sa Lawa Pinamaloy
(Hango at halaw mula sa isang alamat ng Manobo)
ni Roberto T. Añonuevo
Pinakamahusay na mangangaso ang aking panginoon. Nakita ko kung paano siya magsanay hinggil sa tumpak na pagpukol ng sibát, o sumapól nang tama sa pamamagitan ng palasong pinawalan mula sa búsog. Humahagibis siya kung tumakbo, paahón man o palusóng ng bundok. Wari ko’y bulawang luya ang kaniyang mga talampakan kapag lumalapat sa bato o lupa, at batid ang mga landas na ligtas yapakan. Matalas ang kaniyang pandinig at paningin, at sa gaya kong áso, kahanga-hanga kung paano niya natutuklasan ang mga bakás ng usa o baboy-damo, ang lungga ng bayawak o usa, ang pugad ng banug[i] o maya.
Napatatahol na lámang ako sa labis na galák.
Sa buong lawak ng Aruman, ang aking panginoon ang tinitingala ng lahat. Nagugulat ang sinumang tao na makasalubong niya kapag nalamang nakapanghuli na naman ng mailap na hayop ang aking panginoon. Kung hirap na hirap ang ibang mangangaso na makapanghuli ng maiilap na baboy, ang panginoon ko ay tila pinagpala ni Kërënën[ii] sa kaniyang mga paglalakbay. Batid ng aking panginoon ang dumarating na panganib kapag humuni ang ilahás na limukon,[iii] at siya’y kisapmatang nakalilihis ng daan. Kapag siya’y nasukol ng anumang kapahamakan, ano’t nakatatakas siya nang wala man lamang galos. Dahil doon ay nilalapitan siya ng iba pang kabataang mangangaso.
Hindi ipinagkait ng aking panginoon sa sinumang Arumanën ang biyayang kaniyang tinatanggap. Ang lungayngay na katawan ng usa o kambing, halimbawa, ay magbabadya ng masaganang hapunan ng mag-anak at iba pang tao na dumaranas ng gutom sa ili. Ibinabahagi rin niya sa mga kapitbahay ang kaniyang mga napitas na bungang-kahoy o nahukay na halamang-ugat mula sa kung saang bakílid.[iv] At kapag dumarating ang bagyo’y nagkukusa siyang ilikas ang mga tao sa tulong ng iba pang lalaki sa ilihan. Hindi kataka-takang kalugdan siya ng mga tao sa angking kabutihan.
Ako ang kasa-kasama ng aking panginoon saanman siya pumaroon. Tinuruan niya ako kung paano mangusap gaya ng tao, at sa pamamagitan ng kumpas ng mga kamay at huni ay nakapagpapahatid ng utos na agad kong tutuparin. Sabay kaming naliligo sa ilog, at kinakaskas niya ng gugo na pinatakan ng dayap ang aking balahibo. Ang kaniyang pagkain ay pagkaing natitikman ko rin. Titighawin niya ang uhaw sa tubig o sabaw ng niyog, ngunit hindi kailanman siya nakalimot na ako’y painumin para mapawi ang uhaw o pagod. Binabantayan ko siya sa mga sandaling kailangan niyang magpahinga; at nagiging gabay niya upang hindi siya maligaw sa masusukal na kahuyan. Sa kabila ng lahat, hindi ipinaalam ng aking panginoon sa lahat ang aking katangian. (Maliban sa kaniyang mga magulang.) Ibig niyang isaloob ko ang pagpapakumbaba, na gaya ng kaniyang ginagawa.
Sumapit ang isang makulimlim na araw at naisipan ng aking panginoon na mangaso nang mag-isa sa gubat. Abala noon ang ibang mangangaso sa kanilang gawain sa kani-kanilang bahay, at walang nakapansin sa kaniyang balak. Pumaswit siya’t tinawag ako. Mabilis naman akong tumugon ng kahol at bumuntot sa kaniyang likuran. Malayo ang aming tinahak: mapuputik na daan tungong masukal na gubat. Sumapit ang tanghaling-tapat ay wala pa kaming makitang hayop na maaaring bihagin. Naglakad nang naglakad kami, hanggang masilayan ng aking panginoon ang mataba’t itim na baboy-damong umiinom sa gilid ng ilog.
