Alak, ni Roberto T. Añonuevo

Alak
 
Roberto T. Añonuevo
 
Malalanghap ang mansanas, peras, at ubas,
ang pambihirang sebada na magluluwal
ng malta,
ang salamangka ng tubig sa lihim na batis
mula sa islang malayo sa paningin—
gaya sa pawis ng mga obrero’t trobador.
 
Pinahinog sa bariles ng pinong robledo,
ito ngayon ang ipinasusubasta sa madla
para tikman ng mga pribilehiyado o lasenggo
at pag-imbutan sa negosyo at elegansiya.
 
Maisasalin sa baso ang komunidad
ngunit mabubura ang karukhaan,
at liligwak sa isip ang langit, ang koleksiyon
ng pulang alak na edad pitumpu’t apat.
 
Isang milyong dolyar marahil ang katumbas,
matanda pa sa akin ngunit buháy na buháy,
magpapasulak ng dugo,
magpapatigas ng uten,
magpapaputok ng bátok,
ngunit makapapasá sa dila ng mga konosedor.
 
Paano ito nakaligtas sa digma, salot, tagsalat?
 
Sasagutin iyan ng espiritung maglalandas
sa lalamunan at maiiwan sa hininga,
palalawigin ng mga kuwento
at pakikipagsapalaran kahit kabulaanan,
ngunit kung ano man ang kasaysayan nito
ay hayaan para sa naghuhukay ng kalansay.
 
Nalilikha ang alak para malasing ang mga diyos
at sila’y minsan pang magbalik na mortal
o ito’y hakang marapat na ipawalang-saysay.
 
Kapag iniharap ang matandang wisking ito
sa aking lambanog na hinog na hinog,
ang suwabe ay sagradong niyugan at palaspas,
ang nunal na hindi mabura-bura ng mababangis
na bagyo, sakit, at pananakop
bagkus ay patuloy na bumabangon, tumatatag——
mula sa liblib na baybay o dalisdis ng bundok,
mula sa mga bisig na kumakarit ng mga bituin,
mula sa mga binting nanunulay sa alanganin,
mula sa mga himig na sumasayaw sa guniguni,
mula sa pag-asang subók sa iba’t ibang simoy.
 
Nakapapasò ang guhit at sumisipa
nang marahan,
ang lambanog na ito pagkalipas ng isang siglo
ay epiko ng komunidad na babalik-balikan ko.
Alimbúkad: Unspoken poetry imagination. Photo by Elina Sazonova on Pexels.com

Isang Silanganing Alamat, ni Ivan Turgenev

Salin ng tulang tuluyan ni Ivan Turgenev ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Silanganing Alamat