Iniumang ng aking panginoon ang kaniyang sibat, at tinudla ang baboy. Sa kisapmata’y nahagip ang hayop sa tagiliran at napaungol. Bagaman sugatan ay nakuha pa rin ng baboy na makatakbo palayo. Kapuwa namin tinugis ang hayop. Mabilis na dinamba ng aking amo ang baboy at nakipagbuno nang lakas sa lakas. Ngunit madulas ang putikang baboy, at bago ko ito nasakmal sa leeg ay kinagat nito nang ubos-lakas sa hita ang aking amo. Wakwak ang laman ng hita, ang panginoon ko’y inubos ang natitirang lakas upang igupo ang hayop. Napasigaw ang aking panginoon; subalit ipinagkait ng sandaling yaon ang pagbubunyi dahil tumulo sa lupa ang masaganang dugo.
“Puti,” tawag niya sa akin, “maaaring maubusan ako ng dugo kung maglalakad ako pauwi. Bumalik ka sa ating ili at tawagin mo si Ama na manggagamot. Magmadali. . . ! Ngunit bago ako umalis ay tinagpas niya ang magkabilang tainga ng baboy at hinubad ang kaniyang makukulay na tikos[v] na nakaikid sa binti. Gumawa siya ng kuwintas, at isinuot niya sa aking leeg. “Sandali!” paalala niya sa akin. “Dumaan ka muna sa bahay ng aking kasintahan bago pumaroon sa ating bahay. Tiyak na mahihiwatigan niyang may masamang nangyari sa akin.”
Tumimo sa aking noo ang lahat ng paalala ng panginoon ko. Na tumuloy muna sa bahay ng babaeng pinakamamahal niya. Na mabilis sunduin ang amang manggagamot. Na huwag akong magsasalita gaya ng tao dahil may sakunang magaganap sa buong paligid. Tumakbo ako nang tumakbo nang naluluha; ginamit ang ilong upang magbalik sa ilihan; at hindi inalintana ang matatalas na bato o makamandag na tinig na nayayapakan. Kahit humihingal ako’t laylay ang dila sa pagod ay tinangka ko pa ring makarating sa babaeng mahal ng aking panginoon.
Malapit nang lumatag ang takipsilim nang marating ko ang bahay ng kasintahan ng aking amo. Napansin agad niya na ako’y nag-iisa, at nakakuwintas ng tainga ng baboy na tinuhog ng mga tikos. Natandaan ng dalaga ang mga tikos na iyon, sapagkat siya lamang ang makahahabi ng gayong kulay para sa pambihirang mangangaso ng kanilang ilihan. Kinutuban ang babae.
“Saan ka galing, Puti?” usisa niya sa akin. “Bakit tigmak sa putik ang iyong katawan? Ano’t may nakakuwintas sa iyong tainga ng baboy?” Hindi ako makatugon. Tumahol na lamang ako kahit batid kong magsalita ng wikang Manobo, gaya ng ibang tao. Baka kung magsalita akong gaya ng tao ay makaranas ng di-inaasahang sakuna ang paligid.
Nagtanong muli ang babae. “Bakit hindi mo kapiling ang iyong panginoon? Napahamak ba siya? Tumahol na lamang ako. “Magsalita ka! Nahan ang iyong tagapag-alaga?” Bumalikwas ako. Kailangan ko pang sunduin si Amang manggagamot. Kailangan kong makaalis. Ngunit nasunggaban ng babae ang leeg ko. “Kung hindi mo sasabihin at ituturo sa akin kung nahan ang iyong panginoon ay ikukulong kita rito!” pautos na winika ng babae. “Hindi ka makaaalis dito!”
Kailangan ko nang umalis ngunit mahigpit ang pagpigil sa akin ng babae. Mauubusan ng dugo ang aking panginoon, naisip ko. Mamamatay siya sa ilang kung hindi ako makatatawag agad ng saklolo. Baka siya’y lapain ng halimaw at hindi na datnan pang buháy. Napaluha ako. Mausisa ang babae, at wala akong nagawa kundi tugunin siya sa wikang nauunawaan niya.