. . . . . . . .Sino ang hindi nakakíkilála kay Jaffar, ang Araw ng Uniberso?
. . . . . . . .Maraming taon na ang nakalilipas, naglakad isang araw ang kabataang si Jaffar sa kaligiran ng Baghdad.
. . . . . . . .Walang ano-ano’y narinig niya ang paós na sigaw ng kabayo; at may kung sinong humihingi ng saklolo.
. . . . . . . .Natatangi si Jaffar sa iba pang kabataan dahil kuripot at mautak; ngunit mahabagin ang kaniyang puso, at sumasandig siya sa angking lakas.
. . . . . . . .Humangos siya tungo sa pinagmumulan ng sigaw, at nakita ang uugod-ugod na lalaking hukluban na sinusukól ng dalawang mandarambong sa pader ng lungsod.
. . . . . . . .Hinugot ni Jaffar ang kaniyang sable at hinarap ang mga butangero: napatay niya ang isa, at ang ikalawa’y tumakas palayo.
. . . . . . . .Napaluhod sa paanan ni Jaffar ang matandang nailigtas, at pagkaraang hagkan nito ang kaniyang damit ay sumigaw: “Binatang matapang, ang kabutihang-loob mo’y magagantihan balang araw. Mukha akong pulubi, ngunit sa anyo lamang. Hindi ako karaniwang tao. Pumunta ka bukas nang maaga sa pinuno ng palengke; hihintayin kita sa puwente, at itaga mo sa bato na ako’y nagsasabi ng totoo.”
. . . . . . . .Naisip ni Jaffar: “Mukha ngang pulubi ang lalaking ito; ngunit maraming puwedeng mangyari. Bakit hindi ko subukin?” Pagdaka’y sumagot si Jaffar at winikang, “Maaasahan mo, ápo, at darating ako.”
. . . . . . . .Tinitigan ng matanda ang mukha ni Jaffar, at pagdaka’y marahang lumisan.
. . . . . . . .Noong sumunod na madaling-araw, nagtungo si Jaffar sa palengke. Naroon na ang matanda na naghihintay sa kaniya, at nakapatong ang siko sa marmol na hugasan ng puwente.
. . . . . . . .Tahimik na hinawakan ng matanda ang kamay ng binata, at hinatak patungo sa munting hardin, na nababakuran ng matataas na pader.
. . . . . . . .Sa gitna ng hardin, sa lungtiang damuhan, ay nakatirik ang kagila-gilalas na punongkahoy.
. . . . . . . .Kawangis iyon ng sipres, ngunit ang mga dahon ay asul.
. . . . . . . .May tatlong prutas—tatlong mansanas—ang nakabitin sa mga sanga. Katamtaman ang laki ng una, na pahaba at at puting-puti; ang ikalawa’y malaki, bilog, pulang-pula; at ang ikatlo’y maliit, kulubot ang balát, at naninilaw.
. . . . . . . .Lumagitik nang bahagya ang punongkahoy, bagaman walang simoy. Nagluwal iyon ng tumataginting na tunog, na tila mula sa kampanilyang kristal, at maláy wari sa paglapit ni Jaffar.
. . . . . . . .“Binata!” sabi ng matanda, “pumili ka ng isa sa mga mansanas at mababatid na kapag pinili at kinain ang puti, ikaw ang magiging pinakamarunong sa lahat ng tao; kapag pinili at kinain ang pula, yayaman ka gaya ng Hudyong Rothschild; kapag pinili at kinain ang dilaw, mamahalin ka ng matatandang babae. Magpasiya, at huwag nang magpatumpik-tumpik pa. Sa loob ng isang oras, maaagnas ang mga mansanas, at kusang lulubog ang punongkahoy sa kailaliman ng lupa!”
. . . . . . . .Napatungo si Jaffar at nag-isip. “Ano ba ang dapat kong gawin?” aniya sa mahinang tinig, na waring nakikipagtalo sa sarili. “Kung ikaw ang pinakamarunong, hindi mo na marahil isasaalang-alang ang mabuhay; kung ikaw naman ang pinakamayaman, lahat ay maiinggit sa iyo; mabuting piliin at kainin ang ikatlo, ang nabubulok na mansanas!”
. . . . . . . .At iyon nga ang kaniyang ginawa; at napahalakhak ang matanda, saka nagwikang: “Matalinong binata! Pinili mo ang pinakamahusay na bahagi! Bakit pipiliin ang puting mansanas? Higit kang marunong sa sandaling ito kaysa Solomon. Hindi mo rin kailangan ang pulang mansanas. . . Yayaman ka pa rin kahit wala iyon. Ang tanging yaman mo ay hindi kaiinggitan ninuman.”
. . . . . . . .“Sabihin sa akin, tanda,” ani Jaffar, at nag-alab, “saan nakatira ang kagalang-galang na ina ng ating Kalifa, na protektado ng langit?”
. . . . . . . .Napatungo ang matanda, at itinuro sa binata ang landas.
. . . . . . . .Sino sa Baghdad ang hindi nakakikilala sa Araw ng Uniberso, ang dakila, ang bantog na si Jaffar?

Abril 1878

Kuhang retrato ni Jonathan Borba, at hango sa Unsplash.

 

Alagad ng Sining, ni Seamus Heaney

Salin ng “An Artist,” ni Seamus Heaney ng Ireland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alagad ng Sining

Naiibigan ko ang diwa ng kaniyang gálit.
Ang pagmamatigas laban sa bato, ang paggigiit
ng sustansiya mula sa mga lungting mansanas.

Ang paraang siya ay waring ásong tumatahol
sa hulagway ng sariling siya rin ang tumatahol.
At ang pagkapoot sa sariling pagyapos
sa umaandar na tila iyon lang ang gumagana—
ang kagaspangan ng paghihintay na patuloy
ang utang na loob o paghanga, na katumbas
ng pagnanakaw sa anumang pag-aari niya.

Ang paraang namuo’t nanatili ang tibay ng loob
dahil isinagawa niya kung ano ang nasa utak.
Tila bolang bakal na ipinukol ang kaniyang noo
na naglalakbay sa di-nakukulayang espasyo
sa likod ng mansanas at sa likod ng bundok.

Pagkaparool, ni Adonis

Pagkaparoól

ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber).
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Namumuhay ako sa gitna ng apoy at ng sálot
Sa taglay na wika ko—na may píping uniberso.
Namumuhay ako sa hardin ng mansanas at langit
Sa unang pagkagalak at sa unang pagkalungkot
Sa mga bisig ni Eva
Isang maestro ng mga isinumpang punongkahoy
Isang maestro ng mga bungangkahoy,
Namumuhay ako sa gitna ng mga ulap at kidlat
Sa lumalaking bato, sa isang aklat
Na nagtuturo ng mga lihim at ng pagkaparoól.

apple tree nature branch blossom plant farm fruit leaf fall flower orchard food red harvest produce autumn fresh agriculture garden closeup juicy healthy flora season close up outdoors eating detail organic rose hip macro photography picking flowering plant rose family land plant

Kalayaang Huminga ni Aleksandr Solzhenitsyn

salin ng tulang tuluyan ni Aleksandr Solzhenitsyn batay sa saling Ingles ni Michael Glenny
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KALAYAANG HUMINGA

Umulan noong gabi at tumakip ang maiitim na ulap sa himpapawid, at pagbugso-bugsong umambon nang malamig.