“Nasugatan ang aking panginoon,” ani ko. “Naroon siya sa pusod ng kagubatan, malapit sa gilid ng ilog na nasa pagitan ng dalawang bundok na karaniwang tinatanglawan ng kabugwason.[vi] Nasugatan siya sa hita nang kagatin ng malaking baboy-damo. Kailangan niya ng tulong. . . .” Natulala at biglang napaluha ang babae.
Nakahulagpos ako sa pagkakapit ng babae. Tumakbo ako palabas ng kaniyang bahay. At habang tinatahak ko ang daan tungo sa bahay ng aking panginoon, dumagundong ang malalakas na kulog at nagsalimbayan ang matatalas na kidlat sa kalawakan. Lumabas wari sa kalangitan si Tuhawa, ang Diwata ng Kamatayan, upang sunduin ang aking panginoon. Maya-maya’y nakaramdam ako ng pagyanig ng lupain. Mabilis akong tumakbo sa mataas na pook. Paglingon ko, nakita ko na lamang na biglang lumubog sa nagpupuyos na baha ang buong kabahayan. Napaluha ako. Iyon ang katuparan ng sumpa nang magsalita ako sa wikang alam ng mga tao. Ang pook na lumubog sa tubig ay bantog ngayon bilang Ranaw Pinamaloy.
Naramdaman kong wala nang panahon kung magbabalik pa ako sa pamayanan ng aking panginoon. Kaya minabuti kong magbalik sa aking pinanggalingan. Bumubuhos noon ang ulan, at nananagâ ang kidlat sa himpapawid. Nang marating ko ang pook na kinahihimlayan ng aking panginoon ay nagitla ako. Agaw-buhay siya nang sandaling iyon. Umaagos ang dugo sa kaniyang hita, at sumanib sa agos ng ilog. Hinimod ko ang kaniyang sugat sa pag-aakalang maililigtas siya. Ngunit huli na ang lahat. Hindi na ako inusisa ng aking panginoon. Nahiwatigan niya ang paglindol, ang pagkulog, ang pagkidlat, at marahil, ang pag-apaw ng tubig na nagpalubog ng ili. Niyakap niya ako; at ang mga puti kong balahibo’y nabahiran ng dugo. Tila akong mabubuwang subalit nanatili ako sa kaniyang tabi. Umasa akong siya’y maliligtas, at nanalig sa mga anito’t diwata.
Maya-maya’y naramdaman kong naghuhunos ang aming mga anyo. Naghilom bigla ang sugat ng aking panginoon sa kaniyang hita; samantalang natanggal ang putik at dugo na nakakapit sa aking mga balahibo. Narinig naming ang tinig ni Yayawag, ang diwata ng kapalaran, at pinagpala niya kaming maging mga kaluluwa na magiging taliba ng gubat na malapit sa Ranaw Pinamaloy. Naghanap nang naghanap ang mga Arumanën, at ang kanilang natagpuan ay hugis kudyaping lawa na ang halumigmig ay nagpapakurot ng puso.
Huwag magtaka kung makarinig magpahanggang ngayon ng mga tahol ng aso sa kawalan, o ng sigaw ng aking panginoon, o ng palahaw ng kaniyang kasintahan. Narito kami sa gubat at pinangangalagaan ang Ranaw Pinamaloy. Naririto kami tuwing kabilugan ng buwan, muling isinasadula ang mga pangyayari, at paulit-ulit nakikipagsapalaran, kahit ituring na kathang-isip lamang ang lahat, gaya ng salaysay na ito.
Talasalitaan
[i] Banúg—malaking ibon na kauri ng agila.
[ii] Kërënën, Kerenen—pinakamakapangyarihang diwata, at kaantas ng bathala.
[iii] Limukon—uri ng kalapati na ang huni ay pinaniniwalaang nakapagbibigay babala sa manlalakbay upang iwasan ang sasapit na panganib o kapahamakan. Tinatawag din sa Ingles na turtledove.
[iv] Bakílid—pahilis na gilid ng bangin; dalisdis.
[v] Tíkos, tíkes—uri ng palamuting hibla o tali na inilalagay sa ibabang tuhod o alak-alakan, at karaniwang ginagamit ng mga binata.
[vi] Kabugwason—pang-umagang bituin; katumbas ng planetang Venus na masisilayan sa silangan tuwing medaling-araw o bago magbukang-liwayway.