Nakatayo ako sa lilim ng punong mansanas na namumukadkad, at huminga. Bukod sa punong mansanas,  ang mga damo’y kumikislap sa hamog; hindi mailalarawan ang mabangong halimuyak na taglay ng simoy. Huminga ako nang malalim hangga’t makakaya, at pumaloob sa katauhan ko ang bango; huminga ako nang nakadilat, at huminga nang nakapikit—hindi ko mabatid kung alin sa dalawa ang nakapagbibigay sa akin ng higit na kaluguran.

Ito, sa paniniwala ko, ang tanging pinakamahalagang kalayaan na hindi mababawi sa atin ng bilangguan: ang kalayaang huminga nang maluwag, gaya ng ginagawa ko ngayon. Walang pagkain sa lupain, ni alak, ni halik ng babae ang higit na matamis para sa akin kaysa simoy na ito na sakay ang halimuyak ng mga bulaklak, ng hamog, ng kasariwaan.

Hindi mahalaga kung ito’y munting hardin lamang, na nababakuran ng tiglilimang palapag na gusaling parang kulungan ng mga hayop. Huminto na akong pakinggan ang putok ng tambutso ng motorsiklo, ang garalgal na tinig ng radyo, ang alingawngaw ng maiingay na ispiker. Hangga’t may sariwang hangin na masasamyo sa lilim ng punong mansanas makaraang umambon, makararaos tayo kahit kaunti.

Bahaghari

Bahaghari, larawan mula sa artsibo ng http://www.photos8.com

Tatlong Tula ni Rolf Jacobsen

Tatlong tula ni Rolf Jacobsen mula sa orihinal na Norwego
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at ibinatay sa saling-Ingles nina Robert Bly at Robert Hedin

Anghel dela Guwardiya

Ako ang ibong kumakampay sa bintana mo tuwing umaga,
ang pinakamatalik na kaibigang mahirap mong mabatid,
ang kumpol ng mga bulaklak na sumisiklab para sa bulag.

Ako ang glasyar na nagniningning sa kahuyan, napakaputla,
at humuhugong na tinig mula sa kampanaryo ng katedral.
Ang diwaing pumapasok sa iyong isip sa tanghaling-tapat,
at nagdudulot sa iyo ng pambihira’t umaapaw na galak.

Ako ang inibig mo nang napakahabang panahon.
Lumalakad ako kasabay mo at matiim na nakatitig sa iyo,
idinadampi nang mataos ang mga labì sa iyong puso
bagaman ni katiting ay wala kang kamalay-malay.

Ako ang iyong ikatlong bisig, ang ikalawang anino,
ang puting hulagway na hindi mo matatanggap,
at ang kabiyak na hindi ka iwawaglit kailanman sa ulirat.

"Pagluluksa kay Icarus" ni Henry James Draper

"Pagluluksa kay Icarus," pintura ni Henry James Draper

Buwan at Mansanas

Kapag yumabong ang punong mansanas,
malimit sumapit ang buwan gaya ng bulaklak,
maputla kaysa alinmang alimbukad,
nagniningning sa ibabaw ng punongkahoy.

Ito ang multo ng tag-araw,
ang puting kapatid ng mga bulaklak na nagbabalik
upang dalawin tayo,
at nagpapalaganap ng kapayapaan mula sa palad
upang hindi ka malungkot kapag may tagsalat.
Dahil ang Daigdig ay bulaklak, aniya,
sa bituing punongkahoy,
maputla na may kumikinang na dagat ng mga dahon.

Kapag sila’y humimbing

Lahat ng tao ay bata kapag nakatulog.
Walang digmaan sa hanay nila.
Ibinubukas nila ang mga palad at humihinga
sa tahimik na indayog na handog ng langit sa kanila.

Ngumingiwi sila gaya ng mga paslit na bata
at ibinubuka nang kalahati ang mga kamay,
maging kawal at estadista, alipin at panginoon.
Nagtatanod ang laksa-laksang bituin
at ang ulop ay tumatakip sa himpapawid
sa sandaling walang sinumang sa kanila’y mananakit.

Kung makapangungusap lamang tayo sa isa’t isa,
kapag ang mga puso natin ay pabuka pa lamang.
Magpapalutang-lutang ang mga salita
gaya ng mga ginintuang bubuyog.
“Diyos ko, ituro sa akin ang wika ng paghimbing.